Introduction: Nasaan ka ngayon?

Ganito ang mababasa natin sa Questions 88-90 ng Heidelberg Catechism:

Tanong 88: Aling bagay ang bumubuo sa tunay na pagsisisi o pagbabago (conversion)? Sagot: Dalawang bagay: ang pagkamatay ng lumang pagkatao, at ang pagkabuhay ng bagong pagkatao.

Tanong 89: Ano ang pagkamatay ng lumang pagkatao? Sagot: Ito ay tunay na pagsisisi at pagdadalamhati sa kasalanan, at ito’y lubus-lubusang pagkamuhi at pagtalikod palayo sa kasalanan.

Tanong 90: Ano ang pagkabuhay ng bagong pagkatao? Sagot: Ito ay pagiging buong pusong nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo, at nagmamahal at natutuwang mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

Magandang summary ito ng doctrine of conversion and sanctification o yung bagong buhay na meron na tayo kay Cristo. Simula nang pumasok tayo sa pag-aaral ng chapter 4 ng Ephesians, paulit-ulit nating binibigyang-diin ang kahalagahan na nauunawaan natin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa conversion at sanctification. Ito ay may kinalaman sa kung paanong nakakabit sa kaligtasang tinanggap natin kay Cristo ang bagong buhay. Tulad last week, pinag-usapan natin ang tungkol sa paglagong Kristiyano. Hindi pwedeng Kristiyano ka, nakay Cristo ka, pero hindi ka naman lumalago. Napakahalaga na pag-usapan ‘to kaya ‘yan pa rin ang tatalakayin natin as we explore yung mga susunod na verses dito, verses 17-24 tayo ngayon.

Pero bago yun, mahalaga na we make this personal. Hindi lang kasi ito pag-aaral para lang maintindihan natin kung ano ang sinasabi dito ng Salita ng Diyos. Meron itong direct relevance sa buhay ng bawat isa sa atin—individually and as a church. Kaya mahalagang itanong sa ‘yo: Nasaan ka ngayon? Not physically siyempre, obvious naman na lahat tayo nandito sa loob ng worship hall ng church natin. Spiritually speaking, nasaan ka ngayon? Are you genuinely converted? Nakay Cristo ka na ba? Meron na bang tunay na pagsisisi at pananampalataya sa puso mo? Kung negative ang sagot mo sa mga ‘yan, tandaan mong imposibleng magkaroon ng mabuting pagbabago sa buhay mo. Sabi ni John Calvin sa kanyang comment sa teksto natin, “Bago magmula sa atin ang anumang mabuti, kinakailangan muna tayong baguhin at panibaguhin ng biyaya ni Cristo.”

Kung sinasabi mo namang ikaw ay nakay Cristo, meron bang mabuting pagbabago na nangyayari sa buhay mo? Kung wala, posible kaya na ikaw ay wala talaga kay Cristo? Akala mo lang siguro. Tandaan mo, maraming namamatay sa maling akala. Ayoko naman siyempre na gambalain ang sense of assurance ng mga tunay na nakay Cristo. Pero mahalaga na siyasatin natin ang puso natin, to ask the Holy Spirit to expose our true spiritual condition. At kung talagang nakay Cristo ka, posible naman talaga na you’re struggling sa buhay Kristiyano. Gusto mong magbago, gusto mong lumago, pero nandun yung constant temptations na bumalik sa dati, na gawin yung masasamang hangaring natitira sa puso natin.

Nasaan ka man ngayon sa iyong spiritual journey, narito tayo ngayon para tumanggap ng tulong na galing sa salita ng Diyos. At ang salitang ito ng Diyos ay sa pamamagitan ng salita ni apostol Pablo sa mga tage-Efeso. Bungad ni Paul sa verse 17, “Now this I say and testify in the Lord…” May sinimulan na siyang sabihin tungkol sa pagkakaisa na dapat meron tayo sa church sa unang section ng chapter 4. Kaya nga hawig ito sa simula, “I therefore, a prisoner for the Lord, urge you to walk in a manner worthy of the calling to which you have been called” (v. 1). Ngayon itutuloy na niya yung mga gusto pa niyang sabihin hanggang sa dulo ng chapter 4, actually hanggang sa dulo ng sulat niya—kung ano yung klase ng buhay na consistent sa gospel na sinasabi nating napakinggan at pinaniniwalaan natin.

Kapag sinabi niyang, “I say and testify,” sinasabi niya na hindi lang ito basta salita na dapat marinig nila, kundi merong bigat, merong kaseryosohan, merong something very important na sasabihin siya. Ang salitang “testify” (na galing sa Greek na pinanggalingan ng salitang “martyr”) ay isang “solemn term,” na karaniwang ginagamit para kuhanin ang atensyon ng mga tao na meron silang kailangang gawin na kung hindi nila gagawin ay merong kahihinatnan na “serious consequences” (Thielman, Ephesians, 296). At mas mabigat pa nga dahil sinabi niya na, “I say and testify in the Lord.” Nagsasalita siya bilang isang apostol ni Cristo, merong awtoridad ni Cristo, sa mga taong nagsasabing sila rin ay nakay Cristo. Kaya nga may bigat ang salin ng MBB, “Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo…”

At ang sinasabi niya ritong seryosong bagay ay hindi lang ang mensahe ng gospel kundi ang klase ng buhay na consistent sa mensaheng iyon. Mahalagang paniwalaan ang gospel, mahalaga rin na mamuhay in light of the gospel. Mahalaga ang tamang doktrina, mahalaga rin ang tamang pamumuhay.

Sa vv. 17-19 sinabi ni Paul kung paano tayo hindi dapat mamuhay, na ‘wag nang bumalik sa dating daan, o yung buhay noong wala pa tayo kay Cristo. Sa vv. 22-24 naman ay paalala na tayo’y nasa bagong daan na, ganito tayo dapat mamuhay bilang nakatanggap ng bagong buhay kay Cristo. Sa gitna nito, vv. 20-21, ang dahilan kung bakit ganito dapat: dahil nasa tamang daan na tayo nang matutunan natin ang katotohanang nakay Cristo. Pwede nating i-summarize ang sinasabi dito ni Paul this way: Nang matutunan natin ang katotohanang nakay Cristo, nagkaroon na tayo ng bagong pagkatao; kaya dapat lang na iwanan na natin ang ating dating pamumuhay at ipamuhay ang bagong buhay na meron tayo kay Cristo. Then, sa vv. 25-32, hanggang sa chapters 5-6 ay mga specific instructions na kung paano mamumuhay sa ganitong paraan. Tandaan natin na hindi lang ito mere advice galing kay Paul na nasa atin na kung susundin natin o hindi, kundi ito ay mga “critical instructions” (Thielman, 296), kailangang sundin.

A. Ang Dating Daan: Buhay ng mga Wala kay Cristo (vv. 17-19)

Ang unang bahagi ng section na ‘to ay verses 17-19. Kung sa verse 1 ay sinabi ni Pablo na ang daang dapat nating lakaran ay ang buhay na “gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos,” dito naman sa verse 17-19 ay yung daan na hindi natin dapat lakaran, yung dating daan na hindi na natin dapat pang balikan. Sabi niya,

Kaya’t sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo’y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip. 18 Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa’y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; 19 sila’y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan. (AB)

Ang larawang ginagamit dito ay yung paglakad sa isang daan, na tumutukoy sa buhay Kristiyano bilang isang paglalakbay, merong pupuntahan, merong daraanan. At ang paglakad na ito ay tumutukoy sa pamumuhay o way of life ng isang Kristiyano. Kaya sa salin ng MBB, “huwag na kayong mamuhay.” By implication, dati ganito ang buhay n’yo, pero ngayon iba na. dati ganito, pero ngayon iba na dapat. “Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago” (2 Cor. 5:17 MBB). Pero kahit na sinabi natin noong naging Kristiyano tayo, “I have decided to follow Jesus, no turning back, no turning back,” very tempting sa atin, tulad ng mga Israelites na pinalaya na mula sa pagkakaalipin sa Egipto na bumalik sa dating pamumuhay. Ito yung sinabi ni Paul na “gaya ng lakad ng mga Hentil.” Gentiles din naman itong mga Ephesians, pero siyempre ang tinutukoy rito ay spiritually speaking, “Gentiles” na outside God’s covenant people, unbelievers, non-Christians, not in union with Christ. Kaya ipinaliwanag na sa salin ng MBB, tulad ng mga hindi sumasampalataya.” Siyempre, hindi basta outward behavior or lifestyle lang ang tinutukoy rito na para bang dapat yung bahay natin, yung kinakain natin, kung saan nag-aaral ang mga anak natin, at iba pa, ay hindi dapat tulad ng sa unbelievers. Ang tinutukoy niya rito ay spiritually o morally speaking: anong klaseng pag-iisip, anong mga desires ng puso, anong mga ginagawa, at anong klaseng relasyon sa Diyos.

1. Kadiliman ng isip (vv. 17-18)

Anong klaseng pag-iisip meron ang mga wala kay Cristo? “sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip. Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa” (vv. 17-18 AB). Yung “kawalang-saysay” ay “futility,” ibig sabihin, walang laman, sa MBB “walang kabuluhan.” Kahit maraming alam intellectually, or in terms of knowing many things, pero hindi naman sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, yung mga bagay na nakalulugod sa Diyos. So anumang paniniwala o pinahahalagahan nila, balewala lang. Mas matindi pa nga yung sa verse 18, “darkened in their understanding.” Kung mga espirituwal na bagay ang pag-uusapan, bulag sila, at hindi nila nakikita ang liwanag ng kagandahan ni Cristo (2 Cor. 4:4). Kahit naririnig nila ang salita ng Diyos, hindi nila nakikita ang kagandahan ng Diyos. Ganito rin ang sabi ni Paul sa Romans 1:21, “Kahit na kilala nila ang Diyos, siya’y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya’t nagdilim ang hangal nilang pag-iisip” (MBB). Anong klaseng pag-iisip meron ang mga unbelievers? Walang kabuluhan, madilim, hangal. So, kung walang ganitong pundasyon ng tamang pagkakilala sa Diyos, ang anumang kaalaman tungkol sa kung paano mamuhay ay “deeply flawed” o sirang-sira (Thielman, 297). Gusto mo bang bumalik sa ganyang klase ng pag-iisip?

2. Kamatayan (v. 18)

Related to that, kung ganyan ang pag-iisip, anong klaseng relasyon naman meron sila sa Diyos? “…palibhasa’y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan…” (v. 18 AB). Dahil sa kamangmangan, o ignorance sa mga bagay na espirituwal, “nahiwalay sa buhay ng Diyos.” Kung hiwalay tayo sa Diyos, hiwalay tayo sa buhay, ibig sabihin, patay. Buhay tayo physically, pero spiritually dead (Eph. 2:1) noong tayo ay namumuhay pa sa kasalanan at hiwalay kay Cristo. Kahit masiglang-masigla, kahit masayang-masaya sa mga kainan, tawanan, kuwentuhan, at parang nae-enjoy nila ang buhay, ang totoong spiritual condition nila ay “patay.” Ito yung klase ng buhay na hindi naman talaga matatawag na buhay. So, bakit pa natin gugustuhing balikan?

3. Katigasan ng puso (vv. 18-19)

Anong klaseng puso meron ang mga hiwalay sa buhay ng Diyos? “…dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; sila’y naging manhid…” (vv. 18-19 AB). Hindi lang katigasan ng “ulo” (tulad ng sa MBB), kundi ng puso. Hindi ibig sabihin na wala nang nararamdaman o walang emosyon, pero yung walang nararamdaman positibo tungkol sa Diyos. Stubborn, pinatigas ng kasalanan. Kahit na naririnig ang mga utos, ang mga babala, pati na nga ang mensahe ng pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos through the gospel of Christ, binabalewala. Hindi na nararamdaman ang kasamaan at sakit na dulot ng kasalanan. Manhid na. May kalyo na ang puso. Noong una kang mag-aral maggitara, masakit sa daliri, pero nang magkakalyo na, hindi na masakit. Ganoon kapag nasasanay tayo sa kasalanan. Na-eenjoy na pagtagal-tagal. Hindi na inaamin ang pagkakasala laban sa Diyos, ayaw nang tumalikod sa kasalanan, buo na ang loob sa pagrerebelde sa Diyos. ‘Yan ang kalagayan ng mga wala kay Cristo. So, bakit pa natin gugustuhing balikan ang ganyang kalagayan ng puso?

4. Karumihan ng gawain (v. 19)

Anong klase naman ang ginagawa ng mga hiwalay kay Cristo? “…sila’y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan” (v. 19 AB). Ito yung buhay na wala nang kahihiyan (tulad ng salin sa MBB). Yung “kahalayan” dito ay tumutukoy siyempre sa mga sexual sins, pero hindi lang dun, kundi maging sa lahat ng kasalanan na gustung-gusto nating gawin para bigyang-kasiyahan ang sarili natin. Kapag nalulong ka sa mga kasalanang tulad nito, tulad ng porn o sexual addiction, hindi mo pwedeng sabihing naging biktima ka lang na para bang wala ka nang magawa para makaalis. “Ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan,” gusto mo ‘yan, hinayaan mo na maging alipin ka ng kasalanan. At hindi pa nga nakukuntento, “sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.” Hindi lang ito tumutukoy sa kasakiman sa pera o materyal na bagay. Kundi yung hindi nakukuntento sa kaunting kasalanan, “walang kabusugan” (sa salin nga ng FSV).

Kapag naririnig mo ‘to, ‘wag mo lang isipin yung mga gahaman na mga private contractors, o mga engineers ng DPWH, o mga kurakot na senador at congressman. Inilalarawan dito ni Pablo ang buhay hindi lang ng mga unbelievers sa paligid natin. Ito ang buhay natin dati noong hiwalay pa tayo kay Cristo. Outwardly, parang okay naman tayo, mabait, hindi garapal sa kasalanan. But inwardly, ganito ang kadiliman ng pag-iisip natin, ang katigasan ng puso natin, ang karumihan ng mga gawa natin, ang layo ng relasyon natin sa Diyos. At sinasabi dito ni Pablo, hindi na ganito ang buhay natin ngayon, ‘wag na tayong babalik sa dati, never again, no turning back, no turning back.

B. Ang Tamang Daan: Nang Matutunan ang Katotohanan (vv. 20-21)

No turning back sa dati dahil nasa tamang daan na tayo, nakay Cristo na tayo. Kung dati naliligaw ka, pero itinuro na sa ‘yo ang tamang daan, does it make any sense kung babalik ka pa sa dati? Kaya nga sabi ni Paul sa kasunod na bahagi, sa verses 20-21,

Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo! 21 Kung tunay na siya’y inyong narinig at [kayo’y] tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus. (AB)

Sa mga talatang ito, merong sinasabi si Pablo na tatlong bagay tungkol sa tamang daan na ‘yan.

1. Salungat sa buhay ng mga wala kay Cristo (v. 20)

Ang una ay ito: ang daang ito ay salungat sa buhay ng mga wala kay Cristo, yung buhay na isinalarawan niya sa vv. 17-19. Kaya nga pagkatapos noon ay sinabi niya, “Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo” (v. 20). “Ngunit,” nag-iindicate ng contrast o pagkakaiba. Na dahil nakay Cristo na tayo, yung dati nating buhay ay incompatible sa buhay natin ngayon. O tulad ng sinabi ni John Calvin, “utterly inconsistent”: “Ipinapakita niya ngayon ang kaibahan ng buhay-Kristiyano, para maging malinaw na lubos na salungat (utterly inconsistent) sa pagkatao ng isang maka-Diyos ang hayagang dungisan ang sarili sa mga karumal-dumal na gawain ng mga Hentil.”

2. Nang Matutunan si Cristo (vv. 20-21)

Ikalawa: ang daang ito ay nagsimulang lakaran natin nang matutunan natin si Cristo. Take note, hindi ko sinabing, “nang matutunan natin ang tungkol kay Cristo.” Sa MBB ganyan ang salin, pero sa Ang Biblia, “natutunan si Cristo” (v. 20). Maybe hindi naman ganun kalaki ang pagkakaiba, pero mahalaga kasing mabigyang-diin dito na si Cristo—kung sino siya, ano ang ginawa niya, at kung paano tayo naligtas sa pamamagitan niya—ay hindi lang basta isang subject matter na pinag-aaralan ng isang estudyante. Related naman talaga ito sa concept ng discipleship. Pero hindi lang ito tungkol sa learning facts about Jesus, pero tungkol sa makilala mismo si Cristo. Hindi academic o intellectual pursuit lang, kundi tungkol sa personal relationship na meron tayo sa kanya. Kaya nga idinugtong ni Paul sa verse 21, “Kung tunay na siya’y inyong narinig at [kayo’y] tinuruan sa kanya” (AB). Narinig natin ang tungkol sa kanya noong narinig natin ang gospel. Hindi lang yun, siya mismo ang naririnig nating nagsasalita kapag merong pastor o sinumang Kristiyano ang nagtuturo ng salita ng Diyos. Si Cristo mismo ang nagsasalita at nagtuturo kapag tapat na ipinapangaral ang kanyang salita. Siya ang teacher, tayong mga disciples ang kanyang estudyante. Christ himself is discipling you habang nakikinig ka at nagtitiwala sa kanyang mga salita ngayon.

Natutunan natin si Cristo noong nakita natin for the first time ang kagandahan niya sa preaching of the gospel sa time ng conversion natin. At patuloy natin siyang natututunan sa pamamagitan ng pang-araw-araw na paglago sa pagkakilala sa kanya sa araw-araw nating pagbubulay sa kanyang mga salita at kapag tinuturuan tayo ng mga tagapagturo natin sa church (Hoehner, Ephesians, 595). Kung totoo ito sa atin, hindi pwedeng ang buhay nating mga Kristiyano ay hindi naiiba sa mga unbelievers. Sabi nga ni John Calvin, “Ang taong ang buhay ay hindi naiiba sa mga hindi sumasampalataya ay walang natutunan kay Cristo; sapagkat ang tunay na pagkakilala kay Cristo ay hindi maihihiwalay sa pagpigil at pagpatay sa makasalanang pagkatao.”

3. Ang Katotohanang nakay Cristo (v. 21)

Ikatlo, ang daang ito ay tamang daan dahil ang daang ito ay si Cristo mismo dahil si Cristo mismo ang katotohanan. Sabi pa ni Paul sa verse 21, “…kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus” (AB). Anumang klase ng buhay na hiwalay kay Cristo ay hindi tamang daan. Si Jesus mismo ang nagsabi, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (John 14:6). Ang dati nating nilalakaran ay maling daan, puno ng kasinungalingan, at ang hantungan ay kamatayan at pagkahiwalay sa Diyos magpakailanman. Pero ang buhay natin ngayon? Tamang daan, daan ng katotohanan, at ang hantungan ay buhay sa presensya ng Diyos magpakailanman. Ang Anak ng Diyos ay naging tao, namuhay nang perpekto, namatay sa krus para akuin ang ating mga kasalanan, at muling nabuhay para bigyan tayo ng bagong buhay. Hindi ba’t hindi lang inconsistency, but a foolish contradiction, kung babalikan pa natin ang dati nating buhay?

C. Ang Bagong Daan: Buhay ng mga Nakay Cristo (vv. 22-24)

Heto ang sinasabi ni Pablo rito: Hindi na tayo babalik sa dating daan dahil nasumpungan na natin ang tamang daan—walang iba kundi si Cristo! Dahil diyan magpapatuloy tayo sa paglakad sa bagong daan, ang bagong buhay na meron tayo kay Cristo. 2 Corinthians 5:17, “Therefore, if anyone is in Christ, he is a new creation. The old has passed away; behold, the new has come.” Dito naman sa text natin, sa verses 22-24, tatlong bagay ang binanggit ni Pablo na nakapaloob sa bagong buhay na meron tayo kay Cristo. Heto ang mangyayari kung talagang natutunan natin si Cristo:

[una] alisin ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa, 23 [ikalawa] at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip, 24 at [ikatlo] kayo’y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

1. Paghubad sa lumang pagkatao (v. 22)

Ang una ay ang paghubad sa lumang pagkatao. Nangyari na ito noong unang araw ng ating conversion, noong nagsisi tayo sa ating mga kasalanan. At patuloy itong nangyayari—sa progressive sanctification natin—dahil ang buhay Kristiyano ay araw-araw na repentance. Ang image na ginamit ni Paul dito ay ang pagbibihis ng damit. Kaparehong lenggwahe din ng Colossians 3:8-10, merong tatanggalin (put off), merong isusuot (put on). Bago ka magbihis ng bagong damit, kailangan mo munang hubarin ang luma o maruming damit. At ang lumang damit na huhubarin o aalisin natin ay “ang dating pagkatao” (Eph. 4:22). Ito yung mga kaisipan, damdamin, at gawa na kabilang sa sinful nature natin. Hindi ito compatible sa bagong identity na meron tayo kay Cristo. Hirap pa naman tayo to let go lalo na kung nakasanayan na natin o napamahal na sa atin. Naglilinis nitong isang araw yung asawa ko, gusto nang ipamigay yung luma kong sapatos. Hirap naman akong magsabi ng, “Sige na nga.” Pero nang may dumating na bago, mabilis lang mag-decide, “Sige na!” Dumating na si Cristo sa buhay natin, kaya nandun na yung bago nating desires na hindi na yakapin kundi itapon na ang kasalanan.

Yung binanggit kanina sa vv. 17-19 ay tinukoy sa verse 22 na “ang dating paraan ng inyong pamumuhay.” Sa kasabihang Pilipino, hindi tayo pwedeng mamangka sa dalawang ilog. Bagamat sa oras ng conversion natin, nakipag-break na tayo sa kasalanan, we still have to face yung reality ng natitira pang kasalanan sa atin—yung gusto pang makipagbalikan at natutukso naman tayong balik-balikan. Pero hindi natin ito dapat na ituring na normal or natural, na para bang tinatanggap na natin yung reality na ‘yan na para bang wala na tayong dapat gawin tungkol diyan. Isang paraan para ma-motivate tayo na ‘wag nang makipagbalikan pa sa kasalanan ay kung makikita natin kung gaano ito kapangit: “pinasama (corrupt! ugly! ruined!) sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa.” Akala mo maganda, pangit pala. Akala mo ibibigay sa ‘yo yung kasiyahang hinahanap mo, ini-scam ka pala. Akala mo magiging masaya ka, mapapahamak ka pala. Kasama sa bagong buhay na meron tayo kay Cristo ang bagong pagtingin sa kasalanan—hindi pagyakap kundi pagkasuklam dito.

2. Pagbabago ng isipan (v. 23)

Kaya mahalaga yung pangalawang binanggit niya: yung pagbabago ng isipan natin: “magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip” (v. 23). Hindi sapat na hinubad mo lang yung luma o maruming damit. Kailangang may bago na ipalit. At nagsisimula ito sa pagbabago ng isip. Hindi ito instant na nangyayari, kundi ongoing process of transformation. Tulad ng sinabi niya sa Romans 12:2, “be transformed by the renewal of your mind.” Dito sa text natin, bakit niya binanggit na ang magbabago ay ang “espiritu ng inyong pag-iisip”? Dahil kailangang magbago hindi lang kung ano ang iniisip natin, kundi ang kaloob-looban natin—inner renewal. Ito yung pagbabago ng desires natin. Na kapag napapalitan ang kasinungalingan ng katotohanan ng salita ng Diyos, binabago rin yung matigas nating puso para magkaroon ng bagong damdamin para kay Cristo. Nagiging pangit at mapait ang kasalanan sa paningin at panlasa natin, at nagiging maganda at matamis naman si Cristo. At nangyayari ‘yan kung binababad o mina-marinate natin ang isip at puso natin sa mga salita ni Cristo sa Bibliya araw-araw, especially tuwing araw ng Linggo as we gather around the Word.

3. Pagsuot ng bagong pagkatao (v. 24)

At ang pangatlong binanggit ni Pablo ay ang pagsuot ng bagong pagkatao: “at kayo’y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.” Merong hinubad, merong ipapalit. Hinubad ang dating pagkatao, isinuot naman natin ang bagong pagkatao. Meron na tayong bagong identity sa pakikipag-isa natin kay Cristo—pinatawad na, nilinis na, itinuring na na matuwid, minahal, tinanggap, itinuring na anak, binago na. So, hindi lang tayo magsusuot ng malinis na damit, ang isusuot natin ay ang damit na swak sa okasyon. Malinis nga ang damit mo, pero pambahay naman; samantalang ang pupuntahan mo ay isang kasalan—hindi swak, hindi fit, hindi appropriate.

Tulad ng sa 2 Corinto 5:17, “If anyone is in Christ, he is a new creation,” dito rin sa verse 24, itong ating bagong pagkatao ay “nilalang ayon sa wangis ng Diyos.” Nilikha tayo ng ayon sa kanyang wangis, to reflect kung sino siya. Pero na-corrupt yung image na yun dahil sa kasalanan ng tao. Dahil sa gawa ni Cristo, recreated na tayo, redeemed, binabago yung nasirang image ng Diyos sa atin. Yun ang sanctification. Na ipinapamuhay natin yung bagong paglikha sa atin ng Diyos “sa katuwiran at kabanalan” na ayon sa katotohanan. Dahil kay Cristo na siyang katotohanang nasa atin, taglay natin ang katuwiran at kabanalan ng Diyos. So, sinisikap natin, sa tulong ng Espiritung nasa atin na magpatuloy na mamuhay na katulad ni Cristo. Sa justification, itinuring tayong matuwid sa paglalapat ng perpektong katuwiran ni Cristo para sa atin. Sa sanctification, ginagawa tayong matuwid tulad ni Cristo. Dahil ang Diyos ay banal, we are pursuing holiness, we are growing in holiness.

Conclusion: Saan ka papunta?

Itinuturo sa atin ni Pablo sa vv. 17-24 ng Ephesians 4 ang ganito: Nang matutunan natin ang katotohanang nakay Cristo, nagkaroon na tayo ng bagong pagkatao; kaya dapat lang na iwanan na natin ang ating dating pamumuhay at ipamuhay ang bagong buhay na meron tayo kay Cristo. Nakilala na natin ang tamang daan. Wala na tayo sa dating daan, kaya dapat na magpatuloy tayo sa bagong daan. Ito ang bagong buhay na meron tayo kay Cristo. Ito ba ang naglalarawan ng buhay mo ngayon? Ito ang kuwento ng buhay ni Pablo. Noong siya ay nasa daan patungong Damascus para arestuhin ang tagasunod ni Cristo, nagpakita sa kanya si Jesus. Natutunan niya si Cristo. Nakita niya ang kagandahan ni Cristo. Simula noon, tinalikuran na niya ang dati niyang pamumuhay—yung kasigasigan niya sa relihiyong nakadepende sa sarili niyang gawa. At nagpatuloy siya sa daang inilatag sa kanya ng Panginoon. Hanggang kamatayan. Hanggang tuluyan na niyang masilayan ang kagandahan ni Cristo.

Ito rin ang kuwento ng buhay nating mga Kristiyano. Yes, we’re still struggling. Natutukso pa rin tayong bumalik sa dati nating buhay. Nagkakasala pa rin tayo. Pero araw-araw tayong binabago—habang araw-araw nating hinuhubad ang karumihan ng mga natitira pang kasalanan sa puso natin, habang araw-araw na nagkakaroon ng pagbabago sa isip at puso natin sa pagbabad natin sa salita ng Diyos, habang araw-araw nating isinusuot ang mga nagniningning na katangian ni Cristo na ating Panginoon at Tagapagligtas. At balang araw, darating si Cristo. At sa pagdating niya, “tayo’y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya” (1 John 3:2 MBB). Diyan tayo papunta—yun ay kung kabilang ka sa mga nakay Cristo. Pero kung hindi, ang daang nilalakaran mo ngayon ay daang mauuwi sa “walang hanggang kapahamakan” at pagkakahiwalay “sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan” (2 Thess. 1:9 MBB).

Kung kabilang ka sa mga nakay Cristo, inaanyayahan ka naming makisalo sa pagdiriwang ng Banal na Hapunan. Hindi lang ito basta pag-alala sa ginawa ni Cristo para sa atin. Sa pag-alala natin sa ginawa niya, sa pagtingin natin sa kanya sa pamamagitan ng tinapay at inumin, sa pagtikim natin sa kanya sa pagkain natin ng tinapay at pag-inom ng inumin, tayo ay binabago para maging katulad ni Cristo. At habang nagsasalu-salo tayo bilang isang pamilya, ipinapahayag natin: “Ito ang bagong buhay na meron tayo kay Cristo. Ito ang bagong buhay na meron tayo bilang katawan ni Cristo. Ito ang bagong buhay na pagtutulung-tulungan nating ipamuhay bilang magkakapatid kay Cristo at bilang mga bahagi ng iisang Katawan.”

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply