Genesis 2:18-25 • Ang Lalaki at ang Babae

Genesis 2:18-25
Facebook
Email
Print

Hindi Tayo ang Bida sa Kuwentong Ito

Marami-rami na rin ang napag-usapan natin sa pagsubaybay natin sa first two chapters ng Genesis. Sa story of creation, napag-usapan na natin ang tungkol sa mundong tinitirhan natin ngayon, tungkol sa mga creatures na naririto, tungkol sa buhay ng tao, tungkol sa trabaho, tungkol sa pahinga, tungkol sa pagkain. At ngayon naman, as we end yung chapter 2, bago tayo pumasok sa chapter 3, mapag-uusapan natin ang tungkol sa lalaki, tungkol sa babae, tungkol sa pag-aasawa, tungkol sa relasyon sa ibang tao. Sa lahat ng mga usapin natin sa buhay at sa iba’t ibang bahagi ng buhay natin, karaniwan sa atin na tinitingnan natin ito na sarili natin ang nasa sentro. Feeling natin tayo ang bida o main character sa kuwento ng buhay natin. Eh, buhay nga naman kasi natin ‘to, siyempre tungkol ito sa atin. Pero diyan tayo nagkakamali.

Kasi, kapag tayo ang main character, nagugulo ang maayos, nasisira ang buo, nagiging madilim sa halip na maliwanag, lalong nagkakaroon ng kulang sa halip na makumpleto. Makikita natin kung paano nangyari ang ganyang trahedya sa chapter 3. Kaya mahalaga na naglaan tayo ng ilang linggo sa first two chapters, para ma-correct yung tendency natin na magbida-bidahan sa buhay natin. At para ma-realize natin na kapag ang Diyos ang Bida at hinahayaan nating maging sentro ng buhay natin, may kaayusan, may kakumpletuhan, may liwanag, may kapahingahan, may buhay.

Yun naman kasi ang ipinakita sa atin na nangyari sa chapter 1 pa lang, na ang Diyos na lumikha ng langit at lupa ang Diyos na dakila sa lahat. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita, nagkaroon ng kaayusan ang walang anyo sa simula, nagkaroon ng laman ang walang laman sa simula, nagkaroon ng liwanag sa kadiliman, nagkaroon ng buhay. Ang Diyos ay higit na dakila kaysa sa anuman sa kanyang nilikha.

And then, surprisingly, pagdating sa chapter 2, nakita natin na ang Diyos na ito ay hindi lang Elohim (God), kundi Yahweh Elohim (LORD God). Siya ang God of the covenant na inilalapit ang kanyang sarili sa tao. May personal touch ang paglikha sa unang tao, mula sa alabok sa lupa, hiningahan niya, hinugisan niya na parang isang potter na gumawa ng palayok mula sa isang putik. Inilagay niya sa isang maganda at saganang hardin sa Eden, kinausap niya, binigyan niya ng trabaho, sinabihang makakain niya ang lahat ng prutas dun maliban lang sa isa. Ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng kailangan ng tao—ng hininga, ng pagkain, ng tubig, ng tirahan, ng trabaho. Makikita rin natin ang personal touch ng Diyos sa paglikha sa babae na titingnan natin mamaya.

Obviously, ang Diyos ang main character dito. Yes, special character ang tao, pero hindi siya ang Bida. Ang Diyos ang Bida, ang Diyos ang direktor, ang Diyos ang scriptwriter. Sa pagpapatuloy ng kuwento ng Genesis 2, makikita natin na sa verse 18, ang Diyos ang nagsalita, ang Diyos ang nagsabi kung ano ang mabuti at hindi mabuti. Hindi tayo ang magpapasya nun kaya nga ipinagbawal niyang kumain ang tao sa tree of the knowledge of good and evil. Ang Diyos din ang nagplano kung ano ang gagawin niya. Sa verse 19, ang Diyos ang lumikha sa mga hayop at nagdala nito sa tao. Sa verse 21, ang Diyos ang nagpatulog kay Adan at nag-perform ng surgery para kunin ang isa sa kanyang tadyang. Sa verse 22, ang Diyos ang gumawa sa babae mula sa tadyang na kinuha niya kay Adan. Sa verse 23 pa lang natin makikita ang response ni Adan. Pero malinaw ulit sa verses 24 at 25 kung ano ang magandang disenyo ng Diyos sa relasyon ng mga tao, especially sa pag-aasawa.

Ang Diyos ang Bida. Sa chapter 3 pa lang papasok ang kontrabida, o mga kontrabida. Napakalaking problema niyan. Pero sa simula ng kuwento natin ngayon, meron nang problema. Kung problema ngayon ang overpopulation dahil bilyun-bilyon na ang mga tao, noong simula ay underpopulation naman. Ayon sa census, isa pa lang ang tao. Ano naman ang problema dito? At ano ang plano ng Diyos na gawin? Ano ang ginawa ng Diyos? Ano ang significance nito sa relasyon natin sa ibang tao, especially sa pag-aasawa? Subaybayan natin.

Ang Problema: Hindi mabuti sa tao ang mabuhay nang mag-isa (v. 18a).

May problema sa simula pa lang. This is Day 6 of creation. So, walang pa yung problema na dulot ng kasalanan. Ito yung problema na sinabi ng Diyos na hindi mabuti o “not good”: “Then Yahweh God said…” (Gen 2:18 LSB). Take note, sa Genesis 1, nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng liwanag, at nang makita niya ito, sabi niya, “Good” (Gen 1:4). Nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng mga halaman, mga puno, at nang makita niya ang mga ito, ang sabi niya, “Good” (Gen 1:12). Nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng araw, ng buwan, ng mga bituin, at nang makita niya ang mga ito, sabi niya, “Good” (Gen 1:18). Nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng mga isda at iba’t ibang nilalang sa dagat, at nang makita niya ang mga ito, sabi niya, “Good” (Gen 1:21). Nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng mga hayop, at nang makita niya ang mga ito, sabi niya, “Good” (Gen 1:25). Nang nagsalita ang Diyos, nagkaroon ng tao—lalaki at babae—pero bago niya sabihing, “Very good” (Gen 1:31), meron munang oras na sinabi sa atin sa Genesis 2 na lalaki lang muna ang nilikha ng Diyos, at nang makita niya ito, ang sabi niya, “It is not good…” (Gen 2:18). Hindi dahil pangit ang pagkakagawa niya kay Adan. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay good, beautiful, and perfect. So bakit “not good”? “It is not good that the man should be alone.” “Hindi mabuti na mag-isa ang tao” (MBB).

Hindi mabuti yung pagiging “alone” o “nag-iisa” ng tao. Walang kasama, walang kausap, walang katuwang. Merong kulang. Yes, sapat ang Diyos, kasama niya ang Diyos, makakausap niya ang Diyos. Pero bakit sinabi ng Diyos na hindi ito mabuti? Ayon sa Genesis 1:26-28, ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos. Later on, matututunan natin na ang Diyos na ito ay one God in three persons—Ama, Anak, at Espiritu. Ibig sabihin, hindi mailalarawan ng tao ang Diyos kung mag-isa lang siya. Hindi niya mapamamahalaan ang nilikha ng Diyos nang mag-isa lang. Hindi makapagpaparami at mapupuno ang buong mundo ng mga larawan ng Diyos kung mag-isa lang. Sa garden, binigyan ng Diyos ng trabaho ang lalaki para alagaan at bantayan ito, kailangan niya ng makakasama at makakatuwang at makakatulong sa gawaing ito.

Kung sinabi ng Diyos na hindi mabuti sa tao ang mabuhay nang nag-iisa, ‘wag mong sasabihin na okay lang na nag-iisa ka. Yes, may mga introverts na gaya ko na may mga panahong preferred talaga natin ang nag-iisa kesa sa maraming tao, and we all need time of solitude para mapag-isa, pero hindi makakabuti kung ito ay magtatagal. Hindi ka mabubuhay nang ayon sa layunin ng Diyos—to reflect his character, to reproduce his image, to rule over his creation—kung solo ka. At kung nararamdaman mo naman ang pag-iisa, hindi rin naman tama na ikaw ang gagawa ng sarili mong plano para solusyunan ang problemang ito, para punan ang nararamdaman mong kulang sa ‘yo. Kaya yung iba napapasok sa maling relasyon, sa mga unbelievers, sa hindi naman asawa, o sa pornography. Hayaan nating ang plano ng Diyos ang masunod sa buhay natin.

Ang Plano: Bibigyan ng Diyos ang tao ng kasama sa buhay (v. 18b).

At yun naman ang sinabi niyang plano niyang gawin pagkatapos niyang banggitin ang problema, “I will make him a helper fit for him” (Gen 2:18). Sinabi ito ng Diyos sa sarili niya, a divine self-deliberation kung ano ang gagawin niyang kasunod. Hindi naman sinabing direktang sinabi kay Adan, tulad nung sa sinabi niya sa verses 16-17. Posibleng narinig din ni Adan, although not sure. Nakita na natin sa Genesis 1 na kapag merong hindi pa mabuti o hindi pa ayos o kulang pa sa nilikha ng Diyos (tulad ng unang kalagayan ng mundo na “without form and void” sa Genesis 1:2), ang Diyos ang gagawa para mapunan ang kulang at maayos ang hindi pa maganda.

Kaya sabi ng Diyos, “I will make him a helper fit for him.” Kapag naririnig natin ang “helper” o “katulong” akala natin mas inferior ‘yan kaysa sa lalaki na para bang pwede mong sabihin sa babae, “Katulong ka lang!” Yung “helper” ay galing sa Hebrew ezer, siyang kailangan para matugunan ang pangangailangan, para mapunan kung ano ang kulang, para makatuwang o makasuporta para magawa ang kailangang tapusin. Kaya salin ng Ang Biblia, “katuwang,” o sa MBB, “makakasama at makakatulong.” Hindi mababang uri ang “katulong” dahil ito ay ginamit mismo sa Diyos. “Behold, God is my helper (ezer)” (Ps 54:4); “The Lord (Yahweh) is on my side as my helper (ezer)” (Ps 118:7).

Pero dito sa Genesis, hindi sinabi ng Diyos, “Ako ang helper.” Sinabi niya, “Gagawa ako ng helper fit for him.” Binanggit din ito sa verse 20. Alternative translation nito, “corresponding to.” O sa LSB, “suitable for.” Sa Hebrew, ezer kenegdo. Para itong pieces ng isang jigsaw puzzle o isang plug ng electric appliance na dapat ay tugma dun sa socket o outlet. Kapag hindi “fit” hindi maipapasok, hindi maikakabit. Ang ezer kenegdo na kailangan ng lalaki ay isang tao rin na katulad niya, pero hindi yung katulad na katulad niya kundi may pagkakaiba rin sa kanya. So, hindi ang Diyos ang ezer kenegdo. Kasi, sa plano ng Diyos, kailangan ng tao na tutulong sa kanya sa pagsamba sa Diyos, sa pagsunod sa Diyos, sa pag-eenjoy sa Diyos at sa mga blessings na bigay ng Diyos. Man needs another image-bearer—katulad niya pero may pagkakaiba sa kanya.

Ito ang planong gawin ng Diyos: bibigyan ng Diyos ang tao ng kasama sa buhay. Ang Diyos din ang magbibigay ng kailangan nating kasama sa buhay para hindi tayo nag-iisa. Ang tanong sa atin, will you trust God’s plan? O ipipilit mo na ang plano mo ang masunod? Next week, makikita natin kung ano ang mangyayari kapag plano ng tao ang nasusunod. Well, alam na naman natin ‘yan by experience, matigas lang talaga ang ulo natin.

Ang Paghahanap: Hindi matatagpuan ng tao ang kasamang kailangan niya sa mga bagay sa mundong ito (vv. 19-20).

Kung may kulang sa buhay natin, siyempre maghahanap tayo ng paraan kung paano mapunan ‘yan. But we have to trust na ang plano ng Diyos ang mabuti—at pinakamabuti—para sa atin. So, sa plano pa rin ng Diyos, gagawa siya ng paraan para ipakita at iparamdam sa tao ang pangangailangan niya, na walang anumang bagay sa nilikha ng Diyos at that time ang makatutugon sa kakulangan sa kanya. Ipaparamdam sa kanya ng Diyos na kailangan niya ng makakasama na katulad niya. Ganito ang ginawa ng Diyos:

Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. (Gen 2:19)

Gumawa ba ang Diyos ng bagong mga hayop at ibon, o inihanda lang sila at sinasabi rito kung paano ginawa ng Diyos ang mga hayop bago likhain ang tao? Whatever the case, ang Diyos ang nagdala sa mga ito na para bang mga regalo na ibibigay sa tao. Bagamat ang mga hayop ay “mula sa lupa” na tulad din ng tao na “mula sa alabok” (Gen 2:7), ang mga hayop ay hindi katulad ng ibang tao. Ibinigay ng Diyos ang mga hayop sa tao para pamahalaan (“to have dominion,” Gen 1:28), hindi gawing parang kasama sa buhay, kaibigan, o anak (“fur baby”?). Kaya nga sinabi na Diyos na pangalanan ang mga ito. At yun naman ang ginawa niya: “Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang” (Gen 2:20). Ang pagpapangalan ay trabaho na inibigay ng Diyos para pangalagaan at pamahalaan ang nilikha ng Diyos. Exercise of authority rin ito. Nag-iindicate din ito ng expression na merong ugnayan din ang tao sa hayop, merong ownership. Na kapag pinangalanan mo ang isang bagay, parang sinasabi mo, “Sa akin ka.” Kapag pinangalanan mo ang kotse mo, o alagang aso o pusa, sa iyo yun. Hindi mo naman papangalanan ang anak o alaga ng kapitbahay mo.

Ginawa ito ng Diyos, yung pagdadala ng mga hayop kay Adan, hindi dahil nagta-trial and error siya para masubukan kung ano yung “helper fit for him,” yung ezer kenegdo. Alam naman ng Diyos yun. Pero gusto niyang iparamdam kay Adan kung ano ang kailangan niyang kasama at makakatulong sa buhay. Kaya nga ito yung conclusion sa bahaging iyon, “Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya” (Gen 2:20). Hindi ang anumang hayop, kahit gaano pa ‘yan kaespesyal o mamahalin o rare breed, hindi ‘yan, walang anumang bagay sa mundo ang ezer kenegdo para kay Adan. Hindi matatagpuan ng tao ang kasamang kailangan niya sa mga bagay sa mundong ito.

Lahat naman tayo we are longing for genuine, intimate relationships. Gusto nating makahanap ng makakasama natin sa buhay, ng makakatulong natin para sa araw-araw na pamumuhay natin. Pero ‘wag natin itong gawing trial and error. “Eto kaya? Siya na kaya? Subukan ko kaya? Wala naman sigurong masama kung susubukan.” Dapat matuto tayong magtiwala sa provision ni Lord, na maghintay kung ano yung ibibigay sa atin ng Panginoon. ‘Wag nating ipipilit ang hindi pwede.

Ang Pagdadala: Ibinigay ng Diyos ang babae sa lalaki para makasama niya (vv. 21-22).

Heto na nga. Dinala na ng Panginoon ang ezer kenegdo para kay Adan. Ito na yung high point ng kuwentong ito. Pinunan ng Diyos kung ano ang kulang, yung missing piece of the puzzle. At siyempre, ang Diyos pa rin ang main character dito, ang main actor. Wala namang ambag ang tao dito. Well, except yung tadyang na kukuhanin sa kanya ng Diyos. Apat na hakbang ang ginawa ng Diyos dito:

Unang hakbang: “Kaya’t pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao” (Gen 2:21). Pinatulog nang mahimbing, wala siyang mararamdaman, hindi siya magigising habang ginagawa ng Diyos ang susunod niyang gagawin. Parang naka-anesthesia. Wala siyang kailangang gawin, ang Diyos ang gagawa ng lahat.

Ikalawang hakbang: “Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang (rib) nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon” (Gen 2:21). Parang isang expert surgeon (and he is!), binuksan ng Diyos ang balat at laman sa tagiliran ni Adan at kinuha ang isang tadyang nito. Hindi ito justification para maliitin ng lalaki ang babae at sabihing, “Galing ka sa tadyang ko, alalahanin mo!” Pwede mo namang sagutin ang asawa mo, “E ikaw nga, galing sa alabok!” Well, ang point nito ay heto ang ezer kenegdo, ang suitable partner, ang nababagay na makakasama at makakatulong sa buhay dahil siya nakakabit sa lalaki dahil galing siya sa tadyang. Sabi ni Matthew Henry sa commentary niya: “Hindi kinuha si Eba mula sa ulo ni Adan para pangibabawan siya, ni mula sa kanyang mga paa para yurakan niya, kundi mula sa kanyang tagiliran upang maging kapantay niya, sa ilalim ng kanyang braso upang ingatan niya, at malapit sa kanyang puso upang mahalin niya” (Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible, 1:16).

Ikatlong hakbang: “Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae” (Gen 2:22). Ginawa ang babae, tulad ng lalaki, na hindi rin out of nothing, but out of something. Maganda ang gawa ng Diyos. Mga babae, mga nanay, you are fearfully and wonderfully made (Ps 139:14). Maganda ang lahat ng gawa ng Diyos, and beautiful and perfect.

Ikaapat na hakbang: “at dinala niya ito sa lalaki” (Gen 2:22). Regalo ng Diyos. Parang isang ama na dala-dala ang kanyang anak na babae at ibinibigay sa lalaki para mapangasawa niya. Ang ibinigay na ezer kenegdo ng isang lalaki ay isang babae. Hindi anuman sa nilikha ng Diyos. Hindi isa pang lalaki. O hindi isang lalaki na gustong maging babae. O isang babae na pinapanood lang. Kundi isang babae na makakasama niya, makakatuwang niya sa buhay, isang asawang bigay ng Diyos.

Ibinigay ng Diyos ang babae sa lalaki para makasama niya. Dapat nating ituring ang pag-aasawa na isang regalo mula sa Diyos. Hindi sumpa o parusa! Yung iba sa inyo na wala pang asawa, o wala nang asawa, o salbahe ang asawa, yung longing para sa isang mabuting asawa ay regalo rin galing sa Diyos. Pati yung bigay niyang makakasama natin sa buhay—hindi man exactly ezer kenegdo—tulad ng mga kaibigan, tulad ng tatay ninyo, ng nanay ninyo, ng church na meron tayo, ‘yan ay regalo mula sa Diyos. Every good and perfect gift is from God.

Ang Pagtanggap: Tinanggap ng lalaki ang mabuting regalo ng Diyos (v. 23).

Ang tanong, paano mo tatanggapin ang bigay ng Diyos? Tinanggap ba ‘yan ni Adan? Paano siya nag-react? Nagising na siya, nakita ang babae. Ano ang sabi niya? “Ay ang pangit naman, pwede bang pakiretoke? O palitan mo na lang ng iba.” No! Napaawit siya sa tuwa:

Sinabi ng lalaki (Heb. adam, tao):
Sa wakas, narito (heto na!) ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae (Heb. issa) ang itatawag sa kanya,
sapagkat sa lalaki (Heb. is) siya’y kinuha.”

Na-realize niya na heto na ang sagot ng Diyos sa dalangin niya, katugunan para punan ang kakulangan sa kanya. Itong expression of joy ay papuri sa kabutihan ng Diyos, pasasalamat sa regalo ng Diyos. Nang sabihin niyang ang babae ay “bone of my bones and flesh of my flesh,” yun ay pag-acknowledge na ito nga ang kailangan ko, isang katulad ko, pero iba rin sa akin para makasama at makatuwang ko sa buhay, my ezer kenegdo. Bago ito, ang tawag sa lalaki ay adam (literally, tao, siya naman ang representative ng buong human race). Pero in terms of gender, yung “woman” ay issa, at yung “man” ay is. Ang lalaki ang nagpangalan sa babae (na sa ngayon ay katumbas ng pagkuha ng apelyido ng lalaki) to indicate not just special relationship, but authority as head of the wife (tulad ng sabi ni Paul sa Ephesians 5:23). Pero hindi yung authority na may dominion tulad ng tao sa mga hayop. No, but complementary, magkatugma, magkatuwang sa buhay.

Ano ang tugon ni Adan? Tinanggap ng lalaki ang mabuting regalo ng Diyos. Pagtanggap, hindi pagtataboy. Mapagmahal na pag-aalaga, hindi pagpapabaya o pang-aabuso. We are all responsible kung paano tayo magre-respond sa bigay ng Diyos na makasama natin sa buhay—asawa man ‘yan, magulang, anak, o ang mga fellow church members.

Ang Pag-aasawa: Ipinahayag ng Salita ng Diyos ang magandang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa (vv. 24-25).

Ang response ba natin, the way we act sa mga relationships na bigay ng Diyos, ay ayon sa kagustuhan ng Diyos o ayon sa personal preferences natin? Kaya mahalagang sa mga sumunod na verses ay ipinahayag ng Salita ng Diyos ang magandang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa. Si Moises na sumulat ng kuwentong ito ayon sa revelation ng Diyos ay nagbigay ng comment sa verse 24, na ipinapaliwanag ang significance ng mga unang kuwentong ito sa nangyari sa paglikha ng Diyos sa lalaki at babae para sa disenyo ng Diyos sa pag-aasawa: “Therefore a man shall leave his father and his mother and hold fast to his wife, and they shall become one flesh” (Gen 2:24). Very familiar passage na ginagamit sa mga kasalan at kung marriage ang pag-uusapan. Binanggit din ng Panginoong Jesus sa Matthew 19:5 para sagutin ang tanong tungkol sa bakit pinahintulutan sa kautusan ang divorce. Binanggit din ito ni apostol Pablo sa Ephesians 5:31 to support his exhortations para sa mga lalaki na mahalin ang kani-kanilang asawa.

Dahil ang Diyos ang lumikha sa lalaki at babae at sa pag-aasawa—this is not our own idea!—kaya yung disenyo niya ang maganda at siyang dapat na nasusunod:

Una, “a man shall leave his father and mother.” Merong iiwanan. Hindi naman sa lahat ng cases ay literal ito o physical. Kasi sa culture nila, yung babae ang umaalis sa bahay ng magulang. Pero ang significance nito ay yung change of relationships. Habang ang mga bata ay nasa pangangalanga pa ng kanilang mga magulang, yung relasyon nila sa parents nila ang pinakamahalaga sa lahat. Pero sa pag-aasawa, nagbabago yun. Ang relasyon na sa asawa ang pinakamahalaga sa lahat—in terms of human relationships, of course.

Ikalawa, “and hold fast to his wife.” Hold fast, o cleave, o cling, o stick. Parang glue na nakadikit, nakakapit, hindi mapaghihiwalay. Kaya nga mahalaga yung public covenant commitment na ine-express sa kasal, hindi yung magsasama na lang basta sa isang bahay na walang kasal. Kaya hindi rin sang-ayon sa disenyo ng Diyos ang paghihiwalay ng mag-asawa. Pagkatapos banggitin ni Jesus yung Genesis 2:24, sabi niya, “Hindi na sila dalawa kundi iisa (one flesh), kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat 19:6). Ang Diyos ang nag-join sa inyo together bilang mag-asawa, hindi ang magulang n’yo, hindi ang desisyon n’yo, hindi ang pastor, kundi ang Diyos.

Ikatlo, ganito ang reality ng marriage relationship at ganito ang dapat maging goal sa pagsasama ng mag-asawa, “and they shall become one flesh” (Gen 2:24). Merong intimacy, merong malalim na relasyon, merong malalim na emotional bond, merong physical and sexual intimacy, merong faithfulness sa covenant vows, merong malapit na relasyon sa Diyos bilang mag-asawa (spiritual intimacy), merong pagkakasundo, pagtutulungan, partnership sa buhay, sa parenting, at sa ministry. Habang tumatagal ba ang pagsasama ninyo bilang mag-asawa, mas nararanasan n’yo ba itong reality ng “one-flesh union” o parang lumalayo na ang puso ninyo sa isa’t isa?

Heto ang kalagayan ng unang mag-asawa. Chapter 2 ends with a very beautiful and very intimate picture of marriage, of human relationships, na magsisilbing tulay rin sa mangyayari sa chapter 3, “Parehong hubad yung lalaki at babae, pero hindi sila nahihiya” (Gen 2:25 PV). Wala pa silang damit noon. Pero walang problema. Ngayon tinatakpan natin ang katawan natin, lalo na yung maseselang bahagi nito, kasi nakakahiyang makita ng iba. Except sa asawa. Ganun ka-intimate ang relasyon ng mag-asawa. No shame, no sense na para bang something is wrong. Merong delight, merong enjoyment, na siyang disenyo ng Diyos sa sexual relationship ng mag-asawa, at para sa mag-asawa lang—hindi para sa walang asawa, hindi para sa karelasyong hindi asawa, hindi sa kapwa lalaki, hindi sa kapwa babae. ‘Wag nating sisirain ang magandang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa. ‘Wag tayong magte-trespass sa good boundaries na nilagay ng Diyos sa human relationships. Makakabuti sa atin kung plano at disenyo ng Diyos ang nasusunod sa buhay natin.

Life Transformation

Natutunan natin ngayon mula sa Genesis 2:18-25 yung “not good” ng pagiging nag-iisa ng tao ay nagkaroon ng happy ending, yung nasabi ng Diyos na “very good” ang lahat ng ginawa ng Diyos. Itinuturo sa atin ng tekstong ito na: Ang relasyon natin sa ibang tao, lalo na sa asawa, ay regalong kaloob ng Diyos para punan ang kulang sa atin—ang magkaroon ng makakasama sa buhay at makakatulong sa pagtupad ng layunin ng Diyos. Ang lahat ng makikita natin sa Genesis 1–2 ay ang maganda, mabuti, at perpektong gawa ng Diyos sa paglikha sa lahat ng bagay, lalo na sa taong inilagay niya sa hardin sa Eden. Paano ngayon tayo magkakaroon ng life transformation in such a way na mararanasan natin ang ganitong buhay—buo ang relasyon sa Diyos, buo ang relasyon sa ibang tao, buo ang relasyon mundong tinitirhan natin?

Ano ang malaking kaibahan nito sa buhay sa labas ng Eden?

Ang unang bagay ay ma-realize at maramdaman natin ang lalim ng pagkasirang dulot ng pagpasok ng kasalanan sa chapter 3. Wala na tayo sa loob ng Eden, nasa labas na tayo. Ang buhay natin ay wala sa Genesis 1–2, nasa epekto na ng chapter 3. Ano ang malaking kaibahan ng buhay na nasa loob ng Eden kumpara sa nasa labas? Napakalaki. Ang kahurabaran ay hindi na walang kahihiyan, meron nang shame, meron nang lustful desires, meron nang kabastusan. Ang mag-asawa, nag-aaway, naghihiwalayan, naghahanap ng kapalit. Ang lalaki naghahanap sa kapwa-lalaki. Ang babae naghahanap sa kapwa-babae. Ipinipilit natin kung ano ang hindi para sa atin. We don’t trust kung ano ang mabuting regalo ng Diyos sa atin.

Paano tayo makakabalik sa buhay sa loob ng Eden?

Paano ngayon tayo makakabalik sa klase ng buhay sa loob ng Eden? Kung paanong ang buhay doon ay divine initiative, ang pagbalik sa klase ng buhay doon ay hindi maaaring sa sarili nating paraan. Kapag sa sarili nating paraan, magkakaloko-loko lalo ang mangyayari. Pero kapag ang Diyos ang nagplano at gumawa para tuparin ang plano niya—yun ang good, perfect, and beautiful.

At ang katuparan ng plano ng Diyos para solusyunan ang ating pag-iisa ay ang pagdating ng Panginoong Jesus. Ang Diyos Anak ay naging tao na tulad natin, “narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan” (1 John 1:2). Ang panawagan niyang sumunod tayo sa kanya ay ang pahalagahan ang relasyon sa kanya nang higit sa lahat—higit sa mga magulang, higit sa asawa at mga anak, higit sa sariling buhay. To follow Christ is to abide in Christ, nakakabit sa kanya, dahil kung wala siya, kung wala tayo sa kanya, hindi lang tayo nag-iisa, we can do nothing (John 15:5). We cannot live the life we are supposed to live. Kaya nga namatay siya sa krus para solusyunan ang ating kasalanan, para solusyunan ang ating kahihiyan, para solusyunan ang ating pag-iisa. Kaya nga muli siyang nabuhay, para lahat ng sasampalataya sa kanya ay maipagkaisa sa kanya—to be in union with Christ.

Kaya nga ang church ay tinatawag na Bride of Christ. Kaya nga nung banggitin ni Paul, sa pagtalakay niya sa relasyon ng mag-asawa sa Ephesians 5, yung Genesis 2:24 sa Ephesians 5:31, sinabi niya pagkatapos na ang hiwagang ito ay “tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya” (Eph 5:32). Sa plano ng Diyos ang pag-aasawa ay nilikha niya para maging larawan ng higit na realidad: si Cristo at ang iglesya. Ang church din ang “body of Christ”: “Tayo nga’y mga bahagi ng kanyang katawan” (Eph 5:30). We are in one flesh union with Christ. At sa kanyang muling pagbabalik, hindi lang ito sa pagdating ni Cristo, ito rin ay tungkol sa pagdating ng asawang ikakasal kay Cristo. Tulad ng isang ama na akay-akay ang kanyang anak, “nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa” (Rev 21:2), magandang-maganda, “walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan” (Eph 5:27), ipiprisinta ng Diyos kay Jesus ang iglesya, at aawit si Cristo sa tuwa sa bigay sa kanya ng Diyos, sasabihin niya, “Bone of my bones, flesh of my flesh.” Our honeymoon with Christ will never end. Sa araw na yun, wala nang kakulangan at kalungkutan na dulot ng pag-iisa para sa sinumang nakay Cristo.

Paano tayo ngayon dapat mamuhay?

In light of this stupendous reality, paano ngayon tayo dapat mamuhay? Unang-una, make sure you are in Christ. Ang pinakamahalagang tanong na dapat mong itanong sa sarili mo at sa iba ay hindi: “Kelan ka ba mag-aasawa? Bakit wala ka pang asawa? Bakit ba ganyan ang napangasawa mo?” Kundi ito: “Nakay Cristo ka na ba?” I invite you to attend our “Following Jesus” class before our worship service, o makipag-usap sa mga elders o ibang members ng church, para masamahan ka namin sa paglapit at pagsunod kay Cristo.

Then, make sure you are in the church. Na member ka, na kasali ka, na nakikibahagi ka. Heto ang mga taong bigay ng Diyos sa ‘yo para makasama mo sa buhay Kristiyano. Hindi mo kakayanin ang mag-isa, hindi ka dapat mag-isa, binigyan ka ng Diyos ng kasama, tatanggapin mo ba? If you are not yet a church member, makipag-usap ka sa amin kung paano magiging member, tutulungan ka namin, sasamahan ka namin.

Lastly, make sure you are devoted to Christ and his work. If you are single, don’t be so consumed with the desire na makahanap ng mapapangasawa. It is a good desire, pero hindi ‘yan ang ultimate. Kaya sabi ni Paul, “Para sa mga walang asawa at sa mga byuda, mabuting gayahin nyo ako at mag-stay kayo as single” (1 Cor 7:8 PV). Bakit daw? “Ang gusto ko lang, gawin nyo kung ano ang tama at dapat, ibigay nyo nang buong-buo ang mga sarili nyo sa pagse-serve sa Panginoon” (1 Cor 7:35 PV). May asawa o wala, gawin natin ang lahat para magtulung-tulong to be fruitful and multiply. Yes, sa mga may-asawa, mangyayari ‘yan sa pagkakaroon ng mga anak na palalakihin para maging mga tagasunod ni Cristo. At para sa lahat, in fulfilling the Great Commission, making disciples of Christ from all nations. Ipamuhay natin ang buhay natin na in communion with Christ, abiding in Christ, devoted to Christ and his work. Promise niya, “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mat 28:20). Kung ikaw ay nakay Cristo, may asawa ka man o wala, hindi ka mag-iisa.