The goodness of marriage
Karaniwang sinusukat natin ang “goodness” o “kabutihan” ng pag-aasawa depende sa experience natin kung nagagawa ba ng lalaki at babae ang mga responsibilidad na binigay sa kanila ng Diyos. Tulad ng napag-aralan natin last week sa Ephesians 5:22-30. Kung ang babae ay nagpapasakop sa kanyang asawa tulad ng pagpapasakop dapat natin sa Panginoon “in everything” (vv. 22, 24), karaniwang “mabuti” ang magiging resulta niyan. Pero depende rin naman ‘yan kung mamahalin ng lalaki ang asawa niya na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia—self-giving, sacrificial, sanctifying love (vv. 25, 28). So, merong responsibilidad pareho, at yung responses natin sa marriage ay hindi nakadepende kung ginagawa ng asawa natin ang responsibilidad niya. Nakadepende ito kay Cristo at sa kanyang kalooban sa buhay natin bilang mga tagasunod ni Cristo.
Sa dulo ng text natin, Ephesians 5:33, nagbigay si Paul ng summary ng mutual obligations na meron ang mag-asawa sa isa’t isa. “However, let each one of you love his wife as himself, and let the wife see that she respects her husband.” Yung pagmamahal ng lalaki sa kanyang asawa gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili, sa unang tingin, ay parang self-serving yung reason. Pero kung babalikan natin yung pinag-aralan natin last week, ito rin ay sumasalamin sa pagmamahal ni Cristo sa church bilang kanyang sariling katawan (Eph. 5:29-30). Yung respect o paggalang naman ng babae sa lalaki literally ay “fear” o “pagkatakot” (sa Greek, phobeo). Hindi ito yung dahil sa takot na magiging abusive ang asawa mo sa authority na bigay ng Diyos, although merong ganun talaga na nangyayari. Pero ito yung pagkatakot na tulad sa verse 21, na ginagawa ang pagpapasakop “out of reverence (Gk. phobos) for Christ.” So, ang ganitong paggalang o pagkatakot sa asawa ay expression ng pagkilala natin sa authority ni Cristo.
Now, kung faithfulness natin sa pagsasagawa ng mga God-given responsibilities natin sa marriage ang batayan natin para masabing “good” ang pag-aasawa, sino sa atin ang magsasabing “it is really good”? Siguro, merong ilan sa atin kasi na-eexperience n’yo kung paano kayo pareho binabago ng Panginoon, you are becoming more loving and more humble sa relationship n’yo. Pero alam din natin na it is still far from perfect. Ang ilan naman sa inyo ay nasa “bad marriage,” maaaring unbeliever ang asawa n’yo, hindi n’yo nakakasama sa church, o nakakasama man pero hindi naman maganda ang trato sa inyo sa bahay. O ang ilan sa inyo ay wala pa namang asawa, o wala nang asawa, o mukhang imposible nang makapag-asawa, so how can marriage really be good?
So, kailangan natin ng tamang perspective tungkol sa marriage para makita natin na “it is good,” no, “it is very good.” Hindi sa subjective experiences natin, kundi sa objective reality ng disenyo ng Diyos dito, kung bakit ba merong marriage in the first place. Ang kabutihan ng pag-aasawa ay nakadepende sa mga kamay ng Diyos na nagdisenyo rito. Sabi ni Ray Ortlund, “Ang pag-aasawa ay hindi lamang gawa ng tao, na pwedeng baguhin ayon sa kaugalian ng lipunan. Ito ay likha ng Diyos, na nilikha upang ipakita sa ating isipan ang kagandahan ng Tagapagligtas na kusang nag-alay ng sarili para sa kanyang kasintahan (bride), at ng kasintahan na buong pasasalamat na ibinabalik ang sarili sa kanya” (“Marriage,” in New Dictionary of Biblical Theology, 654).
Mega-Mystery: Christ and the Church (Eph. 5:31-32)
Ito naman kasi ang gustong sabihin ni Paul sa text natin. Pansinin n’yo na sinimulan niya ang verse 33 sa salitang “However…” o “Gayunman” (AB). Ibinalik kasi niya sa dulo ang usapan sa responsibilidad ng mag-asawa. Bago kasi yun, nagkaroon siya ng digression o detour mula sa dulo ng verse 29 hanggang verse 30, “…tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. Tayo nga’y mga bahagi ng kanyang katawan” (MBB). Noong una, inihahalintulad lang niya ang relasyon ng mag-asawa sa relasyon ni Cristo sa iglesya. Pero sa part na ‘to, iniwan muna niya yung usapin tungkol sa mag-asawa, at pumunta siya sa relasyong higit na mahalaga sa lahat ng relasyon.
Actually, mula pa sa simula ng passage na ‘to about marriage, almost every verse (except v. 22 at v. 28) ay may reference na siya sa relasyon ni Cristo at ng iglesya: “Christ is the head of the church, his body, and is himself its Savior” (Eph. 5:23); “The church submits to Christ” (Eph. 5:24); “Christ loved the church and gave himself up for her, that he might sanctify her, having cleansed her by washing of water with the word, so that he might present the church to himself in splendor, without spot or wrinkle or any such thing, that she might be holy and without blemish” (Eph. 5:25-27); “Christ [nourishes and cherishes] the church, because we are members of his body” (Eph. 5:29-30). Hindi ba’t mas marami pa siyang sinabi tungkol sa relasyon ni Cristo at ng iglesya kaysa sa relasyon ng mag-asawa? Hindi ba’t dun pa lang ay makikita na nating hindi ang pag-aasawa ang pinakamahalaga? Hindi pinakamahalaga sa lahat kung may-asawa ka ba o wala, kung maayos ba ang relasyon n’yo o hindi. Ang pinakamahalaga sa lahat ay kung may relasyon ka ba kay Cristo, kung maayos ba ang relasyon mo kay Cristo.
Then, surprisingly, sinabi niya sa verse 31, “Therefore a man shall leave his father and mother and hold fast to his wife, and the two shall become one flesh” (Eph. 5:31). Walang sinabi si Paul na meron siyang quotation na ginagamit mula sa Scripture, although sinabi sa salin ng MBB, “Gaya ng sinasabi sa kasulatan,” pero wala talaga ‘yan sa original. Yung babasa ng sulat ni Paul ay agad mapi-pickup na yung sinasabi dito ni Paul ay galing sa Genesis 2:24. Sa Genesis 2, yung verse na ‘to ay conclusion ng author sa story kung paanong nilikha ng Diyos ang babae mula sa tadyang ni Adan at kung paanong ibinigay ng Diyos ang babae sa lalaki para maging asawa. Ipinaliwanag niya na itong gawa ng Diyos ang dahilan kung bakit “iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina.” Ibig sabihin, ang relasyon ng mag-asawa ay higit na mahalaga na ngayon sa relasyon sa mga magulang. Tapos, “magsasama sila ng kanyang asawa.” Ang salitang ginamit sa “magsasama” ay hindi lang basta titira sa isang bahay, kundi “hold fast,” o kakapit o didikit na parang pinagdikit ng glue o mighty bond. Kaya, “ang dalawa ay magiging isang laman” (AB), “one flesh.” Ito yung intimacy o one-flesh union na meron ang mag-asawa at dapat siyempre na ma-develop sa relationship nila.
Itong Genesis 2:24 ay ginamit din ng Panginoong Jesus sa sagot niya sa tanong sa kanya kung bakit pinahintulutan sa kautusan (sa Deut. 24:1-4) ang divorce. Sinabi ni Jesus na yun ay “dahil sa katigasan ng inyong ulo” (Mark 10:5). Pero ang nais talaga ng Diyos sa mag-asawa ay hindi maghiwalay dahil nga “hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mark 10:8-9).
Pero ano ang kaibahan ng pagkakagamit ni Pablo ng Genesis 2:24 dito sa Ephesians 5:31? Maganda ang paliwanag dito sa ESV Expository Commentary (11:101):
Ang nagpapahirap na unawain ang citation na ito ay hindi ang nilalaman nito kundi kung paano ito konektado sa sinabi ni Pablo bago ito. Kung ito ay tumutukoy sa relasyon ng mag-asawa, para bang sinasabi ni Pablo, “Dapat mahalin ng asawa ang kanyang misis dahil sila ay iisang laman, gaya ng layunin ng Diyos mula pa sa simula.” Pero ang pinakamalapit na konteksto (v. 30, “sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan” [AB]) ay tumutukoy kay Cristo at sa iglesya, hindi sa relasyon ng mag-asawa. Ang layunin ng citation ay nakasentro sa huling mga salita sa quotation (“ang dalawa ay magiging isang laman”). Bagama’t ang citation na ito ay maaaring i-apply sa parehong relasyon—kay Cristo at sa iglesya, at sa relasyon ng mag-asawa—ang una ang pangunahing pokus ni Pablo; sa verse 32, malinaw niyang sinasabi na ang citation na ito ay tumutukoy kay Cristo at sa iglesya.
Sabi naman ni Ray Ortlund sa “striking logic” na ginamit dito ni Pablo:
Ang pakikipag-isa ni Cristo sa iglesya bilang kanyang katawan ang dahilan kung bakit dapat maging “isang laman” ang lalaki at ang kanyang asawa. Itong heavenly marriage ang nagbibigay‑katwiran at dangal sa earthly marriage. Kaya sa pangangatwiran ni Pablo, ang realidad ay hindi ang pag-aasawa at ang illustration nito ay ang relasyon ni Cristo at ng iglesya; kabaligtaran ang totoo. Ang pag-aasawa ang earthly type (o anino) na nakaturo sa espirituwal na realidad. (NDBT, 656)
Na ang tinutukoy rito ni Paul ay hindi lang relasyon ng mag-asawa ay mas naging obvious sa verse 32, “This mystery is profound, and I am saying that it refers to Christ and the church” (Eph. 5:32). Itong relasyon ni Cristo at ng iglesya ay tinawag ni Paul na “mystery” o “hiwaga.” Sa series natin sa Ephesians, ilang beses na nating na-encounter yung term na ‘to, na ang tinutukoy ay ang plano ng Diyos na nakatago noong unang panahon pero ngayon ay naipahayag o naging malinaw na kay Cristo. Ito yung plano ng Diyos na pag-isahin kay Cristo ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa (Eph. 1:9-10). Ito yung plano ng Diyos na pag-isahin kay Cristo ang mga Judio at mga Hentil sa iisang iglesya (Eph. 3:3-4, 9). Ito yung “mystery of the gospel” (Eph. 6:19). Sa Ephesians 5:32, tinawag ito ni Paul na hindi lang basta mystery kundi “mega-mystery”: “This mystery is profound” (Gk. megas), “stressing the magnitude or significance of the mystery” (ESVEC, 11:102).
Tinutukoy mismo ni Pablo na ang “hiwaga” ay tumutukoy kay “Cristo at sa iglesya.” Kung paanong ang unang Adan ay pinag-isa sa kanyang asawa at sila’y naging isang laman, gayundin naman ang huling Adan (si Cristo) ay pinag-isa sa kanyang nobya upang sila’y maging isa sa kanya. Pansinin na ang argumento ni Pablo ay gumagamit ng relasyon ni Cristo sa iglesya bilang huwaran o template kung saan dapat iayon ang relasyon ng mag‑asawa—hindi kabaligtaran…Nilalang ng Diyos ang pag-aasawa upang magkaroon tayo ng kategorya para maunawaan ang relasyon ni Cristo at ng kanyang iglesya.
This is huge. Ang relasyon ni Cristo at ng iglesya ay hindi illustration para sa relasyon ng mag-asawa. Ang relasyon ng mag-asawa ang illustration. At hindi naghanap ang Diyos ng illustration para sa relationship ni Cristo at ng iglesya, at naisip niya na gamitin yung marriage to illustrate that. Ang Diyos ang gumawa talaga nun, plano niya yun sa simula’t simula pa. Marriage is the shadow, Christ and the church yung reality. Malaki ang implication nito para sa pagtingin natin sa pag-aasawa—married ka man o single. Meron akong kausap kahapon lang sa pre-marriage counseling na noong una raw ay ayaw nilang mag-asawa dahil nga sa hindi magandang halimbawa ng mga magulang nila at ng mga nakikita nila sa paligid nila. Pero nang mabasa at mapakinggan nila yung message ko about this nine years ago, natuwa sila at nagpasalamat sa Panginoon dahil na-affirm na mabuti pala talaga, very good, ang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa.
Biblical Theology: Marriage as Shadow of God’s Relationship with His People
Hindi lang nito binabago ang pagtingin natin sa relasyon ng mag-asawa. Binabago rin nito ang paraan ng pagbabasa natin ng Bibliya. Kapag may nababasa tayo sa Bible tungkol sa marriage at love relationships—maganda man ito o hindi, karamihan hindi!—natuturuan tayo nito na magreflect hindi lang sa relasyon natin sa asawa natin. But more importantly, sa relasyon ng Diyos para sa atin. At pwede nating masubaybayan ang love story ng Diyos sa atin—ni Cristo at ng church—sa bawat yugto ng Story of God: Creation, Fall, Redemption, New Creation.
Creation: Love, Joy, and Intimacy
Sa pasimula pa lang, nilikha ng Diyos ang tao—lalaki at babae—ayon sa kanyang larawan o wangis (Gen. 1:27). At bahagi ng ibig sabihin ng paglikha sa tao sa larawan ng Diyos ay yung layunin na ma-reflect ng lalaki at babae sa covenant relationship sa marriage kung anong klaseng relasyon ang nais ng Diyos na magkaroon ang tao sa kanya. Kaya nga hindi niya nilikha ang tao na mag-isa lang. Gumawa ang Diyos ng babae mula sa isa sa mga tadyang ni Adan. At nang iharap ito ng Diyos kay Adan, sinabi niya na ito ay “flesh of my flesh.” At dun na nga pinaliwanag ng author ng Genesis na ito ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kanyang mga magulang, and he will “hold fast to his wife,” tapos sila ay magiging “one flesh” (Gen. 2:18-25). Ito yung intimate union—yung relasyong hindi mapaghihiwalay ng sinuman—na nais ng Diyos na meron tayo sa relasyon natin sa kanya. Kaya nga sinabi ni Cristo na ang pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao (Matt. 19:6).
Nais ng Diyos na ma-enjoy rin natin ang relationship natin sa kanya. Ganyan ang isipin natin kung may mababasa tao sa kautusan na tulad nito: “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa” (Deut. 24:5; also Deut. 20:7). Gusto rin ng Diyos na maranasan natin yung pambihirang kagalakan sa piling niya. “…in your presence there is fullness of joy; at your right hand are pleasures forevermore” (Psa. 16:11).
Kaya meron ding provision sa kautusan na tinatawag na levirate marriage. Nakasulat ito sa Deuteronomy 25:5-10. Kapag ang asawa ng isang babae ay namatay, yung kapatid nito o pinakamalapit na kamag-anak ay may responsibility na pakasalan ang biyuda, “upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito [ng lalaking namatay]” (v. 6). Ito yung naging pattern na sinunod kung kaya napangasawa ni Ruth si Boaz, na siyang naging lolo naman ni King David, at siyang pinanggalingang lahi ng Panginoong Jesus (Matt. 1:5). Meron noong mga Saduceo na nagtanong kay Jesus na may kinalaman sa levirate marriage. Paano daw kung namatay yung lalaki, at napangasawa ng biyuda yung sumunod na kapatid, tapos namatay rin yun at napangasawa yung sumunod, hanggang sa makapito na. Paano daw sa kabilang buhay, sino daw sa pito ang magiging asawa niya. Sagot ni Jesus, “Maling-mali kayo, palibhasa’y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit” (Matt. 22:29-30). Ang point? Ang pag-aasawa ay isang panandaliang relasyon sa lupa na nagtuturo sa atin sa relasyong magpakailanman na meron tayo sa Diyos. Yun ang forever.
Bagamat pansamantala, sabi nga sa book ni John Piper na ang title ay This Momentary Marriage: A Parable of Permanence, gusto ng Diyos na ma-enjoy ng mag-asawa yung intimate relationship. Kaya meron ding nakasulat sa Proverbs na ganito: “Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal, at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang…Kaya nga ba’t mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo’y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib” (Prov. 5:15, 18, 19). “Ang punto nito,” ayon kay Ray Ortlund, “ay dapat sobrang mahal ng lalaki ang kanyang asawa—to the point na halatang-halata (crazy in love). Hindi ito simpleng payo. Ito ay seryosong karunungan ng Diyos, dahil sa huli…ang relasyon ng mag-asawa ay tumuturo sa pag-ibig ni Cristo at sa kagalakan natin sa kanya” (Marriage and the Mystery of the Gospel, 67).
Kaya nga merong isang buong book sa Old Testament ang tinatawag na Song of Songs, na inaawit at ipinagdiriwang ang mainit at nag-aapoy na pagmamahalan ng mag-asawa. Gaya nito, sabi ng babae sa kanyang lover, “Kaya ako’y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong. O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon; sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy. Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw, buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin” (Song 8:6-7). Sabi ni Jonathan Edwards tungkol sa awit na ito ni Solomon, ito ang “pinakamainam sa lahat ng kanyang awit…sapagkat dito inilalarawan ang banal na pag-ibig, ang malalim na pagkakaisa, at ang matamis na pakikipagniig ng pinakadakilang mag-irog—si Cristo at ang kanyang espirituwal na asawa—na ang pag-aasawa at pag-ibig ng mag-asawa ay isa lamang aninong sumasagisag sa higit na kaluwalhatiang ito” (cited in Ortlund, 73)
Fall: Unfaithfulness, Misery, and Shame
Napakaganda ng ganitong larawan ng relasyon ng mag-asawa na sumasalamin sa init, inam, at saya ng relasyon ng Diyos sa atin. Pero yung ganito kagandang larawan ay hindi natin madalas makikita sa panahon natin ngayon, maging sa mga kuwentong mababasa natin sa Bibliya. Simula pa sa Genesis 3 nang mahulog sa kasalanan ang unang mag-asawa. Sinabi ng Diyos sa babae, “Your desire shall be contrary to your husband, but he shall rule over you” (Gen. 3:16). Dahil sa sumpang ito na dulot ng kasalanan, nagkaroon na ng pagtutunggali ang lalaki at babae sa halip na isang harmonious relationship. Pero ito ay salamin lang din ng higit na mas malaking problema, ang malaking lamat sa relasyon ng tao sa Diyos. Pinalayas ng Diyos ang tao palayo sa kanyang presensya (Gen. 3:23, 24).
Dahil dito, hindi na kataka-taka kung bakit hindi maganda ang relasyon ni Abraham kay Sarah. Dahil sa kasinungalingan ni Abraham, muntik nang makuhang asawa ng hari ng Egypt si Sarah (Gen. 12:10-20). Dahil sa kakulangan nila ng pagtitiwala sa Diyos, pumayag si Sarah na magkaroon ng anak si Abraham kay Hagar (Gen. 16). Sa anak ni Abraham na si Isaac at asawa nitong si Rebekah, makikita rin natin ang ganyang sinful pattern. Sa relasyon din ni Jacob sa kanyang dalawang asawa, ang magkapatid na sina Leah at Rachel. Si Judah naman, sinipingan ang kanyang manugang na si Tamar, na nagpanggap namang prostitute. Si David, inagaw si Bathsheba na asawa ni Uriah. Si Solomon na nag-asawa ng marami na naging dahilan ng paglayo ng kanyang puso sa Diyos.
Lahat ito ay pattern hindi lang ng problema ng mga mag-asawa dahil sa kasalanan. Ito ay sumasalamin sa problema, malaking problema ng relasyon ng tao sa Diyos. Hindi ang Diyos ang may problema. He is the perfect Husband, perfectly faithful. Tayo ang naging unfaithful. Yung pagsamba natin sa diyos-diyosan, idolatry, ay tinatawag na spiritual adultery. “Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa, gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon” (Jer. 3:20 AB). Mas lalong makikita natin ang kasamaan ng kataksilang ito sa liwanag ng kabutihan at katapatan ng Diyos. Ito ang pagsasalarawan ng Diyos dito sa Ezekiel 16:
Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. 9 Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. 10 Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. 11 Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. 12 Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. 13 Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo’y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo’y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. 14 Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.
15 Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo’y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. 16 Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. 17 Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. 18 Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. 19 Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. 20 Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. 21 Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. 22 Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo. (Ezek. 16:8-22 MBB)
Mas malala pa, isinalarawan ng Diyos ang kataksilang ito hindi lang bilang adultery kundi prostitution (Ezek. 23). Kaya sinabi ng Diyos kay prophet Hosea, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki (grabe yan!). Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin” (Hos. 1:2). Ang kanyang pag-aasawa ay magsisilbing paglalarawan ng relasyon ng Diyos sa Israel. Mahirap ang utos ng Diyos, pero sinunod niya. Napangasawa niya si Gomer. Nagkaroon sila ng tatlong anak na sumasagisag naman sa hatol ng Diyos sa pagtataksil ng kanyang bayan: Jezreel (na ang ibig sabihi’y “ikinalat ng Diyos”), Lo-ruhama (na ang ibig sabihi’y “hindi kahahabagan”), at Lo-Ammi (na ang ibig sabihi’y “hindi ko bayan”) (Hos. 1:4, 6, 9). Tulad ng Israel, kahit ilang beses pinakiusapan si Gomer na tigilan ang pagtataksil at pangangalunya, patuloy pa rin siya at siya pa nga ang humahabol sa mga lalaki niya (Hos. 2:2-5). Hanggang sa siya’y tuluyan nang maalipin at kailangang tubusin para maging malaya.
Tapos, sinabihan pa ng Diyos si Hosea na puntahan ang kanyang asawa, “Ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya’y nangangalunya” (Hos. 3:1). Ha? Seriously? Hayaan mo na lang kaya siya! Gusto niya yun e! Meron akong pinayuhang lalaki na nagkahiwalay silang mag-asawa, hanggang may naging karelasyon na yung babae. Sinabi ko na gawin niya ang lahat ng magagawa niya na manatiling tapat sa asawa niya, para mahikayat na manumbalik ang asawa niya, para maayos ulit ang relasyon nila, para magkaroon ng pagpapatawad at pagtanggap at commmitment na hindi maghihiwalay. Pero pati siya ay hindi naging tapat at nakipagrelasyon na rin sa ibang babae at naging buo na ang loob na hindi na sila magkakabalikan bilang mag-asawa. Pero ano ang ginawa ni Hosea? “Kaya’t binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, ‘Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo’” (Hos. 3:2-3).
Hindi ba’t salamin ‘yan ng tapat na pagmamahal ng Diyos sa ating mga nagtaksil sa kanya? “Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos” (Hos. 3:1). Hindi tayo sinukuan ng Diyos. Hindi niya sinabi, “Ayaw ko na! Bahala na kayo!” Nangako siya, “Ngunit masdan mo, siya’y muli kong susuyuin, dadalhin ko sa ilang, kakausapin nang buong giliw…Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel; mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan, sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa’t isa. Ikaw ay magiging tapat kong asawa, at kikilalanin mong ako nga si Yahweh” (Hos. 2:14, 19, 20).
Redemption: Hope, Restoration, and Cleansing
Ang pangakong ito ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng pag-asa. Sinusukuan natin ang mga mag-asawang nagkahiwalay at sasabihin nating, “Wala nang pag-asa ‘yan!” Pero sa Diyos? Nasa kanya ang pag-asa natin. Nangako siya. Tinupad niya ang pangako niya sa pamamagitan ng pagliligtas na ginawa ni Cristo. Ito yung story of redemption. Ang Diyos Anak ay nagkatawang-tao. Ipinanganak siya mula sa lahi ng mga may sira ang relasyon sa asawa—sina Abraham, Isaac, Jacob, Judah, David, Solomon (Matt. 1:1-7). Naparito si Cristo—at ito ang kahulugan ng Pasko—para sa kanyang nobya.
From Heav’n he came and sought her
To be his holy bride;
With his own blood he bought her,
And for her life he died.
(“The Church’s One Foundation”)
Tayong mga katulad ni Gomer na nagpaalipin sa kasalanan, sa kahalayan, sa pagsamba sa diyos-diyosan, sa kataksilan, ay binili ng dugo ni Cristo para maipanumbalik sa Diyos. Tayong mga marumi na nagpakahumaling sa putikan ng kasalanan ay nilinis niya sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. “Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita” (Eph. 5:25-26). Nangyari ito nang suyuin tayo ni Cristo sa pamamagitan ng preaching of the gospel na narinig natin, at nabuksan ang mga mata natin at nakita natin ang nagniningning na kaakit-akit na kagandahan ni Cristo. Nanumbalik tayo sa Diyos. Sumampalataya tayo kay Cristo. Ipinagkaisa na tayo sa kanya. Oh, make sure that this is true of you! Ang pinakamahalaga sa buhay mo ay hindi kung sino ang karelasyon mo, kung may asawa ka ba o wala, kung masaya ba kayo ng asawa mo o hindi. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ito: nakay Cristo ka na ba? Kung wala pa, ano pa ang hinihintay mo? May makikita ka pa bang magmamahal sa isang taksil, marumi, at makasalanang tulad mo na katulad ng pagmamahal ni Cristo?
New Creation: Everlasting Love, Joy, and Intimacy
Kung ikaw ay nakay Cristo, bahagi ka na ng “new creation” story ng Diyos. Na nagsisimula na ngayon. Tayo ngayon ay “mga bahagi ng kanyang katawan” at tulad ng mag-asawa, ang “dalawa ay magiging isang laman” (Eph. 5:30, 31 AB). Ito ang malalim o dakilang hiwaga, mega-mystery, na tinutukoy ni Pablo na siyang punto at patutunguhan ng kuwento ng Bibliya, ang “kaugnayan ni Cristo sa iglesya” (Eph. 5:32 MBB).
Pero hindi pa tapos ang kuwento. Patuloy na gumagawa si Cristo, sa pamamagitan ng Espiritu, para sa layuning ito: “upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan” (Eph. 5:27). Ngayon, meron pang dungis, meron pang kulubot, meron pang kapintasan, hindi pa lubos na banal. Nakikita ‘yan sa relasyon natin sa asawa natin, sa anak natin, sa mga kasama natin sa church, sa mga non-Christians. Oh, marami pang kailangang ayusin sa church. Nandito pa tayo sa mahabang proseso ng sanctification.
Matatapos lang ito kapag tayo ay “in glory” na sa pagbabalik ni Cristo para sunduin ang kanyang mapapangasawa for that grand wedding day. Nagsimula ang kuwento ng Bibliya sa isang kasalan, magtatapos din ito sa isang mas higit na kasalan—the true and better marriage. Maririnig ang ganitong tinig sa araw na ‘yon: “Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya. Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti” (Rev. 19:7 ASD). Ito yung nakita ni apostle John na mangyayari sa araw na ‘yon: “At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya” (Rev. 21:2 ASD). Wala nang kamatayan, wala nang kalungkutan, wala nang iyakan, wala nang sakit, wala nang away, wala nang hiwalayan, everything will be perfect at mararanasan natin ang everlasting love, joy, and intimacy sa relasyon natin kay Cristo. That will be forever. Tulad ng sabi ni Jonathan Edwards,
At darating ang araw na ang iglesya ay dadalhin sa ganap na kagalakan ng pakikisama sa kanyang asawang si Cristo, at papahirin ang bawat luha sa kanyang mga mata; at wala nang anumang pagitan o pagkalayo. Dadalhin siya sa kasiyahan ng walang hanggang handaan sa kasalan (wedding-feast), at mananahan magpakailanman kasama ng kanyang asawa—oo, mananahan nang walang hanggan sa kanyang mga yakap. Doon ibubuhos ni Cristo ang kanyang pag-ibig sa kanya; at siya’y iinom hanggang masiyahan, oo, lalangoy siya sa karagatan ng kanyang pag-ibig. (cited in “Marriage,” in New Dictionary of Biblical Theology, 657)
Sa kasalang iyan, hindi lang ikaw ang mag-uumapaw ang kagalakan, God himself will rejoice over us: “kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal, gayon magagalak ang Diyos sa iyo” (Isa. 62:5 AB). Meron bang kasiyahan sa mundong ito—even the best marriage in the world—ang makapapantay sa kasiyahang mararanasan natin sa araw na yun?
Pastoral Application
Ano ang natutunan natin ngayon? Ang pag-aasawa ay nilikha ng Diyos para sumalamin sa relasyon ni Cristo at ng iglesya. Kaya dapat nating tingnan ang pag-aasawa na itinuturo tayo sa realidad na ito, at dapat din nating basahin ang Bibliya bilang isang kuwento ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Hayaan n’yong magtapos ako sa ilang mga pastoral applications.
Para sa mga may asawa, dapat ninyong ituring ang inyong relasyon—your one flesh union—bilang isang “living parable,” na para bang you are dramatizing kung ano ang relasyon ni Cristo at ng iglesya. Nakikita n’yo bang “mabuti” ang pag-aasawa hindi lang dahil sa ginagawa mo o ginagawa ng asawa mo, kundi dahil bahagi kayo ng ginagawa ng Diyos para isakatuparan ang plano niya—ang pag-iisang dibdib ni Cristo at ng iglesya. Marriage is good, very good, but not everything. Jesus is. ‘Wag nating gagawin idol ang marriage na para bang diyan nakadepende ang lahat ng kasiyahan, kahalagahan, at seguridad natin sa buhay. We worship Jesus alone.
Para sa mga single, ganun din. ‘Yan din ba ang pinaniniwalaan mo? Dapat mas kasabikan at paghandaan mo hindi ang araw na ikakasal ka na sa pinapangarap mong mapangasawa, kundi ang araw na haharap tayo kay Cristo. Ginagawa mo ba ang lahat ng dapat gawin—Bible reading, prayer, church involvement—to stir your heart’s affections for Jesus? Samantalahin ninyo na single pa kayo at wala pang pinoproblema at pinagtitiisang asawa to be singularly devoted to Christ.
Para naman sa buong church, naparito si Cristo para magbalik-loob tayo sa Diyos, para tumalikod tayo sa kasalanan, para pabanalin tayo, para matuto ang puso natin na ang sasambahin at paglilingkuran at susundin ay siya lamang. Sa kasalukuyang kalagayan ng church, madi-disappoint ka, masasaktan ka, baka panghinaan ka ng loob sa mga kasalanang patuloy na nagagawa ng church. Pero ‘wag nating sukuan ang church, tulad ni Cristo na hindi ito sinusukuan. Ipaglaban natin, patuloy tayong lumaban, magtulungan sa pagdi-disciple, pagdidisiplina, pagsasanay sa paglilingkod, para maihanda natin ang bawat isa sa pagharap kay Cristo. Wala nang ibang bagay sa buhay na ito ang higit na mahalaga kaysa kay Cristo at sa relasyon natin sa kanya.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

