Introduction: Pagkukulang sa Pagmamahal

Lahat naman tayo, aminin natin, ay nagkukulang sa pagmamahal sa Diyos at sa ibang tao—sa pamilya natin, sa mga fellow church members, at sa mga unbelievers. Aminado naman tayo na we all need to grow in this area. Kaso lang, mas madali sa atin ang makita ang pagkukulang ng iba. Nadi-disappoint tayo o nasasaktan pa nga kung yung mga ine-expect natin sa ibang tao—lalo na yung mga closest to us—ay hindi ginawa yung mga bagay na inaasahan natin sa kanila for us to feel loved o kaya naman ay gumawa ng ilang bagay na sa tingin natin ay unloving. Kapag sa sarili naman natin, ang dali sa atin to feel good about ourselves kapag may nagagawa tayo sa iba na sa tingin natin ay “loving.” Pero kahit na, kailangan pa rin nating mag-grow sa pagkaunawa kung ano ba talaga ng definition ng love. Baka kasi yung nagiging working definition natin ng love ay nanggagaling naman sa nakagisnan natin sa pamilya natin o kaya ay sa perspective ng kultura natin kung ano ang pagmamahal. Tulad ng may dalawang lalaki o dalawang babaeng magkarelasyon o isang lalaki at isang babaeng humiwalay sa asawa nila para silang dalawa ang magsama at mukhang masaya naman sila sa isa’t isa, tapos sasabihin ng iba “love” yun.

Pero ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos kung ano ang pag-ibig at kung paano tayo dapat magmahal ng ibang tao? Yun ang mahalagang pagbasehan natin. Hindi yung feelings natin. At ito naman ang titingnan natin ngayon sa Ephesians 5:1–6. Pero bago natin basahin ‘yan, mahalaga na makita natin na ito ay may kinalaman sa usapin kung paano ba mamuhay ang isang Kristiyano na iniligtas ng biyaya ng Diyos at tumanggap ng lahat ng pagpapalang espirituwal sa pakikipag-isa natin kay Cristo (Eph. 1:3). Madalas na makikita natin sa Ephesians ang salitang “walk” o “lumakad” (na isinalin sa MBB na “mamuhay”), na isang image na nagbibigay-diin na hindi lang ito usapin kung anu-ano ang kailangan nating gawin paminsan-minsan o occasionally, kundi kung ano yung klase ng buhay na dapat mag-characterize sa sinumang nakay Cristo. This “walk” makes us distinct sa mga taong wala kay Cristo.

Kaya ang simula ng text natin ay “Therefore…” (ESV) o “Kaya…” (AB). Ito yung conclusion ni Paul sa mga nauna niyang binanggit na dapat “lakaran” ng mga Kristiyano. Yung “lakad” na hindi tulad ng mga unbelievers (Eph 4:17), hindi ayon sa dati nating pagkatao noong tayo’y hiwalay pa kay Cristo (Eph 4:20). Kundi yung lakad na naaayon sa layunin ng Diyos sa pagliligtas sa atin, ang lumakad sa mabubuting gawa na noon pa’y inilatag na niya para sa atin (Eph 2:10), ang lumakad ayon sa nararapat sa pagkakatawag sa atin ng Diyos kay Cristo (Eph 4:2), ayon sa bagong pagkatao na meron na tayo ngayon, na nilikha ng Diyos ayon sa kanyang larawan (“after the likeness of God in true righteousness and holiness,” Eph 4:24). Ngayon naman, ang sabi ni Pablo, “walk in love” / “lumakad kayo sa pag-ibig” (AB):

Therefore be imitators of God, as beloved children. And walk in love, as Christ loved us and gave himself up for us, a fragrant offering and sacrifice to God. But sexual immorality and all impurity or covetousness must not even be named among you, as is proper among saints. Let there be no filthiness nor foolish talk nor crude joking, which are out of place, but instead let there be thanksgiving. For you may be sure of this, that everyone who is sexually immoral or impure, or who is covetous (that is, an idolater), has no inheritance in the kingdom of Christ and God. Let no one deceive you with empty words, for because of these things the wrath of God comes upon the sons of disobedience. (Eph 5:1–6 AB)

Sa buhay ng mga Kristiyano dapat na nakikita ang tunay na kahulugan ng pagmamahal sa pamamagitan ng pamumuhay natin na kinakikitaan ng tunay na pagmamahal. Kung sa usaping ito ay alam nating kailangan nating lahat na lumago, mainam na sagutin ang tanong na, Paano tayo lalago sa pag-ibig?

A. Ang pagmamahal ng Diyos ay dapat tularan (5:1–2).

Una, para mangyari ‘yan, ang pagmamahal ng Diyos ay dapat nating tularan. Sinabi sa v. 1, “…be imitators of God…” May mga katangian o karakter ang Diyos na hindi natin matutularan (omnipresent, omniscient, omnipotent). Hindi tayo pwedeng maging diyos! Yun nga ang essence ng kasalanan, yung ginagawa natin ang sarili natin na kapantay ng Diyos. Pero dahil tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos (“the likeness of God,” Eph 4:24), merong mga katangian ang Diyos na mare-reflect natin sa buhay natin. In that way, we imitate God, we mimick o ginagaya natin ang Diyos. Kababanggit lang sa Eph 4:32 ang pagpapatawad sa iba tulad ng pagpapatawad na ginawa sa atin ng Diyos. Sa chapter 5, meron pang tatlo: (1) “walk in love” dahil God is love (Eph 5:2); (2) Walk as children of light (Eph 5:8) dahil God is light; (3) Walk in wisdom dahil God is wise (Eph 5:15). Ang buhay Kristiyano ay dapat na kinakikitaan ng mga katangiang tulad ng Diyos dahil ang layunin natin sa buhay ay maging true and beautiful reflection of who God is. Ano ang tungkol sa pagmamahal ng Diyos na dapat nating tularan?

1. Ang pagmamahal ng Diyos sa kanyang mga anak (v. 1)

Sabi sa verse 1, tularan natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin na kanyang mga anak. “…be imitators of God as beloved children.” Dapat nating tularan kung paano nagmahal ang Diyos sa atin na kanyang mga anak. Hindi naman tayo natural o likas na anak ng Diyos. Si Jesus ang tinawag ng Diyos na “my beloved Son, with whom I am well-pleased” (Matt 3:17). Tayo “by nature are children of wrath” (Eph 2:3). Poot ng Diyos ang nararapat sa atin pero pinili tayo ng Diyos para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Cristo (Eph 1:4-5). We are children of God by grace (John 1:12-13). Ito ang identity natin bilang mga anak ng Diyos. Hindi siya napipilitan lang na alagaan tayo. He delights in loving us his children. Ang pagmamahal na ito ang dapat na tularan natin kung paano tayo magmahal sa ibang mga kapatid natin kay Cristo, at sa mga taong hanggang ngayon ay wala pa kay Cristo. Like father, like children. Kung sa pamumuhay mo ay nababakas na ang karakter mo at pakikitungo mo sa ibang tao ay hindi tulad ng sa Diyos, posible kaya na ikaw ay hindi pa talaga anak ng Diyos?

2. Ang pagmamahal ni Cristo sa pag-aalay ng kanyang sarili (v. 2)

Sa verse 2 naman nandun na yung primary command sa atin to “walk in love.” Dahil ang Diyos ay pag-ibig at dahil minahal tayo ng Diyos, dapat din nating tularan ang Diyos sa ganitong paraan. “We love because he first loved us“ (1 John 4:19). “Beloved, if God so loved us, we also ought to love one another” (1 John 4:11). Again, ginamit ang salitang “walk” o paglakad para isalarawan na ang pagmamahal ay hindi lang sa iilang acts of love na gagawin natin. It must characterize our way of life. Hindi lang kapag Sunday o kapag kasama ang church, kundi araw-araw—sa bahay, sa asawa, sa mga anak, sa mga kasambahay, sa mga magulang, sa mga kapatid, sa mga employers, sa mga employees (more sa Eph 5:22-6:4), sa pakikisalamuha natin sa mga unbelievers, sa lahat ng bahagi ng buhay natin. There is not one moment na pwede tayong mag-excuse, “Lord, pwede bang maging unloving muna ako ngayon, sumosobra na kasi itong asawa ko!” God is love, there is not one moment that God fails to love. Hindi siya minsan nagmamahal, minsan hindi nagmamahal. God cannot be unloving, for his nature is love. Totoo rin ‘yan kahit pinag-uusapan ang tungkol sa poot ng Diyos (tulad ng sa v. 6 mamaya), although mahirap sa atin unawain kung paano yun.

So, we must seek to grow in love, and acknowledge the many ways we fall short of walking in love. Especially kung makikita natin ang panawagan ng Diyos kung sino ang dapat nating tularan sa pagmamahal—ang pagmamahal ni Cristo sa pag-aalay ng kanyang sarili para sa atin. “…as Christ loved us…” And we fall short talaga kung ang sukatan ng pagmamahal ay ang tulad ng ginawa ni Cristo para sa atin. Sa halip na ikumpara ang sarili natin sa iba, o kaya’y tularan kung paano ka minahal ng magulang mo, o paano ka minahal ng asawa mo, o paano ka minahal ng mga kapatid mo kay Cristo (na hopefully ay nagiging modelo siyempre, but imperfect models!), ano ang dapat nating gawin? Gayahin kung paano tayo minahal ni Cristo. Tagasunod tayo ni Cristo, we follow his example. Basahin natin ang Gospels at pagmasdan kung paano siya nagmahal—sa Diyos Ama, sa kanyang mga magulang sa lupa, sa kanyang mga disciples, sa kanyang mga kaibigan, kahit sa nagtraydor sa kanya, sa nagkailang kilala siya, sa tumalikod sa kanya. Learn from Jesus kung paano siya nagmahal.

Paano ba siya nagmahal? “as Christ loved us and gave himself up for us…” Ibinigay niya ang sarili niya para sa atin. Love is self-giving. Ginagawa ng taong nagmamahal kung ano ang kinakailangan para sa ikabubuti ng minamahal, ibinibigay kung ano ang kailangan. At ano ang kailangan nating mga makasalanan? Si Cristo ang kailangan natin. Walang sapat na pambayad sa mga kasalanan natin. Tunay na tao ang kailangang magbayad sa kasalanan natin, para maging substitute natin. At dapat yun ay perpekto at walang kasalanan. Tunay na Diyos din ang kailangan natin dahil walang sinumang nilalang ang makakayanang akuin ang poot ng banal na Diyos bilang parusa sa kasalanan. Si Cristo lang ang makatutugon nun. So we love others kapag ibibigay natin ang sarili natin sa iba—yung lakas natin, yung anumang meron tayo, yung salita natin—para dalhin sila palapit kay Cristo. To bring others to Christ who gave himself up for them is the most loving thing we can do for others. Hindi lang sa pamamagitan ng salita natin, kundi sa pamamagitan ng klase ng pamumuhay natin.

3. Paano mangyayari? Ang pagmamahal ng Diyos ang dapat na magtulak sa atin (v. 2).

Paano naman mangyayari ‘yan? Siyempre hindi tayo magiging perfectly like Christ sa ganyang sacrificial love. Lalo pa yung sinabing ginawa niyang pagbibigay ng kanyang sarili ay “…a fragrant offering and sacrifice to God.” Ang ginawa ni Cristo sa krus ay hindi lang para sa atin, hindi rin ultimately para sa atin. Ito ay ultimately para sa Diyos. Handog na katanggap-tanggap sa Diyos. Yung mga sacrifices sa Old Testament preparatory lang lahat yun. Yun ang point ng book of Hebrews. Si Cristo yung final at sufficient once-for-all sacrifice. Totoo na nananawagan ito sa atin para gayahin ang self-giving, sacrificial love ni Cristo para sa atin. Ito nga yung panawagan sa mga asawang lalaki na gawin para sa mga asawa nila, “Husbands, love your wives, as Christ loved the church and gave himself up for her“ (Eph 5:25). Totoo rin na yung sacrifices na ginagawa natin to show our love sa ibang tao ay in a sense a pleasing aroma to God. Pero in the end, harapin natin ang katotohanan na sa sarili natin ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Diyos ang anumang sacrifices na gagawin natin. At ang ganitong sakripisyo, kahit sabihin pa natin sa asawa natin, “Ibibigay ko ang buhay ko para sa ‘yo!”, ay isang bagay na hindi talaga natin magagawa. Ano ba ang mapapakinabang nila kung iaalay natin ang buhay natin sa kanila? Yung life insurance coverage natin siguro! Pero hindi yun sasapat sa kung ano talaga ang kailangan nila. Only Christ’s self-giving love will suffice. So, higit pa sa pagtulad, ang pagmamahal ng Diyos na nakay Cristo—na nakita natin sa ginawa ni Cristo sa krus—ang dapat na magtulak sa atin para magmahal ng ibang tao—ng asawa natin, ng mga anak natin, ng mga kapatid natin kay Cristo. Ang krus ni Cristo ay hindi lang for our imitation, kundi para rin sa motivation and power na kailangan ng puso nating nag-iistruggle na magmahal ng iba. We are all naturally and sinfully selfish. We need Christ’s self-giving love to transform our hearts to love like him. So, to put together ang itinuturo sa atin ng first two verses ng text natin: Ang pagmamahal ni Cristo ang dapat nating tularan at dapat ding magtulak sa atin para matutong magmahal.

B. Ang lahat ng karumihan ay dapat talikuran (5:3–4).

Ang ikalawang paraan para tayo ay lumago sa pagmamahal ay ito: Ang lahat ng karumihan ay dapat talikuran. Nasa verses 3–4 ‘yan, na nagsimula sa salitang “But…” Ipinapakita dito ni Pablo yung kasalungat ng paglakad sa pag-ibig. Heto yung unloving acts ng pagkakaroon ng maruming pagnanasa (sa v. 3) at maruming pananalita (sa v. 4). Kung buong buhay natin ay dapat kakitaan ng pag-ibig, dito naman ang focus ay ang labanan at talikuran ang lahat ng karumihan, all-out war against sin. Sinabi niya na yung ganitong lifestyle ay hindi dapat mabanggit man lang sa inyo, “…must not even be named among you.” Hindi ibig sabihin na ‘wag nating babanggitin ang ganitong mga kasalanan na parang deadma lang kung may mangyaring ganyan. Kundi yung mamuhay tayo in such a way na walang masasabi ang ibang tao na gumagawa tayo ng ganitong mga kasalanan. Siyempre, meron pa rin tayong mga ganitong sinful desires. Meron pa ring mga pananalita na hindi mabuti. Meron pa ring mga ginagawa na selfish at unloving at unfaithful sa mga relationships natin. Realidad ito ng buhay Kristiyano. Pero nakikipaglaban tayo. Inaamin natin na nagkakasala tayo. Humihingi tayo ng tawad sa Diyos. Inaalala natin ang mabuting balita ni Cristo na siyang basehan ng pagpapatawad at pagtanggap sa atin ng Diyos. Humihingi tayo ng tulong sa Diyos at sa mga kapatid natin sa church para matulungan tayong labanan ang mga kasalanang ito at mag-grow sa pagmamahal sa isa’t isa.

1. Maruming pagnanasa (v. 3)

May dalawang bahagi yung karumihang tinutukoy rito ni Pablo na dapat nating talikuran. Ang una, sa verse 3, ay yung maruming pagnanasa. Nagbanggit siya ng ilang halimbawa: “sexual immorality and all impurity or covetousness.” Malamang na binanggit niya ito dahil ito ang karaniwang nababalitang kasalanan sa ilang mga miyembro ng church, o kaya ay common sa society nila na nandun palagi yung temptation sa mga Christians na tumulad sa ganitong klase ng pamumuhay. Lahat ng ito ay kabaligtaran ng “walking in love,” dahil nagpapakita ito ng mga hangaring iniisip lang natin ang sarili natin na inaakalang ang pagkuha ng mga bagay na hindi para sa atin ay makakapag-satisfy sa atin, kahit yun ay nakakasama at nakakasakit sa ibang tao.

Ang una ay “sexual immorality,” galing ito sa Greek na porneia, kung saan galing ang salitang pornography. Kasali yun siyempre, pero mas malawak pa ang sakop nito. Sa original meaning nito, kasama ang prostitution at homosexuality. Kasali rin dito yung pangangalunya o adultery. In general, kasali dito ang anumang sexual acts and lustful desires sa hindi mo asawa. Ang sex ay dinisenyo ng Diyos para lamang sa mag-asawa, one woman and one man in covenant relationship sa marriage. Bago ang kasal, o outside of marriage, o sa pagitan ng parehong lalaki o parehong babae, ito ay kasalanan na dapat nating pagsisihan at talikuran.

Ang ikalawa ay “all impurity,” o anumang maruming pagnanasa o pag-iisip. Hindi natin pwedeng i-single out ang sexual sins na para bang ito lang ang seryosong kasalanan, bagamat seryoso talaga at mabigat ‘to. Ang pakikidigma natin ay sa anumang natitira pang kasalanan sa buhay natin. Hindi lang yung mga obvious na outward acts. Kundi pati yung masamang pag-iisip sa ibang tao o anumang masamang damdamin sa ibang tao. Ito rin ay nagpaparumi sa atin. Gaya ng sabi ni Paul sa Eph 4:31, “Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa.”

Ang ikatlo ay “covetousness,” na malinaw na ipinagbabawal sa ika-10 utos. Ito yung pagnanasa ng hindi sa ‘yo, ng pag-aari ng kapwa mo, asawa man nila o property o kayamanan o success o popularity. Ito ay maruming pagnanasa rin na dapat nating itakwil. Ito ay hindi kalugud-lugod sa Diyos dahil ito ay indication ng isang pusong hindi kuntento sa pagpapala at kayamanang meron na tayo kay Cristo (Eph 1:3), as if sinasabi ng puso natin sa Diyos, ”Hindi sapat ang asawang ibinigay mo sa akin, hindi sapat ang kayamanang bigay mo sa akin, hindi sapat ang kasiyahang bigay mo sa akin. Kulang pa.” This is unbelief, maruming pagnanasa.

Nagbigay rin si Pablo ng dahilan kung bakit dapat nating talikuran ang anumang maruming pagnanasa sa puso natin: “…as is proper among the saints.” Ito ay dahil sa bagong identity na meron tayo bilang mga saints o mga banal (Eph 1:1). Kung tayo ay mga banal na nilinis na ng Diyos sa pamamagitan ng gawa ni Cristo at ng Espiritu na nananahan sa atin, we must act like saints. Ibig sabihin, anumang karumihan na nasa puso at katawan natin na siyang templo ng Espiritu ay dapat nating alisin, walisin, itapon, sunugin, at ‘wag nang balikan pa. Ang magpatuloy na mamuhay sa karumihan ng pag-iisip at damdamin ay improper, hindi angkop, taliwas sa kung sino na tayo sa pakikipag-isa kay Cristo. Ito ang dahilan kung bakit pina-practice natin ang church discipline at sinasabi sa nagpapatuloy sa kasalanan, “Ang ginagawa mo ay hindi angkop sa isang nagsasabi at nagpapakilalang siya’y Kristiyano—anak ng Diyos, tagasunod ni Cristo, templo ng Espiritu. Now, act like one.”

2. Maruming pananalita (v. 4)

Ang ikalawang karumihan naman na dapat nating itakwil at talikuran ay maruming pananalita. Nagbigay siya ng tatlo ulit na halimbawa sa verse 4: “Let there be no filthiness nor foolish talk nor crude joking.” Ang point: anumang pananalita na marumi, at unloving dahil hindi ito nakakabuti sa taong nakakarinig, ay dapat nating talikuran na. Ang una ay “filthiness,” na maaaring tumukoy sa bastos na salita, nakakainsultong salita, nakakahiyang pananalita, o mga salitang hindi naaayon sa katotohanan. Ang ikalawa ay “foolish talk,” salita ng mga hangal, mga salitang hindi nanggagaling sa karunungan ng salita ng Diyos, o taliwas sa pamamaraan ng Diyos. Kapag nagbabahagi tayo ng mga opinyon o ideya natin na hindi naman talaga makakabuti sa iba. Kapag may isang may problema sa asawa, tapos sabihin mo agad, “Hiwalayan mo na ‘yan!” Foolish talk ‘yan.

Ang ikatlo ay “crude joking,” mga salitang kahit nagbibiro ka lang ay wala naman sa lugar, nakakainsulto, nakaka-offend ng ibang tao. Tulad ng, “Lagi ka namang ganyan.” O kapag minamaliit na natin ang isang tao, pinagtatawanan, ginagawang tampulan ng mga biro na nagmamaliit sa kanya bilang nilikha din sa wangis ng Diyos, lalo pa kung kapatid natin kay Cristo na para bang wala nang paggalang o ibinababa natin ang dignidad na nararapat nating ibigay sa isang tulad natin na anak ng Diyos. Ang point: Mag-ingat tayo everytime we speak to one another. Dapat matutunan natin gamitin nang tama ang bibig natin, “to speak the truth in love to one another” (Eph 4:15). Yung pagsasalita na nanggagaling sa puso na nagmamahal sa kapatid natin at iniisip muna ang sasabihin o ipopost o irereply sa message kung ito ba ang mga salitang makakabuti, makaka-encourage, makakatulong, makaka-sanctify sa kapatid natin.

Tulad sa verse 3, nagbanggit din siya dito ng dahilan kung bakit hindi dapat ang mga ganun: “which are out of place.” Ang dahilan na binanggit ni Pablo kung bakit dapat na mawala ang maruming pananalita sa atin ay ito: ang mga ito ay out of place, wala sa lugar, hindi dapat lumalabas sa bibig natin. Kapag nakarinig ka ng nagmura o sumigaw sa isang Bible study group, alam mo agad na yun ay wala sa lugar. Gayundin ang mga salitang unloving, wala rin sa lugar, at hindi kabilang sa buhay ng mga taong lumalakad sa daan ng pag-ibig.

3. Paano mangyayari? Dapat itong palitan ng pagpapasalamat (v. 4).

Dapat talikuran ang anumang karumihan: maruming pagnanasa at maruming pananalita. Paano mangyayari ‘yan? Dapat palitan ng pagpapasalamat: “but instead let there be thanksgiving.” Ito ang dapat nating ipalit sa masamang pagnanasa sa puso natin at masamang pananalita, ang puso at ngusong palaging nagpapasalamat. Ito rin ang solusyon para malabanan natin ang mga kasalanang nabanggit. Kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos sa asawang ipinagkaloob niya (gaano man ka-imperfect at work in progress pa rin, na tulad din naman natin), maiiwasan nating maghanap ng iba. Kapag nagpapasalamat ka sa Diyos sa buhay mo kahit single ka pa at walang asawa, you will not seek sex before marriage o manonood ng porn dahil satisfied ka sa relasyon mo kay Cristo. Kapag nagpapasalamat ka sa blessings ni Lord sa ‘yo, hindi ka maiinggit sa kung ano ang meron ang iba. “Thank you, Lord“ ang magiging bukambibig mo at hindi “Sana all!“ Kapag nagpapasalamat ka sa Diyos, hindi ka magsasalita ng kung anu-ano para lang ipagtanggol ang reputasyon mo kundi ipapaubaya mo sa Diyos ang lahat sa halip na saktan ang damdamin ng iba o gumawa ng mga baseless accusations para lang patunayan ang sarili mo. Kapag nagpapasalamat ka sa Diyos at secured ka sa identity mo kay Cristo, hindi mo kailangang maliitin ang iba para lang maitaas ang sarili mo. Kapag may nakita ka man na kapintasan ng iba, matututo ka rin na magpasalamat sa mga evidences ng grace ni Lord sa buhay ng kapatid mo kay Cristo. Pwede ring “grace” ang translation ng “thanksgiving.” Galing sa salitang eucharistia (“Say grace” ay pareho ng “say thanks”). Ang puso at ngusong nagpapasalamat sa Diyos ang mabisang panlaban sa anumang karumihan sa isip, damdamin, at pananalita natin. Ito rin ang makakatulong sa atin to grow in loving others like Christ.

Kaya nga pakinggan n’yo kung paano ito imodel ng mga tumatayo sa harap para maglead sa prayer of thanksgiving. Kaya nga samantalahin ninyo kung anyayahan kayo na magshare ng testimony kapag evening service, para macultivate yung thanksgiving sa heart ninyo. Kaya nga matuto tayo araw-araw na ipagpasalamat sa Diyos ang lahat ng mga blessings na natatanggap natin sa araw-araw, hindi lang sa prayer before meal!, kundi yung blessings of relationships, yung blessing na church family, pati yung blessing na dulot ng mga pagsubok na ipinapadala ng Diyos sa buhay natin.

C. Ang kaparusahan ng Diyos ay dapat katakutan (5:5–6)

1. Paano mangyayari? Ang kaparusahang darating ay dapat ding magtulak sa atin (v. 5).

Paano pa mangyayari na makakayanan nating talikuran ang mga kasalanang binanggit? Paano pa mangyayari na tayo ay lalago sa pagmamahal na tulad ni Cristo? Dito sa verses 5–6 ay nagbigay si Paul ng karagdagang motivation para matulungan tayo. Sabi niya sa simula, “For you may be sure of this…” Nagbibigay si Paul ng dahilan kung bakit hindi tayo dapat magpatuloy sa karumihan ng kasalanan kundi magpatuloy sa paglakad sa pag-ibig. Ang dahilan ay may kinalaman sa pagpaparusa ng Diyos, isang bagay na sinabi niyang alam na nila, sigurado sila, pero kailangang ipaalala. Nag-iindicate ito na ang pagbibigay ng babala o warning ay isa ring powerful motivation sa sanctification natin—dapat ding magtulak sa atin para lumago sa pagmamahal. Meron kasing isang popular na pastor noon na madalas kong napapakinggan na sinasabing all we need is the gospel na ibaon nang malalim sa puso natin para mag-grow tayo sa Christian life. Masarap pakinggan siyempre. At sinasabi ko rin naman palagi na kailangan talaga nating alalahanin palagi ang ginawa ni Cristo para sa atin, to preach the gospel to ourselves. ‘Yan din naman ang ginawa ni Paul sa verses 1–2, pati sa Eph 4:32. Pero hindi lang yung good news ng gospel ang kailangan natin para magtulak sa atin na sumunod sa Diyos at mag-grow sa pagmamahal sa iba. Kung sa mga nakakaraang preaching ko ay may nasasabi ako na ganyan, na posible kasi sa sobrang passion for the gospel, I apologize. Natutunan ko kay Kevin DeYoung (sa libro niya atang The Hole in Our Holiness) na gumagamit ang Diyos sa Bible ng iba’t ibang ways to motivate our hearts. Kasama yung mga rewards na ibibigay ng Diyos kapag sumunod tayo. Kasama rin yung mga warnings kapag magpapatuloy tayo sa kasalanan—yung serious consequences of disobedience. At kailangan ‘yan for us to be faithful sa sinasabi ng Bibliya. Ganyan naman din kasi ang ginagawa dito ni Paul. Nagbibigay siya ng warning sa mga nasa church sa Ephesus, hindi sa mga unbeliever, kundi sa mga professing Christians.

2. Babala: Hindi makakatanggap ng kaharian ng Diyos (v. 5).

Sino raw yung makakaranas ng parusang ito? “…that everyone who is sexually immoral or impure, or who is covetous (that is, an idolater).” Inulit lang dito ni Pablo yung tatlong kasalanan na dapat na nating talikuran. May dalawang kaibahan na kailangang makita natin. Yung una ay hindi lang basta kasalanan ang sinabi kundi pagsasalarawan sa tao. Ibig sabihin, ang warning na ito ay para sa sinumang nagpapatuloy sa ganitong kasalanan. Totoo na nakagagawa tayo ng ganitong kasalanan, pero totoo rin na kung tayo ay nakay Cristo, wala nang kahatulan sa atin (Rom 8:1). So, ang warning dito ay para sa mga nagsasabing Kristiyano sila pero walang repentance, na yung maruming pamumuhay ay lifestyle na nila, at nagiging at peace na sila sa kasalanan nila. Ibig sabihin, ang buhay nila ay walang pinagkaiba sa mga unbelievers. Ito ay warning sa sinumang nagpapatuloy sa kasalanan. Ang ikalawang kaibahan ay yung additional explanation para sa covetousness o greed. Na ang taong sakim ay nararapat ding matakot at ‘wag isiping lesser sin lang ang ginagawa niya kung ikukumpara sa iba. “Hindi naman ako nagnakaw, hindi naman ako nangalunya, nagkaroon lang ng masamang pagnanasa na makuha ang pag-aari o asawa ng iba.” Kaya sinabi ni Pablo na ang isang covetous person ay isang idolater o sumasamba sa diyus-diyosan. When you violate the tenth commandment, you are violating the first, “You shall have no other gods before me.” You are also violating the greatest commandment, “You shall love the Lord your God with all your heart.” Mabigat ang parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. At kung ‘yan ang nagka-characterize ng buhay mo, delikado ka.

Bakit? Kasi ang mga taong ‘yan ay ano daw? “…has no inheritance in the kingdom of Christ and God.” Hindi ito dito lang sinabi ni Pablo. Pareho din sa 1 Corinthians 6:9-10 at Galatians 5:19-21. Mas marami rin yung nakalistang kasalanan dun. Ano raw ang hindi tatanggapin ng mga taong nagpapatuloy sa kasalanan? Wala silang mana na tatanggapin sa kaharian ng Diyos. Kung ang ninanasa ng puso mo ay ang mga bagay sa mundong ito at hindi ang Diyos, makukuha mo kung ano ang gusto mo. Ibig sabihin, hindi mo matatanggap ang Diyos mismo—ang siyang kasiyahan at kayamanan natin na hindi mawawala sa atin magpakailanman. Kaharian ni Cristo at ng Diyos ang tinutukoy rito. At ito ay matatanggap ng sinumang si Cristo ang itinuturing na Hari at Panginoon. Pero kung ang buhay mo ay hindi nagpapasakop kay Cristo at hindi sumusunod sa mga utos niya, anong bahagi ang aasahan mo sa kaharian niya? Wala. Isa itong babala na dapat nating seryosohin. Hindi lang ito kapag sumunod ka “greater inheritance” ang tatanggapin mo, kung hindi “lesser” naman. No inheritance ang sabi ni Paul, this is heaven and hell issue.

3. Babala: Makakatanggap ng parusa ng Diyos (v. 6).

Kaya nga may paalala pa si Paul sa verse 6, “Let no one deceive you with empty words.” Sinabi ‘to ni Pablo dahil gusto niya na seryosohin natin ang warning na sinasabi niya. Madali kasi tayong ma-deceive ng sarili nating puso o ng sinasabi ng mga false teachers o ng payo ng iba, “Okay lang ‘yan. Tao lang. Nagkakamali. Don’t be too hard on yourself. Kung masaya ka naman sa ginagawa mo, sige lang. Naligtas ka naman sa biyaya ng Diyos, hindi sa gawa mo, so hindi na ganun kahalaga kung ano ang ginagawa mo ngayon.” ‘Yan ang halimbawa ng empty words, walang katuturan, walang katotohanan, mga salitang makagagaan siguro sa pakiramdam mo sa simula pero ikapapahamak mo.

Eto ang hindi empty words, hindi empty threats, sigurado ‘to: “…for because of these things the wrath of God comes upon the sons of disobedience.” Bakit? Dahil sa parusang tatanggapin ng mga “sons of disobedience.” Hindi lang ‘yan future judgment, present reality ‘yan, na ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanila (also Rom. 1:18; John 3:36). Again, ang tinutukoy dito ay way of life. Kung ang buhay mo ay tulad ng mga unbelievers, hindi mo pwedeng sabihing believer ka at ligtas ka. Ginamit din yung description na ‘to sa Ephesians 2:3, na tumutukoy sa mga unbelievers na patay spiritually, na lumalakad sa kasalanan, sumusunod sa takbo ng mundong ito, sumusunod sa kalooban ni Satanas (Eph 2:1-2). Yun ang dati nating pamumuhay kung nakay Cristo na tayo. Pero kung yun pa rin ang pamumuhay mo ngayon, ibig sabihin wala ka pa kay Cristo. At kung wala ka pa kay Cristo, poot ng Diyos ang tatanggapin mo dahil ikaw ay isa sa mga “children of wrath” (Eph 2:4). Ito yung dapat mong katakutan, ang pagbagsak ng poot ng Diyos sa kanyang pagpaparusa sa lahat ng sinumang ang pamumuhay ay taliwas sa kanyang kalooban.

‘Wag na ‘wag mong sasabihing okay lang na magpatuloy ka sa kasalanan at makakapiling mo pa rin ang Diyos sa langit balang araw. ‘Wag mong paniwalaan ang ganyang kasinungalingan. Matakot ka na ito ang kahinatnan ng buhay mo. Matakot tayo na ganito ang maging kahinatnan ng mga kasama natin sa church na hindi na nakikinig sa disiplina ng church. Matakot tayo na ganito ang kahihinatnan ng mga kaibigan at kamag-anak nating nagpapatuloy sa baluktot na pananaw ng pag-ibig.

Application: Paano nating matutulungan ang bawat isa sa paglago sa pag-ibig?

Ang buhay Kristiyano ay ang pamumuhay nang may paglago sa pag-ibig. Paano tayo lalago sa pagmamahal? Ang pagmamahal ng Diyos ay dapat nating tularan, at dapat ding magtulak sa atin para magpatuloy sa pagmamahal. Ang anumang karumihan ay dapat nating talikuran. Ang kaparusahan ng Diyos ay dapat nating katakutan, at dapat ding magtulak sa atin para magpatuloy sa pagmamahal. Hindi lang ito sa sarili mong paglago sa kabanalan. We have to realize na may responsibilidad tayo na tulungan ang bawat isa sa ganitong paglago, “to stir up one another to love and good works” (Heb. 10:24).

1. Evangelism

Siyempre, una na yung sa evangelism. May mga kakilala ka na hanggang ngayon ay mga wala kay Cristo at nagpapatuloy sa maling relasyon—may kinakasama na hindi niya asawa, may karelasyong kapwa lalaki o babae. Do you love them enough to tell them tungkol sa parating na parusa ng Diyos kung hindi sila magsisisi at sasampalataya kay Cristo? Do you love them enough to tell them tungkol sa tunay na pag-ibig na matatagpuan lamang sa relasyon kay Cristo?

2. Discipling

Sa responsibilidad din natin sa isa’t isa sa church. Meron tayong covenant na tulungan ang bawat isa. I-point out natin yung mga areas na kailangan pang mag-grow ng mga fellow members natin—kung paano sila lalago sa pagmamahal sa asawa, sa anak, sa paglilingkod sa church. Ipaalala natin sa bawat isa ang mabuting balita ni Cristo na siyang mag-uudyok sa atin na magmahal na tulad niya. At ipakita din natin ang halimbawa na dapat nilang tularan sa atin, at sabihin natin, “Follow my example kung paano magmahal as I follow the example of Christ kung paano siya magmahal.” Ang pagdi-disciple ay higit pa sa pagtuturo ng mga lessons, kundi kasama rin ang pagmomodelo kung paano magmahal na tulad ni Cristo.

3. Church Discipline

Sa church discipline naman, sa mga nahuhulog sa kasalanan at nagpapatuloy dito at ayaw magsisi, we must love them enough to tell them, “Kapatid, mahal kita, kaya sasabihin ko sa ‘yo na kung magpapatuloy ka sa kasalanan mo, hindi hihingi ng tawad sa Diyos, magmamatigas ang puso mo, at hindi tatalikuran ang kasalanang kinahuhumalingan mo, you are going to hell. Nakikiusap ako sa ‘yo, bitawan mo na ang kasalanang yakap-yakap mo ngayon, at lumapit ka kay Cristo. You will find new life in him, patatawarin ka, lilinisin ka, tatanggapin ka sa kanyang kaharian, at mapapasayo ang kagalakan at kayamanang walang makakaagaw na sinuman.” Ngayon, kung hindi pa rin sila makinig, we love them enough kaya tatanggalin natin sila sa membership ng church—tulad ng sabi ni Pablo na gawin sa member sa church sa Corinth na may kinakasama na hindi niya asawa (1 Cor. 5)—para hindi sila magpatuloy sa paniniwala sa kasinungalingang pwede kang manatiling Kristiyano at may katiyakan ng kaligtasan kung yakap-yakap mo pa rin ang kasalanan mo.

4. Prayer

At siyempre, prayer, kasi mare-realize natin na ang pagbabago ng puso para matuto tayo na magmahal na tulad ng Diyos ay isang bagay na imposible sa atin. We desperately need God’s help. Kaya nga sa halip na ma-frustrate tayo sa sarili nating paglago o ma-disappoint sa immaturity ng ibang mga members ng church tungkol dito, the more na luluhod tayo sa Diyos sa panalangin at hihingi ng tulong sa kanya. Kailangan nating ipanalangin ang bawat isa. When was the last time na pinag-pray mo ang sarili mong puso at ang puso ng kapatid mo kay Cristo, “Lord, tulungan mo po ako, tulungan mo po siya, na lumago sa pagmamahal na tulad ni Cristo”?

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply