Derick Parfan
Maaaring tingnan natin ang buong kuwento ng Bibliya na isang salvation story, isang kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa ating mgaa makasalanan. Ang problema, maraming iba’t ibang maling pananaw o paniniwala tungkol sa kaligtasan:
Ang iba, sinasabi nilang hindi naman talaga natin kailangan ng kaligtasan. Kasi nga, basically good ang tao. So, wala namang parurusahan ang Diyos, wala namang impiyerno. O kung meron man, nakareserved lang ‘yan para sa mga pinakamasahol na mga makasalanan. Related dito yung tinatawag na universalism. Kahit na makasalanan ang tao, pero malaki naman ang awa at pag-ibig ng Diyos, kaya sa bandang huli ay ililigtas din niya ang lahat.
Ang iba naman, pinaniniwalang ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Ito yung works-based salvation. Na kung sumusunod ka sa mga utos ng Diyos, gumagawa ng mabuti sa kapwa, tatanggapin ka ng Diyos at ililigtas. Ang problema, kaya ba talaga ng tao na gumawa ng mabuti in a way na katanggap-tanggap sa Diyos? At isa pa, how good is good enough?
Ang iba naman, licentiousness. Na dahil mahal naman tayo ng Diyos at ligtas na tayo, hindi na natin kailangang gumawa ng mabuti. You can live any way you want, at hindi kailangang alalahanin kung mapapahamak ka ba in the end.
Pero ang biblical Christianity, matatawag na exclusivism. Ibig sabihin, exclusive lang na tanging sa pamamagitan ni Cristo lamang at ng kanyang ginawa sa krus, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya lamang merong ordinary possibility ng kaligtasan. Ito yung plano ng Diyos na isinakatuparan niya sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo para iligtas ang mga makasalanan. At kasama sa pagliligtas na ito ay life transformation.
In a very important sense, ang kaligtasang ito ay maisasalarawan at nasasalamin sa pamamagitan ng pagliligtas na ginawa ng Diyos kay Noah at sa kanyang pamilya. Matatagpuan ang kuwentong ito mula sa Genesis 6:9 (“These are the generations of Noah…”) hanggang sa Genesis 9:29 (“All the days of Noah were 950 years, and he died.”). Nakapaloob sa four chapters na ‘to ang kuwento kung paano inihanda ng Diyos si Noah at ang kanyang pamilya sa pagdating ng malakihang baha sa pamamagitan ng paggawa ng isang arko (na titingnan natin ngayon, Gen 6:9-7:5), pagkatapos ay ang pagdating na ng baha na pumatay sa karamihan ng mga tao at hayop sa buong mundo (Gen 7:6-24), pagkatapos ay ang paglabas na ng pamilya ni Noah mula sa arko (Gen 8:1-19), pagkatapos ay ang pakikipagtipan ng Diyos kay Noah (Gen 8:20-9:17), at ang dulo ay ang pagpapala at sumpang iginawad ng Diyos sa mga anak ni Noah (Gen 9:18-29).
Dito muna tayo ngayon sa paghahanda sa baha sa Genesis 6:9-7:5. Sasagutin natin dito ang four basic questions: (1) sino ang nangangailangan ng kaligtasan; (2) ano ang ipinahayag na plano ng Diyos sa paghatol at pagliligtas; (3) ano ang ipinahayag na paraan ng Diyos sa paghatol at pagliligtas; at (4) ano ang nararapat na tugon sa ipinahayag na plano at paraan ng Diyos. Pangangailangan, plano, paraan, at pagtugon na may kinalaman sa kaligtasan.
Sa pagsagot natin sa mga tanong na ‘to mula sa kuwentong nakapaloob sa teksto natin ngayon, mahalaga rin for us to keep in mind yung four-story approach sa Bible. Apat na bahagi ng kuwento na nakapaloob sa isang malaking Kuwento: (1) una yung kuwento na nasa teksto natin, yung kuwento tungkol kay Noah; (2) ikalawa yung kuwento ng Israel, na sila naman kasi ang unang nakarinig ng kuwentong ito; ano ang intensyon ng sumulat na mensaheng gustong iparating sa kanila; (3) ikatlo yung ang kuwento ni Cristo, kung paanong ang kuwentong nasa teksto natin ay nakaturo, nakakonekta, at nagkaroon ng higit na katuparan sa pagdating ni Cristo; (4) at ikaapat yung kuwento natin ngayon, kung ano ang gusto ng Diyos na paniwalaan natin tungkol sa kanyang karakter at kalooban at kung paano ito dapat bumago sa buhay natin ngayon.
We have to keep that in mind as we seek to answer these four questions:
Una, sino ang nangangailangan ng kaligtasan? Obviously, ang lahat ng tao sa buong mundo. Nakita na natin ‘yan last week, dahil nga sa kasamaan ng tao: “Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito” (Gen 6:5 MBB).
Pero merong nag-iisang taong “naging kalugud-lugod kay Yahweh” (Gen 6:8 MBB), o “nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon” (AB). Si Noah. Ipinagpatuloy naman sa simula ng teksto natin kung sino siya, at ano ang katangian niyang ibang-iba sa lahat ng tao sa buong mundo: “Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos” (Gen 6:9 AB).
Tatlo ang paglalarawan sa kanya dito. Una, “lalaking matuwid,” “a righteous man.” Ibig sabihin, ang buhay niya at ang ginagawa niya ay ayon sa pamantayan ng Diyos kung ano ang mabuti at tama in terms of his relationship with God and other people. Ikalawa, “walang kapintasan noong kapanahunan niya,” “blameless in his generation.” Hindi ibig sabihin perfect siya at wala siyang kasalanan. Ibig sabihin, namumuhay siya in such a way na yung mga taong nakakakita sa kanya ay walang maipipintas sa kanya, walang maisasampang kaso laban sa kanya. He is a man of integrity. Ikatlo, “lumakad kasama ng Diyos,” “walked with God.” Na ang Diyos ay hindi lang peripheral o optional na paminsan-minsan lang na mahalaga sa buhay niya. Meron siyang intimate, close relationship with God araw-araw. Kailangan ba niya ang salvation? Mula sa paparating na baha na ipapadala ng Diyos, yes. Sa pasya ng Diyos, hindi tulad ni Enoch na kinuha ng Diyos at nawala na ang mararanasan ni Noah, bagamat pareho naman silang described as walking with God (Gen 5:24). He is also in need of salvation dahil bagamat matuwid siya kung ikukumpara sa iba, may kasalanan din siya na nararapat ding hatulan ng Diyos.
Ipinakilala rin ang tatlong anak na lalaki ni Noah, na parang isang bagong Adam na meron ding tatlong anak na lalaki: “Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet” (Gen 6:10 AB; una nang ipinakilala sa Gen 5:32). Sila ba, nangangailangan ba sila ng kaligtasan? Obviously, hindi naman sila inilarawan na katulad ni Noah. Kasama rin naman sila sa mga tao sa mundong puno ng kasamaan, na ilalarawan ulit sa verses 11-12.
Pag-uulit lang ito ng verse 5, pero may emphasis na sa “lahat” ng tao sa mundo: “At naging masama (ESV, corrupt) ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan” (Gen 6:11 AB). Baligtad na baligtad ito ng paglalarawan kay Noah. Sirang-sira, bagamat hindi tuluyang nawala, ang “image of God” na siyang taglay ng tao nang likhain siya ng Diyos. Hindi lang paminsan-minsang gumagawa ng masama, kundi palagian. Hindi lang iilang tao ang tulad ni Cain na pumatay sa kanyang kapatid o ni Lamech na ipinagmamalaki ang pagpatay sa isang kabataan, kundi buong mundo ay puno ng karahasan. At hindi nila ito itinatago o maitatago sa mata ng Diyos na nakakakita ng lahat, maging ng puso ng tao: “Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama (corrupt) sapagkat pinasama (corrupted) ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa” (Gen 6:11-12 AB). Ang buong mundo sa panahon ni Noah ay nangangailangan ng kaligtasan dahil ang buong mundo ay nasa ilalim ng makatarungang hatol ng Diyos dahil sa kanilang kasalanan.
Ito ang gusto ng Diyos na makita ng mga Israelita. Sila ay galing sa lahi ni Shem (Gen 11:10-26). Galing naman sa lahi ni Ham ang mga Egyptians na umalipin sa kanila nang mahigit 300 years at ang mga Canaanites na magiging kaaway nila pagdating nila sa Promised Land (Gen 10:6). Hindi nila puwedeng isiping iniligtas sila ng Diyos dahil sila ay matuwid na tulad ni Noah at itong mga kaaway lang nila ang masama. Oo nga’t “wicked” ang mga kaaway nila, pero it doesn’t mean na sila naman ay “righteous”: “Kaya nga’t pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo’y matuwid; ang totoo’y lahi kayo ng matitigas ang ulo” (Deut 9:6 MBB).
Ito rin ang gusto ng Diyos na makita natin, hindi lang ang kasamaan ng ibang mga tao, kundi ang kasamaan ng sarili nating puso. Hindi lang ang mga bayolenteng kriminal, o ang mga kurakot na pulitiko, o ang mga sakim na magnanakaw, o ang mararahas na magsalita ang masama o corrupt, kundi lahat tayo, without exemption. Pati ang mga bata, pati ang mga anak natin, lahat. “Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom 3:12 MBB). ‘Wag nating iisipin na kaya tayo naririto ngayon ay hindi dahil mas matuwid tayo kesa sa iba, o mas deserving tayo ng salvation. Tayo rin, tulad ng lahat ng tao sa buong mundo, ay in desperate need of salvation.
Ito yung gospel connection ng bahaging ito kay Cristo: Lahat tayo ay nangangailangan ng kaligtasang matatamo lamang sa pamamagitan ni Cristo na siyang nag-iisang matuwid. Kung sa panahon ni Noah ay wala ni isa man lang na matuwid na tao maliban kay Noah, gayundin naman, in a greater sense, wala ni isa mang matuwid na tao na namuhay sa mundong ito—sa buong mundo, sa buong kasaysayan—maliban kay Cristo. Not even Noah comes close. Si Cristo lang ang walang kasalanan. Siya lang ang nakasunod sa lahat ng utos ng Diyos—perfectly, with a pure heart. We are in need of salvation—lahat tayo. Si Cristo ang savior na kailangan natin—kailangan nating lahat.
Yung susunod na dalawang questions ay masasagot sa susunod na dalawang major sections ng text, tungkol sa ipinahayag na plano at paraan ng Diyos sa paghatol at pagliligtas. Plano at paraan, hindi naman ganoon kalaki ang pagkakaiba ng dalawang ‘yan—may kinalaman pareho sa gagawin at ipapagawa ng Diyos kay Noah para ma-accomplish ang plano niya. At parehong may kinalaman ito sa paghatol at pagliligtas—judgment and salvation. Merong salvation, kasi merong judgment na parating, so we need salvation from that judgment. And take note, pansinin n’yo, ang Diyos ang nagsasalita all throughout: “Sinabi ng Diyos kay Noe…Sinabi ni Yahweh kay Noe…” (Gen 6:13; 7:1). Walang speaking part si Noah. Actually, hindi lang dito, kundi hanggang sa dulo ng kuwento sa chapter 9, dun lang sa dulo meron. Tinawag naman siyang “preacher of righteousness” sa 2 Peter 2:5. But this story is mainly about God speaking, revealing his plans and his ways. Tulad ng sa creation, napakahalaga rin ng salita ng Diyos sa salvation and judgment. Kapag nagsasalita ang Diyos, make sure you are listening. Malaki ang nakasalalay dito—buhay natin ang nakasalalay dito. So, listen carefully. Yun din naman ang kailangang gawin ni Noah.
Ano ang ipinahayag na plano ng Diyos na gagawin niya? Heto ang sabi niya kay Noah, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig” (Gen 6:13 MBB). Actually, sinabi na niya ang pasya niyang ‘yan sa verse 7, na lilipulin niya ang mga tao at hayop sa buong mundo. But this time, sinabi niya kay Noah, ipinaalam niya kung ano ang plano niya. Ang pagdating ng judgment ng Diyos ay hindi surprise. May pasabi, may paunang announcement. Sinabi niya kung ano ang gagawin niya: “lilipulin ko ang lahat ng tao sa daigdig.” Sinabi niya ang dahilan, makatwiran ang dahilan ng Diyos, “Umabot na sa sukdulan ang kasamaan ng tao.” Ano ang plano niyang gawin? Mas naging specific sa verse 17, “Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa” (Gen 6:17 MBB). Bagamat may pagtatalo kung ang bahang ito ay buong mundo ba talaga ang sakop o isang region lang, maliwanag na kung nasaan may tao at may mga hayop, doon magpapadala ang Diyos ng baha. Kung ang buong mundo ay puno ng kasamaan, buong mundo rin ang lilipulin ng Diyos sa pamamagitan ng baha. Makapangyarihan ang salita ng Diyos sa paglikha, makapangyarihan din ang Diyos sa paglipol ng kanyang nilikha. Nagpapakita rin ito ng haba ng pasensya ng Diyos na tumagal pa nang mahigit 1,500 years bago ibagsak ng Diyos ang parusang ito. Nagpapakita rin ito ng sovereign determination ng Diyos na kung ano ang ipinasya niyang mangyari ay yun nga ang mangyayari. May isang salita ang Diyos. Dapat pakinggang mabuti.
Nakakatakot, yes. Pero the fact na sinabi ito ng Diyos kay Noah, nagpapakita ito na ganyan din kabuti ang Diyos kasi nga may plano siya na iligtas ang ilang tao, at hindi lahat ay mamamatay bagamat lahat ay nararapat lang na parusahan. Ang gusto ng Diyos ay malapit na relasyon kay Noah. Kaya nga sabi niya sa verse 18, “I will establish my covenant with you…” (Gen 6:18). Kay Noah, pero pati pamilya niya ay damay sa blessings na dulot ng covenant na ‘to. This is the first time sa buong Bible babanggitin ang salitang “covenant,” na nagsisignal ng isang prominenteng tema sa buong Bibliya tungkol sa iba’t ibang covenants sa progression ng redemptive history—kay Noah, kay Abraham, kay Moses at sa Israel, kay David, hanggang sa new covenant na lahat ay nagkaroon ng katuparan kay Cristo. Pag-uusapan pa natin ang significance ng covenant na ‘to sa chapter 9.
Siyempre, sa gawa ng Diyos nakasalalay ang katuparan ng planong ito. Pero meron ding kailangang gawin si Noah dahil siya rin ay bahagi ng planong ito. Sa pagitan ng pahayag ng Diyos kay Noah tungkol sa gagawin niyang paglipol sa buong mundo, nagbigay siya ng plano—building plan—para sa “ark” na kailangang gawin para maligtas siya sa baha.
Kaya gumawa ka ng isang malaking barko (sa Hebrew tebah, isang malaking kahon) na yari sa kahoy na sipres (gopher). Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba (literally, 300 cubits, isang cubit ay 450 centimeters), 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. (Gen 6:14-16 MBB)
May planong lipulin ng Diyos ang buong mundo. May planong iligtas si Noah at ang pamilya niya. May kailangang gawin si Noah—a building project—para mangyari yun. Malaki ang ark na gagawin. Tama ang sukat at proportions para hindi lumubog sa tubig. Kailangang gawin eksakto ayon sa sinabi ng Diyos. Ang salitang “ark” sa Hebrew ay tebah, at paulit-ulit na babanggitin hanggang chapter 9. The only other time na ginamit ang salitang ito ay sa Exodus 2. Nang iutos ng hari ng Egypt na ipatapon ang lahat ng ipapanganak na lalaki ng mga Israelita sa Nile River para malunod, sinuway ito ng nanay ni Moses. Nang ipanganak siya, inilagay siya sa isang “basket” (Hebrew tebah) na pinahiran ng alkitran, isang substance na kailangang para “hindi pasukin ng tubig” ang basket (Ex 2:3). Tulad din ng sa ark ni Noah na kailangang pahiran ng alkitran ang loob at labas para i-waterproof ito. Kapag narinig ito ng mga Israelita, nagsisilbi itong paalala kung paano iniligtas ng Diyos si Moses na lider nila na gagamitin ng Diyos para naman sila ay iligtas sa pagtawid sa dagat para hindi sila malunod ng tubig gaya ng nangyari sa mga kaaway nilang Egyptians (Exodus 14).
Tulad ng pagliligtas kay Moses para maligtas ang mga kababayan niya (ang Israel), plano rin ng Diyos na iligtas hindi lang si Noah kundi pati ang pamilya niya, walo silang lahat. At hindi lang sila, kundi pati ang mga hayop. Heto pa ang ipinagawa niya kay Noah para mangyari yun:
Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” (Gen 6:18-21 MBB)
Plano ng Diyos na hindi patayin lahat—kundi manatiling buhay ang pamilya ni Noah, pati ang bawat uri ng hayop. Kaya kailangan na lalaki at babae para mag-reproduce. Kailangan ding magdala sila ng supply ng pagkain para maging provision ng Diyos sa buhay nila araw-araw habang nasa loob ng ark. Ito ang plano ng Diyos—isang bagong nilikha sa pamamagitan ni Noah, ang panibagong Adam na magpapasimula ng plano ng Diyos para sa buong mundo.
At ang planong ito—ang pagliligtas kay Noah at sa kanyang pamilya—ay nagkaroon ng higit na katuparan sa pagdating ni Cristo. Ito yung gospel connection: Plano ng Diyos na tayo’y iligtas (at ilapit sa kanya) sa halip na mapahamak, at ito’y natupad sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus. Ang Diyos ang nagpasya kung sino ang ililigtas niya. Hindi lahat ng tao sa panahon ni Noah, kundi walong tao lang. Pwede pa namang magkasya sa ark yung pamilya ng mga asawa ng mga anak ni Noah, o yung kapatid nung asawa niya, pero bakit mga hayop pa ang pinili ng Diyos na iligtas? Simpleng sagot: hindi dahil better ang pamilya ni Noah kaysa sa ibang pamilya, kundi dahil yun ang pasya ng Diyos, at wala ni isa man sa ating mga tao ang pwedeng magdemand sa Diyos dahil wala naman tayong karapatang maligtas, dahil ang nararapat sa atin ay ang parusa ng Diyos.
Sa habag ng Diyos, nagplano siya kung paano isasakatuparan ang pagliligtas na yun, sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo sa krus, si Cristo na nag-iisang matuwid na siyang itinuring na makasalanan sa krus at umako ng parusang nararapat para sa atin. Nakipagtipan ang Diyos sa kanyang Anak para iligtas ang mga makasalanan—hindi lahat, bagamat sapat para sa lahat ang gawa ni Cristo, kundi ang ilan o maraming pinlano ng Diyos na iligtas.
Ngayong ipinahayag na ng Diyos kay Noah ang plano niya, ano naman ang ipinahayag niyang paraan para maligtas sila? Mas specific, pero ang focus pa rin ay sa gagawin ng Diyos, although siyempre meron din silang kailangang gawin. And take note din, ito ay salita ng Diyos, hindi idea ng tao: “Sinabi ni Yahweh kay Noe…” (Gen 7:1 MBB). Ginamit na ang covenant name ng Diyos, Yahweh, para ipaalala na ang Diyos na nagsasalita rito ay ang Diyos na nagnanais magkaroon ng malapit na relasyon sa kanila. Nagsalita ang Diyos para magligtas at ibalik ang mga makasalanan sa kanya.
May paraan ang Diyos para mangyari yun para kay Noah at sa kanyang pamilya. Ano yung paraang ipapagawa ng Diyos? Sabi niya, utos niya, most likely after matapos na yung paggawa ng ark, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao’y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid” (Gen 7:1). Sinabi ng Diyos ang nakasulat din sa Genesis 6:8, na nakatagpo si Noah ng biyaya sa paningin ng Diyos, at sa verse 9, na si Noah ay matuwid, siya lang sa buong mundo. Sabihin na nating hindi siya nararapat na hatulan ng parusa ng Diyos (although hindi rin naman kasi hindi naman siya perfectly righteous), pero bakit kasama ang pamilya niya, e hindi naman sila righteous sa paningin ng Diyos? Sabi siguro ng asawa niya, “Buti na lang ikaw ang napangasawa ko!” Gayundin ng mga asawa ng mga anak ni Noah. Naligtas sila dahil nakakabit sila kay Noah na matuwid. Naligtas sila dahil paraan ng Diyos yun para matupad din ang pangako niya sa Genesis 3:15. Hindi pwedeng si Noah lang ang matitirang buhay. Kailangang magpatuloy ang lahi hanggang sa pagdating ng anak ng babae na dudurog sa ulo ng ahas.
At ang sumunod na ipapagawa ng Diyos kay Noah ay magpapaalala rin sa mga Israelita kung paano nagpo-provide ang Diyos ng paraan para manatili silang in covenant relationship with God, sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hayop: “Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa” (Gen 7:2-3). Yung mga hayop na malinis at di-malinis ay nagsi-signal sa mga Israelita ng kung ano yung mga acceptable offerings sa Panginoon. Nagpapaalala rin ito na ang pagliligtas ng Diyos ay para sa layunin ng pagsamba at malapit na relasyon sa kanya. Yung mga hayop na ‘to ay bukod pa sa tig-isang pares ng iba’t ibang klase ng hayop. Gagamitin ito paglabas na ni Noah sa ark pagkatapos ng baha, kung saan gagawa siya ng altar na paghahandugan ng hayop, mga burnt offerings (Gen 8:20). Makasalanan din si Noah. Kailangan ang paraan ng Diyos para makalapit siya sa Diyos, so he can continue walking with God.
Ano naman ang ipinahayag na paraan ng Diyos sa paghatol? Nakita na natin ito sa Genesis 6:17, pero dito sa Genesis 7:4, mas detalyado na, may timetable na, “Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” Hindi ito weather forecast ng PAGASA kung kelan uulan at gaano katagal. Ang Diyos ang maylikha ng lahat and he commands nature para gawin ang gusto niya. Eksakto sa oras na sinabi niya, yun ang paraan ng Diyos, na siguradong mangyayari. Sa pamamagitan ng walang tigil na malakas na ulan sa loob ng 40 days, magkakaroon ng malakihang baha, na papatay sa lahat ng may buhay, tao o hayop, na nasa labas ng arko. Hawig ito sa parusa ng Diyos na papatay sa lahat ng panganay sa Egypt, ang ikasampung salot. Mamamatay ang lahat ng nasa labas ng bahay ng mga Israelita, pero maliligtas sila kung mananatili sila at ang kanilang pamilya sa loob ng bahay na may nakapahid na dugo ng tupa sa hamba ng kanilang pintuan.
So, paano tayo maliligtas sa tiyak na parusa ng Diyos? Kailangang maniwala ka sa sinasabi ng Diyos. Na totoong may parusang darating. Hindi lang si Noah, pati ang pamilya niya ay kailangang maniwala na totoo ang sinasabi ng Diyos, and by faith ay pumasok sa arko at magtiwala na yun ang paraan ng Diyos para maligtas sila. Tayo rin naman, kailangang magtiwala ka sa paraan ng Diyos para maligtas—sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo sa krus. That’s the only way na tayo ay maipagkakaisa kay Cristo—by faith in Christ. Heto yung gospel connection: Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay ipinagkaisa kay Cristo at itinuring na matuwid. Tulad ni Noah na “ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos” (Heb. 11:7). Ibig sabihin, don’t presume o akalain na dahil Kristiyano ang parents mo, nakadikit ka sa kanila, o nasa loob ka ng simbahan palagi ay maliligtas ka na automatically. ‘Wag din nating i-assume na mga parents na komo nagho-homeschool tayo, na nagpa-family worship araw-araw, na nagkakatekismo, ay sure na maliligtas na ang anak natin. ‘Wag tayong magtiwala sa mga means of grace na ito; magtiwala tayo sa tanging paraan ng Diyos na maligtas—through faith in Christ. Ipanalangin natin na pagkalooban tayo ng Diyos na pananampalatayang kinakailangan para tayo ay maipagkaisa kay Cristo, and be saved from the wrath that is to come.
Fourth and last question na sasagutin natin: Ano ang nararapat na tugon sa ipinahayag na plano at paraan ng Diyos?
Ganito naman ang binigyang-diin sa tugon na ginawa ni Noah sa dalawang bahagi ng ipinahayag ng Diyos sa teksto natin. Sa unang bahagi, pagkatapos sabihin ng Diyos ang plano niyang gawin at kung ano ang ipapagawa niya kay Noah, “At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos” (Gen 6:22 MBB). Hindi lang ilan, kundi lahat ng ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya. Sa sumunod naman, ganun din, “At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh” (Gen 7:5). Hindi lang ilan, kundi lahat ng sinabi ng Diyos, eksakto, walang kulang, walang bawas, walang palusot, walang excuses. Lahat ng ginawa niya, “ayon sa utos ng Diyos…ayon sa utos ng Diyos” (Gen 7:9, 16). ‘Yan ang obedience na nais ng Diyos na gawin natin in response sa salita niya, in response sa mabuting balita ng kaligtasan na natamo natin kay Cristo.
Ang pagsunod ni Noah ay hindi ang basehan kung bakit siya iniligtas o itinuring na matuwid. Ang pagsunod ni Noah ang bunga o ebidensya na siya nga ay matuwid, walking with God, at nagtitiwala sa mga salita ng Diyos. Ang totoo rin, hindi naman kayang gawin lahat ‘yan ni Noah. Ang Diyos din ang tutulong para magawa yun. Siya din ang magpapadala ng mga hayop na isasakay. Siya din ang magpoprovide ng materyales sa project. Siya din ang magbibigay ng lakas at tiyaga kay Noah sa gagawin niya. Siya na nagsalita sa paglikha at nangyari ang lahat, “And God said…and it was so,” na paulit-ulit sa Genesis 1.
In a similar way, nang ibigay rin ng Diyos ang Sampung Utos sa mga Israelita sa Mt. Sinai (Exodus 20), ang pagsunod na nais ng Diyos ay pagsunod sa lahat ng utos niya. Hindi ito ang basehan ng kaligtasan nila, kundi bilang tugon sa pagliligtas na ginawa na ng Diyos nang palayain sila mula sa pagkakaalipin sa Egypt.
Ganun din sa ating mga Kristiyano. Hindi lang natin narinig ang gospel. The gospel transforms us: Ang bunga ng tunay na pananampalataya ay pagtitiwala sa salita ng Diyos at pagsunod sa kanyang mga utos. Tulad ni Noah, “Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas” (Heb. 11:7). Hindi mo pwedeng i-claim na sumasampalataya ka at isa sa mga naligtas na kung hindi naman ‘yan nakikita sa pagtitiwala mo sa salita ng Diyos, kung wala naman ‘yang bunga ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Totoong hindi tayo naligtas sa pamamagitan ng pagsunod natin, kundi ng gawa ni Cristo. Pero kung hindi tayo susunod mapapahamak tayo. Kung hindi sumunod si Noah, kung hindi sumunod ang pamilya niya, malulunod din sila sa baha. Hindi sapat na tumatawag ka lang sa pangalan ng Panginoon para makapasok sa kaharian ng Diyos kung nagpapatuloy ka naman sa paggawa ng kasalanan. Sa araw ng paghuhukom, sasabihin sa ‘yo ng Panginoon, “Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan” (Mat 7:23 MBB). Kung nakikinig ka ng salita ng Diyos, pero hindi mo naman sinusunod, sabi ng Panginoon, para kang “isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak” (Mat 7:26-27). Ganyan ang mangyayari sa mga hindi sasampalataya at hindi susunod kay Cristo: “mananatili sa kanya ang poot ng Diyos” (John 3:36).
Ngayon, sa ipinahayag ng Diyos na plano at paraan niya para iligtas si Noah at ang kanyang pamilya, itinatama ang mga maling paniniwala natin tungkol sa kaligtasan. Ang kaligtasan ay hindi para sa lahat. Ito ay ayon sa malayang pagpapasya at plano ng Diyos. Hindi natin kayang iligtas ang sarili natin. Ang Diyos ang gumawa sa pamamagitan ni Cristo para tayo ay maligtas. Pero hindi ibig sabihin na wala tayong tugon na gagawin. Kailangan nating sumampalataya kay Cristo at sa kanyang ginawa para sa atin. At yun naman ay nagbubunga ng patuloy na pagtitiwala at pagsunod sa mga utos ng Diyos.
At higit sa lahat, itinatama nito ang pananaw natin na para bang ang kaligtasan ay tungkol sa atin. No. It is not even about Noah, kahit na bidang-bida ang kanyang karakter dito. Tungkol saan o tungkol kanino ba talaga ang kaligtasan? Hindi tungkol sa iniligtas, kundi tungkol sa nagligtas. Ni hindi nga nagsalita si Noah sa kuwentong ito. Ang Diyos ang nagsasalita. Ang Diyos ang nagpaplano. Ang Diyos ang nagsasakatuparan ng plano. Ang Diyos ang nag-uutos. Ang Diyos ang humahatol. Ang Diyos ang nagpaparusa. Ang Diyos ang nagliligtas. Ang Diyos ang makatarungan, mahabagin, at malayang pumili kung sino ang ililigtas niya.
Ito ang kuwento ng pagliligtas ng Diyos. Ang buong Bibliya ay kuwento ng plano ng Diyos na iligtas ang mga makasalanan, at ito ay natupad sa pamamagitan ni Cristo na Anak ng Diyos. At ang kaligtasang ito ay ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng pagkilos ng Espiritu ng Diyos. Ito ay tungkol sa Diyos. This is God’s Story. Siya ang Bida, hindi ikaw, hindi ako.