August 1, 2026

Wanted: Mga Church Members na Nananadya

By Greg Gilbert

Note: Mahalaga ang article na ito para sa mga churches sa Pilipinas dahil tinatamaan nito ang isang karaniwang kahinaan sa ating konteksto: ang pagtingin sa pagdalo sa church bilang obligasyon lamang, imbes na aktibong pakikibahagi sa buhay ng katawan ni Cristo. Dahil sa kultura natin na naroon ang hiya o shame, pag-iwas sa conflict, at pagiging “spectator” sa worship services, ipinapaalala ng Hebrews 10:24–25 na tungkulin ng bawat mananampalataya ang magplano at mag-provoke sa ikabubuti ng kapatid natin—isang countercultural na pananaw na humihiling ng intentional relationships, covenant commitment, at tunay na discipleship. Sa Pilipinas kung saan mabilis ang pagdami ng nominal Christianity at mababaw na church involvement, ang mensaheng ito ay nagbubukas ng panawagan: hindi sapat ang “uma-attend” lang, kailangan ang pagiging church—isang komunidad na aktibong nag-uudyok sa isa’t isa tungo sa pag-ibig, mabubuting gawa, at mas matibay na pag-asa kay Cristo.

*****

Kung katulad ka ng karamihan sa mga pastor, ang huling bagay na gusto mong marinig ay tungkol sa mga church members na, sa lahat ng anyo, ay patuloy na nagpaplano laban sa pagkakaisa ng iglesya. Anumang board ang kinabibilangan nila, anumang klase ang tinuturo nila, anumang pagkakaibigan meron sila, tila inuudyukan nila ang iba patungo sa pagkadismaya, pagrereklamo, at maging sa pakikipag-away.

Baka magulat ka na malamang nananawagan ang book of Hebrews sa mga church members na patuloy na magplano at mang-udyok sa iglesya. Tinatawag sila nito na magplano at mang-udyok para sa ikabubuti!

Sa church namin sa Louisville, Kentucky, madalas na paalalahan naming mga elders ang congregation sa tinuturong ito ng book of Hebrews. Parang ganito ang sinasabi namin sa kanila.

Isang Bahagyang Konteksto

Malaking bahagi ng book of Hebrews ay isang mataas na pagpapahayag ng persona at gawa ni Jesu-Cristo. Sa loob ng nine chapters, tinitingnan ng author ang sistema ng paghahandog at pagkapari sa Lumang Tipan at ipinapakita na lahat ng ito ay natupad sa buhay at kamatayan ni Jesus. Pero sa ika-sampung kabanata, tuwirang inilalapat ng author ang lahat ng ito sa buhay ng kanyang mga mambabasa. Sinasabi niya, “Dahil sa lahat ng mga ito, nararapat kayong mamuhay sa isang partikular na paraan.”

Isang Maikling Pag-aaral

Ang Hebrews 10:19–25 ay nasa sentro ng exhortation na ito. Sa mga verses na iyon, tinatawag ng author ang kanyang mga mambabasa na gawin ang tatlong bagay: Una, dapat silang lumapit sa Diyos. Dahil napagtagumpayan ni Jesus na mabigyan sila ng access sa trono ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, dapat nilang sambahin ang Diyos, hindi nang may takot at panginginig, ngunit may ganap at nagagalak na kumpyansa. Pangalawa, tinawag niya sila na magpakatatag sa kanilang pag-asa, na huwag mag-alinlangan at tuluyang mapahamak, kundi maniwala, manampalataya, at sa pamamagitan nito, ay maligtas ang kanilang mga kaluluwa. Sa dalawang exhortations na ito, nananawagan ang author sa mga Kristiyanong ito na bantayan ang kanilang mga puso, isip, at kaluluwa. Pero meron pang pangatlong exhortation, kung saan nananawagan siya sa kanila na tumingin sa labas ng kanilang mga sarili at i-focus ang atensyon nila sa kanilang mga kapatid kay Cristo—sa church.

Isinulat ng author sa verses 24 at 25, “Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon” (Heb. 10:24–25).

Dahil sa lahat ng ginawa ni Jesus, at dahil sa kung sino siya, dapat na gisingin ng mga Kristiyano ang damdamin ng isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa. Pero paano natin ito gagawin? Paano uudyukan ng mga Kristiyano ang isa’t isa tungo sa kabutihan at kabanalan? Nagbibigay ang mismong teksto ng dalawang paraan—sa pamamagitan ng hindi pagpapabaya sa mga pagtitipon at sa pamamagitan ng pag-encourage sa isa’t isa.

Siguro, ang phrase na—“hindi pagpapabaya sa mga pagtitipon” —ang pinakamalinaw na pahayag tungkol sa tungkulin ng isang Kristiyano na pag-attend o pagdalo sa isang local church. Kung bahagi tayo ng katawan ni Cristo, dapat lang na makipagtipan at ibahagi natin ang ating mga buhay sa isang lokal na katawan ng mga mananampalataya. Wala nang ililinaw pa ang verse na ‘yan. Pero pansinin mo na ang utos na huwag pabayaan ang pagdalo ay hindi nakabukod o nakahiwalay. Ito ay dependent clause na nakaugnay sa main clause ng verse. Ang utos na magtipon ay inilahad o ibinigay bilang paraan para sa isa pang layunin. Tayong mga Kristiyano ay dapat na magkatipon para sa layunin na gisingin ang damdamin ng isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa. 

Um-attend Ka

At the very least, masasabi nating para sa bawat Kristiyano, ang pagdalo sa mga pagtitipon ng church ay hindi optional. Ang author ng Hebrews—at kung gayon ay ang mismong Banal na Espiritu—ang nag-uutos sa mga Kristiyano na dumalo kapag nagkakatipon ang mga mananampalatayang kinabibilangan niya.

Maaaring mangahulugan ito na kailangan nating i-rearrange ang mga schedules natin para paglaanan ng oras ang pagtitipon ng mga banal. Maaari rin na kailangan nating ibahin ang work schedules natin. Puwedeng gawin sa ibang oras ang homework. Puwedeng i-file nang mas maaga o pagkatapos ang mga reports. Karamihan sa mga churches ay nagmi-meet nang hindi lalagpas sa dalawa o tatlong oras sa isang linggo, kaya may natitira pa na around 165 hours para gawin ang iba pang mga bagay na ito. Ayon sa book of Hebrews, ang pag-encourage at paggising sa damdamin ng iba pang mananampalataya ay dapat na nasa itaas ng priority list ng mga Kristiyano, at ang ibig sabihin niyan ay pagdalo sa mga pagtitipon ng church.

Pero ‘Wag Ka Lang Basta Um-attend

Pero higit pa sa attendance ang hinihingi ng sumulat ng Hebrews. Sa maraming pagkakataon, tinitingnan ng mga Kristiyano ang church attendance na parang isang item lang sa checklist ng mga dapat gawin ng isang Kristiyano. Dumadalo sila sa church service, tahimik na nakaupo sa likod, hindi buong puso ang pakikinig sa sermon, at biglang aalis habang kinakanta pa ang closing hymn, at pagkatapos ay iche-check sa mental box nila sa linggong ito: “Naka-attend ako sa church. Nasunod ko ang Hebrews 10:25.” Pero hindi lang ‘yan ang iniisip ng author ng Hebrews. Hindi lang niya basta sinabi, “Dumalo kayo sa church.” Sa halip, inilagay niya ang pagdalo sa church sa konteksto ng pagkilala, pagmamahal, at pag-encourage sa iba pang mga believers. Nilagay niya ito sa konteksto ng paggising sa damdamin ng isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa. 

Ang pagtitipon ng isang local church ay higit pa sa pagtitipon ng mga indibidwal para mapakinggan ang Salita ng Diyos na maipangaral—kahit totoo naman na ito’y tungkol diyan. Tungkol din ito sa pagbabahagi ng buhay sa iba pang believers na nakipagtipan na susuportahan at ie-encourage ang isa’t isa bilang mga Kristiyano. Sa mga public gatherings natin naipapanalangin ang isa’t isa, umiiyak at nakikigalak sa isa’t isa, dinadala ang pasanin at kalungkutan ng isa’t isa, sama-samang nakikinig ng Salita ng Diyos, at nagsusumikap na mailapat ito sa buhay ng bawat isa. Sa madaling salita, ang pagtitipon ng church ang pinakamahalagang pagkakataon na meron ang mga mananampalataya para sa paggising sa damdamin ng isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa.

Sadyaing Magplano at Mang-Udyok

Pansinin mo ang dalawa pang bagay sa tekstong ito. Una, sinabi ng sumulat ng Hebrews, “at ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa’t isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa” (AB). Sinasabi niya sa atin na pag-isipan ito! Ang isang Kristiyano ay dapat na magbalak, magplano, mag-isip, at magdisenyo kung paano niya gigisingin ang damdamin ng kanyang mga kapatid para sa mabubuting gawa—isang bagay na hindi niya magagawa kung hindi matibay na nauugnay ang buhay niya sa kanila. Paano makakapagbalak at makakapagpaplano ang isang Kristiyano para sa kabutihan ng kanyang kapwa mananampalataya kung hindi niya sila nakikilala?

Pangalawa, pansinin mo ang salitang “gisingin,” sa English ay “stir,” na isinalin ng KJV at NRSV na “provoke.” Ang presensya ng isang indibidwal sa church ay dapat na may nakikitang epekto sa iba, isang gumigising o nag-uudyok na epekto: nagsisimulang sumagana ang pag-ibig at mabubuting gawa sa buhay ng mga taong nakapaligid sa kanila!

Sa madaling salita, pastor, gusto nating i-encourage ang mga church members natin na magplano at mang-udyok—para sa ikabubuti!

Isang Paglalarawan

Nitong nakaraang summer (ng 2010), sinimulan ko ang isang malaking proyekto ng paglalagay ng mga slate tiles sa aking front porch at sidewalk. Sa isang tabi, sa ilalim ng puno, inilagay ko ang isang asul na Igloo cooler na puno ng tubig, na ginagamit ko para hugasan ang mga batong nadumihan matapos kong putulin sa tamang sukat. Paglipas ng ilang sandali, napansin ko na ang lahat ng putik na inaalis ko mula sa mga tiles ay lumulubog sa ilalim ng cooler, na nag-iiwan ng malinaw na tubig sa ibabaw at makapal na putik sa ilalim. Ngayon, gusto nais kong haluin ang putik mula sa ilalim at ikalat ito sa tubig, paano ko ito gagawin? Lalapit ba ako at sisipain ang cooler? Hindi iyon sapat. Maaaring gumalaw ang tubig, pero mananatiling nakadikit ang putik sa ilalim. Hindi, kung talagang gusto kong haluin ang putik, kailangan kong isawsaw ang mga kamay ko sa tubig. Kailangan kong ilagay ang kamay ko sa tubig, sadyaing haluin ang putik.

Hindi ito isang perfect analogy, pero in a way ay kagaya nito ang church. Walang tunay na church ni Jesu-Cristo ang dapat na maging isang lugar kung saan ang mga believers ay basta lang nagkakatipon isang beses sa isang linggo, nagkakasalubong at pagkatapos ay babalik na sa kanilang mga buhay. Nakakalungkot kapag iniisip ng mga Kristiyano, at ng mga di Kristiyano na ito lang ang ibig sabihin ng church gathering! Kaunti na lamang ang naiisip kong bagay na puwedeng gawin ng church na walang buhay o saysay kaysa rito.

Ang exhortation na “huwag pabayaan ang pagtitipon” ay hindi walang buhay at boring. Hindi ito nananawagan sa mga Kristiyano na basta maupo lang. Ito ay isang panawagan sa isang buhay na puno ng sigla. Nananawagan ito sa kanila na mamuhay kasama ng iba pang mga Kristiyano—minamahal sila, pinalalakas ang loob nila, ginigising ang damdamin nila para sa mabubuting gawa, at, pinakamahalaga siguro, itinuturo sila palagi sa Araw ng pagbabalik ng Panginoon. Hindi sapat ang simpleng “pagdalo sa church.” Sa pamamagitan lang ng “pagiging church” matutupad natin ang nilalayon ni Cristo para sa atin bilang kanyang mga tagasunod.

*****

Isinalin ni Marie Manahan mula sa article na isinulat ni Greg Gilbert sa 9Marks website, “Wanted: Plotting and Provoking Church Members,” noong March 1, 2010. Si Greg Gilbert ang Senior Pastor ng Third Avenue Baptist Church sa Louisville, Kentucky.

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES