Ang mga Tatay

Genesis 4:16-26

Derick Parfan

Facebook
Email

Introduction: Gospel-Centered Bible Reading

Isa sa pangunahing responsibilidad ko bilang pastor ninyo ay ang ituro sa inyo ang Salita ng Diyos. Kaya mahabang panahon ang inilalaan natin every Sunday sa pakikinig ng preaching of the Word. Pero hindi lang yun. Kasama sa trabaho ko ay ang i-equip o sanayin kayo na basahin nang tama ang Bibliya. Hindi lang i-encourage kayo na mag-Bible reading daily, kundi mag-Bible reading rightly. Mahalaga ‘to pareho sa Bible teacher at Bible student: “rightly handling the word of truth” (2 Tim 2:15). Sa 20 years na pagtuturo ko ng Salita ng Diyos, it is my unwavering conviction na ang tamang pagbabasa ng Bibliya ay ang “gospel-centered Bible reading.” Ibig sabihin, we recognize na ang gospel ay “of first importance” (1 Cor 15:3) at sa gospel na ‘to nakakabit, nakakonekta, at nakasentro ang lahat ng bahagi ng Bibliya.

The Gospel: Diyos — Tao — Cristo — Tugon

Ano ang gospel na ‘to? Malaki ang maitutulong kung gagamitin natin ang four-point outline na ‘to: Diyos, Tao, Cristo, Tugon.

  • Diyos: Ang Diyos ang lumikha sa atin. Siya ay banal, matuwid, makatarungan, mapagmahal, at maawain. Kaya mainam na tanungin natin sa bawat kuwento na pinag-aaralan natin sa Genesis (at sa bawat talata sa kahit anong bahagi ng Bibliya), Paano nagpapakilala ang Diyos dito? Remember, ang Bibliya ay “revelation” o kapahayagan ng kung sino ang Diyos.
  • Tao: Ang tao ay nilikha ng Diyos sa kanyang larawan, upang sambahin siya, sundin siya, at i-enjoy ang kanyang presensya. Pero nagkasala ang tao at pinagdurusahan ang mga consequences ng pagbagsak ng tao sa kasalanan. Kaya mainam na itanong sa bawat talata, Paano nito sinasalamin ang problema ng tao sa kasalanan at sa epekto nito?
  • Cristo: Si Cristo ang Anak ng Diyos, tunay na Diyos, tunay na tao, at nag-iisang tagapamagitan sa Diyos at sa tao. Siya’y namuhay nang matuwid, namatay para sa ating mga kasalanan, at muling nabuhay. Kaya mainam na itanong sa bawat teksto, Paano ito naghahanda o nag-aabang o nagtuturo o nagpapaliwanag tungkol kay Cristo at sa ginawa niya sa krus?
  • Tugon: Ang tugon natin sa ginawa ni Cristo ay ang pagsisisi at pananampalataya. Kaya dapat nating itanong, Paano tayo dapat tumugon sa tekstong ito? May kasalanan bang dapat pagsisihan? May pangako bang dapat panghawakan? May utos ba na dapat sundin?

Bakit ito mahalaga sa pagbabasa ng Bibliya?

Of course, hindi lang naman ang mga ito ang mga tanong na dapat nating itanong para lubos nating maunawaan ang salita ng Diyos. Pero mahalaga itong framework para maging tama ang pagbabasa natin ng Bibliya. Bakit ito mahalaga? For many reasons. Maiiwasan nating basahin ang Bible na para bang tayo ang bida, na para bang tungkol ito primarily sa mga bagay na dapat nating gawin. Makikita natin kung gaano kalaki ang pangangailangan natin sa biyaya at tulong ng Diyos. Mas mamamangha at mas magtitiwala tayo sa ginawa ni Cristo para sa atin. At mas magiging redemptive, transformational, life-changing ang pagbabasa natin ng Bible. Hindi lang ito para madagdagan ng information ang isip natin, kundi maging katulad tayo ni Cristo as a result. Paano mangyayari yun? By beholding the glory of the Lord in the gospel! “And we all, with unveiled face, beholding the glory of the Lord, are being transformed into the same image from one degree of glory to another. For this comes from the Lord who is the Spirit” (2 Cor 3:18).

