Ilang taon na ang nakalipas, naupo ako (Mike) para magkape kasama ang matagal ko nang kaibigan mula college at makinig sa kanyang paliwanag kung paano nagbago ang kanyang pananaw sa ministry mula noong kami’y mga estudyante pa lamang. Leader na siya ngayon sa mga college ministries sa ilang university campuses, at ipinaliwanag niya nga sa akin kung bakit napagpasyahan nilang hindi na maging ganoon ka-“cross-centered” (yun mismo ang sinabi niya) tulad ng dati naming paninindigan labinlimang taon na ang nakalipas: “Alam mo, Mike, minabuti na naming huwag maging masyadong doktrinal. Totoo, mahalaga ang krus. Pero ayaw na naming manatili sa mga debateng mula pa sa sixteenth century patungkol sa atonement. Kung tutuusin, gumamit naman si Jesus ng iba’t ibang larawan para ipaliwanag ang kaligtasan, gaya ng buto ng mustasa na lumalaki. Gusto naming mas mapalaganap pa ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng magandang balita sa mahihirap at ng kalayaan sa mga bihag. Marami pang ibang dapat gawin, kaya ayaw naming masyadong mag-focus sa theology.”
Teka lang, tingnan muna natin kung sasang-ayon nga ba si apostol Pablo sa mga priorities ng kaibigan ko (lalo na’t sinabi niya sa mga taga-Corinto na wala siyang ibang ipapaalam sa kanila maliban sa kaharian ng Diyos na lumalaganap gaya ng buto ng mustasa. . . ay, mali pala [1 Cor. 2:2]), pero paano naman ang mas malawak niyang punto? Hindi rin naman ito mali.
Halimbawa, sabihin nating ikaw ay nasa isang barko na naglalayag patungo sa isang malayong bayan upang balaan ang mga tao roon tungkol sa isang paparating na sakuna. Kung hindi ka makakarating sa oras, mamamatay silang lahat. Kaya naman sisikapin mong mapabilis ang iyong paglalakbay. Itatapon mo na ang mga sobrang kargamento ng barko na maaaring makapagpabagal sa paglalakbay. Hindi mo na iintindihin kung malinis ba ang sahig o makintab ang mga bakal. Dahil mabigat ang iyong misyon, kailangan mong kumilos nang mabilis at hindi patumpik-tumpik.
Ang mga taong katulad ng kaibigan ko ay nagsasabing dahil napaka-urgent ng misyon ng mga Kristiyano, kailangan daw nating bawasan ang pagiging teknikal sa theology at maingat sa doctrine. Ang mga ito ay pawang mga kargamento lamang na nagpapabigat sa atin—nagdudulot ng pagtatalo at alitan sa pagitan ng mga taong dapat sana’y nagtutulungan. Kung may mga taong nagdurusa, ang mga mahihirap ay inaapi, at ang mga bihag ay nakagapos, anong saysay kung magsusulat pa tayo ng mga libro, magsasagawa ng mga conferences, at makikipagtalo patungkol sa kahulugan ng ilang mga salita?
May punto naman ito. Mas makakabuti para sa iglesya kung mas gugugulin ng mga Kristiyano ang kanilang oras sa pakikipag-usap sa kanilang kapitbahay patungkol kay Jesus kaysa makipagtalo sa Internet tungkol sa infralapsarianism. Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat nang isantabi ng mga iglesyang gustong abutin ang mga mahihirap at nangangailangan ang kanilang paninindigan at paniniwala tungkol sa theology.
Ang doktrina ay hindi lamang kargamento sa barko—ito mismo ang katawan at layag nito.
Ang doktrina ng isang iglesya ang siyang nagsasabi kung anong klaseng patotoo ang meron ito. Ang theology nito ang nagtatakda ng mga layunin nito at kung paano nito isinasakatuparan ang mga layuning ito.
Kaya ang tanong sa atin ay ito: kailangan ba talagang ituro ng mga churches ang doktrina sa disciple-making? Maisasakatuparan ba natin ang mga layuning iyon sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng pag-ibig ni Cristo at sa pagtataguyod ng pagbabago sa ating komunidad sa pamamagitan ng ating paglilingkod? Sa tingin ko ay hindi.
Sa halip, malinaw na ipinapakita sa Bagong Tipan na ang theology ay mahalaga sa lahat ng aspeto ng buhay ng iglesya. Tingnan natin ang dalawa sa mga ito: ang kaligtasan at ang pagpapabanal.
Ang Kahalagahan ng Doktrina sa Kaligtasan
Minsan, pangutya na sinasabi ng mga taong kumokontra sa kahalagahan ng doktrina na hindi naman daw titingnan ng Diyos ang utak ng tao sa huling araw para makita kung tama nga ba ang doktrinang nilalaman nito. Totoo naman. Pero maaari niya silang tanungin nang ganito, “Nagtitiwala ka ba sa akin? Sa tunay at totoong ako, at hindi sa gawa-gawa lamang ng isip mo kung sino ako?” Sa madaling salita, mahalaga sa Diyos kung nagtitiwala tayo sa tiyak na mga katotohanan, dahil para sa Diyos, ang katotohanan ng doktrina ay personal na katotohanan.
Upang maranasan ng isang tao ang kaligtasang nagmumula kay Cristo, kailangan niyang maniwala at magtiwala sa mga tunay na katotohanan patungkol sa tunay na Diyos. Kung ang isang tao ay hindi lumapit sa Diyos nang buong puso at nagtiwala sa kanya, hindi siya maliligtas (Roma 10:13–17). Mahalaga ang doktrina sa kaligtasan!
Ito ang dahilan kung bakit hindi ikinahiya ng mga apostol na ipangaral ang doktrina habang gumagawa sila ng mga alagad. Tingnan mo ang mga doctrinal topics na itinuro nila sa mga di-mananampalataya sa aklat ng Mga Gawa:
- Ang Espiritu Santo (2:14–21)
- Ang makapangpayarihang probidensiya ng Diyos (2:23; 17:26)
- Ang muling pagkabuhay ni Cristo (2:24–32; 3:15)
- Ang pagkapako ni Cristo (8:32–35; 13:28–29)
- Kung paanong ang Lumang Tipan ay nagtuturo kay Jesus (3:22–24; 7:2–53; 28:23)
- Ang realidad ng paparating na paghuhukom (10:42; 17:31; 24:25)
- Ang pagiging tanging Tagapagligtas ni Cristo (4:12; 19:26)
- Ang Diyos bilang Manlilikha (14:15–17; 17:24)
- Ang kasapatan ng Diyos sa kanyang sarili (17:24–25)
- Ang kaharian ng Diyos (19:8; 28:23)
Alam ng mga apostol na para makapagsisi at sumampalataya kay Cristo ang mga di-mananampalataya, kailangan nilang maunawaan ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kanyang pagliligtas sa pamamagitan ni Cristo.
Sa katunayan, nang magpakita ang Panginoong Jesus kay Pablo na noo’y pinanghihinaan ng loob, sinabi niya sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma” (Acts 23:11). Sa pangungusap na ito, inilarawan ni Jesus ang buong evangelistic ministry ni Pablo—sa mga Judio man o sa mga Hentil—bilang pagpapatotoo tungkol sa kanya. Iyan nga ang ginawa ni Pablo: nagtungo siya sa iba’t ibang bayan upang ipahayag ang katotohanan kung sino si Jesus at kung ano ang ginawa niya.
Mahirap itugma ang larawang ito ng gawain ng pangangaral ng iglesya sa ideya na ang patotoo ng iglesya ay dapat pangunahing makita sa pamamagitan ng pag-ibig at awa sa mga mahihirap. Ang totoo, maaaring panoorin ng mundo ang mga Kristiyano na magbigay ng pagkain o maglinis ng komunidad sa loob ng sanlibong taon, ngunit hindi nila malalaman na si Jesus ay namatay para sa kanilang mga kasalanan at muling nabuhay. Dapat tayong magsalita at ipahayag ang nilalaman ng ebanghelyo sa mundo—kung hindi, walang maliligtas.
Ang Kahalagahan ng Doktrina sa Pagpapabanal
Maaaring isipin ng iba na sapat na ang basic doctrine para ang isang tao ay maging Kristiyano, ngunit hindi na halos kailangan ng “doktrina” para lumago bilang Kristiyano. Sa halip, iniisip nila na ang mahalaga ay ituon natin ang ating sarili sa pamumuhay katulad ni Jesus sa ating komunidad.
Ngunit makikita natin na hindi ito ang pananaw ng mga sumulat ng Kasulatan. Paulit-ulit na ipinapakita ng Bibliya na ang tamang pamumuhay, ugali, at asal ng mga anak ng Diyos ay nakaugat sa pagkakaroon ng tamang doktrina.
Tingnan mo ang mga halimbawang ito:
- Ang Sampung Utos. Ito ang pinakapangunahing halimbawa—ang pinakamahalagang listahan kung paano dapat mamuhay. Pero ano muna ang makikita natin bago ang listahan ng mga utos na ito patungkol sa maka-Diyos na pamumuhay? Isang theological statement: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.” (Exo. 20:2). Bakit hindi dapat magkaroon ng ibang diyos ang mga Israelita? Dahil si Yahweh ang nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin.
- Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Ito ang utos na talagang nagpapakita ng pagbabagong ginawa ng gospel sa ating mga buhay! Ngunit pansinin mo na iniuugnay ni Jesus ang ganitong klaseng pagmamahal sa theology: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid” (Mat. 5:44–45). Bakit natin dapat ibigin ang ating mga kaaway? Dahil ang Diyos, na siyang ating Ama, ay Diyos na umiibig kahit sa kanyang mga kaaway!
- Magpakabanal. Ang mga Kristiyano ay dapat maging banal. Bakit? Muli, dinadala tayo ng isang apostol sa doktrina: “Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo’y wala pang tunay na pagkaunawa. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa” (1 Pet. 1:14–15). Hindi na tayo nakikiayon sa masasamang pagnanasa na dating naghari sa atin dahil sa kabanalan ng Diyos.
- Ang mga sulat ni Pablo. Panghuli, makikita natin sa mga sulat ni Pablo na ang mga utos ay nakaugat sa katotohanan. Nais ni Pablo na ang mga readers ng kanyang mga sulat ay ialay nila ang kanilang sarili bilang isang handog na buháy (Rom. 12:1), isuot ang bagong pagkatao (Eph. 4:24), at mamuhay na may pakikipag-isa kay Cristo Jesus (Col. 2:6). Ngunit ibinigay lamang niya ang mga utos na ito pagkatapos ng mahabang pagtuturo ng doktrina. Tinuturuan muna ni Pablo ang mga iglesya tungkol sa mga bagay gaya ng justification at glorification, typology at federal headship (Rom. 5:12–17; 8:30), election at predestination (Eph. 1:4–6), depravity of man (Eph. 2:1–3), at christology (Col. 1:15–20).
Ang pagsunod ng isang Kristiyano, kasama na ang mga sakripisyo na kanyang ginawa sa pag-abot sa mahihirap, ay dapat nakaugat at nakatuon sa kung sino ang Diyos at kung ano ang kanyang ginawa. Tanggalin mo ang angkla at maaaring manatili ang barko sa isang lugar sa loob ng maikling panahon, ngunit hindi magtatagal at tatangayin ito ng hangin at alon palayo. Gayundin naman, hindi matatagal ang ganitong uri ng sacrificial service.
Habang mas lumalalim ang pagkakilala natin sa Diyos, mas nahihikayat tayong sumunod sa kanya. Ilang tao na ang nananalangin sa loob ng church o mission hall ngunit hindi nababago dahil hindi sila naturuan ng tunay at malalim na doktrina ng ating pananampalataya? Ilang Kristiyano na ang nananatili sa pagiging makasarili, tamad, at namumuhay sa kasalanan dahil hindi sila nauudyukang pagbulay-bulayan ang kadakilaan ng Diyos at kung ano ang implikasyon nito sa kanilang buhay?
Pero Teka Lang…
May mga nagsasabi na dahil sa kakulangan ng maayos na edukasyon sa mahihirap na komunidad ay mahirap daw turuan ang mga tao roon ng doktrina. Kung ang mga tao roon ay hindi sanay mag-aral, o kung marami ang hindi marunong magbasa at magsulat, hindi raw sila kayang turuan ng malalalim na theological concepts. Kapag sinubukan mo, hindi lang nila ito maiintindihan at mawawala ang kanilang interes.
Sa totoo lang, ang ganitong pananaw ay tila mapagmataas at nangmamaliit sa iba. Totoo, mahirap nga sila, pero hindi sila mangmang. Kaya rin nilang maunawaan ang kalikasan at mga gawa ng Diyos gaya ng ibang tao. Hindi naman mga professors sa seminary ang sinulatan ni Pablo. Karamihan sa kanyang mga mambabasa ay hindi mayaman, walang pribilehiyo, at hindi mataas ang pinag-aralan. At ang mga Israelita na lumaya mula sa Egipto ay hindi rin naman malalim ang kaalaman sa theology, pero hindi nag-atubili ang Diyos na ipahayag sa kanila ang malalalim na katotohanan tungkol sa kanya.
Kayang maunawaan ng mga mahihirap ang malalalim na katotohanan. Nasaksihan ko ito mismo sa pinaglilingkuran kong church sa U.S., at ito rin ang nakita ko sa ministry ni Mez sa Edinburgh.
Tingnan natin si Gordon. Nasa early forties na siya. Hindi siya nakapagtapos ng high school at sa buong buhay niya, bago siya maligtas, ay hindi pa siya nakakabasa ng kahit isang libro. Wala siyang anumang karanasan sa church o sa Christianity. Marunong siyang magbasa, pero hanggang diyaryo lang ang kaya niyang basahin. Nang unang beses na dumalo si Gordon sa church ni Mez, sinabi niya na hindi niya maunawaan ang mga itinuturo. Hayaan nating siya mismo ang magpaliwanag sa kanyang mga salita:
Bago ako maligtas, hindi ko talaga maintindihan ang sinasabi ng Bibliya. Ngunit ngayon, parang tinatawag na nito ang pangalan ko at hinihila ako papunta rito. Sa tingin ko, pagkilos iyon ng Banal na Espiritu. Napapaisip na ako ngayon tungkol sa malalalim na tanong tungkol sa buhay—bagay na hindi ko naman iniisip noon. Gusto ko na lang magbasa nang magbasa. Kahit na nalilito ako sa mga mabibigat na salitang theological, determinado akong matutuhan ang mga iyon. Gusto kong mas mahalin ang Diyos. Gusto kong mas makilala pa siya. At malaking tulong para sa akin ang pagkakaroon ng mabubuting tao sa aking paligid na nagpapaliwanag sa akin ng lahat ng bagay nang hindi ako minamaliit. Noong nag-aaral pa ako, kapag mahirap ang isang bagay, sumusuko na lang ako. Ngunit ngayon, kahit sumasakit na ang ulo ko sa pag-aaral ng mga bagay na ito, natutuhan kong magtiyaga at maging mapagpasensiya sa sarili ko.
Bago siya sumampalataya kay Cristo, hindi nagtatagal si Gordon sa isang full-time na trabaho. Nalulong siya sa matitinding droga at naging magulo ang kanyang buhay. Sabi niya, hindi raw niya kayang manatiling nakaupo nang higit sa dalawang minuto. Pero ngayon, nakakaupo at nakakapakinig na siya ng sermon sa loob ng apatnapung minuto nang walang abala, at gustung-gusto niyang pag-aralan ang Bibliya sa bawat pagkakataon.
Hindi natin dapat maliitin yung mga tao dahil lamang sa hindi sila nakapag-aral o hindi sila mahilig magbasa. Totoo, kailangan nating i-adjust ang paraan ng pagtuturo natin kung ang tinuturuan natin ay hindi marunong magbasa o may problema sa pag-iisip. Pero ‘yan naman talaga ang ginagawa ng lahat ng mabubuting guro: inaangkop nila ang kanilang pagtuturo base sa kakayahan ng kanilang mga tagapakinig. Sa aming karanasan, wala pa kaming natatagpuang doctrinal topic na talagang sobrang hirap unawain ng mga taong mahihirap. Kung malinaw at maayos nating itinuturo ang doktrina, at umaasa tayo sa Espiritu Santo, nanaisin ng mga anak ng Diyos na matutuhan ang mga ito at lumago sa pamamagitan nito.
Conclusion
Nakakahadlang ba ang commitment natin sa pagtuturo at paniniwala sa doktrina sa pagpapalaganap ng gospel sa mahihirap na lugar? Hinding-hindi. Sa katunayan nga, hindi natin magagawa ang atas sa atin na gumawa ng mga disciples at turuan silang sumunod sa Panginoong Jesus kung wala ang ganitong commitment. Hindi sapat na ipakita lamang natin ang pag-ibig ni Jesus sa isang mahirap na komunidad. Hindi rin sapat na magsikap lamang tayo na maisaayos at mabago ang ating lipunan. Kailangan nating ipahayag ang mismong katotohanan ng gospel—kung hindi, itinatanghal lamang natin ang ating sarili at pinapabayaan natin sila sa kanilang kasalanan at sa kapahamakang dulot nito.
****
Editor’s note: Ang article na ito ay isang edited excerpt mula sa bagong libro nina Mike at Mez na Church in Hard Places ©2016. Ginamit nang may pahintulot ng Crossway, isang publishing ministry ng Good News Publishers, Wheaton, IL 60187, www.crossway.org. Maaari ninyong bilhin ang libro rito.
Salin mula sa 9Marks article na “In Poor Communities, Does Doctrine Matter?” nila Mez McConnell at Mike McKinley. Si Mez McConnell ay senior pastor ng Niddrie Community Church sa Edinburgh, Scotland. Siya ang founder ng 20Schemes, isang ministry na nagtataguyod na makapagtatag ng mga churches sa ilan sa pinakamahihirap na komunidad sa Scotland. Si Mike McKinley ay senior pastor ng Sterling Park Baptist Church sa Sterling, Virginia. Isinalin ni Mark Daniell S. Perico.
