Pagkakaisa sa Church

Pagsisikapan nating manalangin at gawin ang lahat para mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa atin, na may pagpapakumbaba, pagmamalasakit sa kapakanan ng iba, at pagpapatawad sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa atin ng Diyos (Eph. 4:1-6, 31-32; Phil. 2:1-4).

‌The Problem: Conflicts and Divisions in the Church

‌Sa 37 years na history ng church, marami nang mga alitan at di-pagkakasundo na nangyari. Although hindi natin naranasan yung church split tulad ng nangyari sa ibang mga churches, meron pa ring mga problema na nagiging threat sa pagkakaisa sa church. May mga away na may kinalaman sa kurtina at pagkain sa anniversary celebration ng church. Merong naging sigawan at halos magkasuntukan sa isang elders meeting. Merong isang open forum na umiiyak ang dating pastor at ang asawa niya dahil sa mga paratang sa kanila, na eventually ay naging dahilan ng pag-alis ng pastor sa church. Merong isang elder na inakusahan ng isang elder na nagtuturo raw ng maling doktrina, na naging dahilan ng paglaki ng isyu na di naman dapat palakihin. Merong mga members na may nakatampuhan na ibang members at tuluyan nang lumipat sa ibang church. Ilan pa lang ‘yan sa mga naging isyu, at marami pang iba na nagiging alitan ng ibang mga members na maaaring hindi na nakakarating sa karamihan.‌

Ganun din sa church sa Corinth na sinulatan ni Paul dahil nga may nabalitaan siyang mga pagtatalu-talo at pagkakampi-kampi. Sabi niya sa kanila,

‌Mga kapatid, ako’y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako’y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako’y kay Cristo.” (1 Cor. 1:10–12)

‌Sinabihan niya sila na magkaisa dahil nga nagkakahati-hati sila. Kanya-kanyang partido. Nangyayari rin ‘yan sa ibang mga churches ngayon. At posible na maging problema rin sa church natin. Kaya mahalaga ang pag-aaral natin ngayon sa church covenant natin. Ang unang-una pa naman ay may kinalaman sa pagkakaisa. Kasi nga hindi ito natural sa atin. Hindi rin ito basta-basta lang nangyayari.

‌At bakit nga ba nahihirapan tayo na makipagkasundo sa mga taong nakasakit sa atin, o ibang-iba sa atin? Sabi ni Paul sa mga taga-Corinto,

Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinasabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba’t palatandaan iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman. (1 Cor. 3:3-4)

Ang tinutukoy niya na “laman” (“flesh”) dito ay yung nananatiling kasalanan sa atin. Bagamat nasa atin na ang Espiritu, patuloy pa ring nananahan ang makasalanang pagkatao sa atin, yung ating indwelling sin ang problema. Kapag may mga conflicts, natural sa atin na sabihing, “Siya kasi. Siya ang problema, hindi ako.” Posible nga na hindi ikaw ang nagsimula ng away, pero hindi mo pwedeng sabihing naging totally okay ang response mo.

Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba’t nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. (San. 4:1-2)

Sa isang church na ang lahat ng miyembro without exception ay makasalanan, mahirap talaga ang pagkakasundo at pagkakaisa. Yes, kailangan nating labanan ang natitirang kasalanan sa puso natin—ang pride, ang impatience, ang unforgiveness, ang bitterness, o ang kawalan ng pakialam sa mga nangyayari. Pero bago natin puntiryahin ang mga problema sa puso natin kung kaya’t nahihirapan tayong panatilihin ang pagkakaisa sa church, dapat muna nating ma-recognize na meron nang tunay na pagkakaisa na nag-eexist sa church.

‌Theological Basis for Unity

Ang basis for unity ng church ay hindi praktikal, o yung nakadepende sa effort na gagawin natin para magkaroon ng mga pagkakasundo. Siyempre may gagawin tayo. Pero hindi yun ang primary. Ang basis for unity ng church ay primarily theological. Ibig sabihin, at good news ito sa atin, na kahit gaano man katindi ang mga alitan na nangyayari sa loob ng isang church, at gaano man kalaki ang differences in doctrines and practices na nagiging dahilan ng pagkakahiwa-hiwalay ng iba’t ibang churches at iba’t ibang denominations, merong tunay na spiritual unity ang church. Pansinin n’yo yung simula ng first commitment natin sa church covenant: “Pagsisikapan nating manalangin at gawin ang lahat para mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa atin…” Galing ‘yan actually sa Ephesians 4:3, kung saan sinabi ni Paul sa church sa Ephesus na maaaring nararamdaman ang tension na magkahalo ang mga Judio at Hentil sa iisang church na talaga namang sa history ay sobrang unthinkable na mapagsama, “Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo.” Anumang hidwaan o tensyon sa relasyon ng magkakaibang lahi, sabi ni Paul, meron nang “pagkakaisang mula sa Espiritu,” meron nang “kapayapaang nagbubuklod” sa kanila. We are not called to manufacture peace and unity. Ang kailangan lang ay “mapanatili” kung ano ang meron na.‌

At ang pagkakaisang ito ay hindi nakatali sa atin, kundi nakatali sa Diyos. Ang pundasyon ng ecclesiology o doktrina tungkol sa church ay theology proper o doktrina tungkol sa Diyos. Kaya ganito ang kasunod na sinabi ni Paul,‌

May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo’y tinawag ng Diyos. May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.” (4:4-6)

‌Pansinin n’yong mabuti yung reasoning dito ni Paul. Hindi niya sinabing “Magkaisa kayo para magkaroon ng iisang katawan…” Ang sabi niya, “Panatilihin n’yo ang pagkakaisa dahil may iisang katawan…” Hindi sinabing “So that there will be one body.” Ang sabi, “There is one body…” Yung vv. 4-6 ay theological reality na siyang pundasyon ng pagkakaisa sa church. Kapag nababalitaan natin ang mga pag-aaway sa loob ng isang church, o kung mare-realize natin ang libu-libong mga Christian denominations ngayon na di nagkakasundo patungkol sa baptism, o sa paraan ng pagsamba sa church, o sa style ng music, we become frustrated na para bang imposible pa na magkaroon ng unity ang church. Siguro malayo pa, siguro maraming efforts pa ang kailangang gawin to achieve unity, o siguro mangyayari lang ‘yan sa pagbabalik ni Cristo. Pero itinuturo sa atin ni Paul na ang unity of the church ay hindi isang far-fetched dream o isang ideal na imposibleng mangyari sa panahon natin ngayon. Ang itinuturo niya ay ito: meron nang real spiritual unity ang church, obvious man ito o hindi. Hindi ito isang ilusyon o panaginip lang. Ito ay isang realidad. Ito yung pitong “iisang” binanggit ni Pablo: “…iisang katawan at iisang Espiritu…iisang pag-asa…iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat.” Ang pagkakaisa sa church ay nakatali sa pitong “iisang” binanggit dito ni Pablo.

There is One God in Three Persons

‌Unang-una na ay ang nag-iisang Diyos. Merong tunay na pagkakaisang Kristiyano dahil iisa lamang ang Diyos. “Hear, O Israel: The Lord our God, the Lord is one” (Deut. 6:4). At ang iisang Diyos na ito na si Yahweh ay nag-eexist in three persons. Hindi tatlong Diyos, kundi isang Diyos sa tatlong persona: “iisang Espiritu…iisang Panginoon (ang Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesu-Cristo)…iisang Diyos at Ama nating lahat.” Nilikha tayong lahat sa larawan ng Diyos. Iniligtas tayo ni Cristo dahil sa pagkabigo nating i-reflect ang larawan ng Diyos sa buhay natin, at ngayon tayo ay being recreated in his image. At naipapamuhay natin ito sa pamamagitan ng pagkakaisa sa kabila ng maraming pagkakaiba-iba. Ang Diyos na tatlong persona ay iisang Diyos—iisang kalooban at layunin. Hindi nagtatalu-talo ang tatlong persona ng Diyos, at walang di pinagkakasunduan. There is perfect unity and harmony in the Godhead. Merong tunay na pagkakaisa sa church dahil ang identity natin ay nakakabit sa nag-iisang Diyos.

There is One Gospel

‌Kung ang una ay may kinalaman sa kung sino ang Diyos apart from us, ang ikalawa naman ay ang ginawa ng Diyos para sa atin. Merong tunay na pagkakaisa sa church because there is only one gospel. Heto ang reaksyon ni Pablo sa nabalitaan niyang pagkakahati-hati sa church sa Corinto, “Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya?” (1 Cor. 1:13). Obvious naman ang sagot sa lahat ng tanong niya, “Hindi. Hindi. Hindi.” Ito yung “iisang Panginoon, iisang pananampalataya” (Eph. 4:5) na tinutukoy ni Pablo. Malamang na yung “pananampalataya” na tinutukoy niya ay hindi yung antas o kalidad ng pananampalataya natin dahil nag-iiba-iba yun. Pero yung “ano” ng pananampalatayang yun, si Cristo at ang ginawa niya sa krus na object of our faith. Siyempre, meron pa ring iba-ibang paniniwala tungkol sa ilang mga detalye ng gospel na ‘to. Pero hindi natin pwedeng sabihing merong iba’t ibang gospels. Meron lang isang gospel, wala nang iba (Gal. 1:6-7). At ito ang pinakamahalaga sa lahat, na si Cristo na tunay na Diyos at tunay na tao ay namuhay na matuwid, walang sala, namatay sa krus at itinuring na makasalanan para tubusin tayo sa ating mga kasalanan, at sa ikatlong araw ay muling nabuhay para pagtagumpayan ang kasalanan, kamatayan, at kasamaan (see 1 Cor. 15:3-6).

‌Ngayon, ang lahat ng sumasampalataya kay Cristo at sa kanyang mabuting balita ay pinagkalooban niya ng kaligtasan. Ibig sabihin, anumang tensyon meron ang mga Judio at Hentil sa church sa Ephesus, higit na maganda, makapangyarihan, at mahalaga ang nag-iisang gospel na nagbubuklod sa kanila.

“Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin” (Eph. 2:14). “Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan” (v. 16). “Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu” (v. 18). “Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon” (v. 21). Pansinin n’yo kung paano nagkaroon ng pagkakaisa: “Sa pamamagitan ng kanyang katawan…Dahil kay Cristo…Sa pamamagitan niya…”

Dugo ni Cristo ang ipinambayad hindi lang para mapanumbalik tayo sa Diyos, kundi para magkaroon din tayo ng tunay na pagkakaisa sa church. Isipin mo ‘yan sa susunod na umiiral ang ugali mo na nagiging dahilan para magkaroon ng pag-aaway o di-pagkakasundo sa church.

There is One Church

‌Yes, you heard it right. Oo, maraming mga local churches na nagtitipon sa iba’t ibang mga lugar sa buong mundo. Pero kung yun lang ang pananaw natin about the church, nagiging myopic tayo o near-sighted. Kaya mahalaga yung line sa Nicene Creed that we confess “one holy catholic and apostolic church.” One church. One catholic church. Yes, we are not “Roman Catholics.” Pero ang ibig sabihin ng “catholic” ay pangkalahatan. Isang church, mula noong unang panahon hanggang ngayon, sa lahat ng lugar sa buong mundo, yung mga natitirang buhay sa mundong ito (church militant) o nasa langit na (church triumphant). Isang church lang, wala nang iba. Kaya sabi ni Paul, “iisang katawan” (2:16; 4:4). Maraming expressions ng katawan ni Cristo sa iba’t ibang local churches, pero iisa lang ang katawan ni Cristo. “Iisang Espiritu” (4:4), Pentecostal man ‘yan o cessationists. “Iisang pag-asa” (4:4), premillenial man ‘yan, postmillenial o ammillenial, iisa ang pag-asa sa pagbabalik ni Cristo. “Iisang bautismo” (4:5), Presbyterian man ‘yan o Baptist, kung tunay ang pananampalataya kay Cristo ay pareho ring nakipag-isa sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Meron ngang isang author ang nakapansin na madalas na ginagamit na images tungkol sa church sa New Testament ay singular—one body, not bodies; one temple, not temples; one flock, not flocks; one bride, not brides.

‌Pwede pa rin naman nating gamitin ang plural na “churches” kasi meron ding ganyang usage sa New Testament, pero ang point dito ay ‘wag nating kakalimutan na higit na mahalaga ang “church” na singular, there is only one church.

How about Our Differences and Disagreements?

‌Paano naman yung mga existing differences natin—sa doktrina man ito, church practices, o preferences? Hindi ko sinasabing isantabi natin ‘to dahil imposible yun. Paano naman yung mga disagreements natin? Hindi ko sinasabing dapat isang denomination lang at magsama-sama na ang lahat dun. Imposible yun. Merong pagkakaiba-iba. Merong diversity. At hindi ‘yan necessarily wrong. Oo, pwedeng magkamali tayo, pwedeng magkasala tayo kaya nagkakahati-hati. Pero ang calling natin ay to reflect God’s image sa kabila ng mga pagkakaiba-iba natin at sa mga bagay na hindi natin pinagkakasunduan. Ang pinakamahalaga sa lahat nakafocus tayo sa gospel at sa core doctrines of our faith na ipinapahayag ng lahat ng mga “catholic Christians” sa Apostles’ Creed at Nicene Creed. So, anumang differences natin, anumang mga disagreements, we must find and pursue our unity in the gospel. Walang unity apart from the gospel.

‌A Commitment to Preserve and Grow in Unity

‌Ang point dito ay tandaan natin na hindi tayo ang lilikha o gagawa ng sarili nating unity. Meron na yung unity na yun. There is one God. There is one gospel. There is one church. Ang kailangan nating gawin? To be “eager to maintain the unity of the Spirit in the bond of peace” (Eph. 4:3). So, meron tayong gagawin, meron tayong responsibilidad, meron tayo dapat commitment na panatilihin ang pagkakaisang yun, to preserve that unity, and to reflect that unity sa relasyon natin sa isa’t isa. Anu-ano ang kailangan so that we will grow in our commitment to preserve and grow in unity?

Prayer

‌Tinawag ni Paul ang ganitong pagkakaisa na “unity of the Spirit” (Eph. 4:3) dahil nalikha ito sa pamamagitan ng Holy Spirit. Ang church ay templo ng Espiritu. Ibig sabihin, nananahan sa atin ang Espiritu ng Diyos, at mapananatili lang ang pagkakaisang ito sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. “Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu” (2:22). Hindi lang ito organizational unity kundi spiritual unity, a kind of unity only the Spirit can accomplish. Yes, meron tayong kailangang gawin “hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya” (4:13). Pero dapat na aminin nating hindi natin kakayanin kung tayo-tayo lang, kahit magtulung-tulong pa tayo. Dapat na ibabad natin ito sa prayer. “Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu” (6:18). Kailan ang huling beses na nanalangin ka para sa pagkakaisa sa church tulad ng prayer ng Panginoong Jesus sa John 17?

“Ingatan mo po sila…upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila’y maging isa…Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila’y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila’y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin” (vv. 11, 21-23).

‌Ito rin ang prayer natin hindi lang kapag may mga nababalitaan tayong mga matinding pag-aaway o di-pagkakasundo, kundi maging sa panahong parang payapa naman ang sitwasyon. We must regularly pray for church unity. Kaya yung first words sa first commitment sa covenant natin: “Pagsisikapan nating manalangin…”—pero hindi lang yun—“at gawin ang lahat para mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu…”

Effort

‌Meron tayong kailangang gawin. Merong “effort” na dapat i-exert para mapanatili ang pagkakaisa at lumago tayo sa pagkakaisa. Active effort ito, hindi passive. Hindi mo pwedeng sabihing, “Wala naman akong ginagawa para mahati ang church.” Mas mainam kung itatanong mo sa sarili mo: “Ano ba ang ginagawa ko para mapanatili at mapatatag ang pagkakaisa sa church?” Hindi pwedeng wala kang gagawin. Kaya sabi ni Paul, “Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu…” (Eph. 4:3). “Kaya’t lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa’t isa” (Rom. 14:19). “Mabuti ang gawi’t masama’y layuan; pagsikapang kamtin ang kapayapaan” (Awit 34:14).

Kapag merong nakasakit sa ‘yo sa church, o meron kang hindi nakasundo na naging dahilan para maging malayo ang loob n’yo sa isa’t isa, ano ang ginawa mo? May ginawa ka ba para magkaayos? O kung bago ka pa lang sa church, at hindi pa nangyayari ang ganyan, paano kung mangyari? Ano ang gagawin mo? Siyempre hindi naman sa ‘yo nakasalalay ang lahat. Pero at least may ginawa ka. Meron kang dapat gawin. Maraming mga conflicts na hindi na sana lalaki at lalala kung sa simula pa lang ay pinag-usapan na ng maayos. Pero bakit nahihirapan tayong makipagkasundo sa iba? Heto ang kulang sa atin…

Humility

‌Kaya nakalagay sa covenant natin, “na may pagpapakumbaba.” Kasi, mahalaga ang humility para maranasan ang unity. Kapag walang humility, delikado ang unity ng church. Kaya sinabi ni Paul bago yung tungkol sa maintaining unity sa Ephesians 4:3, “with all humility” (v. 2). Magkakabit kasi yun. Hindi pwedeng paghiwalayin. Kalaban ng unity ang pride na nasa puso natin. Sabi ni Christopher Green: “Pride is one of the most obvious ways to develop a fault line in a church. Pride will inevitably lead to disunity, because people build empires which they can lead to their own satisfaction, and they can find a place to stand uncorrected and unchallengeable. Pride is ugly, and as unlike the Lord Jesus on the cross as it is possible to imagine” (The Message of the Church, 165). “Unlike the Lord Jesus” dahil kahit na siya’y Diyos, nagpakababa siya, naging tao na tulad natin, at tuluyang ibinaba ang sarili niya nang maglingkod sa atin at ibigay ang kanyang buhay para sa atin (Phil. 2:6-8; Mark 10:45). Kaya sabi ni Paul sa mga taga-Filipos na magkaroon sila ng humility na katulad ng nakay Jesus (Phil. 2:5). Sabi pa niya, “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili” (v. 3).‌

Hindi magkakaroon ng pagkakasundo kung ang tingin mo sa sarili mo ay mas mataas kaysa sa iba, kung feeling mo ikaw palagi ang tama at ang iba ang palaging mali, kung makikipag-usap ka nga sa nakaaway mo pero hindi naman para magkaayos kundi para patunayan na ikaw ang tama, kung feeling mo mas marunong ka, mas magaling, mas superior, kapag ang taas-taas ng tingin mo sa sarili mo. It takes humility from all of us para mapalakas ang unity sa church. Sabi nga ni Augustine, meron daw tatlong Christian virtues na mahalaga. Ang una ay humility. Ang ikalawa ay humility. Ang ikatlo? Humility.

Care

‌Kailangan din natin ng mutual care, o pagmamalasakit sa isa’t isa. “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili” (Phil. 2:4). Diyan galing yung nakalagay sa covenant natin, “pagmamalasakit sa kapakanan ng iba.” Oo, may kailangan ka. Oo, maaaring nasaktan ka. Pero tandaan mo na hindi lang ikaw ang nangangailangan, hindi lang ikaw ang nasasaktan. Tama namang isipin natin ang sarili natin, pero huwag ang sarili lang natin. Yun nga ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng isang katawan ni Cristo, “upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa’t isa” (1 Cor. 12:25).

Naging member tayo ng church hindi lang para i-expect na pagmalasakitan tayo ng iba. Meron ding kasamang responsibilidad na magmalasakit tayo para sa iba. Ito yung nararamdaman mo rin ang sakit ng iba. “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat” (v. 26).

‌Kapag nasaktan, madali sa iba na magtampo, o sabihin sa iba kung paano sila nasaktan. Pero naisip mo rin ba na baka ikaw rin ay may nasaktan? Ano ang gagawin mo? O kung wala ka ngang nakaaway, pero nagmamalasakit ka ba sa mga members natin na hindi na natin nakikita at baka meron silang nakaaway? Pinagpe-pray mo ba sila, kinukumusta, at ginagawan ng paraan para muling makasama sa church? That is how we work for unity, kung meron tayong pagmamalasakit sa bawat isa. Pero kung wala kang pakialam, makakasira ‘yan sa pagkakaisa natin bilang magkakapatid kay Cristo.

Forgiveness‌

Mahirap naman talagang maging member ng church. Kaya yung iba ay okay lang na attender na lang sila, kahit na hindi member. Kasi nga may mga pagkakataong mahihirapan kang pakisamahan ang ibang mga members ng church. Totoo ngang “saints” ang mga members ng church, pero totoo rin na lahat tayo ay nananatiling “sinners.” Nagkakasala pa rin. Sooner or later, kung di mo pa na-eexperience, masasaktan ka rin ng iba. At baka umiyak ka pa. May nakasakit na rin sa akin. Meron na rin akong mga nasaktan, o nagtampo dahil sa ginawa ko o hindi ko ginawa na ine-expect nila. Kaya mahalaga yung nakasulat sa covenant natin na kasunod, “pagpapatawad sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa atin ng Diyos.” Galing naman ito sa Ephesians 4:31-32:‌ Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

‌May mga kasalanan na magiging dahilan para magkaroon ng lamat ang relasyon natin sa church, but forgiveness has the power to heal broken relationships. Kung maliit na kasalanan, madali pang palampasin. Pero paano kung masakit talaga. Paano kung mahihirapan ka nang makita ang isang member na nagkasala sa ‘yo? Paano kung mahirap magpatawad. Mahirap talaga. Kaya kailangan nating alalahanin palagi hindi ang kasalanang nagawa ng iba laban sa atin, kasi kung gagawin natin yun lalo pang magagatungan ang galit at hinanakit puso natin. Pero kung aalalahanin natin kung paanong ang lahat ng mga kasalanan natin (pati na ang mga kasalanan ng taong nagkasala sa atin) ay ipinako na sa krus at binayaran na ni Cristo, magkakaroon tayo ng kakayahan na magpatawad dahil tayo mismo ay naranasan natin ang pagpapatawad ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Forgiven people forgives. Ang mga taong pinatawad ay nagpapatawad. At ang pagpapatawad ang makahihilom ng anumang nagiging lamat sa ating pagkakaisa sa church. Nagkausap na ba kayo ng taong nagkasala sa ‘yo? Pinatawad mo na ba siya? O baka ikaw ang kailangan ding humingi ng tawad?

Perseverance‌

Itong panghuli ay mahalaga rin, napakahalaga: perseverance. Kasi nga kung nagpatawad ka, posible na magkasala ulit sa ‘yo, kung hindi man yung taong iyon, baka iba naman. Baka mawalan ka na ng pasensya, panghinaan ka na ng loob, o umayaw ka na, o lumipat na lang sa ibang church. Kaya sabi ni Paul, “with all humility and gentleness, with patience, bearing with one another in love” (Eph. 4:2).

Meron talagang iba na kailangang pagtiyagaan natin, pagtiisan natin, wag nating basta susukuan. Minsan ikaw na yung nagpakumbaba, pero ikaw pa ang napasama. Minsan gusto mo nang magpatawad, pero ayaw namang makipag-usap sa ‘yo. Kapag sinabi mo yung obvious na kasalanang nagawa ng iba, ayaw pang aminin, ikaw pa ang lalabas na may kasalanan. Hindi mawawala ang mga threats to our unity as a church. Hindi humihinto ang Kaaway para samantalahin ang mga pagkakataon para maghasik ng kaguluhan sa church. Wag din tayong hihinto sa pananalangin, pagsisikap, pagpapakumbaba, pagmamalasakit, at pagpapatawad.

Our Common Union in Christ: Making the Invisible Visible‌

“Unity, then, is a never-ending challenge,” sabi nga ni Christopher Green (The Message of the Church, p. 175). It’s a challenge, totoo ‘yan. Pero it is also possible. Kasi nga, tulad ng una kong binanggit kanina, meron nang tunay na unity ang Diyos. Ito yung invisible and spiritual unity ng church, nandiyan na ‘yan, realidad na ‘yan dahil sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, dahil tayo’y nakay Cristo. Pero kung wala ka kay Cristo, nandito ka man, makisama ka man, pero hindi ka “kaisa” sa church. Your first business is not church membership. Mas mahalagang maging kabilang ka muna kay Cristo, at kasunod niyan ang pagiging kabilang sa church. Makipag-usap ka sa aming mga elders o sa ibang members ng church kung paano magiging “kaisa” ni Cristo.‌

At para sa atin na mga nakay Cristo, nakipag-isa na tayo kay Cristo, nakipag-isa na tayo sa katawan ni Cristo, sa church. Hindi pwedeng wala tayong gagawin. Ano ang gagawin natin? Itong invisible unity (“the unity of the Spirit”) ay gagawin nating visible. Anumang alitan, di-pagkakasundo, galit, di-pagpapatawad, masasamang salita na tumatakip sa invisible unity ng church ay tatanggalin natin. To make the invisible visible. Ito ang ibig sabihin ni Pablo na “mamuhay…gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos” (Eph. 4:1). Gaya ng sabi ni Mark Dever, “The church is the gospel made visible,” pwede rin nating sabihing, “The unity of the church is the gospel of peace made visible.” Tunay na “napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa’t laging sama-sama na magkakapatid” (Psa. 133:1).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply