“Ang pagiging halimbawa ay hindi ang pangunahing bagay sa buhay—ito ang natatanging bagay.” Sa pamamagitan ng pangungusap na ito ay malinaw na ipinahayag ng kilalang medical missionary at author na si Albert Schweitzer ang kahalagahan at kapangyarihan ng halimbawa. Gaano karami sa atin na nagbabasa nito ang naimpluwensyahan ng nakita nating buhay ng ilang pastor, elder, o ibang Kristiyano. Kung babanggitin ko ang “isang faithful na pastor,” sino ang pumapasok sa isipan mo? Kung babanggitin ko ang “isang faithful na Kristiyano,” sino ang naiisip mo?
Siyempre, ang sinabi ni Schweitzer ay exaggerated. Maraming bagay ang kabilang sa isang faithful na buhay, pero ang lahat ng ito ay nakapaloob sa isang halimbawa na ipinapakita ng isang tao.
Ang “mentoring” at “formation” ay parang bagong mga konsepto, ngunit hindi naman. Parang ang mga konseptong ito ay nasa isip na ng Diyos nang tayo’y kanyang nilikha. Ginawa niya tayo sa wangis niya. Tayo ay dapat na sumunod sa halimbawa niya, at gayahin ang kanyang karakter. Sa pagkakatawang-tao ni Cristo, dumating ang Diyos sa laman upang maunawaan at maka-relate tayo sa kanya, at, gaya ng sabi ni Pedro, “nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan” (1 Pedro 2:21 MBB).
Nagagawa din nating makibahagi sa ministeryo ng pagiging halimbawa at pagsunod sa mga halimbawa. Nilikha ng Diyos ang mga tao para maipanganak at mag-mature kasama ang ibang mga tao sa kanilang pamilya. Hindi tayo mga produkto lamang ng ating mga sarili. Hindi rin tayo sa isang iglap ay bigla na lang nagiging matured. Plano ng Diyos na maging parte sa paglaki ng tao ang mapagmahal na mga magulang.
Ganito rin ang paraan ng Diyos sa pagpapakilala niya ng kanyang sarili sa mundong makasalanan.
Plano ng Diyos na maging parte sa paglaki ng tao ang mapagmahal na mga magulang.“
Mark Dever
Sa Old Testament, tinawag ng Diyos si Abraham at ang kanyang angkan na maging banal, espesyal, at kakaibang mga tao sa mundo. Kinakailangan nilang maging espesyal upang ang mundo ay magkaroon ng larawan ng isang lipunang salamin ng karakter ng Diyos—na isinasabuhay ang kanyang mga nais at pagpapahalaga. Nang sabihin ng Diyos sa kanila sa Levitico 19, “Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal,” hindi niya ‘to sinasabi lamang sa isang indibidwal, kay Moises o Aaron o Josue. Tiyak na sila ang kinakausap niya, ngunit makikita natin sa Levitico 19:1 na tinuturuan mismo ng Diyos si Moises na sabihin ito sa kapulungan ng Israel. Ang mga utos na ibinigay niya sa kanila ay maraming kinalaman sa mga relasyon, sa pagiging patas, sa hustisya, at sa pakikipag-ugnayan. Kanyang ipinapakita na habang ang mga taong ito ay nagmamalasakit sa isa’t isa—para sa mga taong ligaw at ibang nawawala, para sa mga estranghero at mga bata—kanilang maipapakita ang karakter ng kanilang makatarungan at mahabaging Manlilikha.
Ang kabiguan ng Israel sa ministeryong ito ng pagiging modelo sa iba ay ang isa sa mga mabibigat na paratang ng Diyos laban sa kanilang bayan sa Old Testament. Kaya’t sa Ezekiel 5, ang naging papel ng Israel ay magturo sa ibang bayan ng maling halimbawa. “Sinabi ng Panginoong Yahweh, ‘Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa… Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito’” (5:5, 14–15). Paulit-ulit sa Ezekiel, sinasabi ng Diyos na ang ginagawa niya sa Israel ay para sa kapakanan ng kanyang sariling pangalan, iyon ay, para ang katotohanan tungkol sa kanya ay malaman ng mga tao sa mundo.
Ang sama-samang patotoo na ito sa kanyang sarili ay ang layunin din ng Diyos para sa church sa New Testament. Sa Juan 13, sinabi ni Jesus na malalaman ng mundo kung sino ang kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ni Cristo. Isinulat ni Pablo sa church sa Efeso, “Dati, kayo’y nasa kadiliman, ngunit ngayo’y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo’y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag” (Efe. 5:8). Gamit ang indibidwal nating buhay bilang mga Kristiyano, at kasama ng mas malaking epekto ng pinagsama-samang buhay bilang mga churches, ating iniaangat ang liwanag ng pag-asa ng Diyos dito sa mundong madilim at nangangailangan ng pag-asa.
Sa pamamagitan ng ating buhay bilang mga Kristiyano, tinuturuan natin ang isa’t isa at ang mga nakapaligid sa atin tungkol sa Diyos.
Kung minamahal natin ang isa’t isa, ipinapakita natin kung paano ibigin ang Diyos. At sa kabilang banda, “Kung sinasabi ng sinuman, ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita” (1 Juan 4:20). Sa ating kabanalan, ipinapakita natin ang kabanalan ng Diyos. Tayo ay tinawag na magbigay sa mga tao ng pag-asa na mayroon pang ibang paraan ng pamumuhay kaysa sa makasariling pamumuhay na ineenganyo tayong gayahin ng ating makasalanang pagkatao at ng mundo.
Tayo ay tinawag na magbigay sa mga tao ng pag-asa na mayroon pang ibang paraan ng pamumuhay kaysa sa makasariling pamumuhay na ineenganyo tayong gayahin ng ating makasalanang pagkatao at ng mundo.
Mark Dever
Mga kapwa pastor at elder, ano ang itinuturo ng mga churches natin tungkol sa Diyos sa mundong nagmamatyag sa atin?
Tinuturo ba natin na ang Diyos ay para lamang sa lahi natin? Tinuturo ba natin na ayos lang sa Diyos ang kasalanan, kawalan ng katapatan, makasariling pamumuhay na walang saysay at punô ng pakikipagtalo? Gaano kaseryoso nating pinapangunahan ang church natin na gawin ang mahalagang tungkulin at pribilehiyo ng pagiging halimbawa ng karakter ng Diyos sa kanyang mga nilikha?
Napakalaking pribilehiyo ang ibinigay sa atin ng Diyos, ngunit parang napakaliit ng ating konsiderasyon dito. Iniisip natin na basta maraming tao ang nadadala natin sa church ay wala na tayong responsibilidad sa mga miyembro ng church. Pero anong patotoo ba ang ipinapakita ng mga taong ito ngayon? Gaano karaming masasamang patotoo nila ang kailangan mong pagsumikapang mapagtagumpayan upang makita ng mga tao ang mabuting patotoo na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga tunay na Kristiyano at ipinapakita ito.
Ang pagsasagawa ng church discipline ay hindi talaga para ipakita na tama tayo o bilang kaparusahan. Si Lord na ang bahala pagdating sa ganito, hindi tayong mga makasalanan na pinatawad lang din ng Diyos (Deut. 32:35; Rom. 12:19)! Ngunit mayroon tayong alalahanin na maging mabuting patotoo sa iba sa kung sino ang Diyos.
Kailangan natin maging huwaran sa ating pamumuhay at pag-uugali. Napansin mo ba sa pastoral epistles, tila inaalala ni Pablo kung ano ang magiging reputasyon ng isang elder sa mga hindi mananampalataya? Habang maraming rason para rito, tiyak na ang isa rito ay kung paanong ang elder ay isang representative ng church sa mundo. Kaya’t dapat na maging ganito rin ang kabuuan ng church. Kaya labis ang pagkagalit ni Pablo sa 1 Corinto 5. At napansin mo ba kung sino mismo ang pinagalitan ni Pablo? Hindi niya pinagsabihan ang taong nagkasala ng imoralidad; kundi mahigpit niyang sinaway ang church na pinabayaan ang ganitong pagkakasala sa mga miyembro nito!
Alam natin ang malungkot na katotohanan na ilan sa atin ay ipapamalas ang kanilang pagiging ligaw sa kasalanan, kahit na naging mabuti ang kanilang pahayag ng pananampalataya sa umpisa. Nagtitiwala tayo na may ilan sa kanila na magsisisi at babalik. Ngunit hindi natin dapat isipin na kaligtaan ng church ang responsibilidad nitong maging mabuting representasyon ng Diyos sa pagtayo sa kabanalan at laban sa kasalanan. Ito ang issue—sobrang kagaya ng idolatry na kasalanan ng Israel sa Old Testament—ito ang focus ni Pablo sa kanyang mahigpit na pagsaway sa church sa Corinto.
Mga kaibigan, ano kaya ang masasabi ni apostol Pablo sa ating mga churches? Gaano ba karaming hindi pagdalo ang pababayaan lang natin sa ngalan ng pag-ibig? Gaano karaming pangangalunya o unbiblical divorce ang hahayaan lang natin at hindi papansinin sa ating mga churches, ngunit sumisigaw ito sa mundo, na sinasabi, “Hindi naman naiiba ang aming pamumuhay sa kanila”? Gaano karaming mga taong nagdudulot ng pagkakahati-hati ang hahayaan lang nating sirain ang church sa mga maliliit na isyu, o gaano karaming false gospels ang hahayaan lang natin na maituro?
Mga mahal kong kapatid, kung binabasa mo ito at ikaw ay isang pastor, elder, leader, teacher, o miyembro ng isang church, isipin mong maigi ang malaking responsibilidad na mayroon tayo. Isaalang-alang mo kung paano natin maipapahayag nang mabuti ang Diyos—ito ba ay sa hindi pagpansin sa kasalanan sa ating kalagitnaan, o sa mahinahong pagkilos upang ibalik sa katuwiran ang mga nahuli sa pagkakasala, gaya ng sinabi ni Pablo sa Galacia 6:1? Alin kaya rito ang mas sinasalamin ang Diyos na ating sinasamba? May pagkakataon ba sa Bibliya na itinago ng Diyos sa likuran ng kanyang habag ang kanyang kabanalan? Paano kaya sa kanyang church? Paano ang ating pangangasiwa sa ganitong sitwasyon?
Isaalang-alang mo kung paano natin maipapahayag nang mabuti ang Diyos—ito ba ay sa hindi pagpansin sa kasalanan sa ating kalagitnaan, o sa mahinahong pagkilos upang ibalik sa katuwiran ang mga nahuli sa pagkakasala?
Mark Dever
Bigyang pansin mo kung anong halimbawa ang naipapamalas mo sa mga nakapaligid sa ‘yo. May malaking plano ang Diyos para sa kanyang mga anak at sa kanyang mundo; tinatawag niya tayo na ipakita ito sa kanila sa pamamagitan ng ating mga salita at pamumuhay. Ginagawa mo ba ito?
Nawa’y tulungan ng Diyos ang bawat isa sa atin na maging tapat sa dakilang pagtawag niyang ito.
By: Mark Dever, senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington D.C., at ang President ng 9Marks
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.
Like this:
LikeLoading...
Related
Published by Jowinik Bautista
I am a follower of God and a weak sinner in pursuit of joy in Christ. I am also a grateful member of a loving family, Baliwag Bible Christian Church, where I serve as a deacon of the Young People’s Disciplemaking Team. With the support of God-centered mentors, I have been graciously given the opportunity to attend Doulos School of Ministry and the Center for Pastoral Training which equipped me to study, teach, and preach the Word of God with Christ and the gospel at its center for the glory of God and the good of His people.
View all posts by Jowinik Bautista