Editor’s note: Ito ang ikalawang article sa series ni Bob Johnson:
- Part 1: Not Satisfied with Our Shepherding . . . Yet (2014)
- Part 2: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Making Progress (2016)
- Part 3: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Doing Much Better than Before (2018)
- Part 4: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Finding a Good Rhythm (2023)
Sa nakalipas na apat na taon, niloob ng Diyos na mas lalong maging malusog at malakas ang church na ito sa pamamagitan ng mga paninindigan at desisyon na ginawa ni Bob na makikita natin sa mga articles na ito. Basahin mo ito upang ikaw ay tumibay—ngunit higit sa lahat, basahin mo ito upang ikaw ay matuto!
* * * * *
Isang taon at kalahati na ang nakalipas, nagsulat ako ng isang article na may parehong pamagat tungkol sa plano kong mas lalong paigtingin ang pagpapastol na ibinibigay ng mga elders ng aming church sa aming mga miyembro. Naniniwala akong kailangan naming maging mas involve sa buhay ng aming kongregasyon upang aming masabi na binantayan namin ang kanilang mga kaluluwa (Heb. 13:17). Sa kanyang libro na The Shepherd Leader, tinalakay ni Tim Witmer ang tungkol sa macro-shepherding (preaching, teaching, organization) at micro-shepherding (conversations, personal discipling, praying with one another, etc.). Pakiramdam ko ay nabigyan naman namin nang sapat na atensyon ang malawakang aspeto ng pagpapastol, ngunit kailangan naming bigyan ng higit na pansin ang mas maliit na aspeto nito. Kaya sa unang article ay nagbigay ako ng ilang mga hakbang na balak naming gawin, at nangako akong magbibigay ng update kung ano ang naging resulta.
Nakakamangha ang naging resulta! Dumami ang attendance nang 600 percent! Lumaki ang mga offering nang 850 percent! Nagkaroon ng walong church plants! Limampu’t pitong kabataang lalaki ang pumasok sa seminary! At merong dalawang milyong bagong followers sa Twitter!
Okay, hindi pala ‘yon totoo. Pero ano nga ba talaga ang naging resulta?
Tatlong Praktikal na Hakbang
May tatlong pangunahing bahagi ang planong ito, na sinusundan ng ilang praktikal na mga hakbang:
- I-review muli kasama ng mga elders ang tunay na kahulugan ng iglesya at ang tungkulin mamin na pangalagaan ang bawat miyembro.
- Magkaroon ng malinaw na layunin para sa ministeryong nangangalaga sa bawat miyembro ng kawan.
- Gumawa ng plano na nakabatay sa relasyon, hindi lamang sa pagtugon sa mga problema.
Ang layunin ng huling hakbang ay gumawa ng isang plano hinggil sa pangangalaga sa bawat miyembro ng kawan. Sa gayon, alam namin kung paano namin sila maipapanalangin, palalakasin ang loob, hahamunin sa kanilang pananampalataya, at iuugnay sa mga ministries, resources, at mga taong maaaring makatulong sa kanila o maaari nilang matulungan. Sinang-ayunan at tinanggap ng mga elders ang unang dalawang hakbang, at sinimulan na nilang gawin ang ikatlo. Narito ang aming ginawa.
Pagpapastol na Nakabatay sa Relasyon, Hindi Lamang Pagtugon sa mga Problema
Una, hinikayat namin ang bawat elder na makipag-ugnayan sa limang miyembro kada buwan. Mahigit sa isang libo ang bilang ng aming mga miyembro. Hindi namin ito in-organize base sa kung sino-sino na ang magkakakilala, ngunit maaari naman kaming magpalitan ng mga pangalan batay sa current relationships at sa posibleng mga ugnayan sa hinaharap.
Sa simula, sinikap naming makipag-ugnayan sa mga miyembrong naka-assign sa amin sa pamamagitan ng tawag sa telopono. Ipinapakilala ng elder ang kanyang sarili at sinasabi sa miyembro na lagi naming ipinapanalangin ang bawat miyembro ng iglesya, at itinatanong namin sila kung ano ang nais nilang ipanalangin para sa kanila. Halos lahat ng sumagot sa aming mga tawag ay lubos na nagpapasalamat sa aming simpleng pakikipag-ugnayan sa kanila. May mga pagkakataong saktong tumatawag ang elder sa oras kung kailan kailangang-kailangan siya ng isang miyembro, kaya natulungan niya ang miyembrong iyon sa isang urgent situation. May mga pagkakataon namang nabibigla ang taong tinawagan ng elder at walang masabing prayer request, bagamat may ilan na tumatawag ulit matapos silang makaisip ng prayer request. Sa kabuuan, humigit-kumulang 40–50% ng aming mga miyembro ang hindi sumagot sa aming mga tawag at hindi na muling tumawag.
Mga Nakikitang Pakinabang
Bagamat hindi pa namin nakakausap ang lahat ng miyembro, napakalaki na ng naging pakinabang ng gawaing ito. Isa sa mga nakikitang pakinabang ay ang mas malapit na pakikipag-ugnayan ng mga pastol sa kanilang mga tupa. Ang isang pastol na hindi nangangamoy tupa ay hindi maituturing na tunay na pastol. Mas naunawaan namin ang mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng ilang mga miyembro araw-araw, at natuklasan naming ang isang simpleng tawag lamang ay maaaring maging daan sa mas marami pang makabuluhang pag-uusap.
Ang isa pang naging pakinabang ng gawaing ito ay na-realize namin na hindi masyadong pamilyar ang mga miyembro sa iba’t ibang mga ministry ng iglesya. Dahil dito, sinikap namin na maging mas intentional sa aming pakikipag-ugnayan sa kanila.
Isa pang naging pakinabang ay na-realize ng congregation na tungkulin ng bawat miyembro ang ipanalangin at pangalagaan ang bawat isa. Dahil kaming mga elders ang nagbibigay ng halimbawa, mas madali kong hikayatin ang mga miyembro na makibahagi rin sa gawaing ito. Hinihikayat ko ang mga miyembro na lagi nilang ipanalangin ang isa’t isa sa tuwing nagkikita sila, lalo na kapag araw ng Linggo. Nakakatuwang tingnan ang mga miyembrong hindi nagmamadaling umuwi pagkatapos ng pananambahan, bagkus, nagtitipon sila sa isang sulok upang magpanalanginan.
Isa pang naging pakinabang ay laging napapaalalahanan ang mga elders na ang church ay hindi isang kalipunan ng mga ministry na dapat pamahalaan, kundi isang grupo ng mga tao na dapat pangalagaan, pangunahan, at paglingkuran.
Mga Di-Nakikitang Pakinabang
Meron din namang mga pakinabang sa gawaing ito na hindi agad nakikita. Kamakailan lang ay narinig ng aking asawa na tinanong ng isang miyembro ang isa pang miyembro, “Tinawagan ka na ba ng iyong elder?” Tinanong niya ito hindi bilang pagrereklamo, kundi bilang pasasalamat sa ipinapadama naming pangangalaga sa kanya. Isang malaking kaaliwan sa aming iglesya ang malaman na kami’y isang kawan na lubos na kilala at inaalagaan ng aming mga pastol.
Nakatulong din ito upang makita ng aming congregation ang kahalagahan ng pagpapanatili ng maayos at tumpak na church membership. Wala akong statistics na maipapakita bilang katunayan, ngunit tila nasa maayos na kalagayan ang congregation at malaki ang kanilang pagtitiwala sa aming pangunguna bilang mga elders. Pinakikinggan ko ang mga katanungan na itinatanong sa mga members’ meeting upang makita kung gaano kalaki ang kanilang tiwala sa aming mga church leaders. Tila mabuti at mapayapa ang relasyon ng congregation sa mga elders at ibang mga leaders. At malaki ang naitulong ng mga pagsisikap na ito sa pagpapastol sa bawat miyembro upang mapanatili ang ganitong kalagayan.
Ano ang Kasunod?
Ngayon, ano ang susunod na hakbang?
Sa taong ito, hangarin namin na palalimin ang aming pakikipag-ugnayan sa mga miyembro at mas lalo pang mapadalas ang pakikihalubilo nila sa amin. Bahagya rin naming binago ang aming sistema. Sa simula pa lamang ng taon, itinalaga namin sa bawat elder ang isang grupo ng mga tao na kanilang tututukan at aalagaan. Bawat elder ay naghahanap ng pagkakataon upang makausap at makumusta ang mga miyembro na naka-assign sa kanya—hindi lamang sa isang partikular na buwan, kundi sa buong taon. Kaya, kahit nagre-report kami kada buwan, buong taon kaming naghahanap ng pagkakataon upang mapaglingkuran ang mga miyembro.
Mas pinaganda rin namin ang sistema ng aming pagtatala upang mas madali itong magamit ng mga elder. Kino-contact na rin namin ang mga miyembro sa pamamagitan ng email at text messages, bukod pa sa pagtawag sa telepono at personal na pakikipagkita. Mas gusto pa rin naming makausap sila nang personal o sa telepono, ngunit kung makatanggap man kami ng email mula sa kanila, malaking bagay na rin ‘yon.
Hindi lang namin itinatanong sa kanila, “Ano ang maipapanalangin namin para sa ‘yo?” Itinatanong na rin namin ngayon sa kanila, “Ano ang mga goals mo sa iyong spiritual life na maaari ka naming tulungan?” Sa pamamagitan ng ganitong mga tanong, nagkakaroon kami ng pagkakataon na mas makilala pa nang lubusan ang aming mga miyembro.
Hindi pa rin kami kuntento sa aming pagpapastol, ngunit nagpapasalamat na kami sa paglago na aming nagagawa. Patuloy pa rin akong hinahamon ng Hebrews 13:17, at masigasig itong ginagampanan ng mga elders. Dahil dito, mas lalong naging malusog ang aming congregation.
* * * * *
Isinalin ni Mark Daniell S. Perico mula sa 9Marks article, “Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Making Some Progress,” na isinulat ni Bob Johnson noong April 18, 2016. Si Bob Johnson ay senior pastor ng Cornerstone Baptist Church sa Roseville, Michigan.
