March 24, 2026

Para sa Susunod na Salinlahi: Discipleship ng mga Kababaihan

By tcphbooks

Marami sa atin ang naghahangad ng tunay na Kristiyanong samahan. Pumupunta tayo sa church para makahanap ng kaibigan at community, pero madalas umaalis tayong may pagkadismaya.

Ang pagiging bahagi ng katawan ni Cristo ay nangangahulugang lumalago tayo sa mas malalim na fellowship kaysa sa nangyayari tuwing Sunday morning. At si Jesus mismo, sa kanyang mga salita at halimbawa, ang nagtuturo kung paano ito gawin. Sinabi ni Jesus, “Kaya’t humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Matt. 28:19–20).

Isang Dakilang Hanay ng mga Alagad

Nais ni Jesus na maging bahagi ka ng isang dakilang hanay ng kanyang mga alagad. Ipinag-uutos niya ito bilang paraan ng pamumuhay, upang ang kabuuan ng iyong buhay kay Cristo ay maipasa sa iba na siya namang magpapasa sa iba pa hanggang sa “katapusan ng panahon.”

Isipin mo ang iyong buhay pagkalipas ng tatlumpung taon. Ilang taon ka na noon? Ako, magiging 92. Ang dalawang lola ko ay nabuhay hanggang nineties na sila, at ngayong taon ipinagdiriwang ng nanay ko ang kanyang 90th birthday. Posible na may tatlumpung masasayang taon pa ako ng paglilingkod kay Cristo sa hinaharap! Ngunit ayokong ako ang nasa huli ng hanay. Nais kong mag-iwan ng hanay ng mga kababaihan na umiibig kay Cristo nang buong puso.

Hinahamon ng Psalm 78:1–7 ang isang henerasyon na ipaalam sa susunod na henerasyon ang “mga gawang lubhang kahanga-hanga, na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila” (MBB). Sa ganitong paraan, nadadala natin si Cristo sa mga susunod pang salinlahi—“upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi, ng mga batang di pa ipinapanganak, na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak, upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos, at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos, kundi ingatan ang kanyang mga utos” (AB).

Ito ay isang generational stewardship na ibinigay sa atin ng Diyos. Kapag tayo’y nagdi-disciple ng mga kababaihan, ang kanilang mga anak, mga apo, at mga apo sa tuhod ay tatanggap ng pagpapala mula sa ating pagsisikap. Mahalaga ang ating buhay—at mananatiling mahalaga sa mahabang panahon. Ang glacier ay tila walang gaanong nagagawa sa kasalukuyan, ngunit nag-iiwan ito ng Grand Canyon. Kaya’t maging handa tayong maging bahagi ng isang glacier. Nais nating mag-iwan ng mga henerasyon ng kababaihan na “inilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos.”

Paano Magsimula

Ang unang hakbang sa discipleship ay dapat ka munang maging isang disciple. Ang salitang “disciple” ay hindi lang pandiwa (verb), kundi pangngalan (noun) din. Una sa lahat, ikaw ay alagad ni Jesus. Ang discipleship ay mas tungkol sa “Dapat kang maging tulad ko” kaysa sa “Gawin mo ang iniuutos ko.” Kung sino ka ay magkakaroon ng malaking epekto.

Lubos akong nagpapasalamat sa dalawang babaeng nag-invest nang malaki sa akin. Marami sa mga itinuturo ko ngayon sa mga kababaihan ay natutunan ko mula sa kanila. Sa kanino mo nakikita ang buhay espirituwal at ang maningning na kagandahan ni Cristo na umaapaw sa iba’t ibang bahagi ng kanyang buhay? Sino ang nais mong tularan (1 Cor. 11:1; Fil. 3:17)? Imbitahan mo siya na mag-kape at sabihin ang nais ng iyong puso. Tingnan mo kung handa siya. Ang una kong tinanong ay nagsabi na hindi niya kaya. Okay lang iyon—patuloy mo lang na subukan. Ang discipleship ay nangangahulugang handa kang harapin ang mga relational risks.

Sino ka ba kay Cristo? Kung nais mong lumalim pa sa kanya, perfect ‘yan! Isama mo ang iba sa iyong paglalakbay. Kung pakiramdam mo ay mahina at nangangailangan ka, doon naman pinakamalakas ang kapangyarihan ng Diyos. Kahit sa iyong kahinaan, maaari mong tulungan ang ibang kababaihan na matutong magtiwala sa Diyos sa kanilang sariling kahinaan.

Kilala mo ba si Jesus? Mahal mo ba siya? Karapat-dapat ba siya para sa buong buhay mo? May taong kailangang makarinig niyan, maramdaman ‘yan, makita kung paano mo niyayakap ‘yan. May kailangang makakita sa iyo na isinasabuhay ang iyong convictions—hindi lang tuwing Sunday morning.

Ang discipleship ay hindi tungkol sa mga “professional Christians” na nagpapasa ng kanilang best practices sa mga “amateur Christians.” Ang pagiging disciple, at ang pag-aaral na mag-disciple ng iba, ay nangangahulugan ng pagtingin kay Jesus nang may intensity at kagalakan, hanggang sa magsimula ka nang ipakita o i-reflect ang kanyang kagandahan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Habang lumalago ka sa biyaya, si Jesus ay nagiging mas mahalaga, mas satisfying, at mas exciting kaysa sa anumang bagay. At habang siya’y iyong tinitingnan, ang iba ay magnanais na sumama sa iyo at magkasama kayong titingin kay Jesus. Ang pinakamahalagang paraan para mag-disciple ng iba ay ang iyo mismong pagkagalak o pag-enjoy kay Cristo sa paraang hindi mapigilan hanggang sa ang iyong kagalakan ay maging nakakahawa.

Pag-anyaya sa Iba sa Landas ng Buhay

Bawat tao ay naglalakad sa isang landas patungo sa isa sa dalawang destinasyon—buhay o kamatayan.

Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay, ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan. (Prov. 12:28)

May daang matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito. (Prov. 14:12; cf. 16:25)

Sa discipleship, inaanyayahan natin ang iba na lumakad kasama natin sa landas ng buhay. Dapat ba natin silang hamunin at palakasin sa lakbaying ito? Oo, pero bilang kapwa manlalakbay, hindi bilang isa na nakarating na sa finish line (Phil. 3:14–15). Dapat natin silang tulungan na kilalanin, hangaan, igalang, sundin, at i-enjoy si Jesus, na ang pamatok ay madaling dalhin at ang pasanin ay magaan (Matt. 11:30).

Mahalin mo ang mga dini-disciple mo gaya ng pagmamahal ni Jesus sa iyo (Rom. 15:7). Tandaan mo, hindi natin misyon na ipakita kung gaano sila kasamâ, kundi kung gaano kaganda si Jesus! Kaya’t maghawak-kamay habang sabay kayong lumalakad sa inyong parehong pangangailangan kay Jesus.

Ang discipleship ay hindi laging kailangang structured. May mga taong hindi ganoon ang paraan ng paglago. Pero makakatulong din na magtayo ng mga sistema ng intimacy at accountability. Narito ang ilang suggestions mula sa aking sariling discipleship groups.

  • Nagko-commit kami kung gaano kadalas kami magkikita, at kung gaano katagal. 
  • Nagpapalitan kami ng pagbabahagi ng aming sariling “biography bag” na punô ng mga simbolo ng aming buhay.
  • Naglalaan kami ng oras para sumamba sa Diyos nang sama-sama.
  • Nag-aaral kami ng iba’t ibang Bible passages.
  • Nagbabahagi kami ng prayer requests at ipinapanalangin ang isa’t isa, na may confidentiality.
  • Nag-aaral kami ng isang kanta o hymn at inaawit ito nang sabay.
  • Nagbabasa at nagdi-discuss kami ng isang libro.
  • Nagme-memorize kami ng mga Bible verses.
  • Naglilingkod kami nang sama-sama.
  • Sinisikap naming makilala ang pamilya ng isa’t isa.

Siyempre, nangangailangan ito ng oras. Ano ang magwo-work para sa iyo? Gawin mo ito sa paraang akma sa iyo.

Our Sacred Trust

Dapat nating linangin sa ating sphere of influence—sa ating mga tahanan, churches, neighborhood, at workplaces—ang mga spiritual daughters na siya namang magpapasa ng Katotohanan. Ang mga nakababatang kababaihan sa paligid natin ay isang sacred trust mula sa ating Amang nasa langit. Ang paggawa ng disciples ay hindi lang magandang ideya na naisip ng tao—ito ay isang utos mula sa Bibliya.

Sa magandang relasyon ng discipling, lahat ay panalo. Isipin mo kung ano ang ating nakukuha—isang bagong kaibigan, isang prayer warrior, isang sariwang pananaw sa buhay, mas malalim na pag-unawa sa ibang henerasyon. Sa ating pagbibigay, tayo rin ay napupuno, pinagpapala, pinalalakas, minamahal. Hindi ba’t napakabuti ng Diyos na gantimpalaan ang pagsunod ng ganitong mga kagalakan?


Mula sa 9Marks article ni Jani Ortlund na “A Sacred Trust: Reflections on Discipling Women.” Si Jani Ortlund ay isang member ng Immanuel Church sa Nashville, Tennessee, na pinagpapastoran ng kanyang asawang si Ray. Siya rin ang vice president ng Renewal Ministries. Salin ni Marie Manahan.

Share this Post

RELATED ARTICLES