Kung nawawala ang corporate element sa inyong doctrine of conversion, malaking bahagi ng kabuuan ang nawawala rito. Ang pinuno ng tipan (covenant head) ay may kasamang bayan ng tipan (covenant people).
Vertical First, Horizontal Inseparably Second
Hindi ito panawagan na gawing pangunahing tampok ang aspeto ng iglesya. Sabi ni N. T. Wright, ang justification ay higit na ukol sa iglesya kaysa sa kaligtasan (What Saint Paul Really Said, 119). Ngunit ayon kay Douglas Moo, ito ay pagbaligtad ng diin ng Bagong Tipan (Binanggit sa article ni D. A. Carson na “‘Faith’ and ‘Faithfulness’”).
Walang tunay na pakikipagkasundo sa kapwa hangga’t ang makasalanang indibidwal ay hindi muna nakikipagkasundo sa Diyos. Ang horizontal ay laging sumusunod sa vertical. Ang ecclesiology (iglesya) ay laging sumusunod sa soteriology (kaligtasan). Ibig sabihin, hindi dapat na nauuna ang aspeto ng iglesya, kung hindi ay mawawala ang kabuuan.
Pero dapat na kasama ito. Dapat na kasama ang aspeto ng iglesya sa structure ng doctrine of conversion. Ang pagkakaisa ng iglesya kay Cristo ay hindi lang implication ng conversion, ito ay bahagi mismo nito. Ang pakikipagkasundo sa bayan ng Diyos ay naiiba o distinct pero hindi mahihiwalay o inseparable sa pakikipagkasundo sa Diyos.
Minsan ay nawawala ito sa binibigyang diin natin sa mechanics of conversion, kapag ang pinag-uusapan natin madalas ay yung relationship ng divine sovereignty at human responsibility o ang pangangailangan para sa pagsisisi at pananampalataya. Ngunit ang ganap na pagkaunawa sa conversion ay dapat ding maglaman ng paglalarawan kung saan tayo nanggaling at saan tayo patungo. Ang maging converted ay paglipat mula kamatayan tungo sa buhay, mula sa kadiliman tungo sa liwanag. At kasama rito ang paglipat mula sa kawalan ng bayan tungo sa pagiging bahagi ng isang bayan, mula sa pagiging ligaw na tupa tungo sa pagiging kabilang sa kawan, mula sa pagiging hiwalay tungo sa pagiging kasapi ng katawan.
Pansinin ang parallel statements ni Pedro: “Kayo’y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo’y tumanggap na kayo ng kanyang habag” (1 Pet. 2:10).
Ang pagtanggap ng awa (vertical reconciliation) ay kasabay ng pagiging isang bayan (horizontal reconciliation). Kinahabagan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatawad ng ating mga kasalanan, at ang dapat na kasunod niyon ay pagiging kabilang sa kanyang bayan.
Corporate Nature of the Covenants
Tunay nga na makikita natin ang corporate element ng conversion sa mismong covenantal structure ng Bibliya. Totoo na lahat ng tipan sa Lumang Tipan ay natutupad sa binhi (singular) ni Abraham. Si Jesus ang bagong Israel. Ngunit totoo rin na ang lahat ng nakipag-isa kay Cristo sa pamamagitan ng bagong tipan ay naging Israel ng Diyos at binhi (plural) ni Abraham (Gal. 3:29; 6:16).
Sa madaling salita, ang isang pinuno ng tipan, sa pakahulugan nito, ay may kasamang bayan ng tipan (see Romans 5:12ff). Ang maging kabilang sa bagong tipan, ay maging kabilang sa isang bayan.
Hindi na nakakagulat na ang pangako ng isang bagong tipan mula sa Lumang Tipan ay ipinangako sa isang bayan: Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako’y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan” (Jer. 31:34). Ang bagong tipan ay nangangako ng kapatawaran (vertical), at nangangako ito ng kapatiran o komunidad ng mga kapatid (horizontal).
Vertical and Horizontal in Ephesians 2
Ang buong kuwento ay malinaw na ipinakita sa Ephesians 2. Ipinaliwanag ng mga verses 1 hanggang 10 ang kapatawaran at ang ating vertical reconciliation sa Diyos: “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas.” Ipinakita naman ng verses 11 hanggang 20 ang horizontal: “Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin” (v. 14).
Pansinin mo na ang ginamit na salita sa verse 14 ay past tense. Pinag-isa na ni Cristo ang Judio at Hentil. Walang imperative dito. Hindi inuutusan ni Pablo ang mga mambabasa niya na i-pursue ang pagkakaisa. Sa halip, nagpahayag siya ng indicative. Ganito sila, sapagkat ang Diyos ang gumawa, at ginawa niya iyon sa mismong lugar kung saan tinupad niya ang vertical reconciliation—sa krus ni Cristo (tingnan din ang ugnayan ng indicative at imperative sa Eph. 4:1–6).
Dahil sa bagong tipan ni Cristo, ang corporate unity ay bahagi ng indicative ng conversion. Ang ma-convert ay maging isang miyembro ng katawan ni Cristo. Ang bago nating identity ay naglalaman ng ecclesial element. Ginawa niya tayong ecclesial persons.
Narito ang madaling paraan para makita ito. Kapag ang mag-asawa ay pumunta sa isang orphanage para mag-ampon ng isang bata, dadalhin nila siya sa kanilang bahay at kakain sila kasama ng kanyang mga bagong kapatid. Ang pagiging anak ay hindi kapareho ng pagiging kapatid. Nauuna ang pagiging anak, pagkatapos ay kasunod panigurado ang pagiging kapatid.
Ibig sabihin, isinasali ka ng conversion sa isang family photo.
Personal Application: Join a Church
Ano ang application nito para sa atin? Simple lang. Maging bahagi ng isang church!
Ginawa ka nang matuwid, kaya’t mamuhay ka bilang matuwid. Ginawa ka nang miyembro ng kanyang katawan, kaya maging bahagi ka ng aktwal na katawan. Isa kang Kristiyano, kaya makiisa ka sa isang aktwal na grupo ng mga Kristiyano.
Corporate Application: Get the Mechanics Right
Ano ang kahulugan nito para sa ating mga churches? Ibig sabihin, napakahalaga sa ating doktrina na tama ang mga mekanismo ng conversion. Nais natin ng matibay na pagkaunawa sa parehong soberanya ng Diyos at pananagutan ng tao, sa parehong pagsisisi at pananampalataya. Kapag nagkaroon ng kawalan ng balanse rito, magiging baluktot at magulo ang iglesya. Anumang ilagay mo sa palayok ng conversion, iyon ang bubuo o magiging anyo ng iglesya.
Kung kulang ang iyong doctrine of conversion sa matibay na pagkaunawa sa sovereignty ng Diyos, ang pangangaral at evangelism ay maaaring maging manipulative at man-pleasing. Ang iyong approach sa pamumuno ay maaaring maging pragmatic. Maaaring magkaroon ng panganib na ma-burnout ka at ang kongregasyon dahil sa sobrang bigat na schedule. Ang membership ay magiging base sa karapatan o benepisyo (tulad ng isang country club). Malamang na mawala rin ang mga practices ninyo ng accountability at disiplina. Mailalagay mo sa alanganin ang kabanalan. At patuloy pa ang listahan.
Kung kulang naman ang doctrine of conversion sa matibay na pagkaunawa sa responsibilidad ng tao, hindi magiging maayos ang pag-steward mo sa iyong sariling mga kaloob, at sa mga kaloob ng iyong kongregasyon. Malamang ay matukso ka patungo sa complacency sa pagbabahagi ng ebanghelyo at sa paghahanda ng sermon. Maaaring hindi mo maipakita ang pag-ibig at compassion para sa mga nasasaktan. Maaaring magmukha kang mahigpit o mababaw sa iba. Maaaring manghina ang iyong buhay panalangin, at mawalan ka ng lahat ng pagpapalang dapat sana’y iyo. Mailalagay mo sa panganib ang pag-ibig. At patuloy pa ang listahan.
Kung kulang ang doktrina ng conversion sa matibay na pagkaunawa sa pagsisisi, magiging mabilis kang magbigay ng katiyakan ng kaligtasan at magiging mabagal na sabihin sa mga tao na tingnan o alamin ang kabayaran ng pagsunod kay Cristo. Malamang na i-tolerate mo ang pagiging makamundo at pagkakahati-hati sa church, at maaaring ganito rin ang gawin ng iyong mga church members dahil marami sa kanila ang mananatili sa mababaw na antas ng pananampalataya. Mas magiging karaniwan din ang nominalism dahil magiging cheap ang pagtingin sa biyaya. Sa pangkalahatan, nanaisin ng church na umawit tungkol kay Cristo bilang Tagapagligtas, pero hindi tungkol kay Cristo bilang Panginoon, at hindi ito magiging naiiba sa mundo.
Kung kulang naman ang doctrine of conversion sa matibay na pagkaunawa sa pananampalataya, magkakaroon ka ng isang church na punô ng mga balisa, matuwid ang tingin sa sarili, at mga nagnanais na malugod ang mga tao, na uri ng mga legalists. Ang mga mas disiplinadong miyembro ng church ay magkakaroon ng mapanlinlang na magandang pakiramdam tungkol sa kanilang sarili, at iyong hindi gaanong disiplinado na mga miyembro ay tahimik na itatago ang kanilang mga kasalanan at matututong hatulan ang kanilang mga sarili at kapootan ang iba. Magiging bihira ang transparency, at magiging karaniwan ang hypocrisy. Hindi mararamdaman ng mga outsiders at mga prodigals ang init at compassion ng tunay na biyaya. Magkakaroon ng pagkalito sa cultural preferences at sa kautusan. Nanaisin ng church na umawit tungkol sa mga utos ni Cristo na siyang Hari, pero hindi tungkol sa Kordero na nabahiran ng dugo, ang Kordero na pinatay para sa kanila.
Siyempre, malawak ang aking paglalarawan. Hindi naman laging ganito kaayos ang lahat. Ngunit ang pangunahing ideya sa lahat ng halimbawang ito ay nakaugat sa malapit na ugnayan ng conversion at church. Kung ang conversion ay may kasamang corporate element, o mas kongkreto, kung ang bawat conversion ay nagbubunga ng isang pinagkaisang bayan, kung gayon, anumang isasama mo sa iyong doktrina ng conversion ay lubos na makakaapekto sa kung anong uri ng church ang lilitaw.
Gusto mo ba ng isang healthy church? Kung ganon, pag-aralan mo ang iyong doctrine of conversion at ituro ang lahat ng aspeto o bahagi nito sa iyong congregation. Siguraduhin din na ang mga structures at programa ng iyong church ay nakaayon sa maraming dimensyon at makapangyarihang doktrinang ito.
*****
Salin ni Marie Manahan, mula sa 9Marks article, “The Corporate Component of Conversion,” na isinulat ni Jonathan Leeman noong February 29, 2012. Si Jonathan ay naglilingkod bilang President ng 9Marks. Siya rin ang author ng halos 20 libro at nagtuturo sa ilang seminaries. Nakatira siya kasama ang kanyang asawa at mga anak sa isang Maryland suburb sa Washington, DC, at naglilingkod bilang isang elder sa Cheverly Baptist Church.


