Elder-led congregationalism, sa tingin ko, ang discipleship program ni Jesus.
Ang Unang Bahagi ng Discipleship Program ni Jesus: Ang Responsibilidad ng Congregation
Para maunawaan natin kung ano ang koneksyon ng elder-led congregationalism sa discipleship, kailangan nating tingnan ang dalawang bahagi nito. Ang unang bahagi—ang congregationalism—ay nire-require ka, ikaw na isang normal church member, na maging responsable sa iba pang mga church members. Ibinibigay sa iyo ang trabahong ito.
Para magawa mo ang trabaho mo, kailangang alam mo ang gospel. Kailangan mong aralin ang gospel. Kailangan mong protektahan ang ministry ng gospel sa iyong church. At kailangan mong magsumikap para sa paglago ng ministry ng gospel sa buhay ng mga kapwa-church members mo, at ng mga tao sa labas ng church. Sa ibang salita, dapat mong bantayan ang inyong church, panatilihin itong banal sa harap ng Diyos; kung paano dapat ang pagbabantay ni Adan sa hardin at ng mga pari ng Israel sa templo, upang panatilihin itong banal para sa Diyos.
Para lang malinaw, ipinapalagay kong ang pagkakaroon ng responsibilidad ay nanggagaling sa pagkakaroon ng authority o kapangyarihan. Hindi responsable ang isang tao na gawin ang isang bagay na wala naman siyang authority na gawin. Huwag mong sabihing may trabaho ako kung hindi mo naman ako bibigyan ng authority o kapangyarihan na gawin ang trabaho ko! Para ‘yang pagsasabi na linisin ko ang isang building kahit hindi naman ako binigyan ng susi ng building.
Ang pangunahing ipinapahayag ng congregationalism, sa gayon, ay mayroong authority ang gathered church dahil (una) hayag itong ibinigay o in-authorize ni Jesus at (pangalawa) ginawa niyang responsable ang bawat mananampalataya na ipahayag at protektahan ang kanyang gospel at ang kanyang gospel people.
Ang Ikalawang Bahagi ng Discipleship Program ni Jesus: Ang Pagsasanay ng mga Elders
Pero isipin natin ito: sino ang nagsasanay at naghahanda sa mga mananampalataya na gawin ang trabaho nila? Sino ang nagtuturo sa kanila ng gospel at kung paano ito ina-apply sa bawat aspeto ng buhay? Sino ang nagsasanay sa kanila na kilalanin ang tunay na pahayag ng pananampalataya at ng maling pahayag, upang mapanatili nila ang kabanalan ng church?
Ang mga pastor o elders!
At dito na papasok ang elder-led part ng discipleship program ni Jesus. Kailangan ng congregation na sanayin sila ng kanilang leaders para magawa nila ang kanilang trabaho. Pakinggan mo kung paano ito sinabi ni Pablo: “At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging . . . mga pastor at mga guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo” (Efeso 4:11–12, MBB). Ano’ng gawain ng mga pastor? Nagsasanay sila ng mga hinirang. Ano’ng gawain ng mga hinirang? Ang trabaho ng paglilingkod. At ang dalawang ito ay kumikilos nang magkasama:
Elder-led ——> Binibigyan ka ng training para sa trabaho
Congregationalism ——> Binibigyan ka ng trabaho
Ito ang kabuuan ng discipleship model ni Jesus. O kung sa konsepto ng math:
elder leadership + congregational rule = discipleship
Pagsamahin mo ang dalawang ito at nariyan na ang program ni Jesus para sa discipleship.
Inaalala ng mga tao na pagdating sa congregationalism, ipinapaubaya natin ang mga mahahalagang church decisions sa kamay ng mga immature members.
Totoo na kapag hindi sinanay ng mga pastors ang mga members, sila ay magiging immature at gagawa ng mga maling desisyon. Pero ito mismong katangian ng elder-led congregationalism—na hindi maaaring basta ipilit ng mga leaders ang gusto nila sa mga members, kahit pa sa mga immature na members—ang nagtutulak sa mga leaders na trabahuhin ang pagsasanay. Nire-require ng program ni Jesus ang mga leaders na magturo, magpaliwanag, maghanda, magpastol, at maghikayat ng mga members patungo sa maturity at kakayahan na magdesisyon nang mabuti. Ang mga members ay katulad ng baguhang driver na nagsasanay pa lang na magmaneho. Kailangan muna silang turuang mag-drive nang maingat! Huwag nating sisihin ang mga members sa maling pagmamaneho. Sisihin natin yung mga teachers.
Ang church na ibinibigay ang lahat ng authority o kapangyarihan sa leaders nila ay sumisira sa sarili nilang kultura ng pagdi-disciple. Kapag nawalan ng authority ang members, nababawasan din ang responsibilidad nila sa church. Unti-unti silang nababaling sa kawalan ng pakialam at pagiging kampante, at pagkatapos ay pagiging makamundo. Iniiwan nila ang church na kulang sa proteksyon.
Samantala, ang mga pastor na nagtatanggal ng authority mula sa congregation, sa kabaligtaran, ay nagtatanggal din ng isang aspeto ng kanilang leadership sa paggawa noon. Dapat ay nagsisikap silang sanayin ang mga church members na gamitin ang authority nang may maturity. Pero kung bibitawan ng mga pastor ang responsibilidad na ito, totoo na magiging mas madali ang trabaho nila, pero hindi sila nagiging mga leaders na ayon sa disenyo ng Diyos.
Ang biblical congregationalism ba ay demokrasya? Hindi, ito ay halo-halong government—may halong monarkiya (pamumuno ng isa), may halong oligarkiya (pamumuno ng iilan), at may halong demokrasya (pamumuno ng nakararami). Si Jesus ay Hari sa pamamagitan ng kanyang Salita; ang elders o mga pastor ay namumuno; at ang congregation naman ang may pasya sa huli pagdating sa mga importanteng usapin. At ito ang eksaktong dynamic ng isa, ng iilan, at ng nakararami na nagpapayaman sa kultura ng discipleship, at ito ang gumagabay sa mga immature members para maging mature.
Nakikita mo ba? Noong pinag-uusapan ni Jesus at ng mga apostol ang church government, hindi lang ito diskusyon ng mga proseso o mga pormalidad ng paggawa ng desisyon. Ang nasa pinakapuso nito ay ang usapin ng discipleship o ang pagtutulungan ng mga alagad na sumunod kay Cristo!
Salin ni Jheddilyn Rucio mula sa 9marks article ni Jonathan Leeman na Jesus’s Discipleship Program for Your Church. Si Jonathan Leeman ay elder sa Cheverly Baptist Church at president ng 9Marks.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

