Introduction

Last week, pinag-usapan natin kung paano dapat ang relasyon natin sa mga unbelievers. Siyempre, we reach out to them dala-dala ang mabuting balita ni Cristo at ang ugali na consistent sa pagiging isang tagasunod ni Cristo. Pero, I pointed out na merong boundaries yung relasyon natin sa kanila. Hindi tayo dapat makipagrelasyon sa kanila in an intimate way tulad ng sa pag-aasawa o anumang romantic relationship bilang paghahanda sa pag-aasawa. Unless, of course, kapag mag-asawa na kayo bago ka pa man maging Kristiyano. Based sa 2 Corinthians 6:14–7:1, nagbigay ako ng apat na dahilan kung bakit: ang una ay dahil sa awtoridad ng salita ng Diyos na nagbabawal sa ganitong relasyon; ang ikalawa ay dahil sa incompatibility (theologically and spiritually speaking) ng ganitong relasyon; ang ikatlo ay dahil sa intimate relationship na ipinangako ng Diyos sa atin bilang kanyang mga anak; ang ikaapat ay dahil sa hindi natin pwedeng ikumpromiso ang pagpupursigi natin sa pamumuhay nang may kabanalan sa lahat ng bahagi ng buhay natin.

Kung naglalagay ang Diyos ng boundaries sa relasyon natin sa mga unbelievers, yun ay dahil concern siya na ma-experience natin ang malalim na relasyon na hinahanap at kailangan natin sa kanya lamang. Ang implication nito, dahil meron tayong relasyon sa Diyos bilang mga anak niya sa pamamagitan ni Cristo, meron din tayong relasyon sa isa’t isa bilang magkakapatid sa Panginoon. At ‘yan ang gusto ng Diyos na malalim na relasyon na maranasan natin. Gusto ng Diyos na mabago ang puso natin na madalas ay sarili lang ang iniisip at hindi tayo nagiging concern kung paano tayo dapat na intensyonal na makitungo sa ibang mga kasama natin sa church. This self-focus is not consistent with a Spirit-led life. Kaya nga mahalaga ang church membership dahil sa pagiging miyembro ay pumapasok tayo sa isang conscious personal commitment na gagawin ang lahat para sa kapakanan ng iba pang mga miyembro ng church.

Titingnan natin ngayon ang sinasabi ni Pablo sa sulat niya sa mga taga-Galacia, chapter 6, verses 1–10. Nangingibabaw ang concern ni Pablo sa mga taga-Galacia na tiyaking tama ang gospel na pinapakinggan at pinaniniwalaan nila (Gal. 1:8–9). Ito yung gospel na itinuring tayong matuwid ng Diyos, justified, hindi sa pamamagitan ng anumang gawa natin o pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo at sa kanyang ginawa sa krus para sa atin. Concern din si Pablo hindi lang sa tamang doktrina; concern din siya sa tamang pagsasabuhay ng gospel na ‘to. Paano tayo mamumuhay bilang mga gospel people particularly sa kapwa nating mga gospel people din? Nagsimula ang chapter 6 sa pagtawag sa kanila ni Paul na, “Mga kapatid . . .” (v. 1). Nag-iindicate ito ng pangunahing concern niya sa mga sinulatan niya. Nagsusulat siya sa kanila out of concern sa kanila bilang mga kapatid sa Panginoon. At ang makikita rin naman natin sa mga instructions niya ay may kinalaman sa relasyon natin bilang magkakapatid, ang paggawa natin ng mabuti “lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (v. 10).

Sa tekstong ito, bibigyang-diin ko na ang bawat isang Kristiyano, mga taong pinapatnubayan ng Espiritu, ay may responsibilidad na dapat gawin para sa ikabubuti ng ibang Kristiyano. Sinu-sinong Kristiyano ang meron tayong responsibilidad? Limang kategorya ng mga Kristiyano ang titingnan natin. Ang una, sa verse 1, ay ang mga kapatid nating nahulog sa kasalanan. Ang ikalawa, sa verses 2–3 ay mga kapatid na may mga kabigatan. Ang ikatlo, sa verses 4–5 ay ang ating sarili. Ang ikaapat, sa verses 6–8 ay ang mga church leaders/teachers. At panghuli, sa verses 9–10 ay lahatan na, para sa bawat isang miyembro ng church. Isa-isahin natin ‘yan.

A. Para sa ikabubuti ng mga nahulog sa kasalanan (v. 1)

Ang unang responsibilidad na binanggit niya ay yung gawin natin ang magagawa natin para sa ikabubuti ng mga kapatid nating nahulog sa kasalanan. Ang okasyon na tinutukoy dito ay kung “may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala” (v. 1). Lahat naman ng Kristiyano ay nagkakasala pa rin. Pero maaaring tinutukoy rito ni Paul yung mga Kristiyano na nakagawa o patuloy na gumagawa ng seryosong kasalanan, lalo na kung hindi pinagsisisihan. Ito yung mga kasama natin na sa halip na yung ine-expect nating makita ay ang bunga ng Espiritu (Gal 5:22-23), tulad ng pag-ibig, katapatan, pagpipigil sa sarili. Sila nga yung mga nakay Cristo na, at napako na kasama ni Cristo (Gal 2:20), at dapat sana ay hindi na naghahari ang mga sinful “passions and desires” (Gal 5:24) sa kanila. Pero sa halip na ganun ang makita, nagiging obvious pa ang “works of the flesh” (yung sinful nature ang nangingibabaw) na binanggit ni Paul sa Galatians 5:19-21, tulad ng sexual immorality, o idolatry kung hindi mabitawan ang maling relasyon tulad ng relasyon sa unbeliever, o paglalasing, o anumang bisyo na patuloy na kinakapitan.

  1. Ano ang dapat gawin? Tulungang manumbalik.

Ano ang dapat gawin? Tulungan natin silang manumbalik. Sa MBB, “magtuwid sa kanya.” Sa AB, “dapat panumbalikin siya.” Sa pagdidisiplina sa taong nagkasala, ang layunin ay hindi para ipahiya (bagamat nakakahiya siyempre ang paghahayag ng kasalanan, kapag kinakailangang ipahayag sa iba, lalo na sa kaso ng pagdidisiplina na hindi nagsisisi ang nagkasala (tulad ng mababasa natin sa Matthew 18 at 1 Corinthians 5), hindi rin para parusahan (bagamat masakit talagang maranasan ang consequences ng kasalanan tulad ng sinasabi sa Hebrews 12:11). Ang pinakalayunin ay para sa restoration ng taong nagkasala, para mapanumbalik siya sa relasyon niya sa Diyos at sa mga taong nagawan niya ng kasalanan, na may pagsisisi at pagpapatawad. Ginamit ni Matthew at Mark ang salitang isinalin dito na “restore” (Gk. katartizō) para isalarawan ang isang fisherman na inaayos ang kanilang mga fishing nets “back in order” (Matt. 4:21; Mark 1:19). Kaya gustong makita rito ni Pablo na nagtutulung-tulong tayo na pagtrabahuhan ang pagtulong sa mga kapatid nating nagkakasala na maging “fully functioning, useful member of the community once again” (ESV Expository Commentary, 10:643).

  1. Sino ang dapat gumawa? Lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu.

Sino ang dapat gumawa nito? Akala natin trabaho lang ‘to ng mga elders at ibang leaders ng church. Yes, we take the lead. Pero sino ba ang sinabihan dito ni Paul na tumulong? “. . . kayong pinapatnubayan ng Espiritu” (v. 1 MBB). Sa literal, “kayong mga espirituwal” (AB). Sinu-sino ba ‘yan? Mga church leaders lang ba ang espirituwal? Malamang tinutukoy niya rito ay pareho rin ng tinutukoy niya sa chapter 5, mga taong lumalakad o namumuhay ayon sa Espiritu (Gal. 5:16), pinapatnubayan ng Espiritu (v. 18), at nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu (v. 25). In short, lahat ng Kristiyano. Bawat miyembro ng church ay inaasahan na tumulong sa pagdidisiplina, sa abot ng inyong makakaya, at sa pakikipagtulungan sa mga church leaders. Kasali ‘yan sa church covenant na sinumpaan natin bilang miyembro. Kaya nga kung marinig ninyo sa members meeting ang mga members na hindi na dumadalo o nagkakasala at hindi nagsisisi, may responsibilidad tayong lahat na ipag-pray sila, kausapin kung makakausap, ipaalala ang gospel, anyayahan na magsisi, at makipagtulungan sa mga leaders para sila ay mapanumbalik sa Panginoon.

  1. Paano yun dapat gawin?
  1. May kahinahunan

Paano natin ‘yan dapat gawin. Dalawa ang tinukoy rito ni Paul. Ang una ay dapat natin itong gawin nang may kahinahunan: “Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon” (v. 1 MBB). Kung pinapatnubayan tayo ng Espiritu, yung gentleness ay kasama rin sa bunga ng Espiritu. Sasawayin natin ang nagkakasala hindi sa pamamagitan ng pagmamalupit sa kanila, hindi sa pamamagitan ng pananakit sa kanila, kundi meron kaamuan at pagkaawa dahil sa kanilang kalagayan.

  1. May pagbabantay sa sarili

Ang ikalawa, may pagbabantay sa sarili. “At mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso” (v. 1 MBB). Hindi lang tayo nakatingin sa taong nagkakasala, tinitingnan din natin ang sarili natin, at hindi natin inaakala na exempted tayo sa adultery, o panlalamig sa pananampalataya, o kayabangan, o anumang sinful addictions. “Kaya’t mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, at baka siya mabuwal” (1 Cor. 10:12). Especially para sa mga church leaders, “Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo” (1 Tim. 4:16); “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan” (Acts 20:28). Lahat tayo ay nagkakasala pa rin. Kaya kailangan nating tulungan ang isa’t isa para hindi tayo magpatuloy sa kasalanan. Kung ikaw ang nagkakasala, ‘wag kang magtago, makipag-usap ka sa mga leaders ng church. At kung may alam ka na nagkakasala, ‘wag kang deadma lang, may pananagutan tayo sa isa’t isa.

B. Para sa ikabubuti ng mga may dinadalang kabigatan (vv. 2–3)

Ang ikalawang dapat natin gawin ay para sa ikabubuti ng mga may dinadalang kabigatan. Ang may dinadala na burden dito, specifically, ay yung kababanggit lang na nahulog sa pagkakasala. Sin is always a burden. Akala natin makakapag-satisfy sa atin, o makakalutas ng problema natin o magiging solusyon kapag stressed, malungkot, o nasaktan tayo. Pero the way of sin is always burdensome. Kaya nga dumating si Cristo to relieve us of this burden of sin. He is our sin-bearer, our burden bearer. Yun nga ang paanyaya niya sa paglapit natin sa kanya, “Come to me . . .” (Matt. 11:28–30). Dahil din sa pagtatangka natin na lumapit sa Diyos sa sarili nating paraan, burden din ‘yan. At kahit mga Christians na tayo, hindi lang dahil sa kasalanan natin, kundi dahil sa kasalanan ng iba sa atin, meron din tayong pasanin, merong kabigatan. Ikaw man ang nagkasala o ikaw ang nagawan ng kasalanan, parehong may burden. O dahil din sa hirap ng buhay na nasa mundong apektado ng pagkahulog ng tao sa kasalanan. Our burdens are so many.

  1. Ano ang dapat gawin? Magtulungan sa pagbubuhat ng pasanin ng bawat isa.

Dahil diyan, ano ang dapat gawin? “Magtulungan kayo sa pagbubuhat ng pasanin ng bawat isa” (v. 2). Hindi pwedeng sariling pasanin lang natin ang iintindihin natin. Isipin din natin ang mga kasama natin sa church na may mga pasanin din. Makakabuti rin ito sa atin dahil meron din namang mag-iisip na tulungan tayo sa pasanin natin. Tulung-tulong, mas gumagaan ang pasanin.

  1. Bakit dapat gawin?
  1. Para matupad ang kautusan ni Cristo

Nagbigay din si Pablo ng dalawang dahilan kung bakit natin ito dapat gawin. Una, para matupad ang kautusan ni Cristo. “Sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo” (v. 2). Totoo nga na hindi na tayo “under the law” (Gal 5:18), pero hindi tayo antinomians (anti-law) na para bang isinasantabi na natin ang kautusan. Kaya nga may paalala si Paul na ‘wag gagamitin ang kalayaang meron tayo bilang oportunidad para magkasala o sumuway sa kautusan ng Diyos, “but through love serve one another” (5:13). Bakit daw? “Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili’” (v. 14). At ano ba ang kautusan ni Cristo? Yun din naman, pero meron special emphasis sa relasyon nating mga pare-parehong Kristiyano. “Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid” (1 John 4:21; cf. John 13:34). Sa pagtulong sa mga kapatid natin sa pagdadala ng kanilang pasanin, binibigyang-patunay natin ang pagmamahal natin sa bawat isa at ang pagmamahal natin kay Cristo.

  1. Dahil hindi natin dapat isipin na tayo ay nakahihigit sa iba

Ikalawa, dahil hindi natin dapat isipin na tayo ay nakahihigit sa iba. “Kung inaakala ninyong kayo’y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili” (Gal. 6:3). We are easily deceived na inaakala natin na mas importante tayo kaysa sa iba, kapag puro sariling alalahanin lang ang iniintindi natin. Para rin nating sinasabi, “Ito, itong problema ko, ang mas mahalagang pagtuunan ng pansin kaysa sa problema ng iba.” That’s arrogance, kapag hindi ka nagpapakita sa church, kapag hindi ka nagse-serve sa ministry, kapag hindi ka nagbibigay kung kaya naman, dahil sinasabi mong hindi mahalaga ang pangangailangan ng iba. Kapag tumutulong tayo sa mga kasama natin sa church, nakakatulong din ito sa atin para matapyas ang natitira pang yabang sa puso natin.

C. Para sa ikabubuti ng ating sarili (vv. 4-5)

Ang ikatlong dapat nating gawin ay hindi lang para sa ikabubuti ng nagkakasala at nabibigatan. Surprisingly, sinabi kasunod ni Paul na gawin din natin ito para sa ikabubuti ng ating sarili. Kasali rin naman tayo sa nagkakasala at nabibigatan. Kaya kapag iniisip natin ang iba, hindi naman siyempre ibig sabihin na hindi na natin iisipin ang sarili natin. Pwede rin naman kasi na sa kakaintindi natin sa problema ng iba, nakakalimutan na natin na we are responsible para sa sarili rin nating mga pasanin. Kung ganun kasi, pwedeng mangyari na i-excuse natin ang sarili natin at ipaubaya na lang sa church ang lahat. At sisihin pa ang iba kapag lalong bumibigat ang pasanin at lalo pang lumalim ang pagkakabaon sa kasalanan, “Si pastor kasi, hindi man lang ako kinausap o kinumusta. Baka naman kasi walang pakialam sa akin ang church.” No, we cannot make that excuses. May pananagutan kami, may pananagutan ka rin.

  1. Ano ang dapat gawin?
  1. Suriin ang sariling gawa

So, ano ang dapat gawin? Tatlong bagay. Una, suriin natin ang sarili nating gawa. “Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa” (Gal. 6:4). Kapag kasi palaging sinusuri natin ang kasalanan ng iba, baka makalimutan natin na meron pa ring mga natitirang kasalanan sa puso natin, at tayo rin ay “prone to wander, prone to leave the God I love.”

  1. Huwag ikumpara sa iba

Ikalawa, huwag nating ikumpara ang sarili natin sa iba. “Sa gayon, ang kanyang kagalakan (sa AB, dahilan upang magmalaki) ay nakabatay sa kanyang gawa” (v. 4 MBB). Hindi ibig sabihin na kapag nasuri natin ang sarili natin at nakita natin na mas maayos ang buhay natin kaysa sa iba ay ipagmamalaki na natin ang sarili nating spiritual accomplishments. Kontra yun sa sinasabi ni Paul sa previous chapter, “Huwag kayong maging palalo” (Gal. 5:26), o mayabang; at sa Galatians 6:14, “May I never boast except in the cross of the Lord Jesus Christ.” Ang point niya dito ay iwasan ang comparison, “Makasalanan nga ako, pero siya mas grabe namang makasalanan kaysa sa ‘kin.” Kaya nga ipinaliwanag ng MBB, “Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba” (v. 4).

  1. Dalhin ang sariling pasanin

Ikatlo, dalhin natin ang sarili nating pasanin. “. . . sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin” (v. 5). Hindi ito salungat sa sinasabi niya sa verse 2 na magtulungan sa pagdadala ng pasanin ng isa’t isa. Ito ay pagbibigay-diin lang na, in the end, we are responsible para sa sarili nating buhay. Oo nga’t may pananagutan tayo sa isa’t isa. Pero hindi natin pwedeng sisihin ang iba sa magiging kahihinatnan ng buhay natin. Oo, nagkukulang ang iba, may magiging pagkukulang ang church, may mga magiging pagkukulang ang mga church elders, nagkakasala ang iba laban sa ‘yo, pero paano ka naman mag-respond sa mga yun? Nagiging sinful din ba ang mga responses mo? O patuloy kang nagtitiwala sa ginagawa at gagawin pa ng Diyos para sa ikabubuti mo gaano man kasama at kabigat ang mga maranasan mo?

D. Para sa ikabubuti ng mga tagapanguna (vv. 6-8)

Ang sumunod naman na tinukoy ni Pablo ay ang relasyon ng mga miyembro sa kanilang mga tagapagturo, specifically yung kanilang pastor-teacher. Ang mga pastor ang pangunahing nangangalaga sa pamamagitan ng pagtuturo, pagsaway, pagsasanay, at pagbibigay ng halimbawa. Especially significant ito kay Paul dahil ang problema nga sa Galacia ay ang mga tagapagturo na nagtuturo ng maling gospel (see Gal. 1:8-9). May responsibilidad sila na gawin ang lahat ng dapat nilang gawin para hindi magpatuloy ang ganitong mga maling katuruan sa church nila, at magpatuloy naman ang tamang katuruan. Kasama rin ‘yan sa covenant ng bawat miyembro ng church.

  1. Ano ang dapat gawin? Ibigay ang kinakailangang suporta para sa mga tagapagturo

Ano ang dapat gawin? Ibigay natin ang kinakailangang suporta para sa mga tagapagturo. “Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos (kayo yun) ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo (na tulad ko)” (v. 6). May mga pastor akong nakausap na kapag ganito ang topic, pagbibigay ng support sa pastor, nag-iinvite sila ng ibang magtuturo. Ayaw raw nila na sila ang magturo kasi nga lalabas na self-serving. Well, not necessarily. Ako nga ang primary teacher ng church, bakit ako mag-iinvite ng iba para ituro ang verse 6? Pwede bang laktawan ko muna at pumunta na tayo sa susunod na verse? No. May responsibilidad ako na ituro sa inyo ang salita ng Diyos, at kung ito ang sinasabi ng salita ng Diyos, dapat ituro sa inyo. Pabor sa akin? Definitely. Mabuti kasi ang salita ng Diyos. God cares for every pastor. God cares for me.

Ang sinasabi rito ni Pablo ay primarily tungkol sa suportang pinansiyal. Sinabi rin ito ni Paul sa 1 Corinthians 9, “Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan? . . . Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo?” (1 Cor. 9:4, 11). At sa 1 Timothy, “Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran (“double honor”), lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos” (1 Tim. 5:17). May obligasyon ang church, to make sure na natuturuan ang church ng tamang diet ng sound biblical teaching, kaya mahalaga na may mga pastor na susuportahan financially para hindi na kinakailangan pang magtrabaho ng iba, so we can devote most of our time sa ministry of teaching and equipping the church, na kinakailangan ng mahabang oras ng pagpaplano at paghahanda. Of course, nagpapasalamat ako sa Diyos para sa church dahil we are well-supported financially, unlike yung ibang mga pastor sa ibang mga churches.

But aside from financial and material support, mahalaga rin na isinasama n’yo kami palagi sa prayers ninyo, at ine-encourage, at tinutulungan din sa mga pasanin namin sa buhay. May pasanin din ang mga pastor. Lalo na kung buhat-buhat din namin ang pasanin ng iba. Kaya malaking bagay kung tatanungin n’yo rin kami, “Pastor, ano po ang maitutulong ko sa inyo?” At kung meron man kayong puna sa preaching o sa leadership ng inyong mga pastor, sabihin ninyo sa amin. We welcome feedback, para rin naman sa ikabubuti namin yun.

  1. Bakit dapat gawin? Para rin sa ikabubuti ng ating sarili

Bakit ganun ang dapat gawin? Para rin sa ikabubuti ng ating sarili. “Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan” (vv. 7–8). Ito yung law of sowing and reaping, kung ano ang itinanim, yun ang aanihin. Siyempre, gusto nating iwasan ang pagkakamali dito ng prosperity gospel. Na kapag nagbigay ka ng financial support sa pastor o ng bagong sasakyan, talaga namang pagpapalain ng Diyos ang negosyo mo, at ibabalik ‘yan sa ‘yo ng Diyos siksik, liglig, at umaapaw! (Amen? No!). Pwedeng gawin ‘yan ng Diyos, pero hindi ‘yan formula for financial success na para bang investment na ang pastor daw ang pinakamatabang lupa na pwede ninyong pagtaniman at sigurado ang return of investment! Scam ‘yan!

Ang point dito, kapag gagawin mo ‘yan, na yung mga good things na natatanggap mo sa Diyos ay ise-share mo sa pastor mo, ibig sabihin ay nasusuportahan ang mga pangangailangan ng pastor, hindi siya nag-aalalang mapabayaan ang kanyang asawa at mga anak financially-speaking, at nagiging malaya siya na ibuhos ang lahat sa paglilingkod sa church. Kung gayon, sino ang makikinabang? Siyempre ang church din. Pero kung ang mga church leaders ay hindi masaya sa paglilingkod nila, at overburdened na, at pinipilit na lang gawin ang dapat gawin para sa church, hindi ‘yan makakabuti sa inyo (Heb. 13:17). So, sinasabi ko ito, hindi lang para sa kapakanan ko, kundi para rin sa ikabubuti n’yo. I assure you, hindi ako nagpasya na magpastor for financial gain. Dahil kung ganun, maghahanap na lang ako ng ibang profession. “We are workers with you for your joy” (2 Cor. 1:24).

E. Para sa ikabubuti ng bawat miyembro ng iglesya (vv. 9-10)

Ang panghuli naman, dito sa last two verses ay mas general na ang pinatutukuyan ni Pablo. Kumbaga, yung mga nauna ay mga specific cases ng paggawa ng mabuti para sa mga kasama natin sa church: sa mga nagkakasala, sa mga may kabigatan, at sa mga leaders ng church. Dito naman ay mas general, lahatan na.

  1. Ano ang dapat gawin? Huwag magsawa sa paggawa ng mabuti

Ano ang dapat gawin? Huwag magsawa sa paggawa ng mabuti. “Kaya’’t huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti . . .” (v. 9). Siyempre nakakapagod, kasi may limitasyon din naman ang bawat isa sa atin. Tapos kapag maraming kailangang kausapin, i-disciple, o disiplinahin, o payuhan, you need to spend time with them. Hindi lang physically present ka sa kanila, meron ding emotional investment, lalo na kung mabigat talaga ang pinagdadaanan nila. Pero ang point dito ni Paul ay ‘wag magsawa, ‘wag panghinaan ng loob, do not lose heart, magpatuloy kahit mahirap tumulong sa iba. Sinabi rin niya sa verse 10, “Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti . . .” Samantalahin natin ang bawat pagkakataon. Hindi naman tayo mauubusan ng opportunity. Basta gawin mo lang available ang sarili mo, i-maximize ang participation mo sa mga Lord’s Day gatherings natin: equipping classes, worship service, discipleship Sunday, sermon discussions, evening service, etc.; pati sa mga gracecomm gatherings at iba pang small group discipleship opportunities. Maraming opportunities, kaya ‘wag nating idadahilan na walang opportunity na gumawa ng mabuti. Isa sa pinakamahalagang ministry na magagawa mo para sa church ay faithful attendance every Sunday.

  1. Bakit dapat gawin? Aanihin natin ang itinanim natin—sa takdang panahon

Bakit dapat gawin? Bakit hindi tayo dapat magsawa sa paggawa ng mabuti? Dahil aanihin natin ang itinanim natin—sa takdang panahon. Balik na naman sa point niya sa vv. 7–8. Pero dito general application na, hindi lang sa pagsuporta sa mga pastor. “. . . sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko” (v. 9). Napakabuti talaga ng Diyos. Kapag nagse-serve tayo, hindi tayo mauubusan. Ang Diyos ang magsu-sustain sa atin. At nangako siya na hindi masasayang ang mga ginagawa natin. “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya” (1 Cor. 15:58). Kapag tumutulong tayo sa mga kapatid natin, hindi hahayaan ng Diyos na mawalan o malugi tayo. Aanihin natin yung pambihirang “joy” na maging bahagi ng buhay ng iba, na makatulong sa iba sa pagsunod nila kay Cristo, na magbalik-loob ang mga naliligaw, na ma-encourage ang mga nadi-discourage. Ipapa-realize sa atin ni Lord na habang nai-involve tayo sa buhay ng iba, hindi lang tayo nakakatulong para sa ikabubuti nila, ito rin ay para sa ikabubuti natin. Ganyan kabuti ang Diyos. Ibinigay na nga niya ang kanyang Anak na si Jesus para sa atin, how much more yung ibang mga bagay na kailangan natin para makapagpatuloy sa paggawa ng mabuti (Rom. 8:32)?

  1. Kanino ito dapat gawin? Sa lahat, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya

Kanino ito dapat gawin? Sa lahat, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya. “. . . gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (v. 10). Dahil tumanggap tayo ng kabutihan ng Diyos, lalo na ang mabuting balita ng kaligtasan na meron tayo kay Cristo, dapat naman talagang resulta nito ay ang paggawa ng mabuti sa lahat ng tao. Sa kapamilya natin siyempre, sa mga kaibigan, sa mga kapitbahay, pati nga sa mga kaaway, pati sa mga nakaka-interact natin sa social media, sa mga mahihirap. Ang kabutihan ng Diyos ay dapat nare-reflect sa mga sinasabi natin, sa mga pino-post natin, sa pagtrato natin sa ibang tao, sa ugali natin sa kanila. Pero merong special emphasis dito sa mga “kapamilya” natin sa pananampalataya. Sa ESV, “especially to those who are of the household of faith.” Hindi pareho ang level ng pagmamahal mo sa kapitbahay mo at sa kasama mo sa loob ng bahay. Iba yun. That’s part of our covenant bilang miyembro ng church, magkakadugo tayo kay Cristo. That’s why we invite you, kung hindi ka pa member ng church, na magpa-member para maranasan ninyo ang mas malalim na commitment sa isa’t isa, na hindi mangyayari kung hindi ka miyembro at Sunday attender lang. As a church member, you commit your life na gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng ibang miyembro, at ang buong church naman ay nangangako na gagawin ang lahat para sa ikabubuti mo. That’s good, right? ‘Yan naman kasi ang gusto ng Diyos para sa bawat isa sa atin, na maranasan natin ang kabutihan niya sa pamamagitan ng kabutihang ipinapakita natin sa isa’t isa.

Conclusion

So, nakita natin dito sa Galatians 6:1-10 na ang bawat isang Kristiyano, mga taong pinapatnubayan ng Espiritu, ay may responsibilidad na dapat gawin para sa ikabubuti ng ibang Kristiyano—ng mga nahulog sa kasalanan, ng mga may dinadalang kabigatan, ng sarili rin natin, ng mga leaders natin, at ng bawat member ng church. Kumusta naman ang relasyon mo sa kapatid mo kay Cristo? Ganito ka ba ka-intentional sa paggawa ng mabuti para sa kanila? Siyempre, hindi mo naman masasagot ang tanong na ‘to kung hindi ka pa naman Kristiyano. Ang una mong tanungin ay ang puso mo kung bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin masabi ang sinasabi ni Paul sa Galatians 2:20, “I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me. And the life I now live in the flesh I live by faith in the Son of God, who loved me and gave himself for me”? Ibinigay niya ang buhay niya para sa ating mga makasalanan. Kung meron mang naglingkod para sa ikabubuti natin, siya yung unang-una. Mark 10:45, “For even the Son of Man came not to be served but to serve, and to give his life as a ransom for many.”

Naniniwala ka ba diyan? Kung oo, gagawin din natin ang lahat sa tulong ng Diyos para maibigay natin ang buhay natin para sa iba. Panahon na para mag-level up tayo sa paggawa ng responsibilidad para sa mga kapatid natin kay Cristo. Kung hindi ka pa baptized, magpa-baptize ka muna. Kung hindi ka pa member ng church, magpa-member ka muna sa church and make this public commitment na susunod kay Cristo kasama ang mga kapatid mo sa Panginoon. At kung member ka, pero paminsan-minsan ka lang dumalo sa Sunday gathering natin, gawin mo nang linggo-linggo. At kung every Sunday nandito ka, dagdagan mo pa ng ibang opportunities to serve sa ministry. Maraming pangangailangan na kailangang tugunan. Kailangan nating pagtulung-tulungan bilang isang church family. After all, yun naman ang ibig sabihin ng pagiging church member, member of this family.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply