October 15, 2026

Ang Biblical Theology at ang Krisis sa Sexuality

By Albert Mohler

Nakararanas ang Western society ngayon ng matatawag na isang moral revolution. Ang pamantayang moral at sama-samang pagsusuri ng lipunan sa isang partikular na isyu ay hindi lamang bahagyang nagbago pero ganap na nabaligtad. Iyong mga dati nating kinokondena, ngayo’y ipinagdiriwang, at ang pagtangging makiisa sa pagdiriwang, ngayo’y siya namang kinokondena. 

Ang pinagkaiba ng kasalukuyang moral at sexual revolution sa mga nakaraan ay ang mabilis na paglaganap nito. Naranasan ng mga nakaraang henerasyon ang moral revolutions sa loob ng mga dekada o baka ng siglo pa nga. Ang nangyayaring revolution ngayon ay sadyang napakabilis.

Sa pagtugon ng church sa revolution na ito, dapat nating tandaan na ang kasalukuyang debate sa sexuality ay nagpi-present sa church ng isang crisis na lubhang teolohikal. Ito ay katulad ng theological crisis na dinala ng Gnosticism sa unang iglesya o ng Pelagianism noong panahon ni Augustine. Sa madaling salita, hinahamon ng krisis sa sekswalidad ang pagkaunawa ng church sa gospel, kasalanan, kaligtasan, at sanctification. Ang mga nagtataguyod ng bagong sekswalidad ay nagde-demand ng ganap na pagbabago ng kabuuang kuwento ng Kasulatan, isang lubos na pagbabago sa teolohiya, at ganap na pagbabago sa pag-iisip natin tungkol sa ministeryo ng church.

Nasa Bible ba ang “Transgender”?

Ang proof-texting ang unang reflex ng mga conservative Protestants na naghahanap ng strategy para sa ibalik at ipahayag muli ang teolohiya. Natural na ito para sa mga evangelical Christians dahil naniniwala tayo na ang Bibliya ang walang pagkakamali at hindi nagkakamaling salita ng Diyos. Nauunawaan na, tulad ng sinabi ni B. B. Warfield, “Kapag nagsasalita ang Kasulatan, nagsasalita ang Diyos.” Dapat kong linawin na ang ganitong reflex ay hindi ganap na mali, pero hindi rin ganap na tama. Hindi ito entirely wrong dahil may partikular na mga bahagi ng Kasulatan (ibig sabihin, “proof texts”) na tumutukoy sa mga partikular na isyu sa isang malinaw na paraan. 

Ngunit may mga obvious limitations sa ganitong uri ng theological method—na gusto kong tawagin na “concordance reflex.” Ano ang mangyayari kapag nakikipagbuno ka sa isang isyung teolohikal na walang katumbas na salita na makikita sa concordance? Marami sa mga mahahalagang theological issues ang hindi mare-reduce sa paghahanap lamang ng kaugnay na mga salita o katumbas na verses sa isang concordance. Subukan mong tingnan ang “transgender” sa iyong concordance. O iyong salitang “lesbian”? O “in vitro fertization”? Siguradong wala sila sa likod ng aking Bibliya.

Hindi ibig sabihin na insufficient ang Scripture. Ang problema ay wala sa Scripture kundi sa ating approach sa Scripture. Ang concordance approach sa theology ay nagbubunga ng isang flat Bible na walang konteksto, tipan, o kabuuang kuwento (master-narrative)—tatlong hermeneutical foundations na mahalaga sa tamang pagkaunawa sa Kasulatan. 

A Biblical Theology of the Body

Ang biblical theology ay lubos na kinakailangan para makagawa ang church ng nararapat na response sa kasalukuyang sexual crisis. Dapat matutunan ng church na basahin ang Kasulatan batay sa konteksto nito, nakaugat sa kabuuang kuwento nito, at unti-unting inihahayag sa daloy ng mga tipan. Dapat nating matutunan na i-interpret ang bawat theological issue sa pamamagitan ng kabuuang kuwento ng Bibliya tungkol sa paglikha, pagbagsak sa kasalanan, pagtubos, at bagong sangnilikha. Specifically, kailangan ng mga evangelicals ang isang teolohiya ng katawan na nakaangkla sa kabuuang kuwento ng pagtubos na inilalahad sa Bibliya.

Creation

Ipinapakita ng Genesis 1:26–28 na nilikha ng Diyos ang tao—hindi katulad ng iba pang nilikha—sa kanyang larawan. Ipinapakita rin ng passage na ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay isang pisikal na pag-iral. Binigyang diin din ng Genesis 2:7 ang puntong ito. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok at hiningahan siya ng buhay. Ipinapakita nito na tayo ay isang katawan muna bago tayo naging tao. Ang katawan ay hindi incidental sa ating pagiging tao. Binigyan sina Adan at Eba ng tungkulin na magpakarami at pamahalaan ang mundo. Pinahintulutan sila ng kanilang mga katawan, sa pamamagitan ng paglikha ng Diyos at ng kanyang sovereign plan, na isakatuparan ang tungkulin nila na magpakarami.

Ang kuwento ng Genesis ay nagpapahiwatig din na merong mga pangangailangan ang katawan. Magugutom si Adan, kaya ibinigay ng Diyos sa kanya ang bunga ng hardin. Ang mga pangangailangang ito ay expression na nakapaloob sa created order na si Adan ay may hangganan, dependent, at may pinagmulan.

Higit pa rito, mangangailangan si Adan ng makakasama, kaya binigyan siya ng Diyos ng isang asawa, si Eba. Pareho nilang tutuparin ang mandato nila na magpakarami at punuin ang mundo ng mga kawangis ng Diyos sa pamamagitan ng tamang paggamit ng kakayahan ng katawan na mag-reproduce. Kasama rito ang bodily pleasure na mararamdaman nila habang ang dalawa ay naging isa—ibig sabihin, isang katawan.

Ipinapakita rin ng kuwento ng Genesis na ang kasarian o gender ay bahagi ng kabutihan o kagandahan ng nilikha ng Diyos. Ang kasarian ay hindi lamang gawa-gawang ideya ng lipunan na ipinapataw sa tao, na para bang malaya silang pumili o gumawa ng iba’t iba at walang limitasyong kombinasyon nito.

Ngunit itinuturo sa atin ng Genesis na ang kasarian ay nilikha ng Diyos para sa ating ikabubuti at para sa kanyang kaluwalhatian. Ang kasarian ay para sa paglago ng tao at itinakda ng pagpapasya ng Diyos—tulad kung paano niya itinakda kung kailan, saan at na tayo ay mabubuhay.

Sa kabuuan, nilikha ng Diyos ang kanyang larawan bilang isang tao na may katawan. Bilang may katawan, ibinigay sa atin ang kaloob at pamamahala ng sekswalidad mula sa Diyos mismo. Tayo’y hinubog sa paraang nagpapatotoo sa mga layunin ng Diyos dito.

Itinatanghal din ng Genesis ang buong usaping ito sa pananaw ng tipan. Ang pagpaparami ng tao ay hindi lamang upang palaganapin ang lahi. Sa halip, ang pagpaparami ay nagbibigay-diin na sina Adan at Eba ay tinawag na magparami upang punuin ang lupa ng kaluwalhatian ng Diyos, na nasasalamin sa mga tagapagdala ng kanyang larawan.

Fall

Ang pagbagsak sa kasalanan, ang ikalawang movement sa redemptive history, ay sumisira sa magandang regalo ng Diyos na katawan. Ang pagpasok ng kasalanan ay nagdala ng kamatayan sa katawan. Sa usapin ng sekswalidad, sinisira ng pagbagsak sa kasalanan ang mabuting plano ng Diyos para sa sexual complementarity. Nanaisin ni Eba na pangunahan ang kanyang asawa (Gen. 3:16). Ang pangunguna ni Adan ay magiging mabigat (3:17–19). Makararanas si Eba ng sakit sa panganganak (3:16).

Ang sumunod na mga salaysay ay nagpapakita ng pag-usbong ng mga maling gawi sa sekswalidad, mula sa polygamy hanggang sa panggagahasa, na diretsahang ina-address ng Kasulatan. Sinundan ito ng pagbibigay ng Kautusan para pigilan ang maling gawi sa sekswalidad. Itinatakda nito ang hangganan ng sekswalidad at pagpapahayag ng kasarian at nagbibigay ng malinaw na deklarasyon sa sexual morals, cross-dressing, pag-aasawa, divorce, at iba pang usapin tungkol sa katawan at sekswalidad.

Iniuugnay rin ng Lumang Tipan ang sekswal na kasalanan sa idolatry. Ang orgiastic worship, temple prostitution, at iba pang kakila-kilabot na pagbaluktot sa mabuting kaloob ng Diyos na katawan ay makikita bilang bahagi ng idolatrous worship. Ang parehong koneksyon ay ginawa ni Pablo sa Romans 1. Dahil “tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila’y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang” (Rom. 1:23), at dahil “tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha” (Rom. 1:25), ipinagpalit ng mga lalaki at babae ang kanilang natural na relasyon sa isa’t isa (Rom. 1:26–27).

Redemption

Tungkol sa pagtubos, dapat nating bigyang pansin na isa sa pinakamahalagang aspeto ng pagkakatubos sa atin ay ito: dumating ito sa pamamagitan ng isang Tagapagligtas na mayroong katawan. “Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin” (John 1:14; cf. Phil. 2:5–11). Ang katubusan ng mga tao ay natupad ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao—na nananatiling nagkatawang-tao magpawalang hanggan.

Ipinapakita ni Paul na ang kaligtasang ito ay hindi lamang para sa ating kaluluwa kundi maging sa ating mga katawan. Ipinapahayag ng Roma 6:12 na ang kasalanan ay naghahari sa ating “katawang may kamatayan”—na nagpapahiwatig ng pag-asa ng pagtubos sa katawan sa hinaharap. Ipinahihiwatig ng Romans 8:23 na bahagi ng ating eschatological hope ang “pagtubos sa ating katawan” (AB). Kahit ngayon, sa ating buhay ng pagpapabanal ay inuutusan tayo na ialay ang ating katawan bilang handog na buháy sa Diyos bilang ating pagsamba (Rom. 12:2). Higit pa rito, inilalarawan ni Pablo ang tinubos na katawan bilang isang templo ng Banal na Espiritu (1 Cor. 6:19) at malinaw na dapat nating maunawaan na may epekto ang sanctification sa ating katawan.

Ang sexual ethics sa Bagong Tipan, tulad sa Lumang Tipan, ay nagre-regulate sa ating pagpapahayag ng kasarian at sekswalidad. Ang porneia, anumang uri ng sekswal na imoralidad, ay tahasang kinokondena ni Jesus at ng mga apostol. Gayundin naman, malinaw na ipinakikita ni Pablo sa mga iglesya sa Corinto na ang sekswal na kasalanan—mga kasalanang nagawa sa katawan (1 Cor. 6:18)—ang siyang nagdadala sa church at sa gospel ng masamang reputasyon dahil ipinapahayag nila sa isang nagmamasid na mundo na ang gospel ay walang epekto (1 Cor. 5–6).

New Creation

Finally, narating na natin ang ikaapat at panghuling tagpo sa kuwento ng pagtubos—ang bagong sangnilikha. Sa 1 Corinto 1:45–57, itinuturo tayo ni Paul hindi lamang sa pagkabuhay na muli ng ating mga katawan sa bagong sangnilikha kundi gayundin sa katotohanan na ang pagkabuhay na muli ng katawan ni Cristo ay ang pangako at kapangyarihan para sa pag-asang iyon sa hinaharap. Ang resurrection natin ang magiging karanasan ng walang hanggang kaluwalhatian sa katawan. Ang katawang ito ay magiging isang binago, ganap na pagpapatuloy ng ating kasalukuyang katawan, sa parehong paraan na ang katawan ni Jesus ang parehong katawan na taglay niya rito sa mundo, ngunit lubos na niluwalhati.

Ang new creation ay hindi lamang magiging reset ng buhay sa hardin. Ito ay magiging higit na mabuti kaysa Eden. Tulad ng binanggit ni Calvin, sa bagong sangnilikha, makikilala natin ang Diyos hindi lamang bilang Manlilikha kundi bilang Manunubos—at kasama sa katubusang iyon ang ating mga katawan. Maghahari tayo kasama ni Cristo sa ating katawan, kung paanong siya rin ang may katawan at naghaharing Panginoon ng sansinukob.

Pagdating sa sekswalidad, bagaman nananatili ang kasarian sa bagong sangnilikha, ang sekswal na aktibidad ay hindi. Hindi ibig sabihin na mawawala na ang sex sa resurrection; sa halip, ito ay natupad na. Ang piging ng kasal ng Kordero, kung saan nakaturo ang pag-aasawa at sekswalidad, ay darating na. Hindi na kailangan punuin ang mundo ng mga image bearers katulad sa Genesis 1. Sa halip, ang mundo ay mapupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos gaya ng tubig na bumabalot sa dagat.

The Laki ng Kahalagahan ng Biblical Theology

Ipinapakita ng sexuality crisis ang pagkabigo ng theological method sa gawain ng maraming pastor. Hindi maa-accomplish ng simpleng “concordance reflex” ang uri ng masusi o mahigpit na teolohikal na pag-iisp na kinakailangan sa pulpito ngayon. Dapat matutunan ng mga pastor at mga iglesya ang lubos na kahalagahan ng biblical theology at dapat magsanay na basahin ang Kasulatan ayon sa panloob nitong lohika—ang lohika ng isang kuwento na kumikilos mula sa paglikha hanggang sa bagong sangnilikha. Malaki ang hermeneutical task na kinahaharap natin, pero ito ay napakahalaga para sa tapat na evangelical na pakikipag-ugnayan sa kultura.

* * * * *

Salin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article, “Biblical Theology and the Sexuality Crisis,” na isinulat ni Albert Mohler noong August 20, 2014. Si Al Mohler ang president ng Southern Baptist Theological Seminary sa Louisville, Kentucky. 

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES