Introduction: “Mas Mabuti Pang ‘Wag Mag-asawa”

‌Ito na ang pangatlong sermon natin sa “Usapang Pamilya.” Sa nakaraang dalawang bahagi nito ay nakita natin ang ganda at hirap ng pag-aasawa. Maganda dahil maganda ang disenyo ng Diyos dito. Mahirap dahil sa kasalanan ng tao na sumisira sa magandang disenyo ng Diyos.

‌Merong ilan sa inyo ang hindi mapakali habang nakikinig noong nakaraang sermon. Ang iba sa inyo ay umamin sa akin na gusto nang magwalk-out sa kalagitnaan ng sermon! Thank you for your honesty. Mahirap naman talagang pag-usapan ang mga problema sa relasyon. Pero alam naman nating kailangang pag-usapan. At hindi lang pag-usapan, kundi intindihing mabuti kung ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol doon. Mahirap din naman para sa akin na mag-preach tungkol sa mga bagay na ‘to. Kasi nga, sobrang personal, hindi lang para sa inyo, kundi para rin sa aming mag-asawa.

‌Dahil maganda ang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa kaya natural sa mga tao na gustong makapag-asawa. At dahil mahirap din ang buhay may-asawa, kaya may mga singles na gusto mang mag-asawa pero natatakot at nagdadalawang-isip. May mga may-asawa na para bang nagsisisi na’t bakit pa napasok ang magulong buhay. May mga dating may-asawa pero wala na ngayon na nakakahinga na nang maluwag, “Haay, buti na lang at wala na ‘kong asawa.”

‌Naiintindihan natin kung bakit ang mga taga-Corinto ay sumulat kay Pablo tungkol sa mga bagay na ito, at ganoon din naman ang sinabi sa kanila ni Pablo, “Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa” (1 Cor. 7:1 ASD). At dito naman sa teksto natin sa Matthew chapter 19, pagkatapos marinig ng mga disciples ang sagot ni Jesus sa mga tanong ng mga Pariseo tungkol sa paghihiwalay ng mag-asawa—“ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6 MBB)—“Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa [napakahirap, wala nang kawala!], mabuti pang huwag nang mag-asawa” (Mat. 19:10).

‌Sang-ayon ka ba sa konklusyon ng mga disciples ni Cristo? Tama ba ang konklusyon nila? Mabuti nga ba na ‘wag na lang mag-asawa kaysa naman pasukin ang pag-aasawa at harapin ang napakaraming problema na hindi mo alam kung paano masosolusyunan o matatakasan? Well, depende ang sagot. Kung paanong pwedeng mag-asawa ang isang tao for self-centered reasons, pwede ring iwasan ng isang tao ang pag-aasawa o hiwalayan ng may-asawa ang kanyang asawa for self-centered reasons.

‌So, kailangang remedyuhan ang pananaw natin sa kalagayan sa buhay o relasyon kung paanong masasabing ito ay “mabuti.” Hindi tayo o ang kultura natin ang huhusga—ang final judge—para sabihin kung ano ang mabuti o masama. Alam n’yo kung bakit ipinagbawal ng Diyos kina Adan at Eba ang pagkain sa Tree of the Knowledge of Good and Evil, at pumasok nga ang kasalanan at lahat ng problema sa relasyon natin sa Diyos at sa ibang tao dahil doon? Dahil nga wala tayong karapatang husgahan ang isang bagay kung mabuti ba ito o masama nang nakahiwalay sa paghusga ng Diyos ayon sa nakasulat sa kanyang Salita.

‌Kaya very crucial na sa Salita ng Diyos tayo pupunta palagi, anuman ang issue, anuman ang problema, anuman ang kailangan nating malaman sa buhay. Ganito ang tatakbuhin natin ngayon sa pagtalakay sa sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mga “walang asawa.” Kung may asawa ka, makinig ka ring mabuti. Hindi naman kasi forever na may asawa ka, at makakatulong din ito sa pagpapalaki mo sa mga anak mo, at pakikitungo sa mga singles sa church. Ang Salita ng Diyos ngayon ay para sa lahat sa atin, may asawa man o wala.‌

Una, titingnan natin kung paano ina-affirm ng Diyos na mabuti ang pag-aasawa.‌

Ikalawa, titingnan natin kung paano ina-affirm din ng Diyos na mabuti ang pagiging single.‌

Ikatlo, pag-uusapan natin bahagya kung paano natin sasagutin ang tanong na, “Ano ngayon ang mas mabuti—ang pag-aasawa o ang pagiging single?”‌

Ikaapat, titingnan natin ang tatlong klase ng mga walang asawa ayon sa sinasabi ng Panginoong Jesus tungkol sa mga “eunuko” sa Matthew 19:12.‌

Panghuli, titingnan natin ang ilan sa mga paraan kung paano yayakapin ang “goodness” ng pagiging single na nakakabit sa kaharian ng Diyos.

‌I. Mabuti ang Pag-aasawa‌

Kung mayroon kayong mga magulang na nakita ninyong palaging nag-aaway o hindi man lang nagkikibuan o nauwi sa hiwalayan, mararamdaman din ninyo sigurong mabuti pang huwag na lang mag-asawa. Pero sa isip lang natin iyan. Iba naman ang nararamdaman natin kasi deep inside our hearts ay gusto nating maranasan ang magkaroon ng asawa. Ang Diyos din naman ang naglagay niyan sa puso natin. Marriage is good dahil, tulad ng nakita na natin sa mga unang bahagi ng series, ito ay bahagi ng magandang nilikha ng Diyos at dapat tanggapin nang may pasasalamat. Hindi dapat ipagbawal ang pag-aasawa (tulad ng celibacy rule para sa mga pari sa Roman Catholic Church) dahil “ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti” (1 Tim. 4:4). Kaya nga noong si Adan pa lang ang nilikha ng Diyos, at wala pa noon si Eba, heto ang sabi niya, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong” (Gen. 2:18). May longing o desires ang isang tao na pinupunan ng Diyos sa pamamagitang ng pag-aasawa.‌

Ang mga singles ay may mas malaking hinaharap na temptation sa sexual immorality, ayon kay Pablo (1 Cor. 7:2). Kung hindi kayang mag-control (v. 9), mainam pang mag-asawa kaysa mag-apoy ang damdamin at mahulog sa kasalanan (v. 36). Mga mag-asawa lang ang makakapag-enjoy sa sexual pleasures sa context ng marital intimacy (vv. 3-5). Nilikha din ng Diyos ang sex sa konteksto ng pag-aasawa hindi lang para sa pleasures ng lalaki at babae kundi para rin sa pagpaparami ng mga anak. Sa pag-aasawa at pagpapamilya, natutupad natin ang tagubilin ng Diyos, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig” (Gen. 1:28). Malinaw na ina-affirm ng Diyos sa kanyang Salita na mabuti ang pag-aasawa. ‘Wag nating pagbawalan ang sinuman na mag-asawa.‌

Sa totoo lang, bihira naman ang tututol sa unang affirmation na ‘to. Hindi tulad nitong ikalawa…

‌II. Mabuti ang Pagiging Single‌

Mahirap sa atin na paniwalaan ‘yan. Isang dahilan ay ang largely negative na pagtingin sa status ng pagiging single sa kultura natin. Even sa loob ng church, even among us Christians, nandoon pa rin ang pag-iisip natin na…‌

Kapag single ka, hindi ka kumpleto. In one sense, may realidad naman, kasi nang likhain nga ng Diyos si Adan sinabi niyang, “It is not good for a man to be alone.” Kapag single ka, parang hinahanap mo ang nawawala mong tadyang. Pero ang tanong, hindi ka nga ba kumpleto pag single ka? May kulang ba sa iyo? Mga may-asawa lang ba ang makakaranas ng “completeness”?‌

Kapag single ka, hindi mo mararanasan ang “God’s best” para sa ‘yo. Wala naman masamang hintayin kung sino ang ibibigay ni Lord sa iyo. Pero yung iba controlled na ng desire nila to find “the one”! Yung sa isip n’yo, “Sino kaya ang ibibigay ni Lord sa akin?” Tapos kapag nainip na, sariling diskarte na. Kahit hindi kalooban ni Lord, kahit hindi Christian, pwede na. Ina-assume mo kasi na marriage is God’s best for you. What if being single right now (or forever) is his best for you?‌

Kapag single ka, there is something wrong with you. Sa isip at damdamin ng ibang single, “Siguro pangit ako, hindi ako singganda nila, kaya walang nagkakagusto sa akin.” Yung pakiramdam na unwanted ka o walang may gusto sa ‘yo ay talaga namang isang terrible feeling. Yung ibang lalaki naman, feeling nila they are not man enough. Iniisip tuloy ng iba, kung mas magiging maganda lang sana ako, kung mas magiging responsable lang sana ako, kung mas magiging financially stable lang sana ako. Kapag single ka ba, lalo na kung late 30s na or 40s na or 50s na, ibig sabihin ba there’s something wrong with you kaya wala ka pa ring asawa? Maybe. Maybe not.‌

Kapag single ka, hindi ka magiging masaya; miserable ang buhay mo. Maybe not for young singles, pero sa mga matanda na o sa mga nabiyuda na, nararamdaman na nila ‘to. Andun na yung feeling na, “Mas magiging masaya lang ako kung may asawa na. Mawawala lang itong kalungkutan ko, yung feeling of being alone, kung may asawa na ako. Hangga’t wala akong asawa miserable ang buhay ko.” Ang tunay na kaligayahan ba ay sa pag-aasawa natatagpuan? Totoo ngang marriage has a potential for bringing us great joy. Pero hindi ibig sabihing great joy can be found exclusively in getting married.‌

Sa pag-iisip ng marami, hindi man sabihin, pero ‘yan ang nararamdaman—na singleness is not good. Marriage is good, very good. Pero hindi automatic na ang kabaligtaran nito ay “singleness is bad.” Or at best, ang pagiging single ay paghahanda lang sa pag-aasawa. No.‌

Mabuti ang pag-aasawa, pero mabuti rin naman sa ilan ang hindi pag-aasawa. Kaya nga iminumungkahi (hindi iniuutos) ito ni Pablo sa 1 Corinto 7: “Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko…sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila’y mananatiling gaya ko” (1 Cor. 7:7-8 AB). “Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan…Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa” (1 Cor. 7:26-27). “Kaya’t ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti” (1 Cor. 7:38).‌

Bakit nasabi ni Pablo na mabuti ang hindi pag-aasawa, at sa ibang pagkakataon ay higit na mabuti kaysa pag-aasawa? Dahil sa kagipitan o kahirapan ng panahon (1 Cor. 7:26, 28). Siyempre, mas matipid, hindi mo kailangang bumili ng gatas o diaper, magpaaral ng anak, at gumastos nang malaki sa pag-upa ng bahay. Kumbaga, kung single ka, makakaiwas ka sa kabalisahan na dulot ng pagkakaroon ng asawa at mga anak (1 Cor. 7:32). Paul is speaking here on practical terms. Mas kakaunti ang iintindihin mo kung wala kang asawa. Sa totoo lang, ayon kay Pablo, mabuti rin naman ang hindi pag-aasawa.

‌III. Ngayon, Ano ang Mas Mabuti?‌

Nakita natin na ina-affirm ng Salita ng Diyos na parehong mabuti ang pag-aasawa at pagiging single. Ano ngayon ang mas mainam sa dalawa—mag-asawa o hindi na lang mag-asawa? Ang punto dito ay hindi para ikumpara kung ano ang mas mainam sa dalawang options na ‘to. Ang desisyon na mag-asawa o mag-asawa ulit pagkatapos mamatay ang asawa ay hindi base sa kung ano ang better sa pagitan ng pagiging single o sa pag-aasawa. Hindi naman ito primarily tungkol sa pagtitimbang kung ano ang mas lamang ang advantages at ano ang mas konti ang disadvantages. Na parang bibili ka ng sabong panlaba at pinipili mo kung ano ang mas maganda: Brand X o Brand Y.‌

Kaya nang sabihin ng mga disciples ni Jesus na mas mainam na lang pala na ‘wag nang mag-asawa, hindi sinabi ni Jesus kung ano ang mas mainam sa dalawa. Heto ang sabi ni Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito (tungkol sa hindi pag-aasawa) kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos” (Mat. 19:11 MBB). Hindi lahat ng tao ay matatanggap nang may kagalakan ang hindi pag-aasawa. Ang iba ay tatanggapin lang ito kasi wala naman silang choice, kasi wala namang nanliligaw sa kanila. Hindi ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ang pag-aasawa. Pero dapat nating ma-realize na ang singleness, tulad ng marriage, ay isang ring kaloob o regalo mula sa Diyos. Ang desisyon na mag-asawa ay nakasalalay sa pag-unawa sa kalooban ng Diyos para sa iyo. “Ang bawat tao’y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito’y hindi pare-pareho” (1 Cor. 7:7).” “Hayaang ang bawat isa ay mamuhay ayon sa itinalaga ng Panginoon sa kanya, at ayon sa pagkatawag sa kanya ng Diyos” (1 Cor. 7:17AB).‌

Huwag kang basta-basta mag-aasawa nang hindi muna ibinababad sa seryosong panalangin sa Diyos na gabayan ka at bigyan ka ng karunungan sa tamang pagdedesisyon. Kung hindi tayo magkakaroon ng karunungan sa bagay na ito, ang pag-aasawa—na mabuti ayon sa disenyo ng Diyos—ay hindi makakabuti sa ‘yo. Ganoon din ang singleness—na mabuti ayon sa pagkakatawag ng Diyos—ay maaaring makasama sa ‘yo.‌

Mas mabuti ang pag-aasawa para sa ‘yo kung tinawag ka ng Diyos na mapangasawa ang taong gusto ng Diyos para sa ‘yo. Pero hindi ito magiging mabuti kung ang nais pala ng Diyos sa ‘yo ay manatili kang walang asawa o wala munang asawa at matutong maghintay, at dahil hindi ka makapaghintay ay pumili ka ng asawa na hindi ayon sa kalooban niya. Halimbawa, kung nag-asawa ka ng isang unbeliever o nag-asawa ka para lang takasan ang hindi magandang relasyon na meron ka sa nanay o tatay mo.‌

Mas mabuti naman ang singleness para sa ‘yo kung tinawag ka ng Diyos sa pagiging single, pero kung ang pagkatawag sa ‘yo ng Diyos ay mag-asawa ka (at magpakarami!), then mas mabuting mag-asawa ka. Hindi magiging mabuti ang singleness para sa ‘yo kung hindi ka nag-aasawa dahil sa mga mali at makasariling dahilan.‌

Merong “something” sa pag-aasawa na nagre-reflect ng kaluwalhatian ng Diyos. Meron ding “something” sa pagiging single na nagre-reflect ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang pinakapunto ng buhay ay hindi kung may asawa ka ba o wala. Ang pinakapunto ay kung namumuhay ka ba nang ayon sa kalooban ng Diyos, kung namumuhay ka ba for the glory of God, may asawa ka man o single. To paraphrase 1 Corinthians 10:31, “Whether you are married or not, do it all for the glory of God.”‌

Kaya iwasan natin sa church na palaging tatanungin ang mga wala pang asawa, “Bakit wala ka pang asawa? Kailan ka ba mag-aasawa?” Kapag ganoon kasi, you are presuming na ang kalooban ng Diyos para sa bawat isa sa atin ay makapag-asawa. Na kapag single ka ay para bang kulang ang buhay mo, na para kang second-class citizen, na parang may problema sa iyo kaya walang gustong magpakasal sa iyo. Please, don’t pressure others to get married. Ipag-pray, sige. I-pressure, no. For single people, ‘wag kayong magpa-pressure sa mga kaibigan n’yo o mga parents n’yo. Sabi nga ng kapatid ko kapag may nagtatanong sa kanya kung kelan siya mag-aasawa, “Bakit? Required ba?” Mag-aasawa tayo according to God’s will. Mananatili kang single according to God’s will. ‘Yan ang mas mahalaga.

‌IV. Tatlong Klase ng “Eunuko”‌

Malinaw na mabuti ang pag-aasawa at mabuti rin ang pagiging single, at hindi natin dapat ikinukumpara ang dalawang kalagayang iyan kung ano ang “better.” Ngayon naman, mas i-explore pa natin kung ano ang gustong ituro ng Panginoong Jesus tungkol sa “singleness” sa pamamagitan ng halimbawang ginamit niya tungkol sa mga “eunuko” o “eunuch.”‌

Kapag naririnig ito ng mga Judio, negative ang dating sa kanila. Para kasi sa maraming Judio, ang pag-aasawa ay isang obligasyon, para tuparin ang tagubilin ng Diyos, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig” (Gen. 1:28 MBB). Para sa kanila ang hindi mag-asawa at magkaanak ay pagsuway sa malinaw na utos ng Diyos (International Standard Bible Encyclopedia, 2:201). Kabilang sa mga ito ang tinatawag nilang “eunuko.”‌

Ang literal na kahulugan ng “eunuko” ay isang lalaking pinutulan ng ari para hindi makapag-asawa o magkaanak. Ang ilan sa kanila ay may mataas na posisyon sa gobyerno tulad ng nakatagpo ni Felipe na eunukong naglilingkod sa reyna ng Ethiopia (Acts 8:26-40). Marahil ay may mga eunuko na naninilbihan kay Haring Herodes. At para sa maraming Judio (tulad din ng ibang lahi) sila ay isa sa mga pinakamababang uri ng tao at wala silang karapatan na manguna sa kanilang bansa (Exegetical Dictionary of the New Testament, 2:81). Kaya nagamit ng Panginoon ang mga eunuko na ilustrasyon ng gusto niyang ipunto tungkol sa pagiging single.‌

Limang beses na binanggit ni Jesus ang salitang ito sa Matthew 19:12, pero hindi ito makikita sa salin ng MBB. Sa salin ng Ang Biblia (2001) ay ganito ang nakasulat:‌

Sapagkat [heto ang dahilan kung bakit ang singleness ay hindi para sa lahat] may mga eunuko, na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.

Para kay Jesus, may tatlong klase ng eunuko o mga taong hindi makapag-aasawa at hindi masama kundi maaaring mabuti sa kanila ang hindi mag-asawa. Ang una ay ang simula’t simula pa noong ipanganak ay “impotent” na at walang kakayahang magkaanak. Hindi naman nila kasalanan ito, kundi niloob ng Diyos ayon na rin sa kanyang karunungan at malayang pagpapasya (sovereign will). Ang pangalawa naman ay iyong dahil sa kagagawan ng iba ay hindi na makapag-aasawa. Ang pangatlo, at ito sa tingin ko ang nais bigyang diin ng Panginoon, ay ang piniling huwag mag-asawa kahit na puwede silang mag-asawa alang-alang sa kaharian ng Diyos.

‌V. Pagiging Single Alang-alang sa Kaharian ng Diyos

‌‘Yang ikatlo ngayon ang pagtuunan natin ng pansin, “mga eunuko na ginawang eunoko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit.” O sa salin ng MBB, “mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit.” Ibinihagi rito ni Jesus ang paraan at layunin kung paanong ang pagiging single mo ay magiging isa sa pinakamasayang bagay sa mundo, na may potential na mas maging mainam pa kaysa sa pagkakaroon ng asawa. Ang paraan at layuning ito ay kung pipiliin ang singleness “alang-alang sa kaharian ng langit” o kaharian ng Diyos. Hindi ito nangangahulugang ang singleness ay paraan para makapasok sa kaharian ng Diyos, na para bang mas mataas na level ng spirituality kapag pinili mong hindi mag-asawa. No. Heto ang mga implications ng sabi niya kung paanong maging “single for the sake of the kingdom.”

A. May isang bagay na higit pa kaysa sa pag-aasawa—si Jesus.

‌Ang kaharian ng Diyos, at si Jesus na Hari ng kahariang iyon, ay higit na mahalaga kaysa sa anumang bagay sa mundong ito. Kapag pinili mo ang pagiging single, sinasabi mo sa mundo na ang kaharian ng Diyos, ang makasama si Jesus, ang sumunod sa kanya, ang maipakilala siya sa maraming tao, sa iba’t ibang lahi sa buong mundo, ay higit na mahalaga, higit na mas masaya kaysa sa makapag-asawa at magkaroon ng mga anak. Ang kaharian ng Diyos ay isang kayamanang isang milyong beses na mas mahalaga kaysa sa pag-aasawa (Mat. 13:44). Sa kabilang-buhay, wala nang mag-asawa, si Cristo na ang lahat-lahat sa atin (Mat. 22:30).‌

B. Posible ang nag-uumapaw na kasiyahan para sa mga singles na nakay Cristo.

Oo nga’t merong kasiyahang dulot ang pag-aasawa, pero hindi ito nangangahulugang hindi ka na magiging masaya kung hindi ka mag-aasawa. Higit na masaya si Pablo kaysa sa marami sa atin kaya nga inirerekomenda niyang maging single tayo kaysa mag-asawa. Si Jesus ay single (let that sink in), pero siya ang pinakamasayang tao na nabuhay sa ibabaw ng lupa. Sa mga biyuda o biyudo, sa tingin ni Pablo, “higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan” (1 Cor. 7:40). Bakit? Hindi ba’t sabi sa Genesis na hindi mabuti sa isang lalaki ang nag-iisa? Bakit, sino ba nagsabing kapag walang asawa ay nag-iisa? Anumang puwang na naiwan sa puso natin dahil nawala ang asawa natin o hindi kayo nakapag-asawa, nangangako si Jesus na siya ang pupuno sa nawawalang tadyang. Mas mainam na maging isang single na namumuhay para sa kaharian ng Diyos kaysa mag-asawa na hiwalay kay Cristo. Pakinggan mo ang pangakong ito:

‌Let not the eunuch say, “Behold, I am a dry tree.” For thus says the Lord: “To the eunuchs who keep my Sabbaths, who choose the things that please me and hold fast my covenant, I will give in my house and within my walls a monument and a name better than sons and daughters; I will give them an everlasting name that shall not be cut off” (Isa. 56:3-5; cf. 54:4-5).‌

C. Mabuting talikuran ang pagnanais na makapag-asawa alang-alang kay Cristo.

Kung si Jesus pala at ang mamuhay para sa kanya ay higit sa pag-aasawa, at posibleng maging masaya (mas masaya!) ang isang walang asawa, sa gayon isang magandang option ang hindi pag-aasawa. At kung mag-aasawa man, hindi kailangang madalian o maging desperado kapag walang nanliligaw. Totoo ngang ang pag-aasawa at pagtataguyod ng pamilya ay siyang normal na kalagayan ayon sa nilikha ng Diyos. Pero ang Great Commission (“Go and make disciples of all nations…”) ay higit kaysa sa Creation Mandate (“Be fruitful and multiply…”). Kaya nga single ang Panginoong Jesus at si apostol Pablo dahil dito! Ang pagpaparami ng mga tagasunod ni Cristo ay hindi sa pamamagitan ng pag-aanak biologically, kundi pag-aanak spiritually (2 Tim. 2:2). Hindi lang kapag mas marami ang batang ipinapanganak, kundi kapag mas marami ang nakakapakinig ng ebanghelyo at nabo-born again sa pamamagitan ng gawa ng Espiritu Santo. Kung ang isang misyoneryo o manggagawa ay nagkakaroon ng maraming anak sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at pagdidisipulo, mas mabuti kaysa may-asawa at mga anak na hindi naman namumuhay para ipalaganap ang paghahari ni Cristo.‌

D. Ang mga singles na tagasunod ni Jesus ay may higit na oportunidad para “makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal” (1 Cor. 7:35AB).

Ang hari ng Persian Empire na si Cyrus ay kumukuha ng mga eunuko para manilbihan sa kanya dahil mas mahusay silang magtrabaho dahil hindi sila distracted ng alalahanin sa pamilya, at loyal at tapat din sila sa serbisyo (ISBE, 2:200). Ganito rin ang sabi ni Pablo sa mga hindi nag-asawa alang-alang sa Panginoon: “Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon” (1 Cor. 7:32MBB); “Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko’y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon” (1 Cor. 7:35MBB).‌

Kayong mga singles, meron kayong malaking advantage, pero hindi automatic na devoted na kayo sa Panginoon. Dapat kayong gumawa ng isang firm decision na bilang mga singles in Christ ay mamuhay kayo bilang mga single for Christ. Napakaraming bagay ang pwede ninyong paglaanan ng panahon—success, money, personal ambition, popularity—pero in the end, masasayang lang ang buhay ninyo. “Only one life ‘twill soon be past, only what’s done for Christ will last.” Gamitin mo ang oras mo, ang lakas mo, ang pera mo, ang talento mo hindi para sa sariling kapakinabangan o para magpasikat sa ibang tao, kundi para makapaglingkod kay Cristo.‌

E. Gawin mong pinakalayunin ng buhay mo ang maituring na yaman si Cristo—treasuring Christ—at tulungan ang iba na ituring na yaman si Cristo, hindi ang pag-aasawa.

Ano ang layunin ng buhay mo? Ano ang pinakahahangad mo? Pinakamahalaga sa iyo? Ang pag-aasawa ba o ang relasyon mo sa asawa? O ang relasyon mo kay Cristo? Tandaan natin, pansamantala lang ang pag-aasawa, si Jesus pangwalang-hanggan. Hindi lahat ng kailangan natin makukuha natin sa asawa natin, mabibigo pa nga tayo, pero kay Cristo matatagpuan natin ang lahat ng kailangan natin. Ang pag-aasawa ay hindi dapat sambahin, si Jesus lang ang karapat-dapat ng ating buong puso. Ang relasyon sa pamilya ay magwawakas din, pero ang relasyon natin kay Cristo ay walang katapusan. Kaya nga pansinin mo na ang limang binanggit ko na implikasyon ng pagiging single “alang-alang sa kaharian ng Diyos” ay nakakonekta lahat kay Cristo:‌

May isang bagay na higit pa kaysa sa pag-aasawa—si Jesus.‌

Posible ang nag-uumapaw na kasiyahan para sa mga singles na nakay Cristo.‌

Mabuting talikuran ang pagnanais na makapag-asawa alang-alang kay Cristo.‌

Ang mga singles na tagasunod ni Jesus ay may higit na oportunidad para “makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal” (1 Cor. 7:35 AB).‌

Gawin mong pinakalayunin ng buhay mo ang maituring na yaman si Cristo—treasuring Christ—at tulungan ang iba na ituring na yaman si Cristo, hindi ang pag-aasawa.

Preview in new tab

‌Conclusion: Sapat ang Biyaya ng Diyos—sa May Asawa man o sa Wala‌

Umaasa ako sa Panginoon na gagamitin niya ang mga salitang ito—na napakinggan natin ngayon, at noong mga nakaraang dalawang sermon tungkol sa pag-aasawa—para magkaroon ka ng bagong pananaw tungkol sa pagiging single at pag-aasawa.‌

Ang nangingibabaw na utos sa unang dalawang sermon ay ito: “kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6 MBB). Ngayon naman ay tingnan natin ang huling utos na sinabi niya ukol sa pag-aasawa at hindi pag-aasawa: “Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito” (v. 12). Hindi lahat ay “able to receive this” (ESV), at kayang tanggapin sa puso nila—may kasiyahan at kakuntentuhan at pagtitiwala—ang mga bagay na ito tungkol sa pag-aasawa at pagiging single. Sa mga wala kay Cristo, sa mga hindi pinaghaharian ng Diyos, imposible na ang kanilang buhay may-asawa ay maging ayon sa napakagandang disenyo ng Diyos. Imposible rin na maranasan nila ang tunay na kagalakan sa kanilang pananatiling single. Pero sa ating mga tagasunod ni Cristo, posible! Posible dahil nasa atin ang Diyos, ang pagsama, ang biyaya, at ang kapangyarihan ng Diyos.‌

Sinabi ng Panginoong Jesus sa sumunod na bahagi ng Matthew 19, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible” (Mat. 19:26 ASD). Tungkol sa salvation ang context nito, pero applicable din sa pinag-uusapan natin. Bakit? Sa atin na mas pinahahalagahan ang sarili natin (tulad ng kayamanan o pangarap sa pag-aasawa) kaysa mga bagay na tungkol sa Diyos, ang kaligtasan ay imposible, pero ginawang posible ng Diyos. Paano pa kayang hindi niya ibibigay ang biyayang kailangan natin para manatiling tapat sa asawa o manatiling banal at masigasig sa paglilingkod sa buhay binata o dalaga? At hindi lang biyaya sa ngayon, kundi biyaya sa hinaharap (future grace). Heto ang sabi niya sa mga may-asawa o single na mas pinahahalagahan ang relasyon sa kanya kaysa sa iba pa, “At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan” (Mat. 19:29 AB).‌

Pangako ‘yan ng Hari ng kaharian ng Diyos! Mahirap ang buhay may-asawa. Matrabaho ang pananatiling tapat sa relasyon ng mag-asawa, at mas matrabahong ayusin ang mga nasirang relasyon. Mahirap din naman ang manatiling single, sexually pure and happily single. Matrabaho rin ‘yan. Para sa mga wala kay Cristo, hindi lang mahirap, imposible ‘yan pareho! Ngunit ipinangako ng Panginoong Jesus—our King Jesus—ang kanyang grasya—grace, much grace—para sa atin na nagpasya at nag-commit na susunod sa kanya bilang Panginoon—loobin man niyang magkaasawa tayo o hindi. To live our lives for only one thing, for the sake of the kingdom of heaven.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply