Last Thursday, may pumunta sa akin at sinabing ang kapitbahay namin na namatayan ng anak. Six months pa lang na pinagbubuntis ng nanay. Naghahanap sila ng pari na magdadasal bago ilibing. Pwede na raw ang pastor. Hinahanapan pa ko ng holy water. Sabi ko ang “holy water” na mahalaga ay yung salita ng Diyos (see Eph. 5:26). Binasa ko sa kanila yung Psalm 139. Heto yung ilan sa nakasulat dun: “Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin; lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim. Ako’y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay” (Psa. 139:15-16). Ang buhay natin galing sa Diyos. Ang Diyos din ang magsasabi kung kailan ito magtatapos. Tapos binasa ko sa kanila yung nakasulat sa gospel tract na, “Ano ang Gospel?” Heto yung ilan sa nakasulat dun:
Ang unang dapat malaman tungkol sa mabuting balita ay ito: “nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1). Ang lahat ay diyan nagsimula, kaya kung mali ang pagkaunawa mo riyan, magiging mali na rin ang pagkaunawa mo sa mga kasunod pa.
Ito yung isa sa mga dahilan kung bakit sisimulan nating pag-aralan ngayon yung bagong series natin sa Genesis 1-11 na ang title ay “Ang Simula ng Lahat.” Dito nagsimula yung Bible, yung Salita ng Diyos. Ang ibig sabihin ng “Genesis” ay “pinagmulan, simula, o kapanganakan.” Ang Hebrew title naman nito ay bereshit na galing sa unang salita dito na isinalin na “In the beginning” o “Sa pasimula.” Karamihan ng laman ng Genesis ay tungkol sa kung saan nagsimula ang Israel—kay Abraham, then Isaac, then Jacob, na siyang pinagmulan ng twelve tribes of Israel. Mababasa ‘yan sa chapters 12 to 50. Pero ang simulang-simula ay Genesis 1-11—simula ng Israel, simula ng lahat ng lahi, simula ng lahat ng tao, simula ng lahat ng bagay.
Bakit naman ito especially relevant sa panahon natin ngayon? Tayong mga Kristiyano ay people of the Book, the Bible. So, para mas maintindihan natin ang Bible na binabasa at pinag-aaralan natin, kailangan alam natin hindi lang ang New Testament, kundi pati ang Old Testament, hindi lang yung tungkol sa pagdating ni Cristo hanggang sa kanyang muling pagbabalik, kundi kung saan ba nagsimula ang lahat ng ito. Kung mali ang pagkakaintindi natin sa mga simulang chapters ng Bible, magiging mali rin ang sa mga susunod pa. Malaki ang nakasalalay rito.
Kailangan din natin ito para mas magkaroon tayo ng kumpiyansa sa buhay at sa pagharap natin sa hinaharap. We can find here the comfort and hope we need. Andaming uncertainties ngayon. Sa problema sa pamilya, tulad ng binanggit ko kanina, saan ba nanggaling ‘to? Bakit may baby na namamatay na hindi pa ipinapanganak? Sa problema sa economy, sa giyera sa Middle East, itinatanong natin, Bakit ba may ganyan? Ano ang resolution niyan? Paano na tayo bukas? May kasabihan nga tayo, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Tama naman.
Higit sa lahat, kailangan natin ‘to para mas makilala ang Diyos. Sa kanya naman ultimately manggagaling yung kumpiyansa na kailangan natin. Paano siya nagpapakilala? Ano ang ginawa niya? Ano ang solusyon niya sa problemang kinakaharap natin dahil sa kasalanan? Kapag mas nakikilala natin siya, mas makikilala natin ang sarili natin, mas makikilala natin si Cristo, mas titibay ang pananampalataya natin, mas magiging masunurin tayo sa mga utos niya, mas iinit ang pagsamba natin sa kanya.
Ilan lang ‘yan sa mga prayers ko na mangyari as we go through the first eleven chapters ng Bible. At konektado rin naman ito sa layunin ng Diyos kung bakit niya ito ni-reveal kay Moises para isulat sa mga Israelita na naghahanda na pumasok sa Canaan, ang lupang pangako. Pagkatapos na sila ay maalipin sa Egypt ng 300 years, matapos na yung naunang henerasyon ng nakalabas sa Egypt ay mamatay sa loob ng 40 taon ng paikot-ikot sa wilderness bilang parusa ng Diyos dahil sa kanilang unbelief na ibibigay sa kanila ng Diyos ang lupaing iyon at pagtatagumpayin sa kanilang mga kaaway. Kailangang malaman nila kung saan sila nagmula, kung sino ang Diyos na ‘to kasama nila at nakikipaglaban para sa kanila, at kung ano ang kaibahan niya sa mga diyos-diyosang sinasamba ng mga tao roon. Kung malalaman nila ang kasaysayan ng pinagmulan nila, mas makikilala nila kung sino ang Diyos nila, at mas magtitiwala sila sa kanya, at mas magiging confident sila sa halip na matakot, sa pagpasok sa lupaing ibibigay sa kanila ng Diyos.
Kaya mahalagang malaman nila ang kasaysayan nila kung paanong nagmula sila sa kanilang amang si Abraham at kung paanong ipinangako ng Diyos sa kanya at sa kanyang lahi ang pagpapala at lupaing ibibigay niya sa kanila (simula pa sa Genesis 12). Pero hindi lang hanggan dun, kailangan din nilang balikan ang simula ng lahat-lahat. At ‘yan ang salaysay ng paglikha ng Diyos na makikita natin sa Genesis 1:1 hanggang Genesis 2:3.
Mababasa natin sa Genesis 1:3-25 ang ginawa ng Diyos sa anim na araw ng paglikha. Kasama rin ang Genesis 1:26-31 na nag-focus naman sa paglikha ng Diyos sa tao. At sa Genesis 2:1-3 ay ang salaysay ng pagtapos ng Diyos sa nilikha niya at pagpapahinga sa ikapitong araw. Iisa-isahin natin ‘yan sa mga susunod na Linggo. Pero dito muna tayo ngayon sa first two verses, sa pinakasimula ng lahat at pinakasummary ng ginawa ng Diyos sa creation. Ganito ang nakasulat:
In the beginning, God created the heavens and the earth. The earth was without form and void, and darkness was over the face of the deep. And the Spirit of God was hovering over the face of the waters.
Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman samantalang ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. (AB)
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito? Marami. Babanggitin ko ang lima.
Una, merong simula ang lahat: “In the beginning…” / “Nang pasimula…” (v. 1) Merong origin, merong pinagmulan, merong simula, merong starting point ang lahat. Ang simula ng lahat ng bagay, at ang pinagmulan nating mga tao ang isasalaysay ng chapter 1. Ganun din, saan nanggaling ang araw, mga bituin, ang mga hayop, ang mga halaman, ang mga bundok, ang mga dagat. Sa chapter 2, bakit ba tayo nagtatrabaho, saan galing ang pag-aasawa. Sa chapter 3, saan nagsimula ang kasalanan, ang pag-aaway ng mag-asawa, ang kahihiyan, ang hirap sa panganganak, ang hirap sa pagtatrabaho, at ang kamatayan; pati na rin ang plano ng Diyos na i-reverse yung sumpang dulot ng kasalanan. Sa chapter 4 naman ang unang pag-aaway ng magkapatid, ang inggitan, ang pagpatay, ang pagsisinungaling, ang karahasan, ang kayabangan.
Sa chapter 5, ang malungkot na katotohanan na may hangganan ang buhay natin, lahat ng tao ay mamamatay dahil sa kasalanan. Sa chapters 6-8, kung paanong kumalat ang kasalanan at kasamaan sa puso ng tao, at kung bakit may baha, bakit may sakuna, bakit may trahedya, at kung paanong sa lahat ng ito ay merong Diyos na nakikipagtipan sa tao at nangangako ng pagpapala. Sa chapter 9 kung saan nagmula ang mga magiging kalaban ng mga Israelita, ang mga taga-Canaan. Sa chapters 10-11, kung bakit merong iba’t ibang mga bansa, iba’t ibang lahi, iba’t ibang wika, at kung paanong mula sa iba’t ibang lahi na yun ay nagsimulang pumili ang Diyos ng isang tao na siyang pagpapalain niya at magiging isang malaking lahi, at sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang buong mundo.
Merong simula ang lahat. Ang buhay natin, ang lahat sa buhay natin, ang mga problemang kinakaharap natin, at ang lahat ng nangyayari sa mundo ngayon. Kung gusto nating maintindihan ang kahulugan ng mga bagay-bagay, kung gusto nating magkaroon ng kumpiyansa sa pagharap sa kinabukasan, kailangang balikan natin ang simula ng lahat-lahat.
At kung sinasabi nating merong simula ang lahat-lahat, kailangan din natin alalahanin na merong nag-iisang walang simula at hindi kasali sa lahat-lahat na tinutukoy natin, at naririto na at existing na bago pa ang lahat-lahat. Ito naman ang pangalawang matututunan natin dito: Merong Diyos bago pa ang simula. “In the beginning God…” (v. 1). Siya ang main character ng buong Kuwento ng Bibliya. Kaya nga tinatawag natin itong “The Story of God.” Siya ang Bida, ito ay tungkol sa kanya. Hindi tao ang bida sa kuwentong ito, hindi ikaw, hindi ako. Kung ang Diyos ang Bida, hindi ba’t dapat lang na kilala natin kung sino ang Diyos na ito? Paano ba siya nagpapakilala sa opening sentence pa lang ng Bible?
Malinaw rito na merong lang iisang Diyos. “In the beginning God,” hindi “in the beginning Gods.” Yung salitang ginamit dito, Elohim, ay plural form, na ang singular form ay El, at minsang isinasalin kung mga diyos-diyosan (gods) sinasamba ng ibang lahi ang tinutukoy, mga diyos-diyosang napapatangay rin ang mga Israelita na sambahin in place of or in addition to Yahweh. Isa lang ang Diyos, at ang plural form ay malamang na plural of majesty. Malinaw na sa simula pa lang ay ipinapaalala sa kanila na isa lang ang Diyos na dapat nilang sambahin at mahalin at paglingkuran at sundin, “Hear, O Israel! Yahweh is our God, Yahweh is one!” (Deut. 6:4). Tayong mga Kristiyano rin ay sumasamba sa iisang Diyos, hindi tatlong Diyos. Isang Diyos, tatlong persona: Ama, Anak, at Espiritu. Hindi pa ‘yan klaro sa Genesis 1:1 siyempre. Pero later on, magiging malinaw na:
…alam nating iisa lamang ang Diyos. Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo. (1 Cor. 8:4-6)
Ang Diyos na ito ay eternal o walang hanggan. Wala siyang simula, walang katapusan. Hindi siya saklaw ng oras o panahon. “Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang, hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan, ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika’y walang hanggan,” “from everlasting to everlasting you are God” (Psa. 90:2). Dahil ang Diyos na ito ay hindi sakop ng panahon natin, ibig sabihin ay hindi siya nagbabago o immutable, unchanging. Kapag tayo ay ipinanganak, maliit pa, tapos sa paglipas ng panahon, lumalaki, tumatanda. Pero ang Diyos, sa anumang panahon, mula pa sa panahon ng ating mga ninuno, hanggang sa mga panahong darating, ang Diyos ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, siya pa rin ngayon. He is the same yesterday, today, and forever. Kaya nga masasandalan natin siya: “Lord, you have been our dwelling place in all generations” (Psa. 90:1). Kahit na magkagulo sa buong mundo, kahit na maglaho ang lahat, mananatili ang Diyos:
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan; nang pasimula’y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan. Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas; sila’y huhubaring parang kasuotan. Ngunit mananatili ka’t hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo. At ang mga anak ng iyong mga lingkod, mamumuhay namang panatag ang loob; magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila’y mananahan. (Psa. 102:24-28)
At dahil ang Diyos ay existing na bago pa ang simula ng lahat, ang Diyos na ito ay self-existent. Ang katangiang ito ng Diyos ay tinatawag ding aseity. Kumbinasyon ito ng dalawang Latin words, a (“from”) and se (“himself”). Ang Diyos ay “from himself,” o mula sa kanyang sarili. Walang iba outside of himself na naging sanhi ng kanyang existence o pagiging Diyos. Dun din galing ang pangalan niyang Yahweh, “I AM” o “I AM WHO I AM” na siyang pakilala ng Diyos sa sarili niya kay Moses na dapat niyang ipakilala rin sa Israel (Exo. 3:14). He is “uncaused, who exists by the necessity of his own being, and therefore necessarily” (Louis Berkhof, Systematic Theology, 58). Walang lumikha sa kanya, walang nagbigay ng buhay sa kanya, wala siyang pinagkakautangan ng kanyang pagka-Diyos.
Ibig sabihin, siya rin ay self-sufficient at independent. Hindi siya nakadepende kaninuman. “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan” (Acts 17:24–25). Hindi niya kailangan ang tulong natin, hindi niya kailangan ang serbisyo natin. Hindi niya kailangan ang pagsamba at pagsunod natin na para bang meron siyang pangangailangan na matutugunan natin. Hindi siya lumikha ng anumang bagay dahil malungkot siya at nag-iisa at kailangan niya ng makakasama. Wala siyang kailangang anuman o sinuman. He is not a needy God, he is self-sufficient.
At dahil siya ay self-sufficient, siya rin ay omnipotent, o all-powerful, almighty. Ito ang laman ng panalangin ni prophet Jeremiah, na nagbibigay sa kanya ng kumpiyansa na patuloy na gawin ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos kahit na napakahirap: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo…O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala’y Yahweh na makapangyarihan sa lahat” (Jer. 32:17). Ito rin ba ang pinaniniwalaan natin tungkol sa Diyos? Bakit ka pinanghihinaan ng loob? Ang Diyos na mismo ang nagsabi, “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?” (Jer. 32:27 AB). Meron ba?
So, kapag binasa natin, at narinig natin, “In the beginning God…”, at sinabi natin, at inawit ang tungkol sa Diyos, ‘wag sana ‘yan maging common expression lang dahil palagi namang naririnig ang salitang “Diyos.” Isipin mo, alalahanin mo, paniwalaan mo, kamanghaan mo, pagtiwalaan mo na ang Diyos na ipinapahayag natin ay ang iisang Diyos, siya ay walang hanggan, siya ay may buhay sa sarili niya, siya ay sapat sa sarili niya, siya ay makapangyarihan sa lahat.
Ito ang Diyos na nagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng unang talata sa Bibliya na kanyang Salita at sa pamamagitan ng kanyang unang ginawa, “In the beginning God created the heavens and the earth”; “Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (v. 1). Ito yung ikatlong itinuturo sa atin ng teksto natin: Merong Diyos na lumikha sa lahat ng bagay sa simula. Ito ang personal na ipinapahayag natin sa simula ng Apostles’ Creed, “Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na Lumikha ng langit at lupa.” Ito ang sama-samang ipinapahayag natin sa simula ng Nicene Creed, “Sumasampalataya kami sa iisang Diyos, ang Ama na Makapangyarihan sa lahat, Lumikha ng langit at lupa, at ng lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita.”
Ang gawa ng Diyos sa paglikha ay patunay ng kanyang dakilang kapangyarihan. At kapag sinabing siya ang lumikha ng langit at lupa, ito ay paraan ng pagsasalita na tinatawag na merism, o pagsasabi ng dalawang bagay na opposites o nasa magkabilang dulo para tukuyin ang kabuuan o totality. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, and everything in between. Ibig sabihin, lahat-lahat, walang anumang bagay ang hindi saklaw ng kanyang paglikha. Lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos na lumikha nito. Wala siyang katulong para gawin ito: “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan” (Isa. 44:24). Nararapat lang na kilalanin at parangalan natin ang Diyos dahil dito: “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha” (Rev. 4:11 AB).
Ito yung essence ng kasalanan, yung hindi natin pagkilala sa Diyos na lumikha, na pinahahalagahan pa ang mga bagay na nilikha kaysa sa lumikha: “Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen” (Rom. 1:25). Dahil siya lang ang dapat kilalanin na lumikha: “Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyosan; si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan” (Psa. 96:5). Hahatulan ng Diyos ang mga diyus-diyosan at lahat ng sumasamba sa mga ito: “Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig. Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan, at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman” (Jer. 10:11-12).
Dapat nating panatilihing malinaw ang linya na naghihiwalay sa Lumikha sa nilikha, yung Creator-creature distinction. Ang Diyos ay hindi nilikha, siya ang Lumikha. Hindi tayo ang Lumikha, tayo ang nilikha. Napakalaki ng pagkakaiba. Langit at lupa ang pagitan ng pagkakaiba na ‘yan. ‘Wag nating ilalagay ang anumang bagay sa nilikha ng Diyos na kapantay o higit pa sa Diyos na Lumikha. ‘Yan ay idolatry. ‘Wag din nating ilalagay ang sarili natin na para bang kapantay ng Diyos. Marami tayong hindi naiintindihan sa mundo at sa buhay natin. Bakit kinuha ng Diyos ang six-month old baby sa loob pa lang ng sinapupunan ng kanyang ina? Let us not presume na kaya nating ipaliwanag ang mga bagay na ito. Bakit kinuha ng Diyos ang mga ari-arian at mga anak ni Job kahit na siya ay isang taong matuwid at may magandang relasyon sa Diyos? Ang pagkilala sa Diyos na lumikha ng lahat ay dapat magdulot ng kapakumbabaan sa atin lalo na sa mga panahong hindi natin maintindihan ang nangyayari sa paligid natin. Tanong ng Diyos kay Job, “Nasaan ka nang likhain ko ang mundo? Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo. Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito? Sino ang sumukat, alam mo ba ito?” (Job 38:4-5). Wala siyang maisagot, hindi siya makakibo. Ang pagkilala sa laki ng agwat natin sa Diyos ang nagdulot kay Job para amining siya’y “hamak at walang kabuluhan” kung ikukumpara sa Diyos (Job 40:4-5). Matatanggal ang yabang natin na ang taas-taas ng tingin sa sarili kung ihaharap natin ang sarili natin sa Diyos na lumikha ng lahat.
In humility, kikilalanin din natin na ang tulong na kailangan natin—lahat ng tulong na kailangan natin—ay sa Diyos lang nagmumula. “Do’n sa mga burol, ako’y napatingin—sasaklolo sa akin, saan manggagaling? Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa” (Psa. 121:1-2); “My help comes from Yahweh, who made heaven and earth” (LSB). Anong ipagmamalaki mo, anong katatakutan mo, anong ipag-aalala mo, kung alam at pinaniniwalaan mong merong Diyos na lumikha ng lahat?
Mahirap para sa atin na magkaroon ng ganitong lakas ng loob kung ang nakikita at patuloy na tinitingnan natin ay kung ano ang sira sa buhay natin, kung ano ang kulang, kung ano ang pangit. Kaya mahalagang ipaalala rin ang ikaapat na katotohanang itinuturo sa atin ng teksto natin: Merong hindi pa tapos sa simula. Sabi sa verse 2, “The earth was without form and void, and darkness was over the face of the deep…” (v. 2); “Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman” (AB). Bago pa ang una sa anim na araw na paglikha ng Diyos na magsisimula sa verse 3, isinalarawan dito ang kalagayan ng “lupa” na walang hugis, walang laman, at walang liwanag (binalot sa kadiliman). Ibig sabihin, hindi pa tapos, simula pa lang, naghihintay na magkaroon ng hugis, magkaroon ng laman, magkaroon ng liwanag.
Karaniwang basa natin sa Genesis 1:1 ay summary o buod ng paglikha ng Diyos, at ang verse 2, hanggang verse 3 ng chapter 2 ay ang detalye kung paano ito ginawa ng Diyos. Meron naman na nagsasabi na itong Genesis 1:1 ay initial act of creation ng Diyos, hindi pa tapos. Whatever the case, maliwanag na gustong i-communicate ng Diyos dito na ang paglikha ng Diyos, bagamat mula sa wala (out of nothing, ex nihilo) ay hindi niya ginawa na isang iglap lang. Kaya naman niyang itakda na sa isang pitik lang ng daliri niya (of course, figurative ‘yan, wala namang daliri ang Diyos; God is spirit), matapos na ang lahat. Hindi naman niya kailangan ng panahon, ng proseso, ng timetable, ng mga materyales, ng mga equipments, ng workforce para matapos ang lahat. He is almighty.
So, bakit ganito? Bakit sa simula ng paglikha niya ay hindi pa tapos agad? Sa tingin ko ay upang ipahayag sa mga babasa nito na kung ang kalagayan man ng buhay mo ngayon, ng bayan ninyo ngayon, ng mundo ngayon ay parang walang hugis, walang laman, walang liwanag, maalala mo na hindi pa tapos ang Diyos. Itong “walang anyo at walang laman” (AB) ay tohu wabohu sa Hebrew. Ginamit din ang eksaktong dalawang salitang ito sa Jeremiah 4:23-26 at Isaiah 34:11, na nagsasalarawan ng magiging kalagayan ng Judah, ang bayan ng Diyos, dahil sa paghatol ng Diyos:
Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan (tohu wabohu) at sa langit ay walang anumang tanglaw. Tumingin ako sa mga bundok at mga burol; ang mga ito’y nayayanig dahil sa lindol. Wala akong makitang tao, wala kahit isa; pati mga ibon ay nagliparan na. Ang masaganang lupain ay naging disyerto; wasak ang mga lunsod nito dahil sa matinding poot ng Diyos. (Jer. 4:23-26)
Ang mananahan dito’y mga kuwago at mga uwak. Ang lupaing ito’y lubusang wawasakin ni Yahweh, at iiwang nakatiwangwang (bohu) magpakailanman. (Isa. 34:11)
Dahil sa ang konteksto ng dalawang talatang ito ay may kinalaman sa judgment, merong nag-propose na itong Genesis 1:2 ay ang kalagayan ng nilikha ng Diyos pagkatapos ng kanyang first act of judgment dahil sa pagrerebelde ng mga anghel. So parang re-creation na yung simula sa verse 3. Tinatawag itong “gap theory” at sinasabing merong gap sa pagitan ng verse 1 at verse 2 at yun nga ang pagrerebelde ng mga anghel. Well, I think that is reading these passages too much into Genesis 1. Nagpapakita lang ito na sa panahong parang wala nang pag-asa ang bayan ng Diyos dahil sa paghatol na naranasan nila, dapat nilang alalahanin na tulad ng sa Genesis 1:2, hindi pa tapos ang Diyos.
Ganun din sa mga Israelita na naghihintay sa pagpasok sa lupang pangako pagkatapos ng 40 years na paikut-ikot sa wilderness. Ang paglikha ng Diyos sa bayan ng Israel ay hindi isang iglap lang. Ang paglabas nila mula sa Egipto, patungo sa disyerto, ay pasimula pa lang, hindi pa tapos ang Diyos. Heto ang laman ng ilan sa mga huling pananalita ni Moses bago sila pumasok sa Canaan, sa pamamagitan ng isang awit:
Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili, sila ang kanyang tagapagmanang lahi. Sa isang disyerto sila’y kanyang natagpuan, sa isang lupang tigang at walang naninirahan (tohu). Doon sila’y kanyang pinatnubayan, binantayan at doo’y inalagaan (Deut. 32:9-10).
Nasa labas pa sila ng promised land during this time, pero binibigyan sila ng kumpiyansa na itong mabuting sinimulan ng Diyos ay tatapusin niya.
Nasaan ang garantiya? Nasa summary statement sa verse 1, “Nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” Nasa recap nito sa Genesis 2:1-2, “Tinapos niyang likhain ang lahat ng ito.” Sa second half ng verse 2 ng text natin, meron nang indication na hindi lang may gagawin ang Diyos, kundi sa kalagayang ito ng kanyang nilikha sa simula na walang anyo, walang laman, walang liwanag, ay may ginagawa ang Diyos: “And the Spirit of God was hovering over the face of the waters” (Gen. 1:2); “samantalang ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig” (AB). Heto ang ikalimang matututuhan natin sa tekstong ito: Merong Espiritu ng Diyos na kumikilos sa simula.
Ang salitang “Espiritu” rito ay ruah sa Hebrew na ginagamit din para tukuyin ang hangin o hininga. Dahil ito ay “ruah ng Diyos” most likely ito ay tumutukoy sa Espiritu ng Diyos, sa Diyos mismo. Posible na earliest indication na sa isang Diyos ay merong higit sa isang persona. Parehong salita rin ang ginamit sa salitang “kumikilos” o “hovering” sa kasunod ng binasa natin kanina sa Deuteronomy 32: “Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad, na pumapagaspas (same Hebrew word ng “kumikilos” sa text natin) sa kanyang mga inakay, kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila, kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak” (Deut. 32:11 AB).
Ang larawan dito ay ang Diyos mismo ay actively at work, superintending, overseeing, personally involved sa kanyang ginagawa sa creation. Bagamat siya ay higit na mataas, infinitely above his creation, transcendent, hindi ibig sabihin na malayo siya. Ibinaba niya ang sarili niya na parang agila na lumilipad-lipad sa ibabaw ng tubig, para pangasiwaan ang kanyang nilikha. He is both transcendent and immanent, o malapit sa atin. Ibig sabihin nito, hangga’t kumikilos ang Diyos, itong creation project niya ay hindi pwedeng maging ghost project, o kaya ay abandoned project, o kaya ay ite-turnover na niya sa iba. Kung wala ang Diyos, kung walang gagawin ang Diyos, hopeless talaga ang sitwasyon. Sabi sa ESV Expositor’s Commentary:
Without God the scene would be one of total, hopeless desolation, but when God is present—whether in a universe or in the life of an individual—he brings life, order, and hope. Even the most inhospitable conditions cannot prevent him from establishing life in a world of beauty, splendor, and majesty—the best of all possible worlds. (1:42)
‘Yan ang pag-asa natin. Merong simula ang lahat. Merong Diyos bago pa ang simula. Merong Diyos na lumikha sa lahat. Merong hindi pa tapos, oo, pero merong Diyos na kumikilos. So? Makakaasa tayo na ang Diyos—na walang simula at walang katapusan at lumikha ng lahat—ang siyang tatapos ng sinimulan niya. Hindi lang dahil mababasa natin sa chapter 2 na tinapos nga niya. Hindi lang dahil alam nating ang mga Israelitang lumabas sa Egypt ay makakapasok nga sa lupang pangako. Hindi lang dahil alam nating yung mga na-exile sa Babylon ay makakabalik sa bayan nila. Kundi, higit sa lahat, alam nating siya na lumikha ng lahat, siya na pinakamataas sa lahat, ay bumaba at naging isa sa mga nilikha. Si Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ang Salita na naging tao (John 1:14), na ipinakilala sa John 1:1-3 na tulad ng nakasulat sa Genesis 1:1. “Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita” (John 1:1-2).
Karaniwang ikinakabit natin ang paglikha na partikular na gawain ng Ama. Pero sa Trinity, hindi natin pwedeng paghiwa-hiwalayin ang gawa ng isang Diyos, tatlong persona. Ang Espiritu ng Diyos at ang Anak ng Diyos ay kasama sa paglikha. Hindi sila nilikha, sila ang lumikha. “Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya (ng Anak), at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya” (John 1:3). “Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya” (Col. 1:6). Ang Diyos na di-nakikita ay nakita sa pamamagitan ni Jesus. Si Cristo ang Anak ng Diyos, tunay na Diyos, walang simula, walang katapusan, self-existent, self-sufficient, hindi nagbabago, at makapangyarihan sa lahat.
“At sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya” (Col. 1:20). Ang bagong paglikha ng Diyos—ang church—ay isinasakatuparan niya sa pamamagitan ni Cristo. “Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago” (2 Cor. 5:17). Ang buhay ng isang tao na gulu-gulo, kulang-kulang, at balot ng kadiliman ay nagkaroon ng kagandahan, napunan ang kakulangan, at nagkaroon ng liwanag sa pamamagitan ni Cristo.
Hindi pa tapos ang Diyos. Marami pa ring sira-sira at kulang-kulang sa mundong nilikha ng Diyos na nahulog sa kasalanan. Pero nangako siya na tatapusin niya ang sinimulan niya. “Ang sabi ni Yahweh: ‘Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit; ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan’” (Isa. 65:17). Ito ang katapusang ipinakita ng Diyos kay apostle John sa kanyang vision of the end, “Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat” (Rev. 21:1), isang malinaw na allusion sa Genesis 1:1-2. Ang kalagayan ng nilikha ng Diyos ay hindi lang basta babalik sa kalagayan nito noong simula. Dadalhin ng Diyos ang lahat sa higit na mas maganda, higit na mas mabuti, higit na mas maliwanag na kalagayan sa katapusan ng lahat.
Kaya nga, anumang uncertainties ang ipinag-aalala mo ngayon o kinatatakutan, heto ang asahan mo: tatapusin ng Diyos ang sinimulan niya. Dahil “sigurado ako na yung magandang bagay na inumpisahan ng Diyos sa inyo, tatapusin nya hanggang sa Araw na bumalik” ang Panginoong Jesu-Cristo (Phil. 1:6 PV).