[Note: Ito ay Taglish translation ng Chapter 4 (“What Do Elders Do?”) ng Understanding Church Leadership na isinulat ni Mark Dever. Ang librong ito ay bahagi ng Understanding Church Basics series ng 9Marks.]
Nakita natin kung sino ang maituturing na elders ng church. Ngayon naman, ano ang ginagawa nila?
Nananalangin
Ang mga elders ng church ay dapat na manalangin para sa mga miyembro ng kanilang church (tingnan ang James 5:14; Acts 6:4). Nagbigay ang Diyos sa mga elders ng tungkulin para sa isang kawan ng mga tupa, kaya dapat silang manalangin para sa mga tupa na kabilang sa kanilang iglesya—panalangin sa bawat isa, panalangin sa pangkalahatan, at panalangin sa harap ng kongregasyon.
Kung bawat indibidwal ang pag-uusapan, mahal ko ang mga miyembro ng local church na pinaglilingkuran ko. Bawat umaga, ipinapanalangin ko ang bawat pangalan na nakasulat sa ilang pahina ng membership directory ng church.
Sama-sama naman kami sa mga elders’ meeting sa church namin na naglalaan ng mahabang panahon sa pananalangin sa mga members namin—siguro aabot sa isang oras sa kabuuang tatlong oras na inilalaan namin sa meeting. Iniisa-isa namin bawat pangalan sa isang bahagi ng directory. Pagkatapos ay ipinapanalangin namin ang mga tupa na merong kabigatang dinadala sa buhay.
Sa mga pagtitipon ng church, nangunguna ang mga elders sa pagbibigay-karangalan sa Diyos kung sino siya sa pamamagitan ng mga panalangin ng papuri. Nagbibigay sila ng pattern sa pagtingin sa katapatan ng Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin ng pasasalamat, lalo pa’t ang mga elders ang nasa mas malapit na posisyon para makita ang pagkilos ng Diyos sa church. Ang mga elders ay dapat magmatyag nang mabuti sa mga sagot sa panalangin at ipakita ito sa kongregasyon.
Nagpapakita rin sila ng halimbawang dapat tularan sa pamamagitan ng pangunguna sa sama-samang panalangin ng paghingi ng tawad sa Diyos sa mga kasalanan, o prayers of confession. Tinutulungan nila ang church na kilalanin ang kabanalan ng Diyos sa pamamagitan ng confession ng kasalanan. Sila man ay mag-isa o nasa harap ng mga tao, dapat nilang siyasatin ang mga sarili nila para makita kung sila nga ba ay may tunay na pananampalataya (2 Cor. 13:5). Ang pagsisiyasat nila ng sarili nilang mga puso ay makakapagdulot sa kongregasyon na magkaroon ng mas malaking pagtingin at pagkilala sa awa at biyaya ng Diyos, at makakapag-encourage din ng iba habang pinapangunahan nila ang kongregasyon sa pag-confess ng mga kasalanan sa Diyos.
Ang panalangin para sa ibang tao, o intercessory prayer, ay maaaring ang pinaka-basic na ministry ng isang elder. Upang magkapagsalita sa mga tao para sa Diyos, ang mga elders ay dapat na kausapin ang Diyos para sa mga tao. Dapat nilang mapagtanto na walang kabuluhan at walang patutunguhan ang lahat ng kanilang mga ginagawa kung ito ay hiwalay sa nagbibigay-buhay na gawa ng Espiritu ng Diyos. Ang mga elders ay nananalangin at dapat na nananalangin.
Nangangaral at Nagtuturo
Ang isa pang basic na gawain ng mga elders ay ang pangangaral at pagtuturo (preaching and teaching) ng Salita ng Diyos sa kongregasyon. Isang qualification ng mga elders ay yung dapat na may kakayahan silang magturo dahil karamihan sa mga ginagawa nila ay may kinalaman sa pagtuturo (tingnan ang 1 Tim. 3:2). Ang mga elders ay nagtuturo sa pamamagitan ng pangunguna sa mga pagtitipon ng church. Nagtuturo sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga announcements o pagbabasa ng Bibliya. Nagtuturo sila sa pamamagitan ng paraan ng pananalangin nila na naririnig ng mga tao. Tiyak na nagtuturo sila tuwing pinapangunahan nila ang isang Sunday school class, ito man ay para sa mga bata o sa mga matatanda. Nagtuturo sila ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng preaching.
Ang mga elders na itinalaga para gawin ang trabahong ito nang full-time ay maituturing na maganda at malaking regalo para sa local church. Pero hindi kailangang ang isang elder ay maging full-time o maging main preaching pastor para ang maging basic ministry niya ay ang pagtuturo. Nagtuturo ang mga elders sa kanilang one-on-one na pakikipag-usap sa mga members at sa kanilang mga isinusulat. Nagtuturo sila sa mga small group Bible studies at sa mga ginagawa nilang may kinalaman sa evangelism.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga elders ay dapat na mga lalaki na inilaan ang kanilang mga sarili sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ang Mga Awit 1, 19, at 119 ay mga magagandang awit para pag-aralan ng mga elders, mag-isa man sila o kasama ang iba. Dapat ding ilaan ng mga elders ang mga sarili nila sa pag-aaral at pag-unawa ng mga mahahalagang topics sa Bibliya at sa buhay upang ang mga members ng kongregasyon ay mabantayan, maihanda, at masanay.
Habang nagtuturo ang mga elders, sinasalamin nila ang paraan kung paanong ang Magandang Balita ay narinig nila at nakarating sa mga puso nila at nagligtas sa kanila. Ang mga elders din ay nagsasalita ng katotohanan ng Diyos para marinig ng kongregasyon, at pagkatapos ay nananalangin sila na dalhin ito ng Espiritu ng Diyos hanggang makapasok sa mga puso ng mga lalaki at babae na nasa pangangalaga nila.
Ang mga elders ay nagtuturo at nangangaral ng Salita ng Diyos.
Nangangalaga bilang Pastol
Ang salitang sumasaklaw sa karamihan ng ginagawa ng mga elders ay “shepherd” o “pagpapastol”/”pangangalaga” (Acts 20:28; 1 Pet. 5:2). Sa Greek ng New Testament, tulad din sa English, merong parehong noun form at verb form ang salitang shepherd. Ang isang pastol (noun) ay siyang nagpapastol o nangangalaga (verb). At sa Bibliya, tumutukoy ito sa mga gawaing tulad ng pagkakakilala, pagpapakain, pangunguna, at pag-iingat. Sa ibang mga paraan, bawat isang Cristiano ay nakikibahagi sa pagpapastol (tingnan ang Rom. 15:14). Ngunit may ilang mga natatanging mga lalaki na kinilala at ibinukod para sa gawain ng pangangalaga o pagpapastol sa isang kongregasyon. Ito ay ang mga elders sa kongregasyon.
Ang pagpapastol ay pangangalaga para sa mga taong hindi mo pag-aari, kundi para sa mga ipinagkatiwala sa ‘yo (tingnan ang Luke 12:35–48). Isipin mo kung ano ang ibig sabihin nito kapag may isang tao na sumali sa isang church. Kung ikaw ay isang elder, alam mo na ang taong ito ay binili ng Diyos, ngunit meron kang espesyal na responsibilidad sa kanya. Sinasabi sa Hebrews 13:17 na mananagot ka sa Diyos para sa mga taong nasa pangangalaga mo.
Kaya nga ang mga elders ang mauunang makisaya sa mga members na ‘to, at magdalamhati rin naman na kasama nila. Ang mga elders ay nagbibigay ng halimbawang dapat tularan ng mga members kapag merong nawalan ng trabaho, o merong nahihirapan sa kanyang mga relationships. Hindi nakukuntento ang mga elders kapag merong mga members na hindi nauunawaan kung sino ang Diyos at kung ano ang sinasabi niya sa kanyang Salita, at dahil doon, inilalaan nila ang mga sarili nila para tutukan ang mga members na ‘to.
Ang pagpapastol, tulad ng pagiging magulang, ay nangangailangan ng katiyagaan. Ang ganitong klaseng trabaho ay hindi magagawa sa pamamagitan ng isang sermon lang o sa loob lang ng isang araw. Totoong minsan ay gumagawa ang Diyos ng mga breakthroughs sa pamamagitan ng isang sermon o isang crucial conversation. Pero karaniwang ang trabaho ng pagiging elder ay gaya ng paulit-ulit at araw-araw na pagdadala sa mga tupa sa isang bukirin para pakainin. Tulad rin ito ng paghahanda ng araw-araw na pagkain o paghahatid ng mga bata sa eskuwelahan.
Mukhang ang ilan sa mga pinaka-importantent trabaho para mahubog ang karakter ng isang kongregasyon ay ang mga maliliit, mababagal, at paulit-ulit na gawa ng mga elders na may pag-ibig at paglilingkod. Yung ituturo mo na naman yung Sunday school lesson. Yung pangunguna na naman sa prayer. Yung pagsagot sa tanong na yun sa ika-sampung pagkakataon. O ika-sandaan!
Kailangan din ng initiative o pagkukusa sa pagpapastol. Ang isang elder ay hindi pwedeng maging passive, na para bang naghihintay lang sa mga tao na lumapit na dala-dala ang mga tanong na dapat sagutin o mga problemang dapat solusyunan. Kailangang magtanong ang mga elders, “Ano ang dating sa ‘yo ng sermon kanina?” “Gusto mo bang mag-lunch tayo?” “May balita ka ba kung ano na ang lagay ni kapatid na ganito?” “Naiintindihan mo ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu?” “Nabasa mo na ba ang librong ito?” “Gusto mo bang samahan akong tingnan yung notes ng ituturo ko at sabihin mo sa akin kung maiintindihan ito, at tulungan akong maging mas maayos pa ito?” “Kumusta ang tatay mo, ang asawa mo, ang kaopisina mong non-Christian?” Ang mga ito at ang sanlibo pang mga initiatives ay maaaring gamitin ng Diyos para hubugin, palakasin, aliwin, ituwid, at gabayan ang isang tupa na ipinagkatiwala sa pangangalaga ng mga elders.
Nagbabantay sa mga Sarili Nila at sa Kanilang mga Pamilya
Ang isang gawain na minsan ay napapabayaan kahit ng pinakamahuhusay na mga elders ay ang pangangalaga sa sarili nilang mga espirituwal na buhay. Pero ipinaalala ni Pablo sa mga Ephesian elders, “Ingatan ninyo ang inyong sarili” (Acts 20:28).
Kapatid kong elder, ibig sabihin nito ang oo nga’t ang oras na inilalaan mo araw-araw sa Salita ng Diyos at pananalangin ay para sa sarili mo, ngunit ito rin ay bahagi ng tungkuling ibinigay sa ‘yo ng Diyos sa buhay ng inyong local church. Ito ay parang flight attendant sa isang eroplano na sinabihan ka na isuot mo muna ang oxygen mask in case magkaroon ng isang emergency; at pagkatapos ay tulungan mo ang sinumang kasama mo sa eroplano. Ganun din sa ‘yo. Tiyakin mong humihinga ka! At saka mo tulungan ang iba na makahinga rin.
Minsan ay pabiro kong nasasabi na hindi ako sigurado kung magiging mas mabuting Cristiano ba ako kung ako ay hindi isang pastor. Ang ibig kong sabihin ay ito, ang regular na rhythm ng pagtuturo, paghahanda, at pag-ako ng tungkuling ipanalangin at mahalin ang mga taong ipinagkatiwala sa akin ay mga expectations na nakakatulong sa akin. Gusto ko na merong pinapasan na tungkulin. Natutulungan ako nito na hindi lang gawin kung ano ang makakatulong sa iba, kundi para sa akin din. Ganun din naman, anumang kapakinabangan sa akin ay makakatulong din sa akin na magpatuloy na makatulong sa iba.
Isa sa pwedeng ibig sabihin nito ay kailangang maunawaan ng pamilya ko na merong bigat na dulot sa kanila ang pagiging elder ko, ngunit dapat ko ring malaman na meron akong unique na responsibilidad sa kanila. Ang kongregasyong ito ay makakakuha pa ng ibang pastor, ibang mga elders. Ang mga anak ko ay hindi makakakuha ng ibang tatay o ang asawa ko ng ibang asawa. Meron akong unique at habambuhay na tungkulin sa kanila. Kahit na maraming beses na nagkulang ako na tuparin ang tungkuling ito, ni hindi ko ito ikinaila. Inaamin ko ‘to, at ibig sabihin nito ay sinikap kong matiyak na nauunawaan ng asawa ko na ang mga sakripisyong ginagawa niya o ng pamilya ko para sa church ay mga sakripisyong ako mismo ang nangungunang gumawa—ako na pinahahalagahan at dapat lang na pahalagahan ang aking pamilya na isang kayamanan. Pinagtatrabahuhan kong mabuo ang tiwalang iyon sa pamamagitan ng aking loving leadership sa bahay namin.
Nangangasiwa
Habang inaalagaan nila ang kanilang mga sarili, ang mga elders ngayon ay maaalagaan ang iba sa pamamagitan ng pangangasiwa sa church. Malaki ang matututunan natin sa mga salita ni Pablo sa mga Ephesian elders: “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak” (Acts 20:28).
Ginagawa ng mga elders ang ganitong pangangasiwa o oversight sa iba’t ibang paraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pag-iintindi sa gawain ng pag-eebanghelyo o gospel work na sinusuportahan ng church. Nakikipagkita sila sa mga missionaries, at pwede ring pinupuntahan ang lugar kung saan sila nakatira at nagmimisyon.
Ginagawa ng mga elders ang ganitong pangangasiwa sa pamamagitan ng pakikipagkita sa mga members ng church sa kani-kanilang bahay, at maaari ring sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Binabantayan nila ang buhay at doktrina ng kanilang mga miyembro. Sa katunayan, meron silang authority na bigay ng Diyos na dapat nilang gamitin para sa ikabubuti ng mga members.
Nangangasiwa sila sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga taong nag-aapply para maging miyembro ng church at pagkatapos ay inirerekomenda sila sa kongregasyon. Minsan ibig sabihin nito na kailangang hindi madaliin ang proseso ng pagsali sa church dahil gusto nilang matulungan ang taong ito na mas maunawaan pa ang ilang mga bagay, maresolba ang ilang mga tanong, o maayos ang ilang mga bahagi ng kanyang buhay.
Nangangasiwa ang mga elders kapag pinangunguhanan nila ang kongregasyon na itiwalag sa membership ang isang member na nagpasyang mas minamahal niya ang kasalanan niya nang higit sa pagmamahal niya kay Cristo.
Nangangasiwa ang mga elders sa pamamagitan ng paglalatag ng taunang budget sa kongregasyon.
Pinapayuhan nila ang isa’t isa sa mga mahihirap na pastoral situations sa mga buhay ng mga miyembro.
Sama-sama silang nananalangin.
Patuloy silang nagmamasid kung sino ang inihahanda ng Diyos na maging mga elders o deacons.
Inaanyayahan nila ang mga nasasaktan at nag-iistruggle na tupa na makipagkita sa kanila para maipanalangin sila sa kanilang pagsubok o karamdaman, para pakinggan ang tungkol sa mga struggles nila sa kasalanan, o payuhan sila sa kanilang hangarin na dalhin ang gospel sa ibayong dagat.
Sa mga ganitong paraan at marami pang iba, sinisikap ng mga elders na tuparin ang panawagan ni Pedro, “Pangalagaan (shepherd) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos” (1 Pet. 5:2).
Nagbibigay ng Magandang Halimbawa
Isa sa mga pinakamainam na paraan para ang isang lalaki ay maging isang mabuting elder ay sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa sa church. Isipin mo kung paano isinalarawan ni Paul ang isang elder kay Titus, at pansinin mo kung paano sila dapat maging modelo para sa iba:
Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito’y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito. (Tit. 1:7–9)
Bakit kailangang ganito dapat ang mga elder o mga pastor? Dahil isang bahagi ng pangangasiwa ay yung pangunguna kung ano ang daan na dapat nating lakaran. Nangunguna sila bilang mga disciples. Sa pamamagitan ng pagtuturo, ipinapakita nila kung paano magturo. Sa pamamagitan ng pagiging tapat, ipinapakita nila kung ano ang itsura ng pagiging tapat. Sinusunod nila ang mga tagubilin ni Pedro na sila’y dapat maging mga halimbawa sa kawan (1 Pet. 5:3)
Naghahanda ng Susunod na magiging mga Elders
Pinakahuli, patuloy sa paggawa ang mga elders para paramihin ang mga sarili nila sa pamamagitan ng pagsasanay ng iba pang magiging mga elders. Sa isang banda, ito ay isa ring bahagi ng tagubilin tungkol sa “making disciples.” Nagtuturo sila at nagsasanay upang ang iba pa ay lumago patungo sa maturity upang ang mga ito naman ang makapagturo at makapagsanay rin ng iba.
Pansinin mo kung paano tinuruan ni Paul si Timothy: “Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba” (2 Tim. 2:2). Tinuruan ni Paul (generation 1) si Timothy. Gusto niyang ang mga natutunan ni Timothy ay siya namang ipasa niya sa mga taong may katapatan (generation 3). At gusto niya na itong mga taong may katapatan ay magturo rin ng iba (generation 4). Ilan nga ba sa atin ang iniisip ang mga espirituwal na apo natin sa tuhod, tulad ni Paul! Ang isang kongregasyon kung saan parami nang parami ang mga lalaking tinuturuan at sinasanay para maging mga elders ay isang healthy at powerful na kongregasyon.
Bilang summary, kilala at pinaglilingkuran dapat ng mga elders ang kanilang mga tupa. Ang mga elders na makadiyos ay dapat na pinapangunahan ang kanilang mga tupa at pinapakain sila. Inilalaan nila ang mga sarili nila sa mabuting pamamahala sa kanila at maingat na pagbabantay sa kanila. Pinaglalaanan nila ng dagdag na atensyon ang mga di karaniwang napapansin at hamak sa paningin ng iba. Sinasanay nila ang mga “gifted” para magturo sa iba. Sa lahat ng ito, sinusundan nila ang halimbawa ni Cristo, ang Mabuting Pastol na hindi pinababayaang merong mawala sa isa man sa kanyang mga tupa.