Paano tayo uusad nang lampas sa ebanghelyo nang hindi humihiwalay rito? At kung napakahalaga ng ebanghelyo, kailangan pa ba talaga nating “lumampas” dito?

Iyan ang dalawa sa mga katanungan na lumilitaw kasabay ng patuloy na pag-usbong ng gospel-centrality movement sa mga evangelicals.

Sa ibang article ay tinalakay ko ang isang posibleng pagtutol sa kilusang ito. Ngayon naman, sasagutin ko ang dalawang tanong na ito—-ang isa ay mungkahi at ang isa naman ay paalala.

Bago ang lahat, nais kong sabihin na para sa akin, isang napakagandang trend ang tila mas pagbibigay-diin ng mga evangelicals sa ebanghelyo. Tama lang na sabihin ng karamihan na ang gospel ay napakahalaga sa ating sanctification, na ang ginawa ng Diyos ang pundasyon ng kanyang mga utos, at hindi tayo lumalampas sa ebanghelyo kundi mas lalo pang lumalalim dito. Ang lahat ng ito’y mga argumentong nakabase sa Bibliya.

Dalawang Evangelical “Isms”: Essentialism at Reductionism

Ngunit maaaring sabihin ng iba, “Kung napakahalaga ng ebanghelyo, kailangan pa ba talaga nating ‘lumampas’ dito?”

Ang mga evangelicals ay likas na essentialist—yun ay, nakatuon lamang tayo sa kung ano ang pinakamahalaga at isinasantabi ang iba. Dahil sa iba’t ibang dahilan na hinubog ng kasaysayan, nais nating pasimplehin ang mga bagay-bagay sa buhay. Gaya nga ng madalas kong marinig, nakikita natin ang lahat ng bagay sa dalawang kategorya: mahalaga at di-mahalaga.

Kaya isa sa mga panganib ng bagong kilusang ito ay ito: kung itinuturing nating “mahalaga” ang ebanghelyo (at dapat lang!), may posibilidad din na ituring natin ang ibang mga bagay na “di-mahalaga.”

Paminsan-minsan ay naririnig ko ito sa mga paalala na nagsasabing huwag hayaang palitan, takpan, o isantabi ng anumang bagay ang ebanghelyo sa ating buhay at sa ating mga churches. Tama at mahalaga naman ang gayong mga paalala. Ngunit kung hindi tayo maglalaan ng puwang sa pagitan ng mahalaga at di-mahalaga, ang gospel mismo ay malalagay sa panganib. Hindi natin maiingatan ang gospel sa pamamagitan lamang ng pag-focus dito. May iba’t ibang mga doktrina at gawain na ipinagkaloob ng Diyos na mahalaga rin para rito, at kapag pinabayaan natin ang mga ito, tayo rin ang mapapahamak.

Halimbawa, ang doktrina ng Trinity ay hindi maaaring ihiwalay sa gospel. Ang Ama, Anak, at Espiritu—bawat isa ay may natatanging tungkulin na ginampanan sa ating kaligtasan, kaya anumang pagbaluktot sa Trinity ay pagbaluktot din sa gospel. 

Isa pang halimbawa: ang pagiging totoo ng Bibliya ay nagbibigay ng matibay na pundasyon sa ating kaalaman at pagkaunawa sa ebanghelyo. Ang tiwala natin kay Cristo ay nakabatay sa pagiging totoo at mapagkakatiwalaan ng Salita ng Diyos.

Tungkol naman sa mga gawaing nag-iingat sa ebanghelyo, nandiyan ang church membership at church discipline. Gaya ng sinabi ni Jonathan Leeman, ipinapakita ng church membership kung sino ang kumakatawan sa Panginoong Jesus, habang pinangangalagaan naman ng church discipline ang pangalan ng Panginoong Jesus.

Malinaw na ipinapakita ng church membership kung sino ang mga kabilang sa ebanghelyo. Ipinapakita nito sa mundo, “Ito ang mga taong binago ng ebanghelyo. Sila ang bagong bayan na nilikha nito.”

At iniingatan naman ng church discipline ang imahe ng ebanghelyo na siyang ipinapakita ng iglesia sa mundo. Tinitiyak nito na ang church ay hindi nagbibigay ng maling imahe ng gospel sa paningin ng mga tao. Sa pamamagitan nito, sinasabi natin sa kanila: “Hindi ganito ang buhay ng isang Kristiyano. Hindi ito ang buhay na dulot ng ebanghelyo.”

Bukod pa rito, gaya ng sinabi ng iba, ang church discipline ay ang gospel in action. Sa pamamagitan ni Cristo, hindi hinayaan ng Diyos na manatili tayo sa kasalanan. Kaya naman hindi rin natin dapat hayaan ang ating mga kasamang church members na manatili sa kasalanan. Sa halip, dapat natin silang i-approach at buong pagmamahal na i-rebuke, at ipaalala sa kanila ang masaganang pagpapatawad ni Cristo.

Ang mga doktrina at gawaing ito, kasama ang marami pang iba, ay may malapit na kaugnayan sa ebanghelyo. Likas silang nakakabit dito. Kapag isinantabi natin ang mga ito, naaapektuhan ang ating pagkaunawa at patotoo sa ebanghelyo. 

Kaya heto ang paalala ko: huwag mong hayaan na ang iyong pagiging gospel-centered ay mauwi sa gospel essentialism, na maaaring humantong sa gospel reductionism. Oo, gawin mong sentro ng iyong buhay at ng buhay ng inyong church ang gospel. Pero huwag mong ipamukha na para bang ang gospel lang ang natatanging mahalaga.

Pag-ugnay-ugnayin

Balik tayo sa unang tanong: paano tayo uusad nang lampas sa ebanghelyo nang hindi humihiwalay rito? Sa madaling salita, paano natin ipangangaral at isasabuhay ang mga bagay na ito nang hindi umaalis sa ebanghelyo?

Ito ang aking mungkahi: patuloy nating pag-ugnay-ugnayin ang ebanghelyo, ang ating doktrina, at ang ating gawain.

Ginawa na natin ito sa article na ito. Ang doktrina ng Trinity at biblical authority, at ang gawain ng church membership at church discipline, ay likas na nakaugnay sa ebanghelyo. Ganoon din ang iba pang mga mahahalagang doktrina at gawain.

Upang ang isang church leader ay makausad nang lampas sa ebanghelyo nang hindi humihiwalay rito, kailangan niyang ipakita ang mga likas na kaugnayang ito sa kanyang pagtuturo at pangangaral. Upang matalakay ang iba’t ibang paksa nang hindi nawawala ang focus sa ebanghelyo, kailangang ipakita kung paano nauugnay ang mga ito sa ebanghelyo.

Kaya ituro mo ang patungkol sa church elders, parenting, eschatology, dating, at baptism sa liwanag ng ebanghelyo, at sa paraang malinaw na naipapakita ang kanilang kaugnayan sa ebanghelyo. Sa ganitong paraan, ang iba pang mga doktrina at gawain ay hindi magiging kakumpetensya ng ebanghelyo, kundi magiging katuwang nito.

Huwag mong hayaan na ang iyong pagiging gospel-centered ay mauwi sa gospel reductionism. Sa halip, pag-ugnay-ugnayin mo ang mga punto sa pagitan ng ebanghelyo at ng iba pang mga bagay, kasama na rito ang kaayusan at sama-samang pamumuhay ng buong iglesia.


Salin ni Mark Daniell S. Perico mula sa 9Marks article na Gospel-Centrality: A Warning and a Recommendation ni Bobby Jamieson. Si Bobby Jamieson ay senior pastor ng Trinity Baptist Church sa Chapel Hill, North Carolina.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply