July 30, 2026

Ang Panawagan ng Diyos para sa Church Revitalization 

By Bobby Jamieson

Note: Mahalaga ang article na ito para sa mga churches sa Pilipinas dahil tinatamaan nito ang isang realidad na madalas nating nakikita pero bihirang harapin: maraming local churches ang matagal nang nanghihina, nagkakahati-hati, o nawawalan ng malinaw na evangelical witness. Ipinapakita ng article na ito na hindi lamang church planting ang dapat bigyang pansin—kundi ang revitalization ng mga existing churches, dahil ito mismo ang makikita sa halimbawa ni apostle Paul at ng Panginoong Jesus. Sa konteksto ng Pilipinas, kung saan napakaraming matatandang churches ang may mabigat na pinapasan—may internal conflicts, laganap ang nominalism, false teachings, o sobrang pagod na sa ministry—makakatulong ang article na ito para magbigay ng biblikal na pananaw: hindi dapat pabayaan ang mga churches na “naghihingalo na,” kundi dapat palakasin ang natitira at ibalik sa matibay na pundasyon ng gospel. Para sa mga pastor, elders, at church planters dito sa Pilipinas, ito ay paanyaya na huwag lamang magtanim ng bagong mga churches, kundi tumulong na pagalingin ang mga sugatang bahagi ng katawan ni Cristo para sa kaluwalhatian ng Diyos.

*****

Sa malaking bahagi ng United States (at sa ilan pang bahagi ng mundo), makikitang literal na nagkalat ang mga evangelical churches.

Karamihan sa mga churches na ito ay parang kalat na iniwan sa kanto—tumatawid sa kabilang side ang mga tao para lang iwasan sila. Ang mga taong kabilang sa kanila ay nagsasabing naniniwala sila sa gospel, at ang kanilang mga statements of faith ay nagpapahayag ng gospel. At may ilan namang mga totoong Kristiyano na kabilang sa ganitong mga churches. Pero sa kabuuan, ang buhay ng church ay nagpapahayag ng kahit ano maliban sa mensahe ng gospel. Sa halip, ang mga churches na ito ay nagpapalabas ng nakalalasong basura imbes na masustansyang pagkain na kailangan ng mga tao.

Ilan sa mga churches na nasa ganitong kalagayan ay maaaring hindi na mare-recover pa. Pero ang nakakalungkot, maraming evangelicals ang tila kuntento na balewalain na lang ang ganitong mga churches at magsimula na lang ng mga bago. 

Mahalaga at strategic ang church planting, at masaya akong makita na parami nang parami ang mga taong gumagawa nito.

Pero kapag nakakita ka ng garden na puno ng damo, basta ba magtatanim ka na lang ng mga bagong bulaklak sa gitna? Kapag hindi mo naririnig ang balita sa TV dahil malakas ang radyo mo, lalakasan mo na lang ba ang volume ng TV?

Imumungkahi ko na ang church revitalization—pagbibigay buhay sa mga churches na naghihingalo na sa pamamagitan ng pagtugon sa mga dahilan ng pagbagsak at pagtatatag tungo sa katapatan—ay isang biblical burden. Ibig sabihin, kapag nakita natin ang mga churches na ito na umaaktong anti-witnesses kay Cristo, dapat lang, ayon sa Bible, na magkaroon tayo ng burden na may gawin tungkol dito. Ang burden ng article na ito ay patunayan ang puntong ‘yan.

Church Revitalization: Prayoridad ng mga Apostol

I-consider mo ang liham sa 1 Corinthians. Itinayo ni Pablo ang church sa Corinth bandang 50 AD, at isinulat niya ang liham ilang taon pagkatapos bilang tugon sa mga reports na narinig niya tungkol sa church, gayundin sa ilang mga tanong ng church sa kanya. Anu-ano ang mga issues na nagtulak kay Pablo para sumulat? Tingnan mo ang mga sumusunod:

  • Mga pagkakahati-hati at iba-ibang grupo: may ilan na nagsasabing “Kay Pablo ako,” o “Ako’y kay Apolos” (1:10–17);
  • Pag-tolerate ng sexual immorality (5:1–13);
  • Pagsasampa ng kaso ng mga church members sa isa’t isa (6:1–8);
  • Kalituhan tungkol sa pag-aasawa at sexuality (7:1–40);
  • Pagkakahati sa church tungkol sa limitasyon ng kalayaang Kristiyano (8:1–13; 10:1–33);
  • Mga alitan tungkol sa estilo ng pagsamba (chs. 11–14);
  • Maling katuruan tungkol sa resurrection (ch. 15).

Kung susulyapan mo at ia-adjust ang ilang detalyeng may kinalaman sa kultura, ang church sa Corinth noong 55 AD ay halos kapareho ng maraming evangelical churches ngayon. Maraming churches ngayon ang tinatamaan ng kaparehong pinagsama-samang maling katuruan, imoralidad, pagkakahati-hati, alitan, at kamunduhan. Maraming mga churches ngayon ang nangangailangan din ng radikal na pastoral surgery para iligtas ang kanilang mga buhay at maibalik ang kanilang kalusugan.

Kaya nang maharap sa ganitong mga issues sa Corinth, ano ang ginawa ni Paul? Hindi niya sinabing, “Wala nang pag-asa ang mga taong iyon. Sila ay pinagsama-samang false believers at mayayabang, mga relihiyosong matitigas ang ulo. Hindi mo naman gusto ang gano’ng mga tao sa church mo”—at pagkatapos ay inutusan si Timothy na magtayo ng bagong church sa Corinth.

Sa halip, nakiusap siya sa kanila. Maraming beses siyang pumunta roon para makita sila. Sinaway niya sila, tinuruan at pinagpasensyahan. Sa madaling salita, nagsikap siya na i-reform ang iglesya ng Diyos na nasa Corinth.

Oo, may mga discontinuities o pagkakaiba sa pagitan natin at ng sitwasyon ni Paul. Halimbawa, ang church na ito ang nag-iisang church sa Corinth noong panahong iyon. Pero nananatili pa rin ang punto: sa halip na iwanan na lang ang church sa Corinth para mabulok sa kasalanan nito, nagsikap si Paul na ayusin at i-restore ito. Ang kaparehong pagsasaayos at restoration ang kailangan ng napakaraming evangelical churches ngayon.

Consistent ito sa mas malawak na priorities ni Paul bilang apostol. Hindi katulad ng ilang mga missionaries sa panahon ngayon, hindi lang niya basta sinusubukang magtayo ng maraming churches sa pinakamaikling panahon. Sa halip, ito ang ginawa ni Paul pagkatapos ng kanyang unang missionary tour: “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila” (Acts 15:36 MBB). Kaya “naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon” (Acts 15:41).

Sobrang laki ng concern ni Paul para sa kalusugan ng mga churches na pinasimulan niya kaya, sa laki ng mga rehiyon sa Mediterranean na kailangan i-evangelize at sa hangarin na siya mismo ang gumawa nito (Rom. 15:20), bumalik siya sa isang rehiyon na dati na niyang pinaglingkuran para palakasin ang mga churches. Imumungkahi ko na kung susundan natin ang yapak ni Paul, katulad ng sinasabi ng Kasulatan na gawin natin (1 Cor. 4:17, 11:1; Phil. 3:17),  dapat tayong magkaroon ng burden para sa nagpapatuloy na kalusugan at kalakasan ng mga kongregasyong dinadala ang pangalang “Kristiyano” at nagpapahayag ng pagsunod sa gospel.

Hindi compostable ang mga churches na kapag nabulok ay magagamit na pataba. At kapag nagsimula na silang mabulok, maaari silang magpalabas ng mabahong amoy sa loob ng maraming taon o dekada o siglo, na natatabunan na ang halimuyak o mabangong samyo ni Cristo. Kapag ang isang church ay hati, ipinapahayag nito na nahati si Cristo (1 Cor. 1:13). Kapag tino-tolerate ng church ang imoralidad, sinasabi nito sa mundo na hindi banal si Cristo—at ang mga sexually immoral at idolaters at lasinggero at mga mandaraya ay magmamana ng kaharian ng Diyos (tingnan ang 1 Cor. 6:9–11).

Kaya nga, katulad ni Paul, dapat ay meron tayong burden na i-restore, i-revitalize, at i-reform ang mga churches na nasa iba-ibang antas ng kahinaan o pagkasira. At hindi tayo nauubusan ng ganitong mga churches, lalo na sa America.

Si Jesus, ang Church Reformer

Sa mga sulat sa pitong iglesya sa Revelation 2 at 3, si Jesus mismo ang kumikilos para i-reform ang mga local congregations na iyon. Nagsasalita siya sa mga churches na iyon para itama ang nasira, pagalingin ang may sakit, sawayin ang mali, at magbigay ng bagong buhay sa naghihingalo.

Heto ang halimbawa: Sinaway ni Jesus ang mga taga-Efeso na tama ang doktrina pero kulang sa pag-ibig (Rev. 2:2–7). Pinuri niya ang church sa Pergamum para sa pagtitiwala sa kanyang pangalan, pero sinaway sila dahil sa pag-entertain sa maling katuruan, at nanawagan sa kanila na magsisi (Rev. 2:13–17). Merong ilan mula sa iglesya sa Thyatira ang naniwala sa maling katuruan, at binalaan sila ni Jesus na hahatulan sila (Rev. 2:20–23), pero pinuri niya ang natitirang bahagi ng church at hinimok sila na magpatuloy (Rev. 2:19, 24–28). Sa church sa Sardis, sinabi ni Jesus,

Ang alam ng marami, ikaw ay buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. Kaya’t gumising ka! Palakasin mo ang nalalabi pa sa iyo upang hindi ito tuluyang mamatay. Sapagkat nakita kong hindi ganap sa paningin ng aking Diyos ang mga nagawa mo. Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig . . . Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na napanatiling walang dungis ang kanilang damit, kaya’t kasama ko silang maglalakad na nakasuot ng puting damit sapagkat sila’y karapat-dapat. (Rev. 3:2–4)

Kung kailangan mo ng isang verse na magpapatunay sa church revitalization, heto ang Revelation 3:2: “Palakasin mo ang nalalabi pa sa iyo upang hindi ito tuluyang mamatay.”

Totoo naman na isinulat ito para sa mismong church na iyon, pero hindi ba dapat na ang mga kasamang churches at ang mga nagnanais maging pastor ay magpakita ng compassion ni Cristo sa mga churches gaya ng nasa Sardis? Hindi ba dapat na meron tayong katulad na concern para sa ilang mga tapat na nasa mga churches na iyon na nagdurusa sa kamay ng mga bulaang tagapagturo?

Binago at binigyang buhay muli ni Jesus ang mga churches—pito sa dalawang chapters pa lang. Gayundin naman ang dapat nating gawin.

Dala-dala Natin ang Pangalan ng Diyos

Heto ang isa pang motivation na ibinibigay sa atin ng Bible sa pag-reform at pag-revitalize ng mga churches: dala-dala ng mga anak ng Diyos ang pangalan ng Diyos. Binautismuhan ang mga Kristiyano sa pangalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo (Mat. 28:19). Ang mga Kristiyano ang templo sa huling panahon, ang pagsasakatawan ng dakong pinili ng Diyos para panahanan (1 Kings 8:17, 19). Ang church ang bayang tinawag sa pangalan ng Diyos, na nilikha niya para sa kanyang kaluwalhatian, na kanyang hinubog at nilalang (Isa. 43:7).

Higit pa rito, ang Diyos ay passionate para sa kaluwalhatian ng kanyang pangalan (Isa. 48:9–11)—at gayundin naman dapat ang ating damdamin.

Pero katulad ng sinabi ko, kapag ang mga churches ay nagpapatuloy sa kasalanan, pagkakahati-hati, at nominalism, nagiging katatawanan at sentro ng panlilibak ang pangalan ng Diyos sa paligid natin. Sinisira ng ganitong mga churches ang pangalan ng Diyos, sa halip na pagyamanin at dakilain.

Ang church na nasisira at punô ng kasalanan ay katulad ng isang lighthouse na sira ang bulb—at salamin. Sa halip na i-reflect ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos at tawagin ang mga makasalanan sa habag ng Diyos, iniiwan nitong madilim ang gabi gaya ng dati—o baka nga mas madilim pa. Para itong radio transmitting station na na-hijack: anupaman ang sinasabi nilang pinaniniwalaan nila, ang ganitong church ay nagpapahayag ng kasinungalingan tungkol sa Diyos imbes na katotohanan.

Kaya nga, ang concern para sa pangalan ng Diyos, na nilagay niya sa kanyang mga anak—at sa kanilang mga pagtitipon sa natatanging paraan (Mat. 18:20)—ay dapat na magtulak sa atin na i-reform at i-revitalize ang mga churches. Tulad ng madalas sabihin ni Mark Dever, ang church revitalization ay parang dalawang pakinabang sa kaharian (two-for-one). Winawasak mo ang isang masamang patotoo at inilalagay ang isang magandang patotoo kapalit nito.

Ano Ngayon?

Kung totoo ito, ano ang dapat nating gawin? Sasabihin ko na habang iniisip natin kung paano palaganapin ang gospel at patotoo tungkol sa kaharian, dapat maging pangunahing option sa atin ang church revitalization. Isang bagay ito na dapat pinag-iisipan, pinagpaplanuhan, at ipinapanalangin ng ating mga churches. Ang mga churches na nagnanais na ipalaganap ang gospel ay dapat na may pakialam at malasakit, tulad ni Jesus at ni Paul, na palakasin at i-restore ang patotoo ng mga iglesyang nanghihina.

Tingnan mo kung ano ang ginagawa ng inyong local church para tulungan ang ibang local churches na nanghihina. Kilalanin natin sila. Alamin natin ang mga pangangailangan nila. Bumuo tayo ng relationships sa kanila. Maging bukás sa pagtulong sa kanila sa anumang paraang kaya mo, kasama na, kung darating ang oportunidad, ang pagpapadala ng isang pastor at mga kapatid na tutulong sa trabaho ng pagre-reform.

Kung ikaw ay nagnanais na maging church planter, i-consider mo ang church revitalization na isa pang option kasama ng pagpapasimula ng church. Kung gagawin mo ito, maaari mong maluwalhati ang Diyos at mapaglingkuran ang kanyang church hindi lamang sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong church (na kadalasan ay nagiging resulta ng church reform), kundi pati na rin sa paglilinis ng kalat na iniwan ng iyong mga kapatid sa lugar na iyon. Katulad ng sa paglilinis ng inyong lugar physically, baka magulat ka kung gaano maa-appreciate ng mga kapitbahay mo ang isang spiritually renovated church. At sino’ng makakapagsabi kung ilang mga churches ang masisimulan o mabibigyang sigla mula sa inyong renewed congregation!

Ang church revitalization ay dapat na maging burden natin dahil ito ay burden ng Diyos, katulad ng nakita sa mga personal na ministeryo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ni apostol Pablo. Dala-dala ng bayan ng Diyos ang pangalan ng Diyos, kaya dapat din tayong magsumikap na palakasin ang nalalabi pa upang hindi ito tuluyang mamatay.

***** 

Salin mula sa 9Marks article, “The Bible’s Burden for Church Revitalization,” na isinulat ni Bobby Jamieson, senior pastor ng Trinity Baptist Church sa Chapel Hill, North Carolina. Isinalin ni Marie Manahan.

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES