Bakit tayo hindi dapat panghihinaan ng loob?

Maraming iba’t ibang dahilan kung bakit tayo pinanghihinaan ng loob. Yung iba ay nadi-discourage sa resulta ng mga efforts na ginagawa natin sa ministry. Kapag ganun, pwedeng hindi na tayo maging kasing pursigido tulad noong una o baka nga umayaw na nang tuluyan. Yung iba ay pinanghihinaan ng loob dahil sa sakit na naramdaman niya emotionally dahil sa mga conflicts sa relationships, sa church man o sa bahay. Pwedeng ang iba nating kasama dati ay hindi na natin nakakasama ngayon dahil dun. Yung iba naman ay pinanghihinaan ng loob dahil sa problema sa pera. Kaya pinagdududahan ang kabutihan at katapatan ng Diyos, at kaya rin nawawalan ng gana na dumalo sa worship service. Ang iba ay nalulungkot at parang gusto na lang mag-isa kaya hindi nagpapakita sa church. Ang iba ay nakikipaglaban sa sakit tulad ng cancer na para bang nawawalan na ng pag-asa na magiging ayos din ang lahat balang araw. Ang iba naman ay pinanghihinaan ng loob dahil para bang hirap na hirap mapagtagumpayan ang mga struggles sa kasalanan. Kaya sa halip na lumaban at humingi ng tulong sa iba ay sumusuko na lang.

Ano ang solusyon dito? Ang solusyon ay hindi kapag maging okay na ang lahat. Things will not always turn out to be okay, or better. Baka nga sa halip na bumuti ay maging mas malala pa. The key is how we respond. Kailangan nating marinig at paniwalaan ang ilang mahahalagang katotohanan na mag-iinflate ulit sa mga puso nating deflated. Parang gulong na flat na, ubos na ang hangin, di na makatakbo, o kung makatakbo man ay pilit na pilit lang. Kailangang hanginan. Pero kapag umimpis ulit, may butas na, kailangan pang i-vulcanize bago hanginan. So, hindi lang short-term at instant solutions ang kailangan natin. We need the power of God’s word.

Ganun din sa ministry natin sa mga kapatid natin na pinanghihinaan ng loob. It is not enough na samahan natin sila, pakinggan natin sila, at hayaan natin silang umiyak para maramdaman nila na we care for them. At tapikin pa sa balikat, “there, there.” Yes, mahalaga ang presensiya natin, at nagiging encouraging yun, but not enough. We need to speak “words” to their hearts. Pero hindi lang basta salita na bobolahin lang natin sila. Kailangan kung ano ang totoo. Kaya nga sabi ni Paul, “Encourage one another with these words” (1 Thess. 4:18).

Sa 2 Corinthians chapter 4 naman, actually hanggang chapter 6 pa nga, ine-encourage ni Paul ang mga believers sa Corinth sa pamamagitan ng sarili niyang halimbawa ng pagiging tapat sa paglilingkod sa kabila ng mga pagdurusa na dinaranas niya sa ministry (2 Cor. 6:3-4). Sabi niya,

Kami’y matiyagang nagtiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan. Kami’y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, mapuyat at magutom…Naranasan naming maparangalan at ipahiya, ang laitin at papurihan. Kami’y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi; 9 hindi kinikilala, gayong kami’y kinikilala ng marami; itinuturing na patay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi pinapatay. 10 Ang tingin sa amin ay nalulungkot, gayong kami’y laging nagagalak; mga dukha, ngunit marami kaming pinapayaman; mga walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay. (2 Cor. 6:5-6, 8-10)

Sa sulat na ‘to, talagang nandun yung transparency ni Paul, sinabi niya sa kanila na “binuksan namin ang aming puso sa inyo” (v. 11). Hindi niya sinasabi kung ano lang ang mga positibong bagay sa ministry, kundi pati na rin ang mga hirap na dinaranas niya. With the hope na makatulong ito para makapagpatuloy din sila at hindi panghinaan ng loob, at tumulad sa kanila: “…kaya’t hindi humihina ang aming loob” (4:1); “Kaya’t hindi kami nasisiraan ng loob…” (4:16); “Kaya’t laging malakas ang aming loob” (5:6). Laging may pandugtong yung sinasabi niya, “Kaya’t…kaya’t…kaya’t…” Ibig sabihin, merong mga dahilan, merong mga dakilang katotohanan na pinanghahawakan niya kaya’t hindi siya pinanghihinaan ng loob.

So, as we follow his example, dapat ding malaman natin kung ano ang mga nagpapalakas ng loob kay Pablo, na siyang makapagpapalakas din ng loob sa atin. Nauna na nating pag-aralan (3 weeks ago) yung first six verses ng chapter 4, at nagbanggit ako ng tatlong adjustment sa expectations natin para hindi tayo panghinaan ng loob:

  1. I-expect mo na ang mga di-Kristiyano ay bulag sa katotohanan (human depravity). Hindi tayo dapat panghinaan ng loob kapag hindi sila nagre-respond sa gospel na pini-preach natin dahil hindi na yun dahil sa kakulangan o kahinaan natin. Yun ay dahil sa sila’y patay spiritually at bulag sa katotohanan.
  2. I-expect mo ang makapangyarihang pagkilos ng Diyos (God’s sovereignty) sa tapat na pangangaral ng kanyang Salita. We depend on God’s power to save. Hindi natin trabaho ang i-convert ang mga tao, hindi rin naman natin magagawa yun. Ipinapaubaya natin sa Diyos ang pagliligtas, basta tayo ay patuloy lang na maging tapat sa kung ano ang ipinapagawa niya sa atin.
  3. I-expect mo ang awa ng Diyos (God’s mercy) sa ministeryo natin. Sapat ang biyaya ng Diyos na nagligtas sa atin, tumawag sa atin sa paglilingkod, at patuloy na magbibigay ng tulong na kailangan natin sa araw-araw para hindi tayo panghinaan ng loob.

Ngayon naman, sa pagtingin natin sa verses 7-15 ay magbibigay ako ng apat na karagdagang katotohanang dapat nating paniwalaan at panghawakan para hindi tayo panghinaan ng loob.

1. The power of God (vv. 7-9): Sa mga kahinaan natin ay nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos.

Ang una ay may kinalaman sa kapangyarihan ng Diyos, the power of God. Sinasabi ni Pablo sa verses 7-9 na hindi siya pinanghihinaan ng loob, pati na ang mga kasama niya, at hindi rin tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa mga kahinaan natin ay nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos. Ganito ang sabi niya:

Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa’y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. (vv. 7-9)

Sa verse 6 bago itong passage na ‘to ay binanggit ni Pablo ang liwanag ng mabuting balita ni Cristo na siyang nakita at tinanggap natin nang buksan ng Diyos ang mata ng mga puso natin. At nang makita natin ito, lumapit tayo kay Cristo in faith dahil ang kanyang kagandahan ay irresistible. Kaya tinawag ito ni Pablo sa verse 7 na kayamanan, “this treasure.” At kapag meron tayong isang bagay na napakalaki ng value, isang alahas siguro o ginto, inilalagay natin siya sa isang lalagyan na nagre-reflect ng halaga nito, tulad ng sa isang treasure chest o treasure box, para na rin for safekeeping at hindi madaling mawala o manakaw. Kaya nakakagulat kapag na-realize natin kung saan ito inilagay ng Diyos. Kaya ginamit niya ang salitang “ngunit,” para i-highlight yung contrast na yun. “Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik” (v. 7). Ang mga ministers of the gospel na tulad ni Paul ang tinutukoy niyang “jars of clay.” Ibig sabihin, kung kilala natin ang sarili natin bilang mga nilikha at makasalanan, aaminin natin na tayo kung ikukumpara nga naman sa halaga ng treasure na meron tayo sa gospel, ay walang halaga, marupok, madaling mabasag. Pero tayo ang pinili ng Diyos na tumanggap nito, tayong mga “naturingang hangal…naturingang mahihina…mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina” (1 Cor. 1:27-28).

Sa mga panahon ng difficulties sa buhay natin, mas nae-expose ang mga kahinaan natin. At sa mga panahong yun, ano ang layunin ng Diyos bakit sa atin pa na mga marupok ipinagkatiwala ng Diyos itong gospel message? Sagot ni Paul, “upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin” (2 Cor. 4:7). Hawig ito sa sinabi ni Paul sa 1 Corinthians 2, kung saan sinabi ni Paul na kahit sa kanyang preaching ministry sa kanila ay nakikita nilang siya’y “nanghihina at nanginginig sa takot” (v. 3), at hindi niya pinilit na ipakita sa kanila na malakas at mahusay siya. For what purpose? “Upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos” (v. 5). Dito naman sa text natin, hindi lang kapangyarihan ng Diyos kundi dakilang kapangyarihan ng Diyos, “the surpassing power of God.” Mahina tayo, pero makapangyarihan ang Diyos. Ang salitang “surpassing” ay galing sa Greek na hyperbole, na ginagamit natin para tumukoy sa exagerration. Ibig sabihin, when applied to God, ang kapangyarihan niya ay merong “extraordinary degree.” Hindi lang siya strong, but super strong; hindi lang powerful, but all-powerful; hindi lang mighty, but almighty. So, sinasabi ni Paul na in times of our greatest weakness, mas nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos. So, sa halip na panghinaan tayo ng loob kapag nahahayag ang mga weaknesses at limitations natin, mas masabik pa nga tayo na masilayan at maranasan ang kapangyarihan ng Diyos.

At paano nakita itong “surpassing power” sa buhay ni Pablo? Nagbanggit siya ng series of four contrasts sa verses 8-9:

  1. “Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig.” Oo, mahirap ang buhay, hindi naman natin ‘yan ikinakaila. Pero anumang hirap ay hindi sapat para tayo’y pasukuin, hindi sapat ang bigat para tayo’y durugin. Minsan akala natin hindi na natin talaga kaya, pero sapat at higit pa ang kapangyarihan para hindi tayo madurog ng anumang pagsubok. Dinurog na ni Cristo ang ulo ng ahas (Gen. 3:15) nang danasin niya ang bigat ng paghihirap sa kanyang kamatayan sa krus. The weakness of the cross is the power of God for salvation (1 Cor. 1:18, 24).
  2. “Kung minsa’y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa.” May mga panahong hindi na natin alam kung ano ang gagawin, o nalilito, o hindi maintindihan bakit nangyayari ang mga nangyayari. Pero hindi umaayaw, hindi nawawalan ng pag-asa, hindi tumitigil sa pagtitiwala sa Diyos. Ang sapat at higit pang kapangyarihan ng Diyos ang nagpapanatili sa atin para patuloy na magtiwala, para patuloy na umasa, kahit sa mga panahong hindi natin nakikita nang malinaw kung magiging maayos ba ang lahat balang araw.
  3. “Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan.” Naranasan ni Pablo, at nararanasan ng maraming Kristiyano ang atakehin o i-harass sa pinaniniwalaan nila. Hindi man tayo tantanan ng mga pang-aapi ng ibang tao, hindi rin naman tayo iiwan ni pababayaan ng Diyos (Heb. 13:5). Pangako niya ‘yan. At ang sapat at higit pang kapangyarihan ng Diyos ang titiyak na palaging nandyan at hindi a-absent ang tulong na kailangan natin araw-araw, especially during times of difficulties. Umiyak si Cristo sa krus, “My God, my God, why have you forsaken me,” para ano? Para magkaroon tayo ng katiyakan na kapag tumawag tayo at humingi ng tulong sa Diyos, that help is always available, “My help comes from the Lord, who made heaven and earth” (Psa. 121:2). Ang kapangyarihang meron siya na lumikha ng lahat ng bagay ang kapangyarihang available sa ‘yo para tulungan ka sa lahat ng pinagdaraanan mo.
  4. “Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok.” Knocked down, pero hindi knocked out. Nadadapa tayo, pero babangon ulit, at hindi tuluyang mapapahamak. Titiyakin ng sapat at higit pang kapangyarihan ng Diyos na walang sinuman sa kanyang mga anak ang mawawala. Nasa mabuti tayong kamay. Sabi ni Jesus tungkol sa kanyang mga tupa, “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma’y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama” (John 10:28-29). Ang kamay ng Diyos na may hawak sa atin ay higit na makapangyarihan sa lahat. Bakit ka panghihinaan ng loob?

Tulad ni Pablo, hindi rin tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa mga kahinaan natin ay nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos. Tulad ng sabi ng Panginoon kay Pablo, sinasabi rin niya sa atin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya nga masasabi rin natin tulad ni Pablo, “Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios” (2 Cor. 12:9-10 ASD).

2. Union with Christ (vv. 10-12): Sa tindi ng hirap na dinaranas natin ay nahahayag ang realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.

Ang ikalawang bagay na dapat nating tandaan ay may kinalaman sa ating pakikipag-isa kay Cristo o union with Christ. Dito sa verses 10-12 ay itinuturo naman sa atin na hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa tindi ng hirap na dinaranas natin ay nahahayag ang realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ganito ang sabi ni Pablo:

Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. Habang kami’y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. Kaya’t habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.

Hindi ina-underestimate ni Pablo ang mga paghihirap na kaakibat ng pagiging Kristiyano. Yun naman kasi ang na-experience niya. At isinalarawan niya ito sa ganitong paraan, “Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus…” (v. 10). Hindi lang ito paminsan-minsan na sufferings, kundi “lagi naming taglay.” Tulad sa verse 8, “Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin. Araw-araw, tuloy-tuloy. At sinasabi niya na ito ay dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo. Dahil si Cristo ay nagdusa, naghirap, at namatay para sa atin, itinalaga rin ‘yan para sa lahat ng tagasunod niya. Hindi ‘yan anomaly sa Christian life. That is normal Christian life. “Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo” (Phil. 1:29). Yun naman ang isinasalarawan kapag nabautismuhan tayo, “Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan?” (Rom. 6:3). Take note, kayong mga magpapabautismo. Nakipag-isa tayo kay Cristo hindi lang sa sarap ng buhay Kristiyano, kundi pati sa hirap ng buhay Kristiyano. Pinaliwanag din ito ni Paul sa verse 11 ng text natin, “Habang kami’y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus…” Kasama ‘yan “lagi” sa buhay Kristiyano. We follow a suffering Savior. “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Luke 9:23).

Ang tanong, bakit ganun? Hindi ba tama yung sinasabi ng iba na dahil naghirap na si Jesus, kaya hindi na tayo kailangang maghirap ngayon? Bakit nga ba itinakda ng Diyos na tayong mga Kristiyano ay maghihirap din na tulad ni Cristo? Dalawang beses binanggit ang sagot diyan. Sa verse 10, “…upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay.” Sa verse 11, “…upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay.” Mabuti ang Diyos. Hindi niya tayo hahayaang magdusa ng hirap para lang pahirapan tayo! Hindi masokista ang Diyos na natutuwa na nasasaktan tayo. No. In his goodness, itinalaga niya ang mga paghihirap na ito para maranasan natin ang buhay na nakay Cristo. Siyempre kasali rito ang future life natin sa resurrection. Pero ang focus sa section na ‘to, sa tingin ko, ay para matikman na natin ngayon pa lang kung ano ang ibig sabihin ng pakikipag-isa kay Cristo hindi lang sa kanyang mga pagdurusa at kamatayan, kundi maging sa kanyang buhay at kagalakan. Oo, alam nating lahat tayo ay mamamatay. Ang katawan natin ay “may kamatayan,” o “mortal flesh.” Pero kung nararanasan natin ang mga paghihirap na ito dahil sa pagiging Kristiyano, dahil tayo ay in union with Christ, nagbibigay ito ng pambihirang katiyakan sa atin na tayo ay may buhay kay Cristo, na meron na tayong bagong buhay, na tayo ay kabilang sa “new creation” dahil tayo ay “in Christ” (2 Cor. 5:17). So, ang buhay na tinutukoy rito ay hindi lang buhay pagkatapos ng kamatayan, o buhay sa pamamagitan ng kamatayan, kundi buhay sa gitna ng kamatayan (Expositor’s Bible Commentary, 11:470).

Sa verse 12 ay nagbigay naman si Paul ng conclusion kung ano ang ibig sabihin nito sa ministry niya sa mga taga-Corinto, “Kaya’t habang nagwawagi (mukhang nagwawagi, pero siyempre hindi naman) sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.” Hindi lang maghihirap ang mga tagasunod ni Cristo. Mauuwi pa ito sa kamatayan. Pero hindi naman ito kalugihan kundi ito ay kapakinabangan hindi lang sa atin (“to live is Christ, to die is gain,” Phil. 1:21), kundi para rin sa mga kapatid natin kay Cristo. Ang katiyakang dulot nito ay hindi lang para sa atin, kundi para rin sa iba.

So? Hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa tindi ng hirap na dinaranas natin ay nahahayag ang realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ano ang pipiliin mo? Maginhawang buhay sa mundong ito pero hiwalay naman kay Cristo? O buhay na maraming paghihirap pero nananatiling nakay Cristo? O, baka sabihin mo: “Pwede bang pareho? Maginhawang buhay na nakay Cristo!” Do you really want to know Christ? There is no other way but to experience suffering like Christ. Ganito rin ba ang hangad natin tulad ni Pablo?

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya…Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan. (Phil. 3:7-11)

3. Our resurrection life (vv. 13-14): Hindi sa kamatayan magtatapos ang mga paghihirap natin, kundi sa buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo.

“Muling bubuhayin mula sa kamatayan.” Ito naman ang ikatlong dahilan kung bakit hindi pinanghihinaan ng loob si Pablo. May kinalaman ito sa ating resurrection life, sa buhay na walang hanggan na mararanasan natin sa pagbabalik ni Cristo. Hindi tayo dapat panghihinaan ng loob dahil hindi sa kamatayan magtatapos ang mga paghihirap natin, kundi sa buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo. Ito naman ang binigyang-diin ni Pablo sa verses 13 and 14:

Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako’y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami’y sumasampalataya. Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling.

Oo nga’t naniniwala tayo sa kapangyarihan ng Diyos at sigurado tayo sa buhay na meron tayo kay Cristo ngayon, pero hindi ibig sabihin nito na it will make our sufferings easier. Maaari pa rin tayong makaranas ng matinding hirap. Ang iba ay inuusig hanggang sila ay mamatay. “Dahil sa inyo’y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang” (Rom. 8:36). Ibig sabihin ba talunan na tayo kapag namatay na tayo? No. Kaya nga crucial itong verses 13 and 14 dahil tinutulungan tayo nito na sa halip na tingnan ang mga paghihirap natin ngayon ay matuto tayong tumingin sa pag-asa na meron tayo sa hinaharap.

Sa verse 13 ay binanggit ni Paul ang Psalm 116:10, “Sinasabi ng kasulatan, ‘Nagsalita ako sapagkat ako’y sumampalataya.’ Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami’y sumasampalataya.” Sinasabi rito ni Paul na ang pananampalatayang meron si Haring David (kung siya ang sumulat nitong Psalm 116) ay siya ring pananampalataya na meron siya. Ito rin ang pananampalataya na gusto niya na magkaroon tayo, para hindi tayo panghinaan ng loob gaano mang hirap ang maranasan natin. Sabi ni David sa Psalm 116:10, “Kahit na sinabi kong, ‘Sukdulan na ang paghihirap ko,’ nagtitiwala pa rin ako sa kanya” (ASD). Hindi ito konting hirap lang, kundi matinding hirap talaga. Pero patuloy siya sa pagtitiwala sa Diyos, sa pagmamahal sa Diyos (v. 1), sa pagtawag sa Diyos (vv. 2, 4). Nananatiling matatag ang pananampalataya niya: “Si Yahweh’y napakabuti, mahal niya ang katuwiran, Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman…siya ay mabuti’t hindi siya nagpapabaya” (vv. 5, 7). At inaabangan niya ang buhay na meron siya sa piling ng Diyos pagkatapos ng kamatayan, “Ako’y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan, tinubos sa pagkatalo, at luha ko’y pinahiran. Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan, doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy” (vv. 8, 9).

Sabi ni Pablo, ‘yang pananampalataya ni David ang pananampalatayang meron tayo at dapat nating panghawakan. “We also believe, and so we also speak” (2 Cor. 4:13). Kapag sumasampalataya ka, ipinapahayag mo ‘yan sa mga sinasabi mo. Hindi mo lang sinasabi, “Ang tindi ng mga paghihirap ko!” Sinasabi mo rin ang katiyakan at pag-asa na meron ka sa buhay na darating, at sa pagdating ng araw na yun ay wala nang hirap, wala nang sakit, wala nang iyakan, wala nang kamatayan! Hindi lang ito positive thinking, or a leap in the dark, or blind faith. No. Ito ay pananampalatayang nakabatay sa kaalaman ng mga bagay na darating. At ano ang darating? Verse 14, “Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling.” Ito ang buhay na naghihintay hindi lang kay Pablo, o sa mga masisipag sa ministry, o mga dumaraan sa matinding persecutions, o mga martyr na mga missionaries. Ito ang buhay para sa lahat ng mga Kristiyano.

Sa kabilang buhay, magkakasama tayo, at higit sa lahat kasama natin si Jesus. Pagkamatay natin, diretso ang kaluluwa natin sa langit. Sa pagbabalik ni Cristo, ang mga katawan natin ay muling bubuhayin, we will have a resurrected body tulad ng glorious body na meron si Cristo, and we will be in the presence of our Savior and our God for all eternity. Anong garantiya na mangyayari ang lahat ng ito? Ang muling pagkabuhay ni Jesus. Sinasabi rin ‘yan ni Paul sa Romans 8:11 at 1 Thessalonians 4:14. Dahil siya’y muling nabuhay, tayo na nakipag-isa kay Cristo ay muli ring mabubuhay. Our sufferings, even our death, is not the end of our story. Kapag ang isip mo ay palaging nasa mga dinaranas mo ngayon, panghihinaan ka talaga ng loob. Pero hindi mangyayari yun kung palagi mong ipinapako ang isip mo sa buhay na darating. Dahil si Cristo’y muling nabuhay, masasabi rin natin tulad ni David, “You make known to me the path of life; in your presence there is fullness of joy; at your right hand are pleasures forevermore” (Psa. 16:11).

So? Hindi tayo dapat panghihinaan ng loob dahil hindi sa kamatayan magtatapos ang mga paghihirap natin, kundi sa buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo. Masasabi talaga natin, “To live is Christ, and to die is gain” (Phil. 1:21). Kasi, kapag namatay tayo, makakasama natin si Cristo, and “that is far better” (v. 23).

4. The glory of God and our good (v. 15): Itinalaga ng Diyos ang mga paghihirap natin sa buhay ngayon para sa kanyang ikaluluwalhati at para sa ating ikabubuti.

Saan ba papunta ang lahat ng ito? Yun ang mahalagang isaalang-alang natin. Sa Question 1 ng Westminster Shorter Catechism, “What is the chief end of man?” Ang sagot, “To glorify God and to enjoy him forever.” Ito rin ang “chief end” ng mga paghihirap natin sa buhay: the glory of God and our good. Ito ang ikaapat na dahilan. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil itinalaga ng Diyos ang mga paghihirap natin sa buhay ngayon para sa kanyang ikaluluwalhati at para sa ating ikabubuti. Sa verse 15, last verse ng text natin, ganito ang sabi ni Pablo:

Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.

Heto ang isa na namang dahilan kung bakit hindi siya pinanghihinaan ng loob. Simula nga nito, “Sapagkat…” (AB), wala lang sa MBB translation. Tapos sinabi niya sa verse 16, “Kaya’t hindi kami nasisiraan ng loob…” Isa sa karaniwang dahilan kung bakit madali tayong panghinaan ng loob ay dahil sa self-centered perspective natin. We often ask, “Ano naman ang mabuting maidudulot nito sa akin?” Oo, meron naman. Pero kapag sinabing ‘yan ay “for our good,” hindi ibig sabihing para sa ‘yo lang, o para sa akin lang. Para kay Pablo, alam niya na bahagi ng disenyo ng Diyos sa mga sufferings niya ay para sa ikabubuti ng ibang tao. “Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo…” O, para sa ikabubuti ninyo. Merong redemptive purposes ang sufferings natin. Redemptive for us, redemptive for others as well. At kung magkakaroon tayo ng ganitong other-centered perspective sa sufferings natin, hindi tayo basta-basta panghihinaan ng loob.

So, ano ang purpose ng Diyos sa lahat ng ito? At paano nating masasabi na makakabuti ito sa atin at sa maraming tao? Hindi ba pwedeng happy-happy na lang palagi at wala nang ganitong mga hirap sa buhay? Ito ang purpose ng Diyos: “upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.” Grace to more and more people, glory to God. Sa pagdurusa natin sa ministry alang-alang kay Cristo, ang grasya ng Diyos ay nakakarating sa mas maraming tao. Mas maraming tao ang nakakarinig ng gospel sa pamamagitan ng mga nagpapakahirap para manirahan sa ibang lugar at sa ibang kultura, at may mga persecutions pa nga. Mas maraming tao ang naaabot ng gospel kapag maraming mga Christians ang nagsasakripisyo sa pagbibigay. Ibig sabihin, maraming tao ang makakakilala kay Cristo, at magtitiwala sa kanya tulad natin for their salvation, at magpapasalamat sa kanya tulad natin dahil sa kaligtasan na tinanggap nila.

At sa bandang huli, ultimately, at ito ang chief end kung bakit itinakda ng Diyos ang necessity ng suffering at hindi ito optional sa Christian life and ministry, “to the glory of God.” At yung naunang tatlong dahilan na binanggit natin kanina ay dito rin lahat patungo. Kapag nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos sa ating mga kahinaan, God is glorified dahil mas nakikilala siya bilang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Kapag ang buhay na meron tayo kay Cristo ay nahahayag sa atin in the midst of our great sufferings, God is glorified dahil mas nakikilala siya as the source of life, as our very life. Kapag nasasabik tayong hinihintay ang paparating na buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo, God is glorified dahil kinikilala at niyayakap at pinahahalagahan natin siya as our everlasting Treasure and Joy. At kapag naluluwalhati ang Diyos, ‘yan ay makakabuti sa atin. His glory is our good. He is our highest good, our greatest treasure, our everlasting joy. At kung ang layuning ‘yan ay natutupad sa buhay natin hindi lang sa kabila ng maraming sufferings kundi maging sa pamamagitan ng maraming sufferings, then it is good for us. Mabuti talaga ang Diyos.

So? Hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil itinalaga ng Diyos ang mga paghihirap natin sa buhay ngayon para sa kanyang ikaluluwalhati at para sa ating ikabubuti.

Marami tayong pwedeng idahilan kung bakit tayo madaling panghinaan ng loob. Pero sa verses 1 to 6 ng 2 Corinthians 4 ay may nakita na tayong tatlong dahilan. Ngayon naman sa verses 7 to 15 ay may nakita tayong apat na dahilan. Pito na lahat. Sa verses 16 to 18 next week, meron pang iba. Talaga namang sapat na at higit pa ang biyaya ng Diyos para hindi tayo panghinaan ng loob. Kung nagiging mas matimbang sa ‘yo ang bigat ng pinagdaraanan mo ngayon, talagang panghihinaan ka ng loob. Pero kung mas matimbang sa ‘yo ang halaga ng kapangyarihan ng Diyos, ng buhay na meron tayo sa pakikipag-isa kay Cristo, at ng kaluwalhatian ng Diyos, hindi ka maibabagsak ng anumang hirap na haharapin mo.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply