March 12, 2026

Paano Gabayan ang mga Gustong Makapag-asawa (Part 2)

By tcphbooks

*Narito ang Part 1 ng article.

6. “Posible na ang kalagayan mong iyan ay para sa Gospel.”

Ang linyang ito ay kumplikado dahil meron lang kaunting kaibahan sa pagitan ng pagsasabi sa mga singles na magpagamit sila nang lubos para sa mabuting balita at paglalahad na ine-expect natin ito sa kanila. Ang una ay encouraging; ang huli ay hindi. Ang una ay parang hangin sa layag ng bangka; ang huli ay parang dagdag na pabigat sa bangka.

Pinagdiriwang ng mundo ang buhay single dahil sa lahat ng pwede mong gawin para sa sarili mo. Pero pinupuri ng Bibliya ang buhay single dahil sa lahat ng pwede mong magawa para sa ibang tao. Saan pinaka nagliliwanag ang kagandahan ng singleness? Hindi sa pamamasyal sa iba’t ibang lugar o sa matagal na panunuod ng Netflix o paggising sa katanghalian ng Sabado, kahit pa ang mga bagay na ito ay hindi masama. Ang singleness ay pinaka nagliliwanag sa kakayahang maglingkod sa iba, sa pagtugon sa pangangailangan ng sitwasyon, sa pagsasantabi muna ng kanyang ginagawa, at—gaya ng nagawa ng kaibigan kong single—mag-asikaso ng biyahe at libing para tulungan ang isang pamilyang namatayan ng kanilang anak.

Kaya naman, himukin mo ang mga singles sa inyong church na yakapin ang kalayaan at flexibility nila bilang strategic na kalagayan. May epekto ito hindi lang sa kanilang ministry (hal., 1 Cor. 7:32–34), kundi pati rin sa kanilang pakikipagkaibigan. Tulad ng obserbasyon ni Allbery:

Para sa mga nanatiling single, maaaring hindi natin maranasan ang kakaibang lalim ng relasyon sa isang tao na meron ang isang kaibigang may-asawa. Ngunit maaari naman nating ma-enjoy ang lawak ng relasyon sa ilang mga malalapit na kabigan, dahil sa mas maraming pagkakataon at kakayahang maibibigay natin sa pagkakaibigan—na kadalasan ay hindi nagagawa ng mga may asawa.

7. “Ang Diyos ay kasama mo at kumikilos para sa iyo ngayon.”

Isa sa pinakamabuting paraan ng pagmamahal sa isang taong naghahangad na mag-asawa ay ang matulungan silang makita na ang Diyos ay laging sovereign at marunong at mabuti sa kanyang mga anak—at hindi siya titigil na maging mabuti sa kanila. Alam niya kung ano ang mabuti para sa kanila (marunong), gusto niya ang mabuti para sa kanila (mabuti), at ibibigay niya ang mabuti para sa kanila (sovereign). Maganda ang paliwanag dito ni Charles Spurgeon: “Alalahanin ninyo ito: Kung merong ibang kondisyon na mas makabubuti para sa ‘yo kaysa sa kalagayan mo ngayon, doon ka sana nilagay ng Diyos. “ 

Hindi ito basta-basta o walang kwentang kasabihan. Ito ay matibay na katotohanan na tinatayuan ng isang Kristiyano.

Mahirap na pagandahin pa yung sinabi ni Paige Brown sa essay n’ya na, “Singled Out for Good”:

Ang pagtanggap sa singleness, panandalian man o panghabambuhay, ay hindi nakasalalay sa mga haka-hakang sagot na hindi ibinigay sa atin ng Diyos sa listahan natin ng mga ‘bakit’. Kundi, nakasalalay ito sa pagdiriwang ng buhay na ibinigay niya. Hindi ako single dahil mahina ako spiritually para maging karapat-dapat sa isang asawa; o dahil masyado akong mature spiritually para kailanganin ko pa ng asawa. Single ako dahil ang Diyos ay sobrang buti sa akin, dahil ito ang pinakamainam para sa akin. Napakaimposible na may ibang kondisyon na mas mabuti para sa akin kaysa sa maging single. Pinatotohanan ng mang-aawit (Awit 23) na hindi ako dapat nagkukulang, at hindi ako magkukulang, dahil walang mabuting bagay ang ipagkakait sa akin ng Diyos. 

8. “Bahagi ka na ng pinakadakilang pamilya.” 

Sa modernong Western culture, pinagsasama nila ang konsepto ng sex at intimacy, pero hindi ganoon sa Bibliya. Ang pamilya ng Diyos, na nakatipon sa mga bantayan ng kaharian na tinatawag na local churches, ay itinakda niya na maging mga komunidad na may pinakamalapit na samahan sa buong mundo. 

Para sa lalaki o babaeng nakay Cristo, walang anuman sa tunay nilang pagkatao ang single. Sila ay isang anak sa tahanan ng Ama (1 Tim. 3:15), isang miyembro ng katawan ng Anak (1 Cor. 12:12–27), at isang bato sa templo ng Espiritu (Eph. 2:21–22).

At hindi tulad ng kanilang marital status, ang mga katayuang ito ay mananatili magpakailanman. 

Sa libro ni Andreas Köstenberger na God, Marriage, and Family, nagbigay siya ng kawili-wiling obserbasyon na inihayag ng Bibliya sa paraang pabor sa singleness: 

  • Singleness sa paglikha: wala
  • Singleness sa Lumang Tipan: hindi karaniwan at hindi kanais-nais
  • Singleness sa Bagong Tipan: kagamit-gamit para sa ministry ng kaharian ng Diyos
  • Singleness sa huling yugto: pangkalahatan

Oo, tinawag ka para pamunuan ang inyong church na igalang ang pag-aasawa (Heb. 13:4). Pero mag-ingat ka na hindi maisakripisyo ang usapin ng singleness—isang bagay na ipinagkatiwala ngayon sa iilan, pero maglalarawan sa ating lahat sa hinaharap na magpakailanman. 

9. “Si Cristo ay sapat. Talaga.”

Ang local church ay essential sa buhay Kristiyano, at ang pinakarason ay ang kasapatan ng batong-pundasyon at ulo na si Jesu-Cristo. 

Minsan narinig ko sa kaibigan kong si Bethany Jenkins na kung si Jesus ay hindi sapat sa kanya ngayong single siya, hindi rin magiging sapat si Jesus sa kanya kapag kasal na siya. 

Kaysarap marinig no’n, ‘di ba?

Pastor, paalalahanan mo ang mga singles sa inyong church na meron na silang pribilehiyo sa pinakamalalim at pinakamakabuluhang ugnayan ng pag-ibig na meron sa mundo. Kung makapag-asawa man sila, mabuti yun, pero magdaragdag lang ito ng katiting na kumpirmasyon at pag-ibig sa napakalaking pag-ibig na nasa kanila na.

Muli, ang pagiging kontento sa singleness ay hindi nangangahulugang wala na ang paghahangad na makapag-asawa. Sa katunayan, ang pinakamagandang bagay ay kapag kinikilala ng mga single Christians ang paghahangad nila para sa asawa—pero ipinapahayag din nila ang kasapatan ni Cristo sa gitna ng laban para sa contentment. May kategorya ang mundo para sa isang single na umaaktong hindi malaking usapin para sa kanila ang pag-aasawa. Pero wala itong kategorya para sa isang single na naghahangad na makapag-asawa habang naghahayag na, “Ang kagandahang-loob niya ay sapat para sa akin” (2 Cor. 12:9)—hindi ito maiintindihan ni maipapaliwanag ng mundo.

Ipinalagay ni Allberry ang ganito: “Ang sikreto sa pagiging kontento bilang single ay hindi ang pagiging kontento sa singleness; kundi pagiging kontento kay Cristo, bilang isang single.”

Gabayan ang Kanilang Tingin

Ang godly singleness ay hindi mas mababang pagkatawag. Ito ay mahalagang bagay na ipinagkatiwala sa marami sa ating mga kapatid—sa ilan ay pansamantala, sa iba ay panghabambuhay. 

Sa iyong paggabay sa mga naghahangad ng asawa, huwag mong kakaligtaan na makinig, magbigay aliw, at magsalita ng katotohanan sa pag-ibig. At ang pinakamabuting paraan para mahalin sila ay ang ituon mo ang kanilang paningin hindi sa sitwasyon nila, kundi sa pinakadakilang single na nabuhay sa mundo—si Cristo.


*Mula sa huling bahagi ng original article na 9 Ways to Pastor Those Longing for Marriage na isinulat ni Matt Smethurst. Si Matt Smethurst ay Lead Pastor ng River City Baptist Church sa Richmond, Virginia at author ng Tim Keller on the Christian Life at Deacons. Salin ni Jheddilyn Rucio.

Share this Post

RELATED ARTICLES