Note: Madalas nang mabanggit sa Pilipinas ang katagang “gospel-centered.” Marami na rin ang nagkakaroon ng training at exposure sa gospel-centered expositional preaching. Pero baka akala ng iba ay sapat na na mabanggit ang salitang “gospel” o ang tungkol sa ginawa ni Cristo sa krus o tungkol sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa atin. Pero naiintindihan ba talaga natin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging “gospel-centered” ng isang sermon. Sa article na ‘to, nagbigay si David King ng ilang paglilinaw kung ano ang ibig sabihin nito, kasama na ang ilang mga diagnostic questions para matulungan tayong ma-evaluate kung ang sermon bang ipinangaral o pinakinggan natin ay nakasentro talaga sa gospel.
*****
Puwede bang tawaging classic movie ang The Princess Bride? Kung ang pagbabatayan ay mga memorable lines, oo naman! Ang isa sa mga kilalang linya ay binitawan ni Inigo Montoya, sa kanyang pagkalito sa paulit-ulit na pagsasabi ni Vizzini nang, “Inconceivable!” Sinagot ito ni Montoya ng, “Lagi mong ginagamit ang salitang ‘yan. Sa tingin ko, hindi mo naman talaga alam kung ano’ng ibig sabihin n’yan.”
Kapag iniisip ko ang madalas na gamiting descriptor ng preaching na “gospel-centered,” parang naririnig ko si Inigo Montoya. Madalas natin itong gamitin, at tingin ko, hindi talaga natin alam kung ano’ng ibig sabihin nito. Kaya, tara, at sabay natin itong pag-isipan.
Denials About Gospel-Centered Preaching
Ang isang maiksing listahan ng mga denials ay maaaring makatulong para patalimin ang mga hangganan ng ating pagkaunawa:
- Dapat tanggihan ang paniniwala na ang preaching ay gospel-centered dahil lang ang sermon ay nakabase sa Bibliya. Mayroong paraan ng pangangaral ng Bibliya—kahit ito pa ay verse-by-verse, kahit pa mga bahagi tungkol kay Jesus—na nakapagpapahamak. Ang mga pari at mga Levita ay bihasa sa Kasulatan, ngunit sinaway sila ni Jesus dahil hindi nila nakita ang patotoo nito na nakatuon kay Cristo (John 5:39–40).
- Dapat tanggihan ang paniniwala na ang preaching ay gospel-centered dahil lang ang sermon ay nakapagbibigay ng kaaliwan kapag narinig nila ang tungkol sa grace o biyaya ng Diyos. Ang biyaya ng ebanghelyo ay hindi lamang umaaliw kundi humihikayat na gumawa. Ito ay nagtuturing na matuwid (justifies) at nagpapabanal (sanctifies). Iniuugat tayo nito sa mga katotohanan (indicatives) at pinalalago sa ating mga tungkulin (imperatives): Pinatawad ka na; umuwi ka na at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.
- Dapat tanggihan ang paniniwala na ang preaching ay gospel-centered dahil lang ang sermon ay naglalaman ng pagtukoy sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus para sa mga makasalanan. Walang alinlangan na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus ang sentro ng mensahe ng ebanghelyo (1 Cor. 15:1–4). Ngunit kung ang mensahe ay ilalahad lamang na parang isang item sa checklist o isang obligatory footnote—siguradong hindi ‘yan ang ibig sabihin natin sa gospel-centered preaching.
An Image of Gospel-Centrality
Ang salitang “centered” ang isa sa mga dahilan ng ating pagkalito. Ano ba ang ibig sabihin ng “centered” pagdating sa pangangaral ng mabuting balita ni Jesus? Hayaan mo akong mag-suggest ng isang larawan. Dapat nating naisin na maging sentro ang gospel sa ating mga sermon kung paanong ang araw ang sentro ng solar system. Sa ating solar system, lahat ay umiikot sa araw at iniilawan at pinaiinit nito. Ang malaking bigat ng araw ay lumilikha ng gravitational pull na nag-uugnay sa buong system. Ang maningning na liwanag at init ng araw ay umaabot sa bawat bagay na nasa kanyang orbit.
Ganito rin dapat ang gospel sa ating mga sermon. Si Cristo na Tagapagligtas ang araw, at ang Bibliya ang solar system. Bawat talata, bawat doktrina, bawat tema—lahat ng ito ay umiikot sa nagliligtas na gawa ni Jesus. Ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus ang nagbibigay liwanag at init sa buong kapayahagan ng Diyos, gayundin sa mga nakikinig at sa preacher mismo. Ang antas kung saan nasasalamin ng sermon ang mga realidad na ito ay ang antas na masasabi nating nakasentro ito sa gospel.
Sa isang gospel-centered sermon, ang gospel ay katulad ng araw—hinihila ang bawat bahagi ng pangangaral sa kanyang orbit, nagbibigay liwanag at init sa lahat. Ang sermon na nakasentro sa gospel ay isang sermon kung saan ang gospel ay nagliliwanag (gospel-shining).
Diagnostic Questions
Ang pagkumpara sa pangangaral sa ating solar system na nakasentro sa araw ay talagang nakakatulong imaginatively, pero kailangan nating maging mas praktikal. Meron bang paraan para suriin kung nagagawa ba talaga nating isentro ang sermon sa gospel? Ang sumusunod ay tatlong diagnostic questions na tutulong sa ating suriin ang ating mga sermon. Ang mga tanong na ito ay affirmations na kabaligtaran ng mga naunang denials.
1. Nagliwanag ba ang Gospel gaya ng Araw sa Teksto ng Sermon?
Ang pangunahing punto ng teksto ay ipinahayag sa liwanag ng gospel. Ito man ay may kinalaman sa paglikha, kasarian, tipan, templo, sakripisyo, kabanalan, kahatulan, pagpapala, sumpa, kadalisayan, panalangin, pag-aasawa, pagiging single, pagkakaisa, katarungan, misyon, Ama, Espiritu, anupaman—ang pangunahing punto ng teksto ay ipinangaral nang may malinaw na pagkaunawa kung paano ito tinutupad o binibigyang muli ng hugis, o binibigyang kakayahan o binibigyang kapangyarihan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Sa madaling salita, ang pangunahing punto ng teksto ay nakita sa malinaw na ugnayan sa nagliligtas na gawa ni Jesus. Walang tunay na gospel-centered sermon ang tatanggapin sa isang sinagoga o sa isang mosque.
2. Nagliwanag ba ang Gospel gaya ng Araw sa Buhay ng Tagapakinig?
Binigyang liwanag ng gospel hindi lamang ang punto ng teksto kundi pati na rin ang buhay ng tagapakinig. Ang gospel-centrality ay nagliliwanag sa parehong interpretation at application. Tinawag ang mga tao na mamuhay bilang tugon sa gospel. Sa liwanag ng biyaya ng Diyos kay Cristo, ang mga hindi sumasampalataya ay nahikayat na magsisi at sumampalataya at maligtas. Sa liwanag ng biyaya ng Diyos kay Cristo, ang mga mananampalataya ay nahikayat na hubarin ang dating pagkatao, magkaroon ng pagbabago ng isip, at isuot ang bagong pagkatao. Ang nakapagbabago ng buhay na liwanag ng biyaya ay nagliliwanag sa isang tunay na gospel-centered sermon. Ang gospel-imperatives ay umuusbong mula sa gospel-indicatives, at wala sa dalawang ito ang dapat na ipagwalang-bahala.
3. Nagliwanag ba ang Gospel gaya ng Araw sa Puso ng Tagapangaral?
Ang marangal na pagbanggit sa gospel ay higit na mainam kaysa sa kawalan ng kahit anong pagbanggit sa gospel. Gayunpaman, sa isang tunay na gospel-centered sermon, ang preacher mismo ay nabihag ng gospel implications ng teksto. Nakita niya mismo ang liwanag at naramdaman mismo ang init ng araw, kaya tumatayo siya sa harap ng kongregasyon na ang pakiramdam ay hindi parang Pluto kundi parang Mercury. Siya mismo ay nagagalak kay Cristo. Kaya naman, ang tagapangaral ay seryoso sa kanyang pagnanais na samahan siya ng kongregasyon sa kanyang kagalakan. Ipinapahayag niya ang gospel hindi bilang isang intro o pambungad na puwedeng matabunan kundi bilang pangunahing balita.
Inconceivable!
Ito ang tunay na gospel-centered sermon: pangangaral kung saan ang gospel ay nagliliwanag gaya ng araw mula sa teksto, sa mga tagapakinig, at sa tagapangaral. Ang tanging inconceivable ay ang pagtukoy sa gospel-centrality sa mas mababang kahulugan. Kaya pag-isipan mo ang mga pagtanggi. Suriin mo ang mga palatandaan. At matutunang ipangaral ang gospel gaya ng araw na “sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran, walang nakapagtatago sa init nitong taglay” (Psa. 19:6). Ang isang gospel-centered sermon ay isang gospel-shining sermon.
*****
Salin ni Marie Manahan ng isang article mula sa 9Marks na isinulat ni David King, “A Gospel-Centered Sermon is a Gospel-Shining Sermon,” noong June 18, 2015. Si David King ang senior pastor ng Concord Baptist Church sa Chattanooga, Tennessee.
