Madalas kong marinig ang tanong na, “Paano mo ina-apply ang teksto sa isang expositional sermon?”
Sa likod ng tanong na ito ay maaaring maraming questionable assumptions. Maaaring natatandaan ng nagtatanong ang mga “expositonal” sermons na napakinggan niya (o baka naipangaral) na hindi naman naiiba mula sa ilang Bible lectures sa seminary—maayos ang pagkakabuo at tama ang nilalaman, ngunit kulang sa banal na kaseryosohan at sa karunungang pastoral. Ang mga expositional sermons na ito ay maaaring halos wala o kakaunti lang ang application. Sa isang banda, maaaring hindi lang alam ng nagtatanong kung paano kilalanin ang application kapag narinig niya ito.
Pinayuhan ni William Perkins, ang great sixteenth-century Puritan theologian sa Cambridge, ang mga preachers na isaalang-alang ang iba’t ibang uri ng tagapakinig at mag-isip ng application para sa bawat isa—mga matitigas sa kasalanan, mga nagdududa at nagtatanong, mga napapagod na Kristiyano, mga kabataang masigasig, at iba pa.
Malaking tulong ang payo ni Perkins, pero sana ay ginagawa na natin ‘yan. Gusto kong bigyan ng medyo naiibang approach ang topic ng application: hindi lang mayroong iba’t ibang uri ng tagapakinig, mayroon ding iba’t ibang uri ng application. Kapag kinuha natin ang isang passage mula sa Salita ng Diyos at ipinaliwanag ito nang malinaw, nakahihikayat, at may masidhing panawagan, mayroong hindi bababa sa tatlong magkakaibang uri ng application na nagre-reflect ng tatlong magkakaibang uri ng problema na nararanasan sa paglalakbay ng isang Kristiyano. Una, tayo’y nagdurusa sa bigat ng kamangmangan. Ikalawa, nakikipaglaban tayo sa pagdududa, madalas ay higit pa kaysa noong una natin itong na-realize. Ikatlo, nag-iistruggle pa rin tayo sa kasalanan—ito man ay sa pamamagitan ng tuwirang pagsuway o kaya ay makasalanang pagpapabaya. Bilang mga mangangaral, nais nating makakita ng mga pagbabago sa lahat ng tatlong paraan, sa ating mga sarili at sa ating mga tagapakinig tuwing ipapangaral natin ang Salita ng Diyos. At ang lahat ng tatlong problema ay nagbubunga ng magkakaibang uri ng nararapat na application.
Kamangmangan
Ang kamangmangan ay isang pangunahing problema sa isang makasalanang mundo. Inilayo natin ang Diyos sa atin. Inihiwalay natin ang mga sarili natin mula sa direktang pakikipag-ugnayan sa ating Manlilikha. Kaya’t hindi nakapagtataka na ang pagpapabatid (informing) sa mga tao ng katotohanan tungkol sa Diyos ay isang makapangyarihang uri ng application—at lubos nating kailangan.
Hindi ito isang excuse para sa malamig o walang siglang sermon. Maaari akong maging excited (at higit pa) sa mga pahayag na naglalarawan ng katotohanan (indicative) gaya ng sa mga utos (imperative). Ang kautusan ng gospel para magsisi at manampalataya ay walang saysay kung hiwalay sa mga pahayag ng katotohanan tungkol sa Diyos, sa ating mga sarili, at kay Cristo. Mahalaga ang impormasyon. Tinawag tayo para ituro ang katotohanan at ipahayag ang isang dakilang mensahe tungkol sa Diyos. Gusto nating pakinggan ng mga tao ang ating mga mensahe para mula sa kamangmangan ay mailipat sila tungo sa kaalaman ng katotohanan. Ang ganitong taos-pusong pagpapabatid ay application.
Pagdududa
Ang pagdududa ay iba sa kamangmangan. Sa pagdududa, kinukuha natin ang mga ideya o katotohanan na pamilyar sa atin at kinukuwestyon ang mga iyon. Ang ganitong uri ng pagkuwestyon ay hindi bihira sa mga Kristiyano. Sa katunayan, ang doubt ay isa sa mga pinakamahahalagang usapin na dapat pag-isipang mabuti at hamunin sa ating pangangaral. Ang pagtugon sa pagdududa ay hindi isang bagay na tinutugunan ng isang preacher sa isang di-mananampalataya para sa kaunting pre-conversion apologetics. Maaaring alam na ng ilang nakikinig ng mga sermon linggo-linggo ang mga katotohanan na binanggit ng preacher tungkol kay Cristo, o sa Diyos o kay Onesimus: pero nag-iistruggle sila kung paniniwalaang totoo ang mga iyon. Minsan ay hindi aware ang mga tao sa kanilang mga pagdududa, lalo pa nga ang ipahayag ang mga ito bilang pagdududa.
Pero kapag sinimulan nating masusing suriin ang Kasulatan, natutuklasan natin na sa mga anino ay nananatili ang mga tanong, pag-aalinlangan, at pag-aatubili, mga bagay na nagpapakita sa atin ng malungkot na puwersa ng pagdududa na humihila palayo sa landas ng tapat na paglalakbay. Sa ganitong mga tao—at marahil sa ganitong bahagi ng ating sariling puso—nais nating ipagtanggol at ipahayag nang may masidhing panawagan ang katotohanan ng Salita ng Diyos at ang urgency na paniwalaan ito. Tinatawag tayong himukin ang mga nakikinig na tanggapin at paniwalaan ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Nais natin na ang mga nakikinig sa ating pangangaral ay magbago mula sa pagdududa tungo sa buong-pusong paniniwala sa katotohanan. Ang ganitong masidhi at masusing pangangaral ng katotohanan ay isang application.
Kasalanan
Ang kasalanan ay isa ring problema rito sa makasalanang mundo. Maaaring ang kamangmangan at pagdududa ay mga partikular na kasalanan, resulta ng partikular na mga kasalanan, o hindi. Pero siguradong ang kasalanan ay higit pa sa pagpapabaya o pagdududa.
Siguradong ang mga taong nakikinig sa iyong sermon ay nag-iistruggle sa pagsuway sa Diyos sa lumipas na linggo, at tiyak din na mag-iistruggle sila sa pagsuway sa linggong nagsisimula pa lang. Iba-iba ang mga kasalanan. Ang ilan ay pagsuway sa pamamagitan ng gawa; ang iba naman ay pagsuway sa pamamagitan ng hindi paggawa. Ngunit ito may ay sin of commission o ommission, ang kasalanan ay pagsuway sa Diyos.
Bahagi ng pangangaral na hamunin ang mga anak ng Diyos sa isang banal na pamumuhay na magpapakita ng kabanalan ng Diyos mismo. Kaya bahagi ng application o paglalapat ng talata mula sa Kasulatan ay kuhanin ang mga implikasyon ng passage na iyon para sa pamumuhay natin sa linggong ito. Tayo, bilang mga mangangaral, ay tinawag upang pangaralan at himukin ang mga anak ng Diyos tungo sa pagsunod sa kanyang Salita. Nais nating magbago ang ating mga tagapakinig mula sa makasalanang pagsuway tungo sa masayang pagsunod sa Diyos ayon sa kanyang kalooban na inihayag sa kanyang Salita. Ang ganitong pangangaral at paghikayat tungo sa pagsunod ay siguradong isang application.
Ang Gospel
Ang pangunahing mensahe na kailangan natin i-apply tuwing mangangaral tayo ay ang gospel. May ilan na hindi pa nalalaman ang mabuting balita ni Jesu-Cristo. At ilan sa kanila ay maaaring matagal nang nakikinig sa iyong mga pangangaral—distracted o natutulog o naglalakbay ang isip o kung hindi ay basta hindi nakikinig. Kailangan nilang malamam ang gospel. Kailangang may magsabi sa kanila.
May ilan na maaaring nakarinig, naunawaan, at baka nga tinanggap pa ang katotohanan, ngunit ngayon ay nag-iistruggle sa pagdududa sa mga usaping tinatalakay (o ipinapalagay) sa iyong mensahe. Ang ganitong mga tao ay kailangang mahikayat o mahimok na paniwalaan ang katotohanan ng mabuting balita ni Cristo.
Gayundin naman, maaaring narinig at naunawaan ng mga tao ang iyong ipinangaral, ngunit nanatiling mabagal na magsisi sa kanilang mga kasalanan. Maaari pa nga na tinanggap nila ang katotohanan ng mensahe ng ebanghelyo, ngunit ayaw namang bitawan ang kanilang mga kasalanan at magtiwala kay Cristo. Para sa ganitong mga tagapakinig, ang pinakamakapangyarihang application na magagawa mo ay hikayatin sila na kamuhian ang kanilang mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Sa lahat ng ating sermon, dapat nating hangarin at pagsikapan na i-apply ang gospel sa pamamamagitan ng pagpapabatid, masidhing pananawagan, at paghihikayat.
Isang karaniwang hamon na kinahaharap nating mga preachers sa pag-aapply ng Salita ng Diyos sa ating mga sermon ay ito: ang mga indibidwal na nakaranas ng problema sa isang tiyak na bahagi o aspeto ay iisiping hindi mo ina-apply ang Kasulatan sa iyong pangangaral dahil hindi mo ina-address ang kanilang partikular na problema. Tama ba sila? Not necessarily. Bagaman maaaring mag-improve ang preaching mo kung magsimula kang i-address ang bawat kategorya nang mas madalas o mas detalyado, hindi mali na mangaral sa mga kailangang mapahayagan o kailangang mahikayat na talikuran ang kasalanan, kahit na hindi aware ang taong kausap mo tungkol sa pangangailangang iyon.
One final note. Sinasabi sa Proverbs 23:12, “Apply your heart to instruction and your ears to words of knowledge.” Sa mga English translations, ang salitang ‘apply’ ay halos palaging tumutukoy hindi sa gawain ng mangangaral (gaya ng itinuturo ng homiletics), ni sa gawain ng Espiritu Santo (gaya ng itinuturo ng systematics), kundi sa gawain ng nakikinig sa Salita ng Diyos. Tinatawag tayong ilapat ang salita ng Diyos sa ating sariling puso, at ilapat ang ating sarili sa gawaing iyon.
Iyan, marahil, ang nag-iisang pinakamahalagang application na magagawa natin next Sunday para sa kapakinabangan ng lahat ng anak ng Diyos.
*****
Salin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article, “Preach to the Ignorant, the Doubtful, and Sinners,” na isinulat ni Mark Dever, February 25, 2010. Si Mark Dever ang senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington, D. C., at ang President Emeritus ng 9Marks.
