August 6, 2026

Ang Kagandahan ng Conversion

By Jared C. Wilson

Note: Mahalaga ang article na ito para sa mga churches sa Pilipinas dahil tinatamaan nito ang isang kapansin-pansing realidad sa konteksto natin: ang panganib ng mababaw na “decisionism” at cultural Christianity na walang tunay na pagbabago ng puso. Sa isang bansa kung saan marami ang relihiyoso pero hindi necessarily converted, ipinapaalala ng article na ang tunay na ebanghelyo ay nagbubunga ng bagong affections, bagong identity, at bagong buhay—hindi lang bagong relihiyon. Tumutulong ito sa mga pastors at churches na i-clarify ang conversion bilang isang supernatural, beautiful work of God, na dapat makita sa discipleship, membership, at church discipline, para maiwasan ang nominal faith at mapalalim ang tunay na paglago ng mga mananampalataya.

*****

Para sa marami, walang maganda sa Christian doctrine tungkol sa conversion. Sinasabi nila na namimilit ito—“Walang puwedeng magdikta ng paniniwala nila sa akin!” O kaya naman, iniisip nilang offensive ito—“Sino ka ba para sabihin na mali ang pinaniniwalaan ko o ang paraan ng pamumuhay ko?”

Sa ganitong pananaw, totoo nga na ang kagandahan ay depende sa tumitingin. Pero ang pinakamahalagang bagay tungkol sa doktrina ay hindi naman kung maganda o pangit ito, pero kung mali o tama ito. At dahil tama at totoo ang doktrina ng Christian conversion, tunay ngang maganda ito.

Sa isang level, maganda ang conversion kung paanong maganda ang lahat ng uri ng transformation. Sa primary school, pinag-aaralan ng mga bata kung paano nagiging paru-paro ang caterpillar o nagiging palaka ang tadpole. Sa Sunday school, natutunan ng mga bata kung paano ipinapakita ng mga illustrations na ‘yon ang pagbabago sa puso ng isang tao mula sa “patay sa kasalanan” patungo sa pagiging “bagong nilalang.” Namumulaklak ang bulaklak, napipisa ang itlog, ibinubuka ng batang ibon ang pakpak nito sa unang pagkakataon. Ang bawat isa sa mga transformations na ito ay maganda sa sarili nitong paraan, pero magaganda rin sila sa isang natatanging paraan. Inihahayag ng Diyos ang kanyang kaluwalhatian sa bawat halimbawa ng pagbabago o transformation sa sangnilikha at nakaturo ang mga ito sa isang dakilang transformation—mula sa espirituwal na kamatayan patungo sa buhay na walang hanggan.

Ito ang isa sa mga batas ng kalikasan: hindi lumalago ang mga bagay na hinahayaan lang sa sarili nila, sa halip ito ay nagre-regress o nasisira. Lahat ay namamatay. Pero kahit sa realidad na ito, isinulat ng Diyos ang kagandahan ng pagbabago tungo sa mas mabuti. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay nagtuturo sa kagandahan ng kaligtasan?

Kung tutuusin, mas malaki pa rito ang conversion. Maganda ito sa pagiging simple nito (isipin mo ang Romans 10:9) at sa pagiging complex nito (isipin mo ang Ephesians 2:1–10).

Pero hindi sapat na basta sabihin lang na maganda ang kaligtasan. Dapat itong ipakita.

Beautiful in Its Orchestration

Maganda ang conversion sa orchestration o pagkakaplano at pagkakaayos nito. Merong tiyak o partikular na panahon ng conversion: isang sandali hindi tayo naniniwalang si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos at na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, pero sa sumunod na sandali, naniniwala na tayo.

Ang unang desisyon na maniwala, hawakan si Cristo gamit ang kamay ng pananampalataya, ay ang sandali na ang isang makasalanang itinakdang maligtas na abala sa sariling buhay ay biglang nadadala sa ordo salutis (order of salvation). Nasa paningin na siya ng Diyos mula pa sa walang hanggan, ngunit ngayon ay dumating sa kanyang appointed time ang pagtawag na iyon. Nabago ang plano ng tao dahil pinatnubayan ng Diyos ang kanyang mga hakbang (Prov. 16:9).

Sa isang banda, ang conversion ay bunga ng plano ng Diyos, at sa kabilang banda, isa rin itong punto sa mismong ruta ng plano. Ito ay isang tiyak na sandali, ngunit napakalalim ng plano o layunin na nasa likod nito! Makikita natin ang outline ng pagpaplanong ito sa Romans 8:30: “Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian” (MBB). Maaaring makita ng mga mata natin ang mga taong nagsisisi at nagpapahayag ng kanilang pananampalataya kay Cristo, pero hindi nila nakikita ang walang hanggang bigat ng kaluwalhatian na nagdala rito at dumadaloy mula rito.

Maraming maisusulat tungkol sa bawat bahagi ng Romans 8:30. May kagandahan sa loob ng kagandahan sa loob ng kagandahan. Ang isang butil ng mustasa na pananampalataya na itinanim sa basag na puso ng isang desperadong makasalanan ay bunga ng pagkakilala sa kanya ng Diyos bago pa ang paglikha. Mula pa sa walang hanggan, sa biyaya ng Diyos, hindi na niya ibinilang laban sa taong ito ang mga pagkakasala sa buong buhay nito, at itinakda siya sa pag-ibig na kupkupin o ariin bilang minamahal na anak. At pagkatapos ay ipinadala ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak para magbigay ng walang dungis na pagtubos para sa kanya, upang siya ay maituring na matuwid sa pamamagitan ng katuwiran ni Cristo sa sandaling i-regenerate o buhaying muli ng Espiritu ang kanyang matigas na puso. Talagang nakakamangha, ‘di ba? At lalo pa ngang nakakamangha na ang binhi ng pananampalataya—na sa pamamagitan nito ay itinuring tayong matuwid—ay lalago sa pamamagitan ng katapatan ng Ama sa pagkakaloob ng pananampalatayang nagpapabanal, muli sa pamamagitan ng Espiritu, hanggang sa katuparan ng pangako ng kaluwalhatian.

Beautiful in Its Promise

Maganda ang conversion sa pangako nito. O, ang pangakong iyon! Hindi ba’t ito ang gusto talaga natin? Ang inaasahan pareho ng banal at makasalanan sa bawat araw? Gusto ng bawat isa ng pagbabago. Gustong paniwalaan ng bawat isa na magiging mabuti ang masama, at maitatama ang mali. Lahat tayo ay may kanya-kanyang idea kung paano ito magagawa, pero pareho lang naman ang gusto ng bawat isa—buhay.

Inilagay ng Diyos sa puso natin ang walang hanggan (Ecc. 3:11), at bawat paggising natin ay isang expression ng pagsamba sa isang diyos o sa isa pa, ng likas nating pagnanais para sa totoo, sa maganda, sa pangako ng mas mabuti. Isinulat ni Bruce Marshall, “Hindi namamalayan ng isang binatang papasok sa bahay aliwan na hinahanap niya ang Diyos.”[1] Totoo ito para sa lahat ng idolatries—ito man ay sex o spirituality—pero ang totoo, walang sinuman, kung sa kanyang sarili lamang, ang naghahanap sa tunay na Diyos (Rom. 3:11). Gusto natin ang mga diyos natin na maging Diyos. Sa totoo lang, ang hinahanap natin ay makikita sa Diyos, na siyang pilit nating iniiwasan.

Kaya yung mga “nakatagpo sa Diyos” ay yung mga natagpuan ng Diyos. Hinahalughog ng Espiritu, ng ating taga-aliw, ang mundo at naghahanap ng pagkakalooban ng buhay. Mapagtiis ang Diyos sa mga idolaters, dahil hindi niya gustong may sinuman na mapahamak kundi lahat tayo ay magsisi. Ang kanyang Espiritu ang nagbibigay liwanag sa ating puso, at nagsasabing “Lumapit ka” mula sa pintuan ng ating libingan, at nagiging kapani-paniwala ang hindi kapani-paniwala. Puwede akong magbago! Puwede akong magbago! Maaari kong makilala ang Diyos at sa gayon ay makilala ang buhay! Katulad ng sinasabi ng hymn, “No guilt in life, no fear of death—this is the power of Christ in me!”

Inihahayag ng gospel ang tunay na pag-asa para sa akin at para sa mundong ito. Ang lahat ng kagandahan ng paglikha, ng mga sining, ng pagsisikap ng tao para sa pag-unlad at kaliwanagan ay natagpuan at natupad kay Jesu-Cristo na nagkatawang tao, ipinako, inilibing, nabuhay na muli, at niluwalhati. At kung paanong ang kanyang pagkabuhay na muli ang unang bunga (1 Cor. 15:20–23), gayundin na ang conversion tungo sa saving faith ang pangako ng conversion tungo sa kawalang-kamatayan—na “lahat tayo ay babaguhin” (1 Cor. 15:50–53).

Beautiful in Its Myriad Workings

Maganda ang conversion sa hindi mabilang na iba’t ibang paraan na nangyayari ito. Ang conversion ng mga tao tungo sa nakapagliligtas na pananampalataya ay maganda sa lahat ng mahahalagang sandaling bumubuo rito. Marami sa henerasyon ko at sa iba ang “naligtas” nang lumakad papunta sa gitna, itinaas ang kamay, o inulit ang isang panalangin na parang formula. At marami sa henerasyon ko na naging pastor ang hindi na gagamit nang ganoong paraan para anyayahan ang iba na tumugon sa gospel. Dapat tayong maging maingat na siguraduhing ang biblical gospel ay naipapangaral sa biblikal na pamamaraan. Ngunit anong himala na gumagamit ang Diyos ng mga limitadong tao, na gumagamit ng mga di-perpektong paraan, upang ipamahagi ang perpektong kapangyarihan ng mabuting balita ni Jesu-Cristo!

Hindi na ako dispensational pretribulational rapturist ngayon, pero dumating ang conversion ko matapos gamitin ng Banal na Espiritu, sa kanyang karunungan, ang isang cheesy, end times movie noong 1970 para palambutin ang puso ko na hangarin si Jesus para sa pagpapatawad at katiyakan. Hindi ko gagamitin ang ganitong paraan ngayon, pero nagpapasalamat ako na hindi mapili ang Diyos sa mga paraan kung paano niya binibigyang buhay ang kanyang mga anak. Hindi siya nagmamagaling. Ang kalakasan niya ay nagiging ganap sa mga kahinaan natin sa pag-eevangelize, kahit pa nga sa ating di-perpektong pangangaral at pakikiusap. Kamangha-mangha sa akin kung paanong sabay na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng, at sa kabila ng, ating gospel ministry.

Ang lahat ng conversions patungo kay Cristo ay resulta ng pagtingin sa kanya bilang ating Cristo, ang handog para sa ating kaligtasan. Isang obvious example ay ang conversion ni Saul sa daan patungong Damascus. Napaka-dramatic ng sandaling iyon. Para naman sa iba, hindi ganun ka-dramatic. Isang bata na nanalangin sa children’s church. Isang lalaki na lumapit sa harapan pagkatapos ng church service. Isang kakilala ko ang nagsabi na halos tatlong taon siyang uma-aattend sa isang church bago niya narealize: “Teka, kailangan kong maligtas. Kailangan kong manampalataya.”

Sa kanyang novel na That Hideous Strength, na-capture ni C.S. Lewis ang pagiging ordinaryo at mabigat ng conversion ng isang babae:

Lubhang mabigat at seryoso ang sumalubong sa kanya roon na nagdulot sa kanya na higit pa sa kalungkutan. Walang anyo o tinig. Ang lupa sa ilalim ng mga halaman, ang lumot sa daan, at ang munting hangganan na gawa sa bato—tila walang nagbago. Pero nabago sila. May hangganan na tinawid. Pumasok siya sa isang mundo, o sa isang Persona, o patungo sa presensya ng isang Persona. Isa na naghihintay, matiyaga, di-matitinag ang sumalubong sa kanya nang walang tabing o proteksyon sa pagitan…

Sa taas at lalim at lawak na iyon, ang munting ideya ng sarili na dati niyang tinatawag na ako ay bumagsak at naglaho, sa kailaliman na walang hanggan, gaya ng ibon sa kalawakan na walang hangin. Ang pangalang ako ay naging pangalan ng isang nilalang na hindi niya inakalang umiiral, isang nilalang na hindi pa ganap na nabubuo ngunit tinatawag na maging buo. Isa itong tao (hindi ang tao na inakala niya), ngunit isa ring bagay, isang nilikhang bagay, nilikha upang ikalugod ng Isa, at sa Kanya ay ikalugod ng lahat. Isang bagay na hinuhubog sa sandaling ito, na hindi ayon sa sariling pagpili, sa isang anyo na hindi pa nito naisip. At ang paghubog ay nagpapatuloy sa gitna ng uri ng kaluwalhatian o dalamhati, o pareho, na hindi niya masabi kung ito ba ay sa mga kamay na humuhubog o sa mismong minasa…

Ang pinakamalaking nangyari sa kanya ay tila nakahanap ng puwang sa isang sandali na sobrang ikli para matawag na oras. Walang nahawakan ang mga kamay niya kundi alaala. At pagsara nito, agad na dumagundong at nag-ingay ang mga boses ng mga walang kagalakan mula sa bawat sulok ng kanyang pagkatao.

“Mag-ingat ka. Umatras ka. Huwag kang magpadala. Huwag mong ilaan ang sarili mo,” sabi nila. At mas tuso pa, mula sa iba, “Nagkaroon ka ng karanasang panrelihiyon. Kaaya-aya ito. Hindi lahat ay nakakaranas nito. Mas mauunawaan mo na ngayon ang mga makata ng Ikalabimpitong Siglo!”

…Ngunit nabihag na ang kanyang mga depensa, at ang mga pagsalakay na ito ay nabigo.[2]

Tinututulan siya ng mga demonyo, minsan binabaluktot ang kahulugan ng kanyang karanasan. Pero walang kahit ano—anghel man o demonyo—ang makapaghihiwalay kay Jane mula sa pag-ibig ng Diyos. Kaya sa katahimikan ng isang English garden, gaya ng taimtim na mga panalangin sa altar ng santuwaryo, o sa pag-iisa ng kaluluwa na nagbabasa ng Bibliya sa isang upuan, bumaba ang walang hanggan.

Ang sari-saring paraan ng Diyos sa pagbibigay-buhay sa mga patay ay kahanga-hanga, may ilan na biglang namumulat sa matitinding bagong realidad, may iba naman na dahan-dahang nakadarama ng kanilang pangangailangan. May mga nakarinig ng mensahe sa unang pagkakataon at tumugon sa pananampalataya. Meron namang iba na napapakinggan ang mensahe buong buhay niya ngunit walang espirituwal na “tenga para makarinig” hanggang sa isang araw na nasa malayo pang hinaharap. Isa itong sining. Naroon ang Diyos, sa malawak na karanasan ng tao at pang-araw-araw na buhay, sa ordinaryo at sa kamangha-mangha, paulit-ulit na isinasadula ang muling pagkabuhay. At kahit ang pinakaordinaryong conversion ay extraordinary. Nagdiwang ang mga anghel para sa unang pagpapahayag ng anak kong babae ng kanyang saving faith sa kuwarto niya bago matulog ilang taon na ang nakalipas, gaya ng kanilang pagdiriwang sa conversion ni Pablo dalawang libong taon na ang nakalipas. Bawat conversion ay isang himala. At ang dakilang tanawin ng kaluwalhatian (beatific vision) ni Cristo ang gumagawa sa atin, tayong mga buháy na larawan ng kaluwalhatiang iyon (beatific visions) (2 Cor. 3:18).

Beautiful in Its Source

Maganda ang conversion sa pinagmulan nito. Dahil maluwalhati ang Manlilikha, lahat ng ginagawa niya ay maluwalhati. At dahil dito, hindi sapat ang kasabihang “beauty is in the eye of the beholder.” Ang tunay na kagandahan ay nakaugat sa Diyos na tatlong Persona, makita man ito o hindi ng mga tao. Hiniling ni David na manahan sa templo ng Panginoon at masdan ang kagandahan ng Panginoon (tingnan ang Psalm 27:4), ngunit kahit hindi sagutin ng Panginoon ang ganyang mga panalangin, hindi nababawasan ang kagandahang iyon kahit kaunti.

Ang kagandahan ng Diyos—na madalas tawaging kanyang kaluwalhatian—ay lalo pang nasasalamin at nagniningning kapag mas marami ang nakakakita o namamasdan ito. Isa sa mga kagandahan ng pagbibigay ng bagong buhay ng Diyos sa mga patay ay nasasalamin nila ang kanyang kagandahan sa sermon at awitin at mga pusong punô ng pasasalamat (Col. 3:16). Matapos masaksihan ni Pedro ang mga paghihirap at muling pagkabuhay ni Cristo, tinawag niya ang kanyang sarili na “kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag” (1 Pet. 5:1 AB). Kaya’t ang pagtugon sa panawagan ng gospel sa pananampalatayang nagliligtas ay isang paraan ng pagtanggap ng kagandahang iyon at pagdakila pa nito. Isinulat ni Pablo sa 2 Thessalonians 2:14, “Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (MBB).

Maganda ang conversion dahil maganda ang Diyos. Siya’y maganda sa kadakilaan at kataasan ng kanyang kaluwalhatian, ang bigat ng kabuuan ng lahat niyang katangian. Ang paraan ng Bibliya sa paglalarawan sa kagandahan ng Diyos ay maganda. Mula sa kabanalang makikita sa Pentateuch narratives, sa pagpupuri ng psalmists, sa tugon ng Diyos kay Job, sa paghanga ng mga propeta, sa patotoo ng mga Gospels, sa nag-uumapaw na kagalakan at papuri sa epistles, sa nakamamanghang pahayag ni John, punô ang Bibliya ng likas at nakabibighaning kagandahan ng Diyos.

At ang Diyos na ito—kamangha-mangha, di-masukat, at banal—ay nakakakilala sa atin, nagmamahal sa atin, pumipili sa atin, tumatawag sa atin at nagliligtas sa atin. “Sapagkat ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo” (2 Cor. 4:6). Sapagkat ang lahat ng kagandahan ng conversion (at marami pang maaaring makita magpakailanman), ay nagmula at hinigitan ng kagandahan ng Diyos mismo, na ang kaluwalhatian ay hanggang sa walang hanggan at umaabot sa atin upang makita ito at makilala si Jesus at mabago nang lubos.

*****

Salin ni Marie Manahan mula sa article na isinulat ni Jared Wilson sa 9Marks website, “The Beauty of Conversion,” noong February 29, 2012. Si Jared Wilson ay Associate Professor of Pastoral Ministry sa Spurgeon College, Author in Residence sa Midwestern Baptist Theological Seminary, at Director ng Pastoral Training Center sa Liberty Baptist Church, lahat ay nasa Kansas City, Missouri. Siya ang author ng halos dalawampung libro, kasama na ang The Gospel-Driven Church.


[1] Bruce Marshall, The World, The Flesh and Father Smith (Boston: Houghton Mifflin, 1945), 108.

[2] C.S. Lewis, That Hideous Strength (New York: Macmillan, 1970), 318–319.

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES