Derick Parfan
Sinabi ni John Calvin sa opening sentence ng kanyang Institutes of the Christian Religion, “Halos lahat ng karunungang taglay natin…ay nahahati sa dalawang bahagi: ang pagkakilala sa Diyos at ang pagkakilala sa ating sarili.” Pinakamahalaga naman talaga ang makilala natin kung sino ang Diyos. Kung kilala natin ang Diyos, mas makikilala rin natin ang sarili natin. Pero paano natin makikilala ang Diyos? Kailangan nating pag-aralang mabuti kung paano siya nagpapakilala sa Bibliya na kanyang Salita—a revelation of who he is. Kaya meron tayong sermon series sa Genesis 1-11, kaya mahabang panahon ang inilalaan natin every Sunday sa preaching of the Word. Nagiging mali ang pagkaunawa natin sa Diyos kung mali ang pagkaunawa natin sa kanyang Salita. Akala natin sobrang lupit ng pagpaparusa ng Diyos sa kasalanan na para bang hindi na makatarungan o matuwid ang ginagawa niya. Akala natin kulang sa awa at habag ang Diyos sa mga makasalanan. Akala naman ng iba na dahil sobrang loving ang Diyos, hahayaan na niya tayo kung ano ang gusto nating gawin.
Itong mga maling akala natin sa Diyos, itong mga “feeling” natin tungkol sa Diyos ay dulot ng misreading of his Word. Kapag titingnan natin ngayon ang story ng Genesis 4, tapos mali ang tingin natin sa main character ng story, mamamali rin ang interpretation at application natin nito. Kapag naka-focus ka kina Adan at Eba, na may mahalagang papel naman talaga sa Genesis 2-3, magtataka ka kung bakit sa simula lang sila nabanggit, yung ginawa lang nila kaya nabuntis si Eba at nagkaanak. Tapos baka ang conclusion mo, sina Adan at Eba kasi, mga pabayang magulang, kaya ganun tuloy ang nangyari sa magkapatid. Ano ang lesson? Tungkol ba sa good parenting? Kapag ang focus mo naman ay sina Cain at Abel, tungkol naman sa away magkapatid, ano ang lesson? ‘Wag mag-aaway, magmahalan ang magkakapatid. Kapag si Abel, kung paano tularan si Abel sa pagbibigay ng offerings. Pero mas marami ngang role si Cain dito, kaya kung siya naman ang focus, kung paano hindi matulad kay Cain, paano lalabanan ang galit. Kapag mali ang focus, mali rin ang applications.
Tama namang may applications tungkol sa mga bagay na ‘yan, pero ano ba yung pangunahing bagay na gusto ng Diyos na matutunan natin dito? Na makita natin kung sino talaga ang Bida sa kuwento. Hindi lang dito sa Genesis 4, kundi sa buong Bibliya. Kaya mahalaga ang pagbabasa ng Bibliya in context. Ano ang nauna rito? Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan sa Genesis 3, na siya namang nangyari pagkatapos na likhain ng Diyos ang lahat na “very good.” And then, simula rito sa Genesis 4, makikita natin kung ang naging epekto ng pagbagsak na ito, ng pagpasok ng kasalanan, hindi lang sa mga anak nina Adan at Eba, kundi sa lahat ng tao na nanggaling sa kanila. Nagsisilbi ngayon itong salamin na kapag nakita natin kung sino ang Diyos, mas makikita rin natin kung paano naaapektuhan ng kasalanan ang pagsamba at relasyon natin sa Diyos, ang relasyon natin sa ibang tao, especially our family members, kaya nahuhulog tayo sa tukso, kaya merong inggitan, awayan, galit, pagpatay, at kung anu-ano pang masamang dulot ng kasalanan.
Makikita natin sa kuwento ng Genesis 4 ang bunga ng pagbagsak sa kasalanan nina Adan at Eba, ang consequences ng kasalanan at ng hatol ng Diyos sa kasalanan. Habang sinusubaybayan natin ang kuwento, alamin natin hindi lang kung ano ang nangyari, kundi kung paano nagpapakilala ang Diyos sa atin ngayon through this story. Remember, siya ang Bida.
Hindi sina Adan at Eba. Bagamat sa kanila nagsimula ang kuwento rito.
Ano’ng ginawa nila? Well, yung ginagawa lang ng mag-asawa. Sinipingan ni Adan ang asawa niyang si Eba (Gen 4:1). Literally, “nakilala” o “knew.” Pero yun ay euphemism (o isang pananalitang tumutukoy sa higit pa sa sinasabi nito, para maiwasan yung mas bulgar na pananalita). But, obviously, tumutukoy ito sa sexual intercourse. Kasi, nabuntis si Eba. Tapos, nagkaanak sila ng lalaki, ang ibinigay na pangalan ay Cain. After some time, we are not told kung gaano katagal, nabuntis ulit siya, at nagkaanak ulit ng lalaki. This time, Abel ang ipinangalan (Gen 4:2).
Hindi lang ngayon, kundi kahit noon pa ay mahirap na ang panganganak. Try to imagine, walang midwife, walang doctor, walang ospital. Ina-anticipate na rin ni Eba yung sinabi ng Diyos, “Gagawin kong napakahirap ang iyong pagbubuntis, yung panganganak mo, gagawin kong sobrang sakit” (Gen 3:16 PV). Pero kahit gaano ‘yan kasakit at kahirap, kinakailangan ‘yan para matupad ang layunin ng Diyos, “Be fruitful and multiply and fill the earth…” (Gen 1:28). Ibig sabihin, hindi lang magkaroon ng anak, magkaroon ng maraming anak, magkaroon ng napakaraming anak. At hindi lang yun, higit na mahalaga, yung matupad ang salita ng Diyos na sinabi niya sa ahas sa Genesis 3:15 na may darating na anak ng babae, the seed or offspring of the woman, na dudurog sa ulo ng ahas, the snake-crusher.
Kinilala ni Eba na yung panganganak niya, bagamat mahirap, ay nangyari sa tulong ng Diyos. Sinabi niya nang ipanganak si Cain, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh” (Gen 4:1 MBB). Ang pangalan ni Cain (qayin) ay katunog ng Hebrew para sa “nagkaroon” o “gotten” (qanah). Ang salitang ito ay pwedeng “created” din ang ibig sabihin. Pero siyempre, sino ba namang tao ang ipapalagay na siya ay creator at giver of life na tanging Diyos lang ang makagagawa. So we confess with the psalmist, “Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha, sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata” (Ps 139:13 MBB).
Sa simula pa lang ng kuwento, meron nang mahalagang theology na matutunan natin tungkol sa Diyos. Ano yun? Ang Diyos ang tumutulong sa mga taong makasalanan na matupad ang layunin niyang mamunga at magpakarami kahit na ang nararapat sa kanila ay kamatayan. Kamatayan ang nararapat kina Adan at Eba. Pero sa halip na mamatay, hindi lang pinapahaba ng Diyos ang buhay nila, nagkakaroon pa ng ibang mga taong may buhay na galing sa kanila. Dalawa pa lang sa kuwentong ito, eventually, dadami nang dadami ‘yan. Bawat panganganak, alalahanin mo na ‘yan ay awa at habag ng Diyos sa mga taong makasalanan.
Sa paglaki nina Abel at Cain, nagkaroon sila ng magkaibang trabaho. Si Abel ay naging shepherd (tagapag-alaga ng tupa o ng kambing), habang si Cain naman ay farmer (Gen 4:2). Parehong trabaho naman, marangal na trabaho. Yun naman ang gusto ng Diyos sa tao—ang magtrabaho at pangalagaan at pagyamanin ang kanyang nilikha. Sa case ni Abel, mga hayop. Sa case ni Cain, mga pananim. At sa bunga ng kanilang trabaho, dun din naman nanggaling ang inihandog nilang offerings sa Panginoon. Si Cain naghandog ng bahagi ng kanyang inani (Gen 4:3). “Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi” (Gen 4:4 MBB).
Ang paghahandog na ito ay acts of worship, pagkilala na nararapat ang Diyos na siyang pinanggalingan ng mga mabubuting bagay na natatanggap nila. Of course, hindi kailangan ng Diyos ang mga ito. Hindi naman niya kailangan ng pagkain o anuman mula sa atin. He is not served by human hands as if meron siyang kailangan sa atin (Acts 17:25). Ang buhay natin, ang lakas natin, lahat-lahat sa atin ay galing sa Diyos. Ang paghahandog na ito ay humble confession din, pagkilala na sa sarili natin ay hindi tayo karapat-dapat lumapit sa Diyos. Pero sa awa ng Diyos, even sa buhay outside of the garden, hinahayaan at inaanyayahan ng Diyos ang tao na lumapit sa kanya sa pagsamba.
Hindi ito binabalewala ng Diyos. God responds sa offerings na inihandog sa kanya. Yun nga lang, magkaiba ang response niya sa magkapatid. “Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito” (Gen 4:4-5 MBB). Take note, yung response ng Diyos ay hindi lang dun sa ini-offer sa kanya kundi pati sa taong nag-offer. Si Abel at ang offering niya, tinanggap ng Diyos. Si Cain at ang offering niya, ni-reject ng Panginoon. Bakit magkaiba? Well, hindi itinuturo nito sa mga Israelita na mga animal offerings lang ang acceptable sa Diyos at ang mga offerings na galing sa pananim ay hindi. Dahil kung titingnan natin ang Leviticus 1-2, pareho naman acceptable ‘yan sa Diyos—yung burnt offering at grain offering. May clue sa klase ng inihandog nila. Kay Cain, sinabi lang na mula sa ani niya. Pero kay Abel, yung “best” portion. We give out of the overflow of our hearts. Kaya sinabi sa Hebrews 11:4 na ginawa ito ni Abel “by faith”: “By faith Abel offered to God a more acceptable sacrifice than Cain.” Ibig sabihin, the primary reason bakit ni-reject si Cain ay dahil hindi niya yun ginawa by faith. Unlike Abel, meron siyang unrighteous, impure heart. Hindi pa ‘yan obvious dito, pero mamaya makikita natin yung condition ng heart niya in how he responds to God.
Meron itong mahalagang lesson na itinuturo sa atin tungkol sa pagsamba. “What kind of worship is pleasing to God? Worship pleasing to God is a worship that springs from a pure heart” (Expositor’s Bible Commentary, 1:97). Pero siyempre, hindi lang ito lesson tungkol sa dapat nating gawin sa pagsamba. Ang lesson din dito, yung theology, tungkol sa Diyos ay ito: Ang Diyos ang nagpapasya kung ang naghahandog at ang handog ay katanggap-tanggap sa kanya. Hindi tayo ang nagpapasya kung paano sasambahin ang Diyos. Hindi kung ano lang yung feel natin, kundi kung ano yung acceptable sa kanya. God is teaching us hindi lang na karapat-dapat siyang sambahin, kundi karapat-dapat siyang sambahin sa paraang nais niya.
Dahil sa makasalanang kalagayan ng puso natin, we don’t like that arrangement. Gusto natin tayo ang nasusunod. Kaya paano nag-react dito sa Cain? Nag-like ba siya, o nag-heart react? No, anger ang reaction niya. “Dahil dun, galit na galit si Cain at kitang-kita yun sa mukha nya” (Gen 4:5 PV). Hindi lang siya nainis o a little bit disappointed. Galit na galit. Paano ba siya dapat mag-respond? Pwede siyang magtanong, “Lord, bakit yung kay Abel tinanggap n’yo, yung sa ‘kin hindi?” Then, ask for forgiveness. Pero yung galit niya possible na driven by envy sa kanyang kapatid. Tapos, yung galit niya ay paraan ng pagsasabi sa ginawa ng Diyos, “It is not right!” Na para bang inaakusahan ang Diyos na walang karapatan na magpasya kung ano ang acceptable offering o kung ano ang hindi, na mali ang desisyon niya in judging what is good and what is not. Sa paglikha ng Diyos, siya ang tumingin at nagsabing, “It was good.” Sa pagbagsak sa kasalanan, si Eba ang nagpasya kung ano ang mabuti. Sa reaksyon ni Cain, sinasabi niyang hindi mabuti sa Diyos to respond that way. Inilalagay niya ang sarili niya na para bang siya ang Diyos. Sa galit niya, inaakusahan niya ang Diyos na “unrighteous” samantalang siya ang unrighteous. Hindi niya kailangang sabihin ang lahat ng ito, obvious na obvious sa expression ng mukha niya na galit siya.
Mabuti ang Diyos na hinarap niya si Cain at kinausap. Ayaw ng Diyos na manatili ang galit sa puso natin. Sabi niya kay Cain, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo?” (Gen 4:6 MBB). Alam naman ng Diyos ang sagot. Alam ng Diyos ang puso ng tao. Pero ginagawa ito ng Diyos dahil sa awa niya, para mailapit ang makasalanan sa kanya, para ma-realize natin ang kasalanan natin. Paraan din ito ng Diyos ng pagsasabi na wala siyang karapatan at sapat na dahilan na magalit. Karamihan ng galit sa puso natin ay unrighteous, selfish, at ungodly. Sabi pa ng Diyos, “Kung tama ang ginawa mo, masaya ka sana ngayon” (Gen 4:7 PV). Ibig sabihin, hindi tama ang ginawa niya, hindi tama ang puso niya sa Diyos, kaya ‘yan ang consequences.
Mabuti ang Diyos, na hindi niya tinapos dun lang ang pakikipag-usap kay Cain. Ipinakita pa niya kung gaano kadelikado na hayaang galit ang maghari sa puso niya at kung ano ang dapat niyang gawin dito, “Kung masama naman, ang kasalana’y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya’t kailangang mapaglabanan mo ito” (Gen 4:7 MBB). Ito yung unang pagkakataon sa Bible na binanggit ang salitang “kasalanan.” At ito ay tumutukoy hindi lang sa masamang ginagawa o actions natin, kundi pati na rin sa masamang pagnanasa sa puso natin, na para bang isang powerful force na kailangan nating labanan. Para “mabangis na hayop na laging na-aabang upang lapain ka.” Tulad ni Satanas na ahas. Sin will not satisfy us. Sin will destroy us. Kaya kailangan natin itong pagtagumpayan. Hindi ang kasalanan ang dapat na masunod sa buhay natin. We need to exercise our God-given authority as image-bearers hindi lang sa mga nilikha ng Diyos kundi sa sarili mismo natin.
Ano ang itinuturo sa atin ng Diyos dito tungkol sa sarili niya? Hindi basta-basta hinahayaan ng Diyos ang isang makasalanan kundi kinukompronta tayo para malaman natin kung gaano kadelikado ang kasalanan at kung ano ang dapat nating gawin tungkol dito. Kaya sa New Testament din ay maririnig natin ang Diyos na nagsasabi sa atin ng tulad nito:
Kapag pinagsasabihan tayo ng Diyos, ibig sabihin may pakialam siya sa atin. Ibig sabihin, ayaw niya tayong mapahamak. Kapag pinagsabihan din kayo ng magulang n’yo, kapag pinagsabihan kayo ng mga elders ng church, at ipinapaalala sa inyo ang warning galing sa salita ng Diyos, papakinggan n’yo ba o ipipilit ang gusto n’yo? Sadly, ang ilan sa mga anak natin ay hindi nakikinig, ang ilan sa mga dinisiplina nating members ay hindi nakinig.
Tulad ni Cain. Sa halip na labanan ang makasalanang galit sa puso niya at isuko ito sa Diyos, hinayaan niyang siya ang ma-overpower nito. “Isang araw, sinabi ni Cain sa kapatid nya, ‘Tara, punta tayo sa bukid’” (Gen 4:8 PV). Hindi para mag-bonding, kundi para isagawa ang masama niyang plano—napakasama. “Pagdating dun, bigla niyang sinugod [ang kapatid niyang] si Abel at pinatay” (Gen 4:8 PV). Sa halip na makinig sa salita ng Diyos, pinakinggan niya ang sarili niyang puso. This is cold-blooded murder, premeditated murder. Heto ang unang kamatayan ng tao na naitala sa kasaysayan—kamatayang hindi dahil sa katandaan o pagkakasakit—kundi kamatayang dulot ng sariling kapatid (ESV Expository Commentary). Ito ay pagsuway sa utos ng Diyos. Kahit na later on pa yung ‘wag kang papatay’ na isa sa sampung utos (Exodus 20), malinaw na hindi ganito dapat ituring ang isang kapatid, ang isang kapwa tao, ang isang nilikha rin sa larawan ng Diyos (Gen 9:6-7). “To be fruitful and multiply” ang nais ng Diyos sa tao hindi “to subtract.” Ang pahalagahan ang buhay, ang sariling buhay at ang buhay ng ibang tao. Ang galit sa puso ni Cain ay nauwi sa pagpatay. Parang hayop na pinatay niya ang kapatid niya, pero ultimately si Cain ang parang nilapa ng hayop dahil sa ginawa niyang kasalanan.
Nang magkasala ang tatay niyang si Adan, hinanap siya ng Diyos, kinumpronta siya, tinanong siya tungkol sa kasalanan niya. Umamin naman siya bagamat sinisi niya ang asawa niya (Gen 3:9-12). Pero itong si Cain, tinanong din siya ng Diyos, “Nasan si Abel na kapatid mo?” Sagot naman ni Cain, “Ewan ko. Ako ba ang tagapag-alaga ng kapatid ko?” (Gen 4:9 PV). Again, alam ng Diyos ang lahat, walang maitatago sa kanya. Opportunity ito para aminin niya ang kasalanan niya. Pero nagsinungaling pa siya, instead of honestly confessing to God. As if naman merong siyang maitatago sa Diyos. Tapos sinabi pa niyang hindi naman siya ang tagapagbantay ng kapatid niya. Baka nga naman trabaho yun ng parents niya, in effect para pang sinisisi rin niya ang iba. Well, anak nga siya nina Adan at Eba. Ganyan din ang mga kapatid ni Joseph. Dahil sa inggit at galit sa kapatid nila, nagsabwatan sila para patayin siya. Bagamat hindi natuloy ang plano nilang pagpatay, yun pa rin naman ang sinabi nila sa tatay nila na nangyari. Ang pagsisinungaling at pagpatay ay pagsunod sa pamamaraan ni Satanas, ang ahas, na siyang mamamatay tayo at sinungaling mula pa sa simula, tulad ng sinabi ni Jesus tungkol sa mga religious leaders during his time (John 8:44). At heto na nga yung labanan sa pagitan ng mga anak ng ahas (tulad ni Cain the unrighteous one, Jude 11) at ng mga anak ng babae (tulad ni Abel the righteous one, Heb 11:4).
Ang sinumang susunod sa ahas at sa anak ng ahas ay tatanggap ng parusa tulad ng hatol ng Diyos kay Cain. “At sinabi ni Yahweh, ‘Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan’” (Gen 4:10 MBB). Si Abel, the righteous one, ay walang speaking part sa kuwentong ito. Nung namatay siya saka lamang narinig ang salita niya, figuratively siyempre. “Kahit patay na, nagsasalita pa siya” (Heb 11:4 MBB). Sumisigaw pa nga sabi ng Diyos. Ibig sabihin, hindi palalampasin ng Diyos ang kasalanan ni Cain. Ang kabayaran ng kasalanan, ng pagpatay, ay kamatayan—death penalty. “Sinumang pumatay ng kanyang kapwa, buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa” (Gen 9:6 MBB).
Awa ng Diyos kaya hindi pa ibinagsak ng Diyos ang hatol ng kamatayan. Pero merong sumpa. Sabi ng Diyos, “Dahil diyan, isusumpa kita. Hindi ka na pwedeng mabungkal ng lupa kasi dyan dumanak ang dugo ng kapatid mo na pinatay mo. Kahit magbungkal ka ng lupa at magtanim, walang tutubo dun. Wala kang lugar na matitirhan at magiging pagala-gala ka sa mundo” (Gen 4:11-12 PV). Isinumpa ng Diyos ang lupa dahil sa kasalanan ni Adan (Gen 3:17). Dahil dito, at dahil sa kasalanan din ni Cain, kaya maghihirap siya sa pagtatanim. Pero hindi sinumpa ng Diyos directly si Adan. Ang ahas ang sinumpa ng Diyos (Gen 3:14). This time, si Cain ang unang tao na tumanggap ng pagsumpa ng Diyos. Dahil sumunod siya sa ahas, susumpain din siya na tulad ng ahas. Siya rin ay magiging “fugitive and wanderer”—walang permanenteng tirahan. Sa kasalanan, we will find no rest, no peace, no security, no at-home-ness. Ito ang consequences ng kasalanan, hindi lang nina Adan at Eba, pero maging ng sarili niyang kasalanan.
Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa Diyos? Makatarungan ang Diyos sa paggawad ng sumpa sa makasalanan; ang laki ng parusa ng Diyos ay nakaayon sa laki ng kasalanan. How about us? Ganyan din ba ang nararapat sa atin? Yes, kung pumatay ka rin ng tao tulad ni Cain, murder man ‘yan o abortion. Pwede ba nating i-excuse ang sarili natin dahil hindi naman tayo pumatay na katulad ni Cain? Ano ba ang sabi ng Panginoong Jesus?
Narinig ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, “Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.” Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, “Ulol ka!” ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. (Mat 5:21-22 MBB)
Narinig ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, “Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.” Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, “Ulol ka!” ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. (Mat 5:21-22)
Ayon sa Panginoong Jesus, kapag may galit sa puso mo, isa ka na ring mamamatay-tao na nararapat hatulan ng kamatayan “sa apoy ng impiyerno.” Teka lang, parang sobra naman yata ‘yan? Kapag ibang tao ang paparusahan, “‘Yan, dapat lang sa kanya ‘yan, deserved niya ‘yan.” Pero kapag sarili nating kasalanan ang paparusahan, “Unfair naman yata yun!” We have double standards of justice.
Tulad ng reaksyon ni Cain sa sentensya ng Diyos sa kanya. Sabi niya, “Sobrang bigat naman ng parusa mo sa akin. Gusto mo akong palayasin sa lugar na ito at ilayo sayo. Wala na akong matitirhan at pagala-gala na lang ako sa mundo. Malamang patayin ako ng kahit sinong makakita sa akin” (Gen 4:13-14 PV). Naiintindihan niya yung sinabi ng Diyos na consequences ng kasalanan niya. Papalayasin siya, malalayo siya sa Diyos, magpapagala-gala siya. Totoo naman. Pero nung sinabi ba niyang, “Sobrang bigat naman ng parusa mo sa akin,” ine-express ba niya yung kahinaan niya na dalhin ang parusang iginawad ng Diyos? Senyales ba ito na nare-realize na niya ang seriousness ng kasalanan niya? Umaapela ba siya sa Diyos na maawa sa kanya at babaan ang sentensya sa kanya? O baka gusto lang niyang maiwasan ang consequences ng kasalanan niya. Hindi sinabi explicitly. Although merong ibang interpreters na inaakalang may evidence na ng repentance kay Cain dito. Pero highly unlikely, lalo na pagdating sa dulo ng kuwento na lumayo siya sa Diyos sa halip na lumapit sa kanya (Gen 4:16).
Pero ang isang malinaw dito ay ito: kung mare-realize talaga natin kung gaano kaseryoso ang kasalanan natin, kung gaano kabigat din ang parusa ng Diyos dahil dito, masasabi talaga nating walang sinumang ordinaryong tao ang makakapagdala ng parusa ng Diyos.
Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh?
Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot?
Bumubugang parang apoy ang kanyang poot.
Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit.
(Nah 1:6 MBB)
Totoo ‘yan. Totoo rin ito tungkol sa Diyos:
Si Yahweh ay napakabuti;
matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.
Mga nananalig sa kanya’y kanyang inaalagaan.
(Nah 1:7)
Tiningnan ni Cain ang bigat ng parusa ng Diyos. Pero hindi niya nakita ang kabutihan ng Diyos. Ang tanging paraan para matakasan ang bagsik ng galit ng Diyos is to find refuge in his goodness. Pero pinangunahan siya ng takot na malamang ay patayin siya dahil sa ginawa niyang kasalanan. Sino ang papatay sa kanya? Ang tatay o nanay niya? Ang Diyos? Yes, deserve niya na patayin din siya. Justice yun. Pero ano muna ang ipinakita sa kanya ng Diyos?
Binigyan pa nga siya ng pangako o garantiya na poprotektahan siya. Sabi ng Diyos sa kanya, “Hindi. Pag may pumatay sayo, pitong beses na mas matindin ang magiging parusa niya” (Gen 4:15 PV). “Pitong beses,” ibig sabihin perfect justice ng Diyos ang titiyak na ang paghihiganti ay nasa kamay ng Diyos, at wala sa ating mga kamay. “Vengeance is mine, I will repay, says the Lord” (Rom 12:19). And to make sure na hindi pagtatangkaan ang buhay niya, nilagyan siya ng Diyos ng protective mark, “Kaya nilagyan ni Lord (Yahweh) ng palatandaan si Cain para warningan ang mga tao na wag siyang patayin” (Gen 4:15 PV). Well, hindi natin alam kung ano ba ‘tong mark na ‘to. Para ba ‘tong tattoo sa balat niya na may nakalagay na warning? We don’t know. Pero ito ay maliwanag na mensahe na sa kabila ng kasalanan niya, hindi lang basta makatarungan ang Diyos sa kanyang paghatol, siya rin ay Diyos na full of grace, mercy, and patience.
The theology of this story is clear: Bagamat mabigat ang parusa ng Diyos sa kasalanan, nananatili pa ring malaki ang kanyang awa sa mga makasalanan. Nagsasalita ang Diyos, gumagawa ang Diyos, para ang mga makasalanan ay lumapit sa kanya, sa halip na lumayo sa kanyang presensya.
Sadly, ang bahaging ito ng kuwento ay nagtapos hindi sa isang happy ending. Sa halip na lumapit sa Diyos, “Iniwan ni Cain si Yahweh (LSB, went out from the presence of Yahweh) at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden” (Gen 4:16 MBB). Sa silangan ng Eden, ang buhay na palayo nang palayo sa klase ng buhay sa garden of Eden. “Pinalayas mula sa paligid ng Eden, si Cain ay lumayo at lalo pang lumayo sa Diyos—patungo sa silangan, sa lupaing ang pangalan mismo ay nangangahulugang ‘paglalagalag’ (nod; v. 16)—isang malinaw na pagpapakita ng malalim na pagkaligaw ni Cain” (ESV Expository Commentary).
Ito ang malungkot na kuwento ng mga makasalanang nagpapatuloy sa kanilang paglayo sa Diyos. Ano ang susunod na gagawin ng Diyos? ‘Yan ang aabangan natin sa pagpapatuloy ng kuwento, anticipating yung mga gawa ng Diyos kung paano niya ibabalik ang tao para ma-enjoy ulit ang presensya ng Diyos tulad ng nae-enjoy noon nina Adan at Eba sa garden of Eden.
But first, pakinggan natin ang warning ng Diyos sa atin galing sa kuwentong ito: Ang kapahamakang dulot ng kasalanan, ultimately, ay ang paglayo sa presensya ng Diyos. Ang kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Diyos. Isang malaking trahedya kung magpapatuloy tayo sa ganitong kalagayan at ganito ang sasapitin natin balang araw: “Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan” (2 Thess 1:8-9 MBB).
Ano ang solusyon sa malaking problemang ito? Nasa text din na ‘yan: ang “Magandang Balita ng Panginoong Jesus”—the gospel. Una nating narinig ‘yan sa Genesis 3:15. Merong darating na snake-crusher. Maaasahan bang si Cain yun? Malabo. Si Abel sana, kaso patay na ang anak ng babae, samantalang si Cain naman ay maituturing na anak ng ahas. Paano na ‘yan? This story awaits its resolution sa pagdating ng anak ng babae na magmumula sa tulong ng Diyos. Si Jesus ang nakahihigit na Abel na siyang naghandog ng pinaka-acceptable na sacrifice. He is our true elder brother, na ang puso ay para sa ikabubuti natin, unlike selfish and murderous Cain. Siya lang ang walang kasalanan, pero siya pa ang pinarusahan ng kamatayan. He died in our place, as our substitute, bearing the punishment we deserved, the punishment he doesn’t deserve.
Si Abel, bagamat patay na ay nagsasalita pa rin (Heb 11:4), dahil ang kanyang dugo ay sumisigaw para sa hustisya. Pero si Cristo, dahil sa dugo niyang nabuhos sa krus, his blood “speaks a better word than the blood of Abel” (Heb 12:24). Dahil ang dugo ni Cristo ay sumisigaw: “Justice is satisfied. Now, receive the grace of God freely.” “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay (pinatay!) nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos (ilapit sa presensya ng Diyos). Siya’y pinatay sa laman (tulad ni Abel), at muling binuhay sa espiritu (that is why he is greater than Abel)” (1 Pet 3:18 MBB). At kung tayo ay nakay Cristo, ibinigay niya rin sa atin ang kanyang Espiritu, ang garantiya, ang palatandaan, na tayo’y poprotektahan at iingatan ng Diyos upang walang anumang kasalanan, walang anumang kasamaan, walang anumang gawa ng Kaaway, ang makapaghiwalay ulit sa atin sa kanyang presensya, ensuring that we will be in the presence of the Lord forever.
Ganito ang pagbabasa ng kuwento ng Bibliya na ang Diyos ang Bida. Hindi tayo. Itinatanong natin unang-una:
Paano nagpapakilala ang Diyos sa atin? Makatarungan siya kung humatol. Maawain pa rin siya sa kanyang paghatol sa ating mga makasalanan. Ipapamukha niya sa atin ang kaseryosohan ng kasalanan natin at ang terrible consequences nito at ang mas malalang trahedyang naghihintay sa sinumang nagpapatuloy sa kasalanan. At ang greatest tragedy? Ang mahiwalay sa presensya ng Diyos forever. Sa habag ng Diyos, siya rin ang gumawa ng paraan para tayo makabalik sa kanya sa pamamagitan ni Cristo.
Kaya, kung ikaw ay isang makasalanan—and you are—at nananatiling malayo sa Diyos, ang mga salitang ito ay salita ng Diyos na nag-aanyaya sa ‘yo na lumapit sa kanya. Humingi ng tawad sa marami at malaki mong mga kasalanan. Magtiwala ka kay Cristo at sa kasapatan ng kanyang ginawa sa krus para sa mga makasalanan. At kung ikaw naman ay nakay Cristo na, pero patuloy na kumakapit sa isang kasalanang ayaw mong bitawan, ang mga salitang ito ay paanyaya sa ‘yo to find your rest, your peace, your home, hindi sa kasalanang iyan, kundi kay Cristo lamang. At sa lahat sa atin, patuloy na mamuhay araw-araw na ang Diyos ang Bida. Na hindi yung gusto natin, hindi yung preferences natin, hindi yung feelings natin, hindi yung paraan natin ang nasusunod, kundi ang salita ng Diyos. His Word is infinitely better. Jesus is infinitely better. Sigurado ‘yan.