Introduction
Tapos na natin ang anim na sermon sa Ephesians chapter 1. Meron pang five chapters! Mag-short break muna tayo sa series na ‘yan. Sa chapter 1 ng Ephesians nangingibabaw yung pagpapala—spiritual blessings—na ipinagkaloob sa atin ng Diyos at last week yun namang duty natin na ipag-pray ang bawat isa—mga kapatid natin kay Cristo, mga fellow members ng church. Paano naman yung mga non-Christians? Ano dapat ang pagtingin, pagtrato, at relasyon natin sa kanila? Pero I want to be more specific. Concern ako bilang pastor ninyo, at kasama rin ng ibang mga elders ng church dahil merong mga members na basta-basta na lang nakikipagrelasyon sa mga unbelievers, na hindi muna kinukumpirma kung yun ba ay ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang salita, hindi ipinapag-pray na mabuti ang desisyon na gagawin, at hindi man lang humihingi ng payo sa mga elders ng church o sa ibang mature members. Basta kung ano ang sinasabi ng puso nila, “in love” kasi, nakikipagrelasyon na.
Heto yung primary concern na dapat nating sagutin: Tama ba na ang isang Kristiyano ay magkaroon ng malalim na relasyon sa isang di-Kristiyano (tulad halimbawa ng pag-aasawa)? Directly relevant ito kung meron ka ngayong malalim na relasyon sa isang unbeliever—nag-asawa ka ng isang unbeliever, o may boyfriend/girlfriend na unbeliever at inihahanda ang sarili ninyo sa pag-aasawa, o nagpaplanong manligaw sa isang unbeliever, o may nanliligaw sa ‘yo na isang unbeliever. Pero kung wala ka sa kategoryang ito, mahalaga pa rin na alam mo ang sagot sa tanong na ‘to. Dapat kasi ay alam natin kung paano natin idi-disciple ang mga kabataan sa church, kung paano natin palalakihin ang mga anak natin at kung paano sila tuturuan sa kalooban ng Diyos sa bagay na ‘to, kung paano tayo magpupursigi sa pamumuhay na may kabanalan, at kung paano natin didisiplinahin natin ang mga members ng church na hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos tungkol dito.
Heto ulit ang tanong: Tama ba na ang isang Kristiyano ay magkaroon ng malalim na relasyon sa isang di-Kristiyano (tulad halimbawa ng pag-aasawa)? Hindi tama.
Siyempre kailangang ipaliwanag natin ‘yan kung bakit “hindi tama.” At pag-uusapan din natin pagkatapos na kung “hindi tama,” ano ngayon ang implikasyon nito o dapat nating maging tugon dito. Hindi naman ito isang bagay na basta alam mo lang kung ano ang sagot sa tanong, dapat kumbinsido rin tayo sa puso natin kung ano ang basehan ng sagot natin. At siyempre, mahalaga na gagawin natin ang tamang response sa pinaniniwalaan natin. Sabi nga ni apostle James, “Gawin nyo yung sinasabi ng salita ng Diyos. Kung pinapakinggan nyo lang yun, niloloko nyo lang ang mga sarili nyo” (Jas. 1:22 PV).
Pero bago yun, i-clarify ko lang kung ano ang specific na pinag-uusapan natin dito. Hindi ko sinasabi na hindi na tayo magkakaroon ng anumang relasyon sa mga unbelievers. Hindi tayo gagawa ng isang monasteryo na isolated na tayo sa mundo, tayo-tayo na lang mga Christians ang magkakasama. Ganito rin ang clarification ni Paul sa sulat niya sa mga taga-Corinto nung sinabi niya na ‘wag makikisama sa mga imoral, na ang tinutukoy niya ay yung mga taong nagsasabing “Christian” sila pero ang lifestyle naman ay nagpapatuloy sa imoralidad (1 Cor. 5:11). Hindi sinasabi ni Paul na iwasan na ang mga non-Christians. Hindi yun realistic, sabi niya, “Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito” (1 Cor. 5:10 ASD). Kaya nga welcome ang kahit sino sa worship gatherings ng church natin. Pero ituturing natin sila na unbeliever. Ibig sabihin, ipi-preach natin ang gospel sa kanila, at hihikayatin silang magsisi sa kanilang kasalanan, sumampalataya kay Cristo, at magbalik-loob sa Diyos. Tulad ni Pablo, we are ambassadors of Christ, na ipinamamalita ang ginawa ni Cristo, at nakikiusap sa lahat ng mga tao na makipagkasundo sila sa Diyos (2 Cor. 5:19-20). So, kung meron kayong kapamilya o kaibigan o kapitbahay na non-Christians, hindi natin sila iiwasan, kundi gagawin pa nga ang lahat ng paraan para mapalapit sa kanila para maibahagi natin si Cristo sa kanila.
Pero merong limitasyon ang relasyon natin sa kanila. Yun ang point ng tanong ko, at yung sagot na hindi tama na pasukin natin ang pagkakaroon ng isang malalim na relasyon sa kanila—tulad ng pag-aasawa, bagamat hindi limitado sa pag-aasawa.
Bakit?
Ngayon, pag-usapan natin kung bakit hindi tama ang ganyang malalim na relasyon ng isang Kristiyano sa isang di-Kristiyano. Hindi ito opinyon o preference ko lang, o payong kaibigan lang. Kung ganun lang naman, hindi n’yo naman ako dapat pakinggan. Kumbinsido ako na ito ang itinuturo ng Salita ng Diyos. Kaya magbibigay ako ng apat na dahilan na base sa sinasabi ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ni apostol Pablo sa 2 Corinthians 6:14-7:1. Yung dalawa dito ay base sa utos na isinulat niya sa simula at dulo ng tekstong ito (6:14 at 7:1), at yung dalawa pa ay yung nakapagitna dito na basis ni Paul sa utos na ibinigay niya (6:14-18).
1. The Authority of God’s Word: Dahil ito ay pagsuway sa utos ng Diyos. (6:14a)
Ang unang dahilan ay dahil sa authority ng salita ng Diyos. Kung malinaw na sinasabi ng salita ng Diyos na ang ganitong relasyon ay ipinagbabawal ng Diyos, malinaw na ito ay pagsuway sa utos ng Diyos. Mahalaga na nakikinig tayo sa salita ng Diyos, kaya nga sabi ni Paul sa verse 16, to support his argument, “gaya ng sinabi ng Diyos.” Ganun din sa verse 17, “sabi ng Panginoon,” at sa dulo ng verse 18, “sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.” Ano ba ang sabi ni Paul, na sang-ayon at katumbas ng salita ng Diyos, sa simula ng verse 14, “Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya” (AB); “Do not be unequally yoked with unbelievers” (ESV). Ang mga kausap ni Paul ay mga Christians, mga believers, “the church of God” sa Corinth, mga tinatawag na “saints” (1:1). Ibig sabihin ng “saints,” ibinukod sa mundo, sa mundo ng mga unbelievers. At hindi tayo katulad nila, at hindi tayo dapat mamuhay na katulad nila, at hindi tayo dapat makipagrelasyon sa kanila na para bang katulad natin sila. Kaya ganito ang salin sa MBB, “Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila.”
Kapag sinabing “unequally yoked,” ang larawan na pumapasok sa isip nila noon ay yung “yoke” o yung pamatong na ginagamit sa isang pares ng hayop para magkasama o magkasabay sila sa paggawa sa bukid. Kapag unequal o uneven, ibig sabihin ay magkaiba ang hayop, yung isa ay pwedeng mas malaki kaysa sa isa. Ang resulta, magkakaiba ng direksyon, o hindi magagawa ang dapat gawin nang maayos. Using that image, sinasabi ni Pablo na ang mundo ng mga believers at ang mundo ng mga unbelievers ay hindi dapat paghaluin na para bang walang pinagkaiba. Either mahahatak mo sila patungo kay Cristo (although not guaranteed) o ikaw ang mahahatak sa mundo nila (‘yan ang delikado).
Sa immediate context nito, malamang na ang pinatutukuyan ni Paul ay yung mga false teachers sa Corinth, at sinasabi sa mga believers na ‘wag ituring itong mga false teachers na ‘to na para bang Christians din sila at parehong gospel ang itinuturo. “He is exhorting the true Corinthian believers to preserve themselves from infectious mingling with professing Christians who are in fact operating out of accord with the true gospel of Christ” (ESV Expository Commentary, 10:487). Tulad ng sabi ko kanina, hindi ibig sabihin na wala na tayong kahit anong relasyon sa mga unbelievers. Pero ang pino-point out dito ni Paul ay yung pagkakaroon ng relasyon sa kanila na para bang kapareho natin sila. Tulad ng issue ng paano sila makipag-deal sa mga false teachers (chaps 10 to 13). Tulad din ng pag-excommunicate sa mga members na ang lifestyle ay nagko-contradict sa gospel that they profess (see 1 Cor. 5:9-13). Kasama rin dito yung business o anumang partnership sa kanila na magko-compromise sa pananampalataya ng isang Kristiyano.
Isang application nito ay sa pag-aasawa. Kung ang asawa mo ay unbeliever, dahil kasal na kayo, hindi mo na dapat hiwalayan ‘yan (1 Cor. 7:12-13). Pero kung namatay na ang asawa, pwede namang mag-asawa ulit, “malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya [pwede naman pala kahit sino? no] ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon” (v. 39 MBB). Literally, “only in the Lord.” Ibig sabihin, kung ikaw na Kristiyano ay “in the Lord,” ang dapat mapangasawa mo rin ay “in the Lord,” dapat Kristiyano rin. Paano kung boyfriend/girlfriend relationship pa lang? Pareho lang din. Kung hindi man ito maituturing na kasalanan dahil hindi pa naman kasal, at best, ito pa rin ay “unwise” o “foolish.” Bakit ka ba nagbo-boyfriend/girlfriend? Hindi ba’t for the purpose of seeking out God’s will in preparation for marriage? At kung alam mo na ang kalooban ng Diyos sa pag-aasawa ay dapat Kristiyano rin, hindi ka dapat makikipagrelasyon romantically sa isang non-Christian.
Meron ding Old Testament roots ang sinasabi dito ni Paul kung ia-apply sa pag-aasawa. Sa pagpasok ng Israel, the people of God, sa Canaan na lupang ipinangako ng Diyos sa kanila, pwede ba silang makipagrelasyon sa kanila? “. . . huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. 3 Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak 4 sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh. . .” (Deut. 7:2-4). Hindi dahil ibang lahi o ibang kultura ang issue dito. Ang issue ay tungkol sa pananampalataya at pagsamba kay Yahweh. Para ipaalala ito sa kanila, pati ang hayop ay hindi nila dapat palahian sa ibang uri, ang bukid hindi dapat taniman ng dalawang uri ng binhi, at ang damit ay hindi dapat yari sa dalawang uri ng tela (Lev. 19:19). Ang pag-aasawa ng hindi kabilang sa bayan ng Diyos, ang banal na lahi ay hinahaluan ng ibang lahi, ay itinuturing na pagtataksil sa Diyos (Ezra 9:2; Neh. 13:27). Hindi ito maliit na bagay, seryosong usapan ‘to.
Pwede tayong magbanggit ng mga practical reasons kung bakit hindi dapat mag-asawa ng di-Kristiyano—tungkol sa pagdedesisyon, tungkol sa pagpapalaki ng anak, tungkol sa kung saang church aattend, tungkol sa stewardship ng pera, at iba pa. Pero ang mas mahalagang mga dahilan ay mga biblical-theological reasons.
2. The Incompatibility of a Believer with an Unbeliever: Dahil imposibleng pagsamahin ang isang Kristiyano at isang di-Kristiyano. (6:14b-16a)
Ang ikalawang dahilan ay may kinalaman sa “incompatibility” ng isang Kristiyano sa di-Kristiyano. Ano ang ibig kong sabihin? Kapag sinabi kasi natin na compatible ang dalawang tao—bagay sila, magandang tingnan, mukhang magiging maganda ang pagsasama nila—we make judgments ayon sa nakikita natin. Pero dapat maging mas malalim ang pagtingin natin sa mga bagay na ganito. We look deeper sa kung ano ba talaga ang identity ng isang Kristiyano at di-Kristiyano. At kung makikita natin na ‘yan ay fundamentally different, maiintindihan natin kung bakit hindi tama na mag-asawa ng isang unbeliever. Ang dahilan: dahil imposibleng pagsamahin ang dalawang ‘yan. Maikakasal nga kayo, pero imposibleng maranasan ang real union na disenyo ng Diyos sa marriage, especially spiritual union.
Pakinggan natin ang paliwanag ni Pablo sa second half ng verse 14 hanggang first half ng verse 16:
. . . sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman? At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? (AB)
Gumamit si Pablo ng iba’t ibang salita rito na nag-iindicate ng isang malalim na relasyon: pagsasama/pagkakasundo/bahagi/pakikipagkaisa; sa ESV, partnership/fellowship/accord/portion/agreement. Gumamit din siya ng limang sunud-sunod na mga rhetorical questions, mga tanong na hindi niya sinagot at tayo na ang bahalang sumagot kasi obvious naman na “wala” o “hindi pwede.” Kaya nga hindi pwedeng pagsamahin in an intimate union ang isang believer sa isang unbeliever—tulad sa pag-aasawa, o pagiging pinakamatalik na magkaibigan, o partner sa ministry, o pagiging fellow church members. Ang dahilang ibinigay ni Pablo ay may kinalaman sa magkasalungat na identities, kaya nga incompatible.
- “For what partnership has righteouness with lawlessness” (v. 14)? Sagot: Wala. Hindi pwedeng pagsamahin ang katuwiran at kalikuan. Ang isang Kristiyano ay siyang itinuring na matuwid dahil sa katuwiran na meron tayo kay Cristo (2 Cor. 5:21), at nasa daan na tayo ng katuwiran as we seek to live righteous lives. Not perfectly siyempre, pero meron na tayong bagong buhay. Samantalang ang isang di-Kristiyano, kahit gaano pa yan ka-religious o ka-well-mannered ang behavior o parang masunurin naman, pero ang theolorrgical reality, wala sa kanya ang righteousness. Minsan tinanong ko ang isang nanay sa church, “Christian po ba ang boyfriend ng anak n’yo?” Sagot niya, “Hindi, pastor. Pero mabait naman. Mas mabait pa nga sa mga lalaki sa church natin.” Ouch naman. Pero ano ang pinaka-issue? Hindi ugali, kundi identity. Ang buhay ng isang unbeliever ay characterized by “lawlessness,” salungat sa kautusan ng Diyos. Paano ‘yan magiging compatible in such a way na mararanasan nila ang intimacy sa isang relasyon? Imposible.
- “Or what fellowship has light with darkness” (v. 14)? Sagot: Wala. Yung “fellowship” dito ay koinonia sa Greek, a deep partnership o relationship, a sharing of life together. Ang isang Kristiyano ay nasa liwanag dahil si Cristo ang liwanag ng buhay natin. Dati tayong nasa kadiliman, pero inilipat na sa liwanag (Acts 26:18). Ang isang di-Kristiyano? Nasa kadiliman pa rin, nasa ilalim ng kasalanan, nasa hatol ng kamatayan. Pwede bang pagsamahin? Hindi.
- “What accord has Christ with Belial” (v. 15)? Ang sagot: Wala! Si Cristo ang Diyos at Panginoon at Tagapagligtas natin. Si Belial naman ay pangalan ng dinidiyos ng mga pagano, na ang ibig sabihin ay “worthless,” at nagre-represent sa demonyo o kay Satanas mismo. Kaaway ‘yan ng Diyos. Yun nga ang ibig sabihin ng “Satanas.” Hindi mangyayaring makikipagkasundo ‘yan sa Diyos. Itong si Satanas na kaaway ng Diyos ang sinusunod ng mga wala kay Cristo, aware man sila dito o hindi. Dahil salungat sa kalooban ng Diyos ang buhay nila, ang sinusunod nila ay ang patakaran ng mundo at ang pamamaraan ng diyablo (Eph. 2:2). Hindi pwedeng pagsamahin ang anak ng Diyos/tagasunod ni Cristo at anak/tagasunod ng diyablo. That’s what you do kapag nag-asawa ka ng isang unbeliever.
- “Or what portion does a believer share with an unbeliever” (v. 15)? Ang sagot: Wala! Kung Kristiyano ka, believer ka, ibig sabihin sumasampalataya ka kay Cristo at sa pangako niyang walang hanggang mana na tatanggapin natin sa kaharian ng langit. Ang unbeliever, except kung maging believer sila at some time in the future, wala silang bahagi sa manang iyan. Magkaiba ang buhay, magkaiba ang patutunguhan sa buhay, paano mo pagsasamahin ‘yan?
- “What agreement has the temple of God with idols” (v. 16)? Ang sagot: Wala! Tayong mga Kristiyano individually at corporately ay templo ng Espiritu (1 Cor. 6:19; 3:16). Ang sinasamba natin ay tunay na Diyos. Ang mga non-Christians, idols o pekeng diyos ang sinasamba nila. Magkaibang-magkaiba.
So kung ang isang tao, kahit gaano mo pa siya kagusto, kahit gaano pa siya kabait sa ‘yo, kahit maraming nagsasabi na bagay kayo, kahit anong feel na feel mo na in love na in love ka talaga sa kanya, kung hindi ‘yan Kristiyano, ‘wag mong ipilit na magkaroon kayo ng malalim na relasyon. Kapag pinilit mo ang dalawang puzzle pieces na pagsamahin kahit hindi naman “fit” masisira ‘yan. Kapag pinilit mong isuot ang damit na hindi kasya sa ‘yo, masisira ‘yan o masasaktan ka, o kung maisuot mo man, masagwa ang kalalabasan. ‘Wag nating ipilit na pagsamahin ang hindi pwedeng pagsamahin.
3. The Intimacy Promised by God: Dahil ipinangako ng Diyos na mararanasan natin ang malalim na relasyon sa kanya kung susunod tayo. (6:16b-18)
We are all created for relationships. Hangad natin na may magmamahal sa atin, at tayo naman ay may mamahalin. Kaya nga nilikha ng Diyos ang pag-aasawa, kasi nga hindi nais ng Diyos na ang tao ay mag-isa. Kaya nga itong ikatlong dahilan kung bakit hindi tama na makipagrelasyon tayo sa mga unbelievers in an intimate way ay dahil sa ang “intimacy” na ‘to ay ipinangako ng Diyos, na mararanasan natin ang malalim na relasyon sa kanya, at yun ay kung susunod tayo sa kanya. Sabi pa niya sa dulo ng verse 16, picking up sa last rhetorical question na binanggit niya, “Sapagkat tayo’y templo ng Diyos na buháy” (AB). Sinabi rin niya ‘to sa 1 Cor. 6:19; 3:16. Ibig sabihin ng templo ay bahay ng Diyos, tirahan ng Diyos. The Spirit, God himself dwells inside of us.
Ano ang ibig sabihin niyan? Nagbanggit si Pablo sa verses 16 to 18 ng mga quotations from Scripture, sabi ‘yan ng Diyos. Pangako sa verse 16, utos sa verse 17, pangako ulit sa verse 18. Utos ng Diyos ang dapat nating sundin, “sabi ng Panginoon” (v. 17). Hindi ang sinasabi ng mga tao na “puso mo ang sundin mo.” Pangako ng Diyos ang dapat nating paniwalaan, hindi false promises ng kasalanan, at ng mga inaakala nating makukuha natin sa mundong ito o relasyon sa ibang tao. Kaninong pangako ang panghahawakan mo: ang pangako ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat (v. 18) o ang pangako ng boyfriend mo na hindi kumikilala kay Cristo? O kahit Kristiyano pa ‘yan, pangako pa rin ng Diyos ang panghahawakan natin.
Ito ang nais ng Diyos kaya itinalaga niya na tayo ay maging templo ng kanyang Espiritu: “Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila. Ako ang magiging Diyos nila, at sila’y magiging bayan ko” (v. 16 MBB). Galing ito sa Exodus 29:45 (“Ako’y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila”) at Leviticus 26:12 (“Ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko”). Ito ang layunin ng Diyos kaya nagpagawa siya ng tabernacle (temporary noong nasa wilderness sila, pero naging permanente na sa pagtatayo ng templo nung panahon ni Solomon). Ang nais ng Diyos ay ang magkaroon ng intimate relationship at communion with his people. Hindi Diyos na malayo sa kanila, kundi Diyos na malapit at naninirahan kasama nila.
At mararanasan lang nila ang layuning ito ng Diyos kung susundin nila ang utos ng Diyos na sinabi ni Pablo sa verse 17, “‘Kaya’t lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila,’ sabi ng Panginoon. ‘Iwasan ninyo ang anumang marumi, at tatanggapin ko kayo’” (v. 17). Ang utos na ito ay galing naman sa Isaiah 52:11 (“Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal. Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan”). Ang point ni Paul ay ito: hindi nila mararanasan ang malalim na relasyon sa Diyos na banal kung hindi sila hihiwalay sa mga bagay na marumi. Kung mamumuhay tayo nang may kabanalan at hiwalay sa kasalanan, doon lang natin mararanasan ang tunay na kasiyahan, dahil ang tunay na kasiyahan ay matatagpuan lang natin kung tayo ay malapit sa Diyos. “You make known to me the path of life; in your presence there is fullness of joy; at your right hand are pleasures forevermore” (Psa. 16:11). Kung malayo sa Diyos, imposible. At hindi ka naman mapapalapit sa Diyos kung nakakapit ka sa kasalanan at maling relasyon, kahit pa nasa loob ka ng simbahan.
Heto ang pangako ng Diyos sa sinumang magtitiwala sa kanya na siyang pinagmumulan ng tunay at walang hanggang kasiyahan, “‘Ako ang magiging ama ninyo, at kayo’y magiging mga anak ko,’ sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat” (v. 18). Ito naman ay hindi direct quotation from the Old Testament, pero implied sa mga passages na tinatawag ng Diyos ang kanyang bayan na kanyang anak (halimbawa, Ex. 4:22; 2 Sam. 7:8, 14; Isa. 43:6; Jer. 31:9; Hos. 1:10). Ang point? Ipinangako ng Diyos na ang pagmamahal at mainit na relasyon na hinahanap natin simula pa noong bata tayo ay sa Diyos na ating Ama lang natin matatagpuan. Dahil sa kakulangan ng pag-ibig na natanggap natin sa mga magulang natin, naghahanap tayo kung saan natin makukuha ‘yan. Kaya napaka-attractive sa atin ng pakikipagrelasyon. Akala natin dun natin yun makukuha. Pero sabi ng Diyos, ang pagmamahal na hinahanap natin ay sa kanya lang natin matatagpuan. ‘Wag kang matakot na mawala sa ‘yo ang isang di-Kristiyano na akala mo ay sa kanya mo matatagpuan ang tunay na pagmamahal. Walang ibang magmamahal sa ‘yo na katulad ng Diyos. Hindi ka iiwan ni pababayaan man ng Diyos (Heb. 13:5), hindi tulad ng mga inaakala nating ka-“forever” natin. Kaya nga sabi ni Paul sa last verse ng text natin, “Mga minamahal” (2 Cor. 7:1). Mahal sila ni Pablo kaya sila pinapaalalahanan. Pero higit sa lahat, mahal sila ng Diyos. Walang ibang nagmahal at magmamahal sa atin na tulad ng Diyos.
4. Our Purity in All of Life: Dahil bahagi ito ng kabanalang nais ng Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay natin. (7:1)
Dahil sa pagmamahal ng Diyos sa atin, ang tanging hangad niya sa atin ay yung ikabubuti natin. Kapag sinabi ng Diyos na ‘wag kang makikipagrelasyon sa unbeliever, yun ay hindi dahil killjoy ang Diyos. Yun ay dahil alam niya na yun ang tama at makakabuti sa atin. Kaya ito ang pang-apat na dahilan na makikita natin sa general command ni Paul sa 2 Corinthians 7:1, na ang desire ng Diyos sa atin ay purity in all of life. “Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos” (MBB). So, ipinagbabawal ng Diyos na makipamatok tayo sa di-mananampalataya dahil bahagi ito ng nais ng kabanalang nais ng Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay natin. Nais ng Diyos na manatili tayong malinis at huwag hayaan ang anumang bagay na makapagparumi sa atin. “No compromise” ang dapat na motto natin sa Christian life.
Ano ang pagsisikapan natin? Ang mamuhay nang may ganap na kabanalan. Hindi naman tayo magiging perfectly holy, pero yun ang tinatanaw natin sa dulo, complete holiness. So, we pursue that, na nandun yung takot sa Diyos. Takot na baka sa bandang dulo ay mapatunayang hindi tayo tunay na anak ng Diyos if we are not pursuing holiness. “Pagsikapan ninyong magkaroon . . . ng kabanalan na kung wala nito’y walang sinumang makakakita sa Panginoon” (Heb. 12:14 AB). Higit sa lahat, yung takot na, dahil tayo’y mga anak ng Diyos, ay makagawa tayo ng isang bagay na hindi nakalulugod sa ating Ama.
Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo’y wala pang tunay na pagkaunawa. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.” Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo’y nasa mundong ito. (1 Pet. 1:14-17 MBB)
Ang pakikipagrelasyon sa isang unbeliever ay pagkumpromiso sa mga Christian convictions natin. Ang daang ito ay hindi tungo sa kabanalang nais ng Diyos, kundi nauuwi sa iba pang kasalanan at paglayo sa Diyos. Delikado ‘yan.
Ano ang implikasyon nito?
‘Yan ang apat na dahilan kung bakit hindi tama na magkaroon ng malalim na relasyon tulad ng pag-aasawa ang isang Kristiyano sa di-Kristiyano: dahil sa sinasabi ng salita ng Diyos, dahil sa imposibleng maging compatible ang dalawang ‘yan, dahil sa intimacy na ipinangako ng Diyos, at dahil sa kabanalang hangad niya para sa ikabubuti natin. Kung totoo ‘yan, at totoo nga, ano ngayon ang implikasyon nito para sa bawat isa sa atin?
1. Sa mga di-Kristiyano
Kung ikaw ay di-Kristiyano, you may be offended sa mga narinig mo. Na para bang sobrang strict o sobrang exclusive ng Christianity. But I hope na makita mo kung gaano kahalaga ang salita ng Diyos na paniwalaan at sundin natin. At ito naman yung good news ng gospel, na sa dami ng mga kasalanan at pagsuway natin, kung magtitiwala tayo kay Cristo na siyang namatay para sa mga kasalanan natin at muling nabuhay, ipinapangako niya na mararanasan mo ang kapatawaran at ang buhay na may maayos na relasyon sa Diyos. That is more important than any other relationships.
2. Sa mga di-Kristiyano ang asawa
Sa mga members naman na ang asawa ay unbeliever, malinaw ang salita ng Diyos na hindi mo dapat hiwalayan ang asawa mo, lalo pa kung mag-asawa na kayo bago ka pa man naging Kristiyano. Pero kung Kristiyano ka na, at nagpakasal ka sa isang di-Kristiyano, at nagdesisyon na taliwas sa payo sa ‘yo ng church, ano ang gagawin mo? Hindi mo naman din na hihiwalayan ‘yan kasi kasal na kayo. Honor your wedding vows. Gawin mo ang lahat para madala siya sa Panginoon. Pero aminin mo rin na nagkasala ka, sinuway mo ang utos ng Diyos, hindi ka nakinig sa mga elders ng church, at humingi ka ng tawad sa Diyos at sa church. Makipag-usap ka sa mga elders ng church, sasamahan ka namin sa paglalakbay mo tungo sa panibagong pagsunod kay Cristo, gaano man kahirap ang danasin mo sa buhay n’yong mag-asawa.
3. Sa may karelasyon na di-Kristiyano
Para naman sa mga hindi pa kasal pero may boyfriend o girlfriend na unbeliever, ano ang gagawin mo? “Pastor, ipagpe-pray ko po na maging Christian siya; isasama ko rin po sa church. Okay naman po yun, ano?” Okay naman. Pero mas mainam na gawin: makipaghiwalay ka. Hindi pa naman kayo kasal. Hintayin mo na maging Kristiyano siya talaga, magpa-baptize at maging member ng church (kahit hindi sa church natin) para mapatunayang Kristiyano talaga siya. And then, ipag-pray mo kung siya ba talaga ang will ni Lord para sa ‘yo. ‘Wag kang magmadali. Di bale nang hindi ka agad magka-boyfriend o hindi makapag-asawa kung yun naman ang kalooban ng Diyos kaysa naman mag-asawa ka nga pero salungat naman sa gusto ng Diyos.
4. Sa may karelasyon na Kristiyano
Kung may karelasyon ka naman na Kristiyano, ‘wag mong i-assume na okay ka na kasi hindi mo naman sinusuway ang utos ng Diyos ayon sa nakita natin sa text natin. Tanungin mo, Kristiyano ba siya talaga? “Opo, pastor, miyembro po siya ng Iglesia ni Cristo.” Well, kung hindi siya naniniwala na si Cristo ay tunay na Diyos, hindi Kristiyano yun. Kaya meron dating member na hindi na nagpakita sa church nung sinabihan ko na ikinompromiso mo ang pananampalataya mo dahil nag-asawa ka ng miyembro ng INC. Kung ang sagot naman ay, “Opo, pastor, Roman Catholic po siya, religious din po.” Well, I believe na posible pa rin na merong totoong Kristiyano na Roman Catholic kung nagtitiwala talaga siya kay Cristo lamang para sa kanyang kaligtasan, in spite of the false gospel na tinuturo ng Roman Catholicism na hindi sapat ang pananampalataya kay Cristo para sa kaligtasan. Ganun pa man, karamihan ng mga Roman Catholics ay nominal Christians din, sa pangalan lang. So hindi pa rin dapat ang pakikipagrelasyon sa kanila.
Kung pareho naman kayong members ng isang Christian church, well and good. Pero dapat siyasatin n’yo pa rin ang sarili ninyo kung ang relasyon n’yo ba ay nakalulugod sa Diyos, kung ang Diyos ba ang nangingibabaw na hangarin ng puso n’yo o baka ang isa’t isa na ang “diyos” na sinasamba ninyo at itinuturing na “messiah” na makapagliligtas sa inyo—functional gods and functional saviors. Marami na rin kasing cases sa church na yung dalawang kabataan na noong single sila ay active na active sa church, pero nung naging sila na, ang mundo nila ay umikot na sa kanilang dalawa. That cannot be good.
5. Sa pagtuturo ng mga magulang sa mga anak
Para naman sa magulang, napakahalaga na maituro natin ito sa mga anak natin. Na hindi lang natin sila ilapit kay Cristo, kundi ituro rin natin sa kanila kung ano ang kalooban ng Diyos sa pag-aasawa. At kung meron kayong anak na may karelasyon na unbeliever, meron kayong responsibilidad na sila ay pagsabihan, sawayin, at akayin sa pagsisisi sa kasalanan nila at pagsunod sa Diyos.
6. Sa pagdidisiplina ng mga miyembro ng iglesya
Pero hindi kayo nag-iisa sa gawaing ‘yan. Lalo na kung ang anak ninyo ay member din ng church. Sinumang sumuway sa kalooban ng Diyos sa bagay na ito ay papaalalahanan natin. Kung hindi makikinig, sasailalim siya sa disiplina ng mga elders ng church, at kung hindi pa rin makikinig ay sasailalim na siya sa disiplina ng buong iglesya. Meron tayong naging pagkukulang at kapabayaan sa bagay na ‘to, totoo ‘yan. Pero ito ang panahon para pagtulung-tulungan natin ang mga kapatid natin para maibalik sila sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. At para hindi malinlang ang sinuman sa atin na pwede tayong magpatuloy sa pagsunod kay Cristo habang patuloy rin sa pagsuway sa kanya. Na pagtulungan natin na habang nabubuhay tayo ay gawin natin ang lahat para sa ikalulugod ng Diyos (2 Cor. 5:9). Para hindi na yung feelings natin ang naghahari at kumokontrol sa atin, kundi “the love of Christ controls us” (2 Cor. 5:14). Para tayo ay “huwag nang mabuhay pa para sa [ating] sarili, kundi para sa kanya (kay Cristo) na alang-alang sa [atin] ay namatay at muling nabuhay” (2 Cor. 5:15). ‘Yan ang hangarin ng puso mo kung ikaw nga ay tunay na Kristiyano.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

