Iba’t Ibang Pananaw tungkol sa Pagiging Kristiyano
Merong iba’t ibang pananaw tungkol sa pagiging Kristiyano. Tingnan mo kung alin sa mga ito ang pinaniniwalaan mo. Yung iba, basta nagsisimba kahit paminsan-minsan, yun na yun. O kahit nga hindi na pumupunta sa church, basta nag-pray naman daw siya na tanggapin si Cristo. Basta umiiwas sa mga malalaking kasalanan. Okay na yun, basta sa langit naman daw siya mapupunta. Para sa kanila, optional ang paglago. We are saved by grace naman, not by works. Totoo naman, sabi ‘yan sa Ephesians 2:8-9. Kaso, dapat ipaalala sa kanila na ang gospel na makapangyarihang nagligtas sa atin ay ang gospel din na may kapangyarihang bumago sa buhay natin. Yun naman ang nakasulat sa verse 10. We are saved hindi sa pamamagitan ng mabuting gawa; we are saved para sa mabuting gawa. So, hindi pwedeng walang paglago. Hindi pwedeng walang bunga.
Yung iba concerned naman sa paglago, pero more on intellectual lang. Yes, mahalaga ang Bible reading, para lumago tayo sa kaalaman tungkol kay Cristo (2 Pet. 3:18). Mas nagiging malalim sa mga biblical doctrines, sa theology, okay ‘yan siyempre, kailangan ‘yan. Pero hindi pwedeng doon lang. Kaya nga sa Ephesians 1-3 sumisid tayo nang malalim sa pag-aaral sa kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa atin at sa kayamanang meron tayo sa pakikipag-isa kay Cristo. Pero pagdating sa chapter 4, concerned si Paul kung paano natin ipapamuhay yung pinaniniwalaan natin. “To walk in a manner” na karapat-dapat sa pagkakatawag ng Diyos sa atin sa kaligtasan (Eph. 4:1). Tamang doktrina at tamang pamumuhay. Kapag lumalalim sa doktrina, dapat lumalago tayo sa humility, gentleness, patience, love, unity (Eph. 4:2-3). Kahit sa first half pa lang, meron nang indications na concerned ang Diyos sa paglago natin: “that we should be holy and blameless” (1:4). Kaya nga dalawang beses siyang nag-pray para sa kanila (1:15-23; 3:14-21) para sila lumago sa pagkakilala sa Diyos at tumibay ang kanilang pananampalataya. Kasi ang church ay hindi pa finished project, lumalago pa, patuloy pang itinatayo (2:21-22).
Yung iba naman, sobrang focused sa kung ano ang mga gagawin nila para lumago, at sinasabing hindi na mahalaga ang theology. Pero maging sa mga sections na ‘to (chapters 4-6) about the Christian life, sinisigurado ni Pablo na nakakabit pa rin sa tamang paniniwala. Bakit kailangang magkaisa ang church? Dahil sa theological reality na ‘to: merong one body, one Spirit, one hope, one Lord, one faith, one baptism, one God (4:4-6). Mahalaga ‘to, tulad nga ng sabi ni Frank Thielman: “Hindi pa tapos ang gusali o katawan, at kailangan ang pagsisikap ng bawat mananampalataya para ito’y matapos. Pero ang lakas para magawa ito ay hindi galing sa sariling kakayahan, kundi regalo mula kay Cristo na nagtagumpay at umakyat sa langit” (Ephesians, 262).
‘Yan din naman ang natutunan natin sa sermon last week, sa verses 7-14, na kailangan natin si Cristo at ang church na katawan ni Cristo. Kasama talaga yung verses 15-16 pero sinabi ko kay Ptr. Jared na ako na bahala dun. Maganda kasi na mag-focus tayo sa dalawang verses na ‘to na merong specific emphasis sa paglagong Kristiyano in general, at magandang transition ito sa mga specific areas ng Christian life na pag-uusapan natin sa mga susunod pa. Heto ang sabi ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ni apostol Pablo sa tekstong ito:
Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig. (MBB)
Anim na tanong ang sasagutin natin mula sa tekstong ito.
1. Ano ang mangyayari kung hindi tayo lalago?
Una, ano ang mangyayari kung hindi tayo lalago? Wala sa text natin ang sagot, pero implied dun sa simula ng verse 15, “Sa halip…”, na nagkokonekta sa nauna, sa verse 14. Kung verses 15-16 ay tungkol sa paglago, yung verse 14 naman ay yung ayaw ng Diyos na mangyari sa atin. At ganito ang mangyayari kung hindi ka lalago. Hindi pwedeng neutral o stagnant lang. Sa sasakyan pwede, abante, neutral, o atras. Pero sa totoong buhay, either you’re growing or not, hindi pwedeng neutral. Kung hindi tayo lalago, i-paraphrase ko yung verse 14 para makita natin na ganito ang mangyayari sa atin kung wala tayong concern sa paglago, “Sa gayon, magiging tulad tayo sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Maililigaw tayo ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang.”
Madadala tayo sa mga maling katuruan, kasinungalingan ang paniniwalaan natin, madadala tayo sa maling daan, tutulad tayo sa mga tao sa mundong ito, ng “mga hindi sumasampalataya.” Na isinalarawan ni Pablo na “walang kabuluhan ang kanilang pag-iisip, at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos” (vv. 17-18). Ganyan ba ang gusto mong kahinatnan ng buhay mo? Yung “pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa” (v. 22)?
Ganito ang mangyayari sa atin kung hindi tayo lalago. Dapat tayong maging concerned sa sarili nating paglago dahil hindi maganda ang alternative. Either you grow or you die. Kapag hindi ka lumalago, ibig sabihin, wala kang buhay, wala sa ‘yo si Cristo, wala sa ‘yo ang Espiritu, hindi mo talaga pinaniniwalaan ang mabuting balita ni Cristo. Yes, may mga pagkakataon sa buhay Kristiyano natin na parang stagnant ang paglago natin, o parang wala masyadong nangyayaring pagbabago, pero hindi pwedeng manatili sa ganun. Hindi pwedeng walang anumang bunga ang sinasabi mong pananampalatayang meron ka. Kapag walang nakikitang bunga ng Espiritu sa buhay mo, maaaring wala ang Espiritu sa ‘yo.
Ganun din naman, dapat maging concerned din tayo hindi lang sa sarili nating paglago, kundi para sa paglago rin ng mga kapatid natin sa Panginoon. Kung mahal natin sila, kung ayaw natin silang mapahamak, kung gusto natin at ipinapanalangin natin kung ano ang makakabuti sa kanila. Sabi nga ni Mark Dever, “Ang isang healthy church ay nailalarawan sa pagkakaroon ng mga miyembro na may seryosong concern para sa kanilang espirituwal na paglago. Sa isang healthy church, nais ng mga tao na maging mas mahusay sa pagsunod kay Jesu-Cristo” (Siyam na Marka ng Healthy Church, 219).
2. Ano ang paglagong Kristiyano?
Dahil diyan, mahalagang itanong natin kasunod, ano ba ang paglagong Kristiyano? Baka kasi isipin ng iba basta maraming tao sa church, maganda ang facilities, malaki ang budget, maraming mga programa at activities ay lumalago na ang church at mga members nito. Baka kasi isipin mo na dahil active ka sa church at sa mga ministries nito ay growing ka na as a Christian. Pwedeng oo, pero pwede ring hindi. Baka busy Christian ka lang at hindi growing Christian.
Ano ba ang paglagong Kristiyano? “Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat.” Yun ang paglago, ang pagiging “lubos na katulad ni Cristo.” Siyempre, wala naman sa atin ang lubos o perfectly katulad ni Cristo, pero doon tayo papunta. Sabi sa ESV, “we are to grow up in every way into him who is the head, into Christ.” “We are to grow up…” Tayong lahat na mga Kristiyano ‘yan, hindi lang si Paul at ang ibang mga church leaders, kundi lahat. Expected sa lahat ng Kristiyano na lumalago. That is normal Christian life. Hindi naman perfection ang pinag-uusapan dito, pero yung progressive sanctification. Sa simula ng pagiging Kristiyano, araw-araw may nababago. Parang isang halaman, na nagsimula sa maliit na binhi, hanggang unti-unti ay lumalaki. Parang isang bata, mula sa pagiging maliit na sanggol, hanggang maging bata, hanggang maging kabataan, hanggang sa maturity sa pagtanda. Merong growth.
Hindi lang basta growth, “We are to grow up in every way.” Nagpapakita ito na ang espirituwal na paglago ay hindi lang sa iilang bahagi ng buhay natin. Hangga’t may natitira pang kasalanan, patuloy tayong lumalaban para patayin ito. Hangga’t meron pang mga natitirang idols sa puso natin, patuloy na kailangan ang pagbabago sa puso natin. Hangga’t may mga bahagi ng buhay natin o relationships natin na we are still acting not like Christ, merong kailangang baguhin.
Ang paglagong Kristiyano ay paglago kay Cristo, meron palaging koneksyon kay Cristo, hindi pwedeng wala. “We are to grow up in every way into him who is the head, into Christ.” Hindi pwedeng walang koneksyon kay Cristo ang paglago natin. Siya nga ang ulo, tayo ang katawan. So, ibig sabihin siya ang nangunguna. Yun ang ibig sabihin ng ulo, pangulo. He leads, we follow. Siya ang Panginoon, tayo ay nakapailalim sa kanya. Si Cristo ang ating propeta at tagapagturo, tayo ay nakikinig sa sasabihin niya; si Cristo ang punong pari, tayo ay nagtitiwala na kailangan natin siya at sapat ang ginawa niya para mailapit tayo sa Diyos; si Cristo ang ating Hari, tayo ay sumusunod at nagpapasakop sa kanya.
Pero meron pang higit na sinasabi sa talatang ito. “We are to grow up in every way into him who is the head, into Christ.” Tayong mga Kristiyano ay nakay Cristo na, in union with Christ simula nang tayo ay sumampalataya kay Cristo. Bagamat tama naman ang salin sa Tagalog na tayo’y maging katulad ni Cristo, na-miss lang yung essence ng kaugnayan nito sa pakikipag-isa natin kay Cristo. So, kung tayo ay nakay Cristo na, ang ibig sabihin ng paglago kay Cristo ay yung buhay na mas lumalalim ang koneksyon kay Cristo, yung mas nakikilala siya, yung mas nagtitiwala sa kanya, yung growing dependence on Christ, yung higit na nare-realize natin na wala talaga tayong magagawa kung tayo ay nakahiwalay kay Cristo. Ito yung growing in spiritual maturity na tinukoy ni Paul sa verse 13, “hanggang makarating tayo…sa pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo.”
Kung ito ang ibig sabihin ng paglagong Kristiyano, ganito natin ie-evaluate ang sarili natin at ang mga kapatid natin na dini-disciple natin. Mas lumalago tayo sa buhay Kristiyano habang mas lumalalim tayo kay Cristo. Mas lumalalim ba ang pagkakilala ko kay Cristo? Mas lumalalim ba ang pagtitiwala ko kay Cristo? Mas mas lumalalim ba ang pagmamahal ko kay Cristo? Mas lumalalim ba ang commitment ko sa pagsunod kay Cristo? Mas lalo ba akong nagiging katulad ni Cristo sa pagmamahal ko sa ibang tao, sa pagpapatawad, sa pagpapakumbaba, sa pagtitiis, sa kahinahunan, sa pagpipigil sa sarili?
3. Gaano kahalaga si Cristo sa paglagong Kristiyano?
Kung malinaw sa atin ang sagot sa ikalawang tanong, Ano ang paglagong Kristiyano?, mas magiging madaling sagutin ang susunod, Gaano kahalaga si Cristo sa paglagong Kristiyano? Mahalaga, napakahalaga. Christ is everything to us sa paglagong Kristiyano. Kung wala si Cristo, walang paglagong mangyayari. Verse 16, “Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.”
Walang buhay kung wala si Cristo. Walang paglago kung hindi nakakabit kay Cristo. Sa pamamagitan ni Cristo, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng katawan. Magkakaiba tayo, pero merong iisang pananampalataya (v. 5), merong unity of the faith (v. 12), dahil kay Cristo na siyang nagbubuklod sa atin. Tumitibay ang church dahil kay Cristo na nagpapalakas dito. Ito pa ang isang ibig sabihin na si Cristo ang ulo ng katawan. Hindi lang yung sense ng pagiging pangulo o leader na may authority over us. Ito rin ay may kinalaman sa pagiging source o pinagmulan ng buhay at lakas natin. Sinabi niyang, “I will build my church,” so hindi titibay at lalago ang church kung hindi dahil kay Cristo. Si Cristo rin ang nagbibigay ng kailangan ng church—mga regalo niya sa atin. “Ang bawat isa sa ati’y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo” (v. 7). At kasama sa mga regalong ibinigay niya ay ang mga church leaders to equip the church (v. 11).
So, don’t expect growth to happen kung ikaw ay disconnected kay Cristo. Napag-aralan na natin ‘yan sa chapter 2, kung saan tinukoy si Cristo na cornerstone (2:20), na kapag tinanggal mo sa church at sa buhay mo, guguho ang lahat. “Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu” (vv. 21-22). Ganun din sa pagiging ulo ni Cristo. Tanggalin mo ang ulo, patay. Tanggalin mo si Cristo sa church at sa buhay mo, hindi ka lang hindi lalago, patay ka. Si Cristo ang “Ulo, na sa kanya’y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos” (Col. 2:19 AB).
Kung ganito kahalaga si Cristo sa paglagong Kristiyano, merong malaking implikasyon ito sa inyo na hanggang ngayon ay wala pa kay Cristo, hindi pa talaga Kristiyano. Gustuhin mo man na magkaroon ng pagbabago sa relasyon mo sa asawa mo, sa mga anak mo, o sa ibang tao, at mapaglabanan ang mga kasalanan mo, imposibleng lahat ‘yan kung hiwalay ka kay Cristo. Outwardly, pwedeng mabago ang ugali mo, maiwasan mo ang mga bisyo mo, maging mas mabait ka, pero walang inward change, walang tunay na pagbabago hangga’t wala sa ‘yo si Cristo. Walang tunay na paglago at pagbabago kung walang genuine conversion. So, pagsisihan mo ang mga kasalanan mo, humingi ng tawad sa Diyos, at magtiwala kay Cristo na siyang nagbayad ng mga kasalanan mo sa kanyang kamatayan sa krus. Makipag-usap ka sa ibang miyembro ng church na ‘to kung gusto mong mas makilala pa si Cristo at kung paano mamuhay bilang Kristiyano.
Para naman sa inyo na mga Kristiyano na, bago man o matagal na: Kung may mga frustrations ka ngayon dahil parang stuck ka sa espirituwal na paglago, baka yun ay dahil sinisikap mo na gawin ito sa sariling lakas mo. Akala mo makukuha mo ‘to sa effort mo. Tamang may effort na kailangang gawin, pero make sure na ito ay ang gawin mo ang lahat ng magagawa mo para lumalim kay Cristo, para mas lumalim ang pagkakilala mo sa kanya, para mas uminit ang puso mo sa pagmamahal sa kanya. Paano mangyayari ‘yan kung hindi ka nagbababad sa salita ni Cristo? Paano mangyayari yun kung hindi ka naglalaan ng oras para makinig sa kanya, at kausapin siya, at i-enjoy ang relasyon sa kanya?
4. Gaano kahalaga ang church sa paglagong Kristiyano?
Totoo na napakahalaga ni Cristo para sa ating paglago. Kailangan natin siya absolutely. Pero pwedeng ma-misinterpret ito ng iba: “Si Cristo lang ang kailangan ko. Hindi ko na kailangan ang ibang tao. Hindi ko na kailangan ang church.” Dito may malaking pagkukulang yung children’s song na, “Read your Bible, pray everyday, and you grow, grow, grow.” Siyempre, mahalaga ang Bible reading and prayer. Kasali ‘yan sa ordinary means of grace na ginagamit ng Diyos para sa paglago natin, kapag naglalaan tayo ng pansariling panahon sa mga spiritual disciplines na ‘yan. Pero hindi pwedeng yun lang. Bakit? Paano mo maia-apply yung mga utos ng Diyos na “one anothers”3—love one another, submit to one another, encourage one another, etc.? Paano ka matutulungan ng iba sa paglago kung walang church? Paano ka makakatulong sa iba sa paglago kung walang church?
So, gaano kahalaga ang church sa paglagong Kristiyano? Prayer ko na masagot n’yo ‘yan at ang sagot ay hindi optional ang church, kundi essential, mahalagang-mahalaga sa paglagong Kristiyano. Kasi, kung nakakabit tayo kay Cristo, at habang lumalalim ang relasyon natin sa kanya, kasabay naman nito ay mas nagiging konektado tayo sa isa’t isa sa church. Read again verse 16, “Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.” Madalas kapag pinag-uusapan ang spiritual growth, nagiging personal ang focus. Pero dito, ang lenggwahe ay corporate, panglahatan, “buong katawan,” ibig sabihin, ang church. Yung “pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan” ay “joined and held together by every joint.” Ang point, walang bahagi ng katawan ang nakahiwalay sa katawan o sa iba pang bahagi nito. Lahat nakakabit. Nakakakita ka na ba ng paa na nakahiwalay sa katawan at nakakalakad? O ng kamay na hiwalay sa katawan at fully functional? So, paano mo ngayon masasabi na pwedeng ang isang Kristiyano ay lalago kung nakahiwalay siya sa church? Ang itinalaga ng Diyos na normal at ordinaryong paraan sa paglago ng isang Kristiyano ay nakakabit sa church.
Kung ganun, kung Kristiyano ka, ang una mong dapat gawin ay maghanap ng church kung saan makokonekta ka bilang isang miyembro. We have membership classes simula na mamaya para mas malaman n’yo pa kung ano ang pagiging miyembro at kung paano maging miyembro. At isang bagay na matututunan natin sa membership ay ito: may trabaho ang bawat miyembro. Sabi nga ni Jonathan Leeman, sa pagiging miyembro, you are not joining a church, you are applying for a job. Sinabi rin ‘yan ni Pablo sa verse 16, na lalago ang church at ang mga miyembro nito “kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi.”
Ang church natin ay merong mga pastors/elders. Ang tungkulin namin ay ituro sa inyo ang salita ng Diyos, ipanalangin kayo, akayin at gabayan ang church sa direksyon na nais ng Diyos para dito. Kami lang ba? Di ba’t ang trabaho nga namin ay “ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod” (v. 12)? Kaya meron din tayong mga deacons na siyang nangangasiwa sa iba’t ibang ministeryo ng church, especially yung pagsasaayos ng mga pisikal na aspeto ng church, para suportahan ang mga elders at makapag-focus sa spiritual leadership sa church. Elders at deacons lang ba? Hindi. Ang trabaho namin ay hikayatin at sanayin ang bawat miyembro para sa ministry. May trabaho ang bawat miyembro. Ang mga elders ang nangunguna sa ministeryo. Ang mga deacons ang nagfa-facilitate ng ministry. Ang lahat ng members ang gumagawa sa ministry. Oh, how we long for that day na seseryosohin ng bawat miyembro ang trabaho nila. Anong trabaho? Nakasulat ‘yan sa church covenant natin. Basahin n’yo ulit. I-assess n’yo ang sarili n’yo. Dyan nakasulat ang job description ng bawat miyembro.
5. Ano ang layunin natin bilang mga miyembro ng church?
Kung bawat miyembro ay ginagawa ang tungkulin o trabaho nito, ano ang mangyayari sa church? “…lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig” (v. 16). Ito ang sagot sa ikalimang tanong, Ano ang layunin natin bilang mga miyembro ng church? Ang mas lumago ang church, ang mas tumibay ang church. Sinabi na ‘yan sa verse 12, “upang maging matatag ang katawan ni Cristo.” Nag-eexercise ka (sana!), tumatakbo, nagpapapawis, nagbubuhat ng weights, nagpi-physical training para ano? Hindi para magpa-impress, hindi para magpost lang sa Facebook, kundi para maging physically fit. Fit for what? Fit para magawa kung ano ang gusto ng Diyos na gawin natin. Ganun din sa church bilang katawan ni Cristo. Magsasanay tayo para maging spiritually fit ang church, fit na gawin kung ano ang nais ng Diyos na gawin ng church. Yun ang goal: to build up the body of Christ.
Ibig sabihin, dapat mong tanungin ang sarili mo: Bakit nandito ka sa church? Kasi andito ang mga kaibigan mo? Kasi palaging may kainan? Kasi masaya? Tama naman na may personal benefits sa atin ang pagiging member ng church. Pero kung may trabaho ang bawat miyembro, hindi ba’t dapat na magkaroon tayo ng mas mataas na layunin kung bakit nandito tayo sa church? Hindi ba’t dapat nating isaisip, i-set yung minds natin, na pupunta tayo sa church, makikibahagi tayo sa mga pagtitipon, tutulong tayo sa iba’t ibang ministries sa layuning ito: para lumago at para tumibay ang church, ang katawan ni Cristo. At kung yun ang layunin natin, hindi ba’t para rin ‘yan sa ikabubuti natin? Dahil kapag lumalago ang church, kasama ka na lumalago dahil miyembro ka ng church. At kung may pupunahin ka man sa church, ibig sabihin, gusto mong sa ganitong bahagi ay mas lumago ang church, ano ngayon ang gagawin mo? Siyempre, ipagpe-pray mo ‘yan sa Panginoon. Tapos ano pa? Kakausapin mo ang mga church leaders tungkol diyan. Tapos ano pa? Ah, may gagawin ka siyempre, hindi pwedeng wala. Hindi pwedeng puna ka lang ng puna. Hindi pwedeng yung iba lang ang may gagawing trabaho at yung iba lang ang may pagkukulang kung magkaproblema. May bahagi tayong lahat. Kaya mahalaga yung panghuling tanong.
6. Ano ang kailangan nating gawin para sama-sama tayo sa paglago?
Ano ngayon ang gagawin natin? Ano ang trabaho natin? Nabanggit ko na kanina na nakasulat ‘yan sa church covenant natin. Wala tayong panahon para isa-isahin yun. Check n’yo yung sermon series natin dati na “Life Together,” inisa-isa natin diyan ang bawat commitment na dapat meron ang isang member. Pero ngayon, tingnan natin yung nakalagay sa text natin. Balikan natin yung nilaktawan ko sa verse 15, “Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig…” ‘Yan daw ang kailangan nating gawin para lumago tayo kay Cristo, para lumago ang buong church, para mas maging matibay ang pagkakaisa natin bilang katawan ni Cristo. Again, makikita natin dito yung kahalagahan ng church. Paano mo naman gagawin yung “speaking the truth” nang mag-isa? We speak the truth sa mga kapatid natin kay Cristo sa church.
Ano ang ibig sabihin nito? Hindi lang ito pagsasabi ng napapansin nating “totoo” sa kapatid natin, “Uy, ang taba-taba mo na ngayon ah!” O kaya ay pagsasabi ng sa tingin natin ay totoo sa isang kapatid natin, pero posible namang hindi totoo dahil marami naman tayong mga bagay na hindi alam talaga. Karaniwan ay nakadepende lang tayo sa sinasabi ng ibang tao at hindi rin naman natin alam kung ano ang nasa puso ng isang tao. So, yung “katotohanan” na sasabihin natin sa iba ay yung katotohang sigurado tayong totoo, ito yung katotohanan tungkol sa mabuting balita ni Cristo—tungkol sa kung sino ang Diyos, tungkol sa kung sino ang tao at ano ang problema ng tao sa kasalanan, kung sino si Cristo at kung ano ang ginawa niya para sa atin, at kung ano ang dapat nating maging tugon kay Cristo, sa pagtitiwala at pagsunod sa kanya. Ito yung “natutunan ninyo tungkol kay Cristo. Napakinggan ninyo ang aral ni Jesus at natutunan ninyo ang katotohanang nasa kanya” (vv. 20-21). Si Cristo ang katotohanan (John 14:6). So kung sinasabi mo ang “totoo” sa kapatid mo, “Heto ang ginawa mong kasalanan. Nasaktan mo kami,” pero hindi ka naman nagsalita tungkol kay Cristo, you are not yet speaking the truth sa kanya.
Kailangan nating maging fluent sa gospel. Fluent tayo sa Tagalog. Marami rin ang fluent sa English. Pero dapat maging goal nating lahat maging fluent sa gospel. Kaya nga kami na mga elders ninyo ay nagsisikap na sanayin kayo sa gospel fluency sa iba’t ibang paraan: sa preaching of the Word palagi n’yong maririnig ang gospel at paano ito nakakonekta sa tekstong pinag-aaralan natin at sa application nito sa buhay natin, sa public prayers maririnig n’yo rin ang gospel, kapag merong counseling sa mag-asawa o kahit anong problema tinitingnan natin kung paanong gospel ang solusyon diyan. Nagre-recommend din kami ng mga books na pwede n’yong basahin, mga librong saturated ng gospel. Sa pakikipag-usap ng mga elders sa mga members kapag na-schedule kayo sa one-on-one with your pastors, tatanungin namin kayo kung paano kayo lumalalim kay Cristo at sa gospel. Yung mga members natin na nagdi-disciple ng mga kabataan ngayon, “Following Jesus” ang pinag-aaralan. Yung first six lessons nun lahat tungkol kay Cristo at sa ginawa niya para sa atin. Gospel pa rin.
Kung member ka ng church, make sure na nandito ka every Sunday para palagi mong naririnig ang gospel—sa preaching, sa prayers, sa singing, sa Lord’s Supper, at kapag may baptism tayo, pati sa mga testimonies kapag evening service. Sa sermon discussion din, bumalik ka sa hapon para matuto ka na magsalita, or to retell kung ano ang natutunan mo sa sermon. Sa mga equipping classes ugaliin mo na dumalo. Make sure engage ka sa discipleship with others, sa isang small group man o sa grace community. Hindi lang nakikinig sa gospel, kundi natututo rin na bigkasin ang gospel sa iba. Kapag may fight club or accountability groups kayo, don’t just confess sins to one another, learn to speak the gospel to each other. Ang daming pagkakataon para masanay tayo na maging fluent sa gospel. Samantalahin natin ‘to. Paano ka matututo kung absent ka ng absent? Yung mga anak nga natin ayaw natin na nag-aabsent sila sa mga classes nila. So, kung gusto nating lumago, gawin natin ang lahat ng paraan to maximize our exposure sa gospel.
Kung dumating ang pagkakataon na we need to speak the truth sa kapatid natin dapat nakahanda tayo. Kailangan kasi nating matutong magmahal sa ganitong paraan. Hindi lang “speak the truth” ang sinabi dito kundi “speak the truth in love.” Pwede kasing nagsasalita tayo ng katotohanan pero unloving naman yung paraan. Paano? Kung concern lang tayo sa “truth” pero hindi naman tayo concern sa kung ano ang makakabuti sa kapatid natin, o para mapatunayan lang na tama ang sinasabi natin. Kung nagmamahal tayo, gusto natin ang makakabuti sa kapatid natin, kahit sa mga kapatid nating nagkasala laban sa atin. Ang hangad natin ay hindi maghiganti o parusahan sila kundi ang ipanalanging sila ay magsisi at mai-restore sa relasyon sa Panginoon. This is how we build up the church, “sa pamamagitan ng pag-ibig,” ‘yan ang nasa dulo ng text natin sa verse 16. We are growing as a church kapag natututo tayo na magmahal na katulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin.
At mas matututunan natin ‘to (sa kabila rin ng marami nating pagkukulang dito) kapag meron tayong mga kapatid na dinidisiplina dahil nagpapatuloy sila sa pagkakasala. Sa pagkakataong ito, ipinapaalala sa atin na magkakabit at hindi natin pwedeng paghiwalayin ang pagmamahal sa katotohanan. It is not loving kapag sinabi mo sa isang taong nasa sinful relationship (like same-sex or extramarital relationship): “Masaya ako para sa ‘yo, lalo na’t nakikita kong masaya ka sa karelasyon mo ngayon.” Rather, love says, “Kahit pakiramdam mo ay masaya ka ngayon, hindi mo talaga mararanasan ang tunay na kaligayahan sa isang relasyong taliwas sa kalooban ng Panginoon. Mapapahamak ka kapag magpapatuloy ka sa kasalanan (Rom. 8:12–13). Kay Cristo lamang—at sa pagsunod sa kanya—mararanasan mo ang tunay na buhay.” Oo, pwede siyang ma-offend, o masaktan sa sasabihin mo. Pero yun ang isang ibig sabihin ng “speaking the truth in love” to one another. Hindi ang pakiramdam mo o pakiramdam ng ibang tao ang pamantayan ng tunay na pag-ibig; ang pamantayan ay ang katotohanan ng salita ng Diyos. Love “does not rejoice at wrongdoing, but rejoices with the truth” (1 Cor. 13:6).
Conclusion: Ang Susunod na Hakbang para sa ‘Yo
Sa anim na tanong na sinagot natin I hope na nakita natin kung gaano kahalaga ang paglago sa buhay Kristiyano, kung gaano kahalaga si Cristo at ang church bilang katawan ni Cristo sa paglago natin, at kung ano ang dapat nating gawin para sama-sama tayong lumago bilang isang church. Bawat isa sa atin ay may susunod na hakbang, next step, na dapat gawin kung concerned talaga tayo sa paglago natin at ng church natin. Marami na akong mga nasabing mga specifics all throughout this sermon. Pero ngayon, maglaan ka ng oras para personal na sagutin yung tanong na ‘to, “Ano ang susunod na hakbang na gagawin mo?” Kung hindi ka pa Kristiyano, kung wala ka pa kay Cristo, kasama kayo na mga bata na naririto linggo-linggo, ano ang susunod na hakbang na gagawin mo? Kung sinasabi mong Kristiyano ka na, pero hindi ka pa miyembro ng church namin o kahit anong local church, ano ang susunod na hakbang ang gagawin mo? Para sa mga miyembro ng church, ano ang susunod na hakbang na gagawin mo?
Hindi pwedeng wala. Yung anak natin na grade 1 gusto natin maging grade 2 at after ilang years makapag-college na. Pero ikaw ba, kuntento ka na ba sa level ng spiritual growth mo ngayon? Bakit ganun? Ayaw mo bang mas makilala pa si Cristo? Ayaw mo bang mas lumalim ang relasyon mo kay Cristo? Ayaw mo bang mas mamangha sa kadakilaan ni Cristo? Remember, ang paglagong Kristiyano ay hindi unang-una tungkol sa hakbang na gagawin natin bilang Kristiyano, kundi ang mamasdan ang kagandahan ni Cristo at matikman ang katamisan ng kabutihan at pagmamahal ni Cristo. The more you see Christ, the more you grow, grow, grow.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

