Ang isang local church ay isang grupo ng mga Kristiyano na regular na nagtitipon sa pangalan ni Cristo para opisyal na kilalanin at pangasiwaan ang isa’t isa sa kanilang pagiging miyembro ni Jesu-Cristo at ng kanyang kaharian sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita (gospel) at pagsasagawa ng mga gospel ordinances. Alam kong medyo malaman ‘yan, pero pansinin mo ang limang bahagi ng definition na ‘yan:
- isang grupo ng mga Kristiyano;
- merong regular na pagtitipon;
- pagsasagawa ng pagkilala at pangangasiwa sa buong kongregasyon;
- merong layunin na opisyal na kumatawan kay Cristo at sa kanyang pamamahala sa mundo—nagtitipon sila sa kanyang pangalan;
- ang paggamit ng pangangaral at ordinances para sa mga layuning ito.
Kung paanong ang pronouncement ng isang pastor sa isang kasalan ay bumabago sa relasyon ng isang lalaki at isang babae para maging mag-asawa na, itong huling apat na bullet points ay bumabago sa relasyon ng isang ordinaryong grupo ng mga Kristiyano na gumugugol ng oras para magsama-sama sa isang lugar—ayan na!—para maging isang local church.
Mahalaga ang pagtitipon sa ilang mga kadahilanan. Ang isang dahilan ay ito: sa pagtitipong ito, ang mga Kristiyano ay nagpapahayag sa publiko kung sino ang kanilang pinakamataas na awtoridad sa buhay. Isa itong outpost o embassy na kakikitaan kung ano ang magiging itsura ng kahariang kinabibilangan natin. At dito rin tayo nagbibigay-pugay sa ating hari, na siya namang tinatawag nating pagsamba o worship. Maaari tayong kalabanin ng mga hari ng mundong ito, ngunit hinahango ng Diyos ang mga kabilang sa kanya mula sa mga bansang ito upang sambahin siya. Bubuuin niya ang isang dakilang kongregasyon.
Sa pagtitipon ding ito ipinapatupad ng ating hari ang kanyang pamamahala sa pamamagitan ng pangangaral, mga ordinansa, at pagdidisiplina. Ang gospel sermon ang nagpapaliwanag ng “batas” ng ating kahariang kinabibilangan. Ipinapahayag nito ang pangalan ng ating hari at ipinapaliwanag ang sakripisyong ginawa niya para maging hari natin. Itinuturo sa atin nito ang kanyang mga pamamaraan at sinasaway tayo sa ating mga pagsuway. At binibigyan tayo nito ng katiyakan ng kanyang nalalapit na pagbabalik.
Sa pamamagitan ng baptism at Lord’s Supper, iwinawagayway ng church ang watawat at isinusuot ang uniporme natin bilang mga sundalo ng kahariang ito. Sa pamamagitan nito, ipinapakilala natin ang sarili natin nang lantaran, at hindi nakatago. Noong tayo ay ma-baptize, ipinapakilala tayo na ang identity natin ay nakakabit sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu, at gayundin sa pakikipag-isa natin sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo (Matt. 28:19; Rom. 6:3-5). Ang pakikibahagi sa Lord’s Supper ay pagpapahayag ng kanyang kamatayan at ng pagiging bahagi natin ng kanyang katawan (1 Cor. 11:26-29; cf. Matt. 26:26-29). Gusto ng Diyos na maipakilala kung sino ang kabilang sa kanya, at nakabukod sa mga hindi kabilang sa kanya. Gusto niyang magkaroon ng malinaw na boundary kung sino ang kabilang sa church at kung sino ang kabilang sa mundo.
Ano ang local church? Ito ang institusyon na nilikha ni Jesus at binigyan ng awtoridad na ipahayag ang mabuting balita (gospel) ng kaharian, para kilalanin kung sinu-sino ang naniniwala sa mabuting balitang ito, para pangasiwaan ang kanilang discipleship, at para ipahayag kung sino ang nagpapanggap lang na mga tagasunod ni Jesus. Ang ibig sabihin ng lahat ng ito, hindi tayo “sumasali” sa isang church na para bang sumasali lang tayo sa isang club o pangkaraniwang organisasyon. Hindi “sumasali,” kundi nagpapasakop tayo sa church.
Ang article na ‘to ay hango sa Church Membership: How the World Knows Who Represents Jesus (Crossway).
Photo by Sincerely Media on Unsplash