Tulad ng Apostles’ Creed, hindi sigurado kung saan nanggaling o sino ang sumulat ng Athanasian Creed. Nakapangalan ito kay Athanasius, ang matapang na tagapagtanggol ng pagka-Diyos ni Cristo at ng doktrina ng Trinity noong 4th century AD. Pero malamang na hindi naman talaga siya ang sumulat nito. Gayunpaman, sa matagal na panahon na ay kinikilala na ito bilang malinaw na kapahayagan ng pananampalatayang Kristiyano tungkol sa Trinity, ang biblikal na katuruan na ang Diyos ay isang Diyos lamang, ngunit namamalagi sa tatlong personang pantay-pantay sa pagka-Diyos: ang Diyos Ama, ang Diyos Anak at ang Diyos Espiritu.
[1] Ang sinumang nagnanais na maligtas ay dapat na, higit sa lahat, panghawakan ang pananampalatayang katolika.* [2] Ang sinumang hindi ito panghahawakan nang buo ay tiyak na sasapitin ang walang hanggang kapahamakan.
[3] At ito ang pananampalatayang katolika: na iisa ang ating sinasambang Diyos na Trinidad at ang Trinidad na nagkakaisa, [4] na hindi pinag-iisa ang kanilang mga Persona ni hinahati ang kalikasan. [5] Sapagkat ang persona ng Ama ay isang natatanging persona, ang persona ng Anak ay isa pa, at ang sa Banal na Espiritu ay isa pa rin. [6] Ngunit ang pagka-Diyos ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa, ang kaluwalhatian ay pantay, at ang kamahalan ay pare-parehong walang hanggan. [7] Tulad ng Ama, gayon ang Anak at gayon ang Banal na Espiritu. [8] Ang Ama ay hindi nilikha, ang Anak ay hindi nilikha, ang Banal na Espiritu ay hindi nilikha. [9] Ang Ama ay hindi masusukat, ang Anak ay hindi masusukat, ang Banal na Espiritu ay hindi masusukat. [10] Ang Ama ay walang hanggan, ang Anak ay walang hanggan, ang Banal na Espiritu ay walang hanggan. [11] At gayunpaman hindi tatlo ang walang hanggang Diyos; iisa lang ang walang hanggang Diyos. [12] Gayon din naman ay hindi tatlo ang Diyos na hindi nilikha o hindi masusukat; iisa lamang ang Diyos na hindi nilikha at hindi masusukat. [13] Katulad nito, ang Ama ay makapangyarihan sa lahat, ang Anak ay makapangyarihan sa lahat, ang Banal na Espiritu ay makapangyarihan sa lahat. [14] Ngunit hindi tatlo ang Diyos na makapangyarihan sa lahat; iisa lamang ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. [15] Kaya, ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, ang Banal na Espiritu ay Diyos. [16] Ngunit hindi sila tatlong Diyos; iisa lang ang Diyos. [17] Kaya, ang Ama ay Panginoon, ang Anak ay Panginoon, ang Banal na Espiritu ay Panginoon. [18] Ngunit hindi tatlo ang Panginoon; iisa lang ang Panginoon. [19] Kung paanong itinutulak tayo ng katotohanang Kristiyano na ipagtapat ang bawat isang Persona bilang Diyos at Panginoon, [20] gayon din naman ipinagbabawal sa atin ng pananampalatayang katolika na sabihing may tatlong diyos o panginoon. [21] Ang Ama ay hindi ginawa o nilikha o ipinanganak mula sa sinuman. [22] Ang Anak ay hindi ginawa o nilikha; siya ay ipinanganak mula sa Ama lamang. [23] Ang Banal na Espiritu ay hindi ginawa o nilikha o ipinanganak; siya ay nagmumula sa Ama at sa Anak. [24] Alinsunod dito, iisa ang Ama, hindi tatlong ama; may isang Anak, hindi tatlong anak; may isang Banal na Espiritu, hindi tatlong banal na espiritu. [25] Wala sa Trinidad na ito ang nauuna o nahuhuli, walang mas nakahihigit o nakabababa; [26] sa kanilang kabuuan ang tatlong Persona ay pare-parehong walang hanggan at magkakapantay sa isa’t isa. [27] Kaya sa lahat ng bagay, tulad ng nabanggit na, ang pagkakaisa sa Trinidad, at ang Trinidad sa pagkakaisa, ay dapat sambahin. [28] Ang sinumang nagnanais na maligtas ay dapat mag-isip nang ganito tungkol sa Trinidad.
[29] Ngunit kinakailangan para sa walang hanggang kaligtasan na tapat na pinaniniwalaan ng isang tao ang pagkakatawang-tao ng ating Panginoong Jesu-Cristo. [30] At ito ang tunay na pananampalataya: na pinaniniwalaan at ipinapahayag natin na ang ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ay parehong Diyos at tao. [31] Siya ay Diyos mula sa kalikasan ng Ama, na ipinanganak ng Ama bago pa ang kasaysayan; at siya ay tao mula sa kalikasan ng kanyang ina, isinilang sa panahon natin; [32] ganap na Diyos, ganap na tao, na may laman ng tao at kaluluwang may pag-iisip; [33] katumbas ng Ama sa kanyang pagka-Diyos, mas mababa kaysa sa Ama sa kanyang pagkatao. [34] Bagama’t siya ay Diyos at tao, si Cristo ay hindi dalawa, kundi isa. [35] Gayunman, siya ay iisa, hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng kanyang pagka-Diyos upang maging laman, kundi sa pamamagitan ng pagkuha ng Diyos ng pagkatao sa kanyang sarili. [36] Siya ay iisa, tiyak na hindi sa pamamagitan ng paghahalo ng kanyang kalikasan, kundi sa pamamagitan ng pagkakaisa ng kanyang persona. [37] Sapagkat kung paanong ang isang tao ay laman at kaluluwang may pag-iisip, gayon din ang nag-iisang si Cristo ay Diyos at tao. [38] Nagdusa siya para sa ating kaligtasan; siya ay bumaba sa impiyerno; siya ay bumangon mula sa mga patay sa ikatlong araw; [39] umakyat siya sa langit; siya ay nakaupo sa kanang kamay ng Ama; [40] Mula roon ay darating siya upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay. [41] Sa kanyang pagdating ang lahat ng katawan ng tao ay babangon [42] at magbibigay ng pagsusulit sa kanilang sariling mga gawa. [43] Ang mga gumawa ng mabuti ay papasok sa buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay papasok sa walang hanggang apoy. [44] Ito ang pananampalatayang katolika: na kung hindi ito matibay at tapat na paniniwalaan ng isang tao ay hindi siya maliligtas.
* Ang “katolika” ay nagmula sa salitang Greek na katholikos na nangangahulugang kabuuan o pangkalahatan; ibig sabihin, iisa lang ang church sa buong kasaysayan, sa lahat ng lugar, at sa lahat ng bansa.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

