Heto ang kopya ng sulat na ibinibigay namin sa mga members ng church namin na matagal nang hindi namin nakakasama sa church, especially sa Sunday worship services.
Dear ____________,
Gusto naming ipahayag sa pamamagitan ng sulat na ito na kaming kapamilya mo sa Baliwag Bible Christian Church ay nagmamahal sa ‘yo at talaga namang nami-miss namin ang makasama ka sa fellowship natin tulad ng dati. Alam mo naman na ang church ay katawan ni Cristo, pamilya ng Diyos, at templo ng Espiritu, at bawat miyembro o bahagi nito ay merong mutual commitment na pahahalagahan natin ang relasyon natin sa isa’t isa at sa Panginoon. Lahat tayo ay pumirma sa church covenant natin na nagpapahayag ng mahahalagang itinuturo ng Salita ng Diyos tungkol sa commitment na dapat ay meron tayo sa isa’t isa.
Sumusulat kami ngayon sa ‘yo dahil sa commitment na ‘to: “Sama-sama tayong mamumuhay nang may pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangalaga at pagbabantay sa buhay ng bawat isa, at tapat na pagtuturo at pagtutuwid sa bawat isa ayon sa hinihingi ng pagkakataon” (#2). Gusto rin naming ipaalala sa ‘yo ang commitment na ipinangako natin sa isa’t isa: “Hindi natin pababayaan ang ating mga pagtitipon bilang isang pamilya ng Diyos, upang sama-samang umawit, manalangin, makinig at mag-aral ng Salita ng Diyos, at magsalu-salo sa Hapag ng Panginoon” (#3). Ito rin naman ang ipinag-uutos ng Salita ng Diyos sa atin: “Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon” (Heb. 10:24-25). Naniniwala kami na hindi makakabuti sa isang Kristiyano na suwayin ang utos na ito ng Diyos (o anumang utos ng Diyos!), na alam naman nating ibinigay niya para sa ikabubuti natin. [Pwedeng basahin tungkol sa kahalagahan ng pagdalo sa mga pagtitipon.]
Meron tayong policy sa church na kapag ang isang member ay hindi dumadalo o nakikibahagi sa mga pagtitipon ng church pagkatapos ng anim na buwan ay padadalhan ng ganitong sulat. Gusto kasi namin na makita at makasama ka ulit sa fellowship ng church. Kung meron mang kasalanan na hindi pa pinagsisisihan (unrepentant sin) o alitan sa ibang miyembro na hindi pa naaayos (unresolved conflict), gusto ka naming makausap para mapag-usapan at mapagtulungan kung paano ito maaayos. Kung wala naman, at buo na ang loob mo na hindi na babalik sa church, hinihikayat ka namin na sumali sa ibang church na tapat na nagtuturo ng Salita ng Diyos, magko-commit na mamahalin ka, aalagaan, at sasanayin sa paglilingkod (tulad ng nakasulat sa #10 ng ating church covenant). [Pwedeng basahin tungkol sa pagdedesisyon kung mananatili o aalis sa church.]
Siyempre, gusto naming makausap ka tungkol dito. Siguro ay nasa proseso ka na ng pagsali sa ibang church o baka naman merong mga sitwasyon sa buhay mo na hindi namin nalalaman at gusto naming samahan ka sa anumang pagsubok na pinagdaraanan mo. Kung meron ka mang sama ng loob sa isa sa mga leaders o members ng church, maganda rin na mapag-usapan natin ‘yan. Para rin naman magtulungan tayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa (Gal. 6:1-2). ‘Wag kang mahiya o mag-alinlangan na mag-reach out sa isa sa mga pastors/elders natin o sa isang church member na ka-close mo. Sa naka-schedule na members meeting ng church (na ginagawa every three months), ie-encourage namin ang ibang mga members ng church na ipanalangin ka, mag-reach out sa ‘yo, at anyayahan kang bumalik sa fellowship natin.
Kung wala kaming marinig na response galing sa ‘yo at hindi ka pa rin namin nakikita hanggang sa susunod na members meeting, imumungkahi namin (may kalungkutan, pero kinakailangang gawin) na tanggalin ka sa membership ng church. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi ka na maaaring dumalo sa mga worship services. Welcome ka pa rin siyempre! Pero hindi na bilang miyembro ng church. Kung sakaling gusto mo ulit maging miyembro, kailangang dumaan ka ulit sa proseso ng application sa church membership, bago ka makabahagi ulit sa mga members meetings, makabahagi sa Lord’s Supper, at makapaglingkod sa mga ministries ng church.
Dalangin namin na basahin mo ang sulat na ‘to na nararamdaman ang pagmamahal at kabutihang-loob sa ‘yo ng Panginoon sa pamamagitan ng iyong church family. Dalangin namin na hindi mo ituring na nakaka-offend ang anumang attempt ng church na hikayatin kang bumalik. Tandaan mo na ang layunin namin ay magsalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig upang ang bawat bahagi ng katawan ni Cristo ay maging matibay at matatag sa kanilang pananampalataya hanggang sa kanyang muling pagbabalik (Eph. 4:15-16).
Grace be with you always.
Mula sa mga elders at mga members ng Baliwag Bible Christian Church