Ni Mark Dever
(Orihinal na inilathala bilang chapter 7 ng What Is a Healthy Church?)
Napakahalaga para sa mga churches natin ang magkaroon ng tamang biblical theology sa isang espesyal na bahagi—ang pagkaunawa natin sa Magandang Balita ni Jesu-Cristo, ang gospel. Ang gospel ang puso ng Kristiyanismo, kaya dapat iyon rin ang nasa puso ng mga churches natin.
Ang isang healthy church ay isang church kung saan ang bawat miyembro, bata at matanda, mature o immature pa, ay nagkakaisa sa kamangha-manghang Magandang Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Lahat ng mga teksto sa Bibliya ay alin lang sa dalawa: patungkol mismo sa Magandang Balita ni Cristo o patungkol sa ilang aspeto nito. Kaya nga ang bawat pagtitipon ng church every week ay dapat laging nakatuon sa paulit-ulit na pakikinig ng gospel. Ang biblikal na pagkaunawa sa Magandang Balita ang dapat na pundasyon ng bawat sermon, bawat baptism at communion, bawat awit, bawat panalangin, at bawat pag-uusap sa church. Higit sa kahit ano pa mang bagay sa buhay ng church, ang bawat miyembro ng isang healthy church ay dapat nananalangin at nagnanais na mas lalo pang lumalim ang pagkaunawa sa gospel.
Bakit? Dahil ang pag-asang kaloob ng gospel ay ang pag-asang malaman pa lalo ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa pamamagitan ni Cristo (2 Cor. 4:6). Ito ay pag-asang makita siya nang mas malinaw pa at makilala siya nang lubusan pa (1 Cor. 13:12). Ito rin ay pag-asa na maging katulad niya habang mas lalo nating nakikita kung sino siya talaga (1 Juan 3:2).
GOSPEL BASICS
Ang gospel ay hindi balita na nagsasabing okay lang tayo. Totoo naman na ang Diyos ay pag-ibig, pero ito ay hindi balita patungkol doon. Hindi rin ito balita na nagsasabing gusto ni Jesus makipagkaibigan sa atin. At lalong hindi ito balitang nagsasabi na ang Diyos ay may magandang plano o layunin sa buhay mo. Ang gospel ay ang Magandang Balita tungkol sa ginawa ni Jesu-Cristo, na siya’y namatay sa krus bilang sacrificial substitute para sa mga makasalanan at nabuhay muli, na naging daan para tayo ay maipagkasundo sa Diyos. Ito ay balita tungkol sa Dakilang Hukom na magiging Ama natin, kung tayo ay magsisisi at magtitiwala kay Cristo.
Ito ang apat na puntos na lagi kong tinatandaan tuwing ibabahagi ang gospel, personal man o sa maraming tao—(1) Diyos, (2) tao, (3) Cristo, at (4) tugon. Ibig sabihin:
- Naipaliwanag ko ba na ang Diyos ay banal at siya ang makapangyarihang Maylikha ng lahat?
- Naipaliwanag ko ba nang malinaw na tayong mga tao ay kakaiba at kahanga-hangang nilikha ng Diyos ayon sa kanyang larawan ngunit kakila-kilabot ang kalagayan, sobrang makasalanan at malayo sa kanya?
- Naipaliwanag ko ba kung sino si Jesus at kung ano ang kanyang mga ginawa—na siya ang Diyos-tao na natatangi at nag-iisang tagapamagitan ng tao at ng Diyos bilang sacrificial substitute at Panginoong muling nabuhay?
- Panghuli, kahit na naibahagi ko na ang lahat ng ito, nabanggit ko ba nang malinaw na ang isang tao ay dapat magbigay ng tugon sa gospel at dapat maniwala sa mensaheng ito at tumalikod sa makasariling pamumuhay at sa kasalanan?
Minsan, nakakatuksong sabihin yung magagandang mga benefits ng gospel bilang pamalit sa totoong mensahe ng gospel. Ito kasing mga benefits na ito ay mga bagay na natural na gusto ng mga hindi Kristiyano, tulad ng kagalakan, kapayapaan, kaligayahan, katuparan ng mga panalangin, lakas ng loob o pag-ibig. Ngunit ang mga ito ay hindi pa ang buong katotohanan ng gospel. Tulad ng sinabi ni J. I. Packer, “Ang kalahating katotohanan na nagpapanggap na buong katotohanan ay nagiging buong kasinungalingan.”
Una sa lahat, hindi lang naman kaligayahan o kapayapaan o layunin ang kailangan natin sa buhay. Kailangan natin ang Diyos mismo. Dahil tayo ay mga makasalanang hinatulan, kung gayon, kailangan natin ang kapatawaran niya nang higit sa lahat. Kailangan natin ng buhay espirituwal. Kapag ipinakita natin ang gospel nang mas mababa kaysa sa tunay nitong ganda, magbubunga ito ng mga false conversions at mas lalong magpaparami sa bilang ng meaningless na mga listahan ng miyembro sa church. Pareho itong magiging dahilan para mas lalong maging mahirap ang pag-eevangelize ng buong mundo.
GOSPEL OVERFLOW
Kapag ang isang church ay healthy at kapag ang mga miyembro nito ay alam at pinahahalagahan ang gospel nang higit sa lahat, magbubunga ito ng mas masidhing hangarin na ibahagi ang gospel sa buong mundo. Sabi ni George W. Truett, isang mahusay na Christian leader ng nakaraang henerasyon at pastor ng First Baptist Church sa Dallas, Texas:
Ang pinakamatinding reklamo na maaari mong iharap laban sa isang church . . . ay ang church na iyon ay kulang sa pag-ibig at habag sa kaluluwa ng mga tao. Ang isang church ay walang pinagkaiba sa isang club ng mga taong mahilig magpakabait kung wala naman itong pakialam sa mga naliligaw na kaluluwa at hindi man lang humahayo para hanapin at ituro ang mga naliligaw na kaluluwa sa pagkakilala kay Jesu-Cristo.
Sa panahon ngayon, ang mga miyembro ng mga churches ay nagbibigay ng mahabang oras kasama ang mga hindi Kristiyano sa kanilang mga tahanan, mga opisina, at sa mga komunidad nila sa kanilang barangay, mas mahabang oras kaysa sa naibibigay nilang oras kasama ang mga kapwa nila Kristiyano tuwing araw ng Linggo. Ang evangelism ay hindi isang bagay na ginagawa lang natin sa pamamagitan lang ng pag-iimbita sa mga tao na pumunta sa church. Lahat tayo, araw-araw, ay may dala-dalang napakagandang balita tungkol sa kaligtasan na matatagpuan kay Cristo. Huwag natin itong ipagpalit sa kahit anong bagay. Ibahagi natin ito ngayon!
Ang isang healthy na church ay alam ang gospel at ibinabahagi ito sa iba.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

