Introduction: The Story of Numbers as a Pattern and an Example for Us
Magkakaroon tayo ngayon ng overview ng Book of Numbers, ikaapat sa first five books sa Bible na tinatawag na Pentateuch. Unusual ang ganitong klase ng sermon sa church natin kasi usually ay mas maikling passage para mas matutukan nating mabuti. Pero naniniwala ako na mahalaga na paminsan-minsan ay meron tayong mga ganitong overview sermons para makita natin ang big picture ng bawat libro sa 66 books of the Bible. Siyempre hindi lang general knowledge ng content ng book na ‘to ang habol natin. Ang pinaka-goal natin ang makilala ang Diyos na nagpapakilala sa atin sa bawat pahina ng Bibliya. Sa istorya o kasaysayan ng Israel na nakasulat dito sa book of Numbers, merong theology o katuruan tungkol sa Diyos na hindi lang totoo sa panahon nila, kundi totoo rin sa panahon natin ngayon. Hindi naman kasi nagbabago ang Diyos. At ang mga kuwentong makikita natin ay mare-realize natin na kuwento rin ng buhay ng bawat isa sa atin. Ang salita ng Diyos ay nagsisilbing salamin para makita natin ang kundisyon ng puso natin bilang mga makasalanan na nangangailangan ng Tagapagligtas. At ito rin ang magtutulak sa atin para lalo pang tumingin kay Cristo na siyang paraan naman ng Diyos para tayo’y baguhin para maging katulad ni Cristo. So, this is very important.
Ang book of Numbers ay nagsisilbing tulay ng Leviticus (ikatlong libro) at Deuteronomy (ikalima). Ang Leviticus ay naglalaman ng mga utos na ibinigay ng Diyos sa Mt. Sinai. Ang first 10 chapters naman ng Numbers ay dito pa rin sa Mt. Sinai. Ang Deuteronomy naman ay sermon ni Moises sa Plains of Moab sa second-generation ng Israel bago sila pumasok sa Promised Land. Dito rin sa Plains of Moab ang setting ng last 11 chapters ng Numbers (chap. 26-36). Ang pangalan ng book na “Numbers” ay galing sa dalawang census na ipinagawa ng Diyos 40 years apart. Yung una ay census ng first generation (2nd year, 2nd month pagkatapos ng exodus, Num 1:2), at ang ikalawa ay sa second generation na (40th year, 11th month, Num 26:1-4). So about 40 years ‘yan, or 38 years to be exact.
Matatagpuan sa aklat na ito ang historical at theological explanation kung bakit yung first generation ng mga Israelita na nakalabas sa Egypt ay hindi nakapasok sa Promised Land, maliban kay Joshua at Caleb, kasama ng mga 20 years and younger nung lumabas sila sa Egypt). Pati sina Moises at Aaron ay hindi rin nakapasok. Bakit kaya? Dahil ba unfaithful ang Diyos at sumira siya sa pangako niya sa kanila? Of course not. Yun ay dahil sa unfaithfulness nila. Less than two years paglabas nila sa Egypt, makakapasok na sana sila sa Canaan. Ibibigay na ito sa kanila ng Diyos kung magtitiwala lamang sila sa kanya. Pero hindi, wala silang tiwala sa Diyos, reklamo pa sila ng reklamo. Kaya heto ang judgment ng Diyos dahil sa kanilang “hindi pagsampalataya” (Num 14:33):
Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang mga anak ninyo’y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.” (Num 14:26-35)
Ganoon nga ang nangyari after 40 years. Namatay lahat ang first-generation ng Israel: “Ang mga ito’y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh” (Num 26:65). Kung ano ang sinabi ng Diyos na mangyayari, yun ang nangyayari. Kung ano ang sinabi niyang gagawin niya, yun ang ginagawa niya.
Ang nangyari sa first-generation ay nagsisiling warning at exhortation sa second-generation na naghahanda na sa pagpasok sa Promised Land. Hindi nila dapat gayahin ang ginawa ng magulang nila para hindi sila matulad sa sinapit nila. Gaya ng sinasabi sa Psalm 78:
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob. Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak, 6 upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak. 7 Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos, 8 upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya. (Psa 78:5-8 ASD)
At itong book of Numbers ay isinulat hindi lang para sa mga susunod na henerasyon ng Israel, kundi para rin sa ating mga Kristiyano ngayon. Sabi ni Pablo tungkol dito, “Ang mga bagay na ito’y naganap bilang halimbawa para sa atin, upang huwag tayong magnasa ng mga bagay na masama na gaya nila” (1 Cor 10:6 AB). Itong “halimbawa” ay galing sa Greek na tupos na ibig sabihin ay “example” o “type” o “pattern.” Pagkatapos ay binanggit ni Paul sa verses 7-10 ang mga nangyari sa Exodus 32 (yung pagsamba nila sa gintong baka), Numbers 25 (sexual immorality at idolatry na ikinamatay ng libu-libo), at Numbers 21 (sa pagrereklamo nila na ikinamatay ng marami). Sabi pa ni Paul, “Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pangaral sa atin na dinatnan ng katapusan ng mga panahon” (v. 11 AB). Ito rin ay para “sa atin” ngayon.
A. Structure of Numbers
Malinaw sa overall structure ng Numbers na isa ito sa pangunahing tinutumbok: na itong second-generation ay huwag tumulad sa bad example ng first-generation. Mahahati ito sa three major sections. Ang unang ten chapters ay tungkol sa paghahanda ng Diyos para sa first-generation army (Num 1-10), para handa sila lumaban sa mga kaaway na haharapin nila sa paglalakbay at pagpasok sa lupang pangako. Ang gitnang section (Num 11-25) ay tungkol sa kabiguang sinapit nitong first-generation. Ang huling eleven chapters naman (Num 26-36) ay sa paghahanda na ng Diyos sa second-generation army, para hindi sila mabigo na tulad ng naunang henerasyon.
Tingnan lang natin sandali ang bawat isa sa tatlong major sections na ‘to. Ang una ay sa paghahanda ng Diyos sa first-generation army ng Israel (Num 1-10). Ito yung mga utos ng Diyos sa kanila habang nakakampo pa sila sa Mt. Sinai na kailangan nilang gawin para ihanda ang buong bansa sa pakikipaglaban: God’s holy nation for God’s holy war. Take note na paulit-ulit na binabanggit dito ang pagsunod nila sa utos ng Diyos sa kanila (Num 1:54; 2:34; 3:39, 51; 4:49; 5:4; 9:23). So far, so good.
Sa chapter 1 ay ang first census, ang utos ng Diyos na bilangin ang lahat ng lalaki na nasa edad na para lumaban, 20 years old pataas (Num 1:3). Tribe by tribe ang census ng lahat ng pwede nang lumaban sa digmaan. Pero hindi kasama ang mga Levites (Num 1:47-54) dahil sila ang magsisilbi sa mga gawain sa tabernacle at magbabantay dito para walang sinuman ang maparusahan ng Diyos (v. 53).
Ang chapter 2 ay tungkol sa pagsasaayos ng kampo. Nakapalibot ang bawat tribo sa tabernacle na nasa gitna. Ang nasa unahan naman ay ang lipi ni Judah (Num 2:3), na siyang lahing pinagmulan ni Cristo.
Ang chapters 3 to 4 ay tungkol sa pagbilang sa mga Levites at ang tungkulin nila. Ang mga Levita ay pinili ni Yahweh “bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila’y para sa akin” (Num 3:12, 45), na ang tinutukoy ay ang huling salot sa Egipto na siyang pumatay sa lahat ng panganay nila (Num 3:13).
Ang chapters 5 to 9 ay tungkol na sa paghahanda sa holy war. Kailangan ng holy people para sa holy war ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway. So nandito yung mga utos tungkol sa consecration, confession ng kasalanan, at dedication ng sarili para sa Diyos. Binanggit ulit dito yung kahalagahan ng tungkulin ng mga Levita para bantayan at panatilihin ang kasagraduhan ng tabernacle. Sila’y maglilingkod “sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila’y lumapit sa santuwaryo” (Num 8:19). Ang dulo nito ay tulad ng dulo ng Exodus, may ulap na tumakip sa tabernacle, na nagpapaalala sa kanila ng katiyakan na kasama nila ang presensya ng Diyos sa paglalakbay at pakikipaglaban. Yun ay habang sila ay sumusunod sa mga utos ni Yahweh.
Sa chapter 10 ay makikita ang pag-alis na nila sa Mt. Sinai na nakaporma sa pakikipaglaban o battle formation. Merong blowing of trumpets (Num 10:1-10). Nangyari ito 2nd year, 2nd month, 20th day pagkatapos na sila’y lumabas sa Egypt. Nang tumaas na ang ulap, naghanda na silang maglakbay sa unang pagkakataon matapos ang halos isang taon (Num 10:13). Ang ark of the covenant ang nasa unahan nila (Num 10:33), assurance na ang hari nilang si Yahweh ang makikipaglaban para sa kanila. Heto ang ending ng first major section ng Numbers:
Tuwing ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises: “Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin. Itaboy mo ang iyong mga kaaway at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.” At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya: “Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.” (Num 10:35-36)
Ang middle section naman ng Numbers (Num 11-25) ay tungkol na sa kabiguan o failure ng first-generation army. Mahahati ito sa dalang subsections.
Ang una ay ang sunud-sunod na salaysay ng pagrereklamo ng Israel laban kay Yahweh at kung ano ang kinahinatnang resulta nito, hindi siyempre maganda (Num 11-21). Pitong accounts ito ng pagrereklamo nila, at ang nasa gitna ang pinaka-highlight. Ang una at huli ay tungkol sa reklamo nila sa paglalakbay nila in general (Num 11:1-3; Num 21). Ang ikalawa at ikaanim ay reklamo sa pagkain (Num 11:4-35) at tubig (Num 20). Ang ikatlo at ikalima ay reklamo laban sa mga leaders nila: kay Moises (Num 12) at kina Moises at Aaron (Num 16-17). Ang ikaapat at nasa gitna nito ay ang reklamo nila tungkol na sa paglusob sa Canaan (Num 13-14). Nagpadala kasi sila ng twelve men para mag-espiya sa lupaing lulusubin nila. Pagbalik nila after 40 days, yung dalawa lang sa kanila, sina Joshua at Caleb, ang positive ang report at in-encourage ang mga tao na maghanda na na lumaban. Pero yung sampu ay negative ang mga sinabi, at yun naman ang kumalat sa kampo nila. Ang tsismis nga naman, naninira talaga! Kaya ayun, hinatulan sila ng Diyos dahil sa kawalan nila ng pagtitiwala sa kanya, at pagrerebelde laban sa kanya (Num 14:9, 11).
Ang ikalawang subsection naman nito ay nangyari habang nasa plains of Moab sila (Num 22-25). At ang hari ng Moab na si Balak ay nagbalak na sumpain sila sa pamamagitan ni Balaam na isang propeta (Num 22). Sa apat na mga oracles nito ay apat na beses din na words of blessing ang sinasabi nito, sa halip na sumpa (Num 23-24). Sa kabila ng pagpapatawad ng Diyos, pagpapala ng Diyos, patuloy pa rin sila sa pagrerebelde sa Diyos sa pamamagitan ng sexual sins sa mga babae ng Moab at pagsamba sa mga diyos-diyosan nila, na talaga namang ikinagalit ng Diyos (Num 25).
Heto na rin ang dulo ng 40 years na paikot-ikot nila sa disyerto, at namatay na ang lahat ng first-generation, except kay Joshua at Caleb. Dito na sa plains of Moab ang eksena ng ikatlo at panghuling major section ng Numbers (Num 26-36). At tulad ng unang section, ito rin ay ang paghahanda ng Diyos sa army nila, this time ay sa second-generation.
Sa chapter 26 ay ang pagbilang o census ng lahat ng lalaki na nasa edad na para lumaban.
Sa chapter 27 ay ang pag-aalagang ginawa nila sa mga babaeng naubusan na ng mga lalaki sa pamilya nila (Num 27:1-11), kasama ang paghirang kay Joshua para pumalit kay Moses (Num 27:12-23).
Sa chapters 28 to 30 ay nakasulat ang mga gagawin nilang pagkakaloob at pagtatalaga, offerings and vows.
Sa chapter 31 ay makikita ang patikim ng tagumpay na ibinigay ng Diyos sa kanila laban sa Midian, bilang paghihiganti ng Diyos sa kanila.
Sa chapter 32 ay ang kasunduan pagkatapos magkaroon ng misunderstanding ang ibang lipi sa dalawang lipi nina Reuben at Gad na eventually ay nag-settle sa Transjordan, o yung lupain sa kabila ng Jordan River.
Sa chapter 33 ay ang report ng kanilang naging journey mula sa Egypt papunta sa Canaan (Num 33:1-49) at ang huling tagubilin ni Moises sa kanila (Num 33:50-56).
Ang huling tatlong chapters nito, chapters 34 to 36, ay tungkol na sa kung paano paghahati-hatian ang lupain kapag nakapasok na sila.
B. Theology of Numbers
‘Yan ang overview ng content ng book of Numbers. Ang mas mahalagang tanong sa atin ay ito: Ano ngayon ang nais ituro sa atin ng Diyos dito? Merong mahahalagang theological themes ang lumalabas sa story nito. Tulad ni Paul, pati ang sumulat ng Hebrews ay ginamit ang istoryang ito sa book of Numbers sa chapters 3 to 4 para ituro sa atin na ito ay nagsisilbing pattern din para sa intensyon ng Diyos para sa atin ngayon. Paulit-ulit niyang binanggit ang Psalm 95:7-11, dito na nagpapaalala sa mga sumunod na henerasyon ng Israel na makinig mabuti sa salita ng Diyos para hindi sila matulad sa first-generation Israel na hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Meron ding warning sa atin, “Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy” (Heb. 3:12 MBB).
Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba’t ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba’t sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang?…19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya. 4:1 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo’y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. (Heb 3:16, 17, 19; 4:1 MBB)
May warning at baka hindi tayo makapasok sa kapahingahang iyon. So ano ang dapat nating gawin? “Kaya’t sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya” (Heb 4:11). In line with that, heto ang key questions na dapat nating sagutin, na masasagot sa Numbers: Paano natin maiiwasan ang kapahamakang sinapit ng mga nauna sa atin? Paano natin makakamit ang kapahingahang inihanda ng Diyos para sa atin?
Isaalang-alang mo ang kahalagahan ng kabanalan at pagsunod.
Mahalaga ang pamumuhay nang may kabanalan at pagsunod sa lahat ng mga utos ng Diyos. Hindi ito isang maliit na bagay. Hindi ito optional. Mula pa sa Exodus, pati sa buong Leviticus, ‘yan na ang nakita natin. Totoo ngang hindi naligtas ang mga Israelita, o sinumang tao, dahil sa kanilang sariling kabanalan at pagsunod—dahil makasalanan at mga nagrebelde tayo sa pagsuway sa mga utos ng Diyos. Pero hindi nangangahulugang hindi na mahalaga ang kabanalan. Pagkatapos silang iligtas sa pagkakaalipin sa Egipto, sinabi ng Diyos pagdating nila sa Mt. Sinai, “Kaya’t ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan…Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa” (Ex 19:5-6 AB). “Panatilihin ninyong malinis ang inyong sarili (“be holy”), sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal” (Lev 11:44 MBB).
Kaya sa first ten chapters ng Numbers ay continuation din ng mga sinabi ng Diyos para ihanda sila sa pakikipaglaban sa kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kinakailangan para sa kanilang kalinisan at kabanalan. Sa chapters 4-5 ay ini-stress na lahat ng nasa kampo, pati ang kanilang mga relasyon sa kanilang asawa, ay dapat na malinis. Merong special instructions para sa mga tinatawag na Nazirites sa chapter 6, na ang ibig sabihin ay “siyang inihiwalay o itinalaga.” Sila yung “inilaan ang [kanilang] sarili kay Yahweh” (Num 6:2). Sinabi ni Mark Dever na itong mga Nazirites ay “functioning as a mobile sign and reminder to the Israelite people about how God has set the whole nation apart” (Dever, The Message of the Old Testament, p. 133). Maging ang ilalagay nila sa damit nila ay nagsisilbing reminder na ito ang gusto ng Diyos para sa kanila as a holy nation bilang tugon sa pagliligtas sa kanila ng Diyos:
“Sabihin mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo’y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos. (Num 15:37-41)
Kaya detalyado rin ang mga instructions tungkol sa duties ng mga Levites at mga priests at ang gagawin para sa purification rituals sa chapters 18 at 19. “Sinumang itinuturing na marumi ngunit hindi maglinis sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay mananatiling marumi. Ititiwalag siya sa sambayanan sapagkat dinudungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh” (Num 19:20). Sa pagsunod sa Diyos ay naging bad example ang first generation, maliban kina Joshua at Caleb na good examples.
Dahil doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya’t isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb…at kay Josue…sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. (Num 32:10-12)
Sa atin ding mga Kristiyano ngayon, isaalang-alang natin ang kahalagahan ng kabanalan at pagsunod bilang tugon sa pagliligtas ng Diyos sa atin. “Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos” (Mat 5:8). “Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito” (Heb 12:14). Hindi nga tayo naligtas dahil sa ating kabanalan, kundi ang sinumang nagtamo ng kaligtasan ay mamumuhay nang may kabanalan…hindi perpektong kabanalan, pero lumalago sa paglakad sa kabanalan.
Isaalang-alang mo ang kasamaan ng pagrereklamo at di-pagtitiwala sa Diyos.
Sa Exodus pa lang, sa simula pa lang ng journey nila ay nagreklamo na sila sa Diyos tungkol sa pait ng tubig sa disyerto (Ex 15:22-27) at tungkol sa kakulangan ng pagkain (Ex 16) at inumin (Ex 17:1-7). Ang puso nilang mareklamo ay hindi nagbago all throughout their 40-year journey sa wilderness. Sa Numbers 11-21 ay pitong eksena ng pagrereklamo ang makikita natin—perfect number 7! Sample cases lang ‘yan malamang. At ito yung dahilan kung bakit nakakainis basahin ‘tong middle section ng Numbers. Dahil ang salita ng Diyos ay parang salamin na ipinamumukha sa ‘yo na ito eksakto ang lagay ng puso mo sa Diyos—tulad ng mga reklamador na mga Israelita.
At ang tingin natin sa pagrereklamo ay maliit na bagay lang kung ikukumpara sa ibang kasalanan. Maliit nga ba? Ang reklamo nila tungkol sa pagkain at inumin ay reklamo laban sa Diyos na sa tingin nila ay nagkukulang sa pagbibigay ng kailangan nila. Ang reklamo nila laban sa mga leaders nila na sina Moses at Aaron ay reklamo laban sa Diyos na sa tingin nila ay nagkamali sa pagbibigay sa kanila ng leaders na kailangan nila. Ang reklamo nila sa hirap ng paglalakbay nila ay reklamo laban sa Diyos na sa tingin nila hindi mabuti at hindi tapat sa kanyang pangako. Bulung-bulungan nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya’y sa ilang kaysa tayo’y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa’t mga anak. Mabuti pa’y bumalik na tayo sa Egipto” (Num 14:2-3). Sabi ng Diyos, “Hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik?” (Num 14:27). Itinuturing ng Diyos maging ang pagrereklamo nila sa leader nila na paghihimagsik laban kay Yahweh (Num 16:30).
Ang pagrereklamo ay unbelief o di-pagtitiwala sa Diyos. Ito ay pagdeklara sa puso natin na hindi maaasahan ang Diyos, hindi mabuti ang Diyos, hindi tapat ang Diyos, hindi sulit ang sumunod sa salita ng Diyos. Sa ilalim ng pagrereklamo natin ay ang kawalan ng kasiyahan sa Diyos at sa mga ibinibigay ng Diyos sa atin. In fact, ang nasa ugat ng mga kasalanan natin ay ang lack of satisfaction sa Diyos na siyang mabuti, perfectly good for us. Kaya i-consider natin kung gaano kalala, kung gaano kasama ang pagrereklamo at di-pagtitiwala sa Diyos. Kung ganun, heto ang karugtong niyan…
Isaalang-alang mo ang trahedyang kahihinatnan ng kasalanan.
Hindi natuwa ang Diyos sa unang pagrereklamo nila. Nagalit siya at pinaulanan ng apoy ang ilang bahagi ng kampo nila (Num 11:1). Nang magreklamo na sila sa pagkain na sawang-sawa na silang kainin, nagalit ang Diyos (Num 11:4-10), at pinadalhan nga sila ng pagkain na gusto nila araw-araw hanggang magsuka na sila sa pagkain nito (Num 11:18-20). Nang magreklamo laban kay Moises ang mga kapatid niyang sina Aaron at Miriam, dahil siguro sa inggit sa kanya (Num 12:1-2)—“Sana all”—nagalit ang Diyos at namuti ang balat ni Miriam na parang may ketong (Num 12:9-10). Nang pangunahan nina Korah, Dathan at Abiram ang pagrereklamo laban kay Moises, andun na naman ang inggit sa mataas na posisyon na meron si Moises, bumuka ang lupa at nilamon sila kasama ang mga kapamilya at kagrupo nila, 250 ang namatay sa apoy na pinadala ng Diyos (Num 16:31-35). Kinabukasan, hindi pa sila nadala, buong kongregasyon na ang nagreklamo kina Moises at Aaron, kaya sa galit ng Diyos ay nagpadala siya ng salot na ikinamatay ng 14,700 sa kanila (Num 16:41-49). Eventually, ang judgment na ito ng Diyos sa pagrereklamo at unbelief nila ay hindi lang sa iilan, kundi sa buong first generation. Sabi ng Diyos, “Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. Ang mga anak ninyo’y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya” (Num 14:32-33).
Ang kabayaran ng kasalanan, na ang ugat ay ang “hindi pagsampalataya” sa Diyos, ay kamatayan (Rom 6:23). May signage sa maluwang na Commonwealth Avenue: “Babala: Nakamamatay ang pagtawid dito.” Deadma naman ang ibang tao, tawid pa rin. Naglagay na ng sign: “Babala: May namatay na dito.” Ito rin ang sign na nakasulat sa book of Numbers: Nakamamatay ang pagrereklamo at di-pagtitiwala sa Diyos. May namatay na dito. More accurately, marami na ang namatay dahil dito. Ang pinakamatinding kalaban ng mga Israelita ay hindi ang mga Amalekites, Edomites, o Canaanites na nakatira sa mga lupaing daraanan nila, kundi ang nakatirang kasalanan na nasa puso nila. And it is the same with us. Our greatest problem is not outside of us, but the sin of unbelief lurking inside our hearts. So…
Pagsisihan at ihingi mo ng tawad sa Diyos ang iyong di-pagtitiwala sa kanya.
Malupit ang pagpaparusa ng Diyos dahil malala ang kasalanan natin bilang paghihimagsik laban sa kanya. Gayunpaman, our sins they are many, his mercy is more. Ipinamumukha sa atin ng Diyos ang laki ng kasalanan natin at ang tragic consequences ng kasalanan to move us toward repentance. Hangga’t may panahon pa, ‘wag mo nang ipagpaliban pa ang paghingi ng tawad sa Diyos. Aminin mong naging unfaithful ka, aminin mong di ka nagtiwala sa Diyos, aminin mong hinanap mo sa iba ang kasiyahang sa Diyos lang matatagpuan, aminin mong mas sinunod mo ang gusto ng puso mo kaysa sa nais ng Diyos, aminin mong sumuway ka sa utos ng Diyos, aminin mong rebelde ka na nararapat parusahan. Then, appeal for his mercy and forgiveness. Tulad ng prayer ni Moises:
Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, “Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan…Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila’y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala. (Num 14:17-19)
Humingi ka ng tawad sa Diyos dahil siya’y mayaman sa awa at sa pagpapatawad. Ang mga nangyari dito sa book of Numbers ay panawagan sa ating lahat na magsisi at sumampalataya. Kaya…
Ilagak mo ang tiwala mo sa Diyos na palaging tapat sa pagtupad sa kanyang mga pangako.
Hindi nakapasok ang first generation sa Promised Land hindi dahil unfaithful ang Diyos. Sila ang unfaithful. God is always faithful to his promises. Sinabi niyang sasamahan sila ng presensya ng Diyos sa buong paglalakbay nila—para gabayan sila, para ipaglaban sila, yun nga ang ginawa ng Diyos. Binigyan sila ng Diyos ng patikim ng mga tagumpay laban sa kanilang kaaway para lalo pa silang magtiwala sa kanya: laban sa hari ng Arad, kay Haring Sihon, at kay Haring Og (Num 21:1-3; 21:21-35). Nang pasumpain sila ni Haring Balak sa pamamagitan ni Balaam, puro pagpapala ang lumalabas sa bibig nito:
Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain? Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?…Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao. Anumang sabihin niya’y kanyang gagawin, kung mangako man siya, ito’y kanyang tutuparin. Ang utos sa akin, sila’y pagpalain; ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin….Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala; susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa. (Num 23:8, 19, 20; 24:9)
Consistent ito sa pangako ng Diyos kay Abraham, “Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami. Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain, at ang sa iyo’y sumumpa ay aking susumpain; sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain” (Gen 12:2-3). Ang hangad ng Diyos ay pagpalain sila at hindi sumpain. Kaya ganito ang priestly blessing para sa kanila: “Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh; kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh; lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh” (Num 6:24-26). Hindi maikli ang kamay ng Diyos. Kung ano ang sinabi niya, yun ang gagawin niya (Num 11:23). Faithful ang Diyos na parusahan ang hindi nagtitiwala sa kanya. Faithful siya na iligtas ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. “If we are faithless (tulad ng first generation), he remains faithful (tulad ng pinakita niya sa Numbers, at sa buong Bible!)—for he cannot deny himself” (2 Tim 2:13).
Tingnan mo ang itinalagang paraan ng Diyos para sa iyong kapatawaran, kaligtasan, at kagalingan—walang iba kundi si Jesus.
Alam na natin, mula pa sa Exodus at Leviticus, at sa series natin sa Hebrews, na ang roles ng mga pari para mag-serve sa tabernacle, at mag-alay ng mga sacrifices at offerings, at mag-perform ng mga purification rites, ay nagtuturo sa atin sa great high priest and atoning sacrifice na si Cristo. Makikita rin ito sa book of Numbers, especially chapters 3, 4, 7, and 8. At sa zeal na ipinakita ni Phinehas, apo ni Aaron, sa chapter 25, kaya nahinto ang salot na pumatay sa 24,000 sa kanila (Num 25:7-9).
Prominent din dito ang role ni Moises bilang mediator between God and Israel every time na nagrereklamo sila. Dahil sa prayer niya, humupa ang apoy na pinadala ng Diyos (Num 11:3), gumaling ang sakit ni Miriam (Num 12:13-15), pinatawad sila ng Diyos (Num 14:20), at nahinto ang salot (Num 16:48). Kaya naman pinagalitan ng Diyos sina Aaron at Miriam nang magsalita sila laban kay Moises: “He is faithful in all my house” (Num 12:7). Pero si Jesus ay “worthy of more glory” kaysa kay Moises (Heb 3:3). Si Jesus ay perfectly faithful, hindi tulad ni Moises. Sa ikalawang reklamo pa lang ng mga Israelita sa book of Numbers, nasubok na agad ang pasensya ni Moises. Sinabi niya sa Diyos, “Galit ba kayo sa akin? Ako ba ang mag-aalaga sa kanila? Napakabigat ng pasaning ito!” (see Num 11:11-15). Tapos dun sa ikaanim na reklamo, walang mainom ang mga tao. Sabi ng Diyos sa kanya, na magsalita siya sa bato para lumabas ang tubig (Num 20:8). Pero sa galit niya sa mga tao, dalawang beses na pinalo ni Moises ang bato ng tungkod niya (Num 20:10-11). Pinagsabihan ng Diyos si Moises at si Aaron na kulang ang tiwala nila sa kanya, kaya pareho silang hindi rin nakapasok sa lupang pangako (Num 20:12).
Kung si Moises nga na appointed na mediator ng Israel ay hindi nakapasok sa promised land, anong pag-asa meron ang bawat isa sa atin para makapasok sa kapahingahan ng Diyos? Baka in our despair dahil sa kalagayan natin, matulad tayo sa damdamin ng mga Israelita, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat!…mamamatay kaming lahat!” (Num 17:12-13). No, hindi lahat. Sa huling reklamo nila dito, pinadalhan sila ng Diyos ng ahas na tumuklaw sa marami sa kanila, na ikinamatay nila (Num 21:6). Inamin nilang nagkasala sila kay Yahweh, lumapit sila kay Moises, at nanalangin si Moises kay Yahweh. Sinabi ng Diyos na gumawa siya ng bronze serpent, isabit sa dulo ng isang mahabang kahoy, at sinumang natuklaw ng ahas ay tumingin doon para hindi mamatay. May mga namatay, pero lahat ng natuklaw ng ahas na tumingin sa bronze serpent ay hindi nga namatay tulad ng sabi ng Diyos (Num 21:7-9).
Lahat tayo ay makasalanan, mamamatay rin dahil sa kamandag ng ahas. Meron lang isang paraan—only one way—para tayo’y mabuhay. Si Cristo lang. So we look to Christ para sa ating kapatawaran, kaligtasan, kapahingahan, at kagalingan:
At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (John 3:14-16)
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

