Introduction: “Name Above All Names”

‌Simula ngayon hanggang December 24 Christmas Eve service, halos araw-araw, except Mondays, magkakaroon tayo ng series of Christological sermons entitled “Name Above All Names.” Galing ‘yan sa Philippians 2:9. Matapos ang kanyang pagpapakababa sa kanyang pagkakatawang-tao, pamumuhay na parang isang alipin, at pagsunod sa Diyos hanggang kamatayan sa krus (Phil 2:5-8): “Dahil dito, siya’y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan” (MBB). Kung paanong itinaas ng Diyos ang pangalan ni Cristo, dapat ding maitaas ang pangalan ni Cristo especially ngayong Christmas season. Many Filipinos only pay lipservice to Jesus. Pero hanggang doon lang. Pangalan kasi ng mga pulitiko ang madalas naririnig at nakikita natin. O pangalan natin ang concern natin, kung paano tayo mas makikilala ng mga tao na galanteng magregalo o maghanda kapag Pasko.‌

Pero siyempre, yung ganitong Christ-focused attention ay dapat naman talaga hindi lang pam-Pasko, kundi araw-araw. Buong buhay natin, dapat masabi rin natin ang tulad ng kay Pablo: “For to me to live is Christ” (Phil 1:21); “Para sa akin, ang mabuhay ay si Cristo” (my translation). Itinuring din niyang “higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko” (Phil 3:8 AB), na para bang basura ang lahat kung ikukumpara kay Cristo. So, “ituon natin ang ating paningin kay Jesus” (Heb 12:2MBB); “pagmasdan natin si Jesus” (AB). ‘Yan ang gagawin natin araw-araw.‌

Bawat mensahe na papakinggan n’yo ay nakabase sa bawat chapter ng libro nina Alistair Begg at Sinclair Ferguson na Name Above All Names. Kapag Christmas season, ang usual starting point natin ay ang mga stories na tungkol sa kapanganakan ni Jesus tulad ng Matthew 1-2 o Luke 1-2. Pero ngayon ay simulan natin kung saan nagsimula ang Bible story sa Genesis at tingnan natin kung paanong nakay Cristo ang katuparan nito. Ang title ng mensaheng ito ay “Jesus Christ, the Seed of the Woman.” Base ito sa Genesis 3:15, na siyang sinabi ng Diyos sa ahas, “Kayo ng babae’y aking pag-aawayin, binhi mo’t binhi niya’y lagi kong paglalabanin. Ang binhi niya (ng babae, “the seed/offspring of the woman”) ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong niya’y ikaw ang tutuklaw” (MBB).

‌I. The Story the Fall (Genesis 3)‌

Para mas maintindihan natin ‘to, tingnan muna natin ang konteksto nito sa istorya ng paglikha ng Diyos sa tao at, eventually, ang pagkakahulog ng tao sa kasalanan. ‘Yan ang story ng Genesis 1-3, very foundational sa story at theology ng buong Bibliya. Nilikha ng Diyos ang tao—lalaki at babae—ayon sa kanyang larawan (Gen 1:26-27). To reflect his glorious character. Kasali diyan ang pagsunod sa lahat ng kalooban niya. Nang likhain niya ang lalaki, si Adan, inilagay siya ng Diyos sa isang hardin na ang Diyos ang gumawa at nag-ayos, at pinatubo doon ng Diyos ang iba’t ibang klase ng puno na magandang tingnan at masarap kainin ang bunga. Tapos sa gitna ng hardin yung “tree of life” at “tree of the knowledge of good and evil” (Gen 2:8-9). Pinagtrabaho siya doon ng Diyos para alagaan ang hardin, at sinabi sa kanya na pwede niyang kainin ang bunga ng kahit anong puno doon maliban lang dun sa isa, sa tree of the knowledge of good and evil. Mahigpit ang bilin ng Diyos, “Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka” (Gen 2:15-17).‌

Then, nilikha ng Diyos ang babae, si Eba. Bigay ito ng Diyos sa lalaki, “isang angkop na makakasama at makakatulong” (Gen 2:18). Isang araw, ayon sa Genesis 3, lumapit ang ahas kay Eba, at nagsalita! Ang sabi, “Totoo bang pinagbawalan kayo ng Diyos na kumain mula sa anumang puno dito?” Sagot ni Eba, “Pwede naman naming kainin, ‘wag lang yung puno na nasa gitna. ‘Wag daw naming kainin o hawakan, kung gawin namin yun ay mamamatay kami.” Sabi ng ahas, “Hindi totoo ‘yan!” So ayun, naakit si Eba at kumain ng prutas na yun. Binigyan din niya ang asawa niya, at kumain din. Pareho silang nahulog sa tukso ng ahas, sumuway sa utos ng Diyos. Nagtago sila. Kinumpronta sila ng Diyos. Sinisi ang iba sa halip na pagsisihan ang kasalanan nila at humingi ng tawad sa Diyos. Dahil sa ginawa ng ahas, nag-pronounce ang Diyos ng judgment sa kanya (Gen 3:14-15). Dahil sa kasalanan nina Adan at Eba, meron ding hatol ang Diyos sa kanila (Gen 3:16-19). Dahil dito, pumasok ang kasalanan sa sangkatauhan, napailalim tayong lahat sa hatol ng kamatayan, napaalipin tayo sa kasalanan at sa gapos ng ahas—“ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas” (Rev 12:9).

‌Ito ang napakalaking problema natin. Inilarawan ni Pablo ang ganitong kalagayan natin bago natin maranasan ang pagliligtas ng Diyos: patay, alipin, suwail, kinapopootan ng Diyos:‌

Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. (Eph 2:1-3)

‌Pagkatapos sabihin ang masamang balitang ito ng kalagayan natin dati, heto naman ang mabuting balita: “Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin” (Eph 2:4). Totoo ngang una nating naranasan ‘yan nang makilala natin si Cristo at tanggapin natin ang kaligtasan. Pero ang habag at pag-ibig ng Diyos sa ating mga makasalanan ay evident na dito pa lang sa Genesis 3.

‌II. The First Gospel, the Protoevangelium (Genesis 3:15)‌

Kapag “gospel” ang pinag-uusapan, usually ay New Testament ang naiisip natin. Pero itong pagpapahayag ng Diyos ng parusa sa ahas sa Genesis 3:14-15 ay meron nang nakapaloob na pangako na gagawin ng Diyos. Verse 15 sets in motion yung plano ng Diyos sa pagliligtas sa ating mga kasalanan na ang sukdulan ng katuparan ay nasa pagdating at ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Tinatawag itong protoevangelium, o first gospel, o first good news. Ironically, sa ahas ito directly sinabi, pero ang good news ay para kina Adan at Eba at sa buong sangkatauhan na nanggaling sa kanila. Ganito ang nakasulat.‌

“Kayo ng babae’y aking pag-aawayin, binhi mo’t binhi niya’y lagi kong paglalabanin. Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” (Gen 3:15)‌

“Kayo ng babae’y aking pag-aawayin…” Ang ahas o si Satanas ang tinutukoy dito na magiging kaaway ng babae, si Eba, na siya ring nagrerepresent sa buong humanity, “siya ang ina ng sangkatauhan” (Gen 3:20).‌

“…binhi mo’t binhi niya’y lagi kong paglalabanin…” Ang “binhi niya” ay tumutukoy sa binhi ng babae na tumutukoy sa “people of God” na ultimately ay kay Cristo. Ang “binhi mo” ay ang mga makasalanang nakasunod sa yapak ng diyablo na nakikipaglaban at nagtatangkang wasakin ang “people of God.”‌

“Ang binhi niya ang dudurog (ESV, bruise; NIV, crush; CSB, strike) sa iyong ulo, at sa sakong niya’y ikaw ang tutuklaw (ESV, bruise; CSB, NIV, strike).” Ang binhing dudurog sa ulo ng ahas ay si Cristo, na siyang magtatagumpay laban kay Satanas. Na tutuklawin ang sakong niya ay tumutukoy sa pananakit at pagpapahirap kay Cristo na ang hantungan ay ang kanyang kamatayan sa krus.‌

So, merong development sa verse na ‘to (ayon kay Begg & Ferguson): sa pag-aaway ng dalawang individuals (ahas vs Eba), papunta sa pag-aaway ng dalawang family lines (mga anak nila), hanggang sa huling engkuwentro: ang binhi ng babae na dudurog sa ulo ng ahas. Ito ang “first gospel” na ang tungo ay sa pinakasukdulan ng gospel event—ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Cristo. Ganito ang interpretation natin ng Old Testament dahil ganito naman ang ginawa ni Cristo sa dalawang disciples niya na sinabayan niyang maglakad papuntang Emmaus sa Luke 24. Matapos itong siya’y muling mabuhay. Nalilito sila kung ano ang nangyari. Ang inaasahan nilang haring tagapagligtas o Messiah ay namatay, sa krus pa na karumal-dumal at nakakahiya, pero nabalitaan nilang nabuhay raw muli.

‌Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba’t kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. (Luke 24:25-27)

‌Ang limang aklat ni Moises ay ang Pentateuch (Genesis to Deuteronomy), kasali siyempre ang Genesis 3:15. Si Jesus ang “binhi ng babae.” Siya rin ang tinukoy ni Pablo, “Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo’y maituturing na mga anak ng Diyos” (Gal 4:4-5). Anak tayo ng diyablo kung nagpapatuloy tayo sa kasalanan katulad ng diyablo. Kailangang mapalaya tayo, kailangang maituring tayong mga anak ng Diyos at hindi anak ng diyablo. Paano mangyayari yun? “Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa’y nagkakasala na ang diyablo. Kaya’t naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 John 3:8). Christmas is war. Ang pagdating ni Cristo ay para makipagdigma sa diyablo.

‌III. Satan at War Against God’s People

‌Naparito si Cristo para tapusin ang gawa ng diyablo. Satan is at war against God’s people simula pa sa Garden of Eden.

‌“Kayo ng babae’y aking pag-aawayin, binhi mo’t binhi niya’y lagi kong paglalabanin…” (Gen 3:15)‌

Sa vision na nakita ni apostle John sa Revelation, mula noon hanggang sa katapusan ng panahon ay actively at work si Satan to destroy God’s people. Siya ang “Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan” at “nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos” (Rev 12:9-10). Kaya nga pinaghahanda at pinagbabantay tayo ng Diyos: “Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa” (1 Pet 5:8). Mamamatay-tao siya, sinungaling, at pumapatay siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling: “Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya’y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan” (John 8:44).‌

“Sa simula pa lang,” ganito na ang tactic niya. Itong pakikipagdigma, all-out war niya against God’s people ang plotline ng buong Bibliya. At sa plotline din na ‘to inaabangan kung sino ang “seed of the woman” na dudurog sa ulo ng ahas. Di ba’t noong nagalit si Cain dahil sa inggit sa kanyang kapatid na si Abel, nagbigay na ng warning ang Diyos sa kanya, “…ang kasalana’y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya’t kailangang mapaglabanan mo ito” (Gen 4:7). Pero sa halip na mapaglabanan ang kasalanan, kasalanan ang lumapa sa kanya nang patayin niya ang kapatid niya. Ibinigay ng Diyos na kapalit ni Abel ang sumunod na anak nina Adan at Eba, si Seth (Gen 4:25), na pinanggalingan ng lahi ni Noah, na pinagmulan ni Abraham, na pinagmulan ng bansang Israel.‌

Pagdating sa Egypt, inalipin doon ang mga Israelita, ang itinuturing na panganay na anak ng Diyos (Exod 4:22). Si Pharaoh ang hari ng Egipto na nangunguna sa pang-aaliping ito. Ipinapatay pa nga niya ang mga isisilang na lalaking sanggol. Sa kanyang korona ay merong simbolo ng ahas. Siya na tulad din ng diyablo ay sinungaling at mamamatay-tao. Dahil diyan, hinatulan ng Diyos ang mga panganay na anak sa Egipto. All-out war si Satanas para sirain ang “seed of the woman.” All-out war din ang Diyos para sirain ang plano ni Satanas.‌

Ganito rin ang istorya ng pakikipaglaban ng mga taga-Canaan sa Israel, ng Babylon (sa pangunguna ni Nebuchadnezzar) laban sa Jerusalem, nina Herod, Pontius Pilate at mga religious leaders laban kay Jesus, ng mga pinuno ng mundong ito laban sa church. “Bakit nagbabalak maghimagsik ang mga bansa? Sa sabwatan nilang ito’y anong kanilang mapapala? Mga hari ng lupa’y nagkasundo at sama-samang lumalaban, hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang” (Psa 2:1-2). Binanggit naman ito ng persecuted church sa Acts 4 at in-apply ito sa nangyari kay Jesus, “Nagkatipon nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban” (Acts 4:27-28). Anumang pagtatangkang ibagsak ng diyablo ang gawa ng Diyos, ang makapangyarihang kamay at plano pa rin ng Diyos ang talagang magtatagumpay.‌

Ang malinaw na demonstration nito ay makikita sa pakikipaglaban ni David, the representative champion of Israel, laban kay Goliath, ang representative na higante naman mga Philistines. Wala ni isa man sa Israel, kahit ang kanilang haring si Saul, ang may lakas ng loob na lumaban kay Goliath. Hinamon sila ni Goliath, “Pumili kayo ng ilalaban sa akin!” Nang marinig naman ito nila Saul at ng mga Israelita, pinanghinaan sila ng loob at natakot (1 Sam 17:10-11). Isa lang ang matapang na nag-volunteer para lumaban, ang binatang si David. Sabi niya sa hari, “Ako po ang lalaban sa kanya” (1 Sam 17:31). Ang tanging sandata lang niya ay ang kanyang tirador at ang kanyang pananampalataya sa pangalan ni Yahweh na magliligtas sa kanya (vv. 37, 45). Sabi niya kay Goliath, “Ngayong araw na ito’y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo…Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay” (1 Sam 17:46-47). Pagkatapos ay tinirador niya si Goliath, tumama ang balang bato nito sa kanyang noo, nasubsob, at namatay. Hinugot naman ni David ang espada ni Goliath at pinugutan ng ulo gamit ang sarili nitong espada (vv. 48-51).‌

Ang istoryang ito ay naghahanda sa pagdating ng “anak ng babae,” hindi si David, kundi isang anak ni David na higit pa kay David na siyang tatagpas sa ulo ng ahas sa pamamagitan ng sariling espada nito.

‌IV. Satan at War Against Jesus, the Seed of the Woman‌

Siya si Jesus na anak ni David (Mat 1:21), na anak ng babae, the seed of the woman na nakasulat sa Genesis 3:15. Sabi ng anghel kay Jose tungkol kay Maria, “Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mat 1:21). Isinilang nga si Jesus. Inaawit natin kapag magpapasko: “Silent night, holy night / All is calm, all is bright / ‘Round yon Virgin Mother and Child / Holy Infant so tender and mild / Sleep in heavenly peace / Sleep in heavenly peace.” But Satan will not go down without a fight.‌

“…Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” (Gen 3:15)‌

Eventually, dudurugin ang ulo niya. Pero tutuklawin naman niya ang Panginoong Jesus. All-out war siya to destroy the seed of the woman. Sa pagsilang pa lang kay Jesus, tulad ng ginawa ni Pharaoh noon sa mga ipapanganak na lalaki, itong si Haring Herodes naman ganun din. Nabahala siya sa nabalitaan niyang merong propesiya tungkol sa isang haring darating na ipapanganak sa Bethlehem (Mat 2:3-6). Kaya nagwarning ang anghel ng Panginoon kay Jose sa isang panaginip, “Bumangon ka’t dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin” (Mat 2:13). Ganoon nga ang ginawa nila. Ito namang si Herodes, galit na galit, ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki, two years old and below, sa Bethlehem (v. 16). Hawig ito sa vision na nakita ni John sa Revelation 12:1-6 tungkol sa isang babaeng malapit nang manganak. Meron namang isang napakalaking pulang dragon (ito rin yung ahas na ngayon ay dragon na!) na tumayo sa paanan ng babae “upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang” (v. 4). Reflecting on Herod’s murderous rage, sinabi nina Begg at Ferguson, “There was something deeply satanic about that attack, focused as it was on the person of the Lord Jesus Christ. The story of salvation is a wartime story.”‌

Kaya significant din dito yung temptation story sa Matthew 4 at Luke 4. Akala kasi natin ang chief purpose nito ay bigyan tayo ni Jesus ng example na dapat nating tularan kapag nahaharap naman tayo sa tukso. Totoo namang example na dapat tularan si Cristo. Pero hindi yun ang chief purpose ng story na ‘to. Actually, dinala siya sa disyerto ng Espiritu “upang tuksuhin ng diyablo” (Mat 4:1). Ibig sabihin, planado ang engkuwentro na ‘to. Ang plano ni Satanas ay ibagsak din si Jesus sa pamamagitan ng mga kasinungalingan niya tulad ng kina Adan at Eba sa Garden of Eden. Pero kahit anong gawing tukso ni Satanas para akitin siyang lumihis sa plano ng Diyos para sa kanya, wala siyang nagawa. Hindi tulad nina Adan at Eba, si Jesus ay nanatiling tapat sa salita ng Diyos at nanatiling nagtitiwala sa kasapatan ng Diyos. Isinulat ang kuwentong ito para ipakita sa atin kung paanong si Jesus ay nagtagumpay bilang representative champion natin sa pakikipaglaban sa Ahas. Nagtagumpay si Jesus sa enkuwentrong ito pero hindi pa tapos ang laban. “Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon” (Luke 4:13).‌

Hindi si Satanas lumalaban nang mag-isa. Meron siyang mga kampong demonyo. Sa Mark 5, may sumalubong kay Jesus na isang lalaki na sinasaniban ng masamang espiritu. Face to face with Jesus, nanginginig sa takot ang mga demonyong ito. Early on, sa synagogue, may isang lalaking sinasapian din, ang sabi sa kanya, “Have you come to destroy us?” (Mark 1:24). Dito naman sa Mark 5, nagmamakaawa sila na ‘wag silang pahirapan ni Jesus (Mark 5:7). Tinanong siya ni Jesus kung ano ang pangalan niya. Sagot naman nito, “Legion” (sa MBB, Batalyon) (Mark 5:9). Sa Roman army, ang legion ay binubuo ng halos 5,000 soldiers. Ang tanong, bakit napakaraming demonyo sa isang lalaki? Ang dahilan, ayon kay Begg/Ferguson, ay dahil ang ultimate target nila ay si Jesus. Hindi naman talaga commonplace ang demon possession during that time, unlike sa paniniwala ng iba. “In fact it was not. Rather, the land then was demon-invaded because the Savior was marching to the victory promised in Genesis 3:15. And all hell was let loose in order to withstand him.” Gaano man karaming demonyo ay no-match with the power of Jesus the name above all names.‌

Sa simula, ang tactic ni Satan ay para tuksuhin si Jesus na hindi pumunta sa krus, para iwasan kung ano ang itinalaga ng Diyos para sa kanya, para suwayin niya ang kalooban ng Ama. Alam ‘yan ni Jesus. Isang araw, sinabi niya sa mga disciples niya na papunta siya sa Jerusalem kung saan siya ay magdurusa sa kamay ng mga religious leaders, at papatayin, at mabubuhay sa ikatlong araw. Hinila naman siya ni Pedro sa tabi at pinagsabihan, “Hindi ‘yan mangyayari sa inyo.” Sinaway naman siya ni Jesus, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao” (Mat 16:22-23). Ang plano naman kasi ni Satanas ay hadlangan ang plano ng Diyos.‌

Eventually, nagkaroon si Satanas ng change of strategy: to destroy Jesus by killing him. Ginamit niya si Judas para traydurin si Jesus. Nangyari ito habang naghahapunan sila. “Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas” (John 13:27). Sa pagtatraydor ni Judas, naaresto nila si Jesus. Sabi ni Jesus sa mga umaaresto sa kanya, “Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman” (Luke 22:53). Nangyari nga ang plano ni Satanas na ipapatay si Jesus.‌

At iyon din naman ang plano ng Diyos! “Siya, na ibinigay sa takdang pasiya (ESV, definite plan) at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan” (Acts 2:23AB). Nagtagumpay ba ang plano ni Satanas sa pagpatay kay Jesus? Hindi ba’t plano rin yun ng Diyos?‌

Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan; gayunma’y ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan. Ngunit siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo. Tayong lahat ay gaya ng mga tupang naligaw; bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan; at ipinasan sa kanya ng Panginoon ang lahat nating kasamaan. (Isa 53:4-6 AB)

‌Tulad ng espada ni Goliath na ginamit ni David para tagpasin ang ulo niya, ginamit din ng Diyos ang kamatayan (espada ni Satanas) para tagpasin ang ulo nito. Hinatulan ng Diyos ang kamatayan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Tinuklaw ng ahas ang sakong ni Jesus. Oo, namatay si Jesus, pero sa ikatlong araw ay muli siyang nabuhay. Dinurog naman ni Jesus ang ulo ng ahas. “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag” (1 Cor 15:55 MBB)? Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan (v. 56). Kaya nga habang nakabayubay si Jesus sa krus, mukhang talunan, pero yun ay deklarasyon ng tagumpay laban sa ahas. “Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay” (Col 2:15). Sa buong kasaysayan, walang sinumang nagtagumpay laban sa ahas maliban kay Cristo. The seed of the woman is the snake-crusher.

‌Application: What Does Jesus’ Victory Mean for Us?

‌So, ano ngayon ang ibig sabihin nito para sa atin? Kung si Cristo ay nagtagumpay na, asa atin din ang tagumpay dahil sa kanya. Hindi natin dapat katakutan si Satanas at ang anumang gawa ng kaaway, for we are fighting a defeated enemy. Nung tinalo ni David si Goliath, hindi ba’t yung mga dating duwag makipaglaban ay nagkaroon ng lakas ng loob? Because of David’s victory. Nung muling nabuhay si Cristo, hindi ba’t yung mga dating duwag na disciples niya ay nagkaroon ng lakas ng loob na humarap kahit kaninuman na uusig at magpapakulong at magpapatay sa kanila? Because of Jesus’s victory.‌

Ito yung parehong tapang na nawitness ko noong bata ako sa mga leaders ng church. Bago pa lang kami sa church noon. Yung kasama namin sa bahay, sinasaniban ng masamang espiritu. Gabi-gabi dumarating, eksakto 6PM. Yung mga pastors at missionaries noon sa church, with some members, pupunta sa bahay. Sasabihin ng mga pastor sa masamang espiritu, “In the name of Jesus, lumayas ka.” Nanginginig ang masamang espiritu kapag naririnig ang pangalan ni Jesus. Yung iba namang nasa bahay, kumakanta, “In the name of Jesus, in the name of Jesus, we have the victory. In the name of Jesus, in the name of Jesus, Satan you have to flee…Oh tell me who can stand before us, when we call on that great name. Jesus, Jesus, precious Jesus, we have the victory.”‌

Bata pa lang ako, itinuro na sa akin ng Diyos na pambihira ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus. So, ano pa ang katatakutan natin? Bakit tayo panghihinaan ng loob? Bakit ang dali nating susukuan ang isang tao o isang relasyon o isang problema sa buhay? Yung lalaki na sinasaniban sa Mark 5, na sinusugatan ang sarili, nagpapagala-gala sa sementeryo, kapag nakita ng mga tao, sasabihin nilang wala nang pag-asa ‘yan. Wala nga, until Jesus came. Wala ngang sinasaniban sa inyo ngayon, pero at work si Satan para maghasik ng kasinungalingan para sirain ang pananampalataya natin kay Cristo, at ang relasyon ng mag-asawa, para pag-awayin ang magkapatid kay Cristo, para pigilan ang pagtubo ng mabuting balita na itinanim natin. Kaya tandaan nating hindi ang asawa natin o kapatid natin kay Cristo ang kaaway natin. Hindi sila ang ahas Ang Ahas na ito na tumuklaw kina Adan at Eba, at kay Cristo, ang ulo nito ay dinurog na ni Cristo. So haharapin natin ang anuman sa buhay natin na may lakas ng loob, firm in our faith, dahil kay Cristo. The Seed of the Woman is the Snake-Crusher.‌

Pumapalag pa ang kaaway, pero one day, “Si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo” (Rom 16:20AB).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply