Derick Parfan
Tama naman na concern tayo sa mga nangyayari sa buhay natin, sa pamilya natin, sa church natin. Pero aminin natin, ang liit ng mundo natin, na para bang ang mga bagay na concern tayo ay yung mga bagay lang na merong immediate na epekto sa buhay natin. Hindi natin gaanong iniisip ang mga tao sa ibang lugar sa mundo, lalo pa’t feeling natin ay hindi naman natin sila kaanu-ano. Hindi natin sila pinagpe-pray, o intentional na gumagawa ng paraan paano mapapadala sa kanila ang mabuting balita ni Cristo. Short-sighted din ang pagtingin natin sa buhay natin. Sa tingin natin yung mga nakaraang taon lang ang mahalaga, o yung ilang mga taong lumipas na pinagdaanan ng pamilya natin o nung church natin. We don’t think so much kung paano ba nakakaapekto sa buhay natin ang mga nangyari 500 years ago, o 3,000 years ago. Masyado nang malayo ‘yan, masyado nang malawak kung pag-uusapan natin ‘yan.
But, we have a big God—sakop niya ang buong mundo, sakop niya ang buong kasaysayan. Nawawala sa isip natin ‘yan kasi selective din tayo sa approach natin sa Bible reading. Pinipili lang natin yung sa tingin natin ay mas madaling intindihan o merong immediate practical relevance sa atin. Pero may tendency tayo na laktawan yung mga medyo mahirap basahin, o sa tingin natin ay irrelevant passages sa Bible tulad ng Genesis 10 na pag-aaralan natin ngayon. Okay pa yung Genesis 6-9 tungkol kay Noah at sa baha. Okay pa yung kasunod sa Genesis 11:1-9 na tungkol sa nangyari sa Tower of Babel. Pero Genesis 10, na puro listahan ng mahigit pitumpung pangalan?
Ang isang solution sa ganitong tendency natin sa selective Bible reading ay yung expositional preaching na ginagawa natin sa Genesis 1-11, sunud-sunod, tuluy-tuloy na pag-aaral, walang nilalaktawan. Pinapakinggan kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos, sa bawat talata, sa bawat yugto ng kuwento, kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa sarili niya, tungkol sa plano niya, tungkol sa katuparan ng plano niya, at tungkol sa implikasyon ito sa sa buhay natin.
Yes, may implikasyon sa buhay natin ang Genesis 10, na hindi lang basta listahan ng mga bansa sa buong mundo, kundi genealogy o kasaysayan ng pinagmulan ng mga tao, partikular na ng Israel na siyang unang nakarinig o nakabasa nito. Yun nga ang ibig sabihin ng Genesis, “ang simula,” kaya ang ganito ang mababasa natin sa simula, “In the beginning God created the heavens and the earth” (Gen 1:1). Tapos, merong sampung toledot sections na nagbubukod sa mahahalagang bahagi ng Genesis. Ang ilan ay nadaanan na natin: “These are the generations (toledot) of the heavens and the earth when they were created, in the day that the Lord God made the earth and the heavens” (Gen 2:4); “This is the book of the generations (toledot) of Adam” (Gen 5:1) (buong chapter 5, genealogy din); “These are the generations (toledot) of Noah” (Gen 6:9). Then sa simula ng chapter 10, “These are the generations (toledot) of the sons of Noah, Shem, Ham, and Japheth” (Gen 10:1). At yung huli sa series natin ay sa Genesis 11, “These are the generations of Shem” (Gen 11:10). So, obviously, mahalaga sa Israel ang kasaysayang nakapaloob sa listahan ng mga pangalang ito para maalala nila kung saan sila nagmula, kung paano gumawa ang Diyos para pagpalain sila, kung paano nila titingnan ang mga nangyayari sa buhay nila.
At kung Genesis 10 ang pag-uusapan, actually, hindi lang ito para sa Israel. Bakit? Kasi lahat ng tao dito nagsimula. Tayo ring mga Filipino dito nagsimula, although hindi natin alam exactly kung saan diyan. Hindi na yun ang pinakamahalaga. Ang mahalaga, maintindihan natin ang tekstong ito in context, sa context ng Genesis 1-11, sa context ng kasaysayan ng Israel na nakasulat sa Old Testament, sa context ng fulfillment nito kay Cristo, sa context ng relasyon na meron tayo kay Cristo, at sa kung paano tayo ngayon mamumuhay in light of that. That’s our approach or strategy para higit na maunawaan natin ang sinasabi dito, at kung mauunawaan natin, we will surely benefit from this part of God’s holy and gracious Word for us.
Para mangyari yun, basahin muna nating mabuti. Sa pagbabasa, pansinin din natin ang five major sections nito na nagpapakita ng pagkakalatag ng structure o balangkas nito.
Ang una ay ang introduction. “Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha” (Gen 10:1).
Ang unang bahagi pagkatapos ng introduction ay ang listahan ng mga anak at apo ni Japheth, ang ikalawang anak ni Noah.
Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. 3 Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. 4 Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim. 5 Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa’y nagkaroon ng sariling lupain at wika. (Gen 10:2-5)
Ang sumunod ay ang mga anak ni Ham, ang bunsong anak ni Noah na nag-dishonor sa kanya sa previous chapter (Gen 9:22), pati na ang mga lahing nagmula sa kanya.
Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. 7 Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. 8 Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. 9 Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: “Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh.” 10 Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. 11 Mula rito’y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale 12 at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod. 13 Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, 14 gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo. 15 Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. 16 Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 17 Hivita, Araceo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. 19 Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. 20 Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba’t ibang lupain at naging iba’t ibang bansa na may kani-kanilang wika. (Gen 10:6-20)
Ang panghuling binanggit ay ang lahing galing kay Shem, bagamat siya yung una at panganay na anak ni Noah.
Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber. 22 Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. 23 Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. 24 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. 25 Dalawa ang anak ni Heber: ang isa’y tinawag na Peleg, sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. 26 Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. 30 Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. 31 Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa. (Gen 10:21-31)
Finally, nagtapos ang chapter na ‘to with a concluding summary, “Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha” (Gen 10:32).
After reading slowly, bago tayo magkaroon ng mga reflections sa theology na itinuturo ng text na ‘to, pansinin muna natin ang ilang literary features na makakatulong sa atin para malaman kung ano ang ine-emphasize ng chapter na ‘to.
Una, pansinin natin yung bookends ng chapter, yung simula at yung dulo. Sa simula, Ito yung mas literal na salin, “Ang mga ito ang mga salinlahi ng mga anak ni Noe: sina Sem, Ham, at Jafet: at sila’y nagkaanak pagkaraan ng baha” (Gen 10:1 AB). Yung mga anak ni Noah nagkaanak, at yung mga anak nila nagkaanak din. Katuparan ito ng creation mandate ng Diyos na inulit niya kay Noah at sa mga anak niya, “And you, be fruitful and multiply, increase greatly on the earth and multiply in it” (Gen 9:7). Ayon sa Genesis 1:28; 9:1, hindi lang layon ng Diyos na magpakarami ang tao, kundi punuin nila ang buong mundo, “fill the earth,” “punuin ninyo…ang buong daigdig.” ‘Yan ba ang nangyari? Sa dulo ng chapter 10 ganito ang nakasulat, “Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha” (Gen 10:32 MBB). Nangyari kung ano ang plano ng Diyos na mangyari.
Ikalawa, pansinin din natin yung repetitions. Kapag may inuulit-ulit, hindi ibig sabihin na makulit, kundi importante, for the sake of emphasis. At sa dulo ng tatlong major sections sa gitna ng bookends na nakita natin, magkakahawig ang nakasulat. Sa dulo ng section tungkol sa lahi ni Japheth (Gen 10:2-5): “Sa mga ito nahati ang mga pulo ng mga bansa sa kanilang mga lupain, ang bawat isa ayon sa kanyang wika, sa kanilang mga angkan at mga bansa” (Gen 10:5 AB). Sa dulo ng section tungkol sa lahi ni Ham (Gen 10:6-20): “Ito ang mga anak ni Ham ayon sa kanilang angkan, wika, mga lupain, at kanilang mga bansa” (Gen 10:20). Sa dulo ng section tungkol sa lahi ni Shem (Gen 10:21-31): “Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanilang angkan, wika, lupain, at bansa” (Gen 10:31). Kanya-kanya at magkakaibang “angkan, wika, lupain, bansa.” Paulit-ulit ‘yan. Bagamat magkakapareho ang pinagmulan ng sangkatauhan, mula kay Adam, mula kay Noah, sa pagkalat ng tao ay nagkaroon ng pagkakaiba-iba. Kasama rin ‘yan sa plano ng Diyos. Makikita natin sa Genesis 11 kung paano ‘yan nangyari.
Ikatlo, pansinin natin yung proportion ng haba na inilaan sa bawat section. Yung pinakamahaba, yung sa gitna, yung lahi ni Ham (Gen 10:6-20). Siya ang bunso, siya ang nag-dishonor sa tatay niya sa previous chapter, at yung anak niyang si Canaan ang tumanggap ng sumpa. So sa mahabang section na ‘to, ipinakita kung sinu-sino yung mga lahing manggagaling kay Canaan na eventually ay sasailalim sa paghatol ng Diyos at magiging kaaway rin ng Israel, ang bayang pinili ng Diyos. Maging ang mga bansang nagrerebelde sa Diyos ay sakop pa rin ng lawak ng plano ng Diyos sa buong mundo.
Ikaapat, pansinin natin na inilagay sa hulihan ng listahan ang lahi ni Shem (Gen 10:21-31). Siya pa naman ang panganay, at ine-expect natin na dapat ay nasa unahan. Pero ito rin ay for the sake of emphasis dahil itutuloy itong listahan ng lahi ni Shem sa ikalawang bahagi ng chapter 11, na siyang magsisilbing tulay sa panibagong yugto sa kuwento ng Genesis, yun nang tungkol sa lahi ni Abraham, na siyang panggagalingan ng lahi ng Israel. Sa paglalagay sa hulihan ng chapter 10, dine-designate na sa lahi ni Shem manggagaling ang lahing pinili ng Diyos para maging instrumento niya sa katuparan ng kanyang plano para sa buong mundo.
Ikalimang kailangan nating pansinin ay yung ilang mga pangalan na binigyan ng additional emphasis, hindi tulad ng ibang pangalan na basta binanggit lang. Tulad ni Nimrod, “Cush fathered Nimrod; he was the first on earth to be a mighty man (Heb. gibbor, warrior). He was a mighty hunter before the Lord (Yahweh). Therefore it is said, ‘Like Nimrod a mighty hunter before the Lord (Yahweh)’” (Gen 10:8-9). Dalawang beses binanggit yung “before Yahweh.” Although hindi tayo sure kung yun ba ay positive, tulad ng salin sa Tagalog, “dahil sa tulong ni Yahweh,” o kaya ay negative, na para bang yung lakas at husay niya ay ipinagmamalaki niya. Dahil ito ay nasa section ng pinanggalingan ng mga kaaway ng Israel, most likely ito ay negative. Na itong si Nimrod ay nagre-represent sa mga bansang kaaway ng Diyos, na ipinagmamalaki ang kanilang military power at accomplishments na para bang sila ay invincible. This reminds us of Lamech—na anak ni Cain na pumatay sa kanyang kapatid na si Abel—na ipinagmamayabang naman yung kanyang lust for violence (Gen 4:23-24). Yung argument na negative ang portrayal kay Nimrod ay supported din ng sumunod na verse, “The beginning of his kingdom was Babel, Erech, Accad, and Calneh, in the land of Shinar” (Gen 10:10). Ang focus ay ang sarili niyang kingdom sa halip na sa Diyos na siyang Hari ng lahat. At yung “Babel” na binanggit ay malalaman natin sa chapter 11 na negative ang nangyari dahil sa kanilang pagrerebelde sa layunin ng Diyos.
Isa pang important key figure na binanggit ay yung mga Canaanites, hindi lang isang tao ang binanggit na pangalan kundi yung buong lahi na, kasama ang mga Jebusites (na nakatira sa Jebus o Jerusalem, later on ay significant ‘yan sa history ng Israel), Amorites, Girhashites, Hivites, etc. (Gen 10:16-18)—listahan ng mga bansang kinabibilangan ng mga magiging kaaway ng Israel.
Another key figure ay si Eber, na posibleng pinagmulan ng bansag ng ibang tao sa mga taga-Israel—Hebrews. Tulad ni “Abram the Hebrew” (Gen 14:13), ganito rin ang tawag ng mga Egyptians sa lahi ni Israel (Gen 43:32; Ex 1:15). Obviously, tine-trace na simula kay Eber yung chosen line na panggagalingan ng anak ng babae na dudurog sa ulo ng ahas (Gen 3:15). Mula kay Eber, patungo sa isa sa anak nito, si Peleg, na ipinaliwanag yung pangalan, “sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay (sa Hebrew katunog ng Peleg) ang mga tao sa daigdig” (Gen 10:25). Posibleng ito ay pahiwatig ng pangyayari na nakasulat sa Genesis 11. So maliwanag na itong pagha-highlight ng mga key figures dito ay nag-iindicate ng magkahiwalay na linya ng tao, ang mga lahing nagrerebelde sa Diyos at nasa ilalim ng kanyang paghatol at ang lahing pinili niyang pagpapalain at pagmumulan ng Tagapagligtas na magiging pagpapala sa buong mundo.
Ang ikaanim at panghuling literary feature na dapat nating pansinin ay yung bilang ng mga lalaki at lahing nagmula kina Shem, Ham, at Japheth, —14 from Japheth, 30 from Ham, 26 from Shem—a total of seventy nations. Ang 70 ay 7 times 10, dalawang numbers na karaniwang nagre-represent sa “perfection” o “completion” sa Bible. So, ang listahan, ang “table of nations,” na matatagpuan natin sa chapter na ‘to ay nagpapahayag ng perpektong Diyos na gumagawa para kumpletuhin ang kanyang layunin para sa buong mundo.
God works everything perfectly according to his perfect plan, fulfilling his glorious and global purposes. Ito ang overarching theological significance na matututunan natin dito. In short, God is sovereign. Malawak ang usapin tungkol sa pagiging sovereign ng Diyos. Pero magha-highlight lang ako ng anim na bagay tungkol dito na makikita natin sa text natin, hindi man direkta, pero implied sa connection din nito sa buong kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa Bibliya. Ang key background question na makakatulong sa atin sa reflection na ito ay may kinalaman sa layunin ng Diyos sa paglikha na inulit kay Noah pagkatapos ng baha: “Be fruitful and multiply and fill the earth.” Mangyayari ba talaga ang plano ng Diyos na punuin ang buong mundo ng mga tao (created in the image of God) na magdadala at magpapakilala at magtatanyag ng dakilang pangalan ng Diyos? O, ang planong ito ay mafu-frustrate ng mga taong kumakalaban sa plano ng Diyos? Ang sagot sa unang tanong, yes, mangyayari ang plano ng Diyos. Ang sagot sa ikalawang tanong, no, hindi ito mahahadlangan ng tao. Dahil nga, God is sovereign.
Una, God is sovereign in the unfolding of human history. Nagsimula sa kaunti after the flood, dumami nang dumami ang mga ipinanganak at ang mga ito’y “lumaganap sa buong daigdig” (Gen 10:1, 5, 20, 31, 32). Hindi ito nangyari nang biglaan, kundi sa paglipas ng panahon, sa pagdaloy ng kasaysayan. God is sovereign, siya ang nagpasya kung saang bahagi ng kasaysayan tayo lilitaw, at kung saang bansa tayo titira. “Mula sa isang tao’y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula’t simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan” (Acts 17:26). Ang Diyos ang nagtakda na sa panahong ito, sa bansang ito, dito tayo ipapanganak at titira. Ang mga nangyayari sa kasaysayan ay hindi ultimately nakasalalay sa plano ng tao kundi sa plano ng Diyos: “The Lord brings the counsel of the nations to nothing; he frustrates the plans of the peoples. The counsel of the Lord stands forever, the plans of his heart to all generations” (Ps 33:10-11). Hindi rin mga hari o mga presidente ang nagdidikta ng magiging takbo ng kasaysayan: “Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan” (Dan 2:21).
Ikalawa, related din sa una, God is sovereign in ruling over all the nations. Ang 70 nations na nakalista sa Genesis 10 ay nagre-represent ng buong mundo. Ang Diyos ay Haring namamahala hindi lang sa isang bansa, hindi lang sa Israel, kundi sa lahat ng mga bansa. Ang Diyos ang naglagay ng boundaries ng mga teritoryo ng mga bansang ito: “Nang ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain, nang ang mga bansa’y kanyang hati-hatiin, mga hangganan nito’y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya” (Deut 32:8). Yun ang ibig sabihin ng pagiging Hari ng Diyos, siya ay sovereign in ruling all nations: “Sapagkat sa Panginoon (kay Yahweh) ang kaharian, at siya ang namumuno sa mga bansa” (Ps 22:28AB); “Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa; ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono” (Ps 47:8 AB). Walang sinumang hari ang pwedeng pumalit sa kanya. Tinangka na ‘yan ni Satanas. Tinangka na ‘yan ng mga aroganteng hari sa kasaysayan. Si Nimrod sa Genesis 10 ang nagre-represent sa mga taong sinisikap na maging dakila at makapangyarihan kapantay o higit sa Diyos. Pero walang sinuman ang magiging successful sa pagkukudeta laban sa paghahari ng Diyos. Maging ang lakas, talino, kapangyarihan ng tao ay galing din naman sa Diyos.
Ikatlo, bilang Hari, hindi niya babalewalain ang pagrerebelde laban sa kanya: God is sovereign in executing his judgment against the nations. Totoong walang sinabi sa Genesis 10 na gagawin ito ng Diyos. Pero ipinapahiwatig na ito sa pagpapakilala sa mga bansang makikilala sa later part ng history dahil sa kanilang kasamaan—tulad ng Egypt, Canaan, Babylon (Babel), Assyria/Nineveh, Philistines, Sodom, Gomorrah. Yung mga “Amorites” sinabi ng Diyos kay Abraham na babalik ang lahi niya sa Canaan kapag naging sukdulan na ang kanilang kasamaan (Gen 15:16). Gagamitin ng Diyos na instrumento ang Israel para hatulan ang mga taon sa lupaing iyon: “the land of the Kenites, the Kenizzites, the Kadmonites, the Hittites, the Perizzites, the Rephaim, the Amorites, the Canaanites, the Girgashites and the Jebusites” (Gen 15:18-21). Utos ng Diyos sa Israel noong malapit na silang pumasok sa Canaan, “Lipulin ninyo silang lahat” (Deut 7:1-2); “…wala kayong ititirang buháy. Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos” (Deut 20:16-17). Later on sa mga prophets, nagpahayag ang Diyos ng words of judgment laban sa mga bansa tulad ng Babylon, Moab, Syria, Cush, Egypt, Tyre and Sidon, Philistia, Amon, Edom, at sa buong mundo (Isaiah 13-24; Jeremiah 46-51).
In light of God’s judgment, nananawagan siya “sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi’t talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan” (Acts 17:30-31). Sa araw na yun, ang Panginoong Jesu-Cristo, ang Hari, ang magiging Hukom na maggagawad ng hatol ng Diyos.
Nakakatakot ang parusa ng Diyos. Pero nasa Diyos pa rin ang pag-asa natin. Ikaapat, God is sovereign in setting apart a people for his redemptive purposes. Mula sa mga anak ni Noah, pinili at ibinukod niya si Shem. Mula kay Shem, si Arpachshad, then si Shelah, then si Eber, then si Peleg (Gen 10:21-31; 11:10-26, then eventually si Abram na pinangakuan ng Diyos, “I will bless you” (Gen 12:1-3), na pinangalanan na Abraham, na pinagmulan ni Isaac, then ni Jacob, na pinangalanang Israel, ang pinagmulan ng bansang pinili ng Diyos at minahal ng Diyos (Deut 7:6-8). Dahil ba mas matuwid sila kaysa sa ibang bansa? No. “Ipinakilala ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao” (Rom 9:11). Malaya ang Diyos na piliin kung anong bansa ang ibubukod niya para pagpalain, kung sinong tao ang gusto niyang kaawaan at iligtas.
Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. (Rom 9:15-16)
Hindi pa tapos itong genealogy sa Genesis 10. Ang dulo nito—yung sinusubaybayan ng kuwento ng Bibliya na anak ng babae na darating para durugin ang ulo ng ahas (Gen 3:15)—ay nakay Cristo. Kaya nga may genealogy ni Cristo sa Matthew 1 at Luke 3. Para i-announce, “Heto na, dumating na ang pinakahihintay ng lahat!” Tulad ni Simeon, nang makita niya si Jesus na isang sanggol na ihahandog sa templo, siyang “naghihintay sa kaaliwan ng Israel” (Luke 2:25 AB) ay nagpuri sa Diyos, “My eyes have seen your salvation that you have prepared in the presence of all peoples, a light for revelation to the Gentiles, and for glory to your people Israel” (Luke 2:30-32). Ah, hindi lang para sa Israel ‘yan. Good news sa atin kasi para din sa mga Gentiles (mga hindi kabilang sa lahi ng Israel) tulad natin. Tayo rin pala ay pagpapalain ng pagliligtas ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya (Gal 3:8, 16). Ang mga lahing nagsimula sa isang pamilya sa Genesis 10, na nagkahiwa-hiwalay, ay muling magiging isa: “for you are all one in Christ Jesus” (Gal 3:28). Yun ay nangyari dahil sa pamamagitan ng dugo ni Cristo (Eph 2:12-13), ng ginawa ni Cristo sa krus para tubusin ang kasalanan hindi lang ng Israel, kundi ng buong mundo.
Kung ang sakop ng plano ng Diyos sa simula’t simula pa ay buong mundo, tulad ng nakita natin sa Genesis 10, ganun pa rin ngayon. Walang revision, walang amendment sa plano ng Diyos. Pinagpala ng Diyos si Abraham at ang lahi ni Abraham hindi para solohin nila yung blessing na yun. Ang pangako ng Diyos, “In you all the families of the earth shall be blessed” (Gen 12:3). Sa plano ng Diyos, lahat ng mga bansang nakalista sa Genesis 10, tulad ng Egypt at Assyria, ay makakakilala sa Diyos, sasamba sa Diyos, at pagpapalain ng Diyos (Isa 19:21-23). Ang mga bansang ito ay makakarinig tungkol sa kadakilaan ng Diyos, “And they shall declare [his] glory among the nations” (Isa 66:19-20). The day will come that “the earth will be filled with the knowledge of the glory of the Lord as the waters cover the sea” (Hab 2:14).
Nang pumarito ang Panginoong Jesus, pumili siya hindi lang ng labindalawang apostol—to represent Israel—kundi pati ng 70 (or 72) sa Luke 10 na pinahayo niya at sinabing, “The harvest is plentiful” (Luke 10:2), kasi nga buong mundo ang sakop ng plano ng Diyos. Kaya inatasan ang church “to make disciples of all nations” (Mat 28:19). Ito ang kailangang mangyari—yung global plan ng Diyos—bago dumating ang katapusan ng kasaysayan, “And this gospel of the kingdom will be proclaimed throughout the whole world as a testimony to all nations, and then the end will come” (Mat 24:14). Ang plano ng Diyos ay maabot ng pagliligtas niya ang buong mundo, ang buong mundo na nasa ilalim ng hatol ng Diyos. Ibinukod niya ang Israel “from the world for the sake of the world.” Sakop ng awa at pagtanggap ng Diyos ang lawak ng buong sangkatauhan, para sa lahat ng magsisisi at magtitiwala kay Cristo (ESV Gospel Transformation Bible).
‘Yan ang ibig sabihin na God is sovereign: God works everything perfectly according to his perfect plan, fulfilling his glorious and global purposes. Ano ngayon ang mga implications nito sa buhay natin? Marami. Tingnan lang natin ang apat:
Kung relasyon sa Diyos ang pag-uusapan, bakit nga naman sasambahin ng Israel ang mga dinidiyos ng mga bansang pinanggalingan nila o pupuntahan nila. That’s idolatry. Samantalang meron lang nag-iisang Diyos na siyang Hari at namamahala sa lahat ng mga bansa? Bakit nga naman tayo titingala at titingin sa mga taong sa tingin natin ay makapag-aahon sa atin sa kahirapan o kalungkutan o kasalanan—political idols man ‘yan, sexual o relational idols, o material idols? Samantalang isa lang ang Hari at Tagapagligtas—si Cristo lang wala nang iba. Deserving siya na Hari ng buong Mundo ng buong puso nating pagsamba.
Kung relasyon naman sa iba ang pag-uusapan, hindi pwedeng isipin ng Israel na sila ay mas superior o mas righteous kaysa sa ibang lahi kaya sila ibinukod at itinuring na espesyal ng Diyos. Tayo rin naman, kung ikaw ay nakay Cristo ngayon, pinili kang iligtas ng Diyos, biniyayaan at pinagpala ng Diyos nang limpak-limpak dahil kay Cristo, ano ang maipagmamalaki natin? Ang mga katotohanang ito ay dapat na mag-udyok sa atin na lalo pa ngang magpakababa. “Let the one who boasts, boast in the Lord” (1 Cor 1:31).
Kung ang pagharap naman sa future ang pag-uusapan, bakit katatakutan ng Israel ang pagpasok sa Canaan kahit na malalakas ang mga taong kakalaban sa kanila, kung ang nakaraan nila ay nasa kamay ng Diyos? Past, present, future, lahat ng nangyayari sa buhay natin, lahat ng bahagi ng kasaysayan ay nasa kamay ng Diyos. Ano ang ipag-aalala mo? Ang kumpiyansa natin ay nasa Diyos na may hawak ng lahat-lahat. Nothing is out of control. We have a sovereign God. You can rest, you can rest in him.
At kung relasyon sa mundo naman ang pag-uusapan, hindi pwedeng isipin ng Israel na ang pagpapala ng Diyos ay sa kanila lang, at etsapuwera na ang ibang lahi. No. They were blessed to be a blessing to the nations. Tayo rin, pinagpala tayo ng kaligtasan kay Cristo para maging pagpapala sa iba. Hindi lang sa pamilya natin, hindi lang sa kapitbahay natin, hindi lang sa church natin, hindi lang sa kababayan natin. Pati sa mga Muslim na nasa Baliwag, sa Taguig, sa South Cotabato. Kaya ipag-pray natin ang mga people groups na hindi pa naaabot ng gospel—Uyghur sa China, Bania sa India, Pashtun sa Pakistan, at marami pang iba. Hindi tayo dapat maging “tribal” na ang concern lang natin ay ang sarili nating people group. Tayong mga Kristiyano ay dapat merong missional mindset dahil ang sakop ng layunin ng Diyos ay ang buong mundo, namatay si Cristo para sa buong mundo, at ikinalat at isinugo niya ang kanyang iglesya sa buong mundo.
So, no more excuses for our unbelief and disobedience. Hindi na natin pwedeng gawing excuses yung kulang ang resources natin, limitado ang magagawa natin, ordinaryo lang tayong tao, na marami tayong pagkakamali na nagagawa, o marami na tayong pinoproblema, o yung gobyerno natin kasi, o maraming uncertainties sa future. Meron tayong Diyos na siyang pinagmulan ng buhay natin, ng kalakasan natin, ng kaligtasang meron tayo through the Lord Jesus Christ, at siya ring magbibigay ng lahat ng resources na kailangan natin—especially the power of the Holy Spirit inside us—para makibahagi sa katuparan ng layunin ng Diyos para sa buong mundo. Kung tutuusin kaya namang gawin nang Diyos ang lahat ng ‘yan without your help. Pero gusto ng Diyos, kasali ka, kasali ako, kasali ang church natin. Panahon na para lawakan natin ang pananaw at ambisyon natin sa buhay dahil ang Diyos natin ay Diyos na saklaw ang buong mundo, ang buong kasaysayan.