Nitong mga nakaraang araw, halos nakahilata lang ako sa higaan. Madalang itong mangyari sa akin, dahil malusog at bente-syete pa lang ako. Pero may iniinda akong sakit sa ibabang bahagi ng aking likuran na sumusumpong paminsan-minsan. 

Kung ikukumpara sa ibang sakit, buti na lang at hindi ito malala. Hindi ito maihahambing sa cancer na kinakaharap ng isang miyembro sa church namin, o mga nakapanghihinang kundisyon na kinakalaban ng ibang mga kapatiran. Ngunit nakasagabal pa rin ito sa mga plano ko ngayong linggo. Kinailangan kong um-absent sa klase, ipagpaliban ang pagdiriwang ng anibersaryo naming mag-asawa, at magpahinga lang sa kama buong gabi imbes na makipaglaro sa mga anak ko. 

Sa lahat ng ito, tinuturuan ako ng Diyos ng mga lessons na hindi ko partikular na nais matutuhan. Tinuturuan niya ako na huwag ibunton ang frustration ko sa asawa ko sa pamamagitan ng masasakit na mga salita, huwag mag-alala sa mangyayari sa aking kundisyon sa mga susunod na dekada, at malaman kung gaano ako nakadepende sa kanya.

Hindi ko gustong matutuhan ang mga aral na ito ngayong linggo, pero alam ng Diyos na kailangan ko ang mga ito. Kumpyansa ako na iyon ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya ipinahintulot ang linggong ninanais ko. 

Minumungkahi ko na may aral dito para sa buhay sa church. Kung tahasan kong sasabihin, walang nakakakuha ng church na gusto nila.

Marahil wala kang dala-dalang checklist at clipboard kapag pumupunta ka ng church, pero lahat tayo ay may bitbit na want-list. Gusto mo siguro ng isang klase ng musika, isang natatanging karanasan sa pagsamba. Gusto mo siguro ng preacher na kayang sumuri ng masinsinan sa dalawang verses sa Romans. Pwedeng gusto mo ng charismatic, extroverted leaders na kayang kumonekta sa kahit sino at palaging alam kung ano ang sasabihin. 

Anuman ang nasa listahan mo, ito ang sigurado ako: hindi lahat ng nasa listahan mo ay nasa listahan ng Diyos. 

Ang ibig kong sabihin ay ito: may mga opinyon ka na lumalampas sa revealed will ng Diyos. Ang isang preacher na sobra kong nirerespeto ay kilala sa pagsasabi ng, “Wala akong opinyon, naniniwala lang ako sa Bibliya.” Gusto ko ang ganoong damdamin, pero imposible yun. Mas gusto mo bang kumain ng burger o beef caldereta? Mas gusto mo bang awitin ang “A Mighty Fortress” o “10,000 Reasons”? Anuman yun, mayroon kang opinyon, pero mahihirapan kang magbigay ng chapter at verse para roon. 

Ngunit may isa pang paliwanag kung bakit ang listahan mo para sa isang church ay hindi laging tugma sa nais ng Diyos: Ang Diyos ay nagpahayag ng kanyang kalooban para sa church mula sa Bible, pero walang church ang perpektong nakakasunod dito. Walang church ang kasinglago at kasingbanal ng kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol dito. Paminsan-minsan, maging ang kasabikang mapabilang sa isang maayos at lumalagong church ay makakaapekto sa ‘yo para mawalan ka ng pasensya sa mga immaturities at struggles ng inyong kongregasyon.

At ang Diyos ang nagpahayag kung ano ang church at ano ang dapat gawin nito. Ang mga churches ay dapat pangunahan ng ilang maka-Diyos na kalalakihan na magpapastol sa mga kawan at mangangaral ng Salita ng Diyos (1 Tim. 3:1-7; 2 Tim. 4:1-5). Ano’ng gagawin mo kung nasa church ka na isa lang ang elder? Maraming pwedeng isagot diyan, depende sa iba’t ibang sitwasyon. Ngunit isa sa nakalalamang na magandang sagot ay ito: ipakita mo sa mga responses mo ang pasensya na meron ang Diyos sa kanyang mga anak na imperfect. 

Kung kayang makapagpasensya ng Diyos sa kanyang mga anak sa kanilang kakulangan at kabiguang sumunod sa kanyang mga utos, kakayanin mo rin. Kung nasa leadership position ka, gamitin mo ang impluwensyang ito nang may kapakumbabaan at karunungan. Ngunit anuman ang gawin mo, huwag mong hayaang ang mabuting pagnanais mo na makasunod ang inyong church sa Bible ay mauwi sa frustration at bitterness. 

Walang sinuman—totoo ‘yan, walang sinuman—ang makakakuha ng church na gusto nila. Lahat tayo ay may kanya-kanyang opinyon, kagustuhan, o minsa’y paninindigan na hindi perpektong aakma sa mismong church. Kailangan nating lahat na unahin ang interes ng iba bago ang sarili nating interes, at isakripisyo ang kagustuhan natin alang-alang sa pangangailangan ng buong katawan. 

Sa isang banda, iyan ang buong punto ng buhay sa church. Ginawa ng Diyos ang mga bahagi ng katawan upang tugunan nito ang pangangailangan ng katawan (1 Cor. 12:12-27). Ginawa tayo ng Diyos na mga co-workers para sa ebanghelyo upang maisalarawan natin ang ebanghelyo sa paraan ng pagbibigay halaga sa iba bago ang ating sarili. Isinantabi ni Cristo ang kanyang karapatan upang makapaglingkod sa atin, at ganito ang iyong isinasagawa sa tuwing isinasakripisyo mo ang iyong pansariling kagustuhan alang-alang sa paglago ng church.

Ang unahin ang iba bago ang iyong sarili ay may kabayaran. Sa isang kulturang babad sa consumerism, at sa mga lugar na hindi mauubos ang church na pagpipilian, ang huling bagay na pangkaraniwan nating gagawin ay ang isakripisyo ang ating personal na kagustuhan. Ngunit ito ang tiyak na ipinapagawa sa atin ng ebanghelyo. 

Sabihin na nating kumakanta ang church mo ng isang kantang hindi mo gusto. Okay naman ang lyrics, pero napapangiwi ka sa tugtog at tono. Imbes na patago kang ngumingisi, pagbulayan mo ito at kantahin nang buong puso. Malamang ay gusto ito ng ibang members ng church mo. Kaya naman i-encourage mo sila, maging sinuman sila, sa pamamagitan ng pag-awit ng partikular na himno o awiting espirituwal. 

Sanayin natin ang sarili natin na isantabi ang ating pansariling kagustuhan alang-alang sa ikabubuti ng buong katawan. Sanayin natin ang ating puso, isip, labi, at kamay na lumalakad sa landas ng ebanghelyo na may pagsasakripisyo para sa kapakinabangan ng iba. 

Maaaring hindi ibigay ng Diyos ang church na gusto mo, ngunit siya’y higit na may kakayahang magkaloob sa ‘yo ng church na kailangan mo. Kaya tumingin-tingin ka sa paligid mo. Baka nga ibinigay na niya.


Isinalin ni Jualee Concepcion mula sa 9Marks article ni Bobby Jamieson na Nobody Gets the Church They Want. Si Bobby Jamieson ang senior pastor ng Trinity Baptist Church sa Chapel Hill, North Carolina at author ng Healthy Church Study Guides.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply