Note: Ang artikulong ito ay mahalaga sa konteksto ng mga Filipino churches dahil ipinapaalala nito na ang pangangaral ay dapat nakasentro sa Salita ng Diyos, hindi sa opinyon ng tao. Sa kultura ng Pilipinas kung saan madalas na naibibida sa mga sermon ang karanasan, kuwento, o emosyon, tinutulungan tayo ng expositional preaching na ipahayag ang mensahe ng Diyos ayon sa intensyon ng teksto. Sa ganitong paraan, lumalago ang iglesia sa malalim na pagkaunawa sa Bibliya, nagiging matatag sa doktrina, at napapanatili ang pagpapahayag ng ebanghelyo bilang sentro ng bawat pagtuturo.
*****
Ano ang expositional preaching? Ang isang sermon ay expositional kung ang nilalaman at layon nito ay kontrolado ng nilalaman at layon ng isang partikular na talata sa Bibliya. Ipinapahayag ng preacher kung ano ang ipinahayag ng talata, at nilalayon niya na maisakatuparan ng kanyang sermon sa kanyang mga tagapakinig ang eksaktong nilalayon na maisakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ng piniling talata sa kanyang Salita.
Preacher, isipin mong nakaupo ang Diyos kasama ng kongregasyon habang nangangaral ka. Ano ang magiging expression ng mukha niya? Sasabihin ba nito, “Hindi ‘yan ang sinasabi ko sa passage na ‘yan.” O, “Tama, ‘yan nga yung nilalayon kong sabihin.”
Ang biblical case para sa expositional preaching ay nagsisimula sa ugnayan sa pagitan ng regalong ipinagkaloob ni Cristo sa church, ang mga pastor-teachers (Eph. 4:11) at ang biblikal na utos para sa mga pastor-teachers na “ipangaral ang salita ng Diyos” (2 Tim. 4:2). Ang mga nangangaral ay dapat mangaral mula sa kanilang mga Bibliya.
Ang pinakamainam na lugar siguro para ipakita ang legitimacy ng pag-uugnay ng pangangaral at ng pangangaral ng salita ay ang book of Acts. Sa book of Acts, ang phrase na “ang salita ng Diyos” ay karaniwang pinaikling pahayag para sa mismong nilalaman ng pangangaral ng apostol. Sa Acts 6:2, halimbawa, sinabi ng mga apostol, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos” (tingnan din ang Acts 12:24; 13:5,46; 17:13; 18:11.) Madalas din itong isulat na “salita ng Panginoon” (Acts 8:25, 13:44, 15:35–36; atbp.) at madalas na pinaiikli rin ito bilang “ang salita” (cf. Acts 4:29; 8:4; 11:19). Sa book of Acts, mayroong malinaw at consistent na pagkakaugnay sa pagitan ng apostolic preaching at ng phrase na “ang salita ng Diyos.”
Habang ang diwa ng apostolic preaching ay ang mabuting balita ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang mensahe ay ipinahayag at ipinaliwanag sa pamamagitan ng exposition ng Old Testament Scripture. Kaya sa panahon ng Bagong Tipan, ang pangangaral ay konektado sa pangangaral ng “salita ng Diyos,” at ang isang mahalagang bahagi ng ganoong pangangaral ay ang exposition ng Lumang Tipan. Dinadala tayo nito sa konklusyon na ang Old Testament Scriptures ay dapat na kasama sa ating ideya o pagkaunawa ng “salita” na dapat ipangaral, isang konklusyon na pinagtibay ng tuwirang pahayag (e.g., 2 Tim. 3:16; Rom. 3:2) at di-tuwirang pahayag (e.g., Rom. 15:4) ng Bagong Tipan.
Kaya ang “salita” ay walang iba kundi ang salita tungkol kay Jesus, na inasahan o inihula sa Lumang Tipan at ngayon ay ipinaliwanag sa mga apostolic preaching. Ito ang salita na “ipinangaral” (Acts 4:29), “ipinahayag” (13:5), at dapat “tanggapin”, bilang “salita ng Diyos.” Ang katulad na identification ay napanatili sa mga sulat ni Pablo. Walang pag-aalinlangan na tinatawag niya ang mensahe na kanyang ipinapahayag bilang “salita ng Diyos” (2 Cor. 2:17, 4:2; 1 Thess. 2:13) o simpleng “ang salita” (Gal. 6:6).
Kahit sa konteksto ng utos ni Pablo kay Timoteo na “ipangaral ang salita” ay may confirmation nitong ugnayan na ito sa pagitan ng pangangaral at ng pangangaral ng salita ng Diyos. Nalaman agad ni Timoteo kung ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “salita.” Gaya ng inilalarawan ng buhay ni Timoteo, siguradong kasama rito pareho ang “banal na kasulatan” at ang apostolic message—“mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo” (2 Tim. 3:10–17).
Ito ang conclusion na makukuha natin mula sa lahat ng ito: ang “salita” na dapat nating ipangaral ay ang mga katotohanan na binubuo ng Old Testament Scriptures at ang apostolic teaching tungkol kay Cristo—ibig sabihin, ang New Testament. Kaya nga, ang pag-identify ng “salita” sa ating mga Bibliya ay nararapat lamang. Ito ang dapat ipangaral ng inatasang mga “pastor-teachers.” Ang tungkulin natin ay ipahayag “ang salita” na ipinahayag ng Diyos, iningatan at napanatili sa Kasulatan, at ipinagkatiwala sa atin. Ang espirituwal na buhay ng bayan ng Diyos ay nakadepende sa salitang ito (Deut. 8:3). Kaya ang isang nakababatang pastor ay inatasan na “iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo” (1 Tim. 4:13). Kung ang utos na ito ay may bisa pa sa atin ngayon, at tunay nga na mayroon, ang pinagmumulan ng ating pangangaral ay dapat na lubos na tumutugma sa ating mga Bibliya.
Ano ang magiging anyo o itsura nito? Sa paghahanda natin ng sermon, ito ay pagtanggap ng mga tiyak na talata ng Salita ng Diyos at masusing pag-aaral sa mga ito para maging “tama ang paggamit sa salita ng katotohanan.” Sa pulpito, ito ay magiging katulad ng larawang makikita natin sa Nehemiah 8:8: “Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.” Parehong nilayon at ipinangako ng Diyos na gamitin ang ganitong uri ng pangangaral para magawa ang isa sa kanyang dakilang mga layunin—ang pagkakatipon at pagpapatatag ng kanyang church.
*****
Isinalin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article, “A Biblical Case for Expositional Preaching,” na isinulat ni Mike Bullmore noong February 25, 2010. Si Mike Bullmore ay naglingkod nang 25 years bilang senior pastor ng Crossway Community Church sa Bristol, Wisconsin at ngayon ay nagtuturo at nagte-train ng mga pastor sa iba’t ibang lugar.
