Editor’s note: Ito ang unang article sa series ni Bob Johnson:
- Part 1: Not Satisfied with Our Shepherding . . . Yet (2014)
- Part 2: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Making Progress (2016)
- Part 3: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Doing Much Better than Before (2018)
- Part 4: Not Satisfied with Our Shepherding Yet—but Finding a Good Rhythm (2023)
Sa nakalipas na apat na taon, niloob ng Diyos na mas lalong maging malusog at malakas ang church na ito sa pamamagitan ng mga paninindigan at desisyon na ginawa ni Bob na makikita natin sa mga articles na ito. Basahin mo ito upang ikaw ay tumibay—ngunit higit sa lahat, basahin mo ito upang ikaw ay matuto!
* * * * *
Noong isang araw ay bigla kong naisip, “Nasaan na kaya sina Juan at Maria (di nila tunay na pangalan)?” Ilang linggo ko na silang hindi nakikita sa church. Kinabukasan, may nagsabi sa akin na umalis sila ng church dahil sa isang bagay na sinabi sa isang klase. Wala man lang silang sinabi sa akin o sa mga kakilala ko. Basta na lamang sila umalis.
Nakakalungkot marinig ang ganitong balita. Sa loob ng dalawampung taon, inalagaan ko ang mag-asawang ito—minahal ko sila at pinaglingkuran. Ako ang nagkasal sa ilan sa kanilang pamilya, tumulong na maayos ang marriage ng isa sa kanilang anak, at palagi ko silang ipinapanalangin. Pagkatapos ay bigla na lang silang mawawala.
Ang totoo, hindi naman talaga ito nangyari nang biglaan. Maaaring ganoon ang aking naiisip, ngunit matagal na pala nilang kinikimkim yung masasakit na salita na binitawan sa kanila. Kalaunan ay naghanap sila ng ibang church. Pitong linggo matapos na mawala sila, doon lamang ako nakipag-ugnayan sa kanila. (Pitong linggo?! Nahihiya akong aminin iyon.) Totoo, dapat sinabi sa akin nila Juan at Maria ang kanilang problema. Ngunit bilang isang pastol, tungkulin kong malaman ang kalagayan ng aking kawan, at nalaman ko sana iyon nang mas maaga.
Kung gayon, ano ang gagawin ko ngayon? Dahil sa pangyayaring ito, mas lalo akong nagkaroon ng sense of urgency na gawin ang isang ideya na matagal ko nang pinag-iisipan patungkol sa mas mabuting pagpapastol sa aking kawan. Hindi ako kumbinsido na ang aming iglesya ay tunay na nagagawa ang hamon ni Pablo sa mga elders sa Ephesus: “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos…”
Anu-ano na ang mga Ginagawa Namin
Anu-ano ang mga ginagawa namin sa kasalukuyan?
Bawat buwan, ipinapanalangin ng mga elders ng church ang mga miyembro isa-isa, hanggang sa maipanalangin namin ang lahat ng mga miyembro. Kada linggo, ipinapanalangin namin ang mga miyembro na nakalista sa aking blog. Kada linggo rin ay hinihingi ng aming staff ang mga prayer requests ng congregation. Bawat linggo ay pinag-uusapan ng aming ataff ang kasalukuyang pangangailangan ng mga miyembro. At kada taon, nire-review ng mga elders ang listahan ng mga miyembro ng iglesya upang matiyak na ito ay updated.
Kung ikaw ay nakagawa ng mabigat na kasalanan, nakakaranas ng matinding kalungkutan, o na-diagnose ng malubhang karamdaman, aalagaan namin ang iyong kaluluwa. Kung gusto mo ng fellowship, spiritual conversations, prayer partners, at encouragement, may mga ministries kami para diyan. Kung nais mo namang matuto ng theology, worldviews, hermeneutics, homiletics, o kahit tungkol lamang sa Bibliya, may mga ministries din kami para sa mga ‘yan.
Ngunit paano naman yung mga miyembro na hindi namin masyadong kilala o hindi lumalapit sa amin upang humingi ng tulong? Kuntento na ba ang mga elders kung ang isang tao ay dumadalo lamang ng Sunday service paminsan-minsan, at yun na yun? Masasabi ba natin na tunay natin silang iniingatan at inaalagaan? Hindi ba’t higit pa roon ang kahulugan ng pangangasiwa sa kanilang buhay? At kung gayon nga, paano natin ito ganap na maisasagawa?
Ang Plano Naming Gawin
Matagal ko nang pinag-iisipan ang mga tanong na ito. Nabasa ko ang mahalagang libro ni Richard Baxter na The Reformed Pastor at napagtanto ko na ang gawain niya ng pagdalaw sa bawat pamilya kada taon ay kakaiba. Wala pa kasing mga public schools noon, wala ring marching band practice, cross-country, soccer, swim, at mga golf leagues, mga bakasyunan sa probinsya, mga bridal showers at birthday parties, na dapat isaalang-alang ni Baxter, hindi ba? Ang meron lamang siya ay isang simpleng bayan na may humigit-kumulang 800 pamilya.
Gayunman, hindi nagbabago ang mahalagang tungkulin ng mga elders na kilalanin ang kanilang kawan. Nananatili pa rin itong pangunahing prinsipyo ng pagpapastol.
Ano ngayon ang goal namin? Nais kong maranasan ng bawat isang miyembro ng Cornerstone Baptist Church ang pastoral care ng mga elders. Kaya ito ang aking pinaplano.
1. I-review Muli Kasama ng mga Elders ang Tunay na Kahulugan ng Iglesya at ang Tungkulin Namin na Pangalagaan ang Bawat Miyembro
Isang mahirap na bagay ang panatilihing nakatuon ang ating pansin sa pinakamahalagang bagay. Alam kong kailangan kong labanan ang tukso na maging masyadong naka-focus sa mga gawain kaysa sa mga tao. At kung lumalago ang church at natutugunan namin ang budget, madaling isipin na maayos ang lahat. Dapat pa ba nating ipag-alala kung may isa o dalawa na umalis sa church? Ngunit naalala ko na hindi kuntento si Jesus sa siyamnapu’t siyam nang mawala ang isa.
2. Magkaroon ng Malinaw na Layunin para sa Ministeryong Nangangalaga sa Bawat Miyembro ng Kawan
Ang church membership ay hindi lamang patungkol sa pag-recruit ng mga volunteers para maging magaan ang takbo ng mga ministries. Ang church membership ay isang commitment na tulungan ang isa’t isa na makarating sa langit. Ayokong makuntento ang iglesya sa magkaroon ng sapat na staff ang kids’ ministry at malinis na mga facilities. Sa halip, nagpapatuloy kami sa layuning iharap ang bawat miyembro nang ganap kay Cristo.
Nararanasan na ito ng ilang mga miyembro sa kani-kanilang mga small groups. Ngunit nais namin na iharap ang bawat miyembro nang ganap kay Cristo—hindi lamang yung mga nasa small group.
3. Gumawa ng Plano sa Pagpapastol na Nakabatay sa Relasyon, Hindi Lamang sa Pagtugon sa mga Problema
Habang ginagawa ito, may tatlong mahalagang bagay na dapat tandaan: (a) tiyakin na meron tayong tamang impormasyon. Imposibleng mapangalagaan ang kawan kung hindi mo alam kung saan sila naroon. (b) Italaga ang bawat miyembro sa isang elder na siyang mangangasiwa at mangangalaga sa kanya. (c) Hikayatin ang mga elders na bumuo ng plano ng pangangalaga para sa bawat miyembro.
Hindi dapat isipin ng mga elders na ang bawat miyembro ay naghihintay na may personal na mangangasiwa sa kanila o ninanais nila ito. Dapat bigyan ang bawat miyembro ng sapat na panahon para makapag-build sila ng relationship sa kanilang elder upang mas lumalim ang kanilang ugnayan sa paglipas ng panahon.
Magsisimula ang planong ito kapag nakipag-ugnayan ang isang elder sa kanyang miyembro para hingin ang kanyang mga prayer requests. Kalaunan, sisikapin ng mga elders na malaman ang kanilang mga concerns sa pamilya, sa buhay, o sa iglesya, at ipaalam sa kanila na may mga ministries na maaaring makatulong sa kanila. Sana ay matulungan din ng mga elders ang bawat miyembro na magkaroon ng mga spiritual goals sa loob ng isang taon, at pagkatapos ay i-follow up sila upang palakasin sila, payuhan sila, at ipanalangin sila.
Magtanong ng Mabubuting Tanong
Upang maabot ang mga layuning ito, kailangang matutuhan ng mga elders kung paano magtanong ng mabubuting tanong, tulad ng:
- Ano ang higit na nakakatulong sa iyong espirituwal na paglago?
- Paano mo gustong lumago bilang isang mananampalataya sa darating na taon? Meron ka bang mga spiritual goals na kung saan maaari kitang tulungan na maabot?
- Ano ang iyong pinakakinatatakutan? Saan ka nagi-struggle?
- Sa anong mga gawain ng iglesya kasalukuyang kang nakikibahagi? Paano nakakaapekto ang iglesya sa iyong pamumuhay bilang isang mananampalataya? Ano ang nakatulong sa ‘yo? Ano naman ang nakasama?
- Meron ka bang ine-evangelize ngayon? Kumusta ang iyong pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, at pagkakaloob sa church? Nais mo bang lumago sa alinman sa mga ito?
- Kumusta ang iyong pamilya? Ano ang nagpapasaya o nagbibigay sa iyo ng pag-aalala tungkol sa kanila?
- Ano ang maipapanalangin ng mga elders sa ‘yo?
Hindi naman kailangang ibahagi ng isang elder sa lahat ng elders ang bawat detalye ng mga sinabi sa kanya ng mga miyembro. Gayunman, yung mga mahahalagang detalye at yung mga urgent na bagay ay dapat ibahagi upang ang lahat ng elders ay makapagturo at makapanalangin sa kanila nang maayos.
Kinausap ko kahapon sina Juan at Maria. Nais kong malaman nila na nagmamalasakit ako sa kanila, nami-miss ko sila, at nais kong ayusin ang kanilang problema. Hindi ko alam kung babalik pa ba sila. Sana nga ay bumalik sila.
Samantala, nais kong malaman ng bawat miyembro na maaari nilang ibahagi ang kanilang mga problema at alalahanin sa mga taong nakakakilala sa kanila, nagmamahal sa kanila, ipinapanalangin sila, at gumagabay sa kanila.
Pagkalipas ng anim na buwan, magbibigay ako sa inyo ng update. Sa ngayon, ano ang palagay ninyo? Miyembro ba kayo ng isang church na nakagawa na nito at naging maayos ang resulta? Anu-anong mga ideya ang maaaari ninyong ibahagi?
* * * * *
Isinalin ni Mark Daniell S. Perico mula sa 9Marks article, “Not Satisfied with Our Shepherding . . . Yet,” na isinulat ni Bob Johnson noong October 22, 2014. Si Bob Johnson ay senior pastor ng Cornerstone Baptist Church sa Roseville, Michigan.
