Derick Parfan
Kapag malapit na ang araw ng kasal mo, siyempre pinaghahandaan mong mabuti ‘yan. Kapag may paparating na bagyo, meron ka ring paghahanda na ginagawa. Kapag may darating na bisita, naghahanda ka rin. Kapag magka-college na ang anak mo, pinaghahandaan mo rin ‘yan. Kapag malapit nang manganak ang asawa mo, pinaghahandaan din. Kapag may pinapangarap kang bahay, pinaghahandaan mo rin. Tama namang paghandaan natin ang mga bagay na ‘yan. Pero kung hindi man tayo masyadong nakapaghanda, merong mga implikasyon pero hindi naman ganun kaseryoso ang implications. Hindi rin naman ganun kasigurado kung mangyayari nga o kung ano ang kahihinatnan ng mga bagay na pinaghahandaan natin.
Pero may higit na mahalagang bagay na dapat nating paghandaang mabuti—ang pagdating ng araw ng kamatayan natin at ang pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo. Parehong hindi natin alam ang eksaktong petsa kung kelan darating. “Kaya’t maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon” (Mt 24:42 MBB). Darating siya “sa oras na hindi ninyo inaasahan” (Mt 24:44). Pero siguradong darating, at seryoso ang implikasyon niyan. “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom” (Heb 9:27). Tulad ng kino-confess natin sa Apostles’ Creed, “Siya ay darating upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay.” Sa dinami-rami ng pinaghahandaan natin sa buhay, pinaghahandaan ba natin ang pagdating ng araw na ‘yan?
Kaya naman mahalaga na sinusubaybayan natin ang kuwento tungkol kay Noah at sa pagdating ng baha na nakasulat sa Genesis 6-9. Ipinahayag ng Diyos kay Noah ang plano niya na pagpapadala siya ng baha na papatay sa lahat ng tao at mga hayop sa buong mundo dahil sa matinding kasalanan ng tao. Sinabi rin niya kay Noah ang plano niya para iligtas siya, ang kanyang pamilya, at ang ilang mga hayop. Sinabi ng Diyos kay Noah kung ano ang dapat niyang gawin para paghandaan ito, gagawa siya ng isang ark ayon sa sukat at detalyeng sinabi ng Diyos (Gen 6:14-16). Sinabi sa isang commentary na itong ark na ‘to ay hugis kabaong o coffin. Ang kaibahan lang, mga buhay ang nasa loob, at ang mga nasa labas naman ay mamamatay. Makikita ngayon natin sa pagpapatuloy ng kuwento natin sa chapter 7 kung mangyayari nga ba ang sinabing plano ng Diyos.
Mahalaga rin ang kuwentong ito para sa mga Israelita na naghahanda sa pagpasok sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos. Tutal, sila naman ang unang nakarinig nito. Hindi lang yung pagkain o inumin ang dapat na iniintindi nila sa araw-araw ng paglalakbay nila sa disyerto. Merong higit na mahalaga. Sa pagdating ng araw na papasok na sila sa Canaan, pakikinggan ba nila ang salita ng Diyos? Paniniwalaan at panghahawakan ba nila ang salita ng Diyos? Susundin ba nila ang salita ng Diyos? Magtitiwala ba sila sa sinabi ng Diyos na gagawin niya? Ito yung mga tanong na crucial para sa kanila. Ito yung mga tanong na dapat din nating sagutin para sa sarili natin. Kaya dapat nating pakinggang mabuti ang pagpapatuloy ng kuwento tungkol kay Noah at sa pagdating ng baha.
Mahahati natin ito sa tatlong bahagi. Ang una ay ang tungkol sa salita ng Diyos, kung nangyari ba sinabi ng Diyos na mangyayari (Gen 7:6-10). Ang sumunod naman ay tungkol sa gawa ng Diyos sa pagliligtas kila Noah sa loob ng barko (Gen 7:11-16) at sa gawa ng Diyos sa paghatol sa mga nasa labas (Gen 7:17-24).
Ang una ay may kinalaman sa salita ng Diyos, kung nangyari ba ang sinabi ng Diyos na mangyayari, yung plano ng Diyos na mangyari. Sinabi ng Diyos previously na “pababahain ko ang mundo” (Gen 6:17 ASD). Totoo ba ang salita ng Diyos? Yes, “Nasa 600 taong gulang na si Noe nang dumating ang baha sa mundo” (Gen 7:6). Sinabi pa kung ilang taon noon si Noah para i-emphasize na totoong nangyari ang baha, tulad ng sinabi ng Diyos na mangyayari.
Sinabi rin ng Diyos kay Noah ang kailangang gawin para maligtas siya at ang kanyang pamilya mula sa baha. Sinabi ng Diyos na gumawa siya ng ark, pati ang eksaktong dimensions na kailangan, para sasakyan nila, para hindi sila malunod sa baha. Ginawa ba niya? Yes, dalawang beses na ganito ang refrain sa passage natin last week: “At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos”; “At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh” (Gen 6:22; 7:5 MBB). Kasama sa sinabi ng Diyos ay pumasok sila sa ark, kasama ang pamilya niya. Ginawa rin nila. “Pumasok nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha” (Gen 7:7). Sa ASD, “para hindi sila mamatay sa baha.” Ginawa nila yun, yes, bilang pagsunod sa utos ng Diyos, pero siyempre for their own good and safety rin. Mabuti at makakabuti ba ang salita ng Diyos? Yes. Paano kung hindi sila naniwala at sumunod sa salita ng Diyos? Patay.
Kaya hindi hahayaan ng Diyos na masayang at mabalewala ang salita niya. Sabi niya tungkol sa kanyang salita: “hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala” (Isa 55:11 ASD). Kasama kasi sa salitang sinabi ng Diyos kay Noah ang pagpasok din ng mga hayop—tig-isang pares ng bawat uri ng hayop (Gen 6:19-20) at pitong pares ng iba pang hayop na ihahandog paglabas nila pagkatapos ng baha (Gen 7:2-3). Sinunod din naman niya, “Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop, ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos” (Gen 7:8-9 MBB). Again, merong emphasis na ang ginawa niya ay bilang pagsunod sa utos ng Diyos: “as God had commanded Noah.” Ang Diyos ang Hari na hindi nababali at hindi pwedeng baliin ang salita. Hindi lang si Noah ang susunod sa Diyos. Pati ang mga hayop. Merong binanggit ang Diyos sa Genesis 6:20 na unfortunately ay hindi na-capture sa translation ng MBB: “shall come in to you”; o sa ASD, “Lalapit sila sa iyo…” Ang idea, hindi lang si Noah ang magdadala ng mga hayop na ito, ang Diyos mismo ang mag-uutos sa kanila para pumasok sa ark. Hawig ito sa ginawa ng Diyos na pagdadala sa mga hayop kay Adam para pangalanan (Gen 2:19). Ang salita ng Diyos ay makapangyarihan. Sumusunod pati ang mga hayop na nilikha ng Diyos.
Siya ang nagtatakda ng panahon kung kailan matutupad ang salita niya. “At pagkalipas ng pitong araw, bumaha sa mundo” (Gen 7:10 ASD). Eksakto sa sinabing timetable ng Diyos sa verse 4 (“pagkatapos ng pitong araw mula ngayon”). Bakit seven days? Hindi naman binanggit kung bakit. Maybe para magsilbing paalala na kung paanong binuo, pinaganda, at pinuno ng laman ng Diyos ang mundo sa loob ng pitong araw (Gen 1:1-2:3), pitong araw din bago simulan ng Diyos ang pagsira, pagkawasak, at paglipol sa kanyang nilikha—an act of de-creation o reversal ng creation. Ang paglipas ng pitong araw ay eksakto ayon sa salita ng Diyos.
Anu-ano ang katangian ng salita ng Diyos na matututunan natin sa unang bahaging ito ng kuwento. (1) Una, ang salita ng Diyos ay totoo. Hindi siya nagsisinungaling. Totoo ang lahat ng salita ng Diyos: “The sum of your word is truth” (Ps 119:160). (2) Ikalawa, ang salita ng Diyos ay mabuti. Walang sinasabi ang Diyos na masama at makasasama sa atin. “Every word of God proves true; he is a shield to those who take refuge in him” (Prov 30:5). (3) Ikatlo, ang salita ng Diyos ay makapangyarihan. Kung paanong sa salita niya’y nalikha ang mundo (Ps 33:9), sa salita rin niya ay mangyayari ang lahat ng sinabi niyang mangyayari at gagawin niya. “The counsel of the Lord stands forever, the plans of his heart to all generations” (Ps 33:11). Ikaapat, ang salita ng Diyos ay eksakto. “Walang labis, walang kulang” (Ps 19:7 MBB). Sa isang salita, ang salita ng Diyos ay sigurado.
Ang siguradong salita ng Diyos ay natupad kay Cristo. “Nang dumating na ang takdang panahon,” ipinadala ng Diyos hindi ang isang baha, kundi ang kanyang Anak sa mundo; “ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan (ng salita ng Diyos)” (Gal 4:4 ASD). Siya mismo ang Salita ng Diyos na nagpapahayag ng katangian at kalooban ng Diyos (John 1:1; Heb 1:1-2). Siya ang Anak na dumating hindi para balewalain ang salita ng Diyos, kundi upang tuparin ang mga ito (Mat 5:17). Namatay si Cristo ayon sa nakasulat sa salita ng Diyos, inilibing siya, at muling nabuhay sa ikatlong araw ayon sa nakasulat sa salita ng Diyos (1 Cor 15:3-4). Si Cristo ang Salita ng Diyos at katuparan ng salita ng Diyos—ng salita ng Diyos na totoo, mabuti, makapangyarihan, eksakto, sigurado.
Kung sigurado ang salita ng Diyos, hindi ba’t nararapat na magtiwala tayo sa salita ng Diyos? The word of God is “sure,” “mapagkakatiwalaan” (Ps 19:7). Ang salita ng tao hindi sigurado, ang salita ng gobyerno hindi sigurado, ang salita ng insurance company mo hindi sigurado, ang salita ng asawa mo hindi sigurado. Ang salita ng Diyos ang sigurado at mapagkakatiwalaan. Do you have this confidence in the Word of God in Christ? Kung oo, papakinggan mo kung ano ang sinasabi niya, bubulay-bulayin mo ang sinasabi niya, sasauluhin mo ang sinasabi niya, papaniwalaan mo ang sinasabi niya, susundin mo ang sinasabi niya. Tandaan natin: Buhay natin ang nakasalalay sa siguradong salita ng Diyos.
Ang sumunod na dalawang bahagi ng kuwento ay nagha-highlight in more detail kung paano isinakatuparan ng Diyos ang salita niya kay Noah, kung ano ang kanyang ginawa, una ay sa pagliligtas kila Noah, at ikalawa ay yung paghatol na sa buong mundo. Unahin muna natin yung pagliligtas ng Diyos (Gen 9:11-16).
Makikita natin dito kung paanong iniligtas ng Diyos ang ilang mga tao at hayop sa pagdating ng baha. Kung kanina sa verse 6 ay sinabi ang edad ni Noah nang dumating ang baha, 600 years old, dito naman sa verse 11 ay sinabi hindi lang ang edad niya kundi ang eksaktong petsa ng pagdating ng baha: “Sa ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan” (Gen 9:11 ASD). Yung eksaktong araw ng pagdating ng baha ay nagbibigay diin na ito ay totoong nangyari. Totoo ang salita ng Diyos. Totoo ang paghatol ng Diyos. At ito naman ay kabaligtaran ng ginawa niya sa paglikha. Sa Genesis 1:6-10, pinaghiwalay ng Diyos ang tubig sa itaas at tubig sa ibaba. Ngayon naman, as God begins his act of judgment, ang pinaghiwalay ng Diyos ay pagsasamahin ulit ng Diyos to create a great flood. Hawig ito sa paghihiwalay ng tubig na ginawa ng Diyos sa Red Sea para makatawid ang mga Israelita (Ex 14:21-22). At pagkatapos nun ay pinagsalubong ulit ng Diyos ang tubig para lunurin naman ang mga Egyptians na tumatawid para habulin ang mga Israelita (Ex 14:28).
Para lunurin ang mga may buhay sa buong mundo, nagpaulan ang Diyos: “Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi” (Gen 9:12). Eksakto rin ang bilang ng araw na ito ayon sa sinabi ng Diyos kay Noah sa verse 4, “Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.” Significant ang number forty sa Bible. Ang forty days ay madalas na inuugnay sa panahon ng trial and testing sa Bible. Halimbawa: Ang forty days ni Moises sa Mount Sinai (Ex 24:18); ang forty days ng mga spies sa Promised Land (Num 13:25); ang forty days ng pangungutya ni Goliath sa Israel (1 Sam 17:16); at ang forty days na testing kay Jesus sa wilderness (Luke 4:2) (Duguid, ESV Expository Commentary, 1:100). Sa kabuuan, ang forty days ay naglalarawan ng paghahanda, pagsubok, at paghubog sa mga lingkod ng Diyos.
Sa pagsisimula ng Diyos sa paghatol sa buong mundo, inihanda na niya ang pamilya ni Noah para sa kanyang plano. Bago pa tumaas ang tubig ng baha, sinabihan na ng Diyos na pumasok sila sa ark, “Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila” (Gen 7:13). Tayo naman na makakabasa nito, mapapansin natin na sinabi na ‘yan sa verse 7, bakit pa inuulit? Pero ang mga ganitong pag-uulit na detalye ay mahalaga to emphasize na ang mga planong iligtas ng Diyos ay siguradong maliligtas. Walang maiiwan kahit isa. Kaya nga pinangalanan na ang mga anak ni Noah dito. Merong roll call. Binibilang, iche-check kung nakapasok na ba lahat, making sure no one is left behind. Kung sino ang pinlano ng Diyos na ililigtas niya, walang maiiwan at mapapahamak kahit isa.
Pati mga hayop, “sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon. Sila’y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay” (Gen 7:14-15 AB). Paulit-ulit ‘yan, lahat, bawat, ibig sabihin, kumpleto ang bilang ng mga “may hininga ng buhay” na itinalaga ng Diyos na maligtas sa baha. Ang plano ng Diyos ay hindi sirain o wasakin ang lahat ng nilikha niya. Ang pangunahing plano niya ay magligtas, to redeem not just sinful human beings, but the whole creation na apektado ng pagbagsak ng tao sa kasalanan, “that the creation itself will be set free from its bondage to corruption and obtain the freedom of the glory of the children of God” (Rom 8:21).
So, pumasok na nga sila sa ark gaya ng iniutos ng Diyos. Sinabi na rin ‘yan kanina, pero inulit na naman. Again, to emphasize something. “Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya’y ikinulong ng Panginoon sa loob” (Gen 7:16 AB). Totoong inulit na naman na yung ginawa nila ay bilang pagsunod sa Diyos, “as God commanded him.” Pero merong additional emphasis, “And the Lord (Yahweh) shut him in.” Ikinulong ng Panginoon si Noah sa loob. Very personal kay Noah, kasi hindi lang naman siya ang iniligtas, pero siya ang specific na binanggit. Meron ding personal involvement ang Diyos. Sa MBB, “isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.” Ano ang emphasis? Ang kaligtasan nila ay sigurado hindi dahil sa pagsunod na ginawa nila, hindi dahil sa matibay ang barko na ginawa ni Noah, hindi dahil sa alkitran na ipinahid para hindi pasukin ng tubig, kundi dahil sa gawa ng Diyos na nag-eensure na ligtas sila. Ito ang kamay ng Diyos protecting them from the dangers of the flood. “Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan (ESV, a strong tower), kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan” (Prov 18:10 MBB).
Anu-ano ngayon ang matututunan natin sa bahaging ito ng kuwento tungkol sa katangian ng pagliligtas ng Diyos? (1) Una, ito ay biyaya. Ang pagliligtas ng Diyos ay gracious work ng Diyos, undeserved. Dahil nga we deserve his judgment dahil sa kasalanan natin. (2) Ikalawa, ito ay makapangyarihan. God is mighty to save. It takes omnipotent power para maligtas tayo. Hindi natin ‘yan kakayanin sa sarili nating lakas. (3) Ikatlo, ito ay eksakto. Kung sino ang ipinasya niyang iligtas ay siguradong maliligtas. Walang mapapahamak kahit isa. (4) Ikaapat, ito ay personal. Siya mismo ang magliligtas, hindi isang anghel, hindi isang tao, siya mismo. In one word, dahil ito ay biyaya, makapangyarihan, eksakto, at personal, ang kaligtasan natin ay sigurado.
Sigurado dahil kay Cristo. Dahil si Cristo mismo ang nagsabi tungkol sa mga tupang makikinig sa boses niya at susunod sa kanya, hindi ‘yan mga hayop kundi mga taong kanyang ililigtas: “I give them eternal life, and they will never perish, and no one will snatch them out of my hand. My Father, who has given them to me, is greater than all, and no one is able to snatch them out of the Father’s hand” (John 10:28–29). Makapangyarihan ang kamay ng Diyos na magligtas sa pamamagitan ni Cristo. Sa pamamagitan ng kamay ni Cristo na napako sa krus, God accomplished our salvation, something na hindi magagawa ni Noah. Sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni prophet Ezekiel na dahil sa kasamaan ng kanyang bayan ay hindi nila maililigtas ang sarili nila. Kahit pa naroon si Noah na kasama nila, siya lang ang maliligtas dahil sa kanyang “righteousness” (Ezek 14:12-14, 19-20). Dahil kay Adan at sa kasalanan niya, napahamak tayong lahat. Makasalanan din naman tayo. Pero dahil kay Cristo, sigurado ang kaligtasan: “one act of righteousness leads to justification and life for all men (lahat ng itinalaga ng Diyos na maligtas)”; “by the one man’s obedience (tumutukoy kay Cristo) the many will be made righteous” (Rom 5:18-19). Sigurado ‘yan.
Kung sigurado ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, hindi ba’t ang panawagan nito sa atin ay pananampalataya sa salita ng Diyos, sa paraan ng Diyos. Hindi pagtitiwala sa sarili nating magagawa o pamamaraan kundi sa gawa ng Diyos, na sapat ang ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Do you trust Jesus as your Savior? O sinasabi mo pa rin, arrogantly, “I will do it my way!” Ito rin ay panawagan sa atin na patuloy na magtiwala sa gawa ng Diyos. Hanggang sa matapos ang baha, sila Noah ay kailangang magtiwala sa Diyos na iingatan sila all throughout. Sigurado rin tayo, tulad ni Pablo, “And I am sure of this, that he who began a good work in you will bring it to completion at the day of Jesus Christ” (Phil 1:6). Ito rin yung pagtitiwala na kailangan natin para naman sa mga pinagpe-pray natin at binabahaginan ng gospel. Na tatawagin ng Diyos ang mga ililigtas niya, at papasok din sila sa loob, “Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig” (John 10:16). That is why we pray for the lost. That is why we evangelize. That is why we go to the nations. Kukumpletuhin ng Diyos ang bilang ng mga ililigtas niya as we work to fulfill the Great Commission of making disciples of all nations (Mat 28:19-20).
Ito yung pambihirang kumpiyansa na meron tayo dahil sa sigurado ang pagliligtas ng Diyos. Sa kabilang banda naman, ito ang nakakatakot para sa mga nasa labas, those who are outside of Christ, dahil sigurado rin ang paghatol ng Diyos sa kanila. Unless they will repent and find refuge in Christ.
Hindi biro, seryoso, nakakatakot kung paanong hinatulan ng Diyos ang buong mundo sa panahon ni Noah. This is just a preview ng mas nakakatakot na paghatol ng Diyos sa muling pagbabalik ni Cristo. Try to imagine kung paano isinasalarawan ang pagtaas ng tubig during the forty days na walang tigil ang ulan:
Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. 18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. 19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, 20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. (Gen 7:17-20)
“Tumagal ang baha…” (v. 17 AB). “Lumaki ang tubig” (v. 17 MBB). “Palaki nang palaki ang tubig” (v. 18). “Patuloy pang lumaki ang tubig” (v. 19). “Tumaas pa” (v. 20), hanggang matabunan ang bundok. Ang hatol na ito ng Diyos ay makatarungan, katugma ng laki ng kasamaan sa mundo: “laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito…laganap ang karahasan sa lahat ng dako…namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao…Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan” (Gen 6:5, 11-13). Ganyan ang sasapitin ng mga taong ayaw magsisi at nagpapatuloy sa katigasan ng puso: “you are storing up wrath for yourself on the day of wrath when God’s righteous judgment will be revealed” (Rom 2:5). Matuwid at makatarungan ang paghatol ng Diyos.
There is no way that anyone during that time ay makakatakas sa hatol ng Diyos. “Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh? Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot” (Nah 1:6)? “Sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon” (Mal 3:2)? Except yung mga protektado ng Diyos sa loob ng ark ni Noah, na nananatiling nakalutang (Gen 7:17, 18), habang ang mundo ay lumulubog at nilulunod ng baha. Tulad ng paglunod ng Diyos sa mga Egyptians na matitigas ang puso na tulad ng kanilang hari: “the floods covered them” (Ex 15:5; 14:28; 15:10).
Lahat ng pinlano ng Diyos na iligtas ay naligtas. Gayundin, lahat ng pinlano ng Diyos na parusahan sa baha ay namatay: “Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay” (Gen 7:21-22). Walang natirang buhay. “Bawat may buhay…lahat…lahat ng tao. Ang lahat ng may hininga.” Walang nakatakas. At namatay sila hindi dahil sa baha. Ang baha ay instrumento lamang ng parusa ng Diyos. Namatay sila dahil pinatay sila ng Diyos. “Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos…” “He blotted out…they were blotted out from the earth” (Gen 7:23). Personal ang pagpaparusa ng Diyos. Siya mismo ang gagawa nito. Kung paanong personal din ang pagliligtas ng Diyos sa mga nasa barko. Sila lang ang nakaligtas: “…maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko” (Gen 7:23). Naranasan din nila ang epekto ng hirap ng pagdating ng baha. Dahil “tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw” (Gen 7:24 AB), 150 days from the time na nagsimula ang pagdating ng baha. Disrupted ang araw-araw nilang pamumuhay, pagtatrabaho, at mga gawain sa araw-araw. Pero wala silang irereklamo, kundi pasasalamat pa nga dahil sila ay buhay, at hindi namatay sa baha.
Now, to summarize yung mga matutunan natin sa huling bahaging ito ng kuwento, ano ang katangian ng paghatol ng Diyos? (1) Una, ito ay makatarungan. Walang makapagsasabi na unjust, unfair ang Diyos. Tama lang ang pagpaparusa ng Diyos. Grabe ang kasamaan ng tao, grabe din ang parusa ng Diyos. (2) Ikalawa, ito ay makapangyarihan. Dahil makapangyarihan ang Diyos, ito yung power na nakakatakot na sasapitin ng mga tatanggap ng hatol ng Diyos. (3) Ikatlo, ito ay malawakan. Buong mundo ang hahatulan ng Diyos. Lahat ng makasalanan ay haharap sa Diyos. (4) Ikaapat, ito ay di-matatakasan. Walang sinuman ang makapagtatago sa araw ng paghatol ng Diyos. No excuses, no hiding places, no escape. Except siyempre sa mga nasa loob, safe dahil sila ay nakay Cristo. In one word, itong makatarungan, makapangyarihan, malawakan, at di-matatakasan na paghatol ng Diyos ay sigurado.
Sigurado dahil siguradong darating ulit si Cristo. Kung yung unang pagdating niya ay hindi for judgment but for salvation, ito namang second coming niya ay bilang Hukom.
Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao’y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. (Mat 24:37-39 MBB)
Siguradong darating si Cristo. Sigurado ang parusang inilaan sa mga taong hindi nag-aabang sa kanyang pagdating. Yung mga taong ang pinakamahalaga sa buhay nila ay buhay-pamilya, trabaho, kayamanan sa mundong ito, katanyagan, kasiyahang galing sa mundo, at hindi ang mabuting relasyon kay Cristo. Kaawa-awa ang sasapitin nila. Kung paano pinarusahan ng Diyos ang mga tao noong panahon ni Noah dahil sa kasalanan nila, alam ng Diyos “kung paano paparusahan ang mga masasama hanggang sa araw na sila’y hatulan” (2 Pet 2:5, 9).
Oo, walang nakakaalam ng eksaktong petsa ng pagdating ng araw na yun, pero sigurado yun. Kaya ang pinakakailangan nating gawin ay paghandaan. Paano? Sa pamamagitan ng pagsisisi. Pag-amin sa kasalanan, pagkilala na nararapat kang parusahan ng Diyos dahil sa kasamaan ng puso mo, paghingi ng tawad sa Diyos, at pagkilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. That is the only way you can be safe on the day of the wrath of God. Pero maraming tao ngayon hindi sineseryoso ang panawagang ‘yan. Tulad ni Vice Ganda. Kung ang mga bakla raw ay sa impiyerno mapupunta, e di maraming bakla doon, at baka may beauty pageant pa ang mga gay. Ginagawang katatawanan. Pero sa araw na yun, hindi na sila makakatawa. “There will be weeping and gnashing of teeth” (Mat 8:12; 13:42, 50; 22:13; 24:51; 25:30), paulit-ulit ‘yan na warning ng Panginoong Jesus. He loves us enough to warn us. If we love our friends, our family members, other people na alam natin na on the way to God’s judgment in hell at hindi nila alam, hindi tayo basta-basta makikipagtawanan sa kanila. Iiiyak natin sila sa Panginoon, at sincerely ay ibabahagi natin ang gospel sa kanila, at ipaparamdam natin sa kanila yung urgency for them to repent and put their faith in Christ. Gagawin natin ang lahat ng magagawa natin para isama ang mas maraming tao sa kaligtasang tinanggap natin kay Cristo.
Wala nang ibang bagay sa buhay natin na higit na dapat nating paghandaan kaysa rito. Marami tayong pinaghahandaan sa buhay na hindi naman sigurado, hindi naman ganoon kaseryoso ang implications. How much more ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sigurado yun. Sigurado ang salita ng Diyos dahil kay Cristo. Kapag sinabi niya, tototohanin niya. Sigurado ang pagliligtas ng Diyos, sisiguraduhin ng Diyos, dahil kay Cristo. Sigurado ang paghatol ng Diyos, sisiguraduhin ng Diyos, dahil kay Cristo.
Ang tanong, handa ka na ba sa pagdating ng araw na haharap ka sa Diyos? Kung hindi pa, narito kami para tulungan ka. Makipag-usap ka sa mga members ng church na ‘to para maituro namin sa ‘yo kung paano ito paghahandaan. Kung handa ka na, tulungan din naman natin ang mga taong hindi pa handa sa araw na yun. There is no greater calling than to help other people face the judgment of God na taglay ang kumpiyansa at katiyakan na matatagpuan lamang kay Cristo, in Christ alone.