*Salin mula sa 9Marks article na Re-Imagining Success in Ministry ni Mark Dever. Si Mark Dever ay senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington, D.C., at ang President Emeritus ng 9Marks.
******
Sa kanyang aklat na God in the Wasteland (1994), iniulat ni David Wells, isang author at theologian, na “ang mga seminary students ay hindi nasisiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng church. Naniniwala silang nawala na ang vision nito, at higit pa ang inaasahan nila mula rito kaysa sa ibinibigay nito sa kanila.” Ngunit hindi sapat na tayo’y madismaya lang. Gaya ng sinabi ni Wells, higit pa rito ang kailangan natin. Kailangan nating muling mapanumbalik kung ano ba talaga ang kahulugan ng church. Ano ba ang church sa kanyang nature at essence? Ano ang dapat mag-distinguish at magmarka sa church?
Ang Kasaysayan ng Kalusugan ng Iglesya
Matagal nang pinag-uusapan ng mga Kristiyano ang tungkol sa mga “marka ng iglesya.” Ngunit hindi naging sentro ng malawakang theological debate ang topic na ito hanggang sa panahon ng Reformation. Bago ang sixteenth century, hindi masyadong pinag-uusapan ang church dahil itinuturing itong isang bagay na hindi na dapat pagtalunan pa. Kinikilala ito bilang isang daluyan ng biyaya ng Diyos, isang katotohanan na siyang pundasyon ng iba pang bahagi ng theology. Ngunit nang dumating ang matinding pagpuna nina Martin Luther at ng iba pa noong sixteenth century, hindi na maiwasan ang talakayan patungkol sa likas na katangian ng iglesya. Gaya ng sinabi ng isang scholar, “Ginawang pamantayan ng Reformation ang ebanghelyo—hindi ang ecclesiastical organization—bilang batayan ng tunay na iglesya” (Edmund Clowney, The Church, 1995], 101).
Noong 1530, isinulat ni Melanchthon ang Augsburg Confession kung saan nakasaad sa Article VII: “Ang iglesya ay ang kapulungan ng mga banal kung saan ang ebanghelyo ay itinuturo nang tama at ang mga sakramento ay ipinagkakaloob nang wasto. At upang tunay na magkaisa ang iglesya, sapat na ang pagkakaisa ng paniniwala hinggil sa katuruan ng ebanghelyo at sa wastong pamamahala ng mga sakramento.”
Noong 1553, isinulat ni Thomas Cranmer ang Forty-two Articles ng church of England, kung saan sinabi niya: “Ang nakikitang Iglesya ni Cristo ay kapulungan ng mga tapat na tao kung saan ang dalisay na salita ng Diyos ay ipinangangaral at ang mga sakramento ay maayos na ipinagkakaloob.” Isinulat naman ni John Calvin sa kanyang Institutes na: “Saan man natin makita na ang Salita ng Diyos ay ipinangangaral at taimtim na pinakikinggan, at ang mga sakramento ay ipinagkakaloob ayon sa tagubilin ni Cristo ay walang alinlangang naroon ang iglesya ng Diyos.”
Sinabi sa Belgic Confession (1561), Article 29: “Ang mga tanda kung saan nakikilala ang tunay na iglesya ay ang mga ito: Kung ang dalisay na doktrina ng ebanghelyo ay ipinangangaral dito; kung pinananatili niya ang dalisay na pamamahala ng mga sakramento ayon sa tagubilin ni Cristo; kung isinasagawa ang church discipline sa pagpaparusa ng kasalanan; sa madaling salita, kung lahat ng bagay ay ginagawa ayon sa dalisay na Salita ng Diyos, lahat ng bagay na laban dito ay nire-reject, at si Jesu-Cristo ay kinikilala bilang tanging Ulo ng Iglesya.”
Paglikha at Pagpapanatili sa Iglesya
Makikita natin sa dalawang markang ito—ang pangangaral ng ebanghelyo at ang tamang pagsasagawa ng mga sakramento—ang parehong paglikha at pagpapanatili sa iglesya. Ang church ay bukal ng katotohanan ng Diyos at sisidlan upang dalhin at ipamalas ito. Nalikha ang church sa pamamagitan ng tamang pangangaral ng Salita; napapanatili at nadi-distinguish ang church sa pamamagitan ng tamang pamamahala ng baptism at ng Lord’s Supper (ipinapalagay sa tandang ito na ang church discipline ay isinasagawa). Talaga namang walang perpektong church. Ngunit salamat sa Diyos, maraming di-perpektong church ang nananatiling malusog. Gayunman, nakakatakot isipin na mas marami pa ang hindi—kahit ang mga churches na naniniwala sa ganap na pagka-Diyos ni Cristo at sa lubos na awtoridad ng Bibliya.
Kaya naman, ang siyam na tanda (nine marks) ay nagsisilbing isang plano upang muling mapanumbalik ang biblical preaching at church leadership sa panahon kung kailan napakaraming kongregasyon ang nanlalamig sa isang Christianity na nakabase lamang sa panlabas na anyo at pangalan, na humahantong sa pagtuon sa mga bagay na praktikal at hindi ganoon kahalaga. Ang layunin ng napakaraming churches ngayon ay hindi na ang luwalhatiin ang Diyos, kundi ang paramihin ang bilang ng mga dumadalo—na para bang anumang paraan ng paglago ay automatic na nakapagbibigay ng kaluwalhatian sa kanya.
Sa isang lipunang mabilis at malawakang nire-reject ang Christianity, kung saan ang evangelism ay madalas itinuturing na likas na hindi mapagparaya, at sa ibang mga bansa ay ikinokonsidera itong hate crime, malinaw na nagbago na ang ating mundo. Ang kulturang sinusubukan nating pakibagayan upang maging “relevant” ay lubos na naka-incline sa pagtutol sa ebanghelyo, kaya’t ang pakikisama rito ay maaaring mauwi sa pagkompromiso ng ebanghelyo. Sa ganitong panahon, kailangan nating muling pakinggan ang Bibliya at muling unawain kung ano nga ba ang matagumpay na ministeryo—hindi bilang isang ministeryong laging may agaran at nakikitang resulta, kundi bilang isang ministeryong napatunayang tapat sa Salita ng Diyos.
Kailangan Natin ng Bagong Modelo
Kailangan natin ng bagong modelo para sa church. Sa katunayan, ang modelong kailangan natin ay yung luma na. Kailangan natin ng mga churches kung saan ang pangunahing sukatan ng tagumpay ay hindi ang nakikitang resulta kundi ang patuloy na katapatan sa Salita ng Diyos. Ang bagong (lumang) modelong ito ng iglesya ay nakatuon sa dalawang pangunahing pangangailangan: ang pangangaral ng mensahe at ang pangunguna sa mga disciples.
Ang unang limang tanda ng isang healthy church—expositional preaching, biblical theology, biblical understanding of the gospel, biblical understanding of conversion, at biblical understanding of evangelism—ay pawang nakatuon sa isang mahalagang bagay: ang maipangaral nang tama ang Salita ng Diyos. Ang huling apat na tanda—church membership, church discipline, concern for discipleship and growth, at church leadership—ay nakatuon naman sa usapin kung paano maayos na pangalagaan ang hangganan at mga tanda ng pagiging tunay na Kristiyano—yun ay, kung paano pangunahan ang mga alagad.
Ang pinakadulo at layunin ng lahat ng ito ay ang kaluwalhatian ng Diyos habang ipinapakilala natin siya sa iba. Sa buong kasaysayan, ninanais ng Diyos na ipakilala ang kanyang sarili (hal., Exod. 7:5; Deut. 4:34–35; Ps. 22:21–22; Isa. 49:22–23; Ezek. 20:34–38; John 17:26). Nilikha niya ang mundo at ginawa niya ang lahat ng kanyang ginawa para sa kanyang sariling papuri. At tama at mabuti lang na gawin niya iyon. Gaya ng sinabi ni Mark Ross:
Tayo ay isa sa mga pangunahing patotoo ng Diyos. Ang pinakaninanais ni Pablo (sa Eph. 4:1–16) para sa iglesya ay ito: na ipamalas at itanghal ng iglesya ang kaluwalhatian ng Diyos, upang maipagtanggol ang kanyang karakter laban sa lahat ng paninirang-puri ng mga kapangyarihan ng kadiliman—ang kasinungalingang hindi karapat-dapat mamuhay para sa Diyos. . . . Ipinagkatiwala ng Diyos sa kanyang iglesya ang kaluwalhatian ng kanyang sariling pangalan.
Ang lahat ng nakakabasa ng mga salitang ito—yung mga church leaders o hindi—ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Tayo ay dapat maging mga buháy na larawan ng moral na kalikasan at matuwid na karakter ng Diyos, na ipinapamalas ito sa buong mundo upang makita ng lahat—lalo na sa ating pakikipag-isa sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kaya ito ang panawagan ng Diyos sa atin, at ito ang dahilan kung bakit niya tayo tinawag. Tinatawag niya tayo upang makiisa sa kanya, at magtipon sa ating mga kongregasyon—hindi para sa ating sariling kaluwalhatian, kundi para sa kanyang kaluwalhatian.
*****

Editor’s note: Ang article na ito ay mula sa mga edited excerpts ng introduction ng Siyam na Marka ng Healthy Church (Baliwag City, Philippines: Treasuring Christ PH, 2025).
