Ang Lawak ng Kasamaan ng Tao

Genesis 6:1-8

Derick Parfan

Facebook
Email

Introduction

Karaniwan sa atin na ayaw nating napagsasabihan tayo tungkol sa mali o kasalanang ginawa natin. Kung pinagsabihan ka ng tatay o nanay mo, ang tingin mo tama naman, mabuti naman, wala namang masama sa ginawa mo. Pero iba ang tingin nila. O kung pinagsabihan ng elder ng church ang isang member, halimbawa dahil sa isang maling relasyon. Sa tingin ng member na yun ay tama o wala namang mali sa ginagawa niya, at iba lang talaga ang values ng church tungkol dun, kaya umalis na lang siya. Pero siyempre, ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi kung ano ang tingin ng bata na tamang gawin niya, o ang tingin ng magulang, o ang tingin ng elder, o ang tingin ng member. Ang pinakamahalaga sa lahat ay kung ano ang tingin ng Diyos—kung ano ang nakikita ng Diyos.

At nais ng Diyos na ang tingin natin ay maging katulad ng tingin niya, although siyempre in a more limited way dahil ang Diyos ay infinite and eternal samantalang tayo ay hindi naman. Pero ang problema ng mga non-Christians, iba ang tingin nila sa buhay, sa kasalanan, at sa mundo, salungat sa tingin ng Diyos. Halimbawa yung mga pro-LGBTQ, tingin nila tama ang ginagawa nila. Pero ang tingin ng Diyos, ayon sa salita ng Diyos, kasalanan ‘yan. Ang problema naman nating mga Kristiyano, meron nga tayong tamang pagtingin sa maraming bagay, pero maliit pa rin kung ikukumpara sa kung ano ang nais ng Diyos. Maliit ang tingin natin kay Cristo at sa ating kaligtasan dahil maliit ang tingin natin sa kasalanan. Sa sarili nating kasalanan, maliit ang tingin natin. Pero sa kasalanan ng iba, mas malaki ang tingin natin. At, maliit ang tingin natin sa kasalanan dahil maliit ang tingin natin sa Diyos. Magkakakonekta ang paningin na ‘yan—sa Diyos, sa kasalanan, kay Cristo, at sa kaligtasan.

‘Yan naman ang inam na pinag-aaralan natin ang simula ng Bible, sa Genesis 1-11. Natapos na natin ang first five chapters. At ginagamit ng Diyos ang pangangaral ng kanyang salita para mas lumaki ang tingin natin sa Diyos—na siyang lumikha sa atin sa kanyang larawan, nagbigay ng buhay sa atin, nagbigay ng lahat ng kailangan natin para mabuhay; para mas lumaki ang tingin natin sa kaseryosohan ng kasalanan—sa paniniwala sa salita ng diyablo sa halip na salita ng Diyos ang pakinggan, sa pagkakahiwalay sa Diyos at sa kanyang presensya, sa tindi ng inggit, galit, kasakiman, karahasan sa puso natin; at para mas lumaki ang tingin natin kay Cristo at sa kamangha-manghang ginawa niya para iligtas tayong mga makasalanan—ang Anak ng Diyos, the image of the invisible God, na sa pamamagitan niya ay nalikha tayo at nagkaroon ng buhay, ang binhi ng babae (the perfectly righteous Man) na dumurog sa ulo ng ahas, ang kapatid na pinatay na tulad ni Abel na siyang sapat na handog para tubusin tayo sa ating mga kasalanan, ang ating kapahingahan, katuwiran, at buhay na walang hanggan.

At dahil sa mas malaking pagtingin kay Cristo at sa ebanghelyo, nagkakaroon din tayo ng bagong pagtingin kung paano mamuhay—hindi na tulad ng mga tao sa mundong hindi kumikilala sa Diyos, kundi bilang mga tinubos ni Cristo. Hindi tulad ni Cain at ng lahing nanggaling kay Cain na nakita natin sa Genesis 4 na palayo nang palayo sa Diyos, na mas concerned sa katanyagan ng sarili nilang pangalan, na tinatangkang mamuhay nang hiwalay sa Diyos, na ipinagmamalaki ang kahalayan at karahasan tulad ni Lamech. Kundi ang mamuhay nang tulad ni Seth at ng lahing nanggaling kay Seth, na tumatawag sa pangalan ni Yahweh (Gen 4:26), na lumalakad na may malapit na relasyon sa Diyos tulad ni Enoch (Gen 5:24). At tulad din ni Noah na nauna nang ipinakilala sa atin sa dulo ng chapter 5 (Gen 5:28-32), at mas ipapakilala pa sa chapter 6, “a righteous man, blameless in his generation. Noah walked with God” (Gen 6:9), at siyang main character under God hanggang chapter 9.

Pero bago natin paglaanan ng ilang linggo ang kuwento tungkol kay Noah at sa pagdating ng malaking baha, dito muna tayo sa first eight verses ng chapter 6. Ito kasi ang conclusion sa talaan ng lahing nanggaling kay Adam sa linya ni Seth, na nagsimula sa Genesis 5:1, “This is the book of the generations (Heb. toledot) of Adam…” At magsisilbi itong tulay sa talaan naman ng lahing magmumula kay Noah na magsisimula sa Genesis 6:9, “These are the generations (Heb. toledot) of Noah…”

Yung verse bago ito, verse 8, ang dulo ng teksto natin ngayon, “Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon” (AB). Ito yung dahilan kung bakit sinabi ko kanina na pinakamahalaga sa lahat ang pagtingin ng Diyos, kung ano ang nakikita ng Diyos. Pero ito na yung pangatlong eksena ng bahaging ito. Yung unang dalawa ay hinati ko rin base sa “pagtingin” o kung ano ang nakita ng tao at ng Diyos. Sa unang eksena, verses 1 to 4, kung ano yung “nakita ng mga anak ng Diyos” sa “mga anak na babae ng mga tao” (Gen 6:2). Sa ikalawang eksena, verses 5 to 7, kung ano naman ang “nakita ng Panginoon” sa puso ng tao. Sadly, ang paningin ng tao ay ibang-iba sa paningin ng Diyos dito. ‘Yan ang malaking problema na kailangang solusyunan.

Scene #1: Ang Paglawak ng Kasalanan (Gen 6:1-4)

Tingnan muna natin ang unang eksena, na matatagpuan sa verses 1-4. Mahahati naman ito sa apat na bahagi, bawat isa ay tumatalakay sa mga ordinaryong bahagi ng buhay ng tao: panganganak (v. 1), pag-aasawa (v. 2), pag-ikli ng buhay (v. 3), at kapangyarihan at katanyagan (v. 4). At bawat isa rito ay may kinalaman sa paglawak ng kasalanan sa buong mundo.

Panganganak (v. 1)

Nagsimula ang teksto natin sa panganganak. At habang lalong nanganganak ang mga tao, dumarami rin ang mga tao, nagkakaroon ng population explosion sa paglipas ng mga taon. Kaya: “Nagsimulang dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak sila ng mga babae” (Gen 6:1). Ang pagdami ng mga tao ay fulfillment ng creation mandate: “Be fruitful and multiply and fill the earth…” (Gen 1:28). Nang kumonti ulit ang mga tao dahil sa baha, inulit ng Diyos ang mandate na ‘yan sa pamilya ni Noah, “And you, be fruitful and multiply, increase greatly on the earth and multiply in it” (Gen 9:7).

Bagamat nagsi-signal ‘yan na aktibo ang mga tao sa paggawa ng anak, ultimately, hindi naman sa abilidad natin nakasalalay ang pagkakaroon ng mga anak. Alam ‘yan ng iba sa inyo na hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaanak kahit anong gawin ninyo. So, ito ay senyales din ng makapangyarihang pagkilos ng Diyos para tuparin ang kanyang layunin sa mundo at ang kanyang pangako. ‘Yan ang dapat marinig ng mga Israelita kapag nakita nila kung paano sila pinarami ng Diyos. “But the people of Israel were fruitful and increased greatly; they multiplied and grew exceedingly strong, so that the land was filled with them” (Ex 1:7).

Ang kaso, bawat taong ipinapanganak ay makasalanan. Oo, sa larawan ng Diyos nilikha ang tao (Gen 5:1-2). Pero lahat ng tao na nanggaling kay Adam, sinful Adam, ay kalarawan niya, “in his own likeness, after his image” (Gen 5:3). Sa pagdami ng mga tao, dumarami rin ang mga makasalanan, at lumalawak ang sakop ng kasalanan sa mundo. Kapag napuno ng mga tao ang mundo, napupuno rin ng kasalanan ang buong mundo. Hindi lang matanda, kundi pati mga bata. Hindi lang mahirap, kundi pati mayaman. Hindi lang mga lalaki, kundi pati mga babae. Nang sabihin “nagkaanak sila ng mga babae” (Gen 6:1), nagsisilbi itong tulay sa susunod, sa pag-aasawa.

Pag-aasawa (v. 2)

Ano’ng nangyari? “Nakita ng mga anak ng Diyos (sons of God) na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao (daughters of men). At sila’y kumuha ng kani-kanilang mga asawa mula sa lahat ng kanilang pinili” (Gen 6:2). Kasama sa magandang disenyo ng Diyos sa buhay natin ang pag-aasawa. Siyempre kailangang mag-asawa muna bago magkaanak! Pero sa verse na ‘to, merong hint na something wrong is happening here. Pero bago natin tingnan kung ano yung something wrong dito, linawin muna natin yung identity ng “sons of God” at “daughters of men.” Sinu-sino ba ang tinutukoy diyan? Merong tatlong popular views tungkol dito:

First option, na popular sa early Jewish and Christian thought hanggang fourth century AD: ito raw “sons of God” ay mga anghel at itong “daughters of men” ay mga tao at ang naging anak nila ay itong mga Nephilim na parang mga demigods na binanggit sa verse 4. Magandang gawing fantasy movie ‘yan. Totoo namang “sons of God” ang tawag sa mga angels sa Job 1:6; 2:1; 38:7; at Psalm 29:1. Posible raw na ito ang kasalanan ng mga anghel na tinutukoy sa Jude 6, “ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan,” kaya sila hinatulan ng Diyos. Ang problem, kasalanan ng tao na hinatulan ng Diyos ang tinutukoy sa Genesis 6, hindi mga anghel. Isa pa, sinabi ng Panginoong Jesus na ang mga anghel ay mga spirit beings at hindi nag-aasawa na tulad ng tao (Mat 22:30).

Ikalawa naman ay yung view na itong “sons of God” ay mga kings na nag-asawa ng kung sino ang gusto nila by force. Galing ito sa view ng ancient Near East na ang mga hari ay itinuturing na divine. Kaya yung mga anak nila, yung mga Nephilim sa verse 4 ay maituturing na mga mighty warriors. Ang problem dito, reading too much yung cultural context into this story.

Yung pangatlo naman, which I prefer dahil sa sinusuportahan ito ng immediate context. Itong “sons of God” ay tumutukoy sa mga lalaking galing sa lahi ni Seth na tumatawag sa pangalan ni Yahweh (Gen 4:26) at lumalakad na may mabuting relasyon sa Diyos tulad ni Enoch at Noah (Gen 5:22; 6:9). Sa halip na ma-preserve yung godly heritage nila ay nag-asawa ng mula sa lahi ni Cain, “the daughters of men,” or anyone na galing sa ungodly heritage. So, ang problem dito ay intermarriage, hindi lang dahil magkaibang lahi, kundi dahil magkaiba ang kinikilalang Diyos. Na siyang naging malaking problema naman ng mga Israelita later on, na mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos. Pagdating nila sa Canaan, sabi ng Diyos, “Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo’y kanyang lilipulin agad” (Deut 7:3 MBB). Utos na hindi nila sinunod, na siya namang ikipinahamak nila.

Kung tama ang interpretasyon na ‘to, ibig sabihin, kasalanan sa Diyos hindi lang kapag mag-aasawa tayo ng higit sa isa, tulad ng polygamy ni Lamech (Gen 4:19), kundi kung mag-aaasawa tayo nang isang taong hindi kumikilala sa Diyos, hindi tagasunod ni Cristo. Implied ‘yan sa utos ni Paul sa 2 Corinthians 6:14, “Do not be unequally yoked with unbelievers.” Malinaw na ito ay trespassing the boundary na inilagay ng Panginoon. Kasi yung language nitong verse 2, “Nakita…na magaganda…at sila’y kumuha…”, ay similar sa language ng kasalanan ni Eve na pagkain ng ipinagbabawal ng Diyos. Nakita niya na maganda at masarap ang bunga, kaya kumuha siya at kumain (Gen 3:6). Hindi lahat ng nakikita nating maganda o sa tingin natin ay mabuti ay mabuti talaga. Kung ‘yan ay paglabag sa utos ng Diyos, ‘yan ay masama. Wala tayong karapatang magdesisyon ng kung ano lang ang tama sa paningin natin—ito man ay sa pag-aasawa, pag-aanak, pagpapalaki ng anak, pagtatrabaho, paggamit ng social media, paggamit ng pera, o anumang bahagi ng buhay natin.

Pag-ikli ng Buhay (v. 3)

Ang Diyos ang may kapangyarihan sa buhay natin. Kaya pagdating sa verse 3, “At sinabi ng Panginoon (Yahweh), ‘Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao, sapagkat siya’y laman. Subalit ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon’” (Gen 6:3 AB). Ang buhay natin ay dahil sa Espiritu ng Diyos, sa hininga ng Diyos sa tao (Gen 2:7). Hindi ito yung indwelling Spirit na nananahan sa mga Kristiyano, kundi yung basic fact na tayo ay humihinga dahil sa Diyos na nagbigay ng hininga sa atin. Tulad ng sabi ni Elihu, “Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin, buhay na taglay ko ay sa Makapangyarihang Diyos nanggaling” (Job 33:4 MBB). Dahil sa kasalanan, “sapagkat siya’y laman,” wala tayong karapatang mabuhay nang matagal, kahit nga maikli lang. Kamatayan ang nararapat sa atin. Kaya mula sa napakahabang panahon ng buhay ng tao sa Genesis 5, simula rito ay “magiging isandaan at dalawampung taon” na lang. Mahaba pa rin, pero higit na maikli kumpara noong una. Bagamat after the flood ay meron pa ring mga lalagpas sa 120, pero ‘yan na ang magiging karaniwan. Tulad ni Moses, saktong 120 years nang siya ay namatay (Deut 34:7). Again, nagpapaalala sa atin, na kamatayan ang kabayaran ng kasalanan (Rom 6:23).

Kapangyarihan at Katanyagan (v. 4)

Nakakalungkot siyempre na ang mabubuting bagay na galing sa Diyos tulad ng pag-aasawa at pag-aanak at buhay ay nagiging paraan ng paglawak ng kasalanan, tulad din ng kapangyarihan at katanyagan nitong mga Nephilim sa verse 4, na sinalin sa Tagalog na “mga higante” at siyang nanggaling sa intermarriage ng verse 2. Bagamat sa original, hindi ganun kaklaro yung identity nila at kung sila ba ay bunga ng intermarriage ng verse 2 o naging kasabayan lang nung mga panahong iyon. Ganito sa ESV, Genesis 6:4, “The Nephilim were on the earth in those days, and also afterward, when the sons of God came in to the daughters of man and they bore children to them. These were the mighty men who were of old, the men of renown.” Binanggit din ang mga Nephilim sa Numbers 13:33, yung mga nakita ng mga spies ng Israel sa Canaan, “At nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin” (AB). Although it is an exaggeration kung gaano kalaki ang mga ito at kung gaano sila kaliit, na nagma-magnify naman ng takot na nararamdaman nila. At posible na hindi na ito yung mga Nephilim sa Genesis 6 dahil there is no way na masu-survive pa sila pagkatapos ng baha. Most likely, it is for the sake of comparison.

Sa unang basa, parang wala namang masama sa description nitong mga Nephilim. Isinalarawan lang sila sa lakas na meron sila, sa katanyagan na meron sila. Sa paningin ng tao, hinahangaan sila. Sa paningin ng tao, sikat sila. Sa paningin ng tao, kinaiinggitan sila, “Sana all.” Sa paningin ng tao, nandun yung pag-aambisyon na maging tulad nila. Pero anumang human achievement, kung ginagawa ito sa paraang nakahiwalay sa Diyos, at ginagamit sa sariling interes, ay kasalanan sa Diyos.

Maliwanag ang theological point ng unang eksenang ito: Sa pagdami ng mga tao, lumawak din ang kasalanan sa mundo. Implicit pa lang ito sa bahaging ito, pahiwatig pa lang, hindi pa ganun ka-direktang sinasabi, dahil nga from a human point of view. Pero pagdating sa ikalawang eksena, explicit na, dahil ipapakita sa atin kung ano ang tingin ng Diyos dito.

Scene #2: Ang Paghatol ng Diyos (Gen 6:5-7)

Malinaw na itong sumunod na three verses ay from God’s point of view, dahil lahat ito ay nagsisimula sa kung ano ang gawa o response ng Diyos sa kasalanan ng tao: “The Lord (Yahweh) saw…”, nakita ng Diyos ang kasamaan ng puso ng tao (v. 5); “The Lord (Yahweh) regretted…”, nagdulot ito ng kalungkutan sa puso ng Diyos (v. 6); “So the Lord (Yahweh) said…”, kung magiging gaano kalawak ang hatol ng Diyos (v. 7).

Ang Kasamaan ng Puso ng Tao (v. 5)

“Nakita ng Panginoon na napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama” (Gen 6:5 AB). Ang nakikita natin ay ang panlabas, ang nakikita ng Diyos ay ang kaloob-looban ng tao, ang puso ng tao. At ano ang nakita ng Diyos noon sa puso ng tao? Hindi lang masama, kundi napakasama (great wickedness). Hindi lang minsan masama, kundi palagi na lamang masama (only evil continually). Hindi lang ilang tao, o maraming tao, kundi lahat ng tao sa buong mundo. Ito ang dahilan kaya ipinadala ng Diyos ang baha: “masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao” (Gen 6:11-12 MBB).

This is the doctrine of total depravity. Hindi ibig sabihin na lahat ng tao ay as wicked as we can be. Kundi lahat ng tao, ang kanyang buong pagkatao, ay apektado ng kasalanan. Walang anumang bahagi ng pagkatao natin ang “untouched” ng kasalanan. Ang pagdating ng baha ay hindi solusyon sa problemang ito ng puso ng tao. The human heart remain unchanged, even after the flood: “ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kanyang pagkabata” (Gen 8:21 AB). Hanggang ngayon naman, “ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan…Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom 3:9-12 MBB). ‘Wag mong sabihing bata ka pa, o palagi ka namang nagsisimba, o mabait ka naman, kaya exempted ka diyan. Ang sabi, “Lahat ng tao!” Tao ka ba? Makasalanan ka. This truth should humble us and make us dependent sa work ng Holy Spirit para maligtas tayo at ang ating mga anak. Question 8 ng Heidelberg Catechism, “Are we so corrupt that we are totally unable to do any good and inclined toward all evil?” Sagot ng marami sa mundo, “Hindi naman.” Sagot ng katekismo at ng salita ng Diyos, “Yes, unless we are born again by the Spirit of God.”

Ang Kalungkutan sa Puso ng Diyos (v. 6)

‘Wag na ‘wag nating iisiping we are better than others. ‘Wag na ‘wag nating iisiping wala namang pakialam ang Diyos sa kasalanan natin. Ano ang response ng Diyos sa nakita niyang kasamaan sa puso ng tao? Ibang-iba ito sa paulit-ulit na nakita natin sa Genesis 1 sa paglikha ng Diyos kung paanong siya’y lubos na nasiyahan sa lahat ng kanyang ginawa (Gen 1:31 MBB) dahil “nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti” (AB). Pero nang makita niyang napakasama ng tao, “Nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso” (Gen 6:6 AB). Kailangan natin maunawaang mabuti kung ano ang ibig sabihin na “nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa,” o sa ESV, “The Lord regretted that he had made man on the earth.” Same word din, sa Hebrew yinnahem, ang ginamit sa dulo ng verse 7, “sapagkat ako’y nalulungkot (ESV, I am sorry) na nilalang ko sila” (AB). Hindi ibig sabihin na nagkamali ang Diyos sa ginawa niya, o pinagsisisihan niya ang ginawa niya sa paglikha sa tao na kung ibabalik lang yun ay iba ang gagawin niya. No, ang Diyos ay hindi nagkakamali. Tulad ng sabi ni Samuel kay Saul, na ang Diyos ay “hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip (yinnahem). Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip (yinnahem)” (1 Sam 15:29 MBB). So, kapag sinabi na nalungkot ang Diyos, hindi ibig sabihin na nagbago ang isip niya, “Ah, dapat pala hindi ko na lang ginawa ang tao.” No, ang Diyos ay immutable o unchangeable.

Pero in another sense, sinabi rin tungkol kay Saul, “At ikinalungkot (niham) ng Panginoon na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul” (1 Sam 15:35 AB). Tulad din sa Genesis 6:6. Ipinapakita lang dito kung paano nag-react o nag-respond ang Diyos sa kasamaan ng tao. Hindi siya walang paki o para bang ayos lang ang nangyayari. Kaya nga ipinaliwanag sa kasunod, “at nalumbay ang kanyang puso” (Gen 6:6 AB), “and it grieved him to his heart.” Masakit sa puso ng Diyos. Now, in saying this, kailangan din tayong maging maingat. Kasi hindi naman nasasaktan ang Diyos na tulad ng tao. Kasi nga, hindi siya nagbabago. Walang nababawas o nawawala sa Diyos na magiging dahilan para masaktan siya. Ito yung classical theology na tinatawag na impassibility of God (letter “a” not “o” impassible). Without passions. Hindi siya tulad ng tao na pabago-bago at pabugso-bugso ang damdamin. Hindi siya nagbabago. Pero isinasalarawan dito sa lenggwahe ng human emotions (tinatawag na anthropopathism) dahil ang lenggwahe natin ay hindi sapat para ilarawan fully ang pagka-Diyos ng Diyos.

Ang mahalaga rito, ipinapakita sa atin ng Diyos kung ano ang response niya sa kasamaan ng tao. Parang tayong mga magulang sa mga anak natin, kapag paulit-ulit na sumusuway sa utos natin, kapag nawala na ang respeto sa authority natin as parents, kapag lumabas na ng bahay, kapag sa dinami-dami ng ginawa nating mabuti sa kanila, tinuturuan sila, ipinakilala ang Diyos sa kanila, eventually they chose to walk away from God. Anong mararamdaman mo? Kapag hindi mo mahal ang anak mo, kung wala kang pakialam sa kanila, hindi ka masyadong apektado. Pero yung iyak, yung pain sa puso mo, yung bigat nararamdaman mo dahil mahal mo sila, dahil alam mong hindi mabuti at hindi makakabuti sa kanila ang daang tinatahak nila. Ganyan kalaki ang pagmamahal ng Diyos sa mga taong nilikha niya, kasi siya ang lubos na nakakakita kung gaano kasama ang kasalanan, kung gaano kalaking kapahamakan ang sasapitin ng mga taong nagpapatuloy sa kasamaan ng kanilang puso.

Ang Kalawakan ng Hatol ng Diyos (v. 7)

Totoong malaki ang pagmamahal ng Diyos, pero ang Diyos din ay makatarungan. He always acts according to his unchangeable character bilang Diyos. Kaya malawak din ang hatol ng Diyos. “Kaya’t sinabi ng Panginoon, ‘Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa—ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagkat ako’y nalulungkot na nilalang ko sila” (Gen 6:7 AB). Lilipulin, sa ESV “I will blot out,” o iwa-wipe out, annihilate, papatayin lahat. Hindi lang ang tao, kundi pati mga hayop, lahat ng may buhay. Apektado ang buong mundo ng kasamaan ng tao na inatasan niyang pangalagaan at pamahalaan ang mundo (see Rom 8:22). Ito ang pasya at hatol ng Diyos sa kasamaan ng tao. Makikita natin kung paano ‘yan gagawin ng Diyos sa pamamagitan ng isang malawakang baha sa mga susunod na bahagi. Pero at this point pa lang, malinaw na ang theological point sa ikalawang eksena: Sa lawak ng kasalanan sa mundo at sa puso ng tao, malawakan ang magiging hatol ng Diyos. Kapag sinabi ng Diyos na “I will” gagawin ‘yan ng Diyos, hindi ‘yan empty threat lang, seryoso ang Diyos, hindi mababago ang hatol ng Diyos. Walang sinuman sa atin—dahil nga lahat tayo ay makasalanan—ang makakatakas sa lawak ng hatol ng Diyos. Unless…

Scene #3: Ang Biyaya ng Diyos (Gen 6:8)

Maliban na lang kung masusumpungan natin ang biyaya ng Diyos tulad ni Noah. Unless hindi ang kasamaan sa puso natin ang makikita ng Diyos.

Ang Biyayang Tinanggap ni Noah (v. 8)

Sa lawak ng madilim na kasamaan sa puso ng tao at sa lawak ng malagim na hatol ng Diyos, mula pa sa verse 1 hanggang verse 7, meron tayong maaaninag na liwanag at pag-asa sa last verse, “Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon (Yahweh)” (Gen 6:8 AB). Napakasarap pakinggan ng salitang “subalit,” “But Noah found favor (Heb. hen, “grace”) in the eyes of the Lord (Yahweh).” Pinangalanan siyang Noah, na ang ibig sabihin ay “rest” o “comfort” o “relief” dahil sinabi ng tatay niya, “Ito ang magbibigay sa atin ng ginhawa…” (Gen 5:29 AB). [Interestingly, itong “ginhawa” ay galing sa Hebrew na pareho ng “regret” o “ikinalungkot” sa Genesis 6:6, pero magkaiba ang meaning.] Sa dinami-dami ng mga tao sa mundong puno ng kasamaan, merong isang namumukod-tangi. Hindi siya kasama sa lilipulin, pati ang pamilya niya. Yes, ilalarawan siya sa susunod na section na righteous, blameless, walking with God (Gen 6:9). Pero bago yun, una muna yung biyayang tinanggap niya mula sa Diyos. Ibig sabihin, undeserved blessing. Hindi dahil perfectly righteous siya. Siya rin naman ay makasalanan, as we will see later on. Pero ang kaibahan, ang biyayang tinanggap niya sa paningin ng Diyos. At ito rin ang tanging pag-asa natin, kung ang kasamaang nakikita ng Diyos sa puso natin ay mapapalitan ng “biyaya sa paningin ng Panginoon.”

Ang Biyayang Tinanggap Natin kay Cristo, ang Nakahihigit kay Noah.

Paano? Hindi sa pamamagitan ni Noah. Kundi sa pamamagitan ni Cristo, ang nakahihigit kay Noah. Naligtas nga si Noah at ang kanyang pamilya, pero “sa pamamagitan [naman] nito’y nahatulan ang sanlibutan” (Heb 11:7 MBB). Pero kung tayo ay nakay Cristo, “wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus” (Rom 8:1). Wala ni isa mang bahid ng kasalanan at kasamaan sa puso ni Cristo. Nang maging tao ang Anak ng Diyos, mula pa sa pagkabata, siyang “lumaking…kalugud-lugod sa Diyos” (Luke 2:40). Binautismuhan siya ni Juan bagamat wala naman siyang kasalanang kailangang pagsisihan. Narinig pa nga ang boses ng Diyos Ama mula sa langit at sinabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan” (Mat 3:17)! Sa lahat ng tao na namuhay sa mundong ito, siya lang ang talagang masasabing matuwid at mabuti—perfectly. From eternity past, hanggang sa kanyang pagiging tao at pamumuhay sa mundong ito kasama ang mga makasalanan, wala ni isa man lang siyang ginawang masama na nagdulot ng kalungkutan sa puso ng Diyos. Maliban siguro nung ipako siya sa krus at mamatay. Can you imagine the pain kung paano napupunit at nadudurog ang puso ng isang tatay o isang nanay kapag nakikita niya ang kanyang anak na nakabitin sa krus na parang isang hayop na kinakatay? Unimaginable, and yet…

Gayunma’y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya;     
kanyang inilagay siya sa pagdaramdam;
kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan,     
makikita niya ang kanyang supling,
pahahabain niya ang kanyang mga araw;
at ang kalooban ng Panginoon ay uunlad sa kanyang kamay.
Kanyang makikita ang bunga ng paghihirap ng kanyang kaluluwa,
at masisiyahan sa pamamagitan ng kanyang kaalaman.     
Aariing-ganap ng matuwid kong lingkod ang marami,     
at papasanin niya ang kanilang mga kasamaan.
Kaya’t hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila,     
at kanyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas;
sapagkat kanyang ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa kamatayan,     
at ibinilang na kasama ng mga lumalabag;
gayunma’y pinasan niya ang kasalanan ng marami,     
at namagitan para sa mga lumalabag. (Isa 53:10-12 AB)

Sa krus, ang lawak ng kasamaan ng puso ng tao ay inako ni Cristo sa kanyang sarili. Ang lawak ng hatol ng Diyos ang pinasan niya. Kaya nga, and here’s the theological point and gospel point of our text: Dahil kay Cristo, malawak ang biyayang matatanggap natin dahil siya ang umako ng lawak ng hatol ng Diyos sa lawak ng ating kasalanan. Hallelujah, what a Savior!

Conclusion

Now, ano ang ibig sabihin nito para sa inyo na mga wala pa kay Cristo? Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa sumasampalataya kay Cristo, tingnan mo ang krus ni Cristo. Ano ang gusto ng Diyos na ipakita sa ‘yo? Kung gaano kalaki, kung gaano kagrabe, kung gaano karumal-dumal, kung gaano kabaho, kung gaano nakakadiri ang kasalanan mo laban sa kanya, ang kasamaan na nasa puso mo. Grieve at the magnitude of your sin against God. Ang dami mong ikinalulungkot, ang dami mong problemang iniintindi, pero itong problema sa puso mo ang pinakamalalang problema na dapat masolusyunan. Stop believing the lie na sinasabi ng mundong ito na ang tao ay basically good. You are not! Pati kayo na mga bata, mga anak namin, nakikita n’yo ba kung gaano kalaki ang kasalanan na nasa puso ninyo? Hangga’t hindi n’yo ‘yan nakikita, hindi mo makikita na kailangan mo si Cristo. Oh, may the Lord give you eyes to see what a terrible sinner you are and what a great Savior Jesus is!

At para naman sa atin na sumasampalataya na kay Cristo bilang Tagapaligtas, patuloy na mamangha ka sa biyaya ng Diyos, marvel at the wonders of God’s grace. ‘Wag na ‘wag mong iisiping you are better than others kaya ka iniligtas ng Diyos. You are not. Apart from grace, ayon sa Ephesians 2:1-3, tayo rin ay patay sa ating mga kasalanan, nakasunod din sa kasamaan ng mundong ito, ayaw pasakop sa Diyos, namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, sumusunod sa hilig ng katawan at pag-iisip, kabilang sa mga kinapopootan ng Diyos. “Subalit,” napakasarap pakinggang “subalit,” “napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin” (Eph 2:4). Sa halip na magmalaki, patuloy tayong magpasalamat sa sukdulang biyaya ng Diyos.

At para sa atin as a church, i-consider natin ang mga implikasyon nito sa misyon na bigay sa atin ng Diyos sa mundong ito. Hindi lang tayo iilan na iniligtas ng Diyos. Marami, malawak ang sakop ng mga churches sa buong mundo. Magtutulung-tulong tayo, together with other churches, na ipapangaral sa mundo, “Malaki at malawak ang pagkakasala ninyo sa Diyos. Pero higit na malaki at malawak ang biyaya at pagpapatawad at pagliligtas ng Diyos na nakay Cristo. You are a great sinner. Jesus is a great Savior.” ‘Wag tayong magsawa na sabihin ‘yan sa mga kaibigan natin, sa mga anak natin, sa mga friends natin sa social media, at sa lahat ng mga tao sa buong mundo. ‘Yan ang kailangan nilang marinig. Si Cristo ang kailangan nilang makita at makilala nang higit sa lahat. ‘Wag nating ipagdadamot ang malaking biyayang tinanggap natin.