Ang Panalangin ni Cristo para sa Church
Sa mga huling bahagi ng buhay ni Cristo sa lupa, ipinagdasal niya na ang kanyang mga tagasunod ay magkaisa. Malalim ang kanyang panalangin. Sabi niya, “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila’y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila’y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin” (Juan 17:20–23 MBB).
May mas tatayog pa ba sa mga salita niyang ito? Ngunit, hindi mo kailangang maging batikang Kristiyano para ma-realize na nagdurusa ang church sa pagkakawatak-watak at pagkakahati-hati matapos ang ilang panahon ng kapayapaan, gaya ng kung paanong may lambak sa paanan ng mga buról. Sa article na ito, tutukuyin ko ang sampung paraan kung paanong pwede mong mapilayan ang church na iyong kinabibilangan. Karamihan sa mga paraang ito ay magagawa ng kahit sino. Ang mga huling bahagi ay karaniwang mga church leaders ang may salâ. Kung ang ilan sa mga ito ay naglalarawan sa iyong mga aksyon o pag-uugali, nawa’y tulungan ka ng Panginoon na maituwid para sa kapakanan ni Cristo na nagnanais na tunay na magkaisa ang kanyang mga tagasunod.

Unity (by Conrad Mbewe)
Sa maikli ngunit makabuluhang gabay na ito, tinalakay ni Conrad Mbewe ang pagkakaisa bilang bunga ng ebanghelyo, at hinihikayat ang mga mananampalataya na tumugon sa panawagan ni apostol Pablo—na magsama-sama para sa ikalalaganap ng ebanghelyo at ng kaharian ng Diyos.
1. Pagiging Makasarili
Kung sumapi ka sa isang church dahil ang pangunahin mong layunin ay makahuthot mula sa ibang miyembro, di-magtatagal ay mapupuno ka ng reklamo ukol sa “kakulangan sa pag-ibig” sa loob ng church. Nagmumula ang paghihimutok na ‘yan sa kabiguang makuha mula sa church kung ano lang ang gusto mo. Binanggit na ‘yan ni apostol Santiago mismo: “Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba’t nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos” (San. 4:1–2 MBB). Ang church ay isang lugar para magmahalan at magbigayan.
2. Kawalan ng Pasensya sa Iba
Bawat Kristiyano ay may sari-sariling kontekstong pinanggagalingan; kaya nga, ang isang church ay para talagang isang pamilya. May ibang miyembro talagang masigasig; may mga miyembro namang tamad. May mga kapatid na mabibilis matuto, may ilan namang parang hindi talaga maunawaan maski ang pinakamadadaling konsepto ng búhay. Kailangan ng mahabang oras sa proseso ng pagpapabanal o sanctification. Kung hindi mo ito mauunawaan, talagang magmamaktol ka at mauubusan ng pasensya. Ang magiging laman ng iyong mga reklamo ay ang mga taong dapat mong pinakikitaan ng pagpapasensyang katulad ng kay Cristo. Kaya nga, sabi ni apostol Pablo, “Kaya’t ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa’t isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo” (Efe. 4:1–3 MBB). Dapat mong matutuhan na maging mapagpasensya sa iba.
3. Pag-aangkat ng mga Alitan kung Saan-saan
Minsan, wala naman talagang isyu sa loob ng church. Payapa naman. Pero may ilang mga kalapit na churches na may maraming usapin, alitan, at pag-aaway. At dahil may kaugnayan ka sa ilang mga members ng church na yun, maaaring kamag-anak o kaibigan, nagpapasimula ka ng kabalisahan sa iyong kongregasyon dahil sa pinaninindigan mo sa isyu, na hindi naman nakikita ng iba na kailangan. Nagiging palasak na ang ganyang gawi sa ngayon dahil nga sa social media. Di magtatagal, ikaw ang nagiging dahilan ng mga init ng ulo o alitan dahil inaakusahan mo agad-agad ang iba, “False teacher ‘yan,” kahit hindi naman pala.
4. Mga Usaping Hindi pa Nareresolba
Isa sa mga paraan upang maging simula ka ng mga alitan ay kapag may mga isyu o usapin ka sa buhay na hindi mo pa nareresolba. Iniisip mo na ang solusyon ay ang paglipat ng ibang church. Maaari mo ring isipin na ang hindi pagpansin sa ilang tao sa kongregasyong kinabibilangan mo ang magiging sagot sa iyong problema. Pero alam nating hindi ‘yan ang tamang paraan. Magiging mapait na ugat ‘yang himutok na mayroon ka at ang siyang magiging dahilan kung bakit masama ang ugali mo, sa puntong bibigyang halaga mo ang bagay na hindi naman dapat pinagtutuunan ng pansin. Hindi mauunawaan ng mga taong nakapaligid sa ‘yo ang pagiging overreactive mo sa mga usapin sa church. May babala ang Bibliya ukol diyan: “Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito’y walang sinumang makakakita sa Panginoon. Pakaingatan ninyo na baka ang sinuma’y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami” (Heb. 12:14–15 AB). ‘Yang ugat ng kapaitan ay madalas bunsod ng mga usaping hindi pa nareresolba. Dapat mong matutuhang bigyan ng resolusyon ang mga usapin, sa halip na ibaon na lamang ang mga ito sa limot, ipagsawalang bahala, at hayaang mabulok sa kaibuturan ng iyong pagkatao. Mapanganib ‘yan, kung hindi man nakamamatay.
5. Tsismis at Paninirang-puri
Mag-ingat at maging alerto ka kapag may lumapit sa ‘yo at sinabing, “Huy, alam mo na ba yung nangyari?” Wala nang agarang makapananakit pa sa church kaysa riyan, dahil kadalasan, ang kapatid na pinagtsitsismisan at sinisiraan ang siya pang huling nakaaalam ng kung anu-ano na ang mga nasabi tungkol sa kanya. At bago pa niya malaman ang lahat, napakalaki na ng bitak, na hindi na ito maaayos agad. Kadalasang nawawalan ng tiwala sa kapatiran ang mga nagiging biktima ng ganyan at aalis sila sa kongregasyong ‘yan kung magsasawalang kibo ang mga church leaders laban sa mga may pagkakamali. ‘Yan ang naging pangamba ni apostol Pablo na matatagpuan niya sa mga taga-Corinto nang sila’y sinulatan niya: “Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko’y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas, at kaguluhan” (2 Cor. 12:20 MBB). Iwasan ang tsimisan gaya ng kung paano pandirihan ang kahit anong salot!
6. Kawalan ng Paggalang sa mga Church Leaders
Ang problema kapag nawawala ang iyong pagmamahal o tiwala sa isang church leader ay ito: nawawala na ang paggalang mo sa kanya. Madali itong kumalat sa church na parang isang sakit na nakakahawa. Ang epekto? Pagkakahati-hati. Bakit? Dahil ang ganyang pag-uugali’y nakaaapekto sa iba sa kung paano sila makikitungo sa mga dapat sana’y namumuno sa kanila. Kung hindi mo pa nababasa, marahil dapat mo nang basahin kung ano’ng nangyari sa Numbers 12, kung paanong sina Miriam at Aaron ay hindi gumalang kay Moises at kung anu-ano na lamang ang pinagsasabi ukol sa kanyang buhay-may-asawa. Bago mangyari yun, kinukwestiyon na nila ang pamumuno ni Moises at ang kanyang gampanin bilang propeta. Kinailangan pang makialam ng Diyos upang supilin ang pag-aalsa at halos buhay ni Miriam ang naging kabayaran para rito!
7. Pagkawala ng Gospel sa Sentro
Madalas, ito ay bunsod ng maling pamumuno o ng mga maling pinuno. Napakadali para sa isang pastor na magpabalik-balik sa paborito niyang usaping doktrinal hanggang sa mawala na sa church ang gospel bilang sentro at punto nito. Bagama’t wala naman talagang masama sa pag-uusap ukol sa mga pangunahing doktrina, lalo’t kung nasa gitna ng mga hámon at kapalaluan, may mga pagkakataon din namang ang mga usaping doktrina ay dahil lang sa gusto lang ng pastor, dahil pabor ito sa kanyang disposisyon. Kapag nawala na sa gitna ng church ang gospel, may ibang papalit sa pwesto nito. Kaya, may mga makikita o maririnig kang mga churches na nagkakawatak dahil sa estilo ng pagkanta, mga pagkakaiba sa kultura, at mga isyung may kinalaman sa iba’t ibang henerasyon. Kung ikaw ay pastor, dapat mong tiyakin na ang church ninyo ay gospel-centered.
8. Kabiguang Makita ang Pagkakaiba ng Primary sa Secondary
Malaki ang kaugnayan ng usaping ito sa nauna (#7). Sa kasong ito, nangyayari ito kapag nabigo ang mga leaders na makita na may mga katotohanang maituturing na essential (gospel truths), samantalang ang iba ay denominational (na nagsasaad ng church borders), samantalang ang iba naman ay mga personal na paniniwala lamang dahil hindi malinaw ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga ito. Tinitingnan nila ang sinumang hindi sang-ayon sa mga paniniwala nila na heretic na agad at halos itatwa na ang taong yun na kapatid kay Cristo. Napakasakit ng pangyayaring ito lalo na kung ang ipinagtatabuyan ay isang miyembro ng church. Ang ibang church members ay hindi sumasang-ayon sa ginawang pagdidisiplina kaya ang tendency ay umalis na rin sila sa church kasama ang miyembrong na-excommunicate.
9. Isang Church na may Malabong Doktrina
May ilang nag-aakalang ang pinakamainam na paraan upang palaguin ang church ay ang pagiging hindi malinaw sa doktrina. Sinasabi ng ilan na sa ganitong palagay, ang church ay magiging para sa komunidad. Mabilis na lalago o darami ang dumadalo dahil kahit sinong nagsasabing Kristiyano siya ay magiging palagay at panatag. Maaaring ganyan nga ang mangyari sa ilang linggo, buwan, o taon, hanggang sa may dumalo na may matatag o malinaw na doktrina na siya namang hindi sinasang-ayunan ng pamunuan ng church. Sa tingin mo, paano kaya itutuwid o tuturuan ang taong iyon kung ang kongregasyon mismo ay walang malinaw at matatag na paninindigan ukol sa mga mga katotohanan ng Bibliya? Bago pa man mapaalis ang taong iyon, napakarami na niyang naakay papalayo dahil sa hindi sila naturuan nang maayos.
10. Kakulangan ng Church Discipline
Ang katwiran para sa pagkakaroon ng malabong doktrina, kung mayroon man, ay madalas katulad ng sa kakulangan ng church discipline. Sinasabi ng iba na kapag kinompronta mo ang isang mapagmatigas na kasalanan sa church, itataboy nito ang mga tao. Kaya, may mga church leaders na nagbubulag-bulagan na lamang sa usapin ng isang miyembro na nasa tahasang pagkakasalâ. Subalit patuloy namang lumalago ang mapagmatigas na kasalanan, at sa paglaon, magtatamo ito ng hatol ng Diyos. Sa katunayan nga, sinabi ni apostol Pablo, “Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad” (1 Cor. 11:19 AB). Minsan, ang disiplinang nakakapagbawas ng miyembro ay maituturing na pagpapala!
Bagama’t nagbigay ako ng sampung paraan upang pilayan ang iglesia, ang totoo’y higit pa sa sampu ang maaaring maging sanhi nito. Halimbawa lamang ang mga ito. May mga pagkakataon na kombinasyon ng ilan sa mga ito ang nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak. Upang agapan ito, kailangang pag-usapan ang bantang ito, bago pa man lumago ang ugat ng kahit anong kapaitan. Harapin n’yo ito nang maigi at agaran. Tulad ng kanser, kailangang solusyunan ito sa oras na madiskubre ito dahil kapag nagtagal ay lalong kakalat ang kanser. Kagaya nga ng sinabi ni apostol Pablo kay Tito, “Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya’y mali” (Tito 3:10–11 MBB). Masakit ang pagkakahati. Maihahambing pa nga ito sa divorce ng mag-asawa. Nag-iiwan ito ng trauma. Sa mga ilang pagkakataon, may mga makatwirang dahilan para rito, ngunit madalas, ang lámat at pagkakabitak sa isang kongregasyon ay bunga ng kasalanan, dahil ang kalikasan nito ay mangwasak. Sikapin mong huwag maging dahilan ng sakit na ito.
Si Conrad Mbewe (PhD, University of Pretoria) ay naglilingkod bilang pastor ng Kabwata Baptist Church sa Lusaka, Zambia, at siya rin ang founding chancellor ng African Christian University. Nakasulat na si Conrad ng mahigit na siyam na libro at nakapag-ambag sa marami pang iba. Binigyan siya ng Diyos at ang kanyang asawa na si Felistas ng tatlong anak at tatlong ampon.
Note: This article was translated by Alvin Servaña from the original English article “10 Ways to Fracture Your Church” with permission from Crossway.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.