Kung ganito ang approach natin sa Bible reading, mas magiging “profitable” o “beneficial” ito sa atin. Tutal, ang Bible ay salita ng Diyos at “kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay” (2 Tim 3:16 MBB).

Tulad ng ginawa nating pag-aaral last week sa familiar na kuwento tungkol sa pagpatay ni Cain sa kanyang kapatid na si Abel. Natutunan natin na hindi lang ito tungkol sa “tularan natin si Abel, ‘wag nating tularan si Cain” na moralistic na approach sa Bible. Kundi higit na mahalaga, tungkol ito sa Diyos na Bida sa kuwentong ito, kung paanong makatarungan siya kung humatol sa mga makasalanan at maawain din siya sa kanyang pagtrato sa mga makasalanan, at kung paanong siya pa rin ang gumagawa ng paraan para maibalik ang tao sa mabuting kalagayan nito tulad ng sa Garden of Eden, enjoying the presence of God, sumasamba sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at namumuhay sa paraang ayon sa nais ng Diyos.

Ganito pa rin ang approach natin sa pagpapatuloy natin sa natitirang bahagi ng chapter 4, medyo unfamiliar na ito sa atin. At aminin natin, baka nga hindi pa tayo nakapaglaan ng mahabang panahon para pag-aralan ito at pag-isipan kung ano naman ang itinuturo sa atin ng Diyos dito. Kaya mahalaga yung sunud-sunod na exposition ng Bible, para wala tayong malalaktawan, para hindi natin malaktawan yung mga usual portions na lalaktawan na lang natin basta. Remember, “All Scripture is breathed out by God and profitable…” (2 Tim 3:16). Lahat. Kasali itong Genesis 4:17-26. At sa pag-aaral nito, magiging helpful sa atin yung gospel pattern: Diyos, Tao, Cristo, Tugon.

Ang Diyos ng Genesis 1-4

Unahin natin ang Diyos. Dapat lang. Pero sa simula ng text natin, sa verse 17, si Cain ang unang mababasa natin. Atras muna tayo kung saan tayo nagtapos last time, “Then Cain went away from the presence of the Lord (Yahweh)” (Gen 4:16). Si Cain pa rin at ang ginawa niyang paglayo sa presensya ng Diyos. Pero bago natin tingnan ang problema ng tao tungkol dito, mag-focus muna tayo sa presensya ng Diyos na si Yahweh. Mas makikita natin ang napakalaking problema ni Cain at ng mga makasalanan sa presensya ng Diyos kung kilala natin kung sino ang Diyos na ‘to.

Sino ba ang Diyos na ‘to na nagpapakilala sa atin sa Genesis 1-4? Siya ang Diyos na lumikha sa lahat at nagbigay ng buhay sa mga tao. Ang Diyos ang nagbigay ng buhay kina Adan at Eba, mga magulang ni Cain. Ibig sabihin, ang buhay na meron si Cain ay galing sa Diyos. And he’s running away from that God. Ang Diyos ang nagbigay ng trabaho sa tao at ng lakas at ng kakayahan na kailangan nito para magawa ang trabaho. Ang lakas na meron si Cain ay galing sa Diyos. And he’s running away from that God. Ang Diyos ang Diyos na karapat-dapat sambahin, paglingkuran, at pasalamatan sa lahat ng biyayang tinatanggap ng tao. Every good and perfect gift ay galing sa kanya. He is good and gracious kasi hindi naman tayo dapat tumanggap ng anumang mabuting bagay galing sa kanya. Dahil sa kasalanan, we forfeited receiving any good thing from God. Pero dahil sa habag niya, ibinibigay niya. Nagbigay siya ng warning kay Cain. Kinumpronta siya sa kasalanan niya. Hinatulan, yes, dapat lang, pero pinangakuan pa rin na poproteksyunan siya. And still, he’s running away from that God.

Maiintindihan pa natin kung ang nilalayuan niya ay isang magnanakaw o mamamatay-tao o ang diyablo mismo. Pero ang Diyos? Yes, nakakatakot siya kung magparusa. Pero hindi solusyon ang paglayo sa kanya. God being omnipresent, hindi naman talaga tayo makakalayo sa presensya ng Diyos. Mas lalala nang lalala pa nga kung lalayo tayo sa Diyos. Isang napakalaking trahedya kung lalayo tayo sa Diyos because he is our highest good. Malaki ang awa niya sa mga makasalanang lumalapit sa kanya. Instead of walking away from the presence of God, ang dapat nating gawin ay lumapit sa Diyos na mayaman sa awa.

Ang Problema ng Tao: Palayo nang Palayo sa Diyos (Gen. 4:17-24)

With that backdrop, mas makikita ngayon natin ang problema ni Cain at ng lahat ng taong sumusunod sa halimbawa niya na tinawag na “kampon ng diyablo,” mamamatay-tao, “masama ang kanyang mga gawa” (1 Jn 3:12). Siya at ang lahi niya ang “binhi” ng ahas na tinutukoy sa Genesis 3:15 na makikipaglaban sa “binhi ng babae,” na una nang nakita nang patayin niya si Abel, na maituturing na “binhi ng babae” dahil siya ay ibang-iba kay Cain: “matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid” (1 Jn 3:12). Makikita natin mamaya sa dulo ng teksto kung paano magpapatuloy ‘yang “binhi ng babae” gayong namatay na si Abel. Pero ngayon, tingnan muna natin kung paanong ang pagpapakilala kay Cain at sa lahi niya ay nagpapakita kung paanong palala nang palala ang problema ng tao sa kasalanan, kung paanong sila ay palayo nang palayo sa Diyos.

Cain and Enoch (vv. 17-18)

Pangunahin sa mga taong binanggit dito ay mga tatay, labindalawa ang tatay na binanggit dito. So, sa kanila tayo mag-focus. Hindi lang dahil Fathers’ Day ngayon. Pero siyempre, kapag may tatay, may asawa at may anak. Simulan natin kay Cain, “Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nabuntis ito at pinanganak si Enoch. Nagtayo si Cain ng city at pinangalan yun sa anak nya” (Gen 4:17 PV). Hawig ito sa verse 1, na ang tinukoy namang tatay ay si Adan at ang asawa niya ay si Eba, at ang naging anak nila ay sina Cain at Abel. Pero si Cain na lang ang natira dahil nga pinatay niya ang kapatid niya. Dito naman, hindi pinangalanan ang asawa ni Cain. Hindi rin sinabi kung saan galing. Malamang isa sa mga kapatid niya, o kung hindi man, isang malapit na kamag-anak dahil mahaba naman ang buhay ng tao noon (tulad ng makikita natin sa chapter 5). Sa kautusan ni Moises, ipinagbabawal ang incest o sexual relationship sa isang malapit na kamag-anak, pero siyempre hindi pa naman ito applicable sa simula.

Again, tulad ng sa verse 1, itong “sinipingan” ay literally “to know,” na malinaw na tumutukoy sa sexual intimacy. At nagsi-signal ito ng panibagong section sa Genesis, bagong simula. Meron kayang maaaninag na pag-asa dito, a hope for a better future? Not really. Yes, nagkaanak si Cain at Enoch ang ipinangalan. Hawig nga ito sa isa pang Enoch na makikila natin sa Genesis 5:21-24 na lumakad kasama ng Diyos at lahing pinagmulan ni Noah. Pero itong Enoch na anak ni Cain ay ibang Enoch. Isa pa, itong si Cain na isang farmer ay naging city-builder. Mainam naman ‘yan. Pero magtataka kasi ang sinabi sa kanya ng Diyos ay magpapagala-gala siya: “a fugitive and a wanderer on the earth” (Gen 4:12), at hindi pipirmi sa isang lugar. At ipinangalan pa niya sa anak niya. Nandun kaya yung sense of ownership, o pride sa accomplishment niya, o desire for self-glory, o yung desire na makilala siya hanggang sa mga susunod na henerasyon. Hindi naman sinabi directly na ganun nga.

Pero gaya ng comment ni Iain Duguid (sa ESV Expository Commentary, 1:76), heto ang isang “anticipatory contrast” kay Abraham na ginugol ang buong buhay niya na nagpapagala-gala, naghihintay ng isang siyudad na parating pa lang: “umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo” (Heb 11:10). In contrast, ang nakahighlight sa istorya ni Cain ay ang lungsod na tao ang nagtayo, hindi ang Diyos. In fact, wala tayong mababasang anumang references tungkol sa Diyos sa section na ‘to tungkol sa kanyang lahi. Zero. Ano ang mangyayari sa buhay ng isang tao, ng isang pamilya, ng isang henerasyon, ng isang lungsod, ng isang bansa na hindi Diyos ang Bida?

Sa awa ng Diyos, nagpapatuloy pa rin ang lahi ni Cain, kahit hindi ang Diyos ang Bida sa buhay nila. “Anak ni Enoch si Irad, na tatay ni Mehujael. Anak naman ni Mehujael si Methusael, na tatay ni Lamech” (Gen 4:18 PV). From generation to generation, mula sa isang tatay na nagkaroon ng anak na lalaki, na magiging tatay rin at magkakaanak ng lalaki. Walang binanggit na nanay dito, unlike sa verse 1 at verse 17. Ang focus ay sa mga tatay, at nagsisilbing transition sa pinakaimportanteng karakter sa linya ni Cain, si Lamech.

Lamech (vv. 19-24)

Importante, kasi six verses ang inilaan tungkol sa kanya. Pero hindi magandang halimbawa ng pagka-tatay. Unang-una na, “Dalawa ang naging asawa ni Lamech, sina Adah at Zillah” (Gen 4:19 PV). Literally, “kumuha” siya ng dalawang asawa. Monogamy, o isang asawa, ang disenyo ng Diyos. Malinaw ‘yan sa Genesis 2. Ang ezer kenegdo na kailangan ng lalaki ay isang babae, hindi dalawa, hindi marami, at hindi rin kapwa lalaki. Walang moral judgment dito kung tama ba ang ginawa ni Lamech o mali, tulad ng ibang kuwento sa Old Testament tungkol sa mga karakter na nagkaroon ng higit sa isang asawa. Pero ang consequences nito karaniwan ay hindi maganda, na nag-iimply na ito nga ay kasalanan.

Meron din namang magandang consequences, kasi sa probidensya ng Diyos ay ginagamit niya maging ang kasalanan ng tao para matupad ang magandang layunin niya sa mundo. Tulad ng pagkakaroon ng maraming anak. “Anak ni Adah (isa sa asawa ni Lamech) si Jabal, na ninuno ng mga nag-aalaga ng mga baka at tumitira sa mga tent. Ang kapatid nya namang si Jubal ang ninuno ng lahat ng mga tumutugtog ng harp at flute. Anak ni Zillah (na isa pang asawa ni Lamech) si Tubal Cain. Sya ang gumawa ng lahat ng tools na gawa sa bronze at bakal. Si Naamah naman ang kapatid na babae ni Tubal Cain” (Gen 4:20-22 PV).

Tatlong anak na lalaki ni Lamech ang binanggit dito. Meron ding anak na babae pero wala naman sinabing significant about her. At hindi lang basta sinabi na yung mga anak na lalaki ni Lamech ang mga livestock growers, tentdwellers, musicians, at toolmakers gamit ang mga metal. Ang sabi, sila yung mga tatay ng mga gumagawa ng mga ‘yan. Ibig sabihin, mula sa kanila, hanggang sa mga sumunod na henerasyon kaya na-develop at nag-flourish ang arts, music, agriculture, infrastructure, at technology na mahahalagang sangkap para sa pag-unlad ng civilization. In a way, this is good. Kasi gusto naman talaga ng Diyos sa tao ay magtrabaho, maging productive, maging image-bearers na kinakikitaan ng beauty and creativity and wisdom na meron ang Diyos na lumikha sa atin. Kasama ito sa mandate sa creation ng tao, na pamahalaan at pagyamanin ang mundo at ang mga bagay na naririto na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao (Gen 1:28-30). This is good, na sa kabila ng kasalanan ng tao, ng paglayo ng tao sa Diyos, ay nagpapatuloy ang magandang layunin ng Diyos sa mundo.

So far, so good? Not really. Anumang mabuting ginawa ng kamay ng tao kapag nilagay sa kamay ng taong makasalanan, merong malaking potential ‘yan na magamit sa kasamaan. Tulad ni Lamech. Pakinggan n’yo ‘to, salin ng MBB gagamitin ko, kasi mas poetic ang dating. Hindi lang ito basta speech, well-composed na tula. Ang bida? Siya mismo. Heto ang sabi niya sa mga asawa niya:

Dinggin ninyo itong aking sasabihin, Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan, sapagkat ako’y kanyang sinugatan.
Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito’y pitong patong agad;     
ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu’t pitong patong ang kaparusahan. (Gen 4:23-24 MBB)

Sa section na ‘to, ito lang ang salita ng tao o speech na nabanggit ng isang tatay. Si Eba may speech mamaya. Pero karaniwang mas masalita naman ang babae. Maraming tatay tahimik lang, kapag nalasing saka nagiging madaldal! So it is good na nagsalita si Lamech. Ang kaso lang, may pagkaarogante ang speech niya. Patula pa, sarili niyang composition malamang, wala pa namang AI nun. Baka nga kanta pa ‘to, at isa sa mga anak niya ang tumutugtog. He’s demanding na makinig sa kanya ang mga asawa niya. Lagot sila kapag hindi sila nakinig. Kasi naman, ipinagmamalaki niya yung paghihiganti na ginawa o gagawin niya. Meron lang isang kabataan na nakasakit sa kanya, pinatay na niya. Justice? Malupit naman yun. Maliban na lang kung siya yung authorized ng Diyos na gawin yun. Pero malamang sarili niyang desisyon yun. Inilalagay niya sa sarili niyang kamay ang hustisya. At sinabi pa nga niya, ipinagmamayabang niya na mas nakahihigit pa ang sense of justice niya kaysa sa Diyos. “Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito’y pitong patong agad; ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu’t pitong patong ang kaparusahan” (Gen 4:24). Ang reference nito ay ang sinabi ng Diyos kay Cain sa verse 7, na malamang ay naikuwento ng kanyang tatay sa kanya, na naikuwento ng lolo at ng lolo ng lolo. Perfect justice na nga ang “pito” pero siya seventy-seven pa!

Maganda ang paliwanag dito ni Iain Duguid (ESV Expository Commentary, 1:77):

Sa pangyayaring ito, ginamit pa niya ang gracious na pagpigil ng Diyos sa parusa kay Cain bilang dahilan para bigyang‑katwiran ang sarili niyang labis‑labis at personal na paghihiganti—nagbantang paparusahan niya ng pitumpu’t pitong ulit na paghihiganti ang sinumang mang-aagrabyado o makaka-offend sa kanya (v. 24). Kaya siya ang naging “tatay” ng lahat ng uri ng musika na nagtatanghal sa sex at violence. Sa ikapitong henerasyon ng linya ni Cain (pampito si Lamech mula kay Adan), ganap nang umusbong ang buong bagsik at pagkasira na dulot ng kasalanan.

Meron pang isang Lamech sa Genesis 5:28-29, ibang Lamech ito, at magiging tatay ni Noah, na siyang gagamitin ng Diyos para simulan ang isang bagong humanity. Pero merong higit na naiiba kay Lamech, ang Panginoong Jesus. Tulad ng karugtong na sinabi ni Iain Duguid, “Sa kabaligtarang direksyon naman, itinuturo ni Jesus ang modelo ng pitumpu’t pitong ulit na pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin (Matt. 18:21–22).”

Ang problema ng tao sa panahon ngayon

Ano ang nakita nating problema ng tao sa panahon ni Cain hanggang kay Lamech? From generation to generation, nagiging mas developed nga ang civilization ngunit palala nang palala ang problema ng tao sa kasalanan, palayo nang palayo ang tao sa Diyos. Ang mundo ba natin ngayon ay better? In one sense, yes. Mas advanced naman talaga ang technology. Mas maraming pwedeng trabaho. Mas mahusay ang mga athletes, mga artists, mga musicians, mga scientists, mga engineers, partly dahil din sa advanced technology.

Pero marami pa ring tao ang pinu-pursue ang mga bagay na ito nang hiwalay sa Diyos, palayo sa Diyos. Better ba? In a more important sense, no. Dahil sa corrupted image of God na nasa tao, anumang mabuting bagay na nagagawa niya ay corrupted pa rin, merong malaking potential for evil. Technology is good, pero nagagamit para gumawa ng mga armas para pumatay ng maraming tao. Mas advanced ang medicine, pero ginagamit sa abortion. Merong advancement sa information technology dahil sa Internet, pero ginagamit sa promotion ng pornography at mga sexually explicit images and videos, pati violence ay ginagawang entertainment at video games. Mas magaling ang mga tao ngayon, mas magaling magnakaw, mas magaling magsinungaling, mas magaling mandaya, mas magaling gumawa ng kasalanan. At ‘wag mong sabihing you are any better. Apart from the grace of God, palala ka rin nang palala, palayo nang palayo sa Diyos. Paano na ‘yan? Paano na ang pamilya natin? Paano na ang bansa natin?

Ang Solusyon ng Diyos: Paano Ilalapit ang Tao Pabalik sa Kanya (Gen. 4:25-26)

Nasaan ang solusyon? Siguro ang kailangan natin ay better politicians? O better policies kaya? O better na sistema ng edukasyon? O baka magsikap lang tayong mabuti, try to live a better life, try to be a better person? Nasa tao nga ang problema, ibig sabihin, wala sa tao ang solusyon! Nasa Diyos talaga. Siya ang gagawa. Ito yung “But God!” ng gospel (see Eph 2:4). And amazingly, gagamitin din niya na instrumento ang mga taong itinalaga niya para sa kanyang redemptive purposes. Sa “binhi ng babae” kasi manggagaling yung ipinangako ng Diyos na balang araw ay dudurog sa ulo ng ahas. Obviously, hindi mula sa lahi ni Cain yun. Kay Abel? Hindi rin, patay na kasi siya, hindi naman siya nagkaanak.

Seth (vv. 25-26; to be continued in Genesis 5)

Pero ang Diyos ang gumawa para magkaroon ng papalit kay Abel. Ganito ang nangyari. Balik ulit tayo sa panahon ng pamilya nina Adam at Eve, “Sinipingan ulit ni Adam ang asawa nya, at lalaki ang naging anak nito. Sabi ni Eve, ‘Binigyan ako ng Diyos ng isa pang anak, kapalit sya ni Abel na pinatay ni Cain.’ Kaya Seth ang pinangalan nya dito. Nagkaanak si Seth ng lalaki, Enosh ang pangalan” (Gen 4:25-26 PV). Pinutol na muna dito yung salaysay tungkol sa lahi ni Seth. To be continued ‘yan sa Genesis 5. At this point, tanungin natin, paano ba nagkaanak ulit sina Adam at Eve? Dahil ba magaling si Adam gumawa ng anak? Dahil ba mahusay si Eve mag-alaga ng katawan niya kaya active na active siya sa panganganak? Si Eve ang nagpangalan kay Seth, at sinabi niya ang dahilan, “Binigyan ako ng Diyos…” “God has appointed for me…” Kinilala niya na ang Diyos ang gumawa, ang Diyos ang nagbigay. At hindi lang basta isang anak ang ibinigay, kundi isang anak na substitute o kapalit ni Abel na pinatay. Oo, na-highlight ulit ang karumal-dumal na krimen ni Cain. Pero mas naka-highlight ang awa at katapatan ng Diyos. Sa pagbibigay ng anak, nagbigay ang Diyos ng pag-asa. Hindi pa tapos ang Diyos. May gagawin siya. May ginagawa siya para ihanda ang sangkatauhan sa pagdating ng “binhi ng babae” na dudurog sa ulo ng ahas (Gen 3:15). Hindi mula kay Cain, kundi mula kay Seth.

Ayon kay John Sailhamer, merong makikita ritong “surprising pattern.” Ine-expect kasi na panganay na anak na lalaki ang magpapatuloy ng lahi ng magulang. Pero hindi, ito ay sa pamamagitan lang ng pagpili ng Diyos, hindi ng expectation ng tao (Expositor’s Bible Commentary, 1:104). Yes, nakita natin na mula kay Cain hanggang kay Lamech ay pasama nang pasama ang kalagayan ng tao, palayo nang palayo sa presensya ng Diyos. Masosolusyunan lang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng Diyos na kapalit ni Abel na pinatay ni Cain, si Seth. Sa masaklap na kalagayan ng tao na palayo nang palayo sa Diyos, ang tulong na kailangan ng tao pabalik sa Diyos ay manggagaling sa anak na itinalaga at ibinigay ng Diyos.

Ang solusyon ng Diyos na nakay Cristo (gospel)

Ultimately, ang anak na ito ay hindi si Seth. Kundi si Jesus. ‘Yan ang point ng genealogy, o listahan ng mga tatay at kung sino ang naging anak nila, sa Luke 3:23-38. “Alam ng mga tao na anak sya ni Joseph…na anak ni Enosh, na anak ni Seth, na anak ni Adam, na anak ng Diyos” (PV). Siya ang “binhi ng babae,” ipinanganak ng isang babae, isang virgin, wala siyang biological na tatay. To highlight na siya ang Anak ng Diyos Ama. Siya ang tulong na ibinigay ng Diyos sa tao. Siya mismo ay Diyos. Maibabalik niya ang taong malayo sa presensya ng Diyos dahil siya mismo ang pinakamalapit sa presensya ng Diyos. “Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya” (John 1:18 AB). Hindi siya mamamatay-tao na katulad nina Cain at Lamech. Siya pa nga ang pinatay para tubusin ang mga mamamatay-tao at lahat ng klase ng mga makasalanan. Siya ang ibinigay ng Diyos, appointed by God, to be our substitute, the seed of the woman, the snake-crusher. Nung pinatay siya sa krus, wala nang ibang kapalit, siya lang wala nang iba. Kaya sa ikatlong araw ay muli siyang binuhay ng Diyos.

Dito nakasalalay ang lahat-lahat sa buhay natin—hindi sa dami ng pera natin, hindi sa dami ng accomplishments natin, hindi sa magiging takbo ng bansa natin. Galing ka ba sa lahi ni Cain? O sa lahi ni Seth? Totoo ngang wala nang galing sa lahi ni Cain biologically speaking, kasi papatayin na sila ng Diyos sa panahon ni Noah. Spiritually speaking, kung wala ka kay Cristo, nananatili ka sa lahi ni Cain. Mapapabilang ka lang sa lahi ni Seth—not physically, but spiritually—kung ikaw ay nakay Cristo.

Ang Tugon: Pagsamba at Pagtitiwala sa Diyos (Gen. 4:26)

Kaya ano ang dapat nating tugon dito? Aminin nating makasalanan tayo. Magtiwala tayo kay Cristo na siyang ibinigay ng Diyos as our substitute. And then, mamuhay tayo na tulad ng kung paano namuhay at tumugon noon ang mga galing sa lahi ni Seth. Paano?

Pagtawag sa pangalan ni Yahweh (v. 26)

“Sa time na yun nagsimulang sumamba ang mga tao kay LORD” (Gen 4:26 PV). Literally, “At that time people began to call upon the name of the Lord.” The name of Yahweh. Ito ang buhay na ibang-iba sa lahi ni Cain. Kinikilala na ang Diyos ang Bida. Sa dinami-dami ng pangalang nadaanan natin, ito ang pangalang higit sa lahat. To call upon his name is to humbly admit na kailangan mo ang Diyos. Na hindi mo kayang pagtrabahuhan ang buhay sa sariling lakas mo. Na nagtitiwala ka sa kanya na siya ang makapagbibigay ng kailangan mo. Na siya ang kailangan mo. Na siya ang karapat-dapat sa pagsamba mo. Na siya ang dapat luwalhatiin sa lahat ng ginagawa mo. Ito ang kaibahan, malaking pagkakaiba ng buhay ng mga nakay Cristo. Kaya nga espesyal sa atin ang araw na ito, na sama-sama tayong sumasamba sa Panginoon, sa halip na pagkaabalahan ang mga bagay na pinagkakaabalahan ng mundo. Anong dahilan?

Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. Kaya’t lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. (Heb 13:14-15 MBB)

Sa tekstong tiningnan natin, ano ang nakita nating problema? Kung sa sarili o sa ibang tao tayo aasa, magiging palala nang palala ang kasalanan sa puso natin, magiging palayo nang palayo tayo sa Diyos. Ano ang solusyon? Ang tanging pag-asa natin ay nakay Cristo na siyang itinalaga ng Diyos na tulong na kailangan natin upang maibalik tayo palapit sa Diyos. Ano ang nararapat na tugon? Sa halip na umasa tayo sa sarili, magtiwala tayo sa Diyos na ating Tagapagligtas.

Panawagan para sa mga tatay

Dahil prominenteng karakter ang mga tatay sa kuwentong ito, at dahil Fathers’ Day, merong espesyal na panawagan dito para sa mga tatay na tulad ko. Yes, pagbutihin at sipagan natin ang pagtatrabaho, anumang trabaho ang meron ka. Sa gobyerno man ‘yan, sa isang private company, sa palengke, sa isang business, sa isang construction company, o sa loob ng bahay, o sa digital/online work. Pero ‘wag na ‘wag mong gagawin ‘yan na para bang walang Diyos, o naisasantabi ang Diyos, ang pang-Sunday lang ang Diyos. Kung wala ka pa kay Cristo, aminin mong ‘yan ang hindi mo kayang trabahuhin, ang ilapit ang sarili mo sa Diyos. Magtiwala ka na ‘yan ay trinabaho na ni Cristo sa krus para sa mga makasalanan. Tapos na ang trabaho. You find your rest in him.

‘Wag mong hanapin ang significance mo sa trabaho mo, sa dami ng kinikita mo, sa papuri at palakpak at pagkilala ng mga tao sa ‘yo. Your worth is in Christ. Now, it changes everything sa buhay natin. Iba na ang layunin natin. Hindi ang magpakayaman, magpasikat, or to prove ourselves. Kundi ang ipakilala si Cristo, itanghal ang Diyos, sa lahat ng mga tao. Unang-una na sa pamilya natin—ang mailapit ang asawa natin, at ang anak natin sa Panginoon. Kasama ‘yan sa trabaho natin. At magagawa natin sa tulong na galing sa Panginoon. At tulung-tulong din tayo sa church para masanay ang bawat isa na gawin ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon.

Panawagan para sa lahat

Mga nanay, mga anak, pwede ko ring sabihin sa inyo ang sinabi ko para sa mga tatay. Pero mahalagang maidirekta ito sa kanila, sa amin. Alam naman nating crucial ang role ng mga tatay sa plano ng Diyos. Malaki ang epekto para madala ang buong pamilya sa Diyos. Siyempre, katuwang ang nanay in raising up children in the fear and instruction of the Lord. Pagtulungan natin. Ipag-pray ninyo kaming mga tatay. Ipag-pray natin ang bawat isa na magawa natin ang trabahong bigay sa atin ng Diyos ayon sa pamamaraan ng Diyos, ayon sa salita ng Diyos, ayon sa layunin ng Diyos. Ipag-pray natin ang bawat isa na mamuhay sa paraang naaayon sa mga nakay Cristo, ibang-iba sa pamumuhay ng mga tao sa mundong ito. Tandaan natin: hindi tayo nabubuhay para sa sarili nating pangalan, kundi para sa pangalan ng Diyos; hindi para makamit ang sarili nating layunin, kundi para matupad ang layunin ng Diyos—para maitanyag ang pangalan ng Diyos sa buong mundo.