What Is the Gospel? : 9Marks

Maraming mga usap-usapan ngayon sa evangelicalism tungkol sa kung paano dapat ipaliwanag ng mga Kristiyano ang gospel o magandang balita—kung tama bang sabihin na ang magandang balita ay isang mensahe na tungkol lamang sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kay Cristo, o ito ay mas malawak pa.

Ang mga pag-uusap tungkol dito ay umabot na sa puntong nagkakainitan, kung saan sinasabi ng isang kampo na ang kabilang kampo daw ay nagiging “reductionist” na sa magandang balita, at ang mga nasa kabilang kampo naman ay tumugon sa nang-aakusang grupo na pinapalabnaw naman daw nila ang magandang balita at ginugulo ang church sa God-given mission nito.

Para sa’kin, sa tingin ko, kaya nating alisin ang ilang kalituhan sa pamamagitan ng isang maingat na obserbasyon. Naniniwala ako na ang dalawang pangunahing kampo sa usapin na ito—yung mga nagsasabi na ang gospel ay ang magandang balita tungkol sa pakikipagkasundo ng Diyos sa mga makasalanan sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo (tatatawagin natin silang “A”) at yung mga nagsasabi na ang gospel ay ang magandang balita tungkol sa ginagawa ng Diyos para mapanumbalik at mabago ang buong mundo sa pamamagitan ni Cristo (“B”)—ay may malaking nilalampasan sa isa’t-isa sa kanilang mga pag-uusap.

Sa ibang pananalita, sa tingin ko hindi iisang tanong ang sinasagot ng mga As at mga Bs. Syempre naman pareho nilang sinasabi na sinasagot nila ang tanong na “Ano ang magandang balita?” at kaya nga may tensyon sa dalawang magkaibang sagot. Pero kung susuriin nating mabuti, mapapansin natin na sinasagot nila ang dalawang magkaiba pero parehas na biblikal na mga tanong:

At ang dalawang tanong na iyon ay ang mga ito:

  1. Ano ang magandang balita? Sa ibang pananalita, ano ang mensahe na kailangang paniwalaan ng isang tao para siya ay maligtas?
  2. Ano ang magandang balita? Sa ibang pananalita, ano ang kabuuan ng magandang balita ng Kristiyanismo?

Kapag narinig ng isang A-person ang tanong na “Ano ang magandang balita?” naiintindihan niya ito bilang “Ano ang mensahe na kailangang paniwalaan ng isang tao para siya ay maligtas?” at sasagutin niya ito sa pamamagitan ng paliwanag tungkol sa kamatayan ni Cristo para sa mga makasalanan at panawagan na magsisi at manampalataya sa Kanya.

Kapag naman narinig ng isang B-person ang tanong na “Ano ang magandang balita?” naiintindihan niya ito bilang “Ano ang kabuuan ng magandang balita ng Kristiyanismo?” at sasagutin niya ito sa pamamagitan ng paliwanag tungkol sa layunin ng Diyos na mapanumbalik at mabago ang mundo sa pamamagitan ni Cristo.

Maiintindihan mo kung bakit nagkakaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawa. Kapag sinagot natin ang unang tanong sa pamamagitan ng paliwanag tungkol sa new creation, sasabihin ng mga tao na yang sagot mo na ‘yan ay masyadong malawak at inaalis mo ang krus sa sentro ng mensahe. Understandable ‘yun. Sa Bibliya, tuwing tinatanong ng mga tao kung “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” ang sagot na laging natatanggap nila ay pagsisisi sa mga kasalanan at pananampalataya kay Jesus—hindi tungkol sa pagdating ng bagong creation.

Ngunit totoo rin na minsan (o madalas) pinapaliwanag ng Bibliya ang “gospel” sa pamamagitan ng mga pananalitang tungkol sa bagong creation. Kaya nga, kung sasagutin ang ikalawang tanong sa pamamagitan lamang ng paliwanag tungkol sa kamatayan ni Cristo para sa mga makasalanan, at sabihin na ang ibang mga bagay ay hindi mismo magandang balita (kundi implikasyon lamang), ‘yun ay masyadong kapos at makitid. Para bang sinasabi na ang mga pangako ng magandang balita gaya ng muling pagkabuhay ng ating mga katawan, ang pagkakasundo ng mga Hudyo at Hentil, ang bagong langit at bagong lupa, at ang iba pa ay hindi parte ng “magandang balita” ng Kristiyanismo na sinasabi ng Bibliya.

Ang kailangan nating maintindihan ay ito: hindi mali ang dalawang tanong na ito, at hindi mas biblikal ang isa kumpara sa isa. Parehas na tinatanong at sinasagot ng Bibliya ang dalawang tanong na iyon. Papakita ko ngayon mula sa Bibliya kung bakit sa tingin ko ang dalawang tanong na ito ay lehitimo at biblikal.

Habang binabasa ko yung mga sinasabi ng Bibliya tungkol dito, parang ginagamit nito ang salitang “magandang balita” sa dalawang magkaiba ngunit lubos na magkaugnay na mga paraan. Minsan ginagamit ng Bibliya ang “magandang balita” sa isang napakalawak na paraan, at ito ay para ilarawan ang lahat ng mga pangako ng Diyos na nilayon niyang maganap o matupad kay Cristo, hindi lamang ang kapatawaran ng mga kasalanan, kundi pati na rin ang lahat ng bagay na dumadaloy mula rito—ang pagtatatag ng kaharian, ang bagong langit at bagong lupa, atbp. May iba rin namang mga pagkakataon na kung saan ginamit ng Bibliya ang “magandang balita” sa isang simpleng paraan, at ito ay, para partikular na ilarawan ang kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Sa mga parteng iyon, ang mga malalawak na pangako ay tila baga hindi masyadong tinitingnan.

Narito ang ilan sa mga malilinaw na talata kung saan, tingin ko, ginagamit ng Bibliya ang salitang “Magandang Balita” sa simple at partikular na paraan:

  1. Mga Gawa 10:36-43: “Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat!. . . . Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

    Sabi ni Pedro, yung gospel na kanyang ipinapangaral ay tungkol sa “kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo,” na ang partikular niyang ibig sabihin ay ito: ang magandang balita “na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

  2. Roma 1:16-17: “Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una’y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. Sapagkat ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.””

    Inilalarawan dito ni Pablo ang Magandang Balita sa paraang may kinalaman sa “kaligtasan” at katuwiran ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng pananampalataya. Mas nagiging malinaw sa natitirang bahagi ng sulat na ang tinutukoy niya dito ay ang kapatawaran ng mga kasalanan (justification) sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi ng mga gawa. Ang kanyang focus ay hindi tungkol sa darating na kaharian, kundi sa kung papaano magiging parte nito. At ito ang tinatawag niyang “Magandang Balita.”

  3. 1 Corinto 1:17-18: “Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus. Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito’y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas.”

  4. 1 Corinto 15:1-5: “Mga kapatid, ngayo’y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa.”

    Ang Magandang Balita na ipinangaral ni Pablo sa kanila na kanilang tinanggap ay ang ginawa ni Cristo sa krus na “si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan . . . inilibing siya . . . at muling nabuhay sa ikatlong araw.” Ang mga sumunod na talata ay hindi dapat tingnan bilang parte ng “mensahe ng Magandang Balita,” na para bang kailangan pa nating sabihin na nagpakita rin si Jesus kay Pedro, sa Labindalawa, at kay Santiago, na kapag hindi, hindi natin sinasabi sa kanila ang Magandang Balita. Ang mga records na iyon ay para patunayan na ang muling pagkabuhay ay totoo at makasaysayan.

Narito naman ang ilan sa mga malilinaw na talata kung saan, tingin ko, ginamit ang “Magandang Balita” sa malawak na paraan:

  1. Mateo 4:23: “Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.”

    Dito unang nabanggit ang salitang “Magandang Balita” sa record ni Mateo, dapat nating asahan na may ilang hugis sa salitang ito. Para makita natin ang nilalaman ng “Magandang Balita ng kaharian” na ipinangaral ni Jesus, kailangan nating tingnan ang talata 17, na kung saan unang sinabi ang salitang “kaharian.” Doon, nakasulat na si Jesus ay nangangaral, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” (MBB)

    Ang gospel ng kaharian na ipinangaral ni Jesus ay ang mensahe na a) ang kaharian ay dumating na, at b) ang mga magsisisi ay makakapasok dito.

  2. Marcos 1:14-15: “Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!””

    Bukod sa naunang talata, dito unang ginamit ang salitang gospel sa record ni Marcos. Ang “Magandang Balitang mula sa Diyos” na ipinangaral ni Jesus ay: “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!”

    Ang Magandang Balita mula sa Diyos ay ang mensahe na a) ang kaharian ay dumating na, at b) ang mga magsisisi at maniniwala ay makakapasok dito.

  3. Lucas 4:18: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi. . .”

    Ito ay isang talata mula sa Lumang Tipan na pinagbasehan ni Jesus ng kanyang pampublikong ministeryo. Ang salitang “Magandang Balita,” na ginamit sa Isaias 61, ay sa tingin ko tumutukoy sa katuparan ng pagtatatag ng paghahari ng Diyos.

  4. Gawa 13:32: “Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno ay tinupad na sa atin na kanilang mga anak, nang muli niyang buhayin si Jesus. . .“

Napakalinaw ng talata 38 na ang Magandang Balitang ipinangaral ni Pablo ay tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesus. At hindi lamang iyon, sa talata 32 mababasa natin na ang “Magandang Balita” ay tumutukoy sa “pangako ng Diyos sa ating mga ninuno” na “tinupad na” sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Tiyak na ang mga pangako ng Diyos sa mga ninuno, na natupad na kay Jesus, ay hindi lamang limitado sa kapatawaran ng mga kasalanan diba?

Kaya nga, kung susuriing mabuti ang Bagong Tipan, sa tingin ko ang salitang “Magandang Balita” ay ginamit sa parehong malawak at partikular na paraan. Sa paraang malawak, gaya ng sinabi sa Mateo 4, Marcos 1, Lucas 4, at Gawa 13, ito ay tumutukoy sa lahat ng mga pangako ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng gawa ni Cristo—hindi lamang kapatawaran ng mga kasalanan, kasama rin ang muling pagkabuhay, pakikipagkasundo sa Diyos at sa ibang mga mananampalataya, pagpapabanal, pagluwalhati, ang paparating na Kaharian, ang bagong langit at bagong lupa, at iba pa.

Maaari mong sabihin na sa mga cases na iyon, ang “Magandang Balita” ay tumutukoy sa kabuuan ng mga pangako ng Diyos na natupad sa pamamagitan ng buhay at ginawa ni Cristo. Sa malawak na pagtingin, pwede natin itong tawagin na Magandang Balita ng Kaharian. Sa partikular na paraan naman, tulad ng makikita natin sa Gawa 10, sa buong sulat para sa mga taga-Roma, 1 Corinto 1 at 1 Corinto 15, ang “Magandang Balita” na nabanggit sa mga ito ay tungkol sa sakripisyong kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus at ang panawagan sa lahat ng tao na magsisi at maniwala sa kanya. Maaari nating tawagin itong partikular na bagay na ito na Magandang Balita ng Krus.

Ngayon gusto kong klaruhin ang dalawang bagay.

Una, nararapat na kasama ng partikular na kahulugan ng salitang “Magandang Balita” ang malawak na kahulugan. Nakita natin ang mga halimbawa mula sa Mateo at Marcos. Hindi lamang ipinahayag ni Jesus ang pagsisimula ng kaharian, tulad ng sinasabi ng iba. Ipinahayag niya ang pagsisimula ng kaharian at ipinahayag niya kung paano makakapasok dito. Tingnan mong mabuti: Hindi ipinangaral ni Jesus ang Magandang Balita sa pamamagitan lamang ng mga salitang, “Dumating na ang kaharian ng Diyos!” Ipinahayag niya ang Magandang Balita sa pamamagitan ng mga salitang, “Dumating na ang kaharian ng Diyos. Magsisi na kayo at maniwala!”

Ito ay mahalaga para matukoy kung ano ang pagkakaiba ng Magandang Balita sa hindi:

Ang pagpapahayag ng pagdating ng kaharian ng Diyos at ng bagong creation kasama lahat ng mga pangakong konektado rito nang hindi ipinapangaral kung papaano makakapasok ang mga tao rito—sa pamamagitan ng pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo at sa kanyang nakakaligtas na kamatayan—ay isang pagpapahayag na walang Magandang Balita.

Sa katunayan, ito ay pangangaral ng isang masamang balita, sapagkat hindi mo binibigyan ng pag-asa ang mga tao kung papaano sila magiging parte ng kaharian. Ang Magandang Balita ng Kaharian ng Diyos ay hindi lamang pagpapahayag ng kaharian. Ito ay ang proklamasyon ng kaharian kasama ng pagpapahayag kung papaano makakapasok ang mga tao rito sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kay Cristo.

Pangalawa, dapat nating tandaang mabuti, inuulit ko, na tinawag ng Bagong Tipan ang partikular na mensahe tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Cristo na “Magandang Balita.” Dahil dito, ang mga nakikipagtalo at nagsasabing, “Kung ang ipinapangaral mo lamang na Magandang Balita ay ang kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Cristo, at hindi isinasama ang intensyon ng Diyos na baguhin ang mundo, hindi mo ipinapangaral ang Magandang Balita,” ay mali. Si Pedro at Pablo (tulad ng sinasabi sa mga halimbawa sa taas) ay tila masaya na sabihing ipinapangaral nila ang “Magandang Balita” nang ituro nila sa mga tao ang tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ni Jesus. Period.

Kung totoo nga na ginagamit ng Bagong Tipan ang salitang “Magandang Balita” sa parehong malawak at partikular na paraan, paano natin ngayon uunawain ang relasyon sa pagitan ng dalawang bagay na ito, ng Magandang Balita tungkol sa Kaharian at Magandang Balita ng Krus? Ito ang susunod na tanong, at kapag nasagot na natin ito, sa tingin ko ay makakatulong ito upang mas maging malinaw sa ating mga isipan ang ilang mga importanteng tanong.

Ano ang relasyon ng Magandang Balita ng Kaharian at ng Magandang Balita ng Krus? Sinabi ko na kanina na nararapat na kasama ng Magandang Balita ng Krus ang Magandang Balita ng Kaharian.

Ang mas specific na tanong ay ito: ang Magandang Balita ng Krus ba ay isang bahagi lamang ng Magandang Balita ng Kaharian, o mas higit pa? Iyon ba ang sentro nito, nakapaligid lang dito, ang puso nito, o iba pa? Dagdag pa rito, bakit laging ginagamit ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang salitang “Magandang Balita” para sa pangakong kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Cristo, at hindi sa ibang mga pangako na kasama sa malawak na kahulugan ng Magandang Balita? Bakit hindi natin nakitang isinulat ni Pablo na, “Ito ang aking Magandang Balita: na ang mga tao ay magkakaroon ng pagkakaisa!”?

Sa tingin ko ay makakakuha tayo ng sagot sa mga katanungan na ito kung ating mapagtatanto na ang Magandang Balita ng Krus ay hindi lamang isang parte ng Magandang Balita ng Kaharian. Sa halip, ang Magandang Balita ng Krus ay ang lagusan, ang pinagmumulan, ang binhi, ng Magandang Balita ng Kaharian. Basahin mo ang buong Bagong Tipan, at agad mong mapagtatanto na ang klarong mensahe ay ito: hindi makakamit ng isang tao ang mga pagpapala ng Kaharian maliban na siya ay mapatawad sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo. Ito ang bukal kung saan nagmumula ang lahat ng iba pang mga pangako.

Ito, sa tingin ko, ang dahilan kung bakit lubos na angkop para sa mga manunulat ng Bibliya na tawagin ang mensahe ng krus na “Ang Magandang Balita” gaya ng pagtawag nila sa kabuuan—kasama dito ang kapatawaran, pagpapawalang-sala, muling pagkabuhay, bagong creation at yung iba pa—na ”Ang Magandang Balita.” Dahil ang malawak na pagpapala ng Magandang Balita ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng partikular na paraan (ang pagtubos, kapatawaran, pananampalataya at pagsisisi), at dahil ang mga pagpapalang iyon ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng partikular na paraan, sobrang angkop para sa mga manunulat ng Bagong Tipan na tawagin ang mga pangako ng mensahe ng krus (ang lagusan, ang pinagmumulan, ang binhi) na “Ang Magandang Balita.”

Angkop din para sa Bagong Tipan na tawagin ang mensahe ng krus na “Ang Magandang Balita” at, kasabay nito, hindi tawagin na “Magandang Balita” ang ibang partikular na pagpapala mula sa mensahe ng Kaharian. Kaya nga hindi natin tinatawag na “Magandang Balita” ang pagkakasundo ng mga tao. Hindi rin natin tinatawag ang bagong langit at bagong lupa na “Magandang Balita.” Ngunit ang katubusan at kapatawaran ay tinatawag nating “Magandang Balita” dahil ito ang bukal na pinagmumulan at lagusan tungo sa lahat ng iba pang mga pangako.

Mayroong ilang mga implikasyon na dumadaloy mula rito.

Una, tama lang na ulitin ko ito: Ang mga nagsasabi na ang “Magandang Balita” ay ang deklarasyon lamang ng kaharian ay mali. Ang Magandang Balita ay hindi lamang ang pagdedeklara ng kaharian; ito ay (sa malawak na kahulugan) ang pagdedeklara ng kaharian kasama ang mga kaparaanan kung paano makakapasok dito.

Pangalawa, ang sabihin na ang Magandang Balita ng Krus ay hindi Magandang Balita, o mababa sa Magandang Balita, ay mali. Hangga’t ang tanong ay, “ano ang mensahe na kailangang paniwalaan ng isang tao upang siya ay maligtas,” ang Magandang Balita ng Krus ay ang Magandang Balita. Ito ang sinabi ni Jesus, Pablo, at Pedro. [1]

Pangatlo, ang sabihin na ang Magandang Balita ng Kaharian ay isang karagdagan lamang sa Magandang Balita, o kaya naman ay isang distraction sa totoong Magandang Balita, ay mali rin. Hangga’t ang tanong ay, “ano ang kabuuan ng Magandang Balita ng Kristiyanismo,” ang Magandang Balita ng Kaharian ay hindi karagdagan lang sa Magandang Balita, ito ay ang Magandang Balita. Ito ang sinabi ni Jesus, Pablo, at Pedro.

Pang-apat, maling tawagin ang isang tao na Kristiyano dahil lamang sa gumagawa siya ng mabubuting bagay at “sumusunod sa halimbawa ni Jesus.” Para maging Kristiyano, para maging kabahagi ng pagpapala ng Kaharian, kinakailangan munang dumaan ang isang tao sa pintuan—lumapit kay Cristo nang may pananampalataya para matubos at mapatawad sa mga kasalanan.

Ikinuwento ni Bunyan sa kanyang librong Pilgrim’s Progress ang tungkol sa mga karakter na si Ginoong Formalist at Ginoong Hypocrisy na nakilala ni Christian sa daan patungo sa Celestial City. Pagkatapos niyang makipag-usap sa kanila, napagtanto ni Christian na sila pala ay tumalon lamang sa pader para makapunta sa daan sa halip na pumasok sa Wicket Gate. Ang kinalabasan: Itong dalawang karakter ay hindi mga Kristiyano, gaano man sila kagaling sa kanilang paglakad sa daan.

Palitan natin nang kaunti ang mga karakter, dapat maintindihan ng maraming tao na si Ginoong Jesus-Follower at Ginang Kingdom-Life-Liver ay hindi mga Kristiyano—maliban na sila ay lumapit kay Jesus na napako sa krus nang may pagsisisi at pananampalataya para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ang isang tao ay maaaring “mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesus” hangga’t gusto niya, pero kung siya ay hindi naman pumasok sa Wicket Gate ng katubusan, pananampalataya at pagsisisi, hindi pa talaga siya tunay na lumapit kay Cristo. Tumalon lang siya sa bakod.

Panlima, naniniwala ako na maling sabihin kailanman na ang mga hindi Kristiyano ay gumagawa ng mga “gawain para sa kaharian.” Ang isang hindi Kristiyano na gumagawa ng mga bagay para sa hustisya o sa pagkakasundo ng mga tao ay gumagawa ng mabuting bagay, ngunit hindi nila ito ginagawa para sa Kaharian sapagkat hindi nila ito ginagawa sa ngalan ng Hari. Sa totoo lang mali si C.S. Lewis; hindi ka pwedeng gumawa ng mga mabubuting bagay sa ngalan ni Tash at asahang masiyahan si Aslan sa mga iyon.

Pang-anim, ang pinaka layunin dapat ng anumang mercy ministry—maging ito man ay ginawa ng isang Kristiyano lamang o ng isang local church—ay ang ituro ang mundo pabalik doon sa pintuan. Maraming pwedeng sabihin tungkol dito, pero sa tingin ko ang tamang pag-unawa sa lahat ng ito ay makapagbibigay ng isang malakas na motibo sa missions at isang mabisang patotoo sa mundo.

Kapag inayos mo ang gusali ng isang barberya sa ngalan ni Jesus, halimbawa, kailangan mong sabihin sa may-ari (derecho at prangka ko itong sasabihin alang-alang sa kaiklian), “Gusto ko pong malaman ninyo, na ginagawa ko ito dahil pinaglilingkuran ko ang Diyos na may malasakit sa mga bagay tulad ng kagandahan at kaayusan at kapayapaan. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya at naniniwala ako na darating ang araw na babaguhin ng Diyos ang mundo kasabay ng pagtatatag ng isang kaharian kung saan ang mga pintura ay hindi nabubura at ang mga puno ay hindi namamatay. Ngunit [at ito ang punto ko] sa tingin ko hindi ka magiging parte ng kaharian na iyon. Dahil sa iyong mga kasalanan. Maliban kung ikaw ay magsisisi at mananampalataya kay Cristo.” At pagkatapos ay sabihin mo sa kanya ang magandang balita ng krus. Kung inayos mo lang ang barberya at ibinahagi ang darating na kaharian, nagkulang ka sa pagbabahagi ng Magandang Balita. Ang Magandang Balita ng kaharian ay isang deklarasyon tungkol sa kaharian kasama ang mga kaparaanan kung paano makakapasok dito.

Pangpito, gaya ng sinabi ko kanina, naniniwala ako na marami sa mga tinatawag na emergent church—sa lahat ng kanilang pagpupumilit kung gaano kamangha-mangha at kahanga-hanga yung magandang balita nila—ang lubos na nakaligtaan kung ano nga ba talaga ang kamangha-mangha tungkol sa Magandang Balita.

Ang paghahari ni Jesus at ang pagtatatag niya ng isang kaharian ng pag-ibig at habag ay hindi naman talaga ganoon kahanga-hanga. Karamihan sa mga Hudyo ay alam na mangyayari ito balang araw. Ang talagang nakakamangha sa Magandang Balita ay ito: ang Mesiyas na Hari ay namatay para iligtas ang mga makasalanan—na ang banal na Anak ng Tao na tinutukoy ni Daniel, ang Mesiyas mula sa lahi ni David, at ang Nagdurusang Lingkod na tinutukoy ni Isaias ay iisang tao lang pala. Higit sa lahat, sa ganitong paraan din natin mapag-uugnay ang Magandang Balita ng Kaharian at Magandang Balita ng Krus. Si Jesus ay hindi lamang Hari, kundi Haring ipinako sa Krus. Kung ikukumpara natin, yung sinasabi ng mga mula sa emergent church na isang kamangha-manghang magandang balita ay hindi naman talaga kamangha-mangha. Boring lang.

Pangwalo, lahat ng sinabi na at pinag-usapan natin ay humahantong sa isang conclusion: na ang evangelistic, missiological, at pastoral na diin sa panahon ngayon ay kabilang sa Magandang Balita ng Krus—doon sa pinagmumulan, at lagusan tungo sa malawak na Magandang Balita ng Kaharian. At ito ay dahil ang lahat ng iba pa ay hindi makakamit at talagang isang masamang balita maliban na lang kung ituturo natin ang mga tao doon. At hindi lamang iyon, ito ang panahon na kung saan ang pangkalahatang utos ng Diyos sa bawat isang tao sa mundo ay “Magsisi at maniwala.”

Mayroon lamang isang utos na kasama mismo sa Magandang Balita (sa malawak man o partikular): Magsisi at maniwala. Iyan ang pangunahing obligasyon ng mga tao sa ating panahon, at samakatuwid iyan din dapat ang pangunahing diin natin sa ating pangangaral.

[1] Malinaw na ipinangaral ni Jesus ang Magandang Balita ng Krus (halimbawa, sa Marcos 10:45) kahit na hindi niya ginamit mismo ang salitang “Magandang Balita” sa kanyang mga pananalita. Sa mas malawak na banda, kahit na kinikilala natin ang pakinabang ng word-studies, hindi dapat natin inaasa nang sobrang higpit yung identification at definition ng Magandang Balita sa kung gaano karaming beses nabanggit ang salitang “Magandang Balita” sa teksto. Kung ganoon, dapat nating sabihin na kailanma’y walang nabanggit si Juan tungkol sa Magandang Balita dahil hindi naman niya ginamit ang salitang iyon sa lahat ng sulat niya sa Bagong Tipan.  

©2023 Treasuring Christ PH. Salin sa Filipino ng What is the Gospel?. Hango sa 9Marks article. Bible references: MBB

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

One thought on “Ano ang Magandang Balita?

  1. Thank you po Ptr.Derrick for free ebook and also for five SOLAS..very encouraging,useful and helpful for my personal study and for my church ministry,.God blessed po

Leave a Reply