Introduction: Sang-ayon ka ba sa panukalang batas tungkol sa divorce?
Nitong mga nakaraang buwan, usap-usapan ulit sa Kongreso, sa Senado at sa social media ang tungkol sa divorce. Illegal pa rin sa Pilipinas. Pero posibleng maging legal tulad ng sa ibang bansa. Ikaw, kung tatanungin ka, sang-ayon ka ba na maisabatas ang divorce? O, hindi? Dapat maging maingat tayo sa pagsagot (lalo na kung katabi mo ang asawa mo ngayon!). Dapat maintindihan nating mabuti kung ano ang nakasalalay rito.
Mahalaga rin para sa akin na talakayin ito bilang pastor ninyo. Hindi lang ito usaping pulitika. May kinalaman ito sa pamilya natin. May kinalaman din ito sa discipleship natin sa mga members ng church. May kinalaman din ito sa witness natin sa mga unbelievers. At kung mauunawaan nating mabuti ang ganda at hiwaga ng disenyo ng Diyos sa pag-aasawa kung paano ito sumasalamin sa Diyos na meron tayo, malaki ang kinalaman talaga nito sa relasyon natin sa kanya.
Kaya, may asawa ka man o wala, wala pang asawa o wala nang asawa, o hiwalay sa asawa o kasama nga ang asawa sa bahay pero parang hiwalay rin naman, o ayaw mag-asawa o gustung-gustong makapag-asawa pero wala pa rin, anuman ang kalagayan ng “relationship status” mo, kailangan natin itong pag-usapan—dahil may sinasabi ang salita ng Diyos tungkol dito.
Kaya pansamantalang hihinto muna ako sa preaching series sa Exodus. Maglalaan tayo ng panahon para pag-usapan hindi lang ang tungkol sa divorce in particular, kundi ang tungkol sa pamilya in general, at kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol dito. Titingnan natin ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa Matthew 19:3-15, at uunawain kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa pag-aasawa (vv. 3-6), tungkol sa paghihiwalay (vv. 7-9), tungkol sa mga walang asawa (vv. 10-12), at tungkol sa mga bata (vv. 13-15).
Hindi lang natin pag-uusapan dito ang mga bagay-bagay na tungkol sa pamilya kundi kung paanong ang relasyon natin sa pamilya ay sumasalamin sa mabuting balita ni Cristo at kung paanong ang gospel—na pinaniniwalaan natin, inaawit at pinapakinggan nang paulil-ulit—ay bumabago at dapat na bumago sa relasyon natin sa pamilya. Hindi natin pwedeng iwanan ang gospel sa loob lang ng simbahang ito; dapat na dalhin natin ito sa loob ng bahay. Let us bring the gospel home.
Problem: Makasariling Hangarin (v. 3)
Maraming Kristiyano ang nag-aalala kapag meron nang batas tungkol sa divorce. Para sa maraming mga evangelical Christians (pati mga Roman Catholics), big no-no pa rin ang divorce. Kasi nga naman, inaalala natin ang masamang epekto nito hindi lang sa mag-asawang maghihiwalay kundi pati na rin sa mga anak nila. Tama naman na tumutol tayo sa divorce. Pero dapat din nating alalahanin na hindi “divorce” ang problema. Kahit naman hindi pa legal ang divorce, marami naman nang naghihiwalay na mag-asawa—iba’t ibang dahilan kung bakit—at nag-aasawa ulit ng iba. Malamang ay mas magiging malala ang problema kung legal na ang divorce, pero legal man ito o illegal, dapat nating harapin na puso talaga ng tao ang problema.
Marami naman talagang tao ay hindi concerned kung ano ang sinasabi ng batas. Natural sa atin na ang susundin nating batas ay hindi batas ng gobyerno natin o batas ng Diyos, kundi kung ano ang idinidikta ng sariling puso natin. Karaniwan sa mga tao na susunod sa batas ng Diyos o ng gobyerno kung kumportable sa kanila o magse-serve ng sarili nilang interes. Pero kapag in conflict na sa sariling interes o kagustuhan ang kautusan ng Diyos, pinipili ng tao na sundin ang puso niya. “Follow your heart,” kung ano ang sinasabi ng puso mo, yun ang sundin mo—‘yan ang pinakamataas na batas na sinusunod ng maraming tao. ‘Yan ang malaking problema.
Ang ganitong mentalidad ay nasa isipan din ng mga Pharisees na itinuturing na pinaka-istrikto sa pagsunod sa batas o kautusan ni Moises noong panahon ni Jesus. Isang araw, sabi sa Matthew 19:3, lumapit kay Jesus ang ilan sa kanila at nagtanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan (o i-divorce) ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” (MBB). Hindi ito out of curiosity o mula sa pagnanais na matuto tungkol sa kung ano ang tamang interpretasyon ng Salita ng Diyos para makasunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay para subukin si Jesus, to test him, “para humanap ng maipaparatang sa kanya” (MBB) o “hanapan siya ng butas” (ASD). They don’t care about Jesus o kung ano ang iniisip niya. Hindi sila “tagasunod” ni Jesus. Ang layunin nila ay para i-discredit si Jesus. Kung tungkol sa kaugnayan nila kay Jesus ang pag-uusapan, meron silang makasariling hangarin. Para yung mga followers nila dati na followers na ni Jesus ay bumalik sa kanila. May inggit, may galit sa puso nila. Wala silang pakialam talaga sa kautusan ng Diyos. They exist to serve their own agenda, to advance their own glory. ‘Yan din ang problema ng maraming tao ngayon.
Kung tungkol naman sa usapin ng pag-aasawa, ang tanong nila tungkol sa divorce ay nagre-reveal din ng problema sa puso nila: makasariling hangarin pa rin. Makikita rito ang baluktot nilang pag-iisip tungkol sa pag-aasawa. Heto ulit ang tanong nila nila, “Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan (divorce) ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Ang paghihiwalay na pinag-uusapan dito ay hindi pansamantala lang kundi pagputol ng kanilang pagkakatali bilang mag-asawa, dissolution of the marriage bond.
Natanong nila ito dahil may nakasaad sa Deuteronomy 24:1-4 na probisyon para sa paghihiwalay ng mag-asawa. Sabi sa verse 1, “Kung mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay…” (MBB). Hindi sila magkasundo sa interpretasyon ng kung ano yung natuklasang “hindi kaaya-aya” (MBB) o “isang kahiyahiyang bagay” (AB) o “some indecency in her” (ESV) na siyang dahilan na pwede raw hiwalayan ng lalaki ang asawang babae. Sa kanila siyempre walang karapatang makipaghiwalay ang babae. Sabi ni Rabbi Shammai tumutukoy ito sa pagtataksil ng babae o pangangalunya. Ito lang ang pwedeng dahilan ng divorce. Sabi naman ni Rabbi Hillel, pwede ring hiwalayan ang babaeng nakasunog ng nilulutong tinapay o kaya’y malakas ang boses na dinig ng kapitbahay! (William Hendricksen, Matthew, 714). So, merong interpretation sa grounds for divorce na mas istrikto, at meron din namang mas maluwag.
Ang problema rin ng mga tao ngayon ay naghahanap sila ng dahilan na pwedeng hiwalayan ang asawa. Oo nga’t may nakasaad na ganyang probisyon sa Salita ng Diyos (na tatalakayin natin sa susunod na linggo), pero ang pangunahing tanong na dapat nating sagutin ay, “Ano ang dahilan kung bakit dapat magsama habang-buhay ang mag-asawa?” Hindi na ito ang karaniwang tinatanong natin. Nagiging tanggap na sa atin ang mga nangyayari sa mag-asawa at sinasabi nating ganoon talaga at wala naman tayong magagawa para masolusyunan ang “irreconcilable differences” ng mag-asawa. Pero wala nga ba?
Tulad ng mga Fariseong nagtanong kay Jesus, mayroon din tayong baluktot na pananaw sa pag-aasawa na dapat ituwid ng Salita ng Diyos. Tingin ng marami, basta in-love pwede nang magpakasal, at kapag hindi na in-love, pwede nang maghiwalay o humanap ng iba. Para naman sa iba, hindi mahalaga ang kasal, basta masayang nagsasama kahit hindi kasal okay lang daw. Yung iba naman ayaw o takot mag-asawa kasi ang nakikita nila ay relasyon ng mga magulang nila na palaging magkaaway o nagkahiwalay na. Sa karamihan naman sa atin na alam ang itinuturo ng salita ng Diyos tungkol sa pagsasama ng mag-asawa na panghabangbuhay, humahanap pa rin tayo ng mga justifications o palusot para sirain ang sinumpaan nating pangako sa isa’t isa noong ikasal tayo.
Authority: Disenyo ng Diyos sa Paglikha sa Tao (v. 4)
Tingnan natin ngayon kung paano sinagot ng Panginoon ang tanong sa kanya. Hindi niya sinabing directly na yes or no. Kapag yes (“pwede ang divorce”) kasi ang sinagot niya, lalabas na parang masyado siyang mapagbigay sa kagustuhan ng mga tao. Kapag no naman (“bawal ang divorce”), lalabas na binabalewala ni Jesus ang kautusan kasi merong provision dun about divorce (John Calvin, Commentaries, 16:378). Alam ng Panginoong Jesus na isa itong pagsubok sa kanya. Wise ang naging pagsagot ni Jesus. After all, hindi ordinaryong tao ang kausap nila. Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Christ has perfect wisdom at siya ang pinagmumulan ng karunungang kailangan natin sa usapin tungkol sa pag-aasawa, at sa kahit anong usapin.
Sa halip na sagutin niya nang direkta, nagbigay siya ng dahilan kung bakit hindi dapat paghiwalayin ang mag-asawa. At ang dahilan ay may kinalaman sa disenyo ng Diyos sa kanyang nilikha. Kautusan ni Moises sa Deuteronomy 24 ang basis ng mga pananaw nila sa pag-aasawa at divorce. Salita rin naman ng Diyos yun. Pero ibinalik muna sila ni Jesus sa pinakasimula, bago pa ang kautusan ni Moises, bago pa pumasok ang kasalanan, doon muna sa disenyo ng Diyos sa paglikha sa tao at sa pag-aasawa na nakasulat sa Genesis 1 and 2. Sa verse 4 sabi niya, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula’y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae” (Mat. 19:4 MBB)? Galing ito sa Genesis 1:27, “So God created man in his own image, in the image of God he created him; male and female he created them.” Isang insulto ito sa mga Fariseong nagmamalaking bihasa sila sa kasulatan. Lumalabas tuloy na hindi naman pala nila alam o hindi inuunawa ang ipinagmamalaki nilang alam nila.
Itinuturo sa atin ni Jesus dito na ang pundasyon ng lahat ng relasyon ng mag-asawa ay ang disenyo ng Diyos sa kanyang paglikha sa atin. Siya rin ang lumikha sa pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay ideya ng Diyos, hindi ng tao. Kung paanong ang isang lalaki at isang babae ay nilikha sa larawan ng Diyos, gayundin naman ang pagsasama ng mag-asawa ay sumasalamin sa karakter ng ating Diyos. Kung ang pagsasama nating mga mag-asawa ay ayon sa nais ng Diyos, nagbibigay ito ng karangalan sa kanya. Kasi nga siya ang may disenyo nito!
Kapag binabaluktot natin ang disenyo ng Diyos, isang sampal ito sa ganda ng kanyang ginawa. Kaya’t ang pag-aasawa ay tapat na pagsasama ng “isang lalaki at isang babae” (MBB), suporta sa monogamous marriage. Hindi isang lalaki at isang pang lalaki o isang babae at isa pang babae (homosexuality), hindi isang lalaki at isang babae at isa pa o maraming babae at lalaki (adultery, polygamy, prostitution).
Kung binabaluktot natin ang disenyo ng Diyos, binabalewala natin ang awtoridad ng kanyang salita. At ang resulta nito ay kaguluhan at kalungkutan at sakit ng kalooban. Ngunit kung makikinig tayo at susunod sa nais ng Diyos sa pag-aasawa, mararanasan natin ang ganda at saya ng disenyo ng Diyos. Ang problema, tulad ng mga Fariseo, sinasabi rin sa atin ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa…”? Nakasulat ‘yan, hindi sa batas ng Pilipinas, hindi sa social media, hindi sa sinasabi ng puso mo, kundi sa Bibliya, ang Salita ng Diyos. Pakinggan nating mabuti. God is the author of marriage and the authority over our marriage. Siya ang higit na nakakaalam kung ano ang mabuti at kung ano ang makakabuti sa atin.
Ang tanong, nakikinig ba tayo sa kanya? Sa mga mag-asawa, committed ba kayo na ipailalim sa awtoridad ng salita ng Diyos ang pagsasama ninyo? Sa mga may problema sa relasyong mag-asawa, handa ba kayo na hindi “feelings” ninyo ang magdikta kung ano ang gagawin n’yo sa problema n’yo kundi kung ano ang gusto ng Diyos para sa inyo? Sa mga single at sa iba na may karelasyon na, salita ba ng Diyos ang nasusunod sa buhay ninyo at mga desisyon ninyo?
Covenant: Salamin ng Pakikipagtipan ng Diyos sa Atin (v. 5)
Kung ang Diyos ang maylikha at designer ng pag-aasawa, ibig sabihin, meron siyang disenyo para rito. So what is God’s design for marriage? Sabi ni Jesus sa Matthew 19:5, “At siya rin (tumutukoy sa Diyos na lumalang sa tao) ang nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila’y magiging isa.’” (MBB). Hango ito sa Genesis 2:24 na salita o komento ni Moises, ang siyang ipinagpapalagay na pangunahing sumulat ng Genesis, under the inspiration of God siyempre. Kaya dito sa Matthew 19, sinabi ni Jesus na ito ay sinabi rin ng Diyos. Sinulat ni Moises at salita ng Diyos. Kaya merong bigat o authority hindi lang salita ng tao kundi salita ng Diyos.
Sa isang talatang ito ay makikita ang napakagandang disenyo ng Diyos: sa pag-aasawa, may iiwanan at may sasamahan upang ang dalawa ay maging isa.
May Iiwanan
Sa pag-aasawa, “iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina.” Totoo ito sa kaso rin ng babae, hindi lang ng lalaki. Ano ang ibig sabihin dito ng “iiwan”? Mabigat ang kahulugan nito sa literal na salin: tinatalikuran o itinatakwil. Hindi ibig sabihing kakamuhian na ang mga magulang mo, kundi ipinapakita nitong sa oras ng kasal ay iba na ang primary loyalty o allegiance o responsibility ng mag-asawa. Hindi na sa magulang kundi sa isa’t isa. Magagawa natin ito at dapat nating gawin sa paraang hindi lumalabag sa ikaapat na utos na igalang at mahalin ang ating mga magulang.
Mabigat ito sa kultura nating mayroong malalapit na relasyon sa magulang kahit may asawa na. Pero kailangang gawin. Hindi lang pisikal na paghihiwalay ang pinag-uusapan dito. Totoo ngang ang pagsasama ng mag-asawa sa iisang bahay kasama ang kanilang magulang ay sobrang challenging. May pagkakataon na kailangan at hindi maiiwasan. Pero kailangan ninyong i-evaluate kung paano ito nakakaapekto sa relasyon ninyong mag-asawa: sa leadership ng lalaki sa kanyang pamilya, sa submission naman ng babae sa leadership ng asawa, at sa pagpapalaki at pagdidisiplina sa mga anak. Makakatulong ang mga lolo at lola, pero hindi natin pwedeng isalin sa kanila ang responsibilidad na dapat meron tayo sa pamilya.
May Sasamahan
May iiwanan at may sasamahan: “magsasama sila ng kanyang asawa.” Sa ESV, “hold fast.” Ang pagsasamang ito ay nakakapit, nakadikit, malapit na malapit. Ang mag-asawa, sa kanilang pagsasama, ay nagsisikap na mapalapit sa isa’t isa. Sa kabila ng pagkakaiba ng personalidad, ng family background, at spiritual maturity, nagkakaroon pa rin ng intimate bonding. Ang salitang ginamit dito ay tumutukoy sa “mahigpit na bonding together ng mga bagay at karaniwang ginagamit sa pagdidikit ng glue o pagsesemento” (John MacArthur, Matthew 16-23, 165). Ganoon kadikit, parang pinagdikit ng Mighty Bond superglue na hindi mo mapaghihiwalay nang hindi napupunit. Parang sinemento na hindi mo mabibiyak nang hindi ginagamitan ng maso o jackhammer. Disenyo ng Diyos sa mag-asawa na habang tumatagal ay mas dapat na lumalago ang pag-ibig at hindi nagsasawa sa isa’t isa.
Nais ng Diyos na gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo para mapalapit kayo sa isa’t isa. Kaya mahalaga ang regular na communication ng mag-asawa. May sapat na oras sa isa’t isa. Huwag nating gawing dahilan ang mga responsibilidad sa anak, sa trabaho o sa ministry, at pabayaan ang paglago ng relasyon natin sa asawa natin. Meron ba kayong sapat na oras na inilalaan sa isa’t isa para mag-usap, para manalangin, para magbasa ng Bibliya, para mas mapalapit sa Diyos at sa isa’t isa? O napapabayaan na?
Sa hirap din ng buhay, marami ang nagsasakripisyo para makapagtrabaho sa ibang bansa. Pero ang tanong na dapat ninyong pag-usapang mag-asawa, “Gaano kahalaga sa atin ang paglago ng ating relasyong mag-asawa? Handa ba nating isakripisyo ito at magtrabaho ang isa sa atin sa ibang bansa nang mahabang panahon? Kung pansamantala kayong maghihiwalay, sapat ba ang Messenger o video calls para mas maging malapit kayo sa isa’t isa? Kung isasakripisyo natin ito, makakabuti ba talaga ito sa pamilya natin?” Higit sa lahat, “Ito ba ang nais ng Diyos para sa ating mag-asawa?” Pag-isipan ninyong mabuti.
At kung meron man kayong mga major decisions na gagawin—bago man magkarelasyon, bago magpakasal, o kung may major changes sa pamilya—pwede at dapat lang na sumangguni kayo sa mga elders ng church para humingi ng payo at panalangin.
Upang ang Dalawa ay Maging Isa
Ang layunin ng pagpapalago ng relasyong mag-asawa ay upang maranasan ang pagiging isa ng mag-asawa. “…at sila’y magiging isa.” “…and they shall become one flesh.” Sa pag-aasawa, 1+1 = 1. Tulad ng Diyos na nais na maranasan natin ang mainit na relasyon sa kanya, gayon ding nais niya sa mag-asawa na magkaroon ng marital intimacy. Our goal in our relationship in marriage is oneness.
Naipapahayag ito sa pagtatalik ng mag-asawa (sexual union). In sex, they really become one body, beautifully expressing the pleasure God wants us to experience in marital intimacy. Kaya ang sex ay nakareserba lamang sa relasyon ng mag-asawa. Hindi sa walang pang asawa (premarital sex). Hindi sa hindi mo asawa o sa asawa ng iba (adultery). Hindi rin kapag nag-iisa ka lang to satisfy yourself (porn at sexual fantasies). At hindi rin tama na ipagkait o ipagdamot ito sa asawa mo. Sabi ni Pablo tungkol dito, “Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae” (1 Cor. 7:3 MBB). Ito ay parehong duty and delight ng mag-asawa. Sagrado ang sex sa relasyon ng mag-asawa dahil ito ay sumasalamin sa init, sa kaligayahan, sa tindi ng kapit ng relasyon ng Diyos sa atin.
Pero higit pa sa physical at sexual intimacy, nais ng Diyos na mabuo ang pagsasama ng mag-asawa kapag ang kanilang puso—ang mga iniisip, ang mga hangarin, ang mga pangarap sa buhay, ang passion para sa pagsamba at paglilingkod sa Panginoon—ay nagiging isa. At this point in your marriage, mas nagiging malapit kayo sa isa’t isa—nagiging isa—o mas lumalayo ang loob ninyo sa isa’t isa? Kailangang ipanalanging mabuti. Kailangang gawan natin ng paraan para maalagaan ang relasyon natin. At magtulung-tulong tayo sa church sa layuning iyan para sa mga mag-asawa.
Malaki ang nakasalalay rito—hindi lang para sa sarili nating kabutihan, kundi lalong higit para sa karangalan ng Diyos. God is glorified most kapag nasasalamin sa relasyon ng mag-asawa ang relasyon ng Diyos sa atin. Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos na hindi lang ating “Ama” at tayo’y kanyang mga anak. Siya rin ay inilalarawan bilang “asawa” o “husband” ng kanyang mga piniling iligtas:
“Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo, ang pangalan niya’y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat” (Isa. 54:5 MBB)
“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin” (Ezek. 16:8 MBB).
“Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako. Hindi ka naging tapat sa akin” (Jer. 3:20 MBB).
Hiniwalayan ba tayo ng Diyos? Diniborsyo ba niya ang kanyang asawa? Hinintay ba niya tayong unang gumawa ng hakbang para makipagbalikan tayo sa kanya? Hindi ba narinig natin yung message of the gospel, na parang ang Diyos pa ang sumusuyo sa atin, humahabol sa atin, nanliligaw sa atin. Samantalang there is no loveliness in us, there is no worthiness in us, there is no beauty in us, na maaakit ang Diyos para tayo ay mahalin at pagtyagaan. Pero siya ang patuloy na umibig sa atin nang ipadala niya ang kanyang Anak na si Jesus, na namatay sa krus at binayaran ang lahat ng pagtataksil natin laban sa kanya. Para ano? Para ibalik tayo sa Diyos.
“At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa’” (Hos. 2:16 MBB).
“At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan. Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon” (Hos. 2:19-2 AB).
Commitment: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (v. 6)
Nakikita mo ba kung gaano kasagrado at kaseryoso ang pag-aasawa dahil ito ay sumasalamin sa pakikipagtipan at pakikipag-isa ng Diyos sa kanyang relasyon sa atin? Kung ganito pala ang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa, ibig sabihin, bago natin pag-usapan ang tungkol sa divorce, pag-usapan muna natin kung anong klaseng commitment ang dapat meron tayo kapag pinasok natin ang relasyon ito.
Heto ang sabi ng Panginoong Jesus, “Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Matt. 19:6 MBB). Payagan man ng batas ng Pilipinas ang divorce o hindi, meron tayong mas mataas na standard na sinusunod. We are under the lordship of Christ.
Hindi madali ang pag-aasawa. Sa hirap ng mga dinaranas natin, minsan ay parang mas madali pang makipaghiwalay na lang kaysa magtiis, magtiyaga, at pagsikapang maging maayos ang pagsasama. But marriage is about commitment, not about comfort and convenience. Sa lipunan natin na ang mga tao ngayon ay napakababa ng level of commitment—sa relasyon man, sa trabaho, o sa church—meron tayong pambihirang opportunity to demonstrate gospel-driven commitment. Bakit? Dahil kinikilala natin na ang pagsasama ng mag-asawa ay hindi desisyon lang ng dalawang tao na ginustong magpakasal, at desisyon din nila kung gugustuhin na nilang maghiwalay. No. Ang pag-aasawa ay gawa ng Diyos: “ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Ito ay gawa ng Diyos para sa Diyos.
Sabi ni John Piper:
Iniutos ni Jesus na maging tapat ang mag-asawa sa kanilang pag-aasawa. Hindi niya ipinapalagay na madali ito. Ngunit itinuturo niya na ito ay isang dakilang bagay dahil ang pag-aasawa ay gawa mismo ng Diyos kung saan siya lumilikha ng isang bagong realidad ng “isang laman” (“one flesh”) na lampas sa pag-unawa ng tao at inilalarawan sa mundo sa anyo ng tao ang pakikipagtipan sa pagitan ng Diyos at ng mga taong kabilang sa kanya. Ang pag-aasawa ay sagrado na lampas sa kung ano ang iniisip ng karamihan ng mga tao, dahil ito ay isang natatanging likha ng Diyos, isang pagsasadula o drama ng relasyon ng Diyos sa mga taong kabilang sa kanya, at pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos. Laban sa lahat ng bumababaw na saloobin tungkol sa pag-aasawa sa panahon natin, sinasabi ni Jesus na ang pag-aasawa ay isang dakilang gawa ng Diyos at isang sagradong tipan na mapuputol lang sa pamamagitan ng kamatayan. (All that Jesus Commanded, p. 321)
“Mapuputol lang sa pamamagitan ng kamatayan.” Hangga’t buhay ang asawa, ang panawagan ng Diyos ay maging tapat tayo sa asawa natin, hindi man sila maging tapat sa atin. Tulad ng Diyos na naging tapat sa kanyang pangako sa Israel. Tulad din ng tapat na pag-ibig ni Cristo sa atin, “‘Dahil dito’y, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.’ Ito ay isang dakilang hiwaga na aking inihahayag tungkol sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya” (Eph. 5:31-32 MBB). Meron bang posibilidad na hiwalayan o idiborsiyo ni Cristo ang kanyang Bride, ang Church? Ilang beses tayong nagtaksil at hindi naging tapat sa kanya? Meron ba tayong loveliness o worthiness para mahumaling siya sa atin? But he remains commited to us. Ibinigay niya ang sarili niyang buhay para sa atin. Yun ay garantiya na hinding-hindi siya sisirain ang sinumpaan niyang pangako na tayo ay mamahalin niya magpakailanman.
Conclusion: So, sang-ayon ba ang Diyos sa divorce?
Sang-ayon ba ang Diyos sa divorce? Yan ang pinakamahalagang tanong. Hindi yung, sang-ayon ka ba sa divorce? O, sang-ayon ba ang mga lawmakers natin sa divorce? O, sang-ayon ba ang karamihan ng mga Pilipino sa divorce? Kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito ang pinakamahalaga, kahit ano pa ang sabihin ng iba. “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Malinaw na hindi sang-ayon ang Diyos sa divorce. Sabi niya sa Malakias 2:16 na ang divorce ay isang uri ng violence o karahasan na parang ang isang katawan ay hinahati mo sa dalawa, kaya sabi ng Diyos, “Aking kinapopootan ang paghihiwalay” (AB). Sa MBB, “Nasusuklam ako…”
Tama lang, sang-ayon sa puso ng Diyos at sa disenyo ng mga mag-asawa na tutulan natin ang divorce. Pero kumplikado pa rin ang usaping ‘to. Dahil sa mga kaso ng pang-aabuso at pananakit ng mga lalaki sa kanilang asawa, dahil sa paulit-ulit na pagtataksil, dahil sa abandonment, dahil sa pansariling interes ng mga tao, dahil sa kasalanan siyempre. Kaya sa susunod na linggo ay pag-uusapan pa natin kung ano pa ang sinasabi ni Jesus tungkol dito. Sa ngayon, gusto kong iwanan sa inyo ang katiyakang meron tayo sa relasyon natin kay Cristo—masaya ka man sa relasyon n’yong mag-asawa o hindi, struggling man sa marriage, o hiwalay na sa asawa, o muling naalala ang mga masasakit na experiences in the past dahil sa mensaheng ito. Pakinggan mo ang pangako ng Diyos sa ‘yo:
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. (Rom. 8:38-39 MBB)
Walang divorce sa relasyon natin sa Diyos dahil kay Cristo. Kung totoo ‘yan, ibig sabihin, hindi relasyon mo sa asawa mo o pagkakaroon ng mabuting asawa ang pinakakailangan mo, kundi si Cristo. Nakakapit ka na ba kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya? At kung ikaw ay nakay Cristo na, and you are struggling in your marriage right now, patuloy ka bang kumakapit kay Cristo as you navigate the difficulties you are facing right now? At para sa lahat sa atin, paano naman natin maipapanalangin at matutulungan ang mga kasama natin sa church na patuloy na kumapit kay Cristo? Magagawa natin ‘yan sa pamamagitan ng palagiang pagpapaalala sa isa’t isa na si Cristo ay nakakapit sa atin at kahit kailan ay hindi tayo bibitawan.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

