October 7, 2026

Ang Biblical Theology at ang Pagpapahayag ng Gospel

By Jeramie Rinne

Puwede bang maging consistent sa pagpapahayag ng gospel ang expository preaching? 

Minsan ay iniiwasan ng mga preachers ang pagpapaliwanag (expositing) ng mga aklat ng Bibliya dahil kahit na maganda ito sa pagtuturo ng theology sa mga mature Christians, pero sa tingin nila ay hindi ito maganda sa pagtulong sa mga di-mananampalataya na maunawaan ang gospel. 

Mas tumitindi ang concern na ito kapag pinag-iisipan ng mga pastor na mangaral mula sa isang aklat mula sa Lumang Tipan. Paanong ang pag-aaral ng buhay ni Abraham o isang series sa Haggai ay makapagbibigay ng linaw sa gospel bawat Linggo? Basta lang ba tayo magdaragdag ng evangelistic trailer kapag patapos na ang sermon? “Para sa mga kaibigan nating hindi pa Kristiyano na narito ngayon, gusto kong tapusin ang mensaheng ito tungkol sa pagtutuli kay Abraham sa pamamagitan ng pagsasabi sa inyo kung paano n’yo matatanggap ang walang bayad na kaloob ng buhay na walang hanggan.” Maghanda na para sa altar call.

Meron pang isang mas likas na paraan para matapat na ipahayag ang gospel bawat Linggo, kahit pa mula sa Lumang Tipan. Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng biblical theology.

The Big Story

Ano ang biblical theology? Maaari natin itong i-define bilang pag-aaral ng kabuuang kuwento ng Bible. Kapag pinagsama-sama, ang 66 na aklat ng Bibliya ay nagpapahayag ng iisang salaysay ng misyon ng Diyos para iligtas ang isang bayan at itatag ang isang kaharian para sa kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Inihahanda ng Lumang Tipan ang daan at dinadala tayo kay Jesus. Inihahayag naman ng mga Gospels (Matthew—John) si Jesus at ang kanyang gawa. Ang natitirang bahagi ng Bagong Tipan ay nagbubukas ng mga kahulugan at bunga ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, hanggang lubos na maisakatuparan ng Diyos ang kanyang misyon. Habang lalo nating nauunawaan ang overarching plot, lalo nating makikita kung paano nauugnay sa gospel ang tekstong ipinapangaral natin.

Ang pangangaral ng isang passage mula sa Bibliya nang may kamalayan sa biblical theology ay tulad ng pagkakaroon ng “court sense” sa basketball. Ang magagaling na basketball players ay hindi lang naka-focus sa pagdi-dribble ng bola. Aware din sila kung saan nakapuwesto ang mga teammates nila at ang mga defenders sa court pati na rin yung play na gagawin nila. Ganun din naman, ang magandang exposition ay hindi lang basta nagbibigay ng running commentary sa mga verses na tinatalakay. Meron din itong court sense kung ano ang nangyayari bago at pagkatapos ng teksto, at paano nauugnay ang lahat ng ito sa pangkalahatang daloy ng big story ng Diyos. 

Biblical Theology in Action

Tingnan natin ang ilang biblical theology strategies na maaari nating gamitin para iugnay ang ating partikular na passage sa pangunahing kuwento ng Bible, ang gospel story. Puwede mong tingnan ang mga strategies na ito bilang mga posibleng daan na magdadala sa atin mula sa ating teksto patungo sa gospel, tulad ng optional routes sa isang smart phone map app na gumagabay sa iyo mula sa iyong kasalukuyang lokasyon papunta sa nais mong puntahan. 

1. Promise and Fulfillment

Magsimula tayo sa pinakasimple at direktang ruta sa gospel. Sa pangako at katuparan, ang tekstong pinag-aaralan mo ay nagtataglay ng isang propesiya o pangako na natupad sa ilang aspeto ng gospel. Ang pangako at katuparan ang abot-kamay na bunga ng biblical theology: madaling makita at maunawaan.

Kaya kung ipinapangaral mo ang propesiya ni Micah tungkol sa isang ruler na magmumula sa Bethlehem (Mic. 5:2), madali mong masasabi sa kongregasyon na pumunta sa Mateo 2:6 para makita kung paano ito natupad sa kapanganakan ni Jesus. O kung nag-decide kang pag-aralan at ipaliwanag ang buhay ni Abraham, dapat mong iugnay ang mga pangako ng Diyos na pagpalain ang anak o “binhi” ni Abraham (Gen. 12:7; 13:15; 17:8; 24:7) sa katuparan ng mga ito kay Jesus (Gal. 3:16).

Bilang karagdagan sa pagbibigay sa atin ng mga obvious na paraan para makarating sa gospel, ipinapakita rin sa atin ng pangako at katuparan kung paano in-interpret ng mga New Testament authors ang Old Testament batay sa gospel. Habang mas natututo tayo na basahin ang Bible gamit ang interpretive lenses ng mga apostol, lalo nating makikita ang gospel mula sa iba pang teksto, kahit yung walang explicit o lantad na katuparan kay Jesus.

2. Typology

Ang typology ay katulad ng promise at fulfillment, ngunit sa halip na isang verbal prophecy na natutupad kay Jesus, nakikita natin ang mga pangyayari, institusyon o tao na nagpapahiwatig (foreshadow) kay Jesus at sa gospel. Maaari mong tingnan ang typology bilang isang non-verbal prophecy.

Kunin natin bilang halimbawa ang templo sa Jerusalem. Meron itong mahalagang papel sa Lumang Tipan bilang lugar ng nagliligtas at namamahalang presensya ng Diyos sa kanyang bayan. Pero ito ultimately ay nakaturo kay Jesus. Ginulat ni Jesus ang mga tao nang tumayo siya sa templo at sabihing, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo” (John 2:19). Akala nila ay yung literal na gusali ang tinutukoy niya, pero “ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan” (John 2:21). Tulad ng templo, si Jesus noon at ngayon ang pisikal na presensya ng Diyos sa kanyang bayan para magligtas at maghari. Iyan din ang dahilan kung bakit paulit-ulit na in-identify ng mga apostles ang church, iyong mga nakay Cristo, bilang templo ng Espiritu (e.g., 1 Cor. 3:16–17; Eph. 2:19–22; 1 Pet. 2:5).

Let’s say na ipapaliwanag mo ang Psalm 122, na nagpapahayag ng kagalakan ng pagdako sa templo ng Diyos sa Jerusalem: “Ako ay nagalak nang sabihin nila: ‘Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh’” (Ps. 122:1). Maaari mong gamitin ang temple typology para tulungan ang mga tao, kahit iyong mga unchurched people, na makita ang higit na kagalakan nang paglapit kay Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya. 

Ang New Testament ay punô ng ganitong types tungkol kay Jesus at sa kanyang gawa. Nakita ng mga apostol si Jesus bilang huling Adan, ang tunay na Passover lamb, ang bagong Moises, ang minsanan-para sa lahat na handog ng pagtubos, ang dakilang punong pari, ang Mesiyas mula sa angkan ni David, tunay na Israel at marami pa. Itong mga landas na madalas tahakin ay maaaring magdala sa iyo sa maraming lugar sa Bibliya patungo kay Jesus at sa kanyang gawa ng pagliligtas.

3. Themes

Ginagamit ko ang salitang “themes” para ilarawan ang mga paulit-ulit na tema o larawan sa kuwento ng Bibliya na hindi direkta o tuwirang tumuturo kay Jesus gaya ng ginagawa ng typology. Gayunman, ang mga tema o larawang ito ay konektado sa gospel at makakatulong sa atin na makita ang teksto natin sa kabuuang kuwento ng Bibliya.

Ang isang classic biblical theme ay creation. Ang Bibliya ay nagsisimula dito: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Gen. 1:1). Nagdala ng kaayusan ang Diyos mula sa kaguluhan, nilikha sina Adan at Eba sa kanyang larawan, at inutusan sila na pamahalaan ang sangnilikha at punuin ito ng kanilang mga anak, lahat para sa kaluwalhatian ng Diyos. Tragically, nabigo sina Adan at Eba sa kanilang pagkatawag at nagrebelde laban sa Diyos.

Ngunit may plano ang Diyos na tubusin ang kanyang nilikha. Sa kabuuan ng Old Testament, nakita natin ang paulit-ulit na creation “reboots,” mga pangyayari kung saan nagsisimula muli ang Diyos sa kanyang bayan, at ang bagong panimula ay inilarawan nang may larawan at wika ng paglikha. Kasama sa creation reboots na ito si Noah at ang kanyang pamilya pagkatapos ng baha, ang exodus ng Israel mula sa Egypt at pagpasok sa lupang pangako, ang pagtatatag ni Solomon ng Edenic kingdom, at maging ang pagbabalik ng mga Israelita mula sa pagkabihag sa Babilonia. Ngunit sa bawat isang ito, nabigo ang pagsisimula o reboot. Nagrebelde ang mga tao. Paulit-ulit na nabigo si Adan. Meron bang isa sa mga Adamic recasts na ito ang magtatagumpay?

Oo. Ginawa ng huling Adan, si Jesu-Cristo, ang kalooban ng Diyos nang perpekto. Ang muling pagkabuhay ni Jesus at ang kaligtasan ng kanyang bayan ang nagsimula ng tunay na bagong sangnilikha. At patuloy itong lumalago ngayon. Isinugo ni Jesus ang kanyang bayang iniligtas para pamahalaan ang mundo at punuin ito ng mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng mensahe ng ebanghelyo. At balang araw ang gawang ito ay magtatapos sa isang bagong langit at lupa, higit na dakila at maluwalhati kaysa sa orihinal.

Nakikita mo ba kung paanong ang pag-trace sa tema ng paglikha ay nagbibigay ng framework para sa paglipat mula sa maraming teksto patungo sa mahalagang punto ng bagong sangnilikha, ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus?

Marami pang ibang tema na hinahabi sa kuwento ng Bibliya, tulad ng mga tipan, ang Exodus, ang araw ng Panginoon, at ang kaharian ng Diyos.

4. Ethical Teaching

Pero paano kung sinusubukan mong mangaral mula sa Proverbs o sa Sampung Utos? Paano kung sinubukan mong gawin ang expository evangelism mula sa Leviticus? Mukhang ang ganoong mga passages ay mas angkop sa pagtuturo ng “do’s” and “don’ts” ng Kristiyanong pamumuhay kaysa pagpapakita sa mga hindi pa ligtas ng ginawa ni Jesus para sila ay maging Kristiyano.

Muli, ang biblical theology ay naglalarawan ng daan mula sa kautusan tungo sa ebanghelyo. Maaari nating basahin ang mga partikular na moral commandments sa loob ng daloy ng kuwento ng Bibliya sa hindi bababa sa tatlong paraan. Una, ang mga kautusan at ethics ng Bibliya ay nagdadala sa atin kay Jesus sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin ng ating kasalanan at pangangailangan para sa isang tagapagligtas. Tulad ng kadalasang sinasabi, ang mga utos ng Diyos ay nagsisilbing salamin na nagpapakita sa atin ng ating moral deformity. Habang binabasa natin ang kasaysayan ng paulit-ulit na moral collapse ng Israel, nakikita natin ang kasaysayan ng tao, at ng sarili natin. “Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya’y nagkasala” (Rom. 3:20).

Ikalawa, ang mga utos sa Bibliya ay nagtuturo sa atin kay Jesus bilang siyang nag-iisang nakasunod sa mga ito nang perpekto. Hindi siya naparito para ipawalang-bisa ang kautusan ng Diyos kundi upang tuparin ito (Matt. 5:17). At lahat ng iba pang anak ng Diyos (Adan, Israel, mga hari ng Israel) ay mga alibugha; tanging si Jesus lamang ang nakalugod sa Ama. Kaya naman ang mga ethical commandments ng Bibliya ultimately ay naghahayag ng karakter ni Jesus mismo.

Ikatlo, sa pamamagitan ng pagdepende sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Jesus at ng kanyang Espiritu na nasa  atin, maaari na natin ngayong sundin ang kautusan ng Diyos bilang masunuring mga anak. Iniligtas tayo ni Jesus mula sa kapangyarihan ng kasalanan “upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman” (Rom. 8:4).

So imagine na nagpi-preach ka sa Proverbs 11:7: “Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan, ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.” Sa pagsunod sa balangkas ng biblical theology hindi ka lang magbibigay ng 30 minutong mensahe kung paano maging mabait. Maaari mo ring ipakita kung paano tayo nabigong maging mabait at naging mahusay sa kalupitan sa maliliit na paraan. Ituturo mo ang mga tao sa pagsasabuhay ni Jesus ng kabaitan, lalo na sa pagkakaloob ng kanyang buhay para sa mga makasalanan. At panghuli, iuugnay mo ang mabuting biyaya ni Jesus sa atin bilang fuel para sa ating sariling transformation sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

5. Puzzle-Solution

Kapag nagsimula na tayong maunawaan ang daloy ng biblical theology, makikita rin natin kung gaano kadalas na naso-solve ng gospel ang mga Old Testament puzzles. Paano tutuparin ng Diyos ang kanyang mga pangako kay David kapag naipatapon na ang Judah at wala nang hari sa Jerusalem? Kung ang mga handog sa templo ay nakapag-aalis ng kasalanan, bakit hinatulan ng Diyos ang Israel? Madalas na ipinapahayag ng Lumang Tipan ang pagpapala ng Diyos sa mga matuwid at paghatol sa mga masama. So bakit kabaligtaran ang nakikita natin?

Marami pa tayong masasabi rito, ngunit sapat nang sabihin na kapag naka-encounter ka ng palaisipan sa Bibliya, isipin mo kung paanong ang ebanghelyo ni Jesus ang maaaring magbigay linaw. Gaya ng isang dakilang nobela, nagtatakda ang Lumang Tipan ng mga plot tensions na lulutasin ng hero o bayani ng kuwento, si Jesus. 

“You Are Here”

Kapag ginamit natin ang biblical theology para isagawa ang ganitong uri ng gospel-conscious exposition, may kapana-panabik na nangyayari sa mga di-mananampalataya. Hindi lamang naipakita sa kanila ang kanilang kasalanan, naipakilala kay Jesus, at tinawag na magsisi at manampalataya linggo-linggo. Nagsisimula rin silang makita ang sarili nila sa historical flow ng gawa ng Diyos. Ang gospel ay hindi lang isang metaphor o ideya na malaya silang gamitin o itapon kung “ito ay umaayon sa kanila.” Sa halip, ang kuwento ni Jesus ay isang makasaysayang puwersa na nakaugat sa nakaraan, nagpapatuloy sa kasalukuyan, at naghahari sa walang hanggan. Ang Diyos na gumagawa sa biblikal na mundo ay gumagawa rin sa kanilang mundo, dahil ito ay iisang mundo, iisang kasaysayan, iisang kuwento.

*****

Salin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article, “Biblical Theology and Gospel Proclamation,” na isinulat ni Jeramie Rinne, August 20, 2014. Si Jeramie Rinne ang author ng Church Elders: Paano Pangalagaan ang Church Tulad ni Jesus at senior pastor ng Sanibel Community Church sa Sanibel, Florida.

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES