You are Here: Home / Sermons / Ruth: Isang Kuwento ng Pag-asa / Butil (Chapter 2)
October 9, 2011 | By Derick Parfan | Scripture: Ruth 2:1-23
Listen Now
Downloads
Problem
May panahong nasabi din naming “walang-wala” kami noon. Dahil sa malaking utang na kailangang bayaran sa bangko, napuwersa ang parents ko na sabay na umalis para magtrabaho sa Abu Dhabi (UAE). Nasa college ako noon, at karamihan din ng suweldo nila ay napupunta sa pambayad sa bangko. Kaya yung mga may utang sa kanila kami ang naniningil pero madalas din ay walang naibibigay. Ilang taon din na ganoon ang sitwasyon namin.
Meron din sa inyo na dati nagkaganyan din. Ang iba ngayon nararanasan na parang “walang-wala.” Ang kinikita n’yo siguro ay nahihirapan kayong pagkasyahin, lalo pa kapag nag-aaral ang mga anak n’yo. Maaaring sagana nga ang iba sa inyo pero nararanasan n’yo rin ang “walang-wala” siguro sa relasyon n’yo sa asawa n’yo, na sa sobrang kaabalahan, palaging wala sa bahay. Sa tatay n’yo na inaasahan n’yong maglalaan ng oras sa inyo pero palagi ring wala. O sa anak n’yong inaasahan n’yong makatutulong sa inyo ngayong may trabaho na siya pero wala rin namang ipinapadala. O sa kaibigan o kapatid kay Cristo na inaasahan n’yong makatutulong sa problema n’yo pero wala rin naman pala.
Nakita natin sa kuwento ng buhay ni Naomi na ganoon din ang nasabi n’ya, na para siyang “walang-wala.” Isang pamilya silang umalis sa Bethlehem dahil walang-wala silang makain. Tumira sila sa Moab – isang dayuhang bansa na di kumikilala sa tunay na Diyos – at umasa na magiging masagana ang buhay doon. Pero nawalan din siya ng asawa at dalawang anak dahil mga nauna nang namatay. Ni hindi man lang din siya nagkaapo. Kaya naisipan n’yang bumalik na sa Bethlehem, kasama ang isa sa kanyang mga manugang na si Ruth.
Pagdating n’ya doon, sabi n’ya sa mga taong sumalubong sa kanya: “Huwag n’yo na akong tawaging Noemi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. Pag-alis ko rito ay nasa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng PANGINOON na walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Noemi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang PANGINOON” (1:20-21 ASD). May katotohanan din ang sinabi n’ya pero hindi talaga siya walang-wala. Sa mga panahong tulad nito, kailangang makita natin na merong di nakikitang kamay na kumikilos sa bawat trahedya sa buhay – merong Diyos na kasama natin, kumakalinga sa atin, gumagawa sa buhay natin, at gumagabay sa bawat hakbang natin, gaano man kabigat ang sitwasyon natin sa buhay.
Hindi puwedeng tuldukan na ni Naomi ang gawa ng Diyos sa buhay niya. Hindi pa tapos ang Diyos. Katunayan, pagdating nila sa Bethlehem, nagsisimula pa lang anihan (1:22). May magandang mangyayari. At ito nga ang nangyari sa chapter 2 ng Ruth. Pagdating dito nag-iba ang ihip ng hangin. Sa dulo ng chapter 2, maririnig nating, iba na ang lumalabas na salita kay Naomi, mula sa kawalan ng pag-asa, ngayon may nasisilayan nang pag-asa. “Pagpalain nawa siya ng PANGINOON, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob (o kabutihan o pag-ibig o awa) sa mga buhay at sa mga patay” (2:20 Ang Biblia). Hindi pala siya “walang-wala.” Sagana pala ang kabutihan ng Diyos.
Bakit nagkaganoon? Ano’ng nangyari mula nang sabihin niyang “walang-wala” siya hanggang masabing niyang sagana ang kabutihan ng Diyos? Ano ang nakita niya na dapat din nating makita sa panahong nakikita rin nating “walang-wala” tayo?
Isa sa mahalagang sagot ay ang ipinakilalang bagong karakter sa kuwento – si Boaz. “Now Naomi had a relative of her husband’s, a worthy man of the clan of Elimelech, whose name was Boaz” (2:1). Isang tauhang may malaking gagampanan para mabaligtad ang mapait na sinapit ng magbiyenan. Ipinakilala siya bilang isang “mayaman at makapangyarihan” (worthy man). Oo’t tumutukoy dito sa katayuan n’ya sa buhay, pero hindi lang panlabas ang pinag-uusapan dito. Makikita natin sa pagpapatuloy ng kuwento na merong magandang inner qualities itong si Boaz na gagamitin ng Diyos para magbigay ng panibagong pag-asa kina Ruth at Naomi. Ganito ang nangyari…
Nagkusa si Ruth na magtrabaho para sa kanila ni Naomi (2:2-3)
Kahit na si Ruth ay isang Moabita, isang dayuhan, isang bagong salta sa Bethlehem, ay determinado siyang gumawa ng hakbang para mabuhay nang maayos. Totoo si Ruth sa kanyang sinumpaang pangako kay Naomi na hindi siya pababayaan, kundi sasamahan hanggang kamatayan (1:16-17). Dito ay ipinakita ang kanyang initiative para makapagtrabaho para may makain silang magbiyenan. Maagang-maaga pa lang (2:7), nagpaalam siyang pumunta sa bukid at mamulot ng mga uhay sa bukid kung kaninuman siya makasumpong ng taong papayagan siya. Pamilyar na si Ruth sa puntong ito sa tradisyon ng mga Judio na iwan ang mga uhay, huwag sisimutin ang mga aanihin, para may mapulot ang mga mahihirap, mga biyuda o mga dayuhan. Batay ito sa kautusan ni Moises (Lev. 19:9–10; 23:22; Deut. 24:19), isang kautusang nagpapakita sa kabutihan ng Dios sa mga mahihirap, kung paanong ang mga maykaya ay magpakita rin ng kabutihan sa mga mahihirap. Nakalagay man ito sa kautusan, alam pa rin ni Ruth na nakasalalay pa rin ang gagawin niya sa kabutihan ng may-ari ng bukirin.
At dahil alam din naman ni Naomi na para sa kanilang magbiyenan ang gagawin ni Ruth, pumayag siya at sinabing “Sige, anak ko.” Mula noon pa hanggang ngayon, hindi na ibang tao ang turing ni Naomi kay Ruth, kundi parang sarili na n’yang anak. Ang gandang makita sa kuwentong ito na sa panahon ng trahedya sa pamilya, lalo pang dapat pagbutihin ang pagsisikap at pagpapakita ng kabutihan sa iba lalo na sa sariling pamilya. Sino ba iyong dapat na lalo pang magdamayan at magtulungan? Di ba’t iyong magkakapamilya rin?
Kaya umalis si Ruth at naghanap ng bukid na mapupuntahan kung saan siya makakapamulot ng mga iniwang butil ng mga ani. At nagkataon namang napunta siya sa lupain ni Boaz (2:3)! Nagkataon? Para sa kanya, namili lang siya ng pupuntahang bukid. Hindi naman siya nagtanung-tanong pa kung sino ang may-ari, kung mabait ba siya o ano. Basta ang concern lang niya ay makapamulot ng mga natitira sa mga aanihin para may makain silang magbiyenan. Pero sa pananaw ng Dios hindi ito nagkataon lang. Ang Dios ang gumagabay o direktor ng istorya para mapunta si Ruth sa bukid ni Boaz, na isang malapit na kamag-anak, na siyang magiging “redeemer” nila. Ang sarap makitang kahit sa mga parang nagkataon lang sa buhay natin ay hindi pala aksidente kundi sinadya ng Diyos, nasa plano niya para ipakita kung gaano siya kabuti sa atin.
Naranasan ni Ruth ang saganang kabutihan ni Boaz (2:4-17)
Dito sa 2:4, nakita na ngayon natin sa eksena si Boaz. At simula pa lang, napakaganda ng portrayal ng character niya. Totoo ngang siya ay “worthy man” (2:1) – hindi lang panlabas, kundi panloob din. Sumasamba at may takot sa Dios, na makikita sa pagbati niya sa mga tauhan niya, “Sumainyo si Yahweh” (MBB). At dahil may takot sa Diyos, mabait itong si Boaz sa mga tauhan niya. Kaya naman maganda rin ang relasyon ng kanyang mga tauhan sa kanya. Sagot nila, “Pagpalain naman kayo ni Yahweh” (MBB).
Di nagtagal, kaagad napansin ni Boaz si Ruth at itinanong sa katiwala niya hindi lang basta, “Sino siya?” kundi “Kanino ang babaeng iyon?” Kaninong anak siya (kung wala pang asawa) o kaninong asawa siya (kung may-asawa na). Kaya ipinakilala si Ruth, “Isa siyang Moabita, na kasama ni Naomi pagbalik niya galing sa Moab. Nang mamatay ang biyenan niyang si Elimelech at ang asawa niyang si Mahlon, iniwan niya ang kanyang sariling bayan para samahan si Naomi at sumamba na rin kay Yahweh. Nangako nga siyang aalagaan niya si Naomi hanggang mamatay siya. Kaya nandito siya ngayon at nakiusap na kung puwede raw ay makapamulot sa bukid para may makain silang magbiyenan. Kanina pa ngang maagang-maaga andito na siya at sobrang tiyaga na mamulot, minsan ko nga lang siya nakitang nagpahinga.” Narinig na rin naman ni Boaz ang balitang ito tungkol kay Ruth, pero ngayon nakita niya na ito pala iyong babaeng pinag-uusapan ng marami sa Bethlehem.
Sabi ni Boaz kay Ruth, “Anak…” (2:8), isang term of endearment, na nagpapakita rin na mas matanda si Boaz ng ilang taon sa kanya. Nagpapakita rin na handa siyang magpakita ng kabutihan sa kanya bilang asawa ng kanyang kamag-anak. “…dito ka na lang sa bukid ko magtrabaho, sundan mo lang ang mga manggagawa kong mga babae.” Kung mga babae ang susundan niya, mas marami pa siyang makokolekta, kasi sila ang gumagapas at nag-iipon ng mga ginagapas. Dugtong pa niya, “Sinabi ko na sa mga lalaki na ‘wag kang pagbawalan, o sawayin. Kapag nauuhaw ka at napagod, pahinga ka lang at uminom ka sa tapayan.” Desidido si Boaz na protektahan at pakitunguhan nang maayos si Ruth. Kaya nag-implement siya ng anti-sexual-harrassment policy, at may bilin pa na uminom si Ruth sa water dispenser na mga lalaki ang sumalok. Kung alam mong sa panahong iyon mga dayuhan ang nagsisilbi sa mga Israelita at mga babae ang kumukuha ng tubig sa mga lalaki, mamamangha ka sa ginagawa ni Boaz para kay Ruth (Block, p. 660).
Hindi lang si Ruth nakakuha ng pahintulot sa may-ari ng bukirin tulad ng inaasahan niya kani-kanina lang (2:2), sobrang favor pa ang ibinigay sa kanya. Kaya bilang pagkilala, pagpapakumbaba, at pasasalamat, yumukod si Ruth at sabi, “Napakabuti niyo naman po sa akin, at ganito ang turing niyo sa akin, samantalang isa lang akong dayuhan!” (2:10). Para sa kanya, alam niyang walang obligasyon si Boaz na gawin iyon para sa kanya. He was going beyond mere legal requirements. Acts of kindness, grace ang naranasan niya. Isa siyang dayuhan, at higit pa ang naranasan niya kaysa sa ibang mga naghihirap na Israelita. Kaya madalas binabanggit sa kuwentong ito na si Ruth ay isang Moabite (“Ruth the Moabite,” 1:4, 22; 2:2, 6, 21; 4:5, 10) para i-highlight ang undeserving goodness and kindness na naranasan niya mula kay Boaz, at mula sa Dios lalo na. Kapag naririnig ng mga Israelita ang Moab, naaalala nila noong mga nagdaang taon na kaaway ito ng bansa nila. Na sila ay sumasamba sa dios-diosan. Pero hindi kaaway, hindi iba ang turing ni Boaz kay Ruth.
Para kay Ruth, sa tingin niya ay wala naman siyang nagawa to deserve that kindness, pero para kay Boaz, nakita rin naman niya ang kabutihan kay Ruth. Hindi man sa kanya direktang ipinakita, ngunit sa kamag-anak niya naman sa pamamagitan ni Naomi. Kaya sabi niya sa 2:11-12, “Huwag kang mahiya, nabalitaan ko rin naman ang ginawa mong kabutihan para sa biyenan mo sa panahon ng kanyang pagdadalamhati sa nangyari sa kanyang pamilya. Nakita ko rin ang commitment mo hindi lang sa pamilya namin, kundi pati na rin sa Dios ng Israel. Balewala pa nga itong ipinakita kong kabutihan sa iyo. Kaya dalangin ko na ang Dios na si Yahweh na ang bahala sa iyo na magbigay ng gantimpala sa kabutihang ipinakita mo. Tama ang naging desisyon mong magtiwala kay Yahweh tulad ng isang maliit na ibong nasa ilalim ng pakpak ng kanyang nanay para alagaan at protektahan siya.”
Sa puntong ito, lalo pang namangha si Ruth sa kabaitan ni Boaz. Lumakas ang kanyang loob, nagkaroon siya ng panibagong pag-asa. Hindi naman siya isa sa mga manggagawa doon pero ang bait ng turing sa kanya, hindi naman siya isang Israelita pero parang kababayan din ang turing sa kanya. Sa tingin nga niya dapat na pagtrato sa kanya ay mababa pa sa isang alipin, pero kung magpakita ng kabutihan si Boaz sa kanya, kakaiba talaga!
Hindi lang siya hinayaang mamulot sa bukirin, higit pa doon, inimbitahan ni Boaz si Ruth na magtanghalian. Kasama ang mga tauhan ni Boaz, nagkainan sila, nagkuwentuhan at nagtawanan. Mas lalong naranasan ni Ruth ang kabaitan ni Boaz. Si Boaz pa nga ang nagserve sa kanya ng pagkain. Nabusog pa siya at nasobrahan sa kinain. Yung sumobra, tinanong niya kung puwedeng ibalot para maiuwi sa biyenan niya. Masayang-masaya siya. Akalain ba naman niyang sa unang araw pa lang niya doon ay ganoon na ang mararanasan niya! At para maging mas malinaw sa mga tauhan ni Boaz, inulit pa niya ang bilin niya na hayaan si Ruth na mamulot, at sadyain pang maglalaglag ng mga butil ng ani para mapulot niya. This man will really do anything to provide for her, to protect her. Hindi para suklian o suwelduhan siya kundi para ipakita na mabuti ang Diyos sa kanya at kay Naomi. Ginamit ng Diyos na instrumento si Boaz para malinaw na isigaw, “God is good all the time!”
Hanggang gabi nagtrabaho si Ruth. Napakasipag talaga, umaga hanggang gabi nagtatrabaho. At ang naipon niyang mga butil ng ani ay umabot ng halos 13 kilo o halos isang sako, na nagpapakita kung gaano kasipag si Ruth at gaano naman kabait o generous si Boaz. Two weeks supply na pagkain nilang magbiyenan iyon kaya nagulat si Naomi pagdating ni Ruth at nakitang ganoon karami. Sa panahon ng trahedya, nag-uumapaw pa rin ang kabutihan ng Diyos at ipinapakita niya ito sa pamamagitan ng ibang tao na ginagamit niya.
Ibinalita ni Ruth kay Naomi ang naranasan niyang kabutihan (2:19-23).
Karga-karga ni Ruth ang napulot niyang barley sa bukirin at dinala sa bahay nila ni Naomi. Habang naglalakad pauwi, nasasabik na siyang ikuwento kung ano ang nangyari. Nakita siya ni Naomi na parating na dala-dala ang napulot at may pasalubong pa na luto nang pagkain.
Sabi ni Naomi sa 2:19, “Wow, anong nangyari! Saan ka nakarating? Saan ka namulot? Ang dami niyan ah!” At ibinalita ni Ruth kay Naomi ang tungkol kay Boaz. Pagkarinig na pagkarinig ni Naomi sa pangalang Boaz, nanlaki ang mata niya at naalala na itong si Boaz ay isang malapit na kamag-anak, isang goel (redeemer, ASD, “isang may tungkuling mangalaga sa atin”). Ito ang isa sa kultura nila na kapag may namatay at iyong namatay ay may naiwang asawa, tungkulin ng kapatid o ng malapit na kamag-anak kung wala man na saluhin ang responsibilidad na mangalaga sa naiwan. Nang marinig ni Naomi ang napakagandang balitang ito, napasigaw siya sa tuwa, “May he be blessed by the LORD, whose kindness has not forsaken the living or the dead!” (2:20). Ang kabutihang ipinakita ay para sa buong pamilya – sa mga buhay pa na si Naomi at Ruth at sa mga patay na na sina Elimelech, Mahlon at Chilion.
Ibinalita pa ni Ruth na ang pabor o kabutihang ipinakita ni Boaz ay hindi lang para sa araw na iyon, kundi hanggang matapos ang anihan. At nakita naman ni Naomi na mainam talagang doon siya sa bukid ni Boaz para may proteksiyon siya, dahil isa siyang dayuhan, at hindi siya igalang o itrato nang maganda sa ibang lugar. Naomi recognized Boaz’s kindness in providing for Ruth and protecting her. At tulad ng bilin ng biyenan niya, ganoon nga ang ginawa ni Ruth. Mula sa araw na iyon hanggang matapos ang anihan ng barley at ng wheat. Bandang April hanggang June din ang inabot nun, halos dalawang buwan. At sa buong panahong iyon, naging tapat si Ruth sa pangako niya kay Naomi. Sinamahan siya at nagtrabaho para sa kanya. Nakita ni Naomi ang commitment ni Ruth. Nakita rin niya ang kabutihan ni Boaz sa kanila. Higit sa lahat, nakita niya, na hindi pala sila walang-wala, hindi pala siya dapat magmukmok, hindi pala sila iniwan ng Diyos. Kapag nakita natin ang mga ebidensiya ng kabutihan ng Diyos, mag-uumapaw ang puso natin sa kagalakan, sa pagpupuri at pasasalamat, at kasabikang ibalita at ibahagi sa iba ang naranasan natin.
Principles and Application
Tanong ko kanina, Ano’ng makikita natin sa kuwento na dapat din nating makita sa buhay natin para hindi natin masabi na “walang-wala” tayo kundi makita ang saganang kabutihan ng Diyos?
Sagana ang kabutihan ng Diyos sa bawat oras. Ang mahalagang salita dito ay hesed. “May he be blessed by the LORD, whose kindness (hesed) has not forsaken the living or the dead!” (2:20). Sinabi na rin ito ni Naomi sa chapter 1 nang sinasabihan niyang umuwi na sa kani-kanilang bahay ang mga manugang niya, “May the Lord deal kindly (hesed) with you…” (1:8). Ito ang salitang hindi kayang isalin nang diretsa sa salita natin. Napakalawak ng sakop nito na nagpapakita ng napakagandang katangian ng Diyos tungo sa atin na kanyang mga anak. Walang-hanggang pag-ibig, ‘di kumukupas na kabutihan, katapatan sa sinumpaang pangako, ‘di matitinag na kagandahang-loob ng Diyos, pambihirang katangian ng Diyos. Naranasan ni Naomi at Ruth. Mula simula hanggang wakas. Naroon ang hesed ng Diyos nang magkataggutom sa Bethlehem, nang maging ulila si Naomi at Ruth, nang panahon ng ani sa Bethlehem, nang nagkataong napunta si Ruth sa bukid ni Boaz. Sa dinami-dami ng puwedeng mapuntahan, doon pa! Mabuting kamay ng Diyos ang gumagabay sa bawat pangyayari sa pamilya nila.
Sa atin din. Araw-araw sagana ang biyayang tinatanggap natin sa Diyos. Walang pangyayaring aksidente lang sa buhay natin. Noong una, akala natin oo, pero pagtagal masasabi nating, kaybuti nga talaga ng Diyos! Kung sa ngayon man ay natatakman ng mga problema, utang, awayan ang kabutihan ng Diyos, tingnan mo nga ang krus ni Cristo at ang kaligtasang tinanggap mo at sagutin mo ang tanong na, Mabuti ba ang Diyos? Kaya, kahit sa panahon ng problema o trahedya sa pamilya, pupurihin pa rin natin ang Diyos dahil sa kanyang kabutihan at patuloy na magtitiwala sa kanya.
Ipinadarama ng Diyos ang kanyang saganang kabutihan sa pamamagitan ng ibang tao. Nilikha ang tao sa larawan ng Diyos. Kapag nakikita natin ang kabutihan sa ibang tao, nakikita natin ang kabutihan ng Diyos. Nakita ito ni Ruth sa ginawa ni Boaz na pagtanggap sa kanya, pagbibigay ng pagkain, ng pagkakataong makapagtrabaho, ng proteksiyon. Nakita rin ito ni Naomi sa pamamagitan ni Ruth, sa pambihirang pangakong binitawan niya, sa initiative at kasipagan niyang magtrabaho, sa pagpiling tumira kasama siya.
Tayo rin naman, naranasan natin iyon kapag inaalagaan tayo ng asawa natin kapag maysakit tayo, kapag nakikinig ang kaibigan natin sa problema natin, kapag nakita mo ang mga kaagapay mo dito sa church. Ang mga mabubuting tao sa paligid mo ay instrumento ng Diyos para imulat ang mata mo sa kabutihan niya sa iyo. Kaya naman, matuto tayong ipagpasalamat sa Diyos ang lahat ng taong ginagamit niya para ipakita ang kanyang saganang kabutihan.
Ang saganang kabutihan na naranasan natin ay dapat iparanas din natin sa iba. Kung mabuti ang Diyos sa atin, aapaw iyon sa ibang tao. Mabuti ang Diyos kay Boaz, pinaranas niya ito kay Ruth. Unti-unting nararanasan ni Ruth na mabuti nga ang Diyos, ipinaranas niya ito kay Naomi. Kaya naman, kahit sa tingin natin ay “walang-wala” tayo, may maibibigay pa rin tayo sa iba para maipakita ang kabutihan ng Diyos. Di naman laging pera o materyal na bagay ang pinag-uusapan natin. Sina Pedro at Juan nga (sa Acts 3) sabi sa pilay na namamalimos, “Wala kaming perang maibibigay sa iyo, pero sa pangalan ni Jesus, tumayo ka at lumakad.” Ibinigay ng Diyos ang kapangyarihan sa kanila, ginamit nila ito sa ibang tao.
Kahapon lang malinaw kong nakita ‘yan sa pamamagitan ng pamilya ng isang kapatid natin dito. Sumama ako sa Nazareth Home for Street Children at doon niya ginawa ang kanyang birthday celebration at thanksgiving na rin para sa pagpasa niya sa nursing board exam. Dumaraan din ang pamilya nila sa pagsubok sa buhay – sa pinansiyal at sa relasyon sa pamilya – pero hindi nakahadlang iyon para ibahagi din niya ang kabutihan ng Diyos sa mga bata. Nakita niya ang kabutihan ng Diyos sa buhay niya – lalo na ang kaligtasang ipinagkaloob ng Panginoong Jesus sa kanilang pamilya. Kaya kahit may pagsubok at kabigatan sa kanilang bahay, handa pa rin silang magpagamit sa Panginoon para magpakita ng mabuti sa ibang mas nangangailangan. Ito ang gusto sa atin ng Panginoon. Na sa kabila ng kabigatan sa buhay, kahit sabihin ng ibang tao na tayo ay “walang-wala” masasabi natin na “meron!” dahil mabuti ang Diyos sa buhay natin. At iyon ang makikita ng iba sa atin.
Merong isang salita na paulit-ulit na binanggit sa chapter na ito – ang salitang glean o pagpulot. Labindalawang beses ginamit ang salitang ito (vv. 2, 3, 7, 8, 15 [twice], 16, 17 [twice], 18, 19, 23), na karamihan na tinutukoy ay tungkol sa ginawa ni Ruth. Nagsimula lang si Ruth na mamulot, paunti-unti. Sa lugar na hindi naman din niya pag-aari, wala siyang karapatan, na nakasalalay sa kabutihang-loob ng may-ari. Pero dahil sa tiyaga, at sa kabutihan ng Diyos sa kanya, halos isang sako ang naipon n’ya sa isang araw. At siya namang ginawa niya araw-araw hanggang matapos ang anihan. Tulad ni Ruth sa buhay ni Naomi, kahit sa panahong “walang-wala” ka, may maikikita kang isang butil ng kabutihan ng Diyos, at kung pagmamasdan mo pang mabuti, makikita mong saku-sako pala ang kabutihan ng Diyos sa buhay mo. Kahit sa panahong walang-wala tayo, alam nating sagana ang kabutihan ng Diyos sa buhay natin.
1 Comment