Ano ba ang ginagawa natin kapag nagtitipon tayo bilang mga iglesya para sumamba? At paano natin malalaman kung ano ang dapat gawin sa mga lingguhang pagtitipon na iyon?
Natural para sa mga evangelical Christians na bumaling sa Kasulatan para gabayan sila sa ganitong mga tanong, pero saan sa Kasulatan tayo titingin? Maraming makikita sa Lumang Tipan tungkol sa pagsamba—mga panalangin at handog at choirs at cymbals at marami pa. Pero ang lahat ba ng iyon ay talagang naaangkop sa pagtitipon ng mga mananampalataya sa ilalim ng bagong tipan?
Ang kailangan natin para masagot ang mga tanong na ito ay isang biblical theology of worship.[1] Ang biblical theology ay ang discipline na tumutulong sa atin na ma-trace ang parehong unity at diversity, ang continuity at discontinuity, sa loob ng kuwento ng Bibliya.
Maiksi kong ilalarawan sa article na ito ang isang biblical theology of corporate worship. Apat na hakbang ang magdadala sa atin doon: (1) ang sama-samang pagsamba sa Lumang Tipan; (2) ang katuparan kay Cristo; (3) ang sama-samang pagsamba sa Bagong Tipan; (4) pagbabasa ng buong Bibliya para sa sama-samang pagsamba.
1. Sama-samang Pagsamba sa Lumang Tipan
Simula nang paalisin ang bayan ng Diyos sa kanyang presensya matapos ang pagbagsak sa Genesis 3, kumikilos na ang Diyos sa pagtipon sa kanila pabalik sa kanya.[2] Kaya nang magdusa ang Israel sa pagkaalipin sa Ehipto, iniligtas sila ng Diyos hindi lamang para mapalaya mula sa pang-aapi, ngunit para siya’y sambahin nila sa kanyang presensya (Exod. 3:12, 18). Inilabas ng Diyos ang kanyang bayan mula sa Ehipto at dinala sila sa kanyang tahanan o dwelling place (Exod. 15:13, 17).
Saan ang dwelling place na yun? Sa umpisa, ito ay ang tabernakulo, ang malaking tent kung saan nag-aalay ng handog ang mga pari para sa mga kasalanan at karumihan ng mga tao. Mababasa natin sa Exodus 29:44–46:
Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ako’y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.
Ang goal ng Exodus ay ang manahan ang Diyos sa kanyang bayan, at ginagawa niya ito sa pamamagitan ng banal na lugar (tabernacle) at mga tao (priesthood) na itinalaga niya para sa layuning iyon.
Nang ilabas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto, inangkin niya sila bilang kanyang bayan. At ang paraang pinagtibay niya ang bagong relasyong ito sa Israel ay sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa kanila, na madalas tawaging “Mosaic covenant.” Sa Exodus 19, pinaalala ng Panginoon sa kanyang bayan ang ginawa niya sa pagligtas sa kanila mula sa Ehipto, at nangako siya na kung sila ay maging tapat sa kanyang tipan, sila ay kanyang magiging bayang hinirang (Exod. 19:1–6).
Pinagtibay ng Panginoon ang tipan sa kanyang bayan sa Exodus 24, at lahat ng mga kautusan ng Exodo, Levitico, Mga Bilang, Deuteronomio ay naglalaman ng mga detalye ng tipang ito. Tinutukoy ng lahat ng mga detalyeng ito kung paano dapat mamuhay ang bayan ng Diyos kasama ang Diyos at ang isa’t isa sa loob ng partikular na tipan na ginawa ng Diyos sa kanila.
Ang mga detalyadong handog at mga ritwal ng paglilinis na nakasulat sa Levitico ay paraan ng pag-aayos ng mga paglabag sa pakikipag-ugnayan sa tipan. Ang pagsamba ang nagtataguyod ng tipan.
Ilang beses sa isang taon, lahat ng mga Israelita ay inatasan na magtipon sa harap ng Panginoon sa kanyang tabernakulo, para sa pista ng Paskwa, mga unang ani, at iba pa (Lev. 23). Maliban pa sa mga pistang ito, ang regular na pag-aalay ng mga handog ay ginagawa ng mga pari, at ang bawat Israelita ay pumupunta lamang sa tabernakulo (at pagkatapos ay sa templo) kapag kailangan nilang mag-alay ng partikular na handog para sa kasalanan o karumihan.
Sa madaling salita, para sa Israel, ang sama-samang pagsamba ay isang espesyal, ilang-beses-isang-taon na okasyon. Ang pagsamba, na nauunawaan bilang tanging debosyon sa Panginoon, ay isang bagay na tinawag ang Israel na isagawa sa bawat oras ng kanilang buhay (Deut. 6:13–15). Ngunit sa diwa ng pagkakaroon ng intimate access sa presensya ng Diyos, ang pagsamba ay inilaan lamang sa mga partikular na tao, lugar at panahon. Nanahan ang Diyos kasama ng kanyang bayan, oo, ngunit ang presensyang iyan ay nakapaloob lamang sa tabernakulo at binabantayan ng mga pari.
2. Katuparan kay Cristo
Ang turning point sa kuwento ng Bibliya ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang lahat ng pangako ng Diyos ay natupad sa kanya (2 Cor. 1:20). Lahat ng Old Testament types—ang pagtatatag ng tungkulin ng pari, templo, at pagiging hari, ang mga pangyayari ng exodus, pagpapatapon, at pagbabalik—ay natatagpuan ang kanilang katuparan sa kanya. So para maunawaan ang buong teolohiya ng Bibliya tungkol sa pagsamba, kailangan nating maunawaan kung paano tinutupad at binabago ni Jesus ang pagsamba sa ilalim ng Mosaic covenant.
Ang tabernakulo, at kalaunan ang templo, ay kung saan ipinamalas ng Diyos ang kanyang presensya sa kanyang bayan; si Jesus ang katuparan at sa gayon ay pumapalit sa mga istrukturang ito ng lumang tipan. Sinabi sa atin ni Juan na naging tao ang Salita—at literal— na nanahan kasama natin (John 1:14). Ipinangako ni Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo” (John 2:19). Sa madaling salita, ang katawan na ni Jesus ang templo ngayon, ang lugar kung saan kinakatagpo ng Diyos ang kanyang bayan, ipinamamalas ang kanyang presensya, at tinutugunan ang kanilang mga kasalanan (John 2:21–22). Kaya’t sinabi ni Jesus na darating ang oras na ang mga tunay na sumasamba ay hindi na sasamba sa Jerusalem, ngunit sasamba sa espiritu at katotohanan (John 4:21–24).
Si Jesus ang katuparan at pumapalit sa makalupang templo ng Jerusalem. Siya na ngayon ang “lugar” kung saan sinasamba ng mga tunay na sumasamba ang Diyos.[3]
Si Jesus ang katuparan at pumapalit sa buong sistema ng pagsasakripisyo na nauugnay sa Mosaic covenant at sa tabernakulo at templo nito. Sinasabi sa atin ng Hebrews na hindi katulad ng mga pari na kailangang maghandog araw-araw, binayaran ni Jesus ang mga kasalanan ng tao “minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili” (Heb. 7:27). Ang minsanang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili ay hindi naglilinis ng laman tulad ng mga handog sa lumang tipan, kundi naglilinis ng ating budhi, pinapanibago ang ating kalooban (Heb. 9:13–14). Dahil inaring-ganap ni Jesus ang kanyang mga tagasunod sa pamamagitan ng minsanang paghahandog, wala nang pangangailangan o lugar para sa paghahandog ng mga toro at kambing (Heb. 10:1–4, 10, 11–18).
Si Jesus ang katuparan at pumapalit sa mga Levitical sacrifices. Ang kanyang dugo ngayon ang nagtitiyak ng ating walang hanggang katubusan (Heb. 9:12).
Maaari pa akong magpatuloy. Ang punto ay na ang gawang nagliligtas ni Jesus ay nagbubukas ng radikal na pagbabago sa paraan ng pakikitungo ng Diyos sa kanyang bayan. Ang bagong tipan na pinasimulan ni Jesus ay ginagawang lipas na ang luma—ang tipan na ginawa ng Diyos sa Sinai, sa pamamagitan ni Moises (Heb. 8:6–7, 13). Ngayon, ang mga kasalanan ng bayan ng Diyos ay pinatawad na sa pamamagitan ng pananampalataya sa sakripisyo ni Jesus. Ngayon, nararanasan ng bayan ng Diyos ang kanyang mabiyayang presensya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at sa paninirahan ng Espiritu. Ngayon, lahat ng anak ng Diyos ay may malapit nang ugnayan sa Diyos (Heb. 4:16, 10:19–22), hindi lamang isang maliit na bilang ng mga pari.
3. Sama-samang Pagsamba sa Bagong Tipan
Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito para sa sama-samang pagsamba sa panahon ng bagong tipan? Ang unang bagay na dapat tandaan ay ito: ang mga termino ng Lumang Tipan para sa pagsamba ay nai-apply sa buong buhay ng mga mananampalataya. Sa Roma 12:1, isinulat ni Pablo, “Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.” Ngayon hindi na tayo nag-aalay ng mga hayop bilang handog kundi mismong ating mga sarili. Ang buong buhay ng Kristiyano ay isang gawa ng handog na paglilingkod sa Diyos.
O tingnan ang Hebreo 13:15: “[Kaya’t] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan.” Ang papuri ang ating handog, at patuloy natin itong iniaalay—hindi lang sa loob ng isang oras sa umaga ng Linggo. Ang bunga ng labi na kinikilala ang pangalan ng Diyos ay may kasamang mga awit ng papuri, ngunit higit pa rito: matapang na ipinapahayag ang gospel sa publiko, nagpapahayag ng mga salita ng katotohanan at pag-ibig sa iba, dinadala ang bawat salitang binibigkas sa ilalim ng pamamahala ni Cristo.
Nangangahulugan ito na ang “pagsamba” ay hindi lamang isang bagay na pangunahin nating ginagawa sa church kapag Linggo. Sa halip, dapat binabalot ng pagsamba ang ating buong buhay. Para sa Kristiyano, ang pagsamba ay hindi nalilimitahan lamang sa mga banal na oras at lugar. Dahil pinag-isa tayo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, siya na templo ng Diyos, at tayo ay pinanahanan ng Banal na Espiritu, kaya’t tayo mismo, bilang isang indibidwal at bilang isang katawan, ay ang templo ng Diyos ( 1 Cor. 3:16–17, 6:19; cf. Eph. 2:22).
Ano ngayon ang naglalarawan sa sama-samang pagsamba sa bagong tipan? Pagbabasa at pangangaral ng Kasulatan (1 Tim. 4:14); pag-awit ng mga salmo, himno, at espirituwal na awitin nang sama-sama (Eph. 5:18–19; Col. 3:16); pananalangin (1 Tim. 2:1–2,8); pagdiriwang ng mga ordinansa ng bautismo at ng Hapag ng Panginoon (Matt. 28:19, 1 Cor. 11:17–34); at paggising sa damdamin ng bawat isa sa pag-ibig at paggawa ng mabuti (Heb. 10:24–25).
Ang isa sa pinaka kapansin-pansin tungkol sa sama-samang pagsamba sa ilalim ng bagong tipan ay ang patuloy na pag-focus sa pagpapatatag ng buong katawan. Iisnulat ni Pablo, “Ang salita ni Cristo’y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa’t isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos” (Col. 3:16). Tinuturuan at pinaaalalahan natin ang isa’t isa habang umaawit tayo sa Panginoon. Sa pagpupuri natin sa Diyos, pinalalakas natin ang isa’t isa. Umabot pa si Paul sa pagsasabi na ang lahat ng bagay sa pagtitipon ng iglesya ay dapat gawin sa ikapagpapatibay ng iglesya (1 Cor. 14:26).
Ang natatangi sa lingguhang pagtitipon ng church ay hindi lamang na ito ang oras ng pagsamba, kundi ito ang oras na pinatatatag natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyos nang magkakasama.
Dahil sa bagong tipan na pinasimulan ni Cristo, ang sama-samang pagsamba sa panahon ng new covenant ay may buong naiibang anyo kaysa noong panahon ng old covenant. Sa halip na ilang pagkakataon sa loob ng isang taon, ang nagkakatipong pagsamba ay lingguhan na ngayon. Sa halip na magtipon sa templo ng Jerusalem, ang mga mananampalataya ay nagtitipon sa mga local churches kung saan man sila naninirahan. Sa halip na ang presensya ng Diyos ay naroon lamang sa Holy of Holies at binabantayan ng mga pari, ang Diyos ngayon ay nananahan sa kanyang bayan sa pamamagitan ng Espiritu, at si Cristo ay kasama ng kanyang mga tagasunod saan man sila magtipon (Matt. 18:20). Sa halip na magsagawa ng mga detalyadong serye ng mga sakripisyo at handog, ang mga Kristiyano ay nagtitipon para pakinggan ang Salita, ipangaral ang Salita, ipanalangin ang Salita, awitin ang Salita, at makita ang Salita sa mga ordinansa. At ang lahat ng ito ay naglalayon ng pagpapatatag ng katawan sa pag-ibig upang tayo ay maging ganap kay Cristo (Eph. 4:11–16).
4. Pagbabasa ng Buong Bibliya para sa Sama-samang Pagsamba
Paano tayo ngayon titingin sa Kasulatan para turuan tayo kung anong gagawin sa sama-samang pagsamba?
Una, sa tingin ko, mahalagang i-affirm na tinuturuan tayo ng Kasulatan kung anong dapat gawin sa mga regular na pagtitipon ng church. Tandaan na kahit totoong ang lahat sa buhay ay pagsamba, ang lingguhang pagtitipon ng church ay may espesyal na lugar sa buhay-Kristiyano. Lahat ng mga Kristiyano ay required o inaasahang makipagtipon kasama ng church (Heb. 10:24–25); hindi optional ang pagdalo sa church gatherings para sa isang Kristiyano. Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng church sa pagsamba ay nagiging required practice para sa mga miyembro nito. At hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag hayaang ipataw sa kanilang budhi ang anumang regulasyon o mga gawain ng pagsamba na mula lamang sa tao (Col. 2:16–23).
Iminumungkahi ko na ang mga prinsipyong biblikal na ito, kapag pinagsama, ay bumubuo sa tinatawag sa kasaysayan na “regulative principle” ng pagsamba.[4] Ibig sabihin, sa kanilang sama-samang pagsamba, dapat gawin ng mga churches kung ano lamang ang malinaw na iniutos sa Kasulatan, ito man ay sa pamamagitan ng tahasang utos o huwarang halimbawa. Ang paggawa ng anuman bukod dito ay magko-compromise sa kalayaang Kristiyano. Kaya dapat tumingin ang mga churches sa Kasulatan para sabihin sa atin kung paano tayo dapat sumamba nang sama-sama, at gawin kung ano lamang ang sinasabi ng Kasulatan na gawin natin.
Pero nagre-raise ‘yan ng tanong, ano exactly ang sinasabi sa atin ng Kasulatan na gawin? Para mas maging precise, paano natin malalaman kung aling materyal sa Bibliya tungkol sa pagsamba ang tunay na pamantayan at dapat sundin? Kailangan ng isang buong libro para sagutin nang buo ang tanong na ito; dito ay mag-ooffer ako ng pinakamaiiksing paglalarawan.
Ang pag-discern sa itinuro ng Bibliya tungkol sa pagsamba ay nangangailangan ng maingat na pagsusuri, dahilh hindi tayo binigyan ng Kasulatan ng isang kumpleto at huwarang “order of service.” Pero may ilang mga utos sa Bagong Tipan na malinaw na dapat sundin ng lahat ng mga churches. Na ang mga iglesya sa Efeso at Colosas ay parehong inutusang umawit (Eph. 5:18–19; Col. 3:16), at ang iglesya sa Corinto ay tinukoy na umaawit (1 Cor. 14:26), ay nagsa-suggest na lahat ng churches ay dapat na umawit. Na inutusan ni Pablo si Timoteo na basahin at ipangaral ang Kasulatan sa isang sulat na dinisenyo para turuan si Timoteo kung paano dapat mamuhay ang church (1 Tim. 3:15, 4:14) ay nagsa-suggest na ang pagbabasa at pangangaral ng Kasulatan ay kalooban ng Diyos hindi lamang para sa isang iglesya na yun, kundi para sa bawat church.
Sa isang banda, ang ilang utos tulad ng “Magbatian kayo ng banal na halik” (Rom. 16:16), ay tila nagpapahayag ng universal principle (“Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan”) sa isang anyo na maaaring hindi culturally universal.
Higit pa rito, ang ilang contextual commands ay maaaring may mas malawak na puwersa, tulad ng pagsasabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na magtabi ng pera sa unang araw ng linggo. Iyan ay para sa partikular na pagbibigay para sa mga banal sa Jerusalem, pero lahat ng churches ay inutusan na suportahan ang mga nagtuturo sa kanila financially (Gal. 6:6), kaya ang pagbibigay ay may lugar sa corporate worship.
So far, ang tiningnan pa lang natin ay ang New Testament. Paano naman sa Old Testament? Kung tutuusin, maraming utos tungkol sa pagsamba ang makikita sa Old Testament:
“Purihin sa tugtog ng mga trumpeta, awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin, mga alpa’t plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang, sa lakas ng tugtog siya’y papurihan. (Ps. 150:3–5)
Ibig bang sabihin na para maging biblical, kailangang isama sa mga church services natin ang mga trumpeta, alpa, lira, tambol, pagsayaw, plauta, pompyang? Imumungkahi ko na hindi.
Tandaan na ang Mga Awit ay expressions ng pagsamba sa ilalim ng Mosaic covenant, na tinutukoy ng ilang New Testament writers na “old covenant” (Heb. 8:6). Ngayon na dumating ang ipinangakong new covenant sa Jeremiah 31, lipas na ang old covenant. Wala na tayo sa ilalim ng Mosaic Law (Rom. 7:1–6; Gal. 3:23–26). Kaya naman, ang mga anyo ng pagsamba na naka-ugnay sa Mosaic era ay hindi na rin obligadong sundin. Ang mga templo ay pinaglingkuran ng mga pari, at ilan sa kanila ay nag-specialize sa liturgical music (1 Chr. 9:33). Sa katunayan, ito yung mga nakikita natin na tumutugtog ng mga instrumentong binanggit sa Awit 150 (2 Chr. 5:12, 13; 9:11). Kaya ang Awit 150 ay hindi nagbibigay ng isang template para sa Christian worship; sa halip, ito ay naglalarawan ng isang partikular na anyo ng old covenant worship na nauugnay sa templo at sa Levitical priesthood.
Hindi nito awtomatikong nilulutas ang tanong kung anong uri ng instrumentation ang angkop na saliw sa pag‑awit ng kongregasyon. Ngunit malinaw na nangangahulugan ito na ang simpleng pag‑apela sa naunang halimbawa ng Lumang Tipan ay wala sa ayos—gaya rin ng hindi maaaring gawing lehitimo ang pag‑alay ng mga hayop sa pamamagitan ng pag‑apela sa Lumang Tipan. Dito madalas nagkukulang ang maraming tradisyong Kristiyano sa kanilang biblical theology of worship, sa piling pag-apela sa ilang bahagi ng Lumang Tipan na para bang ang ilang katangian ng Levitical priesthood at temple worship ay patuloy na madadala sa panahon ng bagong tipan.
Maraming bahagi ng Lumang Tipan ang nagbibigay liwanag sa paraan natin ng pagsamba. Tinuturuan tayo ng Mga Awit na sumamba nang may paggalang at banal na takot, kagalakan at pagkamangha, pasasalamat at kasiyahan. Ngunit hindi nagtatakda ang Lumang Tipan ng mga elemento o anyo ng pagsamba ng new covenant church.
Sa ganitong diwa, ang Bagong Tipan ay nagbibigay ng bagong konstitusyon para sa bagong tipan na bayan ng Diyos, gaya ng paglilingkod ng Lumang Tipan bilang konstitusyon para sa bayan ng Diyos sa ilalim ng lumang tipan. Isa lamang ang plano ng Diyos sa kaligtasan, at isang bayan ang iniligtas, ngunit ang paraan ng pakikipag-ugnayan ng bayan ng Diyos sa kanya ay nag-iba matapos ang pagdating ni Cristo at pagtatag ng bagong tipan. Ito ang dahilan kaya kailangan nating gamitin ang lahat ng tools ng biblical theology—pagsasama ng mga tipan, pagtunton sa ugnayan ng type at antitype, pag-obserba ng pangako at katuparan, pagtukoy sa continuities at discontinuities—para makarating sa isang teolohiya ng nagkakatipong pagsamba. Bilang bagong tipan na bayan ni Cristo, pinananahanan ng ipinangakong Banal na Espiritu, sumasamba tayo sa Espiritu at katotohanan, ayon sa mga panuntunan na itinakda mismo ng Diyos sa Kasulatan.
[1] Para sa isang biblical theology of worship na naging malalim ang impluwensya sa approach ko rito, tingnan ang isinulat ni David Peterson, Engaging with God: A Biblical Theology of Worship (Downers Grove: InterVarsity Press, 1992).
[2] Para sa basic introduction sa kuwento ng Bibliya na gumagamit ng tema ng pagtipon ng Diyos sa kanyang bayan bilang pangunahing lente, tingnan ang isinulat ni Christopher Ash, Remaking a Broken World: A Fresh Look at the Bible Storyline (Milton Keynes, UK: Authentic, 2010).
[3] Para sa higit pa tungkol sa trajectory ng templo sa buong Kasulatan, tingnan ang isinulat ni G. K. Beale, The Temple and the Church’s Mission: A Biblical Theology of the Dwelling Place of God, New Studies in Biblical Theology 17 (Downers Grove, IL: InterVarsity Press, 2004).
[4] Para sa maiksing paliwanag ng regulative principle, tingnan ang isinulat ni Jonathan Leeman, “Regulative Like Jazz,” at ang unang tatlong chapters ng Give Praise to God: A Vision for Reforming Worship, ed. Philip Graham Ryken, Derek W. H. Thomas, and J. Ligon Duncan, III (Phillipsburg, NJ: Presbyterian & Reformed, 2003).
*****
Salin ni Marie Manahan, mula sa 9Marks article, “Biblical Theology and Corporate Worship,” na isinulat ni Bobby Jamieson noong August 20, 2014. Si Bobby Jamieson ang senior pastor ng Trinity Baptist Church sa Chapel Hill, North Carolina.


