Note: Ang artikulong ito ay mahalaga sa Filipino context dahil tinutulungan nitong maunawaan ng mga churches sa Pilipinas kung paano mahihikayat ang mga dumadalo lamang sa church patungo sa aktibong pagiging bahagi ng katawan ni Cristo. Sa kulturang Pilipino kung saan malakas ang pakikisama ngunit madalas mahina ang pormal na commitment, ipinapakita ng artikulo ang kahalagahan ng intentional discipleship at membership bilang tanda ng tunay na pakikibahagi sa misyon ng iglesia.
Binibigyang-diin nito na ang pagiging miyembro ay hindi lang attendance kundi pagsasama-sama sa pananagutan, paglago, at ministeryo—isang bagay na kailangang ituro at isabuhay sa konteksto ng mga local churches na madalas nakatuon sa relational warmth ngunit kulang sa covenantal depth. Sa ganitong paraan, nagiging gabay ito para sa mga pastor at lider na gustong magpalalim ng kultura ng pagiging iglesia na nakaugat sa ebanghelyo, hindi lang sa tradisyon.
*****
Isang praktikal na hamon na kinahaharap natin bilang pastor ay kung paano hikayatin ang isang church attender na maging aktibong miyembro ng church. Paano natin tutulungan ang mga tao na maintindihan ang pangangailangan at kagalakan ng pagiging kabilang sa isang local church?
Anim na Suggestions Kung Paano Hihikayatin ang mga Attenders sa Pagiging Member
Narito ang anim na suggestions. Ang layunin ng unang apat ay makalikha ng isang environment kung saan ang membership ay pinahahalagahan at nauunawaan. Ang huling dalawa ay may kinalaman sa pangangalaga sa mga partikular na tao na kailangang mag-transition mula sa simpleng pag-attend tungo sa pagiging aktibong miyembro.
1.Kilalanin ang mga Kasalukuyang Miyembro
Bago natin epektibong mahikayat ang mga attenders na maging church members, kailangang kilala natin ang mga kasalukuyang miyembro. Kung hindi ganito, ang ideya ng “membership” ay mananatiling malabo kahit sa pastor na nagpo-promote nito.
Imagine na iniimbita mo ang isang bisita na mag-dinner kasama ka at ang pamilya mo isang hapon ng Sabado. Dumating ang bisita, inaasahang makilala ang iyong asawa at mga anak, pero pagpasok n’yo sa bahay ay inisa-isa mong tinanong ang mga naroon kung ano ang pangalan nila at kung sila ba ay bisita rin o nakatira roon. Ang ganoong “pagpapakilala” ay lubos na pinasisinungalingan ang sinasabi mong kayo nga ay isang pamilya.
Ganun din naman, kapag pinag-usapan ang tungkol sa pagiging bahagi ng isang local church, dapat nating isipin ang pagiging bahagi ng isang partikular na pamilya ng mga tao—totoo, kilala at minamahal na mga tao. Iniimbitahan natin ang isang attender na maging bahagi nitong nabubuhay at humihingang pamilya. Ang imbitasyon natin ay may mga mukha at pangalan. Kung kilala natin ang kanilang mga mukha, pangalan, at buhay, mas maipapakilala natin ang attender sa ating pamilya.
2. Mag-express ng Genuine Appreciation para sa mga Kasalukuyang Miyembro
Sa totoo lang, nasayang ko ang ganitong oportunidad nung naging senior pastor ako ng First Baptist Church of Grand Cayman. Dumating akong punô ng sigasig at handang maglingkod. Kinasasabikan kong mahalin at paglingkuran ang mga tao, pero bigo akong kilalanin ang isang bagay: ang mga tao sa First Baptist ay matagal nang naroon bago pa ako dumating. Naglilingkod na sila sa hindi mabilang na paraan. At hindi nila kailangan ang uri ng pag-ibig na gusto kong ibigay. Ang kailangan nila ay yung hihinto sandali para makita ang kanilang paglilingkod; yung nag-eexpress ng tunay na pasasalamat para sa biyaya ng Diyos na kumikilos na sa kanila.
Sa halip, madalas na maririnig ako ng congregation na magbigay ng suggestions for improvements at mga ideya para sa mga bagong gawain. Nagpahayag ito ng dissatisfaction at kakulangan sa appreciation. Nasaktan ko ang ilan at nadismaya ang iba. May ilan na naging gracious sa akin, iniisip na maganda ang intensyon ko. Totoo naman. Pero ang mas mainam na paraan para maipahayag ang ganung magandang intensyong ay ang magpahayag ng pasasalamat at appreciation para sa lahat ng nakita kong positibo.
Sana ay iginugol ko ang unang dalawa hanggang apat na taon ng aking ministry para tiyak, tapat at paulit-ulit na mag-encourage, magpasalamat, at i-appreciate ang maraming kahanga-hangang tao at gawa ng paglilingkod sa church. Meron kaming mga Sunday School teachers na naglingkod sa loob ng dalawampung magkakasunod na taon; mga indibidwal na tahimik na inaalagaan ang mga single mothers; mga leaders na humarap sa mahihirap na pagsubok sa mahabang taon ng pamumuno; mga cancer survivors na nakipaglaban sa sakit nang may tunay na pananampalataya; mga asawang babae at asawang lalaki na nanatiling tapat sa mga asawang di-mananampalataya o sa hindi mabuting asawa; mga miyembrong nagbibigay nang may kagalakan at may pagsasakripisyo; at maraming iba pa na nagpatuloy sa buhay nang may pagnanais maging katulad ni Cristo.
Kung kinilala ko sana nang mabuti ang kongregasyon at pinagmasdan ang pananampalataya nila na makikita sa kanilang buhay at paglilingkod, magkakaroon sana ako ng maraming pagkakataon o oportunidad na gamitin ang mga ito bilang sermon illustrations, mga oportunidad para magbigay ng notes of encouragement, at mga oportunidad para purihin ang gawa o pagkilos ng Diyos. At kung ginawa ko sana ang lahat ng iyon, makakagawa ako ng environment of encouragement, grace and thanksgiving. Napatatag sana nito ang kasalukuyan nang mga miyembro at nagawang attractive ang membership para sa attender. Gusto ng mga tao na mapabilang sa mga grupong nakapagpapatatag at nakapagpapalakas. Dapat na pinakamahusay ang mga churches at pastor sa paggawa nito.
3. Ilarawan ang isang Biblical Vision ng Malusog na Buhay Kristiyano
Ito ang isang bagay na puwede nating i-assume sa isang Christian na regular na umaattend ng church pero hindi nagnanais maging miyembro: merong kakulangan sa kanyang pagtingin o pananaw sa buhay Kristiyano.
Puwede ba natin itong i-assume? Oo, dahil sinasabi ng Kasulatan na ang local church ang plano ng Diyos para sa ating discipleship at spiritual maturity (Eph. 4:11–16; cf. Matt. 28:18–20). Bilang mga social beings, kailangan natin ng community. Ibinibigay ito ng Diyos sa pamamagitan ng local church, kung saan nakikigalak tayo sa mga nagagalak, nakikidalamhati sa mga nagdadalamhati, at nagpapakita ng pantay na malasakit o concern para sa isa’t isa (1 Cor. 12:1–27).
May mga dahilang nangangailangan ng masusing pastoral na pagsusuri kung bakit ang isang dumadalo sa church ay hindi pa lubos na yumayakap sa pananaw na nakasentro sa iglesya para sa buhay Kristiyano. Ang tungkulin natin bilang mga pastor ay mangaral at magturo sa paraang nagpapakita ng biblikal na pananaw tungkol sa lokal na iglesya upang ito ay maging kaakit-akit at kanais-nais sa mga anak ng Diyos.
Kailangan nating tulungan ang attender—at mga kasalukuyang miyembro—na maunawaan kung ano ang ibig sabihin na nasa “loob” ng church at bakit unhealthy kapag nasa “labas” ng church. Kung hindi natin ito gagawin, iiwan natin sila sa kanilang hindi kumpletong ideya tungkol sa church. At mas malala pa, maaari natin silang hayaang isipin na ang tanging “benepisyo” ng membership ay disiplina at hindi kanais-nais na karanasan.
Maaari nating tugunan ang pangangailangang ito sa pamamagitan ng pangangaral ng topical series tungkol sa church o spiritual fellowship. O puwede nating pag-aralan nang paunti-unti ang mga letters tulad ng Ephesians o 1 Timothy, kung saan makikita ang mga larawan ng buhay ng iglesya. O kung nagbibigay tayo ng expository preaching mula sa ibang aklat sa Bibliya, maaari tayong gumawa ng applications sa membership kung ito’y nararapat para makita ng mga attenders at members ang tema ng pakikibahagi at komunidad sa kabuuan ng Bible. Sa lahat ng ito, gusto nating magbigay ng mataas at kaakit-akit na pagtingin sa local church sa lahat ng kagandahan at kapintasan nito.
4. Patibayin ang mga Boundaries ng Church
Ang isang bunga ng pagtuturo sa mga tao ng “loob” at “labas” ng membership ay ang mapatibay ang borders sa pagitan ng church at ng mundo sa pamamagitan ng paglilimita o pagtatakda ng partikular na mga gawain para sa mga miyembro lang.
Sa buong Kasulatan, humihiwalay ang covenant community ng Diyos mula sa mundo. At binigyan niya sila ng partikular na mga gawain tulad ng pagtutuli at Passover na, bukod sa iba pang mga layunin, ay nagbubukod o naghihiwalay sa kanila mula sa mundo. Kailangang malalim ang borders sa pagitan ng Israel at ng mundo, at ang pagiging bahagi ng covenant community ay nagkaroon ng partikular na hugis at kahulugan. Kakila-kilabot na maging “hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos, nabubuhay sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos” (Eph. 2:12).
Kahit mga sekular na organisasyon at negosyo ay may mga rules sa kung sino ang “in” at sino ang “out.” Pasko noon, um-attend ang isa sa mga elders ng aming church sa isang Christmas party ng opisina sa isang local restaurant and pub. Napansin niya ang isang mesa ng mga customers na umiinom. Paminsan-minsan, ang isa sa kanila ay nag-aabot ng inumin mula sa bintana ng restaurant sa isa pang lalaki na nakatayo sa labas. Kalaunan ay nalaman niya na yung lalaki sa labas ay hindi pinahihintulutang pumasok sa restaurant dahil sa hindi magandang behavior nito sa nakaraan. Tumawa yung kapwa ko elder, dahil nakita niyang kahit yung mga makamundo ay may standard o pamantayan ng pagiging kabilang at naglalaan ng partikular na benepisyo para sa mga nasa loob.
Ganun din naman, para makita ng mga attenders ang kahalagahan ng membership, at para sa mga hindi mananampalataya na makita na sila ay “hiwalay kay Cristo,” ang borders sa pagitan ng church at ng mundo ay kailangang mapatibay. Dahil dito, dapat tukuyin ng mga pastor at kongregasyon kung anong mga gawain at oportunidad ang limitado para sa mga miyembro lang. Puwede bang magturo sa Sunday school ang hindi miyembro? Puwede ba silang sumali sa choir? Puwede ba silang sumali sa small groups o mag-travel kasama ng mission teams? Iimbitahan mo ba ang mga nagsasabing sila ay Kristiyano pero hindi miyembro ng kahit anong local church para makibahagi sa Lord’s Supper?
Ang pagdedesisyon kung anong mga pribilehiyo at responsibilidad ang para lamang sa mga miyembro ng church ay nakatutulong maipakita kung bakit ang pagiging nasa “loob” ay mahalaga at ano ang mawawala sa isang tao na nananatiling nasa “labas” ng church membership.
5. Gawin ang Personal na Trabaho ng Pagsagot sa mga Objections at Pag-encourage sa mga Tao na Maging Miyembro
Pagkatapos ng ilang taon ng paggawa para makalikha ng environment kung saan ang pinahahalagahan at makabuluhan ang membership, mas magiging epektibo ang personal na pagtutok sa ating mga attenders. Sa katunayan, umaasa kami na, dahil sa paglago sa appreciation sa local church, mismong ang kongregasyon ang gagawa ng karamihan sa personal na pagtutok o pangangalaga.
Ang personal work na ito ay may kinalaman sa hindi bababa sa dalawang bagay:
- Pag-develop ng paraan ng pagkilala sa mga attenders.
- Pagsagot sa objection ng attender tungkol sa pag-join ng church.
Noong ako’y nasa larangan ng policy advocacy, gumamit kami ng isang simple tool na tinatawag na “move chart.” Ang move chart ay isang excel spreadsheet na may listahan ng mga key policy makers sa kaliwang hanay, at ang kanilang kasalukuyang posisyon sa isang policy issue sa itaas. Sa isang simple form, nilalagyan namin ng marka ang kanilang posisyon mula sa “strong opposition” patungong “neutral” hanggang maging “strong support.” Habang nakikipag-ugnayan kami sa mga policy makers, inire-record namin ang kanilang movement o pagbabago.
Bumuo man ang mga pastor ng move chart sa papel o sa kanilang isip, kailangan nila ng paraan para i-identify kung ang mga attenders ay “matindi ang pagtutol,” “hindi ito naisip kahit kailan,” o “planong mag-join next week.” Umaasa ako na gagawin ng pangangaral at komunidad ang personal work sa maraming pagkakataon, lalo na sa mga attenders na motivated na maging bahagi ng church. Pero sa mga attenders na may mga tanong at alinlangan, higit na pangangalaga ang kailangan.
Dito nakakatulong ang utos na “buksan ang tahanan” (Rom. 12:13; 1 Pet. 4:9) para tulungan ang mga tao na mag-commit. Ang bukás na mga tahanan ay nagpo-produce ng bukás na mga puso—o at least bukás na mga bibig! Mula sa mga usapan pagkatapos ng church services, puwede tayong mapunta sa mas intensyonal na mga usapan habang kumakain. Kung magiging matiyaga at tapat tayo sa mga usapang iyon, maaari nating gabayan o tulungan ang attender sa mga sakit, pagkadismaya, mga tanong, at mga takot sa pag-cocommit na maging bahagi ng church. Ang layunin ay hindi para “ipanalo” ang isang membership argument, pero para mahalin ang taong iyon sa salita at sa gawa hanggang ipagkaloob ng Panginoon ang liwanag at pagmamahal.
6. Hikayatin ang Attender na Makibahagi sa Iba Pang Local Church kung Hindi Man sa Inyong Church
Panghuli, dapat nating tandaan na may iba pang mga matatapat na pastor at kongregasyon ang Panginoon. Dapat nating ikagalak ang katotohanang iyan. Hindi tayo nakikipag-kompetensya sa ibang churches, kundi mga katuwang nila sa ebanghelyo.
Paminsan-minsan ay makakatagpo tayo ng attender na ang mga objections sa pagiging miyembro ng iglesya ay tila hindi matitinag. Maaaring hindi siya sang-ayon sa atin sa ilang mahalagang doktrina o kasanayan. O baka mas malapit ang tirahan niya sa isa pang tapat na kongregasyon at maaaring maging mas aktibo siya roon. Sa ganyang mga pagkakataon, ang pagtulong sa mga dumadalo na maging miyembro ay maaaring mangahulugan ng pagtulong sa kanila na maging miyembro ng ibang local church.
Maaaring maging emotional ito para sa ilan—lalo na dun sa nagkaroon na ng attachment sa church kahit hindi naman miyembro nito. Ang ganitong mga sitwasyon ay nangangailangan ng pastoral patience at empathy. Ngunit ginagawa natin ito para sa ikabubuti ng dumadalo, dahil ninanais natin ang alam nating hinihingi ng Diyos sa kanya—ang aktibong pagiging miyembro—na higit na mabuti at higit na kanais-nais. Ang pino-promote natin ay ang gospel, hindi ang mga churches natin. Ang layunin natin ay magpalago ng mga Kristiyano, hindi ng listahan ng mga members ng church. Minsan, nangangahulugan ‘yan ng pagtulong sa mga tao na maging members ng ibang church habang nagpapatuloy tayong pangalagaan ang mga tupang inilagay ng Diyos sa ilalim ng ating pangangalaga (1 Pet. 5:1–4).
Conclusion
Nakakatukso para sa mga pastor na makaramdam ng inconvenience sa mga mananampalatayang dumadalo pero hindi nagiging miyembro. Puwede tayong ma-frustrate kapag yung mga bagay na basic para sa atin ay binabalewala ng iba. Kailangan nating bantayan ang ating mga puso laban sa kawalan ng pagtitiyaga at pagiging matuwid sa sariling paningin. Bagaman ibinibigay natin ang karamihan ng ating oras sa mga miyembro dahil malaki ang pananagutan natin sa kanila, kailangan din ng mga dumadalo sa church ang ating ministeryo. Ang pag-encourage sa mga dumadalo na maging bahagi o miyembro ng church ay isang oportunidad para sa pagmamahal. Ito mismo ang ministry.
*****
Isinalin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article, “Moving Attenders to Members,” na isinulat ni Thabiti Anyabwile. Si Thabiti Anyabwile (MS, North Carolina State University) ay isang pastor sa Anacostia River Church sa southeast Washington, DC. Siya ang may-akda ng ilang mga libro gaya ng What Is a Healthy Church Member?, Finding Faithful Elders and Deacons, at iba pa. Siya at ang kanyang asawang si Kristie ay may tatlong anak.
