“Karaniwan nang nangyayari na ang panlabas na buhay ng isang pastor (gaya ng buhay ng sinumang nagpapahayag na siya’y Kristiyano) ay mukhang maayos sa paningin, ngunit ang panloob na kalagayan ay ibang-iba.” — Robert Yarbrough[1]
Bago ako pumasok sa pastoral ministry, may mga nakikita ang kapatiran na katangian ko bilang Kristiyano na itinuturing nilang kapuri-puri—masipag, tumatanggap ng payo, at masigasig sa local church. Gusto kong pinapakinggan ang Salita ng Diyos at ibinabahagi ang Magandang Balita. ‘Yun nga lang, may kulang sa pagkatao ko.
Sa mga unang araw na iyon ng paghahanda sa ministry, kailangan ko ng pagdidisipulo. Kailangan ko ng isang nakatatandang lalaki na gagabay sa pagpapasya ko, pakikipagrelasyon ko, sa pangangasiwa ko ng mga ipinagkatiwala sa akin, at sa mga espirituwal na disiplina ko. Sa edad na 21, inakala ko na ang aking mga kakulangan ay kusa na lamang aayos paglipas ng panahon.
Sa 1 Timothy 4:16, iniisip ni Pablo na ang pagkatao ni Timoteo ay magkakaroon ng epekto sa fruitfulness ng kanyang ministry. Kaya sinabi ng apostol: “Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.”
Maaaring gamitin ng Diyos ang ating pagkatao para sa higit na mabuti—ngunit ang kakulangan dito ay maaaring magdulot ng malaking kapahamakan. Kaya alang-alang sa iyong kaluluwa at sa mga kaluluwa ng mga taong paglilingkuran mo balang-araw, narito ang tatlong simpleng paraan para mapangalagaan mo ang iyong karakter.
Maniwala Kang Mahal Ka ni Jesus
Minsan, ang ilan sa mga pinaka-prideful na tao ay mga pastor. Karaniwang nakikita ang pride sa pagmamalaki ng sarili at sa mga tila mapagpakumbabang pagmamayabang. Ngunit minsan, may isang uri ng pride na patagong kumikilos na nagpapakita sa anyo ng pagkamuhi sa sarili. Binabalewala nito ang katotohanan ng pag-ibig ni Jesus at sa halip ay ibinabaling tayo sa hindi mabuting pagsusuri sa sarili at paghahambing sa iba.
Ang ating pride at kawalan ng pananampalataya ang dahilan kung bakit nakakalimutan natin na iniibig tayo ng Diyos at nalulugod siya sa atin kay Cristo. Hinihikayat kita na simulang sabihin sa iyong sarili na ang Diyos ay kasama mo. Isapuso mo ito: “Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Rom. 5:8).
Patuloy na ipinapaalala sa akin ng sanlibutan, ng laman, at ng diyablo kung gaano ako hindi kaibig-ibig dahil sa aking kasalanan. Totoo iyon. Ngunit itong madilim na backdrop na ito ang lalo pang nagpapaliwanag sa ningning ng pag-ibig ng Diyos. Inibig niya tayo kahit tayo’y mga kaaway pa niya. Ibinigay niya sa iyo ang kanyang Banal na Espiritu, dahil sa kanyang pag-ibig, para tulungan ka, kahit ngayon. Pagbulay-bulayan mo ang mga katotohanang ito araw-araw, kapatid.
Linangin ang Pribadong Pagsamba
Mula pa pagkabata, palagi kong problema ang mag-focus, ngunit kaya kong patotohanan na gumawa ang Diyos ng mga kamangha-manghang pagbabago sa aking buhay sa pamamagitan ng aking pakikipagniig sa kanya. Narito ang ilang mga gawain na maaari mong isaalang-alang para sa ikalalago mo.
Focus
Mayroon akong roommate noon sa seminary, ang pangalan niya ay Peter, na humikayat sa akin na humingi ng tulong sa Diyos para makapag-focus. Sinimulan kong alisin ang mga bagay na nakakagambala at ang mga bagay na hindi mabuti para sa aking kaluluwa. Halimbawa, binawasan ko ang pakikinig sa secular music, sa media, at sa mga balita. Dinagdagan ko naman ang pag-awit ng papuri, pagbabasa ng Bible, at pananalangin. Kinailangan ko ng mas maraming oras kasama si Jesus. At habang mas tumatagal ako sa pagpapastor, mas lalo ko itong kailangan.
Read
Ilang taon na ang nakalipas, isang kaibigan at pastor ang humikayat sa akin, ang pangalan niya naman ay Bob, na samahan siyang basahin ang buong Bible sa loob ng isang taon. Hindi na ako tumigil mula noon. Walang katulad ang paulit-ulit na pagbababad ng sarili sa kabuuang kuwento ng Bible. Sinabi ni Charles Spurgeon, “Ang Bibliyang halos nagkakawatak-watak na ay kadalasang pag-aari ng isang taong hindi ganoon.” Magalak ka sa Salita ng Diyos kasama ang mga kasama mong miyembro ng church.
Journal
Isa pang kaibigan, si Dominic, ang humikayat sa akin na isulat ang aking mga panalangin sa isang journal. Nag-alinlangan akong subukan ito, ngunit ito ang isa sa mga gawaing pinaka-nakapagpabago ng buhay ko at nakapagpatibay ng espiritu ko para sa buhay at ministry. Nakatulong ito sa akin na mag-focus, maging mas maingat sa aking pakikipagniig sa Diyos, at mapalalim ang aking pag-ibig sa kanya. Pinilit ako nitong umupo, siyasatin ang aking mga kasalanan, at alalahanin ang mga pangako ng Diyos sa gospel.
Sing
Punuin mo ang iyong buhay ng magagandang Christian music. Itaas mo ang Diyos at magalak ka sa Diyos. Lumayo ka sa mga awit na ayon sa laman at nagbibigay kalungkutan sa Espiritu. Habang itinataas mo ang iyong mga kamay sa pribadong pagpupuri sa Diyos, binibigyan ka niya ng panibagong lakas para labanan ang kasalanan.
Hangarin ang Malalim na Pagdidisipulo
Noong ako’y nag-aaral pa, mas involved ako sa mga ministries ng aming church kaysa sa pagdidisipulo. Hindi ko alam noon kung paano humingi ng tulong sa isang tao para idisipulo ako. Gusto ko pa ng coaching at personal involvement, ngunit noong mga panahong iyon, ang salitang “pagdidisipulo” ay hindi gaanong uso gaya ngayon.
Kailangang-kailangan ko noon ng isang taong magtuturo sa akin kung paano papatayin ang mga paulit-ulit na kasalanan tulad ng paghahambing ng sarili sa iba, mababang pagtingin sa sarili, pagnanasa ng laman, pagtatanim ng galit, at pagtakas sa realidad. Ang mga kasalanang ito ay hindi kailanman masayang hukayin. Pinapahiya tayo ng mga ito at nagiging dahilan para umurong tayo. Gayunpaman, ‘di ba’t si Jesus ay naparito hindi para sa mga nag-aakalang sila’y malakas?
Ang maturity ay dumarating kapag kinilala mo na kailangan mong patuloy pang lumago sa sanctification. At ginagamit ng Diyos ang ilang mga bagay para palaguin tayo, gaya ng mga relasyon sa loob ng local church. Nakakalungkot na may ilang mga kalalakihang nakakakuha ng mga degrees mula sa mga seminaries ngunit napakahina naman ng relasyon sa isang local church—kung mayroon man. Ang irony ay umaasa sila na magli-lead sila sa isang church samantalang sila mismo ay hindi kailanman nagpailalim sa isang church.
Ang payo ko sa inyo na nasa training ay humanap kayo ng isang tapat na pastor at hayaan ninyo siyang maging bahagi ng inyong buhay. Hilingin ninyo sa kanya na suriin ang inyong mga personal na gawi at takbo ng pag-iisip. Kung kayo’y walang asawa, makipag-usap kayo sa kanya tungkol sa inyong pakikipagrelasyon. Kung may asawa naman, hilingin ninyo na tanungin niya kayo tungkol sa inyong married life at parenting. Kailangan din ninyo ng encouragement habang kayo’y nananatiling tapat, at ang isang mabuting pastor ay maaaring maging encourager. Ang ganitong uri ng relasyon ang huhubog sa inyong pagkatao at magtuturo sa inyo kung paano maging mas mabuting pastor balang araw.
Lubos na pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa panahon ng inyong pagsasanay.[2]
*Original English article, “Attend to Your Character,” here. Translated by Siah Compahinay. Garrett Conner is the senior pastor of La Plata Baptist Church in La Plata, Maryland.
[1] Robert W. Yarbrough, The Letters to Timothy and Titus, ed. D. A. Carson, Pillar New Testament Commentary(Grand Rapids, MI; London: William B. Eerdmans Publishing Company; Apollos, 2018), 254.
[2] Recommended resources: Dangerous Calling by Paul David Tripp, Character Matters by Aaron Menikoff, The Pillars of Christian Character by John MacArthur, and The Path to Being a Pastor by Bobby Jamieson.
